Linggo, Agosto 20, 2023

August 20, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Patnubay sa Misa

Tuwina tayong hinahamong magpakita ng pag-ibig ng Diyos sa lahat. Sa pagtatampok natin sa ganitong pag-ibig na panlahat bilang inspirasyon ng ating panalangin, dumulog tayo sa Ama nating lahat:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa Simbahan, ang pamilya ng Diyos sa lupa: Nawa pahalagahan niya ang lahat ng kultura at maging bukas siya sa pagtanggap ng kanilang tulong sa ikadadalisay at ikasusulong nila sa dakilang kaalaman sa Ebanghelyo. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, mga obispo natin, at mga pinuno ng lahat ng relihiyong Kristiyano: Nawa maging masunurin sila sa Espiritu Santong namamatnubay sa lahat tungo sa ibayong pagkakaisa ng pananalig at pagkilos. Manalangin tayo!

Para sa ating mga pinunong pampamahalaan at lahat ng nanunungkulan: Nawa magpakatapat sila sa kanilang sinumpaang paglilingkod sa lahat ng mamamayan nang walang itinatangi. Manalangin tayo!

Para sa ating mga pamayanan sa parokya at ating mga pamilya: Nawa pahalagahan natin ang pakikipag-unawaan sa ating kapwa at pagsikapan nating makatulong sa mga nangangailangan, gaya ng halimbawa ni Hesus. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: Nawa ang dakilang awa ng Panginoon para sa atin ang magtulak sa ating kaawaan ang ating kapwa sa lahat ng oras. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, bigyan Mo kami ng mga pusong mapagmahal na tulad ng sa Iyo, upang matanggap at mahalin namin ang bawat isa bilang kapatid, sa kabila ng ano mang pagkakaiba nila sa amin. Ikaw na nabubuhay at naghahari nang walang hanggan.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 27, 2020 at 4:42 pm

PAGNINILAY: Ang planong pangkaligtasan ng ating Panginoong Diyos ay hindi lang para sa mga Hudyo, kundi ito’y para sa lahat. Makikita natin ito sa Unang Pagbasa na kung saan sinasabi dito ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias na ang bawat tao ay dapat gumawa nang mabuti kahit ika’y Hudyo o Hentil, at sundin ang bawat utos na kanyang binigyan.

Ganun din sa Ikalawang Pagbasa, hinikayat tayo ni San Pablo na ipahayag at isabuhay ang kaligtasang ipinagkaloob ng Diyos sa atin para kahit ang mga Hudyo ay hindi naniniwala kay Kristo, maaari natin silang itawag sa ating pananampalataya.

At makikita natin dito sa ating Ebanghelyo ang isang pagtatagpo ni Hesus sa isang babaeng taga-Cananea. Itong babae ay lumapit sa kanya at humingi ng tulong upang ipalayas ang demonyong umaanib sa kanyang dalaga. Kaya siya’y tinawagan na “Anak ni David” ng isang hindi kalahi niya. Noong mga panahong iyon, ang paniniwala ng kaligtasan ay nakasalalay lamang sa mga Hudyo dahil mga Hentil ay tinaguriang mga pagano at mga tagalabas ng bayang pinili ng Diyos. Ngunit sa pagkakataong ito, sinubok ni Hesus ang pananampalataya ng babae. Kahit hiniling ng mga alagad na pagbigyan ang babae para siya’y umalis, sinabi ng Panginoon na naparito siya para sa mga nawawalang tupa ng Israel. Akala ng babae dahil si Kristo’y naparito lamang para sa kanyang sariling kababayan, ngunit patuloy siyang humingi ng tulong. At dito sinabi ni Hesus na hindi dapat kunin ang mga pagkain ng bata para pakainin sa mga aso, pero tugon ng babae na ang mga aso ay kumakain ng mga tirang pagkaing nahuhulog sa mesa ng kanilang mga amo. Ibig sabihin nito’y bilang Hentil, narinig niya ang mensahe ng Diyos ng kaligtasan at nabalitaan niya tungkol kay Hesus, kaya siya’y lumapit sa kanya para sa pagpapagaling ng kanyang anak. At dito natuwa si Hesus sa napakalaking pananampalataya ng babae, kaya natupad ang kahilingan nito.

Mga kapatid, ang planong kaligtasan ng Diyos ay para sa lahat. Ang ating Simbahan ay bukas para sa lahat ng tao kahit anumang relihiyon, lahi, o kinalalagyan sa buhay. Makikita natin sa bawat simbahan ang mga pagdiriwang ng Banal na Sakripisyo ng Misa, mga Sakramento, panalangin, formation, seminar, atbp. upang palugusin ang espirituwalidad ng lahat ng dumadalo at nais lumapit sa Panginoon upang humiling. Ang bawat simbahan din ay may mga programang pangpastoral upang tulungan ang mga mahihirap, nangangailangan, laylayan sa lipunan, ang mga makasalanang gustong magbago at hinihikayat na magbago, ang mga nabibigatan ng mga pagsubok, atbp. Higit pa dun, tayo mismo ang Simbahan, ang Sambyanan ng Diyos na binubuo ng mga Ordenado at Laiko. Tayo’y inatasang ipahayag at bigyang-saksi ang mensahe ng pag-ibig ng Diyos sa ibang tao. At nawa’y magkaroon tayo ng malaking pananampalataya sa Panginoon katulad ng babaeng taga-Cananea upang malampasan natin ang mga pagsubok at paghihirap sa buhay na idinadanas natin, ng isa’t isa, at ng ibang tao.

Reply

RUEL ROMUALDO August 11, 2023 at 9:22 am

Sa ating mga buhay, maaaring may mga pagkakataong tayo rin ay nagiging malapit sa pagkakamali o pagkukulang. Subalit sa kuwento ng Cananeo woman, ating natutunan na ang Diyos ay handang tanggapin tayo sa kabila ng lahat ng ating mga limitasyon. Ang pagpapakumbaba, pananampalataya, at pagmamahal sa kapwa ay nagbibigay-daan upang tayo’y maging instrumento ng pagbabago at pag-unlad sa ating sarili at sa ating lipunan.
Hinihikayat tayong lahat na maging tapat sa ating pananampalataya, lalo na sa mga pagkakataong ang pagsubok ay dumadating. Maaaring mahirap, ngunit katulad ng Cananeo woman, huwag tayong mawawalan ng pag-asa at lakas na humarap sa mga ito. Sa pagtitiwala sa Diyos at pagmamahal sa ating kapwa, magiging posible nating malampasan ang anumang mga pagsubok at magtagumpay sa ating mga gawain.

Nawa’y maging inspirasyon sa ating lahat ang kuwentong ito ng Cananeo woman, na sa kanyang pananampalataya, pagpapakumbaba, at pagmamahal, ay nagdulot ng himala at pagbabagong buhay. Sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

Reply

Bro. NSP August 16, 2023 at 10:14 pm

BATANG MAKULIT

Minsan habang nagkkwentuhan kasama ang ilang mga kaibigan napadpad ang aming usapan tungkol sa pagbabalik-tanaw ng aming pagkabata. Napagtanto namin na iba na pala talaga ang buhay kapag tayo’y unti unti na tumatanda. Naisip naming nakakamiss palang maging bata, walang pinoproblema at walang iniintindi. Nakakamiss pala yung mga pagkakataon na palagi tayong mangungulit kapag may gusto tayong candy, kapag may gusto tayong damit, o kapag may gusto tayong laruan at hindi tayo titigil sa pangungulit sa ating mga magulang hanggang hindi naibibigay ang mga bagay na gusto natin.

Malaki na pala ang kaibahan ngayon, hindi na tayo bata at hindi na tayo mangungulit dahil anumang bagay na mayroon tayo ay kinakailangan na nating paghirapan at pagsumikapan. Subalit alam mo bang hindi nagbabago ang tingin sa atin ng Diyos? Tayo pa rin naman yung mga BATANG MAKUKULIT sa bawat ating hinaing, hinihiling, at mga panalangin. Hindi nagbabago ang tingin sa atin ng Diyos, tayo pa nga ang nagbago, tayo ang madaling magsawa, tayo ang madaling sumuko, tayo ang madaling mawala, tayo ang madaling mainip, tayo ang hindi na nangungulit, tayo ang mahina ang pananalig.

Noong nakaraang linggo ay natunghayan natin ang liit ng pananalig ni pedro, na siya pang lubos na nakakikilala at laging kasa-kasama ni Hesus. Ngayong linggo ay atin namang nakita na kung sino pa yung malayo kay Hesus at hindi nakakikilala ng lubos sa kanya ang may matibay at malaking pananalig at pananampalataya.

Inaanyayahan tayo ni Hesus sa linggong ito na tularan ang babae sa ebanghelyo, sinubukang ipinagtabuyan ni Hesus, sinubukang maliitin ni Hesus, sinubukan ni Hesus ang kanyang pananampalataya, ngunit sa kabila ng lahat, patuloy siyang nangulit at hindi sumuko sa paglapit at paghingi ng tulong kay Hesus. Nalugod si Hesus sa laki ng kanyang pananampalataya.

Sabi nga ni Padre Pio, “Pray hard, it works” lakihan at tibayan natin ang ating pananalig, huwag susuko, huwag titigil, sapagkat MAY MAGAGAWA ANG PANALANGIN, MAY MAGAGAWA ANG DIYOS!

(Pagninilay sa ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 15, 21-28)

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: