Podcast: Download (Duration: 6:00 — 7.9MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A)
Missalette (Tagalog)
Puspos ng utang na loob sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos, tawagin natin ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo at sabihing: Banal na Santatlo, panibaguhin, tubusin at pabanalin Mo kami sa Iyong pag-ibig.
Banal na Santatlo, panibaguhin, tubusin at pabanalin Mo kami sa Iyong pag-ibig.
Para sa Simbahan, nawa tanang Kanyang mga kasapi sa pamamagitan ng pagdadamayan at pag-ibig ay magpatunay sa hiwaga ng Kabanal-banalang Santatlo. Manalangin tayo.
Para sa ating bansa. Nawa’y pagyamanin ng Banal na Santatlo—ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo ang ating pakikipagkapwa at malasakit sa isa’t isa sa Kanilang pamamagitan. Manalangin tayo.
Para sa mga Kristiyanong mag-anak. Palalimin nawa ng Banal na Santatlo ang kanilang pag-iibigan at pagkakaisa. Manalangin
tayo.
Para sa mga Kabataan. Tulungan nawa sila ng Diyos Ama na maging malikhain, ni Hesus na sila’y maging lingkod sa kapwa Kabataan at
ng Espiritu Santo na sila’y umunlad sa wastong pamumuhay at kaalaman. Manalangin tayo.
Amang Lumikha, Anak na Manliligtas at Espiritu Santong aming Gabay. Pabanalin kami sa pag-ibig. Kasihan kami ng biyayayang maging tapat sa Simbahan na Siyang larawan ng Diyos na Santatlo. Sa Iyo Ama at Anak at Espiritu Santo ay ang papuri at luwalhati magpasawalang hanggan. Amen.
Pages: 1 2
« Sabado, Mayo 30, 2026
Lunes, Hunyo 1, 2026 »




{ 9 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo, o mas kilala bilang “Santissima Trinidad” at “Tatlong Persona sa Isang Diyos”. Maraming mga ibang sekta ang palaging nagsasabi sa atin, “O kayong mga Katoliko, wala naman sa Bibliya ang salitang ‘Trinity’ eh. Ni hindi man itinuro ito ni Hesus at ng mga Apostol.” “Kung turo ninyo ‘Tatlong Persona sa Isang Diyos’, eh parang sinasabi ninyo na may tatlong diyos.” Mga kapatid, ang doktrina ng Santissima Trinidad ay tinatawag na “misteryo,” na sa Griyego ay nangunguhulugang “pagtitikom ng bibig”. Ito’y sapagkat hindi maipapakita nang pisikal na paraan ang paliwanag tungkol dito o kaya magsasalita upang ihanap ang mga ebidensiya. Ang doktrinang ito ay tinanggap natin ng buong pananampalataya dahil na rin sa pag-aaral ng ating mga ninuno ng ating Simbahan sa Banal na Kasulatan. Sa katunayan, pinaniniwalaan natin na iisa lamang ang Diyos na ating sinasamba, ngunit ang Diyos na ito ay nagpakita at nakilala sa anyo ng Tatlong Persona: ang Diyos Ama, ang Diyos Anak, at ang Diyos Espiritu Santo. Kaya ang ekwasyon ng Trinity ay “1+1+1=1”, hindi “1+1+1=3”. Pero pa’nong nangyari iyon na tatlong Persona, pero iisa lang ang Diyos? Kaya itinuturo ng ating mga Pagbasa ngayon ang pinakabuod ng doktrinang ito ay “pag-ibig”.
Inilalahad sa ating Unang Pagbasa ang pagtanggap ni Moises ng 2 tablet na yari sa bato. Dito nakasulat ang mga Sampung Utos na magiging batayan ng piniling bayan ng Diyos na tuparin at sundin. Ngunit sa kabila ng mga ito, ipinakita ni Moises sa atin na ang Panginoon ay mahabagin at maawaain. Sa katunayan bago mangyari ito, nagalit ang propeta sa mga tao at sinira ang unang tablet dahil sinasamba nila ang gintong guya. Sa ibang banda, siya’y nakiusap sa Panginoon na huwag wasakin ang kanyang bayang inilikas mula sa pagkaalipin sa Egipto; sa halip ay alalahanin ang mga mabubuting bagay na kanyang ginawa kina Abraham, Isaac, at Jacob. Ito’y patunay na sa Lumang Tipan, kahit nakilala at nabatid ng marami na ang Diyos ay isang malupit at maparusahang Diyos, siya naman ay Diyos na gumagawa ng mabuti at may dalang awa at biyaya. Nilikha niyang mabuti ang lahat ng nilalang sa mundo, ngunit dahil sa kasamaan ng tao, hindi niya pa rin pinabayaan tayo. Kaya sa pagdating ng nakatakdang panahon, isinugo niya sa atin ang kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Hesukristo. Kaya nga inilalahad ng Ebanghelyo ngayon ang ating paboritong Biblical verse (Cf. Juan 3:16), na tunay na minahal ng Diyos ang mundo, kaya isinugo niya si Hesukristo. Si Hesus ay tunay na Diyos na nagkatawang-tao at mamuhay katulad natin ngunit walang bahid ng kasalanan. Siya’y nagturo at gumawa ng kababalaghan sa harap ng nakaparaming tao. At bilang pagtupad sa dakilang kalooban ng Ama, inialay niya ang kanyang buhay sa Krus at nabuhay na mag-uli upang tayo’y mailigtas mula sa kasalanan at matagumpayan natin ang bawat kasamaan sa pamamagitan ng ating kabutihan. Ang pangako ni Hesus sa atin ay buhay na walang hanggan sa hantungan ng ating mga buhay sa daigdig, at ito’y dapat lang mangyari sa atin sa kalangitan, hindi sa impiyerno. Kaya dapat tayo’y sumamapalataya at umasa sa Diyos at sa kanyang mga dakilang gawain. At tayo’y tinawag na makibahagi sa ating misyon ng pagiging komunidad na nabubuklod sa kanya, kaya nga ipinadala niya sa atin ang Banal na Espiritu Santo na nagpapabanal sa atin sa kanyang pagpapaalab ng apoy ng pag-ibig.
Mga kapatid, ang buhay-Kristiyano ay nakasentro sa Banal na Santatlo. Iisa lang ang Diyos, ngunit ang Diyos ay nagpakita sa atin sa anyo ng tatlong Persona bilang Tagapaglikha (Ama), Tapagligtas (Anak), at Tagapagbanal (Espiritu Santo). Ito’y hindi dahil sa imbetong aral lang ng ating Simbahan, kundi ang pinakabuod ng doktrinang ito at ang Banal na Kasulatan ay pag-ibig. Ipinapaalala sa atin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang tamang kilos bilang mga Kristyano, at iyan ay ang pagkakaisa, pamumuhay nang mapayapa, at pagbabati nang may buong galang at pagmamahal dahil sabi nga sa bawat Pagbati ng Pari sa simula ng Misa: “Ang pagpapala ng ating Panginoong Hesukristo, ang pag-ibig ng Diyos Ama, at ang pakikipagkaisa ng Espiritu Santo’y nawa’y sumainyong lahat” (bersikulong 13). At tuwing ginagawa natin ang Tanda ng Krus, inaala natin ang pag-ibig at biyayang ipinakita ng Diyos na lumalang, nagligtas, at patuloy na nagpapabanal sa atin. Kaya dapat tayo’y mamuhay nang kalugud-lugod sa kanyang paningin sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa ating mga kapwa, pagkakaisa para sa katotohanan, katarungan at karunungang kanyang hatid, at pagsusunod sa dakilang kalooban ng Diyos.
Minsan nagtatanong tayo sa mga kaibigan natin na mabait ba magulang mo? Or kaya mabait ka ba? Siempre sasabihin natin Oo mabait magulang ko. Ganun din Ang Diyos natin . Ito pang- akit ng relihiyon ay Ang Diyos ay mabuti mapagmahal at mababang -loob Ito Ang Diyos natin . Kaya’t sa pagdariwang ng dakilang kapistahan Ito pinakikilala natin na Ang ating Diyos na sinasampalatayanan ay Diyos ng Pag -ibig dahil sa pag ibig na Ito ibinigay niya Ang kanyang anak sa atin para tulungan tayo maligtas at bigyan ng buhay sa pagtanggap sa kanya at dahil sa pag-ibig ng Anak ng Ama ay naging siyang masunurin at sa pag ibig ng Ama at Anak ay umiral Ang Espirtu Santo. Itong kapistahan ito ay nagsasalarawan sa atin ng Ang Diyos na ating sinasampalatayanan ay umiiral sa pag-ibig na rin dapat na umiral sa atin dahil Ito Susunod na tanong kung mabait magulang mo dapat mabait Ka rin dahil siya ay mabuti dapat mabuti rin Tayo.
pinabayaan tayo. Kaya sa pagdating ng nakatakdang panahon, isinugo niya sa atin ang kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Hesukristo. Kaya nga inilalahad ng Ebanghelyo ngayon ang ating paboritong Biblical verse (Cf. Juan 3:16), na tunay na minahal ng Diyos ang mundo, kaya isinugo niya si Hesukristo. Si Hesus ay tunay na Diyos na nagkatawang-tao at mamuhay katulad natin ngunit walang bahid ng kasalanan. Siya’y nagturo at gumawa ng kababalaghan sa harap ng nakaparaming tao. At bilang pagtupad sa dakilang kalooban ng Ama, inialay niya ang kanyang buhay sa Krus at nabuhay na mag-uli upang tayo’y mailigtas mula sa kasalanan at matagumpayan natin ang bawat kasamaan sa pamamagitan ng ating kabutihan. Ang pangako ni Hesus sa atin ay buhay na walang hanggan sa hantungan ng ating mga buhay sa daigdig, at ito’y dapat lang mangyari sa atin sa kalangitan, hindi sa impiyerno. Kaya dapat tayo’y sumamapalataya at umasa sa Diyos at sa kanyang mga dakilang gawain. At tayo’y tinawag na makibahagi sa ating misyon ng pagiging
Ang misteryo ng Holy Trinity ay sadyang hindi abot ng antas ng kaalaman ng tao. Gayun pa man, maari itong maihalintulad sa Apoy, may KULAY, may INIT at may LIWANAG. Bawat isa ay sangkap ng apoy na hindi maaring ihiwalay sa isa’t isa.
Ang dakilang kapistahan itoay ating ipinadriwang upang Hindi pag aralan ni maunawaan dahil Hindi natin kayang arukin Ang isang Diyos sa tatlong persona sa halip ay ipakilala sa tin Ang pag pagmamahal ng Diyos sa atin .
Aminin natin, likas sa atin ang pagiging praktikal—lalo na pagdating sa pera. Mahilig tayong magtipid. Yung tipong ikukumpara muna ang presyo, maghahanap ng mas mura, o hihintayin pa ang sale bago bumili. Lalo na pag panahon ng krisis, dapat maging wais.
Pero alam din natin na may mga pagkakataon na hindi tayo nagtitipid. Kapag mahalaga ang isang tao, nag-iiba ang kilos ng puso. Hindi mo na iniisip kung makakamura ka ba o kung may mas magandang deal pa. Ang iniisip mo na lang ay kung paano mo maibibigay ang pinakamganda at pinaka-deserve ng iyong minamahal.
Ganito rin ang ipinapakita sa atin ng Mabuting Balita ngayon. “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak.” Pagdating sa pagmamahal ng Diyos sa atin, hindi niya tayo tinipid. Ang ibinigay Niya ay ang pinakamahalaga—ang Kanyang sariling Anak. At sa Anak na iyon, ibinigay Niya ang Kanyang sarili.
Hindi rin ito dahil naging karapat-dapat tayo. Hindi Niya hinintay na maging maayos muna ang buhay natin bago Siya kumilos. Sa gitna ng ating kahinaan, doon Siya unang nagmahal. Nauna ang Kanyang paglapit, nauna ang Kanyang awa. Kaya siguro minsan, kailangan din nating ayusin ang larawan natin ng Diyos. Madalas iniisip natin na mabilis Siyang humatol o madaling magalit, pero malinaw ang sinabi ni Jesus: hindi Siya isinugo upang hatulan ang mundo, kundi upang iligtas ito.
Dahil dito maganda rin sigurong suriin natin ang ating sariling mga buhay. Sa pagmamahal natin, saan tayo nagtitipid? Sa oras na ibinibigay sa pamilya, sa pasensya sa mga mahirap intindihin, sa pagpapatawad na ipinagpapaliban natin? Madalas gusto nating sukatin ang ibinibigay natin—hanggang kaya lang, hanggang komportable lang. Pero ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay hindi ganon. Hindi sinusukat, hindi tinipid, ibinigay nang buo. Kung ang Diyos ay nagmahal sa’yo nang walang tinira para sa Kanya, baka inaanyayahan ka rin Niyang matutong magmahal nang mas buo—hindi perpekto, pero totoo, at hindi na tinitipid.
PAGNINILAY:
Juan 3:16-18
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Santatlo
Ang Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Santatlo na ipinagdiriwang natin sa Linggong ito ay paanyaya sa atin upang pagnilayan ang pinakadakilang misteryo ng ating pananampalataya: ang Diyos na iisa ngunit umiiral sa Tatlong Persona—Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Hindi natin ipinagdiriwang ang isang palaisipan na dapat lutasin kundi isang misteryo ng pag-ibig na dapat sambahin at isabuhay.
Sa Ebanghelyo ngayon, ipinakikita ni Hesus ang puso ng Diyos. Hindi Niya sinabi na “Gayun na lamang ang kapangyarihan ng Diyos” o “Gayun na lamang ang katarungan ng Diyos,” kundi:
“Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.”
Ang sentro ng Santissima Trinidad ay hindi kapangyarihan kundi pag-ibig.
Ang Ama ay umiibig kaya isinugo Niya ang Anak. Ang Anak ay umiibig kaya inialay Niya ang Kanyang sarili sa krus. Ang Espiritu Santo ay umiibig kaya patuloy Niyang pinupuno ng biyaya at buhay ang Simbahan.
Ang Diyos ay isang walang hanggang komunyon ng pag-ibig. Bago pa likhain ang mundo, umiiral na ang ganap na pagmamahalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. Kaya nang likhain Niya ang tao, hindi dahil may kakulangan Siya kundi dahil nais Niyang ibahagi ang Kanyang pag-ibig.
Ang kaligtasan ay bunga ng pagmamahal ng Santatlo sa sangkatauhan.
Saan Makikita sa Bibliya ang Santissima Trinidad?
Madalas ito ang sinasabi ng ibang mga sekta na wala raw sa Bibliya ang Trinidad dahil hindi mababasa ang salitang “Trinidad” o “Triune God.”
Totoo na wala ang mismong salitang “Trinidad” sa Bibliya, ngunit ang katotohanan nito ay malinaw na ipinahayag sa Banal na Kasulatan.
1. Ang Dakilang Utos ni Hesus
“Binyagan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.” (Mateo 28:19)
Pansinin na sinabi ni Hesus:
“sa ngalan” (iisa)
hindi “sa mga ngalan.”
Iisang Diyos ngunit Tatlong Persona.
2. Ang Pagbibinyag kay Hesus
“Nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad ng kalapati… at may tinig mula sa langit…” (Mateo 3:16-17)
Dito makikita:
Ang Ama na nagsasalita mula sa langit.
Ang Anak na binibinyagan.
Ang Espiritu Santo na bumababa bilang kalapati.
Tatlong Persona na sabay na kumikilos.
3. Ang Basbas ni San Pablo
“Sumainyo nawa ang pagpapala ng Panginoong Hesukristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikipagkaisa ng Espiritu Santo.” (2 Corinto 13:13)
Muli nating nakikita ang Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Ang Anak at Espiritu Santo ay Totoong Diyos.
Ang Anak ay Diyos
“Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” (Juan 1:1)
At sinabi ni Apostol Tomas:
“Panginoon ko at Diyos ko!” (Juan 20:28)
Ang Espiritu Santo ay Diyos
Sinabi ni San Pedro kay Ananias:
“Nagsinungaling ka sa Espiritu Santo… Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.” (Gawa 5:3-4)
Kung gayon:
Ang Ama ay Diyos.
Ang Anak ay Diyos.
Ang Espiritu Santo ay Diyos.
Ngunit hindi tatlong Diyos kundi iisang Diyos sa Tatlong Persona.
Ang Juan 3:16 ay isang napakalalim na pagpapahayag ng gawain ng Santissima Trinidad sa kaligtasan ng tao.
Ang Ama ang pinagmulan ng plano ng kaligtasan.
Ang Anak ang katuparan ng plano sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao, kamatayan, at muling pagkabuhay.
Ang Espiritu Santo ang nagpapatuloy sa gawaing pagliligtas sa Simbahan at sa puso ng bawat mananampalataya.
Samakatuwid, ang kaligtasan ay gawa ng buong Santatlo.
Ang Diyos ay hindi nanatiling malayo sa tao. Siya mismo ang lumapit upang iligtas tayo.
Kaya sinabi ni Hesus:
“Hindi sinugo ng Diyos ang kanyang Anak upang hatulang maparusahan ang sanlibutan kundi upang iligtas ito.”
Ito ang puso ng Ebanghelyo: awa, pag-ibig, at kaligtasan.
Pagsasabuhay:
Bilang mga Kristiyano, tayo ay tinatawag na maging larawan ng Santissima Trinidad.
Kapag may:
pagkakaisa sa pamilya,
pagpapatawad sa kapwa,
paggalang sa isa’t isa,
pagmamahal sa pamayanan,
sumasalamin tayo sa buhay ng Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Tuwing tayo ay nag-aantanda ng krus, hindi lamang ito isang kaugalian. Ito ay pagpapahayag ng ating pananampalataya sa Diyos na Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Word of the Day: PAG-IBIG
Ang pag-ibig ang pinakapuso ng Santissima Trinidad. Ang Diyos ay hindi lamang may pag-ibig.
Ang Diyos mismo ay Pag-ibig.
Kapag tayo ay tunay na nagmamahal, tayo ay nagiging buhay na larawan ng Diyos.
“Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak.” (Juan 3:16)
Apologetics Line:
“Maaaring wala sa Bibliya ang salitang Trinidad, ngunit ang Ama, Anak, at Espiritu Santo bilang iisang Diyos ay malinaw na ipinahayag sa Bibliya.”
Panalangin:
Ama naming mapagmahal, salamat sa Iyong walang hanggang pag-ibig. Panginoong Hesukristo, salamat sa Iyong pagliligtas sa amin sa pamamagitan ng Iyong Krus at Muling Pagkabuhay. Espiritu Santo, patuloy Mo kaming gabayan upang mamuhay sa kabanalan at katotohanan. Nawa’y maging buhay kaming larawan ng pagkakaisa, pag-ibig, at paglilingkod ng Kabanal-banalang Santatlo. Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
Kabanal-banalang Santatlo, isang Diyos sa Tatlong Persona, sambahin at luwalhatiin nawa magpakailanman. Amen.
To God be the highest glory now and forever. Alleluia! Amen!
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!
Sa unang pagbasa, ang dalawang tapyas ng bato ay kinasulatan ng sampung kautusan. Ang ikalawang tapyas ay “duplicate copy”. Ang Sampung Kautusan ay ibinigay ng Dios kay Moses sa bundok Sinai. Binuod ni Jesus sa dalawang kautusan: ang unang limang utos ay nakatuon sa ating relasyon at pagmamahal sa Diyos, habang ang huling limang utos ay tumutukoy sa pagmamahal at paggalang sa ating kapwa (Mateo 22:37-40). Ang buod na ito ay nagpapakita na ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan (Roma 13:10).
Kung tunay nating iniibig ang Diyos at ang ating kapwa, hindi tayo gagawa ng mga bagay na makasasakit sa kanila—tulad ng pagpatay, pagnanakaw, o pagsisinungaling.
Ang pagsunod ay nagiging bunga ng pag-ibig na ibinuhos ng Espiritu Santo sa ating mga puso (Roma 5:5-10).
Sapagkat ang Dios ay pagibig, tapat siya na babalikan ang kanyang bayang Israel upang iligtas din matapos ang pagliligtas sa mga gentil (Roma 11:25-26).
“Noong mga araw na iyon, tumapyas si Moises ng dalawang bato at dinala kinaumagahan sa Bundok ng Sinai. Ang Panginoon ay bumaba sa ulap, lumagay sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Panginoon.
Ang Panginoon ay bumaba sa ulap, lumagay sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Panginoon.Ang Panginoon ay nagdaan sa harapan ni Moises. Sinabi niya, “Akong Panginoon ay mapagmahal at maawain. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako’y nananatiling tapat.”Nanikluhod si Moises at sumamba sa Panginoon. Sinabi niya, “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.”
Sa ikalawang pagbasa, ipinahayag ni Pablo sa mga kapatid na naligtas at nasa loob ng Iglesia na sumunod sa utos ng Dios na maging ganap at
magkaisa sa fellowship ng mga ligtas at mapayapang mamuhay upang lalong maranasan ang pag-ibig at kapayapaan ng Diosvnang maakay ang iba sa kaligtasan.
“Mga kapatid, sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayun, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Kristo. Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kapatid sa simbahan.Nawa’y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesukristo, ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikipag-isa ng Espiritu Santo.”
Sa Gospel reading, sapagkat ang Dios ay pagibig kung kaya’t nagplano siya na iligtas ang kanyang pinakamamahal na mga nagkasalang nilikha (Genesis 3:15). Isinakatuparan ito ni Jesus sa kanyang paskal at sa tulong ng Espiritu Santo ay pinatotohanan niya itong dakilang pagibig sa mga salitang naririnig natin sa biblia upang makapanalig ang mga tao at maligtas.
“Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya.”
Kumusta naman tayo. Nabuhos na ba ang dakilang pag-ibig ng Dios sa ating mga puso sa pamamagitan ng pagsaksi ng Espiritu Santo sa biblia (Roma 5:5-10)? Nabatid na ba natin ang katiyakan ng ating kaligtasan sa pagtupad ni Jesus sa plano ng Dios sa krus ng kalbaryo? Nanalig na tayo sa pangako ng Dios sa biyayang kaligtasan kay Jesus kaysa pagtupad ng mga nakasaad sa mga tapyas na bato?