Podcast: Download (Duration: 7:24 — 9.2MB)
Sabado ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
1 Corinto 4, 6b-15
Salmo 144, 17-18. 19-20. 21
Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.
Lucas 6, 1-5
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 4, 6b-15
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, “Huwag lalampas sa nasusulat.” Huwag ipagmalaki ninuman ang isa at hamakin naman ang iba. Ano ang kahigtan ninyo sa iba? Hindi ba lahat ng nasa inyo’y kaloob ng Diyos? Kung gayun, bakit ninyo ipinagyayabang na waring hindi kaloob sa inyo?
Kayo pala’y nasisiyahan na! Mayayaman na kayo! Kayo pala’y mga hari na – hindi na ninyo kami isinama! Sana nga’y naging hari kayo upang kami nama’y maging hari, kasama ninyo. Sapagkat sa wari ko, kaming mga apostol ay ginawa ng Diyos na maging pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan, isang panoorin ng sanlibutan – ng mga anghel at ng mga tao. Kami’y mga hangal alang-alang kay Kristo; kayo’y marurunong tungkol kay Kristo! Mahihina kami; kayo’y malalakas! Hinahamak kami; kayo’y pinararangalan! Hanggang sa oras na ito, kami’y nagugutom, nauuhaw, halos hubad; pinagmamalupitan kami at walang matahanan. Nagpapagal kami upang may ipagtawid-buhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami’y pinag-uusig; tinitiis namin ito. Malumanay na pananalita ang isinusukli namin sa mga naninirang-puri sa amin. Hanggang ngayon, kami’y parang mga yagit – pinakahamak na uri ng tao sa daigdig.
Ito’y sinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang parangalan bilang mga anak na minamahal. Sapagkat maging sampunlibo man ang inyong guro tungkol sa pamumuhay Kristiyano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo’y naging anak ko sa pananampalataya kay Kristo Hesus sa pamamagitan ng Mabuting Balitang ipinangaral ko sa inyo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 17-18. 19-20. 21
Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.
Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.
Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.
Yaong kailangan niyong mga taong may takot sa kanya,
kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
yaong umiibig sa kanya nang lubos ay iniingatan;
ngunit ang masama’y wawasakin niya’t walang mabubuhay.
Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.
Aking pupurihin ang Panginoong Diyos, di ko tutugutan
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!
Sa tumatawag sa Poon,
ang D’yos ay handang tumulong.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 1-5
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan sina Hesus sa triguhan. Ang kanyang mga alagad ay nangitil ng uhay, at kanilang kinain ang mga butil matapos ligisin sa kanilang mga kamay. “Bakit ninyo ginagawa sa Araw ng Pamamahinga ang ipinagbabawal ng Kautusan?” tanong ng ilang Pariseo. Sinagot sila ni Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Panginoon, kumuha ng tinapay na handog sa Diyos at kumain nito. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama, bagamat ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon.” At sinabi pa niya sa kanila, “Ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Setyembre 4, 2026
Linggo, Setyembre 6, 2026 »




{ 4 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig. Siya’y nahahabag sa pinagdadaanan ng tao sa buhay. Kaya tayong mga Kristiyano ay tinatawag na mahalin ang kapwa-tao sa pagpapamalas ng kabutihan. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paghaharap ni Hesus sa mga eskriba at Pariseo sapagkat napansin nila ang mga Apostol ay nangingitil ng uhay sa Araw ng Pamamahinga. At ayon sa Kautusan ni Moises, labag sa utos tungkol sa sabat ang pagtratrabaho. Ngunit ang tugon ni Hesus ay ang kwento ni Haring David at ang kanyang mga kasamahan nang sila’y mamamatay na sa taggutom, at kinain nila ang tinapay mula sa altar na dapat ang mga pari katulad ni Ahimelech lang ang maaring hawakan ito. Kaya ito’y naging espesyal na pagkakataon sapagkat ginawa iyon ni David upang mapalusog sila. Ang naging aral ng salaysay ay nang sabihin ni Hesus na ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa ng Diyos para sa tao, at hindi ang tao ang gumawa ng okasyong iyon. Bilang Anak ng Tao, si Kristo ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.
Ang ikatlong utos ay nagsasaad sa paggalang at pagsamba sa Diyos na lumikha ng sandaigdigan sa loob ng 6 na araw at isinaalang-alang ang ika-7 bilang pamamahinga. Kaya sa ating mga Kristiyano, ang ating “sabbath” ay tumapat tuwing araw ng Linggo sapagkat inaaalala natin ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon. Ang Pagkabuhay ng Panginoon ay itinuturing na “ikawalong araw” sapagkat ito’y tanda ng pagbubukang-liwaway ng bagong nilikha. Tayo ay minarapat na biyayaan ng karapatang maging mga anak ng Ama. Tinitignan niya ang puso ng bawat taong mapagkumbaba sa kabila ng mga abilidad at kakayahan.
Ito’y nagpapaalala sa atin na mahalaga ang batas para sa ating kaayusan at disiplina. Subalit ang diwa ng batas ay kailangan nating ipairal na dapat manaig sa ating mga puso ang paggawa ng mabuti sa kabila ng mga paghihigpit sa ating mga paligid. Kaya ang mahalaga dito na sa bawat araw, lalung-lalo na sa Linggo, maghari nawa ang ating pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao sa kabila ng mga striktong pagsunod sa kautusan. Kung tayo ay itinuturo na gumawa ng tama at talikdan ang masama, gawin natin itong pagkakataon na gumawa ng mabuti, at kasama na diyan ay ang pagpapamalas ng ating awa at malasakit sa ibang tao.Pagninilay: Ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig. Siya’y nahahabag sa pinagdadaanan ng tao sa buhay. Kaya tayong mga Kristiyano ay tinatawag na mahalin ang kapwa-tao sa pagpapamalas ng kabutihan. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paghaharap ni Hesus sa mga eskriba at Pariseo sapagkat napansin nila ang mga Apostol ay nangingitil ng uhay sa Araw ng Pamamahinga. At ayon sa Kautusan ni Moises, labag sa utos tungkol sa sabat ang pagtratrabaho. Ngunit ang tugon ni Hesus ay ang kwento ni Haring David at ang kanyang mga kasamahan nang sila’y mamamatay na sa taggutom, at kinain nila ang tinapay mula sa altar na dapat ang mga pari katulad ni Ahimelech lang ang maaring hawakan ito. Kaya ito’y naging espesyal na pagkakataon sapagkat ginawa iyon ni David upang mapalusog sila. Ang naging aral ng salaysay ay nang sabihin ni Hesus na ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa ng Diyos para sa tao, at hindi ang tao ang gumawa ng okasyong iyon. Bilang Anak ng Tao, si Kristo ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.
Ang ikatlong utos ay nagsasaad sa paggalang at pagsamba sa Diyos na lumikha ng sandaigdigan sa loob ng 6 na araw at isinaalang-alang ang ika-7 bilang pamamahinga. Kaya sa ating mga Kristiyano, ang ating “sabbath” ay tumapat tuwing araw ng Linggo sapagkat inaaalala natin ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon. Ang Pagkabuhay ng Panginoon ay itinuturing na “ikawalong araw” sapagkat ito’y tanda ng pagbubukang-liwaway ng bagong nilikha. Tayo ay minarapat na biyayaan ng karapatang maging mga anak ng Ama. Tinitignan niya ang puso ng bawat taong mapagkumbaba sa kabila ng mga abilidad at kakayahan.
Ito’y nagpapaalala sa atin na mahalaga ang batas para sa ating kaayusan at disiplina. Subalit ang diwa ng batas ay kailangan nating ipairal na dapat manaig sa ating mga puso ang paggawa ng mabuti sa kabila ng mga paghihigpit sa ating mga paligid. Kaya ang mahalaga dito na sa bawat araw, lalung-lalo na sa Linggo, maghari nawa ang ating pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao sa kabila ng mga striktong pagsunod sa kautusan. Kung tayo ay itinuturo na gumawa ng tama at talikdan ang masama, gawin natin itong pagkakataon na gumawa ng mabuti, at kasama na diyan ay ang pagpapamalas ng ating awa at malasakit sa ibang tao.
Naranasan mo na bang husgahan ka dahil sa kung paano ka nakikita ng iba nang walang nakakaalam kung ano talaga ang nasa puso mo? Ipinapaalala sa atin ni Hesus na ang Diyos ay nakakakita ng higit pa sa panlabas na anyo.
Sinasabi sa Ebanghelyo ngayon, Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath.
Nakita ng mga Pariseo ang ginagawa ng mga disipulo, ngunit hindi nila nakita kung bakit nila ito ginagawa. Higit pa sa panlabas na kilos ang nakikita ni Hesus. Nakita niya ang mga taong nagugutom at nangangailangan.
Madali para sa atin na humatol batay sa panlabas na anyo o gumawa ng mabilis na pagpapalagay. Ngunit ang Diyos ay tumitingin nang mas malalim. Nakikita Niya ang ating mga puso, ang ating mga paghihirap, at ang mga dahilan sa likod ng ating mga kilos.
Bilang mga tagasunod ni Kristo, tayo ay tinawag upang gawin din ito nang may habag sa halip na pagkondena. May tendensiya ka bang humatol batay sa panlabas na anyo? O sinusubukan mong tingnan ang mga tao tulad ng pagtingin ni Hesus?
Manalangin tayo. Panginoong Hesus, bigyan mo kami ng mga pusong nakakakita nang may habag. Tulungan mo kaming tumingin nang higit pa sa panlabas na anyo at mahalin ang iba nang may parehong awa na ipinakita mo sa amin. Amen.
PAGNINILAY
Lucas 6, 1-5
Sa Ebanghelyo, ipinakita ni Hesus na ang Araw ng Pamamahinga ay hindi lamang tungkol sa pagsunod sa batas, kundi sa tunay na layunin nito—ang buhay na puno ng pag-ibig, kabutihan at pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos. Hindi isinasantabi ni Hesus ang Banal na Kautusan; bagkus itinutuwid Niya ang maling paggamit dito. Kapag ang batas ay nagiging dahilan upang isantabi ang nangangailangan, nawawala ang tunay nitong diwa.
THEOLOGICAL INSIGHT
Ang pamamahinga ay bahagi ng disenyo ng Diyos para sa tao. Hindi tayo nilikha upang laging kumilos, maghabol, mag-ipon at magpagod. May panahon para magtrabaho at may panahon upang huminto, manahimik, magpasalamat at muling ituon ang puso sa Diyos.
PUSO NG EBANGHELYO
Ang tunay na pagsunod sa Diyos ay hindi bulag na pagsunod sa letra ng batas, kundi katapatan sa diwa ng pag-ibig, awa at kabutihan na nakapaloob dito. Maaaring tama ang ating ritwal, ngunit kung wala namang malasakit sa nagugutom, nasasaktan o nangangailangan, kailangan nating suriin ang ating puso. Ang paggawa ng mabuti ay hindi kalaban ng Banal na Kautusan sa halip ito ang katuparan ng layunin nito.
ARAL KATEKISMO
Sa ating mga Katoliko, ang araw ng Linggo, ay Araw ng Panginoon, araw ng pangilin, panahon upang sambahin ang Diyos, makibahagi sa Banal na Misa, magpahinga at bigyang-panahon ang pamilya at kapwa. Ang pamamahinga ay hindi katamaran kundi pagbabalik ng ating panahon sa Diyos.
PAGSASABUHAY
Tanungin ang sarili: Marunong pa ba akong huminto? Baka sa sobrang paghabol sa kabuhayan, tagumpay at mga responsibilidad, nakalimutan na nating makinig sa Diyos. Ang banal na pamamahinga ay hindi paglayo sa misyon; ito ang nagbibigay ng bagong lakas upang maglingkod, magmisyon nang may pag-ibig.
HAMON NG EBANGHELYO
Matutong huminto, manalangin at gumawa ng mabuti. Huwag maging bihasa lamang sa ritwal; maging buhay na saksi ng pag-ibig na siyang puso ng Kautusan.
WORD OF THE DAY: PAMAMAHINGA
Ang tunay na pamamahinga ay hindi lamang pagpapahinga ng katawan; ito ay pagpapahinga ng puso sa presensya ng Diyos.
PANALANGIN:
Panginoong Hesus, turuan Mo kaming sumunod hindi lamang sa letra ng batas kundi sa puso nito—ang pag-ibig. Bigyan Mo kami ng pusong marunong huminto, makinig, magpasalamat at gumawa ng mabuti. Amen.
To God be the highest glory now and forever. Amen.
Pagninilay:
Mapagpalang Paggunita kay Santa Teresa ng Calcutta! Sa Ebanghelyo, makikita natin ang ginawa ng mga disipulo ni Hesus na siyang naging dahilan para makatanggap sila ng kritisismo mula sa mga Pariseo. Ito ay dahil noong Araw ng Pamamahinga o Sabbath, “Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga trigo, kinuskos sa kanilang mga kamay at kanila itong kinain.” Bakit nga ba nagagalit ang mga Pariseo kay Hesus at sa Kanyang mga alagad? Kahit na ito ay taliwas sa ginagawa ng mga Pariseo patungkol sa Araw ng Pamamahinga, kung saan kahit ang simpleng pagpitas ng mga trigo ay ipinagbabawal, makikita natin na ang ganitong paniniwala ay nagdulot sa mga Pariseo na magkaroon ng maling perspektibo pagdating sa pagsunod sa utos ng Diyos. Ang Araw ng Pamamahinga ay naging oportunidad upang tingnan nila ang kanilang sarili sa matataas na pamamaraan, kaya tuwing may nakikita silang gawain mula sa ibang tao na para sa kanila ay mali, nagiging dahilan ito upang maging mababa ang turing nila sa ibang tao at tila ba ay pilitin ang iba sa kung ano ang tingin nilang tama mula sa maling intensyon na ito.
Sa katotohanan, ang ganitong perspektibo ay taliwas sa tunay na mensahe ng Araw ng Pamamahinga na nakatuon sa katotohanang ang mga tao ay dapat mamahinga sa presensya ng Diyos, sapagkat ito ang ikabubuti ng ating kaluluwa; kaya hindi dapat ipagbawal ang mga bagay na para sa ating ikabubuti. Hindi ito tungkol sa pagkumpara sa bawat isa, kundi isa itong oportunidad na mapalapit ang bawat isa sa Diyos na nakakaalam kung ano ang tunay na mabuti para sa atin. Dahil dito, binanggit ng ating Panginoong Hesus ang halimbawa ni Haring David na pumasok sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog dahil siya’y nagugutom, kahit na ito ay nakareserba lamang para sa mga saserdote. Ang tinapay na handog sa Lumang Tipan ay isang senyales ng magaganap sa Bagong Tipan kung saan sa pagsamba sa Misa, si Hesus na Tinapay ng Buhay ang magbibigay ng buhay na walang hanggan na siyang tunay na hinahanap ng ating puso at kaluluwa. Ito rin ang dahilan kung bakit ang obligadong araw sa isang linggo para sa ating pagsamba ay hindi na sa Sabado, ang ikapitong araw, kundi sa Linggo, ang unang araw, dahil ito ang araw ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Tayo ngayon ay mayroong pag-asa sa tunay na pamamahinga sa Langit kasama ang Diyos dahil sa pagdurusa, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Kristo. Ayon sa Katekismo ng Simbahang Katolika, “In Christ’s Passover, Sunday fulfills the spiritual truth of the Jewish sabbath and announces man’s eternal rest in God” (CCC 2175). Ang turo ni Hesus at ng mga apostol ay taliwas sa mensahe ng kondemnasyon ng mga Pariseo. Sa halip, ang turo na ating matatagpuan sa Salita ng Diyos ay mensahe ng pag-ibig. Kahit sa unang pagbasa, binanggit ni San Pablo, “Ito’y sinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan kayo bilang mga anak na minamahal.” Hindi ninanais ng Diyos na tayo ay pahiyain; sa halip, ang mensahe ng Diyos ay bunga ng Kanyang pagmamahal para sa atin. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo ay magiging mas bukas sa pagtatama na ninanais Niya sa ating buhay, tulad ng kung paanong ang pagsunod natin sa Kanya sa kabanalan ay nakabase sa pag-ibig, hindi sa takot. Ganito rin ang matatagpuan natin sa buhay ni Santa Teresa ng Calcutta. Siya ay nagkaroon ng “call within a call” o “second calling” dahil kahit na siya’y naging madre sa Institute of the Blessed Virgin Mary bilang isang “Loreto sister”, nakaranas ng isang kakaibang karanasan at pagtawag si Santa Teresa habang siya’y nasa isang tren noong siya’y tatlumpu’t anim na taong gulang.
Ayon kay Santa Teresa ng Calcutta, “I heard the call to give up all and to follow Him into the slums—to serve Him in the poorest of the poor…I knew it was His will and that I had to follow Him. There was no doubt that it was going to be His work.” Matapos ang dalawang taon sa pagsusuri ng kanyang bokasyon ay pinagbigyan siya ng kanyang mga religious superiors, at dito siya lumago sa kabanalan sapagkat ang paglilingkod niya sa mga mahihirap, sa konteksto ng “Missionaries of Charity” na kanyang itinatag, ay upang ipakita ang pagmamahal kay Hesus na nauuhaw sa ating pag-ibig mula sa Kanyang Sagradong Puso. Sana ay sa ating “examination of conscience”, hindi lamang ito pag-alam ng mga gawaing alam nating kasalanan, kundi pagkilala na ang mga ito ay nagdudulot ng pagdurusa sa puso ni Hesus, habang ang pag-ibig natin sa Kanya at sa ating kapwa ay nagbibigay ng kasiyahan sa Kanyang Sagradong Puso. Nawa’y maging malaya tayo sa pagiging makasarili upang maibigay natin ang ating buong sarili sa Diyos at sa ating kapwa matapos nating sumagot ng “Oo” sa pagtawag ng Diyos. Amen. +
Pagninilay ni: CJTH
Pagbasa: Awit at Papuri Communications
Saint Mother Teresa of Calcutta, Virgin—Optional Memorial:
https://mycatholic.life/saints/saints-of-the-liturgical-year/september-5-saint-mother-teresa-calcutta/
What Catholics Believe:
https://www.catholic.com/tract/pillar-of-fire-pillar-of-truth
Ultimate Catholic Parents Guide:
https://youtube.com/watch?v=Ls6IcexZAls
Examination of Conscience and Guide to Confession:
https://mycatholic.life/catholic-prayers/examination-of-conscience/
Website of a Catholic Convert from atheism (Saint Beluga) on God and Catholic Miracles:
https://www.saintbeluga.org/