Lunes, Hunyo 8, 2026

June 8, 2026

PANALANGIN NG BAYAN
Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Ang kaligayahan ang pinakamahirap na makamit sa lahat ng mga hinahangad ng tao. Manalangin tayo ngayon sa Diyos Ama para sa malalim na kapayapaang nagmumula sa ating buong pusong pagsandig sa kanya.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng biyaya, maging gantimpala ka namin.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magkaroon ng tapang at lakas na ipahayag ang Mabuting Balita na siyang sagisag ng kasalungatan sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga nahaharap sa mga pag-uusig dahil sa kanilang pagsaksi sa Ebanghelyo nawa’y makaranas ng kaginhawahan dulot ng presensya ni Kristo sa gitna ng kanilang paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang isapuso ang turong “mapapalad” upang maging banal at masaya tayo sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at ang mga tumatangis sa pagpanaw ng kanilang mga mahal sa buhay nawa’y palakasin at hilumin sa kanilang kalungkutan at sakit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y magkamit ng kaligayahan at kapayapaan ng makalangit na Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Walang hanggang Ama, nababatid namin na may malalim na malasakit ka sa aming kasiyahan. Palakasin mo nawa kami at panatilihin mo kaming malapit sa iyo, ikaw na pinagmumulan ng aming kapayapaan at kaligayahan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 1, 2020 at 9:43 pm

Pagninilay: Sa Ebanghelyo (Mateo 5:1-12), inilalahad ni San Mateo ang simula ng tinatawag ng “Pangangaral sa Bundok” ni Hesus sa pamamagitan ng mga Walong Pagpapala (Beatitudes). Nang magsimula si Hesus ang kanyang pangangaral, napapansin niya ang bawat taong lumalapit upang makinig sa kanya. Dahil siya rin ay Diyos na totoo, alam niya ang mga pinagdadaanan ng bawat tao sa sanlibutan, kaya nagkatawang-tao siya at nakipamuhay sa bawat salita at kilos ng tao, ngunit ni hindi man siya’y nagkasala. Nais niya na tayo’y gawing mayaman sa larangan ng mga espirituwal na kaloob, at hindi lamang sa mga pisikal na pangangailangan. Mahirap maging dukha dahil ayaw nating iwanan ang mga materyal na bagay na magpapasaya at maitutulong sa atin. Ngunit para kay Hesus, ang pagiging dukha ay nasa anyo ng kababaang-loob, at dahil sa ganyang pagpapakumbaba ay inialay niya ang kanyang buhay sa Krus upang tayo’y mailigtas mula sa pagkaalipin ng kasalanan. Marami tayong problema sa buhay kahit sa ating sariling pamilya at relasyon sa kapwa, kaya ang tunay na magpapaligaya at magiginhawa sa atin ay tanging ang Panginoon lamang. Sa pagkarinig natin sa kanyang mga turo at pagsunod sa kanyang dakilang kalooban, nawa’y makakamtan natin ang nais niya para sa atin, at hindi lang kung anong gusto natin. Kaya nga ang tunay na pagpapala ay hindi lang ayon sa kagustuhan natin, kundi ayon sa pagiging matapat at kalugud-lugod sa tingin ng Diyos sa pamamagitan ng pananamapalataya at kababang-loob. Kaya nawa tayo’y tunay na pagpalain ng Panginoon hindi lang mga pisikal na regalo o materyal na bagay, kundi sa espirituwalidad na kanyang binibigay at itinuturo.

Reply

Malou Castaneda June 9, 2024 at 9:15 pm

PAGNINILAY:
Ang mga Beatitudes ay parang kakaiba at taliwas sa totoong karanasan sa buhay. Naranasan na ba nating magdasal nang nakaluhod at umiyak dahil walang pera – pambili ng pagkain para sa ating pamilya, pambili ng gamot para sa mahal sa buhay? Hindi tayo natutuwa sa gutom, nagluluksa buong araw at literal na mahirap. Paano natin mauunawaan ang mga Beatitudes? Sinabi ng isang Pari, ‘Nagpahayag si Jesus ng isang Diyos na gustong magpakita ng espesyal na pabor sa mga nababagabag at mahina”. Ang ating kahinaan ay lumilikha ng paraan para sa Diyos na gumawa sa ating buhay. Alam natin na kapag dumaranas tayo ng maraming problema, mas malaki ang ating pangangailangan, mas kumakapit tayo sa Diyos. At dahil dito tayo ay nagiging mapalad sa mata ng Diyos. Lumalapit tayo sa Panginoon sa ating kahirapan, sa ating gutom, sa ating kalungkutan dahil higit sa lahat sa mga panahong iyon ay alam natin na hindi tayo sapat sa sarili. Kapag maayos ang lahat, nagiging kuntento tayo at baka maisip na hindi natin kailangan ang Diyos. Sinasabi ni Hesus na: Nagsisimula ang kaligayahan sa sandaling bitawan natin ang ating pagka makasarili, pagkagapos at isuko ang ating sarili sa kalooban ng Diyos.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming makita ang aming mga pagpapala sa gitna ng aming mga paghihirap. Amen.
***

Reply

dlanor321 June 7, 2026 at 7:42 pm

Marahil pamilyar na para sa iyo ang ating Mabuting Balita ngayon, kapanalig. Ito yung tinatawag na 8 Beatitudes. Ang ibig sabihin ng beatitude ay ang pagiging mapalad. Sa salitang griyego na “makarioi”, ito raw ay “a state of spiritual well-being, deep joy, and divine favor.” Mapapansin natin na ang unang beatitude pertains to those who are poor ngunit idinagdag pa ang salitang spirit, kaya poor in spirit o may diwa ng dukha. Ayon sa ating katesismo naglalarawan ito sa pagiging mapagpakumbaba. Wika ni Pope Francis noon, sinimulan ni Hesus ang Beatitudes for us to have a “sense of our own smallness.” Ang pagkakaroon ng diwa na tayo ay mga aba lamang na walang inaasahan kundi ang Diyos, at ang awareness na lahat ng mayroon tayo, kakayahan, talino, talento, materyal na bagay, ay nagmula sa Diyos, ay epektibong balakid upang maiwasan natin ang tinatawag niyang pangit na bisyo ng kayabangan. Ang pagiging mapagkumbaba ay sinasabing “gateway to all the virtues” kung saan nagmula ang mga sumunod na beatitude tulad ng pagiging hindi marahas o kaamuan, pagiging maawain at pagkakaroon ng busilak na puso. Mula sa kababaang-loob na ito sinasabi ni Hesus na tayo ay “magsaya at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa atin.”

Reply

Mel Mendoza June 7, 2026 at 11:29 pm

PAGNINILAY:
Mateo 5:1-12 (Ang Walong Pagpapala)

Ang Sermon on the Mount o “Sermon sa Bundok” ay isa sa pinakamahalagang pangaral ni Hesus. Hindi lamang ito listahan ng mga mabubuting asal kundi isang paglalarawan ng puso ng tunay na alagad at ng uri ng pamumuhay ng mga mamamayan ng Kaharian ng Diyos.

Sa pananaw ng mundo, mapalad ang isang tao pag mayaman, makapangyarihan, sikat, at matagumpay. Ngunit binaligtad ni Hesus ang karaniwang sukatan ng mundo. Itinuro Niya na ang tunay na kaligayahan at pagpapala ay hindi nakasalalay sa materyal na bagay kundi sa malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos.

Ang mga “aba sa espiritu,” “nahahapis,” “mapagpakumbaba,” “mahabagin,” at “gumagawa ng kapayapaan” sa tingin ng mundo ay mahihina, ngunit sila ang tunay na malakas sa mata ng Diyos. Ang kanilang lakas ay hindi nagmumula sa sarili kundi sa biyaya ng Panginoon.

Ang Walong Pagpapala ay larawan mismo ni Hesus. Siya ang tunay na aba, mahabagin, malinis ang puso, tagapagdala ng kapayapaan, at pinag-usig dahil sa katuwiran. Kaya kapag isinasabuhay natin ang Beatitudes, unti-unti tayong nagiging kawangis ni Kristo.
Hindi ipinapangako ni Hesus ang buhay na walang paghihirap. Sa halip, ipinapangako Niya na sa gitna ng pagdurusa, paninindigan, at katapatan sa Diyos ay may naghihintay na walang hanggang gantimpala sa Kanyang Kaharian.

Ang Walong Pagpapala ay maaaring tawaging “Constitution of the Kingdom of God” o Saligang Batas ng Kaharian ng Diyos.
Sa Lumang Tipan, ibinigay ng Diyos kay Moises ang Kautusan sa Bundok Sinai. Sa Bagong Tipan naman, si Hesus ay umahon sa bundok at nagbigay ng bagong landas ng kabanalan. Hindi Niya inalis ang Kautusan kundi dinala ito sa kaganapan.

Ang Beatitudes ay hindi lamang utos kundi biyaya. Ipinapakita nito kung ano ang ginagawa ng Banal na Espiritu sa pusong ganap na sumusunod sa Diyos.
Sa madaling salita:
Ang Beatitudes ay hindi simpleng tuntunin kung paano maging mabuting tao; ito ay paglalarawan ng buhay ng isang taong hinahariang lubos ng Diyos.

Ano ang Pangunahing Layunin ni Hesus sa Pangangaral ng Walong Pagpapala?
May tatlong pangunahing layunin si Hesus:
1. Ipakilala ang Tunay na Kaharian ng Diyos
Marami ang umaasang isang makapangyarihang kahariang pampolitika ang itatatag ng Mesiyas. Ngunit ipinakita ni Hesus na ang Kaharian ng Diyos ay nagsisimula sa pagbabago ng puso.
2. Ilarawan ang Katangian ng Tunay na Alagad
Ang Walong Pagpapala ay parang “portrait” ng isang tunay na tagasunod ni Kristo. Ito ang mga ugaling dapat makita sa bawat Kristiyano.
3. Magbigay ng Pag-asa sa mga Dukha at Nagdurusa
Ang mga nakikinig kay Hesus noon ay marami ang mahirap, inaapi, at naghihirap. Ipinahayag Niya na hindi sila nakakalimutan ng Diyos. Ang kanilang katapatan ay may gantimpala sa langit.

Buod
Ang pangunahing layunin ni Hesus ay hubugin ang puso ng Kanyang mga alagad upang mamuhay ayon sa mga pagpapahalaga ng Kaharian ng Diyos at maging kawangis Niya sa gitna ng mundong may ibang sukatan ng tagumpay at kaligayahan.

Pagsasabuhay
-Maglaan ng panahon araw-araw upang suriin kung alin sa Walong Pagpapala ang pinakamahina sa ating buhay.
-Maging mahabagin sa mga taong nagkakamali at nangangailangan ng pang-unawa.
-Maging instrumento ng pagkakasundo sa pamilya, komunidad, at ministeryo.
Huwag matakot manindigan sa -katotohanan kahit hindi ito popular.
-Ipagkatiwala sa Diyos ang mga paghihirap at pagsubok sa paglilingkod.

Word of the Day:”Mapalad”
Sa wikang ginamit sa Ebanghelyo, ang kahulugan nito ay higit pa sa pagiging masaya.
Mapalad = pinagpapala, kinalulugdan, at kinasasamahan ng Diyos.
Kaya maaaring mahirap ang kalagayan ng isang tao ngunit tunay pa ring mapalad dahil nasa kanya ang presensya ng Diyos.

Golden Line
“Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.” (Mateo 5:3)

Panalangin:
Panginoong Hesus, salamat sa Iyong Sermon sa Bundok na nagtuturo sa amin ng tunay na landas ng kabanalan. Hubugin Mo ang aming puso upang maging mapagpakumbaba, mahabagin, malinis ang kalooban, at tagapaghatid ng kapayapaan. Sa gitna ng mga pagsubok at pag-uusig, tulungan Mo kaming manatiling tapat sa Iyo. Nawa’y maging buhay kaming saksi ng Walong Pagpapala upang makita ng mundo ang Iyong pag-ibig at liwanag. Amen.

Praise God! Alleluia! Amen!
To God be the highest glory now and forever. Amen.

Reply

Ruel June 8, 2026 at 5:51 am

Ang sermon ni Hesus sa bundok ayon sa ebanghelio ni San Mateo ay tinatawag na beatitude, pagiging mapalad. Pinagpala na itinuturo ni Hesus na hanapin natin ang mabibigay sa ating ng paging mapalad . Sa buhay natin sa mundo Hindi material n bagay Ang mabibigay sa atin ng paging mapalad kung Hindi ay ating pag uugali. At ito nasa kalooban ng tao nasa puso ng tao dahil sa puso ng tao ay na roon Ang Diyos na siyang tunay magbibigay ng lahat na pagiging mapalad natin. Dahil Ang iba ay panglabas lamang ating may hangganan , kaya’t hanapin mo Ang Diyos siyang magiging mapalad ka.

Reply

Jovy Uy June 10, 2026 at 1:43 am

Sa unang pagbasa,
Ipinapahayag kung saan pinakain ng uwak si Elias habang nagtatago kay Reyna Jezebel. Ito ay nagpapakita ng walang katapusang probisyon. Nagtuturo din ng pagtitiwala sa gitna ng krisis, ang kapangyarihan ng Diyos na gumamit ng hindi inaasahang paraan, at ang katiyakan ng Kanyang proteksyon sa mga tapat na lingkod.

“Noong mga araw na iyon, nagsalita kay Acab si Elias na taga-Tesbi: “Isinusumpa ko, sa ngalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel na pinaglilingkuran ko: hindi uulan, ni hindi man lamang magkakahamog sa mga darating na taon hanggang hindi ko sinasabi.”Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Elias: “Umalis ka rito at magtago ka sa batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. Makaiinom ka ng tubig na batis at may inutusan akong mga uwak na maghahatid sa iyo ng pagkain.”Gayun nga ang ginawa niya: lumakad siya at nanirahan sa may batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. Umaga’t hapon, may mga uwak na nagdadala sa kanya ng pagkain. Sa batis naman siya umiinom.”

Sa gospel reading, kung may ibinigay ng Dios kay Moises na mga kautusan sa bundok Sinai, meron ding ibinigay na beatitudes ni Jesus sa mga Hudyo/Israel lamang ang makakatupad ng perpekto . Si Jesus ay naging aba nang hubarin niya ang kanyang pagka Dios upang gawin ang iligtas ang sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan .

“Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang napakakapal na tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya’y lumapit ang kanyang mga alagad, at sila’y tinuruan niya ng ganito: “Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.
“Mapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
“Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.
“Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos,
sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi.
“Mapalad ang mga mahabagin,
sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
“Mapalad ang mga may malinis na puso,
sapagkat makikita nila ang Diyos.
“Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo,
sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya.
“Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.
“Mapalad kayo kapag dahil sa aki’y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayun din ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”

Kumusta naman tayo. Makakaya ba natin na perpektong masunod ang mga beatitudes ? Hindi ba si Jesus ang nagawa lahat ng beatitudes ?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: