Lunes, Agosto 17, 2026

August 17, 2026

Lunes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Ezekiel 24, 15-24
Deuteronomio 32, 18-19. 20. 21

Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.

Mateo 19, 16-22


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Twentieth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Ezekiel 24, 15-24

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Sinabi sa akin ng Panginoon: “Tao, sa isang iglap ay kukunin ko ang taong pinakamamahal mo ngunit huwag mong itatangis ni iluluha. Maaari mong daanin sa buntong-hininga ngunit tibayan mo ang iyong loob. Manahimik ka at huwag iparirinig ang iyong pagtangis. Huwag kang lalakad nang walang sapin sa paa at lambong sa ulo, na tanda ng pagluluksa. Huwag mong tatakpan ang iyong mukha ni kakain ng pagkain ng mga upahang taga-iyak.”

Umaga nang ako’y magsalita sa mga Israelita. Kinagabihan, namatay ang aking asawa. Kinaumagahan, ginawa ko ang iniutos ng Panginoon.

Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin sa ginagawa mong ito?” Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ng Panginoon na sabihin ko sa sambahayan ng Israel ang ganito: ‘Ang aking Templo na siyang sagisag ng inyong kapangyarihan at kasiyahan ay sasalaulain ko, at papatayin sa tabak ang inyong mga anak. Tularan ninyo ang ginagawa ko: huwag kayong magluluksa ni malulungkot. Mag-ayos kayong tulad ng dati, nakaturbante at panyapak. Huwag kayong tatangis o luluha. Dahil sa inyong kasamaan, mangangayayat sa matinding himutok ang bawat isa sa inyo. Sinabi ng Panginoon na ang mangyayari kay Ezekiel ang magiging babala sa inyo. Kung mangyari na ang lahat, tularan ninyo ang kanyang ginagawa. Sa gayun, makikilala ninyong ako ang Panginoon.'”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Deuteronomio 32, 18-19. 20. 21

Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.

Tinalikdan nila ang Diyos na lumikha sa kanila,
ang Diyos na sa kanila’y nagbigay-buhay.
Nasaksihan niya ang pagsamba nila sa diyus-diyosan
kaya’t kanyang itinakwil,
sila na itinuring niyang mga anak.

Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.

Sinabi niya, “Tatalikdan ko sila,
tingnan ko lang kung ano ang kanilang sapitin,
pagkat sila’y isang lahing masama, mga anak na suwail.

Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.

“Pinapanibugho nila ako nang sambahin nila yaong hindi Diyos.
Ginalit nila ako dahil sa kanilang diyus-diyosan.
Kaya, paninibughuin ko rin sila at gagalitin,
sa pamamagitan ng bansang di kumikilala sa akin.”

Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.

ALELUYA
Mateo 5, 3

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 19, 16-22

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, may isang lalaking lumapit kay Hesus at nagtanong, “Guro, ano pong kabutihan ang kailangan kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Kung ibig mong magkamit ng buhay, sundin mo ang mga utos.” “Alin-alin po?” tanong niya. Sumagot si Hesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; igalang mo ang iyong ama at ina; at, ibigin mo ang iyong kapwa, gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Sinabi ng binata, “Tinutupad ko na pong lahat iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?” “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan. Kapag ginawa mo iyan, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin,” sagot ni Hesus. Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata, sapagkat siya’y napakayaman.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 9, 2020 at 4:38 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay isang pagtalikod ng Panginoong Diyos sa kanyang bayang Israel dahil sa pagmamatigas at pagkakasala nito. Kaya nga ang Israel ay sinakop ng mga kalabang bansa, at itinapon ang mga tao sa bihag. Ngunit si Propetang Ezekiel ay magiging tanda para sa mga tao na tumalikod sa kanilang mga pagkakasala at mamumuhay nang mararapat para sa Panginoon. Kaya ang Diyos ay ang Diyos na mahabagin na sa kabila ng lahat, papanumbalik pa niya rin ang mga taong sumusuway sa kanya at sa mga utos niya.

Ang Ebanghelyo ay isang pag-uusap ni Hesus sa isang mayayamang lalaki. Tinanong itong mamayamang ito kung ano ang dapat niyang gawin upang magkamit ang buhay na walang hanggan. Tumugon si Hesus na gawin niya ang nakasaad sa Sampung Utos/Dekalogo, at sigurado ng lalaki na mula pagkabata niya ay sinundan niya ang mga utos ng Diyos Ama. Subalit nang sabihin ni Hesus na ibenta niya ang kanyang mga ari-arian sa mga mahihirap at sumunod sa kanya, bigla na lang umalis ang lalaking mayaman dahil nalungkot siya sa nalamang marami siyang mga yaman sa buhay na hindi pwedeng ipagwalang-bahala.

Ang panawagan ng Panginoon na sumunod sa kanyang landas ay sadyang napakahirap sapagkat sino bang taong gustong ipagbenta ang lahat ng mayroon siya? Sa literal na konteksto, ang mga misyonerong nagpaparangal tungkol sa pananampalataya ay talagang iiwanan ang kanilang mga ari-arian upang itugon ang tawag ng Panginoon na maglingkod sa kanya. Ngunit ang tanong ay ninanais ba ni Hesus na ipamigay natin ang lahat nating ari-arian? Kung susuriin natin nang mabuti ang Ebanghelyo, hindi naman sinasabi niya na mali ang pag-aangkin sa mga tinuturing na yaman, sapagkat alam ni Kristo na pinaghirapan niya ng tao upang makagawa ng mabuting kinabukasan hindi lang para sa sarili, kundi para sa ibang kapwang-tao rin. Subalit ang hinihiling lang naman ni Hesus ay sa kabila ng lahat ng ating mga yaman at ari-arian ay dapat mas pahalagahan natin ang ating pananampalataya sa kanya at sa Ama. Hindi dapat maging hadlang ang mga makamundong bagay sa pagkikilala sa Diyos na gumabay sa atin ng mga ito para sa ikauunlad ng tao, komunidad, at lipunan.

Ang mga mayroon tayo ngayon ay lilipas din, subalit ang tunay na kayamanan sa langit ay ang makamit natin ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan kasama ang Panginoon at ang kanyang mga Banal sa patuloy na pagsisikap na gumawa ng mga nararapat at mabubuting bagay ayon sa kanyang dakilang kalooban.

Reply

Mel Mendoza August 19, 2024 at 10:21 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo!

Ang mga pagbasa sa araw na ito ay paalala at imbitasyon ng Panginoong Hesus sa lahat kung papano ba maging tunay na ganap ang pakikipag-relasyon sa Diyos. Ang malaki at pinaka-unang hakbang ay ang paghahandog ng ating sarili na hindi nalilimitahan sa yaman kundi ng pagaalay ng sarili sa Diyos at kapwa.

Sa Five Fingers Gospel ni St Mother Theresa of Calcutta, sinasabi niya na ang susi ng pintuan ng langit ay nasa ating limang daliri. “Ang Lahat ng mga ito ay Ginawa Niyo sa Akin”. Sa madaling salita ang lahat ng ginawa nating kabutihan sa pinaka-aba sa ating mga kapatid ay parang ginawa na din natin sa ating Panginoong Hesus.

Reply

Meleriza Marcelo August 20, 2024 at 1:32 pm

Thank You so much and Praise to You Father God and Lord Jesus Christ Hallelujah! Hallelujah!!! Amen!

Reply

dlanor321 August 16, 2026 at 6:48 pm

Naranasan mo na bang maramdaman na parang may pumipigil sa iyo na lubos na tanggapin ang inihanda ng Diyos para sa iyo? Minsan, ang pinakamahirap bitawan ay ang mismong bagay na pinakakapit natin. Ngayon, nakilala ni Hesus ang isang binata na naghahangad ng buhay na walang hanggan, ngunit napagtanto niyang ang kanyang puso ay nakatali sa mga bagay na hindi niya kayang iwan.
Sa Ebanghelyo ngayon, isang mayamang binata ang lumapit kay Hesus na may taimtim na tanong tungkol sa buhay na walang hanggan. Tiningnan ni Hesus ang kanyang puso at malumanay na inanyayahan siyang gawin ang huling hakbang, Kung nais mong maging perpekto, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian, at pumarito ka, sumunod ka sa akin. Ngunit nang marinig ito, malungkot na umalis ang binata, dahil marami siyang ari-arian.
Ang kuwentong ito ay hindi lamang tungkol sa kayamanan sa pananalapi, kundi tungkol din sa pagkakabit. Lahat tayo ay may mga bagay na madalas nating kapitan, maging ito man ay ang ating pisikal na kaginhawahan, ang ating mahigpit na mga plano sa hinaharap, ang ating personal na katayuan, o ang ating pangangailangang manatiling may kontrol. Anuman ang unahin natin kaysa sa Diyos ay mabilis na nagiging isang pabigat na nagnanakaw ng ating kalayaan. Ang pagsunod kay Hesus ay nangangahulugan ng paglabas sa ating mga comfort zone at pagtitiwala na ang Kanyang iniaalok ay mas dakila kaysa sa anumang bagay na kinatatakutan nating iwan. Hayaan mong malayang sumunod.

Reply

Luke Isaiah Duane Hoseña August 16, 2026 at 10:15 pm

Sa Ebanghelyo ngayon, lumapit kay Jesus ang isang binata at nagtanong: “Guro, ano ang mabuting bagay na dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sa unang tingin, tila handa na siyang sumunod sa Diyos. Sinunod niya ang mga utos, namuhay nang maayos, at hinahangad niya ang buhay na walang hanggan.
Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus: “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian, ibigay mo sa mga dukha… pagkatapos ay sumunod ka sa akin.”
At dito nagbago ang lahat.
Hindi dahil masama ang kanyang mga ari-arian, kundi dahil may bagay siyang hindi kayang bitawan upang lubos na masundan si Kristo. Marahil, mahal niya ang Diyos, ngunit may isang bahagi ng kanyang puso na hindi pa niya kayang ibigay.
“Ano pa ang kulang sa akin?”
Ito ang magandang tanong na maaari nating dalhin sa ating sariling buhay.
Maaaring marami na tayong ginagawa para sa Diyos. Nagdarasal tayo. Nagsisimba. Naglilingkod. Nag-aaral. Sumusunod sa mga tuntunin. Ngunit maaaring itanong sa atin ni Jesus:
“Ano pa ang kulang?”
Hindi lamang ito tungkol sa kung ano ang ginagawa natin. Mas malalim ang tanong: Ano ang hindi ko pa kayang isuko para kay Kristo?
Baka ang kulang ay ang ating pride.
Baka ang ating sariling plano.
Baka ang takot sa hinaharap.
Baka ang attachment sa isang tao, bagay, o pangarap.
Baka ang kagustuhang kontrolin ang lahat.
O baka ang pinakamahirap bitawan ay ang sarili nating kalooban.
Minsan, gusto nating sundin si Jesus basta hindi niya gagalawin ang mga bagay na pinakamamahal natin.
Para sa isang seminarista
Lalong nagiging makahulugan ang Ebanghelyong ito sa buhay ng isang seminarista. Ang bokasyon ay hindi lamang tungkol sa pagpasok sa seminaryo, pagsunod sa schedule, pag-aaral ng pilosopiya at teolohiya, pagdarasal, o paggawa ng apostolado.
Ang tunay na tanong ay:
“Kaya ko bang ibigay ang aking buong sarili kay Kristo?”
Sapagkat maaaring nasa seminaryo ang katawan natin ngunit ang puso natin ay nasa ibang lugar. Maaaring ginagawa natin ang mga kinakailangan sa formation ngunit may mga bahagi pa rin ng ating sarili na ayaw nating ipaubaya sa Panginoon.
Ang tawag ni Jesus ay hindi lamang: “Iwan mo ang iyong mga bagay.”
Ang mas malalim niyang tawag ay: “Sumunod ka sa akin.”
Hindi sapat na may iniiwan tayo. Ang mahalaga ay kanino tayo sumusunod pagkatapos nating mag-iwan.
“At siya’y malungkot na umalis.”
Ito ang isa sa pinakamalungkot na bahagi ng Ebanghelyo. Nasa harapan na niya si Jesus. Narinig na niya ang tawag. Ngunit umalis siyang malungkot dahil marami siyang ari-arian.
May mga pagkakataong ganito rin tayo. Alam natin kung ano ang hinihingi ng Diyos, ngunit natatakot tayong sumunod dahil may kailangan tayong bitawan.
Ngunit marahil ang tanong ng Panginoon sa atin ngayon ay hindi, “Marami ka bang isinuko?” kundi:
“May tiwala ka ba sa akin?”
Sapagkat ang pagsunod kay Kristo ay palaging nangangailangan ng pagtitiwala. Kapag may hinihingi ang Diyos na bitawan natin, hindi niya ito ginagawa upang tayo ay mawalan. Tinutulungan niya tayong magkaroon ng puwang para sa higit na dakilang bagay—ang mismong presensya Niya.
Sa huli, ang tunay na kayamanan ng isang bokasyon ay hindi ang anumang bagay na mayroon tayo, kundi ang pagkakaroon kay Kristo.

Reply

Mel Mendoza August 17, 2026 at 11:10 am

PAGNINILAY
Mateo 19, 16-22

Ang mga pagbasa sa araw na ito ay paanyaya ni Hesus na suriin natin kung gaano na kalalim ang ating pakikipagrelasyon sa Diyos. Ang tanong ng binata—“Ano pa po ang dapat kong gawin?”—ay tanong din ng bawat taong naghahangad na maging mabuting Kristiyano. Ngunit ipinakita ni Hesus na ang pagiging mabuti ay hindi nagtatapos sa pagsunod sa mga utos. May mas malalim pang paanyaya: “Sumunod ka sa Akin.”

Ang unang hakbang tungo sa pagiging ganap ay ang paghahandog ng buong sarili sa Diyos. Hindi lamang yaman ang kailangang bitawan. Maaari itong maging sariling kagustuhan, pride, takot, kaginhawaan, panahon, o anumang bagay na mas pinahahalagahan natin kaysa sa Panginoon. Ang tunay na kayamanan ay kapag natutuhan nating gamitin ang anumang mayroon tayo—oras, talento, kakayahan, ari-arian at lakas—bilang instrumento ng pagmamahal at paglilingkod.

Dito naipapakita ang napakagandang Five Fingers Gospel na iniuugnay kay St. Mother Teresa of Calcutta: “You did it to Me.” Ang bawat kabutihang ginagawa natin sa pinakamaliit, pinakamahina, at nangangailangan nating kapatid ay itinuturing ni Hesus na ginawa natin sa Kanya.
Kaya ang ating pakikipagrelasyon sa Diyos ay hindi lamang nasusukat sa ating panalangin at pagsamba, kundi nakikita rin sa paraan ng ating pagtrato sa taong inilalagay Niya sa ating harapan.

THEOLOGICAL INSIGHT
Ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa ay hindi magkahiwalay. Ang pag-ibig na tunay na nakaugat kay Kristo ay laging nagiging konkretong paglilingkod. Kapag iniaalay natin ang ating sarili sa kapwa, iniaalay din natin ang ating sarili kay Kristo.

PUSO NG EBANGHELYO
Hindi tinatanong ni Hesus kung gaano karami ang mayroon tayo, kundi kung gaano kalaya ang ating puso upang magbigay. Ang pagiging ganap ay hindi pagkakaroon ng lahat; ito ay pagkakaroon ng pusong sapat ang Diyos at handang ibahagi ang sarili sa kapwa.

ARAL KATEKISMO
Ang buhay Kristiyano ay tawag sa kabanalan—isang buhay na nakaugat sa pag-ibig sa Diyos at kapwa. Ang mga utos ay gumagabay sa atin upang mamuhay nang matuwid, ngunit ang pag-ibig ang nagbibigay ng ganap na kahulugan sa ating pagsunod.

PAGSASABUHAY
Tanungin natin ang ating sarili: Sino ang “pinakamaliit” na kapatid na ipinagkakatiwala sa akin ng Diyos ngayon? Maaaring isang taong nangangailangan ng tulong, pakikinig, pagpapatawad, panahon, pang-unawa, o simpleng kabutihan.

Huwag nating hintayin ang malaking pagkakataon upang makapaglingkod. Minsan, ang simpleng pagdamay, isang mapagpatawad na puso, isang kamay na tumutulong, o isang salitang nagbibigay ng pag-asa ay maaaring maging paraan upang maranasan ng isang tao ang pagmamahal ni Kristo.

HAMON NG EBANGHELYO
Huwag lamang nating itanong, “Ano pa ang dapat kong gawin para sa Diyos?” Tanungin din natin: “Kanino ko maaaring ipakita ang pagmamahal ni Hesus ngayon?”
Sapagkat ang kamay na tumutulong sa nangangailangan ay maaaring maging kamay ni Kristo, at ang pusong marunong magmahal ay maaaring maging puso ni Kristo para sa isang taong naghihintay ng pag-asa.

WORD OF THE DAY: “PAG-AALAY”
Ang tunay na pag-aalay ay hindi lamang pagbibigay ng mayroon tayo. Ito ay pagbibigay ng ating sarili—oras, lakas, kakayahan, at puso—bilang tugon sa pag-ibig ng Diyos.

PANALANGIN
Panginoong Hesus, turuan Mo akong ialay ang aking sarili sa Iyo sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod sa aking kapwa. Buksan Mo ang aking mga mata upang makita Ka sa mga nangangailangan, at ang aking puso upang maging instrumento ng Iyong awa, pag-ibig at pag-asa. Nawa’y sa bawat kabutihang aking ginagawa, maalala kong ginagawa ko ito para sa Iyo. Amen.

“Ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit kong mga kapatid ay ginawa ninyo sa Akin.”
— Mateo 25,40

To God be the highest glory, now and forever. Amen.

Reply

Chris Alphonsus John Terence of the Holy Eucharist August 17, 2026 at 6:09 pm

Pagninilay:

Mapagpalang Lunes sa ating lahat! Masasabi ba nating tayo ay gumagawa ng kabutihan kung hindi ang Diyos ang sentro ng ating buhay? Sa ating Ebanghelyo, lumapit ang isang mayamang lalaki kay Hesus upang itanong, “Guro, ano pong kabutihan ang kailangan kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Tinanong ni Hesus ang mayamang lalaki kung bakit Siya tinatanong tungkol sa kung ano ang mabuti dahil iisa lamang ang mabuti ayon sa likas, at ito ay ang Diyos. Sa katotohanan, hindi nakikita ng lalaking ito na si Hesus ay Diyos at ang turing niya sa Kanya ay tulad lamang ng isang guro o rabbi. Sa kabila ng pagsunod niya sa Sampung Utos ng Diyos, hindi pa rin niya pinili ang maging disipulo ni Kristo dahil ang kayamanan ang naging sentro ng kanyang buhay na naging hadlang sa kanyang relasyon sa Diyos. Kung nakilala lamang niya si Hesus bilang Diyos, na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan, magkakaroon siya ng inspirasyon na isakripisyo ang lahat para lamang maging kaisa Niya. Gayundin, natural sa atin na makita na hindi naman natin nababalewala ang Sampung Utos ng Diyos ngunit, hindi natin maitatanggi na mayroon pa ring pagmamataas, pagnanais na mauna ang sarili kaysa sa iba, o hindi pagiging bukas sa opinyon ng iba.

Ang makakatulong sa atin ay ang makita na ang pagsunod natin sa tama ay hindi lamang para sa ating sarili o para magkaroon tayo ng magandang imahe sa pananaw ng iba. Bagkus, ito ay bunga ng ating pag-ibig sa Diyos na sentro ng ating buhay, at ang ganitong perspektibo ang tutulong sa atin na magsakripisyo at maging mapagpakumbaba. Kaya ang pagsunod sa utos ng Diyos ay matatagpuan kay Hesus. Ayon sa Katekismo ng Simbahang Katolika, “This reply does not do away with the first: following Jesus Christ involves keeping the Commandments. The Law has not been abolished, but rather man is invited to rediscover it in the person of his Master who is its perfect fulfillment” (CCC 2053). Alam ng Diyos na hindi lahat ng tao ay sumusunod sa Kanya. Kung minsan, ang akala natin ay dapat direktahan lamang ang paraan ng pagtatama sa tao ngunit may pagkakataon na ipinapakita sa atin ng Diyos na ang pagbibigay Niya sa atin ng kalayaan ay paraan para matuto tayo. Sa unang pagbasa, mababasa natin na sinabi ng Diyos na hinayaan Niya na masira ng mga katabing bansa ng Israel ang Kanyang Sagradong Templo na minamahal ng mga Israelita.

Ito ay sa kadahilanang nakagawa ng mabibigat na kasalanan ang mga Israelita tulad ng idolatriya. Hati ang puso nila sa tunay na Diyos at sa mga diyos-diyosan at sa pamamagitan ng pangyayaring ito, ito ay naging paalala sa mga Israelita kung ano nga ba ang tunay na mahalaga sa kanila. Gayundin, umuwing malungkot ang mayamang lalaki dahil sa kanyang kayamanan ngunit hindi siya pinigilan ni Hesus. Ang kalungkutan ng mayamang lalaki ay oportunidad na ibinigay ni Hesus para makita niya kung ano ang tunay na layunin niya sa buhay at ito ay ang pagmamahal sa Diyos, na siya ring nadiskubre ng mayamang lalaki dahil ayon sa tradisyon ay nagbalik-loob siya sa Kristiyanismo sa sinaunang Simbahan. Sa katotohanan, hindi natin pwedeng gawing sentro ng ating buhay ang ibang bagay, kahit ang ating sarili, kaysa sa Diyos dahil ang lahat ng mga ito, kahit gaano kaganda, kung ikukumpara sa walang hanggang kabutihan ng Diyos at walang hanggang kaligayahan (Infinite Happiness), ang aliw na ating nakukuha sa mga bagay na ito ay parang kadiliman lamang kung ikukumpara sa liwanag ng Diyos.

Ang isang tao na naghahanap ng kaaliwang makamundo, makasalanan, at hindi nakasentro sa kapurihan ng Diyos, ay walang kapasidad para matanggap ang purong liwanag ng Diyos. Dahil dito, ninanais ng ating Panginoong Hesus na makilala natin Siya sa personal na pamamaraan. Malaking tulong ang pagninilay natin sa Salita ng Diyos o Bibliya at ang pagtingin kung paano natin maisasabuhay ang mga aral na ating nadidiskubre mula rito ayon sa gabay ng Simbahan. Gayundin, makakatulong din sa atin ang pagbabasa ng spiritual reading o mga sulat tungkol sa buhay ng mga santo at ng kanilang mga turo sapagkat sa kanilang buhay natin makikita ang perspektibo ng kabanalan sa konteksto ng pagsunod kay Kristo. Kung makikita natin si Hesus bilang Diyos at bilang sentro ng ating buhay, magiging bukas tayo sa inspirasyon mula sa Espiritu Santo kung ano ang kalooban at plano ng Diyos sa ating buhay. Nawa’y palagi nating maalala ang presensya ng Diyos at mahalin Siya sa lahat ng mga bagay upang matanggap natin ang kaligayahan na inihanda sa atin na higit pa sa ating mauunawaan. Amen. +

Summary and Defense of Catholic Teachings:
https://www.catholic.com/tract/pillar-of-fire-pillar-of-truth

Ultimate Catholic Parents Guide:
https://youtube.com/watch?v=Ls6IcexZAls

Examination of Conscience and Guide to Sacrament of Confession:
https://mycatholic.life/catholic-prayers/examination-of-conscience/

Website on how to raise and guard children in their Catholic faith:
https://howtokeepyourkidscatholic.com/

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: