Podcast: Download (Duration: 7:54 — 5.7MB)
Biyernes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Pablo VI, papa
1 Pedro 4, 7-13
Salmo 95, 10. 11-12. 13
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
Marcos 11, 11-26
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Friday of the Eight Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Paul VI, Pope (White)
UNANG PAGBASA
1 Pedro 4, 7-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro
Mga pinakamamahal, malapit na ang wakas ng lahat ng bagay; kaya’t maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang pag-iisip upang kayo’y makapanalangin. Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. Huwag maging mabigat sa inyong loob ang pagtanggap sa mga kapatid. Bilang mabubuting katiwala ng iba’t ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ang katangiang tinanggap ng bawat isa. Ikaw ba’y tagapaglingkod? Gamitin mo sa paglilingkod ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang siya’y papurihan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ni Hesukristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.
Mga minamahal, huwag ninyong pagtakhan at ituring na di pangkaraniwan ang mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas. Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikihati sa mga hirap ni Kristo, at magiging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag ang kanyang kadakilaan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 10. 11-12. 13
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“Sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
Lupa’t langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
Ang Poon ay pupurihin, pagkat siya ay daratal,
paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan.
Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay.
Panginoo’y paririto
upang hatulan n’ya tayo.
ALELUYA
Juan 15, 16
Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabubuting tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 11, 11-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Sa gitna ng pagbubunyi ng mga tao, pumunta si Hesus sa Jerusalem at pumasok sa templo. Pagkatapos tingnan ang lahat ng bagay doon, lumabas siya at nagbalik sa Betania, kasama ang Labindalawa, palibhasa’y gumagabi na noon.
Kinabukasan, nang sila’y pagbalik na mula sa Betania, nagutom si Hesus. Natanaw nito sa di-kalayuan ang isang puno ng igos na madahon. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Ngunit wala siyang nakita kundi mga dahon, sapagkat hindi pa panahon ng igos noon. Kaya’t sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ito’y narinig ng kanyang mga alagad.
Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok sa templo si Hesus. Kanyang ipinagtabuyan ang mga nagbibili at namimili roon at ipinagtaob ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi at ang upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Pinagbawalan niyang magdaan sa loob ng templo ang sinumang may dala-dalahan. At tinuruan niya ang mga tao. Sinabi niya, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw.”
Narinig ito ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Buhat noo’y humanap sila ng paraan upang mapatay si Hesus, sapagkat natatakot sila sa kanya, dahil sa humahanga ang lahat ng tao sa kanyang turo.
Pagdating ng gabi, lumabas na naman ng lungsod si Hesus at ang kanyang mga alagad.
Kinaumagahan, pagdaan nila’y nakita nilang patay na ang puno ng igos. Naalaala ni Pedro ang nangyari at kanyang sinabi kay Hesus, “Guro tingnan ninyo! Namatay ang puno ng igos na sinumpa ninyo.” Sumagot si Hesus, “Manalig kayo sa Diyos. Tandaan ninyo ito: kung sabihin ninuman sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan; tumalon ka sa dagat,’ na hindi siya nag-aalinlangan kundi nananalig na mangyayari ang sinabi niya, ito’y gagawin ng Diyos para sa kanya. Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa panalangin, manalig kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo. Kapag kayo’y mananalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ipatawad din naman sa inyo ng inyong Amang nasa langit ang inyong pagkakasala. Ngunit kung hindi kayo magpatawad, hindi rin naman kayo patatawarin ng iyong Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Mayo 28, 2026
Sabado, Mayo 30, 2026 »




{ 6 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang mundong ating ginagalawan ay puno ng mga pagsubok at hamon sa buhay. Ngunit ang pananampalataya ay tumatawag sa atin hindi lamang sa pagtitiwala sa Diyos, kundi sa tunay na pagpapahayag nang may paniniwala na ang bawat pagsubok na ating kinakaharap ay isang panawagan upang palakasin ang ating kaugnayan sa kanya sa pamamagitan ng paglalaan kahit ng pinakamaliit na pagsisikap na ating maiaambag para sa ikabubuti ng kanyang Kaharian.
Sa ating Unang Pagbasa (1 Pedro 4:7-13), ipinapaalala sa atin ni San Pedro na maging matiyaga sa gitna ng mga pagdurusa na parang gintong sinubok sa apoy. Habang tinitiis natin ang mga pagsubok na ito nang may pananampalataya, hinihimok tayo ng Apostol na maging mga saksi sa mensahe ng Panginoon tungkol sa pag-ibig sa pamamagitan ng salita at halimbawa. Ang pinakamahalagang halaga na dapat ipakita ay ang pag-ibig dahil ito ang sukdulang pamantayan ni Kristo para maganap ang Huling Paghuhukom sa katapusan ng panahon. Binibigyan ng Diyos ang kanyang mga tao ng mga kaloob at talento. Nang tayo ay bininyagan, tayo ay naging mga anak ng biyaya. Mula sa ating pagkabata hanggang sa huling yugto, kinikilala natin ang kanyang misyon para sa atin. Gamit ang mga kaloob at talentong ibinigay niya sa atin, nais niyang gamitin natin ang mga ito nang wasto para sa pamumunga ng bunga sa mundo. Binibigyan niya tayo ng mga pagkakataon hanggang sa araw ng ating kamatayan. Sa huli, ang mga natuyo at nabigo ay itatapon sa apoy.
Sa ating Ebanghelyo (Marcos 11:11-26), makikita natin kung paano isinumpa ng ating Panginoong Hesukristo ang isang puno ng igos na hindi namumunga, at nilinis ang Templo sa pamamagitan ng pagpapaalis sa mga komersiyal dito. Bakit niya ginawa ang mga bagay na iyon? Ito ay dahil ang mga kaloob na ibinigay ng Diyos ay hindi ginamit nang wasto. Ang Templo sa Jerusalem ay isang sagradong lugar ng pagsamba, ngunit noong panahon ng mga Romano, ginawa itong pamilihan ng mga pinunong Hudyo. Kaya nang dumating si Kristo at kinuha ang lahat ng ito, nagpasya silang ipagpatuloy ang kanilang balak laban sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit nalalanta na ang kanilang mga bunga. Ang puno ng igos ay sumisimbolo sa Israel. Nangangahulugan ito na ang bansa ay malilipol. Ang dahilan ay hindi nito kinilala ang kaligtasan ng Diyos. Maging si Kristo ay nanangis para sa Kabisera nang makita niya ito mula sa malayo. Nangyari ito noong panahon ng paghahari ni Titus Vespasian noong 70 A.D., kung saan sinakop ng mga awtoridad ng Roma ang Jerusalem, at tuluyang winasak ang Templo.
Binibigyan tayo ng Diyos ng pagkakataong humayo at mamunga sa mundo. Ibinibigay niya sa atin ang mga kaloob at talentong ito na maaari nating ibahagi sa iba. Ngunit ang pinakadakilang kaloob na maibibigay niya sa atin ay ang kanyang pag-ibig, at ito ay natupad sa katauhan ng kanyang Bugtong na Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Kaya naman iniutos sa atin ni Kristo ang kanyang utos bilang misyonero: “Kaya’t magsiyaon kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. At narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:19-20).
Habang tinatahak natin ang landas na ito, patuloy nating tahakin ang ating misyon sa pagpapahayag ng Ebanghelyo, at ibahagi ang mga kaloob at talentong ibinigay sa atin ng ating Panginoon para sa pamumunga sa kanyang ubasan.
Pagninilay:
Mapagpalang Paggunita kay San Pablo VI! Makikita natin sa Ebanghelyo kung paano binaboy ang Templo sa Jerusalem dahil, sa halip na ialay ang mga sakripisyo sa Diyos, ito ay ibinenta kapalit ng malaking halaga. Mapapansin din natin sa Ebanghelyo kung paano ibinibenta ng mga tao sa Templo ang kalapati. Ang pagbebenta ng kalapati ay may simbolismo kung saan tila ba mas pinipili ng mga tao na alisin ang Espiritu Santo, na nagpakita sa itsura ng kalapati kay Hesus noong Siya’y bininyagan, sa pamamagitan ng mga mortal na kasalanan para sa mga makamundong bagay at aliw. Ang templo sa Jerusalem ay nagrerepresenta rin sa atin sapagkat tayo ay Templo ng Banal na Espiritu Santo. Kung ang isang tao ay hindi na namumunga sa pananampalataya dulot na siya’y nasa estado ng mortal na kasalanan, sila ay nahihiwalay dahil sa kanilang aksyon sa ating Panginoong Hesus na tunay na puno ng ubas, at ilalagay nila sa peligro ang kanilang kaligtasan tulad ng mga puno na sinusunog kung hindi na ito namumunga. Ang Simbahang Katolika, na siyang Katawan ni Hesus sa “Mystical” na pamamaraan dito sa mundo, ay may misyon upang ipalaganap ang Mabuting Balita para sa kaligtasan nating lahat, at si San Pablo VI ay naging instrumento ng Diyos para sa modernong panahon.
Matapos ang kamatayan ni San Juan XXIII, ang Santo Papa na si Pablo VI ang nagpatuloy ng misyon ng paggabay sa Simbahan sa pamamagitan ng Ikalawang Konseho ng Vatican. Ang layunin nito ay imbitahan ang mundo na maniwala sa Ebanghelyo ni Kristo habang tinatalakay ang mga isyu sa modernong panahon tulad ng modernismo, komunismo, pag-unlad ng ekonomiya, digmaan, kahirapan, at marami pang iba. Si San Pablo VI din ay nakilala sa pagdepensa sa dignidad ng kasal at ng kahalagahan ng pagiging bukas sa buhay bilang ekspresyon ng sagradong pakikipagtalik sa encyclical na “Humanae Vitae,” kahit na ito ay naging dahilan para makatanggap siya ng maraming kritisismo sa mundo mula sa mga sumusuporta ng kontrasepsyon, kahit na ito ay nagdudulot ng pagturing sa mga tao, lalo na sa mga babae, bilang mga bagay o “objectification.” Tulad ng prediksyon ni San Pablo VI, ang pagsulong ng kontrasepsyon ay nagdulot ng mas mataas na bilang ng nasisirang pamilya, pagbaba ng moralidad, kawalan ng respeto sa dignidad ng babae, at ang maling paniniwala na ang mga tao ang may-ari ng kanilang katawan na maaari nilang gawin ang kahit ano. Sa kabila ng mga kritisismo at pag-atake na kanyang natanggap, siya ang pinili ng Diyos kapat instrumento upang maipakita sa mundo ang kaligtasan na matatagpuan sa ating Panginoong Hesus.
Sa panahon ng kalituhan sa mundo ngayon, sana ay maging inspirasyon sa atin si San Pablo VI upang palalimin natin ang ating pagkaunawa sa turo ng Simbahang Katolika. Marami na rin ang iba’t ibang Catholic resources na makakatulong sa mga tao na bukas sa katotohanan tulad ng “Catholic Answers” at ang mga Facebook pages tulad namin at marami pang iba. Sa pagpapalalim ng ating pag-unawa sa turo ng Simbahan, tayo rin ay magiging instrumento sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita na makakatulong sa kaligtasan ng mga tao. Tayo rin ay pinapaalalahanan ni Kristo na hindi kalimutan ang kahalagahan ng panalangin sa ating buhay dahil ang mga tao na nakakagawa ng mortal na kasalanan ay siyang hindi nagdarasal at nagpupursige na labanan ang mga tukso o umiwas sa mga temptasyon. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng ating Panginoon, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa panalangin, manalig kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo.” Ang ibig Niyang sabihin ay manalangin tayo para sa grasya na ating matatanggap sa Diyos upang tayo ay magpursige sa kabanalan at malabanan ang tukso ng demonyo.
Tayo ay pinapalakas din ng Diyos kung tayo ay nagiging disiplinado rin sa ating oras ng panalangin tulad ng pagdarasal ng Angelus ng 6:00 am, 12:00 noon, at 6:00 pm, kasama na rin ang Divine Mercy Prayer sa 3:00 pm. Simple lang ang mga ito at hindi matagal, ngunit ang simpleng panalangin na patuloy nating ginagawa ay nagpapalakas sa atin laban sa mga tukso ng demonyo. Kung mas pinipili ng iba ang aliw kaysa ang magdasal, paano nila malalabanan ang mga mas malalakas na temptasyon, lalo na sa panahon na hindi bukas sa grasya ang isang tao? Kung ang ilan naman sa atin ay nasa estado ng mortal na kasalanan, ninanais ng ating Panginoon na tayo ay lumapit sa Kanyang habag at awa sa sakramento ng kumpisal upang maligtas ang ating kaluluwa. Nawa’y mamunga ang ating pananampalataya upang tayo ay maging handa na makita ang Panginoon bilang ating Tagapagligtas matapos ang ating kamatayan. Amen. +
PAGNINILAY:
San Marcos 11, 11-26.
Ang Ebanghelyong ating natunghayan ay may tatlong mahalagang tagpo:
Ang punong igos na walang bunga;
Ang paglilinis ni Hesus sa templo; at
Ang kapangyarihan ng pananampalataya at pagpapatawad.
Ngunit iisa lamang ang puso ng mensahe:
Ayaw ng Diyos sa pananampalatayang panlabas lamang ngunit walang tunay na bunga ng kabanalan.
Ang sinisimbolo ng punong igos.
Sa Bibliya, ang punong igos ay madalas sumisimbolo sa bayan ng Diyos — lalo na sa bayang Israel, at sa bawat taong nananampalataya.
Ang puno ay inilalarawan sa Ebanghelyo na: madahon, maganda sa paningin, ngunit walang bunga. At maihahambing ito sa taong walang tunay na kabanalan at pagsunod sa Diyos. Kaya hindi simpleng galit kundi isinumpa ni Hesus ang puno. Ito ay isang prophetic sign o makahulang simbolo ng danarasin ng huwad na pananampalataya.
Sa mas malalim na kahulugan
ang punong igos ay larawan ng:
pananampalatayang nasa labi lamang,
relihiyosong anyo ngunit walang pagbabago ng puso, panlabas na kabanalan ngunit kulang sa pag-ibig, katarungan, at awa.
Katulad ito ng templo ng Jerusalem,
banal sa panlabas ngunit puno ng kasakiman at pang-aabuso ang namamahala nito. Kaya pagkatapos sumpain ang puno ng igos, agad namang nilinis ni Hesus ang templo. Mapapansin na magkaugnay ang dalawang tagpong ito.
Hindi naghahanap si Hesus ng “magandang dahon” lamang.
Naghahanap Siya ng bunga.
Maaaring palasimba tayo, maraming debosyon, aktibo sa ministry
mahusay magsalita tungkol sa Diyos
ngunit ang tanong: May bunga ba ng pag-ibig, pagpapatawad, kababaang-loob, at kabanalan?
Ang tunay na pananampalataya ay hindi lamang nakikita sa:
-rosaryo sa kamay,
-ministry sa simbahan,
-o galing sa pagsasalita.
Ito’y nakikita sa:
pusong marunong magpatawad,
buhay na malinis, at pag-ibig na isinasabuhay araw-araw.
Nang linisin ni Hesus ang templo, ipinakita Niyang:
Ang sambahan ay hindi dapat maging lugar ng negosyo, kasakiman, korupsyon, o pagpapaimbabaw.
Ngunit higit pa rito, tayo mismo ngayon ang “templo” ng Diyos.
Kaya sa Ebanghelyo parang sinasabi ni Hesus:
“Linisin mo rin ang Iyong puso ang templo ng Banal Espiritu.”
Tanggalin ang galit, inggit, kayabangan,
pagpapatawad na ipinagkakait,
pananampalatayang pakitang-tao lamang.
Sa Ebanghelyo may mahalaga na paalala si Hesus:
“Kapag kayo’y mananalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo.”
Ipinapakita rito na:
ang panalangin at pagpapatawad ay magkaugnay, hindi ganap ang pananalangin kung puno ng galit ang puso. Ang pusong hindi marunong magpatawad ay parang punong igos ding walang bunga na dapat na matuyo.
Word of the Day: “BUNGA”
Hindi sapat ang magmukhang banal.
Ang tunay na Kristiyano ay namumunga ng: pag-ibig, kabutihan, pananampalataya, pagpapatawad
at kabanalan.
Sapagkat ang punong maraming dahon ngunit walang bunga ay hindi nakalulugod sa Panginoon.
Pagsasabuhay:
Ngayong araw, tanungin natin ang ating sarili:
May bunga ba ang aking pananampalataya?
Nakikita ba si Kristo sa aking ugali?
Marunong ba akong magpatawad?
Malinis ba ang “templo” ng aking puso?
Maging Kristiyano tayo hindi lamang sa salita kundi sa pamumuhay.
Panalangin:
Panginoong Hesus,
linisin Mo po ang templo ng aking puso.
Tanggalin Mo ang anumang hindi nakalulugod sa Iyo.
Tulungan Mo akong mamunga ng pag-ibig, kababaang-loob, pananampalataya, at pagpapatawad.
Huwag Mo pong hayaang maging panlabas lamang ang aking pananampalataya, kundi maging buhay at totoo sa aking gawa at pamumuhay.
Amen.
To God be the highest glory now and forever. Amen!
Unawain natin ang lahat sa salita kabutihan-loob ay isang salita mauunawaan natin Ang kahulugan bakit sinumpa ni Hesus Ang puno ng ingots , bakit bikinis ni Hesus Ang templo , bakit sabi ni Hesus na magpatawag. Ang kabutihan-loob ng isang tao Ang bunga hinahhanap ni Hesus at Ito rin Ang makakagawa ng pagpapatawad at tayo aay Nathan ni Hesuss na malinis Ang puso para makita mo Ang Diyos.
Sa unang pagbasa, ipinapahayag ni Pedro na ang mga ligtas ng mga kapatid sa pananampalataya na kanyang minamahal ay dapat namumuhay na may “self control” at klaro ang isip sa pagdududa at pag-aalala. Na ang kahirapan na nararanasan nila sa gawaing pagliligtas ay dapat ikatuwa nila sapagkat nakikibahagi sila kay Jesus kung kaya’t karapat dapat din silang maluwalhati o magantimpalaan kasama ni Jesus.
“Mga pinakamamahal, malapit na ang wakas ng lahat ng bagay; kaya’t maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang pag-iisip upang kayo’y makapanalangin. Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. Huwag maging mabigat sa inyong loob ang pagtanggap sa mga kapatid. Bilang mabubuting katiwala ng iba’t ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ang katangiang tinanggap ng bawat isa. Ikaw ba’y tagapaglingkod? Gamitin mo sa paglilingkod ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang siya’y papurihan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ni Hesukristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.Mga minamahal, huwag ninyong pagtakhan at ituring na di pangkaraniwan ang mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas. Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikihati sa mga hirap ni Kristo, at magiging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag ang kanyang kadakilaan.”
Sa gospel reading ay ipinahayag na ang puno ng igos na nakita ni Jesus ay na may dahon pero walang bunga. Ito ay sumisimbolo sa mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus na nagpapakitang-tao (maraming “dahon” ng batas at ritwal) ngunit hindi malinis ang puso (“walang bunga”).Kung paanong natuyo ang sinumpang puno, ang paghatol ni Jesus sa mga eskriba at Fariseo ay katiyakan ng kanilang parusa.
Ang pahayag sa Mateo 23:25-33 ay nangangahulugang ang kanilang pagmamatigas sa kasalanan at pagtanggi sa katotohanan na dumating si Jesus bilang Cordero ng Dios na hahali sa mga hayop na pinapatay nila taon taon at iniaalay ang dugo sa loob ng templo bilang kabayaran sa kanilang mga kasalanang naipon sa isang taon. Ang pagpapalayas ni Jesus ng mga hayop na ipinagbibili sa labas ng templo bilang pag-alay ay pagpapahiwatig na si Jesus na ang kapalit ng mga hayop na iaalay nila (Mateo 5:17). Sa paniniwala sa katotohanang ito ay pagpapalipat ng gabundok nating kasalanan kay Jesus upang maging malinis ang ating puso at maligtas (Mateo 5:8).
“Kinabukasan, nang sila’y pagbalik na mula sa Betania, nagutom si Hesus. Natanaw nito sa di-kalayuan ang isang puno ng igos na madahon. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Ngunit wala siyang nakita kundi mga dahon, sapagkat hindi pa panahon ng igos noon. Kaya’t sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ito’y narinig ng kanyang mga alagad.Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok sa templo si Hesus. Kanyang ipinagtabuyan ang mga nagbibili at namimili roon at ipinagtaob ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi at ang upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Pinagbawalan niyang magdaan sa loob ng templo ang sinumang may dala-dalahan. At tinuruan niya ang mga tao. Sinabi niya, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw.”Narinig ito ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Buhat noo’y humanap sila ng paraan upang mapatay si Hesus, sapagkat natatakot sila sa kanya, dahil sa humahanga ang lahat ng tao sa kanyang turo. Pagdating ng gabi, lumabas na naman ng lungsod si Hesus at ang kanyang mga alagad.Kinaumagahan, pagdaan nila’y nakita nilang patay na ang puno ng igos. Naalaala ni Pedro ang nangyari at kanyang sinabi kay Jesus, “Guro tingnan ninyo! Namatay ang puno ng igos na sinumpa ninyo.” Sumagot si Hesus, “Manalig kayo sa Diyos. Tandaan ninyo ito: kung sabihin ninuman sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan; tumalon ka sa dagat,’ na hindi siya nag-aalinlangan kundi nananalig na mangyayari ang sinabi niya, ito’y gagawin ng Diyos para sa kanya. Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa panalangin, manalig kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo. Kapag kayo’y mananalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ipatawad din naman sa inyo ng inyong Amang nasa langit ang inyong pagkakasala. Ngunit kung hindi kayo magpatawad, hindi rin naman kayo patatawarin ng iyong Amang nasa langit.”
Kumusta naman tayo. Katulad ba tayo sa mga relihiyosong lideres na hindi parin pinanaligan na si Jesus ang kordero ng Dios na nag-alis ng lahat nating kasalanan 2k taon na ang nakakalipas nang ibuhos niya ang kanyang mahalagang dugo sa krus ng kalbaryo, dinala at iwisik sa templo sa langit kaya nakamtan niya para sa atin ang minsan at walang hanggang katubusan sa ating mga kasalanan (Hebreo 9:11-12)? Namumuhay ba tayo bilang mga ligtas na may pagtitimpi at klarong pag-iisip ? Nagagalak ba tayo sa kahirapang nararanasan natin sa gawaing pagliligtas upang karapat dapat tayo sa gantimpalang kaluwalhatian sa pagdating ni Jesus?
Sa pagsumpa ni Hesus sa puno ng igos na walang bunga ako’y inaanyayahang suriin ang aking sarili. Ako ba’y namumunga sa pananampalataya, o puro anyo lamang na tila may buhay ngunit walang laman? Inaasahan ng Diyos na magbunga ang aking buhay ng pag-ibig, kabutihan at paglilingkod.
Mga kapanalig, hindi sapat ang panlabas na anyo; dapat na tunay na nakaugat sa kanyang puso. Sa paglilinis ng templo, pinaaalalahanan tayong igalang ang banal na tahanan ng Diyos. Ang templo ay lugar ng pananalangin, hindi ng pansariling kapakinabangan. Ngunit higit pa rito, tayo mismo ang templo ng Diyos na dapat maging malinis at banal. Hindi natin makakayanang gawin ito. Kaya naman sinasabi ni Hesus sa atin: “Manalig kayo sa Diyos. Anuman ang hingin ninyo sa panalangin, manalig kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo.”
Panginoong Hesus, salamat po sa Iyong Salita na nagbibigay liwanag sa aking buhay. Turuan Mo po akong mamunga ng kabutihan, kabanalan at tunay na pananampalataya. Amen.