Podcast: Download (Duration: 6:03 — 7.9MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Manalangin tayo sa mahabaging Ama upang maging mapagbigay at mahabagin tayo sa pakikitungo natin sa ating kapwa.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, ituro Mo sa amin ang Iyong pagiging mahabagin.
Ang Simbahan nawa’y laging isagawa ang kanyang paglilingkod sa mananampalataya sa pamamagitan ng pagpapagaling at pagpapatawad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y magpakita ng pag-aasikaso at pamamalasakit sa mga dukha at mga yagit ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating sariling pagkakamali nawa’y makita natin at maiwasan ang humusga sa pagkukulang ng iba, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga nalulumbay, at mga may kapansanan nawa’y makatagpo ng lakas at kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na kamag-anak at kaibigang yumao nawa’y tumanggap ng kapayapaan at walang hanggang kaligayahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Mahabaging Ama, dinadala namin sa iyo ang mga panalangin at mithiin na nagpapahayag ng aming pangangailangan at pag-asa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Linggo, Hunyo 21, 2026
Martes, Hunyo 23, 2026 »




{ 8 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Matapos nating pagnilayan ang mga turo ni Hesus ukol sa kanya bilang katuparan ng Kautusan, nagbibigay ng mga turo ang Panginoon sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Ang mga ito ay isang panibagong pamamalakad na hango mula sa pamumuhay noon ng mga Hudyo sa Lumang Tipan. Ang Ebanghelyo natin ngayon ay isa sa mga turo ng Panginoon na madalas ay binabaliktot ng iilang tao na mas malaya ang isip sa buhay: ang paghahatol. Sabi ni Hesus na huwag dapat tayo humatol sa ating kapwa, upang hindi tayo hatulan ng Diyos. Ang kabuuan nito ay ang paalala ni Hesus na tanggaling natin muna ang puwing sa ating mga mata bago nating alisin ang puwing sa mata ng ating kapwa. Ito’y nangangahulugang pagtingin sa ating sarili bago nating tignan ang buhay ng ibang tao. Subalit hindi ito dapat maging lusutan ng mga nagkasala upang hindi ituwid ang kanilang mga pagkakamali sa maayos na paraan. Sa totoo po, ang awa ayon sa ating Panginoong Hesus ay hindi dapat sumalungat sa katarungan. Kaya ang maaari nating matutunan mula sa Ebanghelyo ngayon ay ang pagiging mahabagin na hindi dapat natin hinahatulan agad ang dignidad ng isang indibidwal bilang tao. Subalit hindi natin dapat ipahintulot ang isang nagkasala na patuloy na gumawa ng pagkakamali. Kung hindi nga dapat nating hatulan ng masama ang mga taong iyon, bagkus ituro natin sa kanila ang tama at ikabubuti ng iba nating kapwa.
Magalingb tayong pumuna ng ating kapwa. Pintasan ang mga ugali at mga ginagawa ng ating kapatid. Pag-usapan at pagpyestahan ang kamalian ng iba. Ngunit ikaw ba ay perpekto? Ikaw ba ay walang bahid dungis, naksusunod ka ba sa kalooban ng Diyos? Wala ka bang sinusuway sa mga utos ng Diyos?
Ang ebanghelyo ngayon ay aral sa atin ni Hesus na kung paano mo hinuhusgahan ang iyong kapwa ay ganun ka din susukatin ng Diyos. Ngayon, suriin mo ang iyong sarili, kinalulugdan ka kaya ni Hesus sa iyong gawain, malinis ka kaya? May karapatan ka kayang punahin ang mali ng iba? May karapatan ka kayang humusga? Pagnilayan mo kapatid.
Ang bahaging ito ng Mabuting Balita mula kay San Mateo ay naglalaman ng napakahalagang turo ni Hesus tungkol sa ating pakikitungo, pagtingin, at paghatol sa ating kapwa. Narito ang mga aral na maaari nating mapulot mula rito:
Sinabi ni Hesus na kung paano natin hatulan ang iba, ay gayon din tayo hahatulan ng Diyos. Ang panukat na ginagamit natin sa ating kapwa ang siya ring gagamitin sa atin. Paalala ito na ang Diyos lamang ang nag-iisang Hukom na nakakakita sa buong katotohanan at sa puso ng bawat tao, kaya’t wala tayong karapatang magmalinis o maghari-harian sa buhay ng iba.
Ito ang tanyag na paghahambing sa puwing (maliit na pagkukulang ng kapwa) at sa gatahilan (malaking troso o sarili nating mabigat na pagkakamali). Madalas na napakabilis nating makita at palakihin ang mali ng iba, habang bulag naman tayo sa sarili nating mga kapintasan. Ang aral dito ay magkaroon ng kababaang-loob na harapin at ituwid muna ang sariling mga iskandalo at kasalanan bago mag-asinta ng iba.
Tinawag ni Hesus na “mapagpaimbabaw” ang mga taong nagmamagaling na magwasto sa iba habang ang sariling buhay naman ay magulo o puno ng mas mabibigat na kasalanan. Ang tunay na kabanalan ay hindi nakukuha sa pagpuna sa iba para magmukha tayong mas mabuti; ito ay nagsisimula sa tapat na pagbabago ng sarili.
Hindi ibig sabihin ni Hesus na hindi na natin pwedeng pagsabihan o tulungan ang ating kapwa kapag sila ay nagkakamali. Ang sabi niya, “Alisin mo muna ang puwing na gatahilan at sa gayo’y makakikita kang mabuti…” Ibig sabihin, kapag dumaan muna tayo sa proseso ng personal na pagsisisi at pagtutuwid sa sarili, magkakaroon tayo ng malinaw na paningin at pusong mapagmahal. Sa ganitong paraan, matutulungan natin ang ating kapatid nang may malasakit at kababaang-loob, sa halip na may kasamang pagmamataas at kahihiyan.
Ang ebanghelyo ay isang paanyaya na palitan ang ating mapanghusgang mga mata ng isang pusong mapagpakumbaba—isang pusong mas mabilis magsuri sa sariling pagkukulang kaysa magturo ng pagkakamali ng kapwa.
Pagninilay
1. Ang unang pagbasa ay naglalahad ng “pagkawasak ng kaharian ng Israel”. Ito ang kaugnayan ng mga pangyayaring ito kay Jesus at sa kasaysayan ng pagsamba sa diyos-diyosan.
Nang bihagin ng Asiria ang Israel, nagdala sila ng mga dayuhan sa Samaria na sumamba sa diyos-diyosan. Ang kanilang mga lahi ay naging Samaritano sa panahon ni Jesus. Ito ang dahilan kung bakit may malalim na alitan ang mga Judio at Samaritano, na binanggit ni Jesus sa Juan 4.
Itinuring ni Jesus na “mga tupang naliligaw” ang bayang Israel [Mateo 10:5-6]. Ang pagkabihag noon ay naging dahilan upang mawala ang pagkakakilanlan ng Sampu sa Labindalawang Lipi ng Israel. Si Jesus ang Mesiyas na naparito upang hanapin at iligtas ang mga ito.
Ang pagdidyos-diosan noon ay nagbunga ng pagkawala ng lupang ipinangako. Sa panahon ni Jesus, binatikos niya ang mga Pariseo at pinuno ng relihiyon sa parehong uri ng pagkakamali: ang pagtataguyod ng mga tradisyon ng tao kaysa sa tunay na utos ng Diyos [Marcos 7:6-8].
“Noong mga araw na iyon, nilusob ni Haring Salmanasar ng Asiria ang Samaria at tatlong taon itong kinubkob. Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Oseas, ang Samaria ay sinakop ni Haring Salmanasar ng Asiria. Dinala niyang bihag ang mga Israelita at ikinalat sa Hala ng Habor o Ilog ng Gozan, at sa mga lungsod ng Medos.Nangyari ito sa mga Israelita sapagkat nagkasala sila sa Panginoon na nag-alis sa kanila sa Egipto sa pagpapahirap sa kanila ng Haring Faraon. Sila’y naglingkod sa ibang diyos at nakiayon sa kaugalian ng mga taong itinaboy ng Panginoon mula sa lupaing sinakop nila. Bukod dito, sumunod sila sa mga kaugaliang itinatag ng mga hari ng Israel. Dahil sa kasamaan nilang ito, ang Israel at ang Juda ay binabalaan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta. Ganito ang ipinasabi niya: “Talikdan ninyo ang inyong mga kasamaan at mamuhay ayon sa Kautusang ibinigay ko sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta.” Ngunit hindi nila ito pinansin. Sa halip, nagmatigas sila tulad ng kanilang mga ninuno na hindi nanalig sa Panginoon nilang Diyos. Ipinagwalang-bahala nila ang Kautusan, ang pakikipagtipan sa Panginoon ng kanilang mga ninuno, at ang babala niya sa kanila. Kaya itinaboy silang lahat mula sa kanyang harapan, liban sa lipi ni Juda.”
2. Sa Salmo, bagamat ito ay orihinal na isinulat para sa bansang Israel, mayroon itong malalim na kaugnayan kay Jesus (na siyang katuparan ng mga Kasulatan).
Ito ay nagpapakita ng kawalang-saysay ng tulong ng tao sa oras ng digmaan at krisis. Ipinapakita nito sa mga tao na ang tunay nilang kaligtasan ay magmumula lamang sa Diyos. Ito ang nagturo sa mga Israelita na umasa sa darating na Mesiyas (si Jesus).
Sa Bagong Tipan, ang talatang ito ay nagpapaalala na si Jesus ang sumira sa kapangyarihan ng ating mga espirituwal na kaaway (kasalanan at kamatayan). Kung paanong ipinagkatiwala ni David ang tagumpay sa Diyos, ang mga Kristiyano ay nagtatagumpay rin sa pamamagitan ni Jesus.
Ayon sa talata, “ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan”. Si Jesus, bagamat Siya ay tunay na tao, ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Siya lamang ang tanging sakdal na tulong at tagapagligtas na may lubos na kabuluhan at kapangyarihan.
Ang mga talatang ito ay nagtuturo sa atin na sa gitna ng matinding pagsubok o pakiramdam na tayo ay pinabayaan ng Diyos, ang ating pag-asa ay laging nakasalalay sa Kanya at kay Jesus.
“Kami’y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
kami sana’y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.Yaong lupang sinaktan mo’y nanginginig na lupain,
bago lubos na mawasak, gamutin mo’t pagalingin.
Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
lasing kami’t langung-lango sa alak na iyong dulot.Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
O Diyos, kami’y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan.”
3. Sa gospel reading, ginamit Niya ang talinghaga ng puwing at gatahilan (o troso) upang ituwid ang maling paghatol sa kapwa.
Ang Puwing ay sumisimbolo sa mga bunga o aktwal na kasalanang nagagawa.
Ang Gatahilan (Troso) ay sumisimbolo sa ugat ng kasalanan (original sin) na pinagmumulan ng bunga o aktuwal na kasalanan.
Ang pagtanggal sa bunga ay hindi solusyon upang hindi na mamunga ang puno. Upang hindi na mamunga ay ugat ng puno ang dapat tanggalin . Ang ugat ang hindi nakikitang dapat hatulan hindi ang mga bunga lamang . Kaya marapat muna na tignan ang sariling gatahilan bago tignan ang puwing ng iba.
“Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong hatulan ang inyong kapwa, upang hindi kayo hatulan ng Diyos. Sapagkat hahatulan kayo ng Diyos ayon sa hatol na inihahatol ninyo sa iba. Ang panukat ninyo sa iba ay siya ring ipanunukat sa inyo. Bakit mo nakikita ang puwing sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang puwing mong gatahilan sa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika’t aalisin ko ang puwing mo,’ gayong gatahilan ang nasa mata mo? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang puwing na gatahilan at sa gayo’y makakikita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.”
4. Kumusta naman tayo? Nakasalig ba tayo sa mga tradisyon o kultura at kapangyarihan ng tao kaysa kapangyarihan ng salita ng Dios ?
“Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagiging saksi para sa kasinungalingan, at paninirang-puri. Iyan ang nagpaparumi sa tao sa paningin ng Diyos. Hindi nagiging marumi ang isang tao kung siya man ay kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay.” (Mateo 15:19-20).
Sa puso umiimbak ang dugo at binobomba ng puso sa ibat ibang parte ng katawan upang mabuhay at makagalaw ang mga partes ng katawan . Kaya sa puso nagmumula ang aktuwal na pagkakasala sapagkat ang minana nating makasalanang dugo ni Adan ay sa puso umiimbak at itong maruming dugo ang tahilan na di nakikita ng tao kundi ang bunga (o puwing)lamang nito ang hinuhusgahan. Ang dapat hatulan na matanggal ay ang dugo ni Adan na nakaimbak sa puso dahil dito nagmumula o pinaguugatan ng aktuwal na kasalanan.
Ang naihihingi lamang natin ng tawad ay ang aktuwal na nagagawa nating kasalanan at dahil hindi pa natatanggal ang pinagmumulan nito ay patuloy, paulit-ulit at walang katapusan tayong hihingi ng tawad . Kaya kung hindi natin makita ang tahilan o ugat ng kasalanan ay masasayang lamang ang paulit ulit nating paghingi ng tawad at pagtanggap kay Jesus.
PAGNINILAY :
Mateo 7:1-5
Ang puso ng Ebanghelyo ngayong araw na ito sa Ika -12 sa Karaniwang Panahon ay pagpapakumbaba at pagsusuri sa sarili bago ituwid ang iba.
Hindi sinasabi ni Hesus na huwag nang kilalanin ang tama at mali. Ang Kanyang ipinagbabawal ay ang mapanghusgang pag-uugali na mabilis makita ang pagkukulang ng iba ngunit bulag sa sariling kahinaan.
Madali nating mapansin ang “puwing” ng ating kapwa—ang kanilang pagkakamali, kakulangan, at kasalanan. Ngunit ayon kay Hesus, mas mahalagang tingnan muna ang “gatahilan” sa ating sariling mata. Bago tayo maging hukom ng iba, kailangan muna nating maging tapat na hukom ng ating sarili.
Sa pananaw ng teolohiya, tanging Diyos lamang ang ganap na nakakakita ng laman ng puso ng tao. Tayo ay nakakakita lamang ng panlabas na kilos, ngunit ang Diyos ay nakakakita ng buong katotohanan—ang motibo, sugat, kahinaan, at pakikibaka ng bawat tao.
Kapag humahatol tayo nang walang awa, para nating inaangkin ang isang kapangyarihang na para lamang sa Diyos. May mahalagang prinsipyo rito:
Ang sukatan ng awa na ginagamit natin sa iba ay siya ring sukatan na gagamitin ng Diyos sa natin.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga banal ay mas nakatuon sa sariling pagbabagong-loob kaysa sa pagkakamali ng iba. Habang lumalalim ang kanilang kabanalan, lalo nilang nakikita ang kanilang pangangailangan sa biyaya ng Diyos at lalo silang nagiging maawain sa kapwa. Ang taong tunay na malapit sa Diyos ay hindi mapanghusga kundi mapagmahal at mapag-unawa.
May mga pagkakataon na ang pinakamalaking hadlang sa ating espirituwal na paglago ay hindi ang kasalanan ng ibang tao kundi ang ating sariling kayabangan.
Kapag lagi nating pinupuna ang iba, maaaring nalilimutan nating suriin ang ating sarili.
Kapag lagi nating binibilang ang pagkukulang ng kapwa, maaaring hindi na natin napapansin ang mga biyayang ipinagkakaloob ng Diyos. Kapag lagi nating iniisip kung paano dapat magbago ang iba, maaaring hindi natin naririnig ang paanyaya ng Diyos na tayo muna ang magbago.
Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapaalala sa atin na ang tunay na kabanalan ay hindi nakikita sa dami ng ating puna kundi sa lalim ng ating pagpapakumbaba.
Bago natin tanungin: “Ano ang mali sa aking kapwa?”
Mas mabuting itanong: “Panginoon, ano pa ang nais Mong baguhin sa akin?”
Doon nagsisimula ang tunay na pagbabagong-loob.
Pagsasabuhay
1. Magsanay ng pagsusuri sa sarili araw-araw.
Bago matulog, tanungin ang sarili: “Saan ako nagkulang ngayon? Saan ko nakita ang biyaya ng Diyos?”
2. Palitan ang pagpuna ng panalangin.
Sa halip na husgahan ang pagkakamali ng iba, ipanalangin sila.
3. Maging maawain tulad ng Diyos.
Alalahanin na lahat tayo ay nagkakamali at umaasa sa habag ng Panginoon.
4. Tanggapin ang sariling kahinaan.
Ang pagkilala sa sariling pagkukulang ay hindi kahinaan kundi simula ng kabanalan.
Word of the Day
“Pagpapakumbaba”
Ang pagpapakumbaba ay ang kakayahang makita ang sariling kahinaan bago tingnan ang pagkukulang ng iba. Ito ang daan upang maging maawain, mapagpatawad, at higit na maging katulad ni Kristo.
Panalangin:
Panginoong Hesus, alisin Mo ang anumang “gatahilan” sa aking puso at isipan. Turuan Mo akong maging mapagpakumbaba, maawain, at hindi mapanghusga. Bago ko ituwid ang iba, tulungan Mo muna akong maituwid ang aking sarili. Nawa’y makita ko ang aking kapwa sa pamamagitan ng Iyong pag-ibig at habag. Amen.
To God be the highest glory now and forever. Amen.