Mga Pagbasa – Huwebes, Agosto 31, 2017

August 31, 2017

in Tagalog Mass Readings

Huwebes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

1 Tesalonica 3, 7-13
Salmo 89, 3-4. 12-13. 14 at 17

Pag-ibig mo’y ipadama, aawit kaming masaya.

Mateo 24, 42-51

UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 3, 7-13

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Dahil sa inyong pananalig kay Kristo, mga kapatid, naaliw kami sa gitna ng aming hirap at pagkabalisa. Ang pananatili ninyong matatag sa pananampalataya ang nagpasigla sa buhay namin. Paano kaya namin mapasasalamatan nang sapat ang Diyos sa kagalakang dulot ninyo sa amin? Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo’y muli naming makita at matulungan sa ikagaganap ng inyong pananampalataya.

Loobin nawa ng ating Diyos at Ama at ng ating Panginoong Hesukristo na makapunta kami riyan. Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Kung ito ang mangyayari, palalakasin niya ang inyong loob. Sa gayun, kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus, kasama ang mga hinirang niya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 12-13. 14 at 17

Tugon: Pag-ibig mo’y ipadama, aawit kaming masaya.

Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.

Tugon: Pag-ibig mo’y ipadama, aawit kaming masaya.

Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong
hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon.

Tugon: Pag-ibig mo’y ipadama, aawit kaming masaya.

Kung umaga’y ipadama ang pag-ibig mo’t paggiliw
at sa aming buong buhay may galak ang awit namin.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin.

Tugon: Pag-ibig mo’y ipadama, aawit kaming masaya.

ALELUYA
Mateo 24, 42a. 44

Aleluya! Aleluya!
Lagi tayong magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 24, 42-51

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.

“Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alapin, upang bigyan sila ng kanilang pagkain sa karampatang panahon. Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayun sa pagbabalik ng kanyang panginoon! Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng kanyang ari-arian. Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin ninya sa sarili, ‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,’ at sisimulang bugbugin ang kanyang mga kapawa alipin, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasenggo. Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. buong higpit na parurusahan siya ng Panginoon, at isasama sa mga mapagpaimbabaw. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 3 comments… read them below or add one }

Bernadette M. Reyes August 30, 2017 at 2:06 pm

salamat sa mga pagbasa araw-araw, Awit at papuri!

Reply

Roderico A.Secretario August 31, 2017 at 7:51 am

Lagi po sana tayong handa sa pagdating ng panginoon at gumawa po tayo ng naaayon sa kalooban ng diyos.Amen

Reply

Patrick Cu September 1, 2017 at 3:12 am

Awit at papuri sa Panginoon, Diyos nang lahat na makapangyarihan, AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: