Linggo, Agosto 16, 2026

August 16, 2026

PANALANGIN NG BAYAN
Missalette (Tagalog)

Nais ng Diyos ang kaligtasan ng lahat at ipinapakita Niya ang Kanyang awa sa mga nagtitiwala sa Kanya. Buong tiwala, tulad ng babaeng Cananea, tayo’y manalangin: Ama namin, dinggin Mo ang aming panalangin.

Ama namin, dinggin Mo ang aming panalangin.

Para sa Simbahang Katolika: nawa’y maging tunay Siyang tanda ng pag-asa para sa lahat, at bukas na tanggapin ang mga dayuhan, mahihirap, at mga nakadarama ng pag-iisa. Manalangin tayo sa Panginoon.

Para sa mga pinuno ng mga bansa: nawa’y manaig sila sa pagiging walang-malasakit at paboritismo at magsikap para sa pagkakaisa, pagkakapatiran, at kapayapaan. Manalangin tayo sa Panginoon.

Para sa mga pinuno ng iba’t ibang relihiyon: nawa’y ang pagkakaiba ng paniniwala ay maging daan sa pag-uusap, pagtutulungan, at kapayapaan. Manalangin tayo sa Panginoon.

Para sa ating mga mag-anak at parokya: nawa’y lumago tayo sa pag-ibig at paggalang sa isa’t isa, at walang sinuman ang makaramdam na siya ay naiiba o napapabayaan. Manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos naming Ama, punuin Mo kami ng Iyong Espiritu Santo upang matanggap namin ang Kanyang mga kaloob at maging handang magmahal nang walang hangganan at pag-aalinlangan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 27, 2020 at 4:42 pm

PAGNINILAY: Ang planong pangkaligtasan ng ating Panginoong Diyos ay hindi lang para sa mga Hudyo, kundi ito’y para sa lahat. Makikita natin ito sa Unang Pagbasa na kung saan sinasabi dito ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias na ang bawat tao ay dapat gumawa nang mabuti kahit ika’y Hudyo o Hentil, at sundin ang bawat utos na kanyang binigyan.

Ganun din sa Ikalawang Pagbasa, hinikayat tayo ni San Pablo na ipahayag at isabuhay ang kaligtasang ipinagkaloob ng Diyos sa atin para kahit ang mga Hudyo ay hindi naniniwala kay Kristo, maaari natin silang itawag sa ating pananampalataya.

At makikita natin dito sa ating Ebanghelyo ang isang pagtatagpo ni Hesus sa isang babaeng taga-Cananea. Itong babae ay lumapit sa kanya at humingi ng tulong upang ipalayas ang demonyong umaanib sa kanyang dalaga. Kaya siya’y tinawagan na “Anak ni David” ng isang hindi kalahi niya. Noong mga panahong iyon, ang paniniwala ng kaligtasan ay nakasalalay lamang sa mga Hudyo dahil mga Hentil ay tinaguriang mga pagano at mga tagalabas ng bayang pinili ng Diyos. Ngunit sa pagkakataong ito, sinubok ni Hesus ang pananampalataya ng babae. Kahit hiniling ng mga alagad na pagbigyan ang babae para siya’y umalis, sinabi ng Panginoon na naparito siya para sa mga nawawalang tupa ng Israel. Akala ng babae dahil si Kristo’y naparito lamang para sa kanyang sariling kababayan, ngunit patuloy siyang humingi ng tulong. At dito sinabi ni Hesus na hindi dapat kunin ang mga pagkain ng bata para pakainin sa mga aso, pero tugon ng babae na ang mga aso ay kumakain ng mga tirang pagkaing nahuhulog sa mesa ng kanilang mga amo. Ibig sabihin nito’y bilang Hentil, narinig niya ang mensahe ng Diyos ng kaligtasan at nabalitaan niya tungkol kay Hesus, kaya siya’y lumapit sa kanya para sa pagpapagaling ng kanyang anak. At dito natuwa si Hesus sa napakalaking pananampalataya ng babae, kaya natupad ang kahilingan nito.

Mga kapatid, ang planong kaligtasan ng Diyos ay para sa lahat. Ang ating Simbahan ay bukas para sa lahat ng tao kahit anumang relihiyon, lahi, o kinalalagyan sa buhay. Makikita natin sa bawat simbahan ang mga pagdiriwang ng Banal na Sakripisyo ng Misa, mga Sakramento, panalangin, formation, seminar, atbp. upang palugusin ang espirituwalidad ng lahat ng dumadalo at nais lumapit sa Panginoon upang humiling. Ang bawat simbahan din ay may mga programang pangpastoral upang tulungan ang mga mahihirap, nangangailangan, laylayan sa lipunan, ang mga makasalanang gustong magbago at hinihikayat na magbago, ang mga nabibigatan ng mga pagsubok, atbp. Higit pa dun, tayo mismo ang Simbahan, ang Sambyanan ng Diyos na binubuo ng mga Ordenado at Laiko. Tayo’y inatasang ipahayag at bigyang-saksi ang mensahe ng pag-ibig ng Diyos sa ibang tao. At nawa’y magkaroon tayo ng malaking pananampalataya sa Panginoon katulad ng babaeng taga-Cananea upang malampasan natin ang mga pagsubok at paghihirap sa buhay na idinadanas natin, ng isa’t isa, at ng ibang tao.

Reply

RUEL ROMUALDO August 11, 2023 at 9:22 am

Sa ating mga buhay, maaaring may mga pagkakataong tayo rin ay nagiging malapit sa pagkakamali o pagkukulang. Subalit sa kuwento ng Cananeo woman, ating natutunan na ang Diyos ay handang tanggapin tayo sa kabila ng lahat ng ating mga limitasyon. Ang pagpapakumbaba, pananampalataya, at pagmamahal sa kapwa ay nagbibigay-daan upang tayo’y maging instrumento ng pagbabago at pag-unlad sa ating sarili at sa ating lipunan.
Hinihikayat tayong lahat na maging tapat sa ating pananampalataya, lalo na sa mga pagkakataong ang pagsubok ay dumadating. Maaaring mahirap, ngunit katulad ng Cananeo woman, huwag tayong mawawalan ng pag-asa at lakas na humarap sa mga ito. Sa pagtitiwala sa Diyos at pagmamahal sa ating kapwa, magiging posible nating malampasan ang anumang mga pagsubok at magtagumpay sa ating mga gawain.

Nawa’y maging inspirasyon sa ating lahat ang kuwentong ito ng Cananeo woman, na sa kanyang pananampalataya, pagpapakumbaba, at pagmamahal, ay nagdulot ng himala at pagbabagong buhay. Sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

Reply

Bro. NSP August 16, 2023 at 10:14 pm

BATANG MAKULIT

Minsan habang nagkkwentuhan kasama ang ilang mga kaibigan napadpad ang aming usapan tungkol sa pagbabalik-tanaw ng aming pagkabata. Napagtanto namin na iba na pala talaga ang buhay kapag tayo’y unti unti na tumatanda. Naisip naming nakakamiss palang maging bata, walang pinoproblema at walang iniintindi. Nakakamiss pala yung mga pagkakataon na palagi tayong mangungulit kapag may gusto tayong candy, kapag may gusto tayong damit, o kapag may gusto tayong laruan at hindi tayo titigil sa pangungulit sa ating mga magulang hanggang hindi naibibigay ang mga bagay na gusto natin.

Malaki na pala ang kaibahan ngayon, hindi na tayo bata at hindi na tayo mangungulit dahil anumang bagay na mayroon tayo ay kinakailangan na nating paghirapan at pagsumikapan. Subalit alam mo bang hindi nagbabago ang tingin sa atin ng Diyos? Tayo pa rin naman yung mga BATANG MAKUKULIT sa bawat ating hinaing, hinihiling, at mga panalangin. Hindi nagbabago ang tingin sa atin ng Diyos, tayo pa nga ang nagbago, tayo ang madaling magsawa, tayo ang madaling sumuko, tayo ang madaling mawala, tayo ang madaling mainip, tayo ang hindi na nangungulit, tayo ang mahina ang pananalig.

Noong nakaraang linggo ay natunghayan natin ang liit ng pananalig ni pedro, na siya pang lubos na nakakikilala at laging kasa-kasama ni Hesus. Ngayong linggo ay atin namang nakita na kung sino pa yung malayo kay Hesus at hindi nakakikilala ng lubos sa kanya ang may matibay at malaking pananalig at pananampalataya.

Inaanyayahan tayo ni Hesus sa linggong ito na tularan ang babae sa ebanghelyo, sinubukang ipinagtabuyan ni Hesus, sinubukang maliitin ni Hesus, sinubukan ni Hesus ang kanyang pananampalataya, ngunit sa kabila ng lahat, patuloy siyang nangulit at hindi sumuko sa paglapit at paghingi ng tulong kay Hesus. Nalugod si Hesus sa laki ng kanyang pananampalataya.

Sabi nga ni Padre Pio, “Pray hard, it works” lakihan at tibayan natin ang ating pananalig, huwag susuko, huwag titigil, sapagkat MAY MAGAGAWA ANG PANALANGIN, MAY MAGAGAWA ANG DIYOS!

(Pagninilay sa ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon | Taon A – Mateo 15, 21-28)

Reply

Mel Mendoza August 15, 2026 at 11:59 pm

PAGNINILAY:
Mateo 15,28

“Napakalaki ng iyong pananalig!” — Mateo 15,28

Sa unang pandinig sa Pagbasa sa Ebanghelyo, maaaring magtaka tayo sa sinabi ni Hesus sa Cananeang babae: “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” Bakit “tuta” ang ginamit na larawan?

Sa orihinal na Griyego, ang salitang ginamit ay kynaria, na tumutukoy sa maliliit na asong nasa tahanan o “pet dog”. Ipinapakita nito ang konteksto ng misyon ni Hesus na unang nakatuon sa sambahayan ng Israel. Ngunit hindi doon nagtatapos ang awa ng Diyos.

Ang mahalaga ay ang naging tugon ng babae. Hindi siya nasaktan o nainsulto sa sagot ni Hesus. Sa halip, hindi siya sumuko. Lumapit siya, lumuhod, at sinabi: “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” At nang tila may hadlang pa rin, lalo niyang ipinakita ang kanyang pagtitiwala: “Ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.”

Napakalalim ng kanyang pananampalataya. Hindi niya hinihingi ang buong hapag. Kahit mumo lamang ng awa ni Kristo ay sapat na para sa kanyang anak. Kaya sinabi ni Hesus: “Napakalaki ng iyong pananalig!”

Marahil ganito rin ang karanasan ng ilan sa atin. Matagal na tayong nananalangin ngunit tila tahimik ang Diyos. Paulit-ulit tayong kumakatok ngunit tila walang bumubukas na pinto. Ngunit itinuturo sa atin ng Cananeang babae: huwag sukatin ang pag-ibig ng Diyos sa bilis ng Kanyang sagot. Ang tunay na pananampalataya ay nananatili kahit naghihintay.

THEOLOGICAL INSIGHT
Ang awa ng Diyos ay hindi nakakulong sa ating mga hangganan. Sa pamamagitan ni Kristo, ang pagliligtas ng Diyos ay para sa lahat ng lumalapit sa Kanya nang may tunay na pananampalataya. Ang pananampalataya ay hindi lamang pagtanggap sa biyaya; ito rin ay pagtitiwala sa Diyos kahit hindi pa natin nauunawaan ang Kanyang ginagawa.

PUSO NG MABUTING BALITA
Hindi nasusukat ang pakikinig ng Diyos sa bilis ng Kanyang sagot. Nasusukat ang ating pananampalataya sa ating kakayahang manatili sa Kanya habang naghihintay ng sagot.

ARAL KATEKISMO
Ang panalangin ay pakikipag-ugnayan ng anak sa kanyang Ama. Kapag hindi agad natutupad ang ating hinihiling, hindi ibig sabihin na hindi tayo naririnig. Ang Diyos ay laging nakikinig at nagbibigay ayon sa Kanyang karunungan at kalooban. Kaya ang panalangin ay hindi lamang paghingi ng gusto natin, kundi pagtitiwala sa Diyos na higit na nakaaalam ng ating tunay na pangangailangan.

PAGSASABUHAY
Kapag dumating ang pagsubok, huwag agad sumuko. Manalangin. Lumapit. Magtiwala. Magpursigi.
At kahit may sarili tayong problema, huwag nating kalimutang maglingkod at tumulong sa iba. Tulad ng Cananeang ina na dala ang sariling paghihirap, maaari rin tayong maging instrumento ng awa ng Diyos sa kapwa. Hindi kailangang maging perpekto o walang problema ang buhay bago tayo makapaglingkod.

HAMON NG EBANGHELYO
Kapag tila tahimik ang Diyos, lumapit pa.
Kapag tila sarado ang pinto, kumatok pa.
Kapag tila maliit na lamang ang pag-asa, kumapit pa.

Sapagkat minsan, ang hinihingi natin ay isang malaking himala, ngunit ang unang himalang ginagawa ng Diyos ay ang pagpapalalim ng ating pananampalataya.

WORD OF THE DAY
PAGPUPURSIGI — Patuloy na kumakapit sa Diyos kahit hindi pa nakikita ang kasagutan.

PANALANGIN:
Panginoong Hesus, turuan Mo kaming magkaroon ng pananampalatayang tulad ng Cananeang babae—mapagpakumbaba, matiyaga at hindi sumusuko. Kapag tila tahimik Ka, turuan Mo kaming magtiwala. Kapag kami ay nanghihina, palakasin Mo kami. At sa kabila ng sarili naming mga pagsubok, gawin Mo kaming kasangkapan ng Iyong awa at pagmamahal sa iba. Amen.

To God be the highest glory, now and forever. Alleluia! Amen!

Reply

Jaime Jimenez August 16, 2026 at 8:19 am

Palaging isipin natin na iwaksi ang pagkamayabang.
Pangarap (Kahilingan sa Diyos) ang kailangang itaas, hindi ang ating sarili. Tumingin at manalangin sa Diyos nating nasa Kalangitan, habang nagpapakumbaba at alalahanin na nakatapak ka sa lupa na iyong pinanggalingan.

Reply

Ruel August 16, 2026 at 9:53 am

Ang lahat ay biyaya Ito sabi at Theresa ng nino Hesus pero nakikita mo b? Tunay dapat natin makita Ito at pinakita sa atin ng isang ina na cannaian. Na siyang pinuri ni Hesus . Lumapit siya dahil hiling niya napagalingin Ang Anak niya napinhihirapan ng demonyo naaawa siya sa anak niya kahit Hindi siya hudio lumapit Kay Hesus at nanalig Kay Hesus na mapapagaling niya anak niya una Hindi siya pinansin ni Hesus at naunawaan niya Ang sinabi niya na Hindi dapat kunin Ang pagpalain para itapon sa mga aso . Pero Anu sabi ng ina kahit mumong nahuhulog sa hapag ng mga anak ay nangingingain Ang mga tuta. Ito marahil Ang paghanga ni Hesus napinakita ng babae na Ang biyaya ay para sa lahat ngunit Ang pagtanggap natin ay nangangailangan ng malalim na pananalig sa kanya. Dahil Ang biyaya ipinagkakaloob sa atin ay mahalaga at pinahalagahan ng dugo ni Hesus.

Reply

dlanor321 August 16, 2026 at 3:15 pm

Naranasan mo na bang sumuko dahil tila hindi pinakikinggan ang iyong mga panalangin? Kapag hindi agad dumarating ang mga sagot, napakadaling mawalan ng pag-asa o magtaka kung nakikinig ba ang Diyos. Ngayon, sa ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon, isang determinadong ina sa Ebanghelyo ang nagpapaalala sa atin na ang Diyos ay hindi kailanman nagwawalang-bahala sa ating mga sakit, at ang ating pagtitiyaga ay isang magandang tanda ng malalim na pananampalataya.
Sa Ebanghelyo ngayon, isang babaeng Canaanita ang lumapit kay Hesus at nagsusumamo para sa paggaling ng kanyang anak na babae. Kahit na hindi agad dumating ang sagot, tumanggi siyang sumuko at patuloy na nagtiwala sa Kanya. Naantig ng kanyang pusong nananatiling matatag, sinabi sa kanya ni Hesus: Babae, dakila ang iyong pananampalataya! Mangyari nawa para sa iyo ang ayon sa iyong nais.
Ang kanyang pagtitiyaga ay hindi katigasan ng ulo, kundi dalisay at matapang na pananampalataya. Lahat tayo ay may mga intensyon, alalahanin, o tahimik na dalamhati na parang walang kasagutan. Ngunit tinitiyak sa atin ng Ebanghelyong ito na ang katahimikan ay hindi kawalan. Ang pananampalataya ay hindi nangangahulugan na nakakakuha tayo ng agarang sagot sa ating sariling mga kagustuhan, ngunit nangangahulugan ito ng patuloy na pagtitiwala sa Isa na nakikinig sa bawat bulong ng ating mga puso. Patuloy na manalangin pa rin.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: