Podcast: Download (Duration: 6:26 — 8.3MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Manalangin tayo sa Amang Diyos upang ilapit niya tayo sa kahalagahan ng Ebanghelyo para panibaguhin ang Simbahan at ang daigdig.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panibaguhin Mo kami, O Panginoon.
Ang Simbahan, ang Bayan ng Diyos at mga pinuno nito, nawa’y sundin ang pag-akay ng Espiritu Santo upang ipahayag sa mga tao ngayon ang walang-kupas na wika ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga puso nawa’y ating buksan sa mapagligtas na kapangyarihan ng Diyos na higit na mahalaga kaysa mga panlabas na gawain ng pagpapakabanal, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang mapagtanto na laging mapangyayari ang himala ng pagbabago sa lahat ng humihingi ng tulong ni Kristo na makamtan ito, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga maysakit, nawa’y maging daan tayo ng mapagpagaling na kamay ng pagmamalasakit ni Kristo sa pamamagitan ng pagbibigay natin ng pagmamahal at kalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng walang hanggang kapahingahan sa piling ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, dinggin mo ang aming mga panalangin at turuan mo kaming mamuhay bilang bagong bayan mo na pinalaya ng pag-ibig ni Jesu-Kristo naming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Huwebes, Setyembre 3, 2026
Sabado, Setyembre 5, 2026 »




{ 7 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay paalala ni San Pablo sa mga taga-Corinto na maging matapat sa Panginoon sa bawat kilos na ating ginagawa. Tayong lahat ay inaasahang isabuhay ang mga aral ni Kristo at sundin ang kanyang ehemplo. Kaya hindi dapat natin hinuhusgahan agad ang ating kapwa, bagkus ay ituwid natin ito kapag nagkakamali. Sa huli, ang Panginoon ang maghahatol sa atin batay sa pag-ibig na ipinakita natin sa mundong ito. At dahil sa ating kagandahang-loob, kabutihan, at katapatan, makakamit natin ang kaligayahan ng buhay ng walang hanggan sa kalangitan.
Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paalala tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Tinatanong ng mga Pariseo at eskriba kung bakit hindi nag-aayuno si Hesus at ang kanyang mga Apostol, hindi katulad ng ginagawa ng mga alagad ni San Juan Bautista at ang alagad ng kanilang grupo. Bahagi ng rituwal ng mga Hudyo ang pag-aayuno bilang pagdadalamhati sa kanilang mga kasalanan. Subalit tugon ni Hesus ng isang larawan ng mga panauhin sa kasal na hindi sila mag-aayuno habang kasama nila ang Lalaking ikakasal. Subalit kung ang Lalaking ikakasal ay kukunin sa kanila, diyan na pwedeng mag-ayuno ang mga panauhin. Ito ay isang pagpapahayag ni Hesus ukol sa kanyang gawain bilang Mesiyas para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Kailangan siyang dumadaan sa kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay upang hindi na magkaroon ng kalungkutan, kundi ng kaligayahan na mayroong buhay na parating. At ito ang buhay na walang hanggan sa kalangitan na katulad sa isang kasalan. Kaya nga ang Sakramento ng Eukaristiya ay ang paglasap ng walang hanggang kapistahan ng langit.
Gayundin ang kanyang parabula sa damit, alak, at sisidlang-balat. Hindi maaring ihalo ang mga luma sa mga bago. Kinakailangan lumipas ang luma upang magkaroon ng bago. Ganito ang nangyari sa kasaysayan ng kaligtasan, nang ialay ni Kristo ang kanyang buhay sa Krus upang gawin ganap ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Bagong Tipan ay tanda ng muli’t-muling pagkakaisa ng Ama sa kanyang bayan sa pamamagitan ng kanyang Anak. Dahil sa ginawa ni Hesus na masunurin sa dakilang kalooban ng Diyos Ama, tayo ngayon ay minamarapat na makabahagi sa kanyang buhay. Kaya nawa’y ipahayag natin sa bawat nilalang ang pag-ibig ng Diyos at ipakita ito sa ating pagmamahal sa isa’t isa.
Maraming salamat po sa araw-araw na mga pagninilay, dahil ditoy lalo ko pong nauunawaan ang Salita Ng Diyos at ang Ebanghelyo sa bawat araw….maraming salamat pong muli?
Kapag dadalo tayo sa kasal anong kadalasan nating napapansin? Ang kasiyahan ng ikinasal. At pupunta tayo sa kasal para makigalak sa mag-asawa.
Sa ating ibanghelyo sinasabi ni Hesus na siya ang lalaking ikinasal. At dahil jan marapat lamang na magalak ang mga inaanyayahan sa kanyang piging/salu-salo.
Sa ating mga katoliko ang piging ng panginoon ay ang banal na misa. Dadalo tayo ng may kagalakan sa ating mga puso upang masulyapan si Hesus. Tayo ay makikinig sa kanyang banal na salita, at makisalu-salo sa kanyang banal na piging.
Sa anong okasyon hindi naman maling maybibit o magSharon diba? lalo na pagsagana sa pagkain.
Ganun din sa piging ng Panginoon, dahil may kasaganaan nararapat din na may bitbit tayo daladala. Dapat bitbit natin ang salita ng Diyos. At itoy dadalhin natin sa ating mahal na pamilya at kapitbahay. At sa bawat salita ng Diyos ay binubusog tayo. Kaya dapat isinasabuhay din natin ang salita ng Diyos na siyang nagbibigya buhay.
Kaya sa misa natin ngayon, may ipapabaon ng Panginoon sa ating lahat.
At sabi, Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo’y iyong makakamtan.
Dahil kay Kristo lamang nating makakamtan ang tunay na kaligayahan at kagalakan. At ang kagalakang pangako niya ay kagalakan sa buhay na walang hanggan.
MAGNILAY: Hindi na napapanahon ang pag-aayuno noong dumating na si Hesus dahil siya nga ang Mesiyas. Ang dahilan ng pag-aayuno noon ay para ipahayag ang pangungulila sa pagdating ng Mesiyas. Isang paraan ito ng pananalangin na ipadala na ng Diyos ang Mesiyas. Dumating na nga kaya ang dahilan ng pag-aayuno ay lumipas na. Panahon na ng pagsasaya. Katulad ito ng paghihintay sa ikakasal. Habang wala pa siya nangungulila ang lahat. Pero kung dumating na wala nang lugar ang pangungulila. Oras na ng pagsasaya. Ganito ang mga alagad kay Hesus. Hindi na sila nag-aayuno dahil ipinagsasaya na nila na dumating na ang Mesiyas. Pero pansamantala lamang. Mawawala uli si Hesus. Maghihintay uli sila sa kanyang ikalawang pagbabalik. Mangungulila uli sila, mananalangin sa kanyang pagdating at mag-aayuno.
May panahon na may dahilan para malungkot. Sa mga panahong iyon malungkot tayo. Pero kapag lumipas ang dahilan ng kalungkutan at dumating ang dahilan para magsaya matuto naman tayong magsaya. Nakakalungkot naman kung may dahilan magsaya pero malungkot pa rin tayo. Hindi plano ng Diyos na malungkot tayo. Plano niya na maging maligaya tayo habang buhay at ang dahilan ay mahal niya tayo magpakailanman.
MANALANGIN: Panginoon, makita nawa namin ang dahilan bakit dapat kaming magsaya.
GAWIN: Huwag maging bilanggo ng kabiguan at kalungkutan.
Paano tayo karaniwang tumutugon kapag may tumuturo sa ating pagkakamali? Buweno, ang ating unang reaksyon ay kadalasang ang ipagtanggol ang ating sarili. Hayaang hubugin ng Salita ng Diyos ang iyong araw, araw-araw.
Sabi sa Ebanghelyo ngayon, sa halip na makipagtalo, ginamit ni Hesus ang sandali upang ibunyag ang isang bagay na mas malalim tungkol sa Kaharian ng Diyos. Lahat tayo ay nahaharap sa mga kritisismo paminsan-minsan.
Ang ilan dito ay maaaring hindi patas. Ang ilan dito ay maaaring magbunyag ng isang bagay na tunay nating kailangan baguhin. Sa halip na maging nagtatanggol, maaari tayong humingi sa Diyos ng kapakumbabaan upang matuto at lakas ng loob na lumago.
Minsan, ang ating pinakamalaking pagkakataon para sa pagpapanibago ay nagsisimula sa isang tapat na pagtingin sa ating sariling mga puso.
Manalangin tayo. Panginoong Hesus, bigyan mo kami ng mga mapagpakumbabang puso na handang lumago. Tulungan mo kaming tanggapin ang iyong gawa sa loob namin, upang sa bawat araw ay maging mas katulad mo kami. Amen.
PAGNINILAY
Lucas 5, 33-39
Sa Ebanghelyo ngayon, pinagsasama ni Hesus ang dalawang tila magkaibang kaisipan: pag-aayuno at bagong alak sa bagong sisidlan. Ngunit sa malalim na pagninilay, iisa ang kanilang tinutukoy—ang pagbabago ng puso upang maging handa sa pakikipag-isa kay Kristo.
Si Hesus ang “Nobyo,” at ang Kanyang presensya ay nagdadala ng kagalakan. Ngunit ipinahihiwatig din Niya na darating ang panahon ng pag-aayuno. Kaya ang pag-aayuno ay hindi lamang pagtitiis o pagkakait ng pagkain. Ito ay isang sakripisyong bunga ng pag-ibig—isang paraan upang bawasan ang sarili at magkaroon ng higit na puwang ang Diyos. Kung si Hesus mismo ay tinahak ang landas ng sakripisyo, tayo rin ay tinatawag na matutong magsakripisyo alang-alang sa pag-ibig sa Diyos at kapwa.
Dito nagiging malinaw ang ikalawang bahagi ng Ebanghelyo. Ang pusong ayaw magbago ay tulad ng lumang sisidlan. Hindi maaaring ibuhos ang bagong alak ni Kristo sa pusong kumakapit pa rin sa lumang pagkatao—sa galit, pride, sama ng loob, kasalanan, maling nakasanayan at makasariling kalooban. Ang bagong buhay kay Kristo ay nangangailangan ng bagong puso.
Kaya ang pag-aayuno ay hindi wakas kundi paghahanda. Tinatanggal natin ang mga bagay na pumupuno sa ating puso upang magkaroon ng puwang ang “bagong alak”—ang biyaya, pag-ibig, katotohanan at bagong buhay na nagmumula kay Kristo.
THEOLOGICAL INSIGHT:
Ang tunay na penitensiya ay hindi lamang pagbabawas sa sarili kundi pagbubukas ng sarili sa Diyos. Sa pagtalikod sa lumang buhay, hinahayaan nating hubugin tayo ni Kristo upang maging bagong nilalang.
PUSO NG EBANGHELYO:
Ang pag-aayuno ay pagbabawas ng mga bagay o gawain na nakasanayang gawin na naghahanda sa puso upang bigyan daan ang bagong buhay sa piling Kristo. Hindi sapat na alisin ang luma—kailangan nating tanggapin si Kristo bilang sentro ng bagong buhay.
ARAL KATEKISMO:
Ang penitensiya, pag-aayuno at pagpipigil sa sarili ay tumutulong sa atin sa pagbabalik-loob at paglaya mula sa mga bagay na umaalipin sa puso, upang higit tayong maging bukas sa Diyos.
PAGSASABUHAY:
Tanungin ang sarili: Ano ang “luma” sa buhay ko na kailangan kong talikuran? Ano ang kailangan kong isakripisyo upang higit kong masundan si Kristo? Maaaring ito ay galit, pride, bisyo, pagiging mapanghusga, o isang nakasanayang ayaw nating bitawan.
HAMON NG EBANGHELYO:
Mag-ayuno hindi lamang sa pagkain, kundi sa galit, reklamo, masasakit na salita at pagmamataas, at pagkahumaling sa isang bagay. Sa bawat bagay na isinusuko natin, punan natin ang puwang ng panalangin, pagpapatawad, pagmamahal at paglilingkod.
WORD OF THE DAY: “BAGONG PUSO”
Ito ay pagpapanibago ng buhay at pagtalikod sa luma upang bigyan puwang ang mas makabuluhang buhay.
PANALANGIN:
Panginoong Hesus, tulungan Mo akong talikuran ang aking lumang pagkatao at yakapin ang bagong buhay na Iyong iniaalok. Turuan Mo akong magsakripisyo hindi dahil sa takot, kundi dahil sa pag-ibig. Gawin Mo akong bagong sisidlan na handang tumanggap ng Iyong biyaya, upang ang aking buhay ay maging salamin ng Iyong pag-ibig. Amen.
Pagninilay:
Mapagpalang Biyernes sa ating lahat! Upang maipakita ang kahalagahan ng pagbabago dulot ng grasya ng Diyos, ang ating Panginoong Hesus ay gumamit ng talinghaga at nagsabi, “Wala ring nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag gayon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang balat, matatapon ang alak, at masisira ang sisidlan.” Kahit gaano kaganda ang bagong alak, kung ito ay ilalagay sa lumang sisidlang-balat, na marahil ay hindi na natin nakikita sa modernong panahon, ang resulta nito ay masisira ang sisidlang-balat. Ang tunay na pagbabago dulot ng grasya mula kay Hesus ay nagmumula sa panloob; at ang bagong sisidlan ay nagsisimbolo sa mga mabubuting gawa, habang ang bagong alak naman ay nagrerepresenta sa biyaya ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Sa konteksto ng pakikipag-usap ni Hesus sa mga eskriba at Pariseo, alalahanin nating hindi nagbabago ang Diyos sa kanila. Ang Diyos ay nananatiling mahabagin na nagbubuhos ng Kanyang awa at grasya, ngunit dahil sa katigasan ng puso ng mga eskriba at Pariseo, nanatili silang hindi naniniwala kay Kristo, na nagpalayo sa kanila sa Diyos.
Sa kabila nito, tandaan natin na ang pagpupursige sa kabanalan at sa pagsunod kay Kristo ay hindi madali. Natanggap natin ang Espiritu Santo noong tayo ay unang nabinyagan, ngunit matapos nito ay marami tayong nararanasang pagsubok at tukso. Ayon sa Katekismo ng Simbahang Katolika, “Baptism confers on its recipient the grace of purification from all sins. But the baptized must continue to struggle against concupiscence of the flesh and disordered desires” (CCC 2520). Kahit na binabago tayo ng Diyos, hindi pa rin nawawala ang katotohanan na mayroon tayong inklinasyon sa kasalanan, na siyang dahilan upang dapat tayong manatiling mapagpakumbaba at palaging umaasa sa Diyos laban sa mga tukso. Sa kultura ngayon, isa sa mga problemang nararanasan ng iba ay hindi na nila iniisip ang disenyo at plano ng Diyos; sa halip, nagpapadala na lamang ang iba sa “pleasure,” lalo na sa “sin of lust” kung saan hindi na nakikita ang kalooban ng Diyos pagdating sa kasal, at hindi na alam ng iba ang kalooban ng Diyos sa kasal.
Gayunpaman, mahalagang makita natin na kahit ang isang tao ay sumusunod kay Hesus, ang tukso rito at sa iba pang mga kasalanan ay nananatili. Ito ay sa kadahilanang kahit ang pagsunod sa Diyos ay nagbibigay ng magandang pakiramdam o “consolations” sa mga tao na maaaring ituring bilang “pleasurable.” Kung ang ating likas bilang tao ay hindi pa sanay sa sakripisyo at sa paggawa ng kalooban ng Diyos kahit na ito ay mahirap, nagiging dahilan ito upang mas maging mahina ang isang tao at hanapin na lamang ang “pleasure” sa halip na ang motibasyon ay gawin kung ano ang tama sa perspektibo ng Diyos. Dito natin makikita na ang paggawa ng tama ay hindi lamang sa panlabas kundi nagsisimula sa panloob, sa pag-ibig kay Kristo bilang puno’t dulo ng ating mga gawain. Sa unang pagbasa, sinabi ni San Pablo, “Mga kapatid, kami’y mga lingkod ni Kristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos.”
Hindi tayo gumagawa ng tama para magkaroon tayo ng magandang imahe sa iba o makilala. Bagkus, ito ay sa kadahilanang tayo ay lingkod ng ating Panginoong Diyos at ang ating ginagawa ay bunga ng ating pagmamahal sa Kanya. Tulad ng mga taong masaya kapag kapiling ang lalaking ikinakasal, matatagpuan natin ang tunay na kasiyahan kapag kapiling natin si Hesus sa Kanyang Presensya, lalo na sa Tunay na Presensya sa Banal na Eukaristiya. Pumunta tayo sa piling ni Hesus sa Adoration Chapel at magdasal sa pamamagitan ng Online Adoration sa ating bahay. Banggitin natin sa Kanya ang mga problemang ating nararanasan at ang mga tuksong ating pinagdaraanan bilang pagpapakumbaba upang matanggap natin ang biyaya na magpapabago ng ating puso at magpapalakas sa ating espirituwalidad. Nawa’y matanggap natin ang biyaya ng kaligtasan na nagmumula sa Panginoon upang patuloy tayong magpuri, kasama ang mga santo, sa kabutihan ng ating Mahabaging Diyos. Amen. +
Pagninilay ni: CJTH
Pagbasa: Awit at Papuri Communications
What Catholics Believe:
https://www.catholic.com/tract/pillar-of-fire-pillar-of-truth
Ultimate Catholic Parents Guide:
https://youtube.com/watch?v=Ls6IcexZAls
Examination of Conscience and Guide to Confession:
https://mycatholic.life/catholic-prayers/examination-of-conscience/
Website of a Catholic Convert from atheism (Saint Beluga) on God and Catholic Miracles:
https://www.saintbeluga.org/