Podcast: Download (Duration: 6:59 — 8.8MB)
Miyerkules ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Corinto 3, 1-9
Salmo 32, 12-13. 14-15. 20-21
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Lucas 4, 38-44
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Wednesday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 3, 1-9
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, hindi ko kayo makausap tulad ng ginagawa ko sa mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay ayon sa laman, mga sanggol pa sa pananampalataya kay Kristo. Binigyan ko kayo ng gatas, hindi matigas na pagkain, sapagkat ito’y hindi pa ninyo kaya. At hindi pa ninyo kaya hanggang ngayon sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Mayroon pa kayong inggitan at alitan at iya’y nagpapakilalang makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. Kapag sinabi ng isa, “Ako’y kay Pablo,” at ng iba, “Ako’y kay Apolos,” hindi ba tanda iyan na kayo’y namumuhay pa ayon sa laman?
Sapagkat sino si Apolos? At sino si Pablo? Kami’y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananalig kay Kristo. Ginagawa ng bawat isa ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim ni ang nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos na siyang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay kapwa manggagawa lamang at bawat isa’y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagpapagal. Kami’y parehong manggagawa ng Diyos, at kayo ang bukirin niya. Kayo rin ang gusali ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 12-13. 14-15. 20-21
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Mapalad ang bansang ang Poon ang Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Nagmamasid siya at namamahala
sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
Ang isip nila’y sa kanya nagmula
walang nalilingid sa kanilang gawa.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
Siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa,
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 4, 38-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, umalis si Hesus sa sinagoga at nagtungo sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyanan ni Simon, kaya’t ipinamanhik nila kay Hesus na pagalingin siya. Tumayo si Hesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala nga ito. Noon di’y tumindig ang maysakit at naglingkod sa kanila.
Paglubog ng araw, ang lahat ng maysakit — anuman ang karamdaman — ay dinala ng kanilang mga kaibigan kay Hesus. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Nagsilabas sa marami ang mga demonyo, sabay sigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Hesus at hindi pinahintulutang magsalita, sapagkat nakikilala nila na siya ang Mesias.
Nang mag-umaga na, umalis si Hesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag munang umalis. Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang bayan ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos; sapagkat iyan ang layunin ng pagkasugo sa akin.” At nangaral siya sa mga sinagoga sa Judea.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Martes, Setyembre 1, 2026
Huwebes, Setyembre 3, 2026 »




{ 4 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Diyos ay puno ng awa at malasakit sa mga mahihina upang sila’y maging malakas hindi lang sa katawan, kundi pati na rin sa kaluluwa.
Ang ating Ebanghelyo ay nagpapakita kung paanong pinagaling ng Panginoong Hesus ang mga maysakit ay iba pang bigat ng karamdaman. Matapos niyang mapalayas ang isang demonyong sumasanib sa lalaki (Ebanghelyo kahapon), dumalaw naman siya sa bahay ng 2 sa kanyang Apostol, ang magkapatid na sina San Andres at San Pedro. Dito’y pinagaling niya ang biyenan nila na nilalagnat noong panahong iyon sa pagpapatong ng kanyang kamay upang mawala ang sakit. At ang sumunod sa pagkalubog ng araw ay marami pang ginawang kababalaghan si Hesus na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Sa sumunod na umaga ay pumunta siya sa ilang, ngunit natagpuan siya ng mga tao. Subalit sinabi niya na kinakailangan niyang ipahayag ang Mabuting Balita ng Paghahari ng Diyos sa iba’t ibang nayon at bayan, at ito’y kanyang ginawa sa rehiyon ng Judea.
Makikita dito na sa ilang ay nariyan ang lakas ng Panginoon na gumawa ng mga himala ay sa pamamagitan ng panalangin. Ang panalangin ay ang komunikasyon niya sa Diyos Ama bilang pagpapahayag ng pagtalima sa dakilang kalooban nito. Itinuturo sa atin ni Kristo na ang pagkaranas ng pagpapagaling sa buhay ay kinakailangan ng kaakibat na pananampalataya sa kanya. At ang pananampalatayang iyon ay isinasama sa pagsasabuhay ng kanyang kabutihan sa pagiging mabuti rin sa ating kapwa.
Kung nais nating maranasan ang tunay na kagalingan sa ating buhay ay maglingkod din po tayo sa ibang tao nang ipakita natin ang mabubuting pamamaraan upang kanilang sundan ang halimbawang iyan.
PAGNINILAY
Lucas 4:38-44
Ang tagpo sa Ebanghelyo, ay ang pagpapagaling ni Hesus sa biyenan ni Simon Pedro. Nang mawala ang kanyang lagnat, agad siyang tumindig at naglingkod sa kanila. Isang simpleng pangyayari, ngunit napakalalim ng mensahe: ang taong tunay na nahipo at pinagaling ni Hesus ay hindi nananatiling nakahiga sa kanyang kahinaan. Siya ay tumatayo upang maglingkod.
Marami rin ang dinala kay Hesus upang pagalingin. Ipinatong Niya ang Kanyang mga kamay sa bawat isa. Ipinakikita nito na ang awa ng Diyos ay personal—bawat isa ay nakikita, naririnig at minamahal. Ngunit ang pagpapagaling ni Hesus ay hindi lamang upang alisin ang karamdaman. Ito ay upang ibalik ang tao sa kanyang normal na buhay, upang makatugon sa tungkulin at misyon.
Kaya mahalagang pagnilayan natin: Ano ang mga “lagnat” sa aking buhay na nagpapahina sa aking paglilingkod? Maaaring ito ay pananamlay, takot, sama ng loob, pagkadismaya, pagod, pagkakasala, o kawalan ng sigla sa pananampalataya. Minsan, hindi katawan ang may sakit kundi ang puso at espiritu.
Ngunit tulad ng biyenan ni Simon, maaari tayong muling tumayo dahil kay Kristo. Kapag tayo’y nanghihina, Siya ang ating lakas; kapag tayo’y natitisod, Siya ang umaalalay; at kapag tayo’y muling itinayo, hindi lamang para sa ating sarili kundi upang maging pagpapala sa iba.
THEOLOGICAL INSIGHT:
Ang pagpapagaling ni Hesus ay tanda ng pagdating ng Kaharian ng Diyos. Ang Kanyang biyaya ay nagbabalik sa atin sa tamang ugnayan sa Diyos at kapwa, at ang biyayang tinanggap ay nagiging tawag sa paglilingkod.
PUSO NG EBANGHELYO:
Itinatayo tayo ni Hesus hindi lamang upang gumaling, kundi upang maglingkod at maging saksi ng Kanyang Mabuting Balita.
ARAL KATEKISMO:
Ang biyaya ng Diyos ay hindi lamang tinatanggap; ito ay isinasabuhay. Ang tunay na pakikipag-ugnayan kay Kristo ay humahantong sa pagmamahal sa Diyos at paglilingkod sa kapwa.
PAGSASABUHAY:
Sa tuwing tayo’y iginugupo ng pananamlay, huwag nating isipin na tapos na ang ating kakayahang maglingkod. Lumapit tayo kay Hesus, hayaang Siya ang magpalakas sa atin, at kapag muli Niya tayong itinayo, bumangon tayong may panibagong sigla.
Hindi kailangang maging perpekto bago maglingkod. Ang mahalaga ay pusong handang magpasalamat sa biyaya sa pamamagitan ng paglilingkod. Ang ating panahon, kakayahan, karanasan at kahit simpleng kabutihan ay maaaring gamitin ng Diyos upang maipalaganap ang Kanyang pag-ibig at Mabuting Balita ng kaligtasan.
HAMON NG EBANGHELYO:
Kapag itinayo ka muli ni Hesus mula sa iyong panghihina, huwag nang bumalik sa pagkakahiga. Tumayo ka, maglingkod ka, at maging pagpapala.
WORD OF THE DAY: “PAGTAYO”
Ang pagtayo ay hindi lamang pagbangon mula sa pagkakahiga. Ito ay pagtugon sa biyaya ng Diyos—ang pagpiling bumangon mula sa panghihina at muling ialay ang sarili sa paglilingkod.
PANALANGIN:
Panginoong Hesus, kapag kami ay igupo ng pananamlay, pagod, takot at panghihina, Ikaw ang aming lakas. Hipuin Mo kami at pagalingin ang anumang pumipigil sa aming maglingkod. Kapag muli Mo kaming itinayo, turuan Mo kaming bumangon nang may pananampalataya, maglingkod nang may pag-ibig, at magpatotoo nang may katapatan. Gamitin Mo kami upang maipalaganap ang Iyong Mabuting Balita at maging daluyan ng Iyong awa at pag-ibig sa Iyong sambayanan. Amen.
Praise God! Alleluia! Amen!
To God be the highest glory now and forever. Amen.
Nawa’y maging paalala po sa atin ang “Pagtayo”: hindi mahalaga kung ilang beses tayong nanghina o nadapa; ang mahalaga ay patuloy tayong nagpapahintulot kay Hesus na magbangon, magpagaling, at muling magsugo sa atin.
Naranasan mo na bang maramdaman na ang iyong halaga ay nakasalalay sa kung ikaw ay nagtagumpay o nabigo? Buweno, ipinapakita sa atin ni Hesus ang ibang paraan ng pamumuhay.
Hayaang hubugin ng Salita ng Diyos ang iyong araw, araw-araw. Sinasabi sa Ebanghelyo ngayon, Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa ibang mga lungsod, sapagkat ako ay isinugo para sa layuning ito. Sama-sama nating ipahayag ang Salita.
Matapos pagalingin ang maraming tao, nais ng mga tao na manatili si Hesus, ngunit hindi Niya hinayaang ang tagumpay ang magtakda ng Kanyang susunod na hakbang. Sa halip, nanatili Siyang nakatuon sa misyong ibinigay sa Kanya ng Kanyang Ama. Madali para sa atin na sukatin ang ating buhay sa pamamagitan ng mga resulta, kung ang mga bagay ay maayos o magulo.
Ngunit hindi muna tayo hinihiling ng Diyos na maging matagumpay. Hinihiling Niya sa atin na maging tapat. Kapag nakatuon tayo sa Kanya, ang tagumpay ay hindi magpapalaki sa atin, at ang pagkabigo ay hindi makakapigil sa atin sa pagsulong.
Manalangin tayo. Panginoong Hesus, tulungan mo kaming hanapin ang Iyong kalooban higit sa bawat tagumpay o pagkabigo. Turuan mo kaming manatiling tapat, na nagtitiwala na Ikaw ang bahala sa iba. Amen.
Pagninilay:
Mapagpalang Miyerkules sa ating lahat! Matapos umalis ang ating Panginoong Hesus sa sinagoga ay pumunta Siya sa bahay ni Simon upang pagalingin ang nanay ng kanyang asawa na mataas ang lagnat. Ang pagpunta rito ni Kristo ay nagpapakita sa atin na ang kalooban ng Diyos sa ating buhay ay hayaan ang Diyos na hilumin tayo sa ating sakit, hindi lamang sa pisikal kundi sa emosyon at espirituwal na sakit dulot ng kasalanan; at sa pamamagitan nito, matutunan natin ang kahalagahan ng pagtulong sa ibang tao na nahihirapan sa buhay. Kung paanong pumapasok si Hesus sa tahanan ng nanay ng asawa ni Simon, tayo ay iniimbitahan ni Kristo na papasukin Siya sa ating puso at isipan at humingi ng tulong upang maiwasan natin ang mga tukso at kaaliwan na nagdudulot sa ating mapalayo sa Diyos. Sa katotohanan, kasama ang paghihirap, tulad ng naranasan ng biyenan ni Simon, sa daan patungo sa kabanalan dahil dito tayo natututong maging kaisa sa Diyos sa kabila ng pagsubok sa buhay. Ayon sa Katekismo ng Simbahang Katolika, “The way of perfection passes by way of the Cross. There is no holiness without renunciation and spiritual battle” (CCC 2015).
Tuwing nagpupursige tayo sa ating pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kabila ng paghihirap na ating nararanasan, tayo ay nagiging kaisa kay Hesus sa Kanyang Sakripisyo sa krus. Mahalagang makita rin natin ang isa pang dahilan kung bakit mahalaga na mapalalim natin ang ating relasyon sa Diyos at hindi maging kuntento sa pagiging nasa estado ng grasya lamang. Tulad ng makikita natin sa unang pagbasa, “Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay kapwa manggagawa lamang at bawat isa’y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagpapagal.” Tayong lahat ay manggagawa sa hardin ng Diyos, sa Kanyang Kaharian. Sa kabila nito, may pagkakataon na maiisip natin na kung natanggap na natin ang kaligtasan mula sa Diyos ay maayos na ang ating buhay at wala na tayong kailangang gawin, na nagiging dahilan para manlamig ang ating pananampalataya. Sa halip, ang bawat isa ay tatanggap ng gantimpala mula sa Diyos ayon sa ating mabuting gawa. Hindi lamang gusto ng Diyos na tayo ay maligtas at makapasok sa buhay na walang hanggan sa langit; ninanais din Niya na mataas ang kaluwalhatian na ating matanggap sa Kanyang Kaharian.
Gayundin, may epekto sa ating buhay kung tayo ay nagkakasala pa rin ng “venial sins” at may mga pagkukulang sa ating espirituwal na pamumuhay. Ito ay nagdudulot upang mapalayo tayo sa Diyos at maging mas mahina laban sa mga tukso, bukod pa sa maaaring mapatagal ang isang tao sa purgatoryo sa halip na agad na makapasok sa langit sa piling ng Diyos. Maging sa ating buhay-panalangin ay mahalagang magkaroon tayo ng malinis na intensyon. Isang halimbawa ay ang tukso na maging mapagmataas tayo dahil sa nakikita nating tayo ay lumalago sa debosyon—na bagaman mahalaga, ay nararapat na makatulong sa ating pagpapakumbaba. Maaaring magkaroon din ng hindi malinis na intensyon ang iba kung ninanais nilang magsalita patungkol sa espirituwalidad para lamang mapuri ng maraming tao. Sa ating Ebanghelyo, nakita natin ang panalangin ng maraming tao para sa biyenan ni San Pedro na naging dahilan para siya ay mapagaling ni Hesus. Alalahanin din natin na maraming tao sa mundo at mga banal sa langit ang nagdarasal para sa atin, lalo na ang Mahal na Birheng Maria.
Magpursige tayo sa pagdarasal ng rosaryo upang maging malinis ang ating intensyon sa paglilingkod sa Diyos at tayo ay mapagaling sa ating mga pagkakasala na nagpapahina sa ating espirituwal na kalusugan. Gayundin, kung paanong tinutulungan tayo ng Diyos, maging instrumento rin tayo para sa ibang tao. Isama natin sa ating panalangin, lalo na sa Banal na Rosaryo, ang mga taong may sakit, kasama na rin ang mga ina na nagpapalaglag o nag-aaborsyon at ang kaluluwa ng mga anak na namamatay. Ipagdasal din natin na magkaroon ng pag-asa ang mga taong sinasaktan ang sarili at nakararanas ng depresyon upang matagpuan ng maraming tao ang tunay na paggaling at paghilom ng sugat sa kanilang puso mula sa ating Panginoong Diyos sa tulong ng panalangin ni Maria. Nawa’y ilagay ng Diyos sa ating mga puso ang pagmamahal sa Kanyang pangalan upang maranasan natin ang espirituwal na kalayaan mula sa mga kasalanan. Amen. +
Pagninilay ni: CJTH
Pagbasa: Awit at Papuri Communications
What Catholics Believe:
https://www.catholic.com/tract/pillar-of-fire-pillar-of-truth
Ultimate Catholic Parents Guide:
https://youtube.com/watch?v=Ls6IcexZAls
Examination of Conscience and Guide to Confession:
https://mycatholic.life/catholic-prayers/examination-of-conscience/
Website of a Catholic Convert from atheism (Saint Beluga) on God and Catholic Miracles:
https://www.saintbeluga.org/