Podcast: Download (Duration: 7:19 — 9.1MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Tinanggihan si Jesus ng sarili niyang mga kababayan. Tanggapin natin siya nang may pananampalataya at manalangin tayo sa kanyang pangalan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pumarito ka taglay ang aming kaligtasan.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y ipahayag nang may katapangan at isabuhay nang may paninindigan ang Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ni Kristo sa atin, nawa’y mapagtanto ng sandaigdigan ang bukal ng tunay na karunungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyanong magulang nawa’y maging matatag sa pagsunod kay Kristo na siyang Daan, Katotohanan, at Buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit na nabibigatan sa buhay nawa’y madama ang presensya ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaruga at malasakit ng kanilang mga pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y tumanggap ng kaligayahang walang hanggang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, walang sinuman sa amin ang makalalapit kay Kristo kung hindi mo ito ipinagkaloob; gawin mo kaming iisa sa kanya upang makapiling ka namin sa magpasawalang hanggan. Amen.
Pages: 1 2
« Linggo, Agosto 30, 2026
Martes, Setyembre 1, 2026 »




{ 6 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Sa ating Unang Pagbasa (1 Corinto 2:1-5), ipinaalala ni San Pablo sa Kristiyanong pamayanan ng Corinto tungkol sa pagpahahayag ng Mabuting Balita na ginawa niya sa pamamagitan ng patotoong mula sa Espiritu Santo. Ito yung kanyang katatagan na ipahayag at bigyan-saksi si Kristo sa pagpaparangal niya ng kaluwalhatian ng Krus ng Panginoon. Kaya dumaan si Pablo sa napakaraming hirap at pagsubok sa kanyang misyon at tungkulin. Subalit hindi ito humadlang sa kanya sapagkat patuloy siyang naging matatag sa pananampalataya sa ating Panginoon. Kaya makikita natin kung paano nagsasalita ng Diyos hindi lang ng ginhawa, kundi pati na rin ng katotohanan na bagamat masakit sa ating damdamin, ito ay totoo dahil matalas ang kanyang dila at isip.
Sa ating Ebanghelyo (Lucas 4:16-30), narinig natin kung paanong hindi tinanggap si Hesus ng kanyang mga kababayan sa Nazaret. Ani nila na imposible raw siya maging Mesiyas dahil siya’y isang anak ng karpintero sa Galilea. Ayon sa mga Hudyo, pinaniniwalaan nila na ang Mesiyas ay magmumula sa linya ni Haring David at ng mga hari ng Israel. Kaya inaasahan nila na siya’y isang makapangyarihang pinuno na magliligtas sa kanya mula sa pananakop ng mga Romano. Subalit hindi ganun ang layunin ni Hesus bilang Tagapagligtas. Siya ang tumupad sa pahayag ni Propeta Isaias (Isaias 61:1-2), na siya’y magpaparangal ng Mabuting Balita sa mga maralita, magpapagaling sa mga maysakit, magpapalaya sa mga bilanggo, at magpapahayag ng isang taon ng Panginoon. Sinabi din niya na ang Diyos ay maawain din sa mga Hentil gaya ng balo sa Sarepta at ni Naaman na taga-Siria, ang pinunong sundalo ng mga kawal. Dahil dito, tinangkang siyang patayin ng kanyang mga kababayan, ngunit tumakas siya sa paanan nila.
Ang Pagtanggi kay Hesus sa Nazaret ay isang masakit na pangyayari sa buhay ng ating Panginoon. Subalit inilawaran ni San Lucas na tunay ngang mahabagin at maawaain ang Diyos sa kanyang tao. Kaya si Kristo’y nagkatawang-tao para sa ating kaligtasan, at inalay niya ang kanyang buhay sa Krus. Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y tanggapin natin siya sa ating puso’t kaisipan, lalung-lalo na palapit na tayo sa Panahon ng Kapaskuhan.
Our past cannot be changed but we can hope for our future.
God is good all the time.
All the time God is good.
Amen.
God bless.
MAGNILAY: Maaaring ito ang pinakamaikling sermon ni Hesus pero hindi ibig sabihin pinakamahina. Maikli man pero tumimo pa rin sa puso ng mga nakikinig. Hindi kailangang mahaba o mabulaklak o sopistikado. Kailangan lang galing sa puso at sinsero. Hindi nagpapasiklab o nagpapabilib lang. Higit sa lahat sinasabuhay mo ang iyong sinasabi. Ito ang mga katangian ng epektibong pagpapahayag ng salita ng Diyos.
Dahil hindi ka nagpapasiklab o pinabibilib lang ang nakikinig sa iyo nasasabi mo ang katotohanan ng salita ng Diyos kahit masakit. Hindi mo pinapalabnaw o binabalutan ng asukal ang mapait na katotohanan. Kung kailangang masaktan at madistorbo hahayaan mong mangyari kung yun ang daan upang lumaya sila. Pinahayag ni Hesus ang katotohanan kahit itaboy siya ng kanyang mga kababayang hindi pa handa sa katotohanan.
MANALANGIN: Panginoon, palayain nawa kami ng katotohanan ng iyong mga salita.
GAWIN: Ipahayag mo ang salita ng Diyos nang walang labis o kulang.
PAGNINILAY:
Lucas 4, 16-30
Sa Nazaret, kilala ng mga tao si Hesus bilang “anak ni Jose.” Nakasanayan nilang makita Siya bilang isang ordinaryong kababayan. Kaya nang magsalita Siya nang may kapangyarihan at ihayag na natutupad sa Kanya ang propesiya ni Isaias, hindi nila agad nakita ang Mesiyas—nakita nila ang Hesus na pamilyar sa kanila.
Dito nagiging panganib ang familiarity: kapag masyado nating “kilala” ang isang tao, maaari nating isipin na alam na natin ang lahat tungkol sa kanya. Maging si Hesus ay maaaring maging pamilyar sa atin sa paraang nawawala ang paghanga, pagkamangha, at tunay na pakikinig.
Mayroon ding prejudice. Nang banggitin ni Hesus ang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa balo sa Sarepta at kay Naaman na taga-Siria, nagalit sila. Hindi nila matanggap na ang awa ng Diyos ay hindi nakakulong sa kanilang bayan, lahi, o sariling pamantayan. Minsan, ganito rin tayo: madaling tanggapin ang biyaya para sa “atin,” ngunit nahihirapang tanggapin na maaari rin itong ibigay ng Diyos sa taong hindi natin gusto, hindi natin kauri, o dati nating hinusgahan.
At may routines. Pumasok si Hesus sa sinagoga “gaya ng Kanyang kinagawian.” Maganda ang routine ng pananalangin at pagsamba, ngunit hindi sapat ang paulit-ulit na gawain kung hindi na nagbabago ang puso. Maaari tayong palaging nagsisimba, nagdarasal, nagbabasa ng Biblia at naglilingkod, ngunit nanatiling sarado sa bagong pagkilos ng Espiritu.
THEOLOGICAL INSIGHT
Si Hesus ang katuparan ng Salita ng Diyos. Ang Mabuting Balita ay hindi lamang dapat naririnig kundi tinatanggap at isinasabuhay. Ang tunay na pananampalataya ay nangangailangan ng pusong handang baguhin ng Diyos.
PUSO NG EBANGHELYO
Huwag hayaang maging pamilyar sa atin si Hesus hanggang sa hindi na natin Siya tunay na nakikita.
ARAL KATEKISMO
Ang pananampalataya ay personal na pagtugon sa Diyos na naghahayag ng Kanyang sarili. Hindi sapat ang kaalaman tungkol kay Kristo; kailangan ang pagtitiwala at pagbabagong-buhay.
PAGSASABUHAY
Tanungin natin ang ating sarili: May tao ba akong hinuhusgahan dahil sa aking prejudice? May nakasanayan ba akong relihiyosong routine na ginagawa ko na lamang nang walang puso? Ngayon, sikapin nating makinig muli kay Hesus na parang Siya ay nagsasalita sa atin sa unang pagkakataon. Buksan ang puso sa taong dati nating hindi pinapansin, at tanggapin na ang biyaya ng Diyos ay para sa lahat.
HAMON NG EBANGHELYO
Lumampas sa familiarity. Talikuran ang prejudice. Gawing buhay ang routine.
WORD OF THE DAY
FAMILIARITY — Kapag naging sobrang pamilyar si Hesus sa atin, baka makalimutan nating Siya ang Panginoon.
PANALANGIN:
Panginoong Hesus, alisin Mo sa aming puso ang bulag na familiarity, prejudice, at mga routine na walang buhay. Bigyan Mo kami ng pusong muling mamangha, makinig, tumanggap, at magbago. Turuan Mo kaming makita Ka hindi lamang sa mga pamilyar, kundi maging sa mga taong aming nahuhusgahan at hindi inaasahang pinagmumulan ng Iyong biyaya. Amen.
To God be the highest glory, now and forever. Amen.
Nawa’y maging paalala po ito na hindi sapat na pamilyar tayo kay Hesus—ang mahalaga ay tunay natin Siyang nakikilala, pinakikinggan, at sinusunod.
Naranasan mo na bang tanggihan ang isang mensahe dahil lang sa galing ito sa isang taong pamilyar sa atin?
Minsan, kinakausap tayo ng Diyos sa mga paraang hindi natin inaasahan at minsan, ang mga pamilyar na bagay ay maaaring maging dahilan para hindi natin Siya mapansin.
Sa Ebanghelyo ngayon, nahihirapan ang mga taga-Nazaret na makilala si Hesus dahil inaakala nilang kilala na nila Siya. Ang kanilang pagiging pamilyar ay nagiging hadlang sa pagkita kung sino talaga Siya.
Maaari tayong mahulog sa parehong patibong.
Maaaring magsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga taong pinakamalapit sa atin, sa pamamagitan ng mga ordinaryong sandali, o sa pamamagitan ng mga tahimik na paanyaya na madali nating nakakaligtaan.
Ang pananampalataya ay nagsisimula sa isang bukas na puso, isang pusong handang kilalanin ang presensya ng Diyos kahit sa karaniwan.
Pagninilay:
Mapagpalang Lunes sa ating lahat! Mabigat ang sinabi ng ating Panginoong Hesus na naging dahilan upang paalisin Siya ng mga tao. Sa ating Ebanghelyo, sinabi ni Kristo, “Sa dinami-dami ng mga ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling.” Kaya nagalit ang mga tao kay Hesus sa Kanyang sinabi ay dahil si Naaman ay hindi Hudyo. Isa siyang Hentil at mula sa ibang bansa. Kaya nakatanggap ng himala at paggaling si Naaman ay dahil sa kanyang pananampalataya, pagpapakumbaba, at pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa pagmamataas ng mga taga-Nazaret, hindi nila matanggap ang pahiwatig ni Hesus na ang kaligtasan ay para rin sa labas ng Israel at sa mga Hentil; sa halip na magpakumbaba at maniwala kay Hesus, pinili pa rin nilang maging mapagmataas at paalisin ang ating Panginoon. Ang pagpapagaling kay Naaman at ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Hesus ay mensahe para sa ating lahat upang tayo ay magpasalamat sapagkat si Hesus ay nag-alay ng Kanyang buhay sa Krus upang lahat tayo ay magkaroon ng pag-asa ng kaligtasan.
Ang Kanyang Simbahan ay hindi lamang para sa iilan kundi para sa lahat. Ang pagtalikod ng mga taga-Nazaret, na mga tao kung saan Siya nagmula, ay nagpapatunay sa atin na ang pagbabagong-loob ay biyaya mula sa Diyos na dapat nating tanggapin nang may pagpapakumbaba. Ayon sa Katekismo ng Simbahang Katolika, “This endeavor of conversion is not just a human work. It is the movement of a ‘contrite heart,’ drawn and moved by grace to respond to the merciful love of God who loved us first” (CCC 1428). Kung paanong ang pagbabago ay mula sa Diyos, ang tunay na karunungan din ay nagmumula sa ating Panginoon, hindi sa mundo. Kaya sinabi ni San Pablo sa unang pagbasa, “Sa pananalita at pangangaral ko’y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos.” Pinapaalala sa atin na ang mga kaloob ng Espiritu Santo ay iginagawad sa mga taong naniniwala sa Kanya; at sa halip na umasa sa matataas na pananalita, ipinapakita sa atin ni San Pablo na ang mga himala ay mula sa Diyos upang malaman natin ang katotohanan na taliwas sa mga ideolohiya na matatagpuan sa mundo.
Kahit sa panahon ngayon, gumagawa pa rin ang Diyos ng mga himala sa pamamagitan ng panalangin ng mga santo, Eucharistic miracles, Marian apparitions, at iba pa. Sa kabila nito, ang pinakamahalagang himala ay ang pagbabago ng ating puso. Kaya ang mensahe ni Hesus sa Ebanghelyo tungkol kay Naaman ay hindi lamang para sa pisikal na kagalingan, kundi para sa espirituwal na kagalingan ng ating puso at kaluluwa na mayroong espirituwal na sakit dulot ng kasalanan. Sa mga taga-Nazaret na tumalikod kay Hesus, sila ay nagpadala sa pagnanais o “desire” sa pagmamataas. Hindi nila maiwanan ang kanilang kasalanan dahil nagdudulot ito sa kanila ng kaaliwan o “pleasure” na mas pinipili nila kaysa sa kalooban ng Diyos. Kaya para sa atin, mahalagang makita natin na upang tayo ay makaiwas sa tukso, iwasan natin ang mga kaaliwan na nagdudulot ng kasalanan at ang mga bagay na hindi nakakatulong sa pagpapalalim ng ating relasyon sa Diyos. Kung hindi tayo nagpapadala sa makamundong kaaliwan, doon nagkakaroon ng kalayaan ang ating puso na sumunod kay Hesus, magkaroon ng kalayaan mula sa kasalanan, at maging kaisa ng ating Diyos na Minamahal.
Kahit sa mga simpleng bagay, iwasan natin ang mga distraksyon at ituon natin ang ating atensyon at buhay kay Kristo, na hindi ginawa ng mga taga-Nazaret sa ating Ebanghelyo. Iwasan natin ang intensyunal na pagkakaroon ng distraksyon sa Misa na nagiging dahilan upang hindi natin makita ang kagandahan ng Sakripisyo sa Misa, ang pag-aalay ng Sagradong Katawan, Dugo, Kaluluwa, at Pagka-Diyos ng ating Panginoong Hesus sa Banal na Eukaristiya. Kung paanong pinagaling ng Diyos si Naaman, tayo rin ay iniimbitahan ng Diyos na lumapit sa Kanya sa Adoration Chapel, at kahit magdasal sa Online Adoration sa ating bahay, dahil tuwing sinasamba natin si Hesus, ang Tinapay ng Buhay, pinapagaling Niya tayo sa ating kasalanan at patuloy na nililinis ang ating puso. Nawa’y ilagay ng Panginoon sa ating puso ang pagmamahal natin para sa Kanya at sa Kanyang mga utos upang tayo ay mapangalagaan ng Diyos at lumago sa kabutihan. Amen. +
Pagninilay ni: CJTH
Pagbasa: Awit at Papuri Communications
What Catholics Believe:
https://www.catholic.com/tract/pillar-of-fire-pillar-of-truth
Ultimate Catholic Parents Guide:
https://youtube.com/watch?v=Ls6IcexZAls
Examination of Conscience and Guide to Confession:
https://mycatholic.life/catholic-prayers/examination-of-conscience/
Website of a Catholic Convert from atheism (Saint Beluga) on God and Catholic Miracles:
https://www.saintbeluga.org/