Podcast: Download (Duration: 5:52 — 4.3MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Napakamaluwalhati ng kapayapaan at pag-asa ng Muling Pagkabuhay! Malaya ang ating mga puso mula sa di-makatwirang pag-aalinlangan at pagdududa sapagkat naniniwala tayo sa pangako ng Iisang nabuhay na mag-uli sa walang hanggang kaluwalhatian, manalangin tayo.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng mga Buhay, pakinggan mo kami
Ang Simbahan nawa’y patuloy na magpahayag ng Mabuting Balita ng Muling Pagkabuhay at ng buhay na darating, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating pang-araw-araw na buhay, tayo nawa’y makapaghatid ng liwanag ng pag-asa sa mga nabubuhay sa kadiliman at kawalang ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyano saanman nawa’y hindi maging mga taong legalismo at mga panlabas na tumutupad sa batas, kundi maging mga taong mayroong pusong ginagawa ang mga nararapat nilang gawin bilang mga anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y matagpuan ang mapagpagaling na presensya ni Kristo sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating pananalangin para sa yumao, at para sa mga nagluluksa para sa kanilang paglisan, nawa’y magdulot sa kanila ng pag-asa at kasiyahan sa kanilang paghihinagpis ang Muling Pagkabuhay ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob, Diyos ng mga buhay at bukal ng buhay at ang lahat ng pag-iral, pakinggan mo ang aming mga panalangin na itinataas namin sa iyo sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Martes, Hunyo 2, 2026
Huwebes, Hunyo 4, 2026 »




{ 8 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Sinisimulan ng Unang Pagbasa ang ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo. Sa bawat sulat ng Apostol, ang kanyang panimulang diskurso ay pagbati ng kapayapaan sa ngalan ng ating Panginoong Hesukristo. At sa kanyang pagtatalumpati sa mga Kristiyanong komunidad sa Efeso, na kung saan si San Timoteo ang unang obispo roon, nagpasalamat si San Pablo sa kanyang paglilingkod sa pagpapalaganap ng pananampalataya. Kaya hinikayat niya ang komunidad ni San Timoteo na makihati at makibahagi sila sa pagsisikap na ipalaganap ng Mabuting Balita. Ito yung kalooban ng Panginoong Diyos na kailangan nilang pagdaanan para sa mas ikakararangal na kaluwalhatian. At sa kanilang misyon, ipinaalala sa kanila ni Pablo na huwag silang mahiya sa kanilang tungkulin, katulad ng kanyang katapatan bilang Apostol.
Ang Ebanghelyo ay ang pagtatanong ng mga Saduseo kay Hesus. Ang mga Saduseo ay isang grupo ng Judaismo na hindi naniniwala na mayroong pagkabuhay na mag-uli. Kaya nabanggit nila kay Hesus ang isang sitwasyon kung saan 7 magkapatid na lalaki ay nagpakasal sa iisang babae matapos mamatay ang isa, ngunit hindi nagkaanak. Kaya pagdatng ng “pagkabuhay na mag-uli”, kanino raw sa 7 magkapatid ang kikilaning asawa. Tugon ni Hesus na hindi kailanma’y sila’y kasal habambuhay kapag nasa kabilang buhay na. Kaya ang pagsasama ng babae at lalaki bilang mag-asawa ay hanggang sa mundo nito lamang. Subalit sa kabilang buhay, lahat ng tao ay magiging pantay na tatawaging anak ng Kataas-taasang Diyos. Ito’y patunay na mayroon talagang pag-asang naghihintay sa pamamagitan ng biyaya ng buhay na walang hanggan. At ito’y patotoo na ang Panginoon ay Diyos ng buhay, hindi ng patay, sapagkat ang lahat sa kanya ay tunay na buhay. Kaya nga n’ung si Hesus ay namatay sa Krus at inilibing, siya’y nabuhay na mag-uli upang ipamalas sa atin na wala nang kamandag ang kamatayan na manatiling tapos ang ating buhay. Kaya huwag po tayong matakot sa kamatayan sapagkat lahat tayo ay papanaw sa daigdig na ito. Subalit lahat tayo ay muling mabubuhay at kakamtan ang kaligayan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan. Kaya nawa maging makabuluhan ang ating buhay dito sa lupa upang patuloy natin ang pagpapalaganap ng Paghahari ng Panginoon na nasa Langit.
PAGNINILAY
“Siya ay hindi Diyos ng mga patay, ngunit ng mga buhay”. Ang mga Saduceo, na hindi naniniwala sa muling pagkabuhay, ay nagtanong kay Hesus tungkol sa kasal sa kabilang buhay. Ipinaliwanag ni Hesus na ang buhay pagkatapos ng pagkabuhay-muli ay ibang-iba sa buhay sa lupa. Sa muling pagkabuhay, ang mga tao ay magiging tulad ng mga anghel at hindi mag-aasawa o ipapakasal. Ipinaalala Niya sa kanila ang kapangyarihan ng Diyos, Na siyang Diyos ng mga buhay, hindi ng mga patay. Ito ang kahalagahan ng pananampalataya sa muling pagkabuhay, ang kapangyarihan ng Diyos na mapagtagumpayan ang kamatayan at ang pag-asa at pangako ng buhay na walang hanggan na dumarating sa pamamagitan ng ating paniniwala kay Hesucristo. Hinahamon tayo nito na mag-isip ng higit sa ating makalupang pang-unawa at magtiwala sa kapangyarihan ng Diyos na magdudulot ng bagong buhay sa muling pagkabuhay.
Gaano kalalim ang ating pananampalataya sa pagkabuhay-muli? Naniniwala ba tayo sa makapangyarihang lakas ng Diyos? O tayo rin ay natitisod at nag-aalangan at umaasa sa pangangatwiran? Nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng biyaya upang maunawaan at magkaroon ng matibay na pananampalataya sa muling pagkabuhay at buhay na walang hanggan.
Panginoong Hesus, salamat sa pagpapahintulot Mo sa amin na makibahagi sa kawalang-hanggan sa Iyo. Amen.
***
Father God I Trust You And Ko Surrender To You In Jesus Name…Amen!
Ang Mabuting Balita ayon kay San Marcos 12, 18-27
Pagninilay / Aral
Muling nagpahiwatig ang Panginoon ng kamalian ng mga Saduceo sa pagbibigay ng maling kahulugan (interpretasyon) sa nasusulat.
Ito’y aral sa atin ngayon na dahan-dahan tayo sa pansariling pakahulugan sa nasusulat sa Banal na Aklat. Tayong mga Katoliko ay may sangay ng simbahan sa tamang interpretasyon sa nasusulat. Ito ang Magisterium of the Catholic Church guided by the Holy Spirit.
Ngunit hindi tayo kailanman pinagbabawalang magnilay sa mga Salita ng Diyos ayon sa sariling pangyayari sa ating buhay.
Pagninilay
Sa Unang Pagbasa, pinahahayag na wag natin ikahiya ang ating pananampalatayang Kristiyano. Manadingan tayo bilang katoliko sa ating pananampalataya. Bilang kristiyano Katoliko ipaglaban natin ang kahalagahan ng Kasal. Nakakalungkot na maraming katoliko na pabor pa sa Divorce bill. Ayaw ng Diyos ang mag asawa naghi hiwalay. Dapat manindigan tayo sa ating faith dahil eto sumpa ng mga may asawa sa harap ng Altar sa Diyos na mamahalin ng kanyang asawa “till death do us part.” Kung gusto natin mabilang sa pag hahari ng Diyos, dito palang sa lupa sikapin ang sundin ang kalooban ng Diyos. Hindi kalooban ng Diyos ikaw mapahamak o masaktan. May mga Santo na nakaranas din pananakit tulad ni St.Monica. Sa walang sawa ng panalangin nya nagbago din kanyang asawa.
Sa Banal na Ebanghelyo, tayo lahat tinatawag maging banal para mabilang tayo sa kaharian Diyos. Sikapin natin makasunod sa kaooban ng Diyos dahil ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob ay Buhay at hindi patay. Dapat i fired up natin ang faith and love natin sa Diyos dahil ang DIYOS NATIN AY DIYOS PARA SA MGA BUHAY, HINDI PARA SA PATAY ANG PANANAMPALATAYA.
Amen!
Kaya pala ang sumpaan ng mag-asawa during their wedding is “till death do us part” kasi sa muling pagkabuhay ay wala nang mag-asawa. Sabi sa verse 25, “Sapagkat sa muling pagkabuhay ay di na sila mag-aasawa at pag-aasawahin kundi sila ay matutulad sa mga anghel sa langit. Ano nga ba ang mga anghel? Ayon sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko #335, “Ang mga anghel ay purong espiritu na nakasentro kay Jesus.” At dahil nakasentro na ang buhay nila kay Cristo, hindi na sila maghahanap ng kaligayahan sa iba. Hindi na nila iisipin na mag-asawa dahil sapat na si Cristo. Dito napahiya ang mga Saduseo dahil nahayag ang kakulangan nila ng pagkakaunawa sa nasulat ni Moises. Sa kabilang dako, ipinapaalala sa atin ng Mabuting Balita na hindi natin babaunin sa kabilang buhay ang status natin dito sa lupa. Kahit gaano pa pala kayo ka-sweet ng asawa mo, o gaano pa kataas ng posisyon mo dito sa lupa, wala na ’yan sa muling pagkabuhay.
Pantay-pantay tayo sa paningin ng ating Panginoon. Kaya, habang nabubuhay pa tayo rito sa lupa, maging mabuti tayo sa bawat isa. Huwag tayong mang api o kaya’y mag-take advantage sa ating kapwa dahil hindi natin hawak ang bukas. Tanging Diyos lamang ang nakakabatid kung saan dapat mapunta ang bawat isa sa muling pagkabuhay.
PAGNINILAY:
12:18-27
Sa Ebanghelyong ito, hindi lamang tungkol sa muling pagkabuhay ang tema ng usapan. Mas malalim pa rito ang ipinapahayag ni Hesus: ang Diyos ay Diyos ng buhay, hindi ng mga patay.
Lumapit kay Hesus ang mga Saduseo hindi upang matuto kundi upang subukang ilagay Siya sa alanganin. Gumamit sila ng isang kathang-isip na sitwasyon tungkol sa isang babaeng nagkaroon ng pitong asawa upang kutyain ang paniniwala sa muling pagkabuhay.
Ngunit ipinakita ni Hesus na ang kanilang pagkakamali ay bunga ng dalawang kakulangan:
Una. Hindi nila lubos na nauunawaan ang Kasulatan.
Pangalawa. Hindi nila kinikilala ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos.
Madalas ding mangyari ito sa ating panahon. Kapag sinusubukan nating ikahon ang Diyos sa limitadong pag-iisip ng tao, nawawala sa atin ang hiwaga ng Kanyang kapangyarihan.
Itinuturo ni Hesus na ang buhay na naghihintay sa atin sa langit ay hindi simpleng pagpapatuloy lamang ng buhay dito sa lupa. Ito ay isang ganap na bagong uri ng pag-iral kung saan ang tao ay makikibahagi sa kaluwalhatian ng Diyos.
Ang tunay na mensahe ng Ebanghelyo ay ito:
Ang kamatayan ay hindi katapusan kundi daan tungo sa buhay na walang hanggan para sa mga nananalig sa Diyos.
Kung si Abraham, Isaac, at Jacob ay tinatawag pa ring mga lingkod ng Diyos kahit matagal na silang namatay, ipinahihiwatig nito na sila ay buhay sa Kanyang presensya. Sa mata ng Diyos, ang Kanyang mga tapat ay hindi nawawala; sila ay nabubuhay magpakailanman sa Kanya.
Ang dokrinang ito ay taliwas sa paniniwala ng mga Saduseo. Sino ang mga Saduseo? Bukod sa pagiging isang pangkat sa Judaismo, sila ay:
1. Mga Aristokrata at Mayayamang Pinuno.
Karamihan sa kanila ay mula sa mayayamang pamilya at kabilang sa mataas na antas ng lipunan.
2. Sila ay mga Pari at Namumuno sa Templo.
Marami sa kanila ang nagmula sa hanay ng mga punong pari at may malaking impluwensya sa Templo sa Jerusalem.
3. Sila ay konserbatibo sa Kasulatan.
Tanging ang limang aklat ni Moises (Torah o Pentateuch) ang kanilang ganap na kinikilala bilang may pinakamataas na awtoridad.
4. Hindi Naniniwala sa:
Muling pagkabuhay ng mga patay.
Mga anghel.
Mga espiritu, at;
Huling paghuhukom
5. Sila ay maimpluwensya at mga may kapangyarihang pampulitika.
Nakikipagtulungan sila sa pamahalaang Romano upang mapanatili ang kanilang posisyon at impluwensya.
Dahil dito, madalas silang makabanggaan ni Hesus, sapagkat ang Kanyang mensahe ay nakatuon sa kaharian ng Diyos at hindi sa kapangyarihang makamundo.
Sa talatang, “Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob” ito may napakalalim na pahayag .
Hindi sinabi ng Diyos:
“Ako noon ang Diyos ni Abraham.”
Kundi:
“Ako ang Diyos ni Abraham.”
Sa pananaw ng Diyos, ang tipan Niya sa Kanyang bayan ay hindi winawasak ng kamatayan.
Tatlong Mahahalagang Katotohanan
1. Ang Diyos ay Diyos ng Pakikipagtipan.
Ang Kanyang pag-ibig ay hindi natatapos sa libingan.
2. Ang Kaligtasan ay Buong Pagkatao.
Hindi lamang kaluluwa ang ililigtas kundi ang buong tao sa pamamagitan ng muling pagkabuhay.
3. Ang Langit ay Ganap na Pakikipag-isa sa Diyos.
Ang pinakamalaking kagalakan sa langit ay hindi ang muling pagkikita at pagsasama-sama ng mga mahal sa buhay kundi ang ganap na pakikipagkaisa sa Diyos na siyang pinagmumulan ng lahat ng pag-ibig.
Pagsasabuhay:
-Mamuhay na may pag-asa.
Anuman ang hirap, sakit, o pagsubok ngayon, hindi ito ang huling kabanata ng ating buhay.
-Ipagdasal ang mga yumao.
Dahil naniniwala tayong may buhay pagkatapos ng kamatayan, patuloy nating iniaalay ang panalangin para sa kanila.
-Ituon ang puso sa mga bagay na walang hanggan.
Mag-ipon hindi lamang ng kayamanan sa lupa kundi lalo higit ng mga biyaya sa langit sa pamamagitan ng pagmamahal, paglilingkod, at kabanalan.
-Magtiwala sa kapangyarihan ng Diyos.
May mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng ating isip ngunit posible sa Diyos.
Word of the Day: Muling Pagkabuhay (Resurrection)
Kahulugan: Ang dakilang pangako ng Diyos na ang kamatayan ay hindi katapusan. Sa pamamagitan ni Kristo, ang mga tapat ay bubuhaying muli upang makibahagi sa buhay na walang hanggan.
Ang mensahe ng Salita: “Kung si Kristo ay muling nabuhay, mayroon ding pag-asa ang bawat nananalig sa Kanya.”
“Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay.” (Marcos 12:27)
Panalangin:
Ama naming Diyos na Buhay, maraming salamat sa pag-asang ipinagkakaloob Mo sa amin sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesus. Palalimin Mo nawa ang aming pananampalataya upang hindi kami matakot sa kamatayan kundi mamuhay nang may pag-asa at katapatan sa Iyo. Tulungan Mo kaming ituon ang aming puso sa mga bagay na walang hanggan at magtiwala sa Iyong kapangyarihan at pag-ibig. Ito ang aming dalangin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Sa unang pagbasa, hinikayat niya ni Pablo si Timoteo na maging modelo sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya, at kalinisan. Sa kabila ng kanyang murang edad ay huwag siyang sumuko sa gawaing pagliligtas . “Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan” (1 Timoteo 4:12).
“Kay Timoteo na minamahal kong anak: Sumaiyo nawa ang pagpapala, ang habag, at ang kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Kristo Hesus na ating Panginoon.Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglingkuran ko nang tapat – tulad ng ginawa ng aking mga ninuno – tuwing aalalahanin kita sa aking mga panalangin araw-gabi. Dahil dito, ipinaaalaala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili.Kaya’t huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa Panginoon o ang aking pagkabilanggo dahil sa kanya. Sa halip, makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita, sa tulong ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin upang tayo’y maging kanyang bayan. Ito’y ginawa niya sa pamamagitan ni Kristo Hesus, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob na inilaan sa atin bago pa magsimula ang panahon. Ngunit nahayag lamang ito nang dumating si Kristo Hesus na ating Tagapagligtas. Nilupig niya ang kamatayan at inihayag ang buhay na walang haggan sa pamamagitan ng Mabuting Balita.Ako’y ginawang apostol at guro upang ipahayag ang Mabuting Balitang ito, at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Gayunma’y hindi ko ikinahihiya ang nangyayaring ito sa akin, sapagkat lubos kong nakikilala ang aking pinananaligan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.”
Sa gospel reading, ipinapahayag dito na ang mga Saduceo ay isang relihiyosong grupo na hindi naniniwala sa muling pagkabuhay, maging sa mga anghel o espiritu. Ginamit nila ang kuwento ng pitong lalaki na nag-asawa sa iisang babae (ayon sa batas ni Moises) upang subukan at palabasin na walang katotohanan ang muling pagkabuhay. Ayon kay Jesus, nagkamali sila dahil hindi nila nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos na lumikha ng isang bagong uri ng pamumuhay na hindi na nakadepende sa makalupang mga gawain.Sa kabilang buhay, ang institusyon ng kasal ay hindi na kailangan dahil ang tao ay hindi na mamamatay at mag-aanak. Hindi nangangahulugang nawawalan ng katawan ang tao o nagiging espiritu lamang. Ang ibig sabihin nito ay ang mga tao ay magkakaroon ng maluwalhating kalagayan—katulad ng mga anghel—na nakatutok sa pagsamba at walang kamatayan. Ito ang patunay na hindi Siya Dios ng mga patay.
“Noong panahong iyon, may ilang Saduseo na lumapit kay Jesus. Ang Saduseo ay naninindigan na hindi muling bubuhayin ang mga patay. “Guro,” anila “naglagda po si Moises ng ganitong batas para sa amin: ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki’y dapat pakasal sa balo upang magkaanak sila para sa namatay.’ May pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Napakasal sa balo ang pangalawa, at namatay na wala ring anak. Gayun din ang nangyari sa pangatlo at sa mga sumusunod pa: isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid, at sila’y namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha’y namatay rin ang babae. Ngayon, sino po sa pito ang kikilalanin niyang asawa sa muling pagkabuhay, yamang napangasawa niya silang lahat?” Sumagot si Hesus, “Maling-mali kayo. Alam ninyo kung bakit? Hindi ninyo nababatid ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. Sapagkat sa muling pagkabuhay, ang mga tao’y hindi na mag-aasawa; sila’y magiging tulad ng mga anghel sa langit. Tungkol naman sa muling pagkabuhay – hindi pa ba ninyo nababasa sa aklat ni Moises ang tungkol sa nagliliyab na mababang punongkahoy? Ganito ang nasusulat na sinabi ng Diyos kay Moises. ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob.’ Ngunit ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo!”
Kumusta naman tayo. Nahihiya ba tayo na ipahayag ang kaligtasang natanggap natin dahil sa mababang kalagayan o “status quo” sa buhay? Tulad ba tayo ng mga Saduceo na di naniwala sa pagkabuhay muli na ang “status quo” natin ay gaya ng mga anghel, patunay na Siya ay Dios ng mga buhay?
Hebreo 1:14,17
“Tungkol naman sa mga anghel ay sinabi niya,
“Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel,
at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.”
“Ano ang mga anghel, kung ganoon? Sila’y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga magkakamit ng kaligtasan.”