Sabado, Marso 20, 2021

March 20, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Sabado

Habang inaalaala natin ang hindi pagtanggap sa Tagapaglitas na nagpakasakit para sa ating kapakanan, hilingin natin ang pananampalataya ng isang aba upang maihatid natin sa iba ang mensahe ni Kristo sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ikaw ang aming lakas, O Panginoon.

Ang mga maykapangyarihan nawa’y patnubayan ng espiritu ng pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagpapalaganap ng mensahe ng Ebanghelyo sa lahat ng dako nawa’y pagkalooban ng tapang, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mayayamang banasa nawa’y maging bukas-palad sa pagtulong sa mga mahihirap na bansa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit, mga bilanggo, mga matatanda, at mga may kapansanan nawa’y palakasin ng mga nakapagpapaginhawang Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y magtamasa ng ipinangakong kapayapaang walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng lahat,
isinugo mo ang iyong bugtong na Anak upang kami ay higit na ilapit sa iyo. Patnubayan mo kami sa aming misyon na palaganapin ang aming pananampalataya sa buong mundo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon.

Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

renato p. lara March 18, 2021 at 7:45 am

Reynald Perez Thank you very much for your reply to our request, again may we request for your very inspiring “pagninilay” for this date march 20 Juan 7, 40-53 and all the day till March 28, again thank you very much, we are using this for our kruzada, God bless you,

Reply

Michael Romero March 19, 2021 at 6:43 pm

Habang papalapit na ang pagdiriwang ng mahal na araw, hinihikayat tayo ng simbahan na paigtingin ang pagbabasa at pagninilay tungkol sa buhay ni Jesus. Narinig natin sa Ebanghelyo kung paano hinahangaan ng mga tao si Jesus. Kinikilala nila Siyang isang Propeta! Ang iba naman nagsasabing, Siya nga si Kristo! Namangha sila sa makapangyarihang pangangaral ni Jesus, at sinasabi pa nilang: ‘wala pang taong nagsalita ng ganito’. Pero alam natin, na hindi ito matanggap ng mga Pariseo dahil wala silang pagtingin o paggalang man lamang sa Kanya. Gayun na lamang ang paghamak nila kay Jesus, at sa bayan ng Galilea na pinanggalingan niya. Dahil nangingibabaw ang pagka-inggit at pagkapoot sa kanilang puso. Mga kapanalig, ang pangyayaring ito sa kapanahunan ni Jesus, patuloy pa ring nangyayari sa ating lipunan, sa mga samahan, maging sa ating maliliit na komunidad. Ang pagka-inggit, parang lason na pumapatay sa mabuting samahan. Kaya nitong gawan ng masama at sirain, ang taong kina-iinggitan. Malinaw na demonyo ang nagtatanim nito sa puso ng tao, dahil pagkawasak ng samahan at reputasyon ng tao ang kasamaang dulot nito. Para mapaglabanan natin ang inggit na lumason sa ating puso, maging mapagpasalamat tayo sa Diyos sa napakaraming biyaya at pagpapalang tinanggap natin. Pagtuunan natin ng pansin kung gaano tayo ka-blessed bilang tao, ang ating angking galing at talento, at matuto rin tayong kilalanin ang galing ng iba. Makisaya tayo, at batiin sila sa kanilang tagumpay, nang sa gayon sama-sama nating mapapurihan ang Diyos gamit ang talentong ipinagkaloob Niya sa atin. Amen

Reply

Reynald Perez March 19, 2021 at 8:53 pm

PAGNINILAY: Patuloy tayong naglalakbay sa daan ng Kuwaresma tungo sa paggunita sa Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus ni Hesus sa darating na mga Mahal na Araw, at ang masayang pagdiriwang ng kanyang Muling Pagkabuhay sa ikalawang Pasko (Easter) na higit pang dakila kaysa sa unang Pasko (Christmas) na isa ring magalak na pangyayari sa ating kasaysayan ng kaligtasan.

Ang Unang Pagbasa ay ang pahayag ni Jeremias ukol sa mga taong bumabanta sa kanya. Dahil sa kanyang mga pahayag na ang taongbayan ay tumalikod sa kasalanan, magsisi, at magbalik-loob sa Panginoong Diyos. Kaya’t alam ni Jeremias na siya’y pinag-uusig ng mga prinsipe, saserdote, at hari ng Juda, at may parang balak na patayin siya. Ngunit ipinasya ng propeta sa Diyos ang anumang hukom ang ibibigay sa mga makasalanang tao. Ito ay isang tanda na sa kabila ng paghihirap na dinadanas niya bilang tagapaghatid ng mensahe ng Panginoon, patuloy na magiging tapat si Jeremias sa Diyos bilang katuparan sa kanyang tungkulin na ipahayag ang mensahe ng Kataas-taasan. Ang katauhan ni Jeremias ay sumasalamin kay Hesus, na kahit sa kanyang pangangaral at paggawa ng mga tanda ay pagbabantaan at pagplaplanuhan ng mga pinuno ng mga Hudyo na patayin.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang patuloy na pagmamangha ng tao kay Hesus, hanggang sa punto na nagtataka sila kung saan siya nagmumula. At hati-hati ang kuru-kuro ng mga tao kung si Hesus ba ay isang propeta lamang na galing sa Diyos o kaya siya nga ba ang itinutukoy sa Mesiyas. Makikita natin na habang pinagtatalunan ito ng mga tao, ang mga pinuno naman ng mga Hudyo ay wala talagang planong maniwala sa anumang sinasabi at ipinapahayag ni Hesus. Kaya patung-patong na balak ang ginagawa nila upang alisin siya sa utak at pamumuhay ng karaniwang Hudyo. Subalit inirekomenda ni Nicodemo na pakinggan muna ang tao bago magpasya ng hatol laban sa kanya. Alam natin na si Nicodemo ay isa sa mga taong nakatagpo ni Hesus noong isang gabi, at ‘di lingid sa kanyang mga kasamahan na siya’y patungo na sa pagiging isa sa mga tagasunod ni Hesus. Kaya makikita natin na pagkatapos ibinaba si Hesus mula sa krus, si Nicodemo ang magpapahirang ng mira sa katawan ni Hesus, na inilibing ni Jose ng Arimatea (isa ring miyembro ng Sanedrin at palihim din na tagasunod ni Kristo).

Makikita natin sa ating buhay na may mga bagay na hindi natin mapaliwanag. Kaya minsan nagkakaroon ng pagtatalo, hindi pagkakaunawa, o kaya hanggang sa punto ng mga alitan. Subalit inaanyayahan tayo ngayong Kuwaresma na magkasundo at magkaayos. At sa pagiging kaisa sa bawat isa, makilala natin na tayo’y pinag-iisa ni Hesus, ang Panginoon ng ating buhay.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 20, 2021 at 7:12 am

Ang puno na hitik sa bunga ang kadalasang binabato. Kung sino pa ang mga taong tumutulong sila pa ang napapasama. Sila pa ang sinisiraan at pinagplaplanuhan ng masama. Lalo na pag pumasok ang inggit sa tao. Ang ating Panginoon ay naging biktima ng ganitong uri ng karahasan. Siya ay ipinahuhuli at planong patayin. Marami sa mga martir at mga santo ang nakaranas ng ganito. Ngunit, hindi sila sumuko, nanatili ang kanilang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Nawa’y gumawa tayo ng kabutihan sa Diyos at kapwa kahit ang kapalit ay pagtuligsa ng mga tao.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: