Sabado, Mayo 30, 2026

May 30, 2026

PANALANGIN NG BAYAN
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nangungusap si Kristo sa atin ng mga salitang may walang hanggang kapangyarihan at gawaing nakapagpapagaling. Sa pamamagitan niya, may pananalig tayong manalangin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, sumaamin nawa ang iyong kapangyarihan.

Ang Simbahan nawa’y makapangyarihang ituro ang walang hanggang katotohanan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng daigdig nawa’y huwag maging matigas ang mga puso na parang bato sa kanilang pakikinig sa tinig ni Kristo sa mga pangyayari sa ngayon, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga nag-iisip na pumasok sa buhay relihiyoso at magtatalaga ng kanilang buhay sa Diyos nawa’y sundin ang kalooban ng Diyos na itinakda sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pamamagitan ng ating malinis at banal na pamumuhay nawa’y mapawi ang mga impluwensya ng masasamang espiritu sa ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y makinabang sa sinag ng liwanag ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, ibinibigay namin sa iyo ang aming mga pangangailangan at nananalangin kami nang may pananalig sa iyong tulong at awa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 9 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 28, 2024 at 12:30 pm

Ang ating Ebanghelyo ngayon ay ang muling pagtatagpo ni Hesus sa mga pinuno ng mga Hudyo na masyadong kritikal sa kanyang pagpaparangal at paggawa ng kababalaghan. Tinanong siya ng mga punong saserdote at matatanda ng bayan kung anong awtoridad ang nagbigay sa kanya upang gawin ang mga bagay na ito. Ngunit tugon ni Hesus ay isang hamon pabalik sa kanila: kung ang binyag ni San Juan Bautista ay mula sa langit o sa tao. At nag-isip-isip sila sapagkat alam nila na mas nanaig si Hesus. At kung sasabhin nila ang binyag ni Juan ay galing sa tao ay magagalit ang kanilang kapwang Hudyo, samantala kung sasabihin ay ito ay galing sa langit ay bakit hindi sila naniwala kay Juan Bautista at nagbalik-loob. Kaya ang tugon nila kay Hesus ay hindi rin nila alam kung saan ito nagmumula. At ganun rin ang tugon ng Panginoon na hindi niya masasabi sa kanila kung anong awtoridad ang nagbigay sa kanya, kahit alam niya na ang Diyos Ama ang nagbigay nito subalit may katigasan talaga ang mga pinunong ito na makinig sa kanyang mga pangangaral.

Hilingin natin sa Panginoon na kilalanin natin siya at maging kanyang mga saksi, ganun din ang pagkilala sa kanya sa pagbibigay-saksi ng ibang tao.

Reply

[email protected] May 30, 2026 at 9:07 am

Ama Naming Dios Akoy Nananalig At Isinusuko Ko Ang Lahat Sa Akin Sa Ngalan Ni Hesukristo…Amen!

Reply

Malou Castaneda May 31, 2024 at 9:11 pm

PAGNINILAY
Ang awtoridad at karunungan ni Hesus. Alam Niya na ang mga pinuno ng relihiyon ay nagsisikap ng bitag sa Kanya sa kanilang tanong, ngunit hinarap Niya sila sa Kanyang sariling tanong. Ipinakikita nito ang Kanyang kakayahang makita ang kanilang mga motibo at tumugon sa paraang nagpapakita ng kanilang pagkukunwari.

Si Hesus ay hindi lamang isang makasaysayang tao o isang moral na guro, ngunit ang Anak ng Diyos na may pinakamataas na awtoridad. Hinahamon tayo nito na suriin ang sarili nating mga paniniwala at motibo, at alalahanin na si Hesus ang pinakamataas na awtoridad sa ating buhay. Sa pamamagitan ng panalangin at paghingi ng Kanyang patnubay, nakita natin Siya na gumawa ng mga himala at nagbibigay ng mga sagot sa ating mga tanong. Isang paalala na magtiwala sa Kanyang awtoridad at karunungan, kahit na hindi natin nauunawaan ang mga dahilan sa likod ng Kanyang mga aksyon. Isang hamon na suriin ang ating mga paniniwala at motibo, at magtiwala sa Kanyang pinakamataas na awtoridad sa ating buhay. Nawa’y patuloy nating hanapin ang patnubay at karunungan ni Hesus sa ating pang-araw-araw na buhay.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming sumunod sa Iyong awtoridad sa lahat ng bagay ng pananampalataya at moralidad. Amen.
***

Reply

Ruel May 30, 2026 at 6:38 am

“Anung katapatan mo na gawin iyan” who authorized you to do that? Minsan napakahalaga sa ting Ang karapatan. Tinanong Nila si Hesus dahil Bakit Anu ginawa niya , nilinis niya Ang templo at pinasabihaa Ang mag gumagawa ng paglapastangan sa templo . Iyon Ang kinagalit nila. Pero Hindi muna sinagot ni Hesus sahalip tinanong sila ni Hesus tungkol Kay Juan sa pagbibinyag niya dahil Ang sagot ay na roon . Dahil Ang pagbibiyan ni Juan ay galing sa Diyos Ang pag lilinis niya dahil Hesus ay galing sa Diyos . Kaya’t MAs mataas Ang kapangyarihan mula sa Diyos kaysa tao. At Anu yun gumagawa ng kabutihan Ito ginawa niya dahil Hesus Hesus ay kabutihan na mula sa Diyos. Tayo rin galing sa Diyos Ang ating karapatan gumawa ng kabutihan pero kung meron nagtatanong o pumipigil sila katulad ng mga taong nagtatanong Kay Hesus sila mga hipokritong mga tao.

Reply

Mel Mendoza May 30, 2026 at 1:56 am

PAGNINILAY:
Marcos 11, 27-33

Sa Mabuting Balita ngayon, muling bumalik si Hesus sa Jerusalem at naglalakad sa templo. Ngunit sa halip na Siya’y tanggapin bilang Mesiyas, nilapitan Siya ng mga punong saserdote, eskriba, at matatanda ng bayan upang usigin at hamunin.
Tinanong nila si Hesus:
“Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang ito?”

Sa unang tingin, tila ordinaryong tanong lamang ito. Ngunit sa mas malalim na pagtingin, hindi ito tanong ng pananampalataya kundi tanong ng pagdududa at pagtanggi. Hindi sila naghahanap ng katotohanan; naghahanap sila ng paraan upang maibagsak si Hesus.

Alam ni Hesus ang laman ng kanilang puso. Nakikita Niya ang kanilang intensyon. Kaya sa halip na diretsahang sumagot, tinanong din Niya sila:
“Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbinyag — sa Diyos ba o sa mga tao?”
Sa simpleng tanong na iyon, nahayag ang tunay nilang intension. Hindi sila makasagot nang tapat dahil natatakot sila:
-natatakot silang mawala ang impluwensya nila,
-natatakot silang kontrahin ng taumbayan,
-at higit sa lahat, natatakot silang harapin ang katotohanan.
Dito natin makikita na ang pinakamalaking hadlang sa Diyos ay hindi kakulangan sa kaalaman kundi katigasan ng puso.

Ang katotohanan ay nangangailangan ng kababaang-Loob. Maraming tao ang gustong makilala ang Diyos, ngunit hindi lahat ay handang magpasakop sa Kanyang katotohanan. Madalas, gusto lamang natin ang Diyos kapag naaayon Siya sa ating kagustuhan.
Ngunit kapag hinahamon tayo ng Diyos na:
magsisi, magbago, magpatawad,
magpakumbaba, o talikuran ang kasalanan, doon nagsisimulang tumigas ang ating puso.

Ang mga punong saserdote at eskriba ay mga taong eksperto sa Kasulatan. Alam nila ang propesiya. Alam nila ang mga tanda. Nakita nila ang mga himala ni Hesus. Ngunit hindi nila Siya matanggap dahil nabubulag sila ng pride at pagkapit sa kapangyarihan.
Napakalungkot isipin na posible palang maraming alam tungkol sa Diyos ngunit malayo pa rin sa Diyos.

Bakit Hindi Diretsahang Sumagot si Hesus?
Hindi dahil walang sagot si Hesus. Ang totoo, ang buong buhay Niya ay sagot na.
Ang Kanyang mga himala ay patunay.
Ang Kanyang karunungan ay patunay.
Ang Kanyang kabanalan ay patunay.
Ang Kanyang habag at pagmamahal ay patunay.
At higit sa lahat, ang Kanyang muling pagkabuhay ang sukdulang patunay na Siya ay mula sa Diyos.

Ngunit alam ni Hesus na kahit sabihin pa Niya nang diretsahan:
“Ako ay isinugo ng Ama,”
hindi pa rin sila maniniwala dahil sarado na ang kanilang puso. Ipinapakita rito na hindi sapat ang malinaw na ebidensya kapag ayaw talagang magpasakop ng tao sa katotohanan.

Isang Malalim na Katotohanan sa Buhay Espiritwal.
Minsan sa ating buhay, nagtatanong din tayo sa Diyos:
“Panginoon, bakit hindi Mo agad sinasagot ang aking panalangin?”
“Bakit tila tahimik Ka?”
“Bakit hindi malinaw ang Iyong kalooban?”
Ngunit maaaring hindi kakulangan ng sagot ang problema. Maaaring nais munang ihanda ng Diyos ang ating puso bago Niya ibigay ang kasagutan.
Sapagkat may mga katotohanang hindi kayang tanggapin ng pusong puno ng pride, galit, o sariling kagustuhan.
Kaya bago tayo bigyan ng Diyos ng liwanag, madalas muna Niyang inuusisa ang ating puso.

Ang tanong ng Mabuting Balita ay hindi lamang: “Sino si Hesus?”
Kundi:
“Handa ba akong tanggapin si Hesus bilang tunay na Panginoon ng aking buhay?” Handa ba akong sundin Siya kahit mahirap? Handa ba akong magpakumbaba? Handa ba akong magbago?
Sapagkat ang tunay na pananampalataya ay hindi lamang paghanga kay Hesus kundi pagsunod kay Hesus.

Panalangin:
Panginoong Hesus, alisin Mo po ang anumang katigasan at pride sa aking puso. Turuan Mo akong maging mapagpakumbaba at bukas sa Iyong katotohanan. Nawa’y hindi lamang ako magtanong tungkol sa Iyo kundi tunay na makinig, maniwala, at sumunod sa Iyo araw-araw. Bigyan Mo ako ng pusong handang tumanggap ng Iyong banal na kalooban. Amen.

Reply

Jovy Uy May 30, 2026 at 4:51 pm

Sa unang pagbasa, kinakausap dito ang mga ligtas bilang mga pinakamamahal na matapos maligtas ay mahabag din at tulungan ang mga nag-aalinlangan sa kaligtasang nakay Cristo upang masagip sila sa apoy ng impiyerno . Na marapat lamang mamuhay bilang Kristiyano na manalangin at umasa sa tulong ng Espiritu Santo na makapanatili sa pagibig ng Dios (sa fellowship ng mga kapwa naligtas) at makaiwas na nagkasala sa laman nang maiharap sila sa Dios na walang kapintasan sa pagdating muli ni Jesus.

Sa gospel reading, nang tanungin ng mga relihiyosong lider si Jesus kung “sino ang nagbigay sa Kanya ng karapatan,” alam ni Jesus na hindi sila naghahanap ng katotohanan. Gusto lamang nila Siyang bitagin upang may maiparatang sila laban sa Kanya.

Paulit-ulit nang pinatunayan ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang mga turo at mga himala na Siya ang Anak ng Diyos. Hindi sila naniwala, kaya’t binalik ni Jesus ang tanong sa kanila tungkol kay Juan Bautista upang ipakita ang kanilang kapaimbabawan. Kung sasabihin nilang “mula sa langit” ang awtoridad ni Juan, bakit hindi sila naniwala rito? Kung sasabihin nilang “mula sa tao,” matatakot sila sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang propeta.

Dahil alam ni Jesus na ayaw nilang tanggapin ang katotohanan at naghahanap lamang sila ng ikakasama Niya, minabuti Niyang ipagpaliban ang pagsagot hangga’t hindi nila nasasagot ang tanong tungkol kay Juan.

Sa pag-aalinlangan nila kay Jesus ay hinatulan na sila ni Jesus sa Mateo 23:25-33 na wala silang kawala na mabulid sa apoy ng impierno.

“Noong panahong iyon, pumunta na naman si Hesus at ang mga alagad sa Jerusalem. Samantalang si Hesus ay naglalakad sa templo, nilapitan siya ng mga punong saserdote, ng mga eskriba, at ng matatanda ng bayan. Tinanong siya, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang ito?” Sumagot si Hesus, “Tatanungin ko rin kayo. Pag sinagot ninyo ako, saka ko naman sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbinyag – sa Diyos ba o sa mga tao?” At sila’y nag-usap-usap: “Kung sabihin nating mula sa Diyos, itatanong naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ Ngunit kung sabihin nating mula sa tao,” natatakot naman sila at baka kung ano ang gawin sa kanila ng mga tao, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta. Kaya’t sumagot sila kay Hesus, “Hindi namin alam!” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga ginawa ko.”

Kumusta naman tayo. Paano tayo namumuhay bilang mga ligtas na sa espiritu ? Napagtatagumpayan ba natin ang mga tukso sa laman sa tulong ng Espiritu Santo sa patuloy na pakikinig ng salita ng Dios ? Nagagamit ba tayo na iligtas ang mga nag-aalinlangan sa kaligtasang nakay Jesus na paimpierno? May pag-aalinlangan ba tayo tungkol sa pagiging Dios ni Jesus at Tagapagligtas?

“Mga pinakamamahal, lagi ninyong tandaan ang pangaral sa inyo ng mga apostol ng ating Panginoong Jesukristo. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay sa ating Panginoong Jesukristo, na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan, dahil sa kanyang pagkahabag sa inyo.Kahabagan ninyo’t tulungan ang mga nag-aalinlangan. Sagipin ninyo ang nasa apoy. Ang iba nama’y kahabagan ninyo. Ngunit mag-ingat kayo; kasuklaman ninyo pati ang mga damit nilang tigmak ng kahalayan . Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makapaghaharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian – sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesukristong Panginoon natin – sa kanya ang kapurihan, karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailan pa man! Amen.

Reply

BdKz May 30, 2026 at 8:21 pm

Patuloy na pananampalataya sa Diyos.
Pananalig sa Diyos dahil nagpapasalamat tayo dahil tayo ay nakatanggap na. Pag-ibig at pagmamahal pinag kaloob sa atin.
Milagro na nararamdaman sa ordinaryong bagay.
Huwag mawala ng pag asa.
Darating din ang awa ng Diyos.
Manlig at kakatok din ang milagro sa ating buhay.
As thanks giving, as our gratitude and praising to Our Lord.
Alam nating wala pa ang mga hinihiling natinat alam natin na hinahanda ito ng Diyos at tatanggapin sa tamang panahon.
Jesus I trust in You.
Amen
-Father Jowel Gatus
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good.
Blessed2026
Thank You, Lord for a new day. Praying for a healing heart, peace, and strength. Amen #PeaceInMiddleEast #GvSaturday

Reply

dlanor321 May 30, 2026 at 9:18 pm

Ano ang nagbibigay sa akin ng lakas para maisakatuparan ang aking tungkulin? Ginagamit ko ba ang aking authority sa paglilingkod sa Diyos at kapwa o para sa sarili? Nakakarelate ako sa Mabuting Balita. Tungkol ito sa authority ng ating Hesus Maestro na kinuwestyon ng mga nasa posisyon. Puno ito ng biyaya at the same time, challenging. Pero anupaman, alam kong mula sa Panginoon ang ginagampanan ko ngayon. At nananalig ako na Siya ang aking gabay sa pagpapasya at Siya rin ang kumikilos sa aking kalooban. Na-struck ako sa salitang Latin na “auctor” (ah-uk-tor). Dahilan daw Siya ng pagsibol at paglago, ang tagapagtatag, ang nagsimula. Sino pa ang tunay na auctor, kundi ang ating Diyos na Tagapaglikha? Bukod pa rito Siya ang tunay na may kapangyarihan, ang may karapatang magpasya, mag-atas, ang magbigay-gabay. Kaya kahit hindi ako karapatdapat, sino ako para salungatin Siya? Malinaw sa aking kalooban na Siya ang masusunod. Ako? Isa lamang lingkod. Kaya’t masasabi ko nang may kababaang-loob: hindi tungkol sa akin ang aking tungkulin, kundi tungkol sa Kanya. Patuloy akong maglilingkod, hindi dahil kaya ko, kundi dahil kumikilos Siya sa akin kaya nakakayanan ko.

Reply

Chris John Terrence of the Holy Eucharist May 31, 2026 at 8:20 am

Pagninilay:

Mapagpalang Sabado sa ating lahat! Nais kwestiyunin ng mga eskriba kung saan nakuha ni Hesus ang karapatan sa Kanyang ginagawa tulad ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita, paggawa ng himala, pagpapagaling, at marami pang iba. Sa kabila nito, ibinalik sa kanila ng ating Panginoong Hesus ang tanong kung saan nagmula ang karapatan ni San Juan Bautista bago Niya sasagutin ang mga tanong nila. Ngunit, sinagot lamang nila na hindi nila alam sapagkat mahuhuli sila kahit anuman ang sagutin nila. Dahil dito, hindi ibinigay ni Kristo ang sagot na hinahangad ng mga eskriba. Bakit nga ba hindi na lang diniretso ng ating Panginoon ang mga eskriba sa kanilang katanungan? Ito ay sa kadahilanan na alam ni Hesus na hindi talaga sila bukas sa katotohanan. May inggit sa puso ng mga eskriba kay Kristo na nagiging balakid sa pagtanggap nila ng mensahe ng ating Tagapagligtas. Bukod pa rito, alam ng ating Panginoon na gagamitin lang sa masama ng mga eskriba ang isasagot Niya sapagkat hindi naman talaga sila bukas sa perspektiba ng Diyos.

Naniniwala sila na nakuha ni Hesus ang kapangyarihan mula sa demonyo, hindi sa Diyos, at baka gamitin lang ng mga eskriba bilang atake kay Hesus ang anumang isagot Niya. Mahalagang mapagnilayan natin na isa sa mga dahilan kung bakit hindi nauunawaan ng iba ang karunungan ng Diyos o kaya kung bakit hindi natatanggap ang mga grasya na kailangan natin para tayo ay lumago sa kabanalan ay ang hindi pagiging bukas sa Panginoon. Marahil, dulot ng pagmamataas, mas pinipili ng iba ang kanilang perspektibo kaysa ang magpakumbaba at maging bukas sa mensahe ng Diyos sa ating buhay. Gayundin, kung ang isang tao ay patuloy sa pagkakasala, mahihirapan niyang matanggap ang kapayapaan na nagmumula kay Kristo at higit siyang magiging mahina sa oras na siya ay patuloy na tuksuhin ng demonyo na magkasala. Isang halimbawa nito ay kapag hindi nairerespeto ng iba ang paggamit sa pangalan ng Diyos tulad ng pagbanggit ng “Oh My God,” “SusMarYosep,” “Jesus Christ,” (tuwing naiinis) at iba pa, kahit na malaman niya na ito ay taliwas sa utos ng Diyos, marahil hindi ito pansinin dahil sa ang kanyang perspektibo ay may kalayaan siyang gawin ang gusto niyang gawin.

Kung ang perspektibo ng isang tao ay nakasanayan na ito o ginagawa ito ng iba kaya walang masama rito, mahihirapan siyang mapalalim ang kanyang relasyon sa Diyos dahil ang pag-ibig sa Diyos ay nakikita, hindi lang sa salita, kundi sa gawa. Tayo rin ay pinapaalalahanan ng Diyos na isabuhay ang payo ng mga apostol tulad ni Apostol San Judas (St. Jude) sa unang pagbasa nang sabihin niya, “Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo.” Ito ay nangangahulugang humingi tayo ng gabay sa Espiritu Santo upang malaman natin ang kalooban ng Diyos. Kung tayo ay mapagpakumbaba at bukas sa Diyos, malalaman natin ang inspirasyon mula sa Espiritu Santo kung papaano tayo magdarasal at kung anong aspekto ng ating buhay ang kailangang magbago upang tayo ay manatili sa grasya ng Diyos, lumago sa kabanalan, at makapasok sa kaharian ng Diyos sa langit. Kaya makikita rin natin sa unang pagbasa, “Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay sa ating Panginoong Hesukristo, na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan, dahil sa kanyang pagkahabag sa inyo.”

Sa ating panalangin, tanungin natin ang Diyos kung ano ang puno’t dulo o dahilan kung bakit nahihirapan tayong sumunod sa Kanyang kalooban at maging bukas tayo kung ano ang mga resolusyon na nais ipagawa sa atin ng Diyos upang gawin natin ang tama at kalugod-lugod sa Kanya. Sa ating mga desisyon sa buhay, sikapin din natin na magnilay, maging bukas sa Diyos, at pumili ng desisyon, hindi base sa kung ano lang ang gusto natin, kundi kung ano ang magbibigay-puri sa Diyos at makakatulong sa paglago natin sa kabanalan, sa daan ng pag-ibig. Nawa’y maalis sa ating isip at puso ang kadiliman ng kasalanan dulot ng liwanag ng Diyos upang sa pamamagitan nito, ang ating kaluluwa ay manabik sa ating Panginoon. Amen. +

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: