Podcast: Download (Duration: 5:43 — 7.6MB)
PANALANGIN NG BAYAN
ENERO 4
Tinatawag ng Diyos ang kanyang mga pinili upang tuparin ang kanyang kalooban. Manalangin tayo nang buong pagtitiwala sa ating Ama sapagkat batid nating nais niyang mamagitan ang kanyang bayan para sa mundo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, tulungan Mo kaming tuparin ang iyong kalooban.
Ang mga lalaki at babaeng may pananampalataya nawa’y patuloy na tawagin ng Diyos upang maging mga tagapaglingkod sa ating lokal na simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating pamilya at mga kaibigan nawa’y lubos na tumugon sa tawag ng ating Binyag, at tanggapin ang biyaya na manatiling bukas sa tawag ng Diyos upang maglingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y patuloy na magtiyaga nang may pag-asa at pagtitiwala sa katapatan ng Diyos sa kanila habang hinahanap nila ang higit na malalim na kahulugan ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nalulumbay, at mga may karamdaman nawa’y maunawaan na natutupad ang gawain ng Diyos sa mga pangyayari sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magpahingalay sa kapayapaan sa Kaharian ng Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na lumikha sa amin, pinasasalamatan ka namin para sa mga biyaya sa araw na ito. Loobin mong makita sa aming mga buhay ang pagtitiwala namin sa iyo upang malaya kaming makatugon sa iyo nang buong-puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Enero 3, 2024
Biyernes, Enero 5, 2024 »
{ 4 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang ating pagdiriwang ng Pasko ay pagdiriwang ng kadakilaan ng Panginoong Diyos sa atin na siyang nagloob ng ating kaligtasan. Ang Ebanghelyo ay isang paanyaya ng pagsunod kay Kristo. Matapos ang pagpaparangal ni San Juan Bautista tungkol kay Hesus bilang Kordero ng Diyos, agad sumunod ang kanyang mga dating alagad sa Kristong ito. Tinanong sila ni Hesus kung ano ang hinahanap nila. Kaya tumugon ang mga alagad kung saan papunta siya. Kaya inaanyayahan niya sila na pumunta diyan upang makita nila. Ito ay isang paanyaya ng katapatan kay Kristo tuwing tayo’y sumusunod sa kanya. Bilang kanyang mga disipulo, tayong lahat ay inaanyayahang pumaroon sa kanyang presensiya upang makita natin ang hinahanap nating kasagutan. Kaya tayong hinihikayat matapos ang ating mga pagdiriwang ng Kapaskuhan at tayo’y nakakabalik na sa mga ordinaryong pamumuhay, nawa’y kilalanin natin ang presensiya ng Diyos sa ating mga mabubuting gawain. Nawa’y palagi tayong tumugon sa kanya upang bigyang saksi ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos.
1st reading – Upang tayo’y hindi malinlang ng kaaway o ng mundo, inemphasize ni Apostol San Juan ang karakter ng isang anak ng Diyos: ang taong gumagawa ng matuwid at umiibig sa kapwa ay anak ng Diyos. Ito ay katulad ng karakter ni Hesu-Kristo. Tandaan natin, si Hesus ay naparito sa daigdig na isang tao. Hindi Nawala sa kanya ang kanyang pagka-Diyos, ngunit naranasan nya ang mga nararanasan ng tao: kahirapan, gutom, uhaw, pangangailangan ng pag-aaruga ng kanyang mga magulang at ng ibang tao, pagtatakwil ng kaibigan, kaharasan, ginawa syang katawa-tawa sa harap ng kanyang mga kababayan, at marami pang iba. Sa kabila ng mga ito, patuloy pa rin syang namuhay ng matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos (pagkamatay sa Krus) at patuloy pa rin Nyang inibig ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng pagpapatawad sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Krus.
Tayo bilang mga taga-sunod ni Kristo, namumuhay pa ba tayo ng matuwid kapag nakaranas tayo ng kahirapan? Nagpapatawad pa ba tayo pag tayo’y sinaktan, inalipusta, binastos? Sa kabila ng hirap na dinaranas, inuuna pa rin ba natin ang Panginoon at nakakapagbigay pa ba tayo sa kapwa natin? Iniibig ba natin ang ating kapwa katulad ng pag-ibig ni Kristo sa atin? Ang sabi nga: mahirap sumunod sa mga tinatakda ng simbahan, ngunit mas mahirap na sumunod sa halimbawa ng pag-ibig at pagiging matuwid na ipinakita sa atin ng Panginoong Hesus. Nawa na sa taong ito, humingi tayo ng patnubay mula sa Diyos Espiritu Santo upang maipamalas natin sa ating kapwa ang nag-uumapaw na pag-ibig na ibinigay sa atin ng Panginoong Diyos, nang tayo’y makapamuhay katulad ng ginawa ng ating Panginoong Hesus at sumunod sa Kanyang mga yapak.
Gospel : Ang panahon ng Kapaskuhan ay naghahayag sa atin kung sino si Hesus. Sa ating pagbasa ng Mabuting Balita, inihayag ni San Juan Bautista, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na si Hesus ang “Kordero ng Diyos” (o “Lamb of God” sa wikang Ingles) na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan, ang Mesias. Naniwala ang dalawang disipulo ni San Juan Bautista na sina Andres at ang isa sa mga disipulo ay pinaniniwalaang si San Juan, at sila ay sumunod kay Hesus. Si Andres naman ay may kapatid na si Simon at siya’y ipinakilala niya kay Hesus.
Ang pagbasa na ating narinig ay nagpapahayag kung paano tayo dapat maka-relate kay Hesus: una ay ang pagkilala sa Kanya bilang ating Tagapagligtas at pangalawa ay ang pasunod sa Kanya, dahil Siya ang Panginoon. Itong dalawang steps na ito ay ipinakita sa atin ng dalawang disipulo na naniwala na si Hesus ang Tagapagligtas at dali-daling sumunod sa Kanya. Ang pagsunod kay Hesus ang indikasyon na kinikilala natin Sya, at ito rin ang indikasyon na tayo’y mga anak ng Diyos. At gaya ng hamon sa atin ng Unang Pagbasa, bilang mga tagasunod ni Kristo, mamuhay tayo ng matuwid at ibigin ang ating kapwa. At idagdag pa natin ang halimbawa na ipinakita ni San Andres sa atin, ang ipakilala si Hesus sa ibang tao lalo na sa ating mga mahal sa buhay.
Ang pagkakaroon ng relationship kay Hesus ay hindi nangangahulugang perpekto na agad ang ating buhay. Gaya ng mga apostol at mga banal na nauna sa atin, may mga paghihirap pa rin, may mga problema pa rin, may mga temptations pa rin, masasaktan pa rin tayo ng mga mahal natin sa buhay, at posibleng magkasala pa rin, dahil tayo’y nandito pa sa mundo. Ngunit ang mahalaga ay isinusuko natin kay Kristo ang lahat ng ito, dahil Siya ang Panginoon, Siya ay makapangyarihan, at dahil Siya ang Tagapagligtas na sa ati’y magliligtas sa panahong hindi natin kayang kalabanin ang kasalanan. Nawa ay piliin natin sumunod kay Kristo sa araw-araw at ipakilala si Hesus sa mga taong ating makakasalamuha especially sa ating mga mahal sa buhay.
Side note: Noong panahon ng Old Testament, nagpadala ang Diyos ng mga propeta upang ihayag ang mga utos Nya at bigyang babala ang mga Hudyo sa kanilang mga kasalanan, sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. May batas sa mga Hudyo na mag-alay sa Templo minsan isang taon ng unblemished na tupa, kalapati, ram o ibang hayop na itinakda ng batas depende sa laki ng kanilang mga kasalanan. Sa madaling salita, itinakda ng batas ng Diyos na magsakripisyo ang isang tao ng pinakamaganda at healthy nyang alaga na tupa o hayop upang mabayaran ang ating kasalanan. Ngunit hindi napapawi ng mga alay na ito ang mga kasalanan ng tao bagkus ay pinapaalala lang nito sa mga tao na sila’y nagkakasala sa bawat taon. (Heb.10:3). Dahil sa matindi at wagas na pag-ibig sa atin ng Panginoong Diyos, isinugo Nya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo ay iligtas mula sa kamatayan, at nararapat lamang na parangalan natin ang Panginoong Hesus bilang ating tagapaglistas at sundin ang kanyang mga turo. Napakagandang pagnilayan si Hesus bilang Kordero ng Diyos, kaya minumungkahi ko na basahin at pagnilayan natin ito sa iba pang pagkakataon.
PAGNINILAY
Tinatanong tayo ni Hesus: “ano ang hinahanap natin?” Sa panahong ito ng ating buhay ano ang kailangan o naisin natin? Marami sa atin ang magsasabi: ‘Wala kaming hinahanap. Sinusubukan lang naming mabuhay.’ Lahat tayo ay may mga pangangailangan at hangarin! Gusto ba natin ng mas maraming pera, katanyagan, o kapangyarihan? O nananabik ba tayo ng kapayapaan, pag-asa, o katiwasayan? Napagtanto natin na gusto natin na ang ating buhay ay higit pa sa pagkakaron at paggastos, pagkain at pagtulog. Si Hesus ay nagtatanong tungkol sa ating mga hangarin upang matugunan Niya ito. Ano ang pinakamalalim na pananabik ng ating pusong hindi mapakali? Hinahayaan natin si Hesus na sabihin ang mga salitang, “Halika at tingnan mo” sa atin ng maraming beses, huminto sa bawat oras na sasabihin Niya ito upang marinig natin ang tono ng Kanyang tinig at ang ekspresyon ng Kanyang mukha. Madalas na kulang sa buong puso nating naririnig ang paanyaya ni Hesus na lumapit, upang gawin ang ating tahanan kasama Siya.
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming malaman kung sino Ka habang naglalakad kami kasama Mo araw-araw. Amen.
PAGNINILAY: Magandang Tanghali po sa inyong lahat! Noong panahong iyon, naroon uli si Juan at ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nakita niya si Hesus na nagdaraan, at kanyang sinabing, “Ito ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, at sumunod sila kay Hesus. Lumingon si Hesus at nang makitang sumusunod sila ay kanyang tinanong, “Ano ang hinahanap ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito’y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” ani Hesus. Sumama sila at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na yaon. Noo’y mag-iikaapat na ng hapon.