Sabado, Marso 25, 2023

March 25, 2023

Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag
ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon

Isaias 7, 10-14; 8, 10
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 11

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Hebreo 10, 4-10
Lucas 1, 26-38


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Solemnity of the Annunciation of the Lord (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 7, 10-14; 8, 10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng Sheol o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”

Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
Kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
Na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot?
Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
At manganganak ng lalaki
At ito’y tatawaging Emmanuel.
Sapagkat ang Diyos ay sumasaatin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 11

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang mga panghandog, pati mga hain,
at ang mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang pagliligtas mo’y ipinagsasabi,
di ko inilihim sa aking sarili;
pati pagtulong mo’t pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo’y isinisiwalat.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 10, 4-10

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi makapapawi ng mga kasalanan.

Dahil diyan, nang si Kristo’y manaog sa sanlibutan, sinabi niya sa Diyos,
“Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, kaya’t inihanda mo ang aking katawan upang maging hain.

Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan.

Kaya’t aking sinabi, ‘Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban’ —
Ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.”

Sinabi muna niya, “Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin at mga handog dahil sa kasalanan” – bagamat ito’y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya sinabi, “Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang handog na pinalitan ng handog ni Kristo. At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Hesukristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili at iyo’y sapat na.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 1, 14ab

Purihin ang Poong Hesus,
salita ng Amang Diyos,
mula sa langit nanaog.
Naging tao sa pagsakop
sa sala ng sansinukob.

MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 22, 2019 at 4:40 am

Reflection: The Solemnity of the Annunciation in this Easter Season celebrates the Mystery of the Incarnation, when God became man, the Word-made-flesh, and suffered, died, and rose again for our sake and for our salvation. In the First Reading (Isaiah 7:10-14; 8:10), the Prophet Isaiah reminds the disobedient yet exhausted King Ahaz not to weary the Lord’s command in asking for a sign, because God will be obeyed by the Virgin’s willingness to give birth to Immanuel, God-with-us. That is why in the Gospel (Luke 1:26-38), the Archangel Saint Gabriel announces to the Blessed Virgin Mary that she would give birth to a child, who is the Savior of the world. At first, Mary questioned on this announcement. But then the Archangel explained to her that she would conceive the Son of God by the power of the Holy Spirit. At this, Mary accepted the word of God with faith, humility, and obedience. Because of her Fiat, her proclamation of ‘Yes,’ God’s plan of salvation was fulfilled. He became man and lived among us. He taught us with his words of preaching and performed many miracles. And most of all, he suffered, died, and rose again and victoriously triumphs over sin and death. This is the person of Jesus Christ, who is both human and divine. God continues to reveal himself to us in the people, things, places, signs, etc. He always reminds us to believe in him, obey his commandments, and perform good works. In the Second Reading (Hebrews 10:4-10), the author of the Letter to the Hebrews reminds us of obedience to the Lord’s will far more than holocausts and sacrifices. We should do this to honor Christ who though divine, humbled himself into humanity and submitted to the divine will of God the Father. Because of this, he has been raised from the dead, proving that Yahweh’s plan for our salvation has prevailed. Likewise this all happened because Mary opened her heart to this divine plan and carried it out. So as we journey down this Easter road, like the Blessed Mother, let us faithfully, humbly, and obediently accept the divine will.

Reply

Reynald David Perez March 18, 2023 at 3:36 am

PAGNINILAY: Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag tungkol sa Magandang Balita ng Panginoon, o mas kilala sa Ingles bilang “Solemnity of the Annunciation”. Ito’y nagaganap siyam na buwan bago ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni Hesus sa Kapaskuhan (Disyembre 25). Ang “Annunciation” rin ay ang unang misteryo ng tuwa sa Banal na Rosaryo. At ang kaganapang ito ay nagsilbing inspirasyon tuwing kalagitnaan ng oras sa pagdadasal ng Orasyon.

Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang pagbabalita ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Birheng Maria ang Misteryo ng Pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesukristo. Ibinalita ng anghel kay Maria ang pagsisilang nito sa Tagapagligtas sa loob ng sinapupunan nito. Noong una, nabagabag si Maria sa sinabi nito ng anghel dahil sa kanyang pagiging dalaga, ganun din ang pagbati ni San Gabriel sa kanya bilang “Ginoong napupuno ng grasya”. Kaya ipinaliwanag sa kanya ng anghel na ang pagsilang ni Hesus ay mangyayari sa kapangyarihan ng Espiritu Santo dahil ang anak ni iluluwal ng Mahal na Birhen ay tatawaging Anak ng Diyos. Kaya ang kaganapan ito ay nangyari sa ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Sta. Isabel, pinsan ni Maria, kay San Juan Bautista, at sinabi pa ng anghel na walang bagay ang imposible para sa Diyos. Kaya sa huli, ipinahayag ni Maria ang kanyang fiat, na bilang isang mababang lingkod ng Diyos, hinahayaan niya ang anumang plano ng Diyos na mangyari sa kanya.

Ang Annunciation ay isang pangyayari ukol sa Pagkakatawang-tao ng ating Panginoon, na bagamat may likas ng Diyos naging katulad natin at namuhay sa ating pagkatao maliban sa pagkakasala. Ito’y isang pangyayari na naglalarawan sa buhay ng Mahal na Birheng Maria. Buong kababaang-loob siyang nagpasya na sundin ang kalooban ng Diyos Ama. Kahit may mga pagkakataong siya’y nagdurusa, lalung-lalo na sa huling sandali nang makita niya ang kanyang Anak na nakapako sa Krus at nagbuntong-hininga, alam ni Maria na ito’y nangyayari alinsunod sa kalooban ng Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Sa ating buhay, may mga pangyayaring nagaganap na hindi natin nagugustuhan dahil ‘di kanais-nais ang epekto nito sa ating pamumuhay. Marami na tayong pinagdaanang pagsubok at paghihirap, at parang araw-araw tayo’y nagsisikap na guminhawa ang ating buhay. Subalit hindi tayo kailanma’y pinababayaan ng Panginoon. Alam natin na may dahilan kung bakit nangyayari ang mga masasamang pangyayari. Ngunit kung tayo ay kakapit sa ating Panginoon kahit sa mga oras na tayo’y nawawalan ng pag-asa, malalampasan natin ang bawat pagsubok nang may pananampalataya. Tularan din natin ang Mahal na Ina sa kanyang kababaang-loob at pagtitiwala na gawin ang kalooban ng Diyos hindi lang para sa ating sarili, kundi para na rin sa mabuting kapakanan ng ating kapwa.

Reply

Reynald Perez March 22, 2023 at 9:18 pm

Panginoon, Narito Ako (Isidro, Que)
Here I Am, Lord (Schutte)

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: