Martes, Marso 30, 2021

March 30, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Martes Santo

Buong kababaang-loob na idulog natin ang ating mga kahilingan sa Panginoon, habang laging inaalaala ang paghihirap na kanyang tiniis para sa ating kaligtasan.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, sa pamamagitan ng iyong pagpapakasakit para sa aming kagalingan, dinggin mo kami.

Ang mga ipinagkanulo ng kanilang mga kaibigan nawa’y hindi magkimkim ng hinanakit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga makasalanan nawa’y hindi panghinaan ng loob bagkus maghangad ng kapatawaran sa pamamagitan ng Sakramento ng Pagkukumpisal, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa nawa’y magkaroon ng lakas upang tiisin ang kanilang mga pasanin sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y iugnay ang kanilang paghihirap kay Kristo upang maranasan nila ang kapayapaan ng loob, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y pagkalooban ng lugar sa Kaharian sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming Diyos,
sa iyong karunungan ay hinayaan mong magdusa ang iyong Anak para sa amin. Sa pamamagitan ng Espiritu, higit mo kaming ilapit sa iyo upang maipahayag namin ang taimtim na pasasalamat. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon.

Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 27, 2021 at 8:45 pm

PAGNINILAY: Ngayong Mahal na Araw, tayong lahat ay pumapasok sa Misteryo ng Pagtubos ni Kristo: ang kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Ito ay ang mga huling sandali sa buhay ng ating Panginoon noong ipinahayag niya ang dapat matupad alinsunod sa dakilang kalooban ng Diyos Ama para sa ating kaligtasan. Subalit makikita natin na ang mga huling sandali ng buhay ni Hesus ay mga pain sa kanyang pagkatao, kabilang na rito ay ang kahinaan ng 2 sa kanyang mga Apostol: sina Hudas Iscariote at San Pedro.

Narinig natin sa Ebanghelyo kung paanong hinuha ng Panginoon sa Labindalawa na isa sa kanila ang magkakanulo sa kanya, at sila’y nagulat at nagtatanong-tanong sa sarili at sa isa’t isa. Pati nga si San Juan ay sumandal sa dibdib ni Hesus upang itanong kung sino. Matapos isawsaw ni Hesus ang tinapay sa alak at binigay kay Hudas, iniutos niya na bilisan nito ang gawaing iyon. Kaya agad umalis si Hudas at pumunta kay Caifas upang humingi ng mga guwardiyang mag-aaresto sa kanyang Panginoon. At alam naman natin na ipinagkanulo niya si Kristo sa halaga ng 30 piraso ng pilak. Subalit noong nalaman niya na si Hesus ay hinatulan ng Sanhedrin na kamatayan, siya’y bumalik at itinapon ang mga salapi bilang pagsisisi sa kanyang ginawang pagkakanulo. Kaya lang sa huli ay nagpakamatay siya.

Isinalaysay rin ng Ebanghelyo na hinuha ni Hesus ang pagkakaila sa kanya ni San Pedro nang tatlong beses bago tumilaok ang manok. Ito ay ang pagsubok ng katatagan ni Pedro kung siya’y tutupad sa kanyang pahayag na hindi siya babagsak. Subalit ang nangyari ay matapos madakip ang Panginoon at idinala sa konseho, tatlong beses na itinanggi ni Pedro sa mga nagtatanong na kilala niya si Kristo, at ang tilaok ng manok ay tanda na ganun nga ang pangyayari. Pero sa huli ay pinatawad ni Hesus na muling nabuhay si San Pedro sa pamamagitan ng tatlong beses ng pagpapahayag ng Apostol ng kanyang pagmamahal sa Panginoon, at inatasan siyang maging unang pastol ng kawang bumubuo sa Simbahan.

Ang binibigyang-pansin dito ay ang kahinaan nating mga tao na alam nating hindi tayo’y perpekto. Mayroon tayong kanya-kanyang pagkakasala at pagkukulang sa buhay. Subalit ngayong Mahal na Araw, tandaan po natin na mas malaki at higit pa ang grasya at pag-ibig ng Ama sa ating lahat. Kaya si Isaias sa Unang Pagbasa ay nagsasabi sa atin na tayo’y kinaawaan at ginawang mabuti ng Lingkod ng Diyos na si Hesukristo upang tayo’y mas maging matapat pa sa kanya. Kahit siya pa nga ay nasaktan noong ang ating mga kasalanan ay ipinako sa kanyang Krus, nanaig pa rin ang kanyang awa na mahalin tayo katulad ng pagmamahal sa kanya ng Ama, upang ang Diyos ay mahalin natin nang may buong puso, kaluluwa, at pag-iisip, at mahalin din natin ang ating kapwa gaya ng ating sarili.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 30, 2021 at 6:18 am

Ang tao, pagnangako kadalasan ay di natutupad. Maraming beses sa buhay ng tao na siya ay nangangako. Sa kampanya, para maiboto, ang daming pangako di naman tutuparin pagnakaloklok na. Kahit sa mga Sakramento, Sa binyag, ang pagtatakwil kay Satanas, ngunit nakakagawa pa rin ng kasalanan. Sa kumpisal, hindi natutupad ang pagbabago. Kahit sa Kasal, nagkakahiwalay pa rin kahit engrande pa ang kasalan, Kaya sana ay makaiwas sa pangangako. Huwag ng sabihin, gawin na lang kung ano ang kaya. Oo kung oo, hindi kung hindi.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño March 30, 2021 at 9:05 am

Martes Santo, ikalawang araw ng Banal na Linggo, hindi pa huli ang lahat para manumbalik sa Panginoon sa pamamagitan ng pagwaksi sa kasamaan at pagmamahal sa kapwa. Katulad ng dalawang apostol ng isa ay ipinagkanulo at ang isa itinatwa si Hesus ay nagsisi at pinatawad pa din Diyos. Samantalahin natin ang panahong ito upang baguhin ang ating mga buhay, hindi madali maging matuwid sa mundong ito subalit sa pamamagitan ng panalangin ay tutulungan tayo ng Panginoon kung nais nating manumbalik sa Kanya at gagantimpalaan tayo ng Diyos…manalig ka…

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: