Linggo, Agosto 2, 2026

August 2, 2026

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Isaias 55, 1-3
Salmo 144, 8-9. 15-16. 17-18

Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal.

Roma 8, 35. 37-39
Mateo 14, 13-21


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Eighteenth Sunday In Ordinary Time (A) (Green)
St. John Bapiste Marie Vianney Sunday

UNANG PAGBASA
Isaias 55, 1-3

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Narito ang tubig, mga nauuhaw.
Ang mga walang salapi ay
kumuha rito at bumili ng pagkain,
halikayo at bumili ng alak at gatas,
Bumili kayo, ngunit walang bayad.
Bakit ginugugol ang salapi
sa mga bagay na hindi nakabubusog?
Bakit inuubos ang pera
sa mga bagay na walang halaga?
Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko
at matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain.
Pumarito kayo,
kayo ay lumapit at ako’y pakinggan,
makinig sa akin nang kayo’y mabuhay;
ako’y may gagawing walang hanggang tipan,
at ipalalasap sa inyo ang pagpapalang
ipinangako ko kay David.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 8-9. 15-16. 17-18

Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal.

Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.

Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal.

Tanging Panginoon ang inaasahan ng tanang nabubuhay
Siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkululang;
anupa’t ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.

Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal.

Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.

Pinakakain mong tunay kaming lahat, O Maykapal.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 35. 37-39

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid:
Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang paghihirap ba, ang kapighatian, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, o ang tabak? Hindi! Ang lahat ng ito’y kayang-kaya nating pagtagumpayan sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan, ang kataasan, ang kalaliman, o ang alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos – pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 4, 4b

Aleluya! Aleluya!
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal
na pagkaing kanyang bigay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 14, 13-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang marinig ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, siya’y sumakay sa isang bangka at nag-iisang pumunta sa isang ilang na lugar. Nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila’y lumabas ng bayan at lakad na sumunod sa kanya. Paglunsad ni Hesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong yaon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila.

Nang dapit-hapon na’y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis pa,” sabi ni Hesus. “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot sila, “Lilima po ang tinapay at dadalawa ang isda natin.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao, kinuha ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamigay iyon sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis, at sila’y nakapuno ng labindalawang bakol ng hati-hating tinapay. May limanlibong lalaki ang kumain, bukod pa sa mga babae at mga bata.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 24, 2020 at 8:27 pm

Pagninilay: Isa sa mga natatanging lugar sa Banal na Lupain ng ating mga Kristiyanong Katolikong Romano ay ang Tabgha sa Galilea. Ito ay isang lugar malapit sa Dagat ng Tiberio, na kung saan ito yung bundok na pinadami ng ating Panginoong Hesukristo ang limang tinapay at dalawang isda para ipakain sa 5,000 na tao, partikular na ang mga lalaki (hindi binibiling ng lipunan ang mga babae at ang mga bata). Kung pupunta ka sa Simbahan diyan, makikita mo na apat lang ang mga tinapay ngunit dalawa ang mga isda. Minsan tinatanong natin: “Nasaan yung ikalimang tinapay?” Ang sagot diyan ay ang ating Panginoong Hesukristo, ang Tinapay ng Buhay, dahil siya ang nagpapakain at nagbubusog sa atin. Narinig natin sa mga Pagbasa natin ngayon ang grasya ng isang mga natatanging himala ni Kristo.

Sa Unang Pagbasa (Isaias 55:1-3), ito ay isang kalahati ng Ikalimang Pagbasa sa Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (Isaias 55:1-11). Sinasabi ng Diyos na ang lahat ng mga nauuhaw ay lumapit sa tubig, at ang lahat ng mga nagugutom ay tanggapin ang kanilang mga pangangailangan. Ito ang tawag ng Diyos sa mga Israelita na sinasakop ng mga taga-Babilonia na sila’y lumapit at bumalik-loob sa kanya. Para sa atin, ito ay isang tawag din na tayo’y umasa sa Panginoon sa ating mga pangangailangan sa buhay.

Sa ating Ikalawang Pagbasa (Roma 8:35, 37-39), tinatanong at hinahamon tayo ni San Pablo: “Para sa iyo, ano ang naghihiwalay sa iyo mula sa pag-ibig ng Diyos at ni Kristo?” (Roma 8:35). At sinabi na walang magpapahiwalay sa atin mula sa dakilang pag-ibig. Ito ay isinalin ni Sr. Ma. Annunciata, SPC sa kanta na pinapangalan “Sinong Makapaghihiwalay?”.

Sa ating Ebanghelyo sa araw na ito (Mateo 14:13-21), nakita natin ang himala ng Pagdadami ng Limang Tinapay at Dalawang Isda. Ito ay nangyari dahil nahabag si Hesus sa madla, kaya itinuro niya ang Mabuting Balita sa kanila at pinaggaling ang mga maysakit. Isa pang kahabaging pangyayari ay ang pagkakainin ng mga tao. Walang pagkain ang mga tao, kaya isang batang lalaki ay nahabag at lumapit kay San Andres, na ang dala ay ang limang tinapay at dalawang isda. Kaya tinanggap ito ni Hesus at ipinabasbas niya, at naging madami para mabusog ang lahat. Ang himalang ito ay naghahanda sa pinakamataas na panalangin, ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya.

Ang Misa ay ang piging ng Diyos para sa atin, na tinatawag tayo para ibusog niya tayo sa mga pangangailangan natin sa pamamagitan ng ating mga panalangin, sa kanyang Salita at ang Katawan at Dugo ng kanyang Anak. Bawat Misa ay pinapakain tayo ng mga Salita at ng mga sakripisyo ni Kristo, kaya isabuhay natin ang mga mahahalagang aral ng Eukaristiya. Sa ating paglalakbay ng daang ito, nawa’y maging mahabagin tayo sa mga taong nangangailangan.

Reply

Jovy Uy July 2, 2026 at 7:10 am

Daily Bible Readings
02 July 2026

Pagninilay

Ang unang pagbasa ay nagpapakita ng tunggalian sa pagitan ng propeta ng Diyos at ng makapangyarihang relihiyoso-pulitikal na sistema. Ito ay natupad sa kasaysayan na sumasalamin sa buhay ni Jesus, at nagbabala sa hinaharap. Binalaan noon ni Amos ang paring si Amasias na ang kanyang asawa ay magiging patutot at ang kanyang mga anak ay mamamatay sa digmaan kung kaya’t noong 722 B.C., sinakop ng Imperyo ng Asiria ang Northern Israel. Ang kabiserang Samaria ay winasak, ang mga tao ay binihag at ipinatapon, at ang lupain ay pinaghatian ng mga dayuhan. Ang karanasan ni Amos ay isang anino ng misyon ni Jesus. Tulad ni Amasias na nagpaalis kay Amos sa Betel, tinanggihan, pinagbantaan, at pinatay si Jesus ng mga relihiyosong pinuno (mga Pariseo at Saduceo) dahil sa Kanyang mga mensahe ng pagsisisi dahil malapit na ang kaharian ng langit (Mateo 3:2, 4:17) subalit unahin muna ang kaharian ng Dios at katwiran at ang lahat ay idaragdag sa inyo (Mateo 6:33) at upang makita at makapasok sa kaharian ng Dios ay dapat maisilang muli ang espiritu (Juan 3:3-5). Tulad ng Israel na binihag ng Asiria, inihula rin ni Jesus ang pagbagsak ng Jerusalem at ng Templo (Lucas 19:41-44). Ito ay literal na natupad noong 70 A.D. nang wasakin ng Imperyo ng Roma ang Jerusalem at ikalat ang mga Hudyo sa buong daigdig. Ang siklo ng pagsuway, babala ng propeta, pagtanggi ng bayan, paghatol ng Diyos ay nauulit. Ang kasaysayan ng Israel ay patuloy na nagpapakita ng pag-alis at pagbabalik sa Diyos. Ang paulit-ulit na pag-uulit na ito ay nagtuturo na ang tunay na kapayapaan ng Israel at ng mundo ay hindi matatagpuan sa kapangyarihang pulitikal o sariling gawa, kundi sa pagkilala at pagtanggap lamang sa mensahe ng Diyos at ng Kanyang Mesias.

“Noong mga araw na iyon, si Amasias, ang saserdote sa Betel, ay nagsumbong kay Haring Jeroboam ng Israel. “May binabalak laban sa inyo ang propetang si Amos,” aniya. “Dahil sa kasasalita niya’y nagugulo ang bayan. Sinasabi niyang kayo’y mamamatay sa digmaan at dadalhing bihag sa ibang lupain ang mga taga-Israel.” Pagkatapos, hinarap ni Amasias, si Amos, “Bulaan kang propeta! Magbalik ka na sa Juda; doon ka maghanapbuhay sa pamamagitan ng iyong panghuhula. Huwag ka nang manghuhula rito sa Betel. Narito ang pambansang templo at dito sumasamba ang hari.”
Sumagot si Amos, “Hindi ako propeta – hindi ko ito hanapbuhay. Ako’y pastol at nag-aalaga rin ng mga punong-igos. Ngunit inialis ako ng Panginoon sa gawaing iyon at inutusang magsalita para sa kanya, sa mga taga-Israel. Kaya pakinggan mo ang sinasabi ng Panginoon. Pinatitigil mo akong manghula laban sa Israel at mga inapo ni Isaac. Dahil diyan, Amasias, ito naman ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon, ‘Ang asawa mo’y magiging isang masamang babae sa lungsod at masasawi sa larangan ng digmaan ang mga anak mo. Paghahati-hatian ng iba ang iyong lupain at ikaw ay mamamatay sa isang bayang di kumikilala sa Panginoon. Ang mga taga-Israel ay dadalhing bihag sa ibang lupain.’”

Ang Salmo ay isang tula na nagpupuri sa kagandahan at kapangyarihan ng Kautusan ng Diyos (Torah). Para sa bansang Israel, ang batas na ito ay ang kanilang gabay at buhay. Ayon kay Jesus sa Mateo 5:17, hindi Siya naparito upang pawalang-bisa ang Kautusan ng Diyos at mga Propeta kundi upang ganapin ito. Ipinakita Niya ang tunay at perpektong kahulugan ng batas sa pamamagitan ng Kanyang buhay. Para sa Israel at sa buong sangkatauhan, si Jesus ang nagdala ng bagong buhay na tinutukoy sa Awit. Kung ang lumang batas ay nakasulat sa bato, ang Kautusan ng Diyos ay isinulat na ni Jesus sa puso ng tao sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig at sakripisyo. Siya ang “higit pa sa ginto” o ang pinakadakilang kayamanan, at ang katuparan ng mga pangako ng Diyos sa Lumang Tipan.

“Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
Nagbibigay ng talino sa lahat ng kaisipan.

Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.

Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay.

Ito’y higit pa sa ginto, maraming nagnanais.
Higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.”

Ang paralitiko ay sumisimbolo sa espirituwal na kalagayan ng Israel—walang kakayahang lumapit sa Diyos at nangangailangan ng kagalingan. Ipinapakita nito na si Hesus ang katuparan ng propesiya ng Mesiyas na may awtoridad na magpagaling ng karamdaman at mag-alis ng kasalanan, na nagpapatunay ng Kanyang pagka-Diyos. Ang paralitiko ay representasyon ng bansang Israel na naparalisado ng kanilang mga kasalanan at malayo sa Diyos. Ang pag-iisip ng mga eskriba na si Jesus ay lumalapastangan sa Diyos ay nagpapakita ng kanilang saradong pag-iisip, pagdududa, at kawalan ng pananalig sa kapangyarihan ng Mesiyas. Ang mga taong nagdala sa paralitiko ay nagpapakita na ang kaligtasan ay nakakamit din sa pamamagitan ng pamamagitan at pagtutulungan ng pamayanan. Pinatunayan ni Jesus ang Kanyang kabanalan at kapangyarihan na tanging Diyos lamang ang nagmamay-ari (ang magpatawad ng kasalanan). Ipinakita ni Hesus na ang tunay na kagalingan ay hindi lamang pisikal kundi espirituwal—ang paglilinis mula sa kasalanan.

“Noong panahong iyon, sumakay si Hesus sa bangka, tumawid sa kabilang ibayo at tumuloy sa sariling bayan. Pagdating niya roon, dinala sa kanya ng ilang katao ang isang paralitikong nakaratay sa kanyang higaan. Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” Isinaloob ng ilang eskribang naroon, “Nilalapastangan ng taong ito ang Diyos.” Ngunit batid ni Jesus ang kanilang iniisip kaya’t sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Alin ba ang mas madali: ang sabihing, ‘Ipinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad,’? Patutunayan ko sa inyo na dito sa lupa ang Anak ng Tao’y may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.” Tumindig nga ang lalaki at umuwi. Nang makita ito ng mga tao, sila’y natakot at nagpuri sa Diyos na nagbigay ng ganitong kapangyarihan sa mga tao.”

Kumusta naman tayo? Paralitiko din ba tayo tulad ng Israel o ni Amasias na hindi umaasa lamang sa mensahe ng Dios? May nakikita ba ang Dios na pananalig sa atin kay Jesus bilang kaharian Niya na maghahari sa ating puso ng katwiran, kapayapaan at ligaya (Roma 14:17)?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: