Podcast: Download (Duration: 6:37 — 8.5MB)
Kapistahan ng Panginoong Hesukristo,
Walang Hanggang at Dakilang Pari (A)
Genesis 22, 9-18
o kaya Hebreo 10, 4-10
Salmo 39, 7-8a. 10-11ab. 17
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Mateo 26, 36-42
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Feast of Our Lord Jesus Christ, The Eternal High Priest (White)
UNANG PAGBASA
Genesis 22, 9-18
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon: Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac, matapos gapusin. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: “Abraham! Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.”
Paglingon niya’y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog kapalit ng kanyang anak. Ang lugar na iyo’y tinawag ni Abraham na, “Ang Panginoon ang Nagkaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao: “Sa bundok ng Panginoon ay may nakalaan.”
Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon. Wika nito, “Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo’y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Lulupigin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat ikaw ay tumalima sa akin.”
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Hebreo 10, 4-10
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, sapagkat ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi makapapawi ng mga kasalanan.
Dahil diyan, nang si Kristo’y manaog sa sanlibutan, sinabi niya sa Diyos,
“Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, kaya’t inihanda mo ang aking katawan upang maging hain.
Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan.
Kaya’t aking sinabi, ‘Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban’ —
Ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.”
Sinabi muna niya, “Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin at mga handog dahil sa kasalanan” – bagamat ito’y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya sinabi, “Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang handog na pinalitan ng handog ni Kristo. At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Hesukristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili at iyo’y sapat na.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10-11ab. 17
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang mga panghandog, pati mga hain,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y ipinagsasabi,
di ko inilihim sa aking sarili;
pati pagtulong mo’t pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo’y isinisiwalat.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Silang lumalapit sa iyo’y dulutan
ng ligaya’t galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Ang Poon ay Dakila!”
ng nangaghahangad maligtas na kusa.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
ALELUYA
Filipos 2, 8-9
Aleluya! Aleluya!
Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 26, 36-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, isinama sila ni Hesus sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Dito muna kayo; mananalangin ako sa dako roon.” Ngunit isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. At nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko’y tigib ng hapis na halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at makipagpuyat sa akin!” Pagkalayo nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin: “Ama ko, kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis ng paghihirap na ito. Gayunman, huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang mangyari.”
Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda ngunit mahina ang laman.”
Muli siyang lumayo at nanalangin: “Ama ko, kung hindi maiaalis ang kalis na ito nang hindi ko iinumin, mangyari ang iyong kalooban.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Mayo 27, 2026
Biyernes, Mayo 29, 2026 »




{ 9 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ngayong Huwebes pagkaraan ng Linggo ng Pentekostes ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng ating Panginoong Hesukristo bilang Dakila at Walang Hanggang Pari. Ang Kapistahang ito ay nagbabatay kay Hesus ayon sa ika-110 Salmo (bersikulo 10), na ang pahayag: “Katulad ni Melquisedec, gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.” Ito ang nagpapatunay ng pangako ng Diyos na magiging magpakailanman ang paghahari ng kanyang Anak, gayun din ang kanyang walang hanggang paghahain para sa katubusan ng sangkatauhan.
Ipinapahayag ng ating mga Pagbasa ang kahalagahan at kabanalan ng paghahandog bilang kalugud-lugod sa Diyos. Si Abraham sa unang opsyon ng Unang Pagbasa (Gn. 22:9-18), ay sinubukan ng Diyos nang utusan siyang ialay ang kanyang minamahal na anak na si Isaac sa Bundok ng Moria. Ngunit dumating sa punto na pinigilan siya ng anghel ng Panginoon, at sinabi kung gaanong kinalulugdan ng Diyos ang kanyang katapatan na sundin ang kanyang kalooban, at gayundin ang pagpigil niya na kitlin ang buhay ng kanyang anak. Higit pa dito sa pananampalataya ni Abraham ay ang pananampalataya ng ating Panginoong Hesukristo, na sinasabi ng ikalawang opsyon ng Unang Pagbasa (Heb. 10:4-10), na hindi niyang ninanais na mag-alay ng anumang pisikal na handog na mula sa dumanak na mga dugo, kundi ang mas mahalaga ay ang pagsunod sa dakilang kalooban ng Diyos Ama. Kaya ang Sulat sa mga Hebreo ay madalas nagpapahayag kay Kristo bilang Dakilang Saserdoteng pumasok sa Kabanal-banalang at naghain ng bago at ganap na handog sa pamamagitan ng kanyang pagbibigay-sarili sa Krus, upang matupad ang plano ng Ama na matubos ang sangkatauhang nalulugmok sa kasalanan.
Kaya ang Ebanghelyo ay nagsasalaysay ng Pagdusa ni Hesus sa Hardin ng Getsemani, matapos siyang maghapunan kasama ang kanyang alagad sa Senakulo. Batid na niya ang paghihirap na kanyang pagdadaanan, at alam na niya kung gaano kabigat ang karanasan na kailangan niyang magdusa at mamatay. Kaya’t nanalangin siya sa Ama na kung maari sanang maalis ang kalis ng pagdurusa, subalit masundan pa rin ang dakilang kalooban ng Diyos. Sa salaysay ni San Lucas, sinasabi si Hesus ay napawis ng dugo habang nananalangin at siya’y inaliwan ng isang anghel ng Diyos. Ibig sabihin ng pangyayari ito na bago ang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus, naramdaman na ni Hesus ang takot at bigat ng kanyang mapanganib na misyon. Subalit sa kabila nito ay patuloy siyang naging tapat sa plano ng kaligtasan, na kanyang gagampanan sa Krus at Muling Pagkabuhay. Ang Misteryong Paskwal ang siyang ganap na handog ni Kristo para sa ating kaligtasan, at ang pangyayaring ito ay ginugunita natin sa bawat pagdiriwang ng Banal na Sakripisyo ng Misa.
Si Hesus ay ang tunay na Dakila at Walang Hanggang Pari na patuloy na ibinibigay ang kanyang sarili sa Eukaristiya para ating pakinabangan, nang tayo ay mabusog ng kanyang Salita at ng kanyang Katawan. Ito ay hindi simbolo ng kanyang Pasyon, Kamatayan, at Muling Pagkabuhay, kundi isang tunay na pagpapahayag ng kanyang gawain sa tinapay (Katawan) at alak (Dugo), na inutos niya sa Huling Hapunan na gawin ito bilang pag-aalala sa kanya. At ang kanyang ganap na paghahain ay ang pagpapakita kung gaano tayong mahal ng Diyos Ama kahit namuhay tayo sa kasalanan. Kaya’t ang paanyaya sa atin ay patuloy na magsumikap tungo sa buhay kabanalan sa pamamagitan ng pananalangin, pagsasakripisyo, pakikisalo sa liturhiya ng buhay, at ang pagkakawang-gawa at pagdadamay sa ordinaryong pagtatagpo ng bawat tao.
Just telling I was caught by surprise that the Liturgy of the Word for this Thursday after Pentecost is in celebration of the Feast of Our Lord Jesus Christ, the Eternal High Priest. Will the readings also change for the Cycles A,B,C, or for Years I, II? Is there any circular issued for this? Please enlighten me. Thank you very much.
Sis. Isabela, OFS
Blessed day! According to the ORDO, this is a feast made mandatory to be celebrated in the dioceses of the Philippines since 2021. There are different sets of readings for Cycles A, B, and C. Thank you and God bless!
Sa Getsemani, nakita natin si Jesus bilang Dakilang Pari, hindi lang Siya ang nag-aalay, kundi Siya rin ang alay. Hindi hayop, hindi bagay, kundi sarili Niya ang inihandog para sa atin. At ang altar? Ang Kanyang puso na puno ng takot, lungkot, at pagtitiwala sa Ama. Sinabi ni Jesus, “Ako’y halos mamatay sa tindi ng kalungkutan.” Hindi kawalan ng hirap ang pagiging banal. Nanghina, natakot, at nagdusa rin kahit na si Jesus. Ngunit sa halip na takasan ang sitwasyong iyon, lumuhod Siya at nanalangin.
Bilang Dakilang Pari, itinuro Niya kung paano mag-alay: “Ama, kung maaari… ilayo ninyo sa akin ang kopang ito. Ngunit hindi ang kalooban ko, kundi ang sa inyo.”
Nasa puso ni Jesus ng tunay na pag-aalay: pagsuko ng sariling kagustuhan para sa mas dakilang layunin ng Ama. Opo, may kanya-kanya rin tayong “kopang” iniinom sa buhay natin: mga pagsubok, sakit, responsibilidad, mabigat na relasyon. Madalas nais nating takasan ito. Pero ipinapakita ni Jesus na hindi pagtakas, kundi pagtitiwala sa Kanya, sa gitna ng hirap, ang daan ng tunay na buhay.
Masakit ding makita na nakatulog ang mga alagad. Sa oras na kailangan ni Jesus ng kasama, wala sila, tulog. Ngunit kahit nag-iisa, hindi tumigil si Jesus sa pagtupad ng Kanyang misyon. Batid Niya: hindi nanggagaling sa tao ang kanyang lakas, kundi sa Ama. Bilang Kanyang mga tagasunod, inaanyayahan tayong maging “pari” sa sariling paraan – ialay ang ating buhay araw-araw: ang pagod, sakripisyo, pagmamahal, at kahit ang sakit sa buhay.
Kapanalig, kung sakaling dumating ang “kopang” hindi mo gusto, tatakbo ka ba palayo, o luluhod ka sa panalangin? Kaya mo bang sabihin: “Ama, mangyari nawa ang inyong kalooban”? Hindi sa ginhawa, kundi sa pagsuko nagiging makabuluhan ang tunay na pananampalataya.
Ama Naming Dios Kalooban Mo Po Ang Mangyayari Sa Akin Sa Ngalan Ni Hesukristo…Amen!
PAGNINILAY:
Mateo 26, 36-42
Maligayang Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggan at Dakilang Pari!
Ang tagpo sa Ebanghelyong ito ay sa Hardin ng Getsemani. Nasilayan natin ang isang napakalalim na hiwaga: ang Panginoong Hesus na tunay na Diyos ay tunay ding tao. Hindi Niya itinago ang Kanyang dalamhati, takot, at bigat ng pagdurusa. Ang Kanyang pawis ay tila pawis ng isang taong dinudurog ng sakit at pangamba. Ngunit sa gitna ng matinding pakikibaka, nanaig hindi ang takot kundi ang pagtitiwala sa Ama.
Ito ang puso ng pagiging Dakilang Pari ni Kristo. Ang pari noong Lumang Tipan ay naghahandog ng hayop bilang alay para sa kasalanan ng bayan, ngunit sa Mabuting Balita si Hesus mismo ang naging handog. Hindi Siya nag-alay ng ibang bagay — ibinigay Niya ang Kanyang sarili. Sa Getsemani pa lamang ay nagsisimula na ang Kanyang pag-aalay. Ang altar ay ang Kanyang puso, at ang handog ay ang Kanyang ganap na pagsunod sa Ama.
Sa Kanyang panalangin napakalalim ng sinabi ni Hesus:
“Huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang mangyari.”
Ito ang panalangin ng isang pusong lubos na umiibig sa Diyos. Ang tunay na kabanalan ay hindi nasusukat sa dami ng dasal lamang kundi sa kakayahang magsabi ng “Oo” sa Diyos kahit masakit, mahirap, at hindi natin nauunawaan.
Mapapansin din natin ang kahinaan ng mga alagad. Habang si Hesus ay naghihirap sa panalangin, sila nama’y natutulog. Nilalarawan nito tayong mga tao: madalas handang sumunod sa salita ngunit bumabagsak sa kahinaan ng laman. Kaya sinabi ni Hesus:
“Ang espiritu’y nakahanda ngunit mahina ang laman.”
Bilang “Walang Hanggan at Dakilang Pari,” si Kristo ang tulay ng tao patungo sa Ama. Hindi Siya paring malayo sa karanasan ng tao. Naranasan Niya ang lungkot, takot, pag-iisa, at tukso, kaya lubos Niya tayong nauunawaan. Sa Getsemani, ipinakita Niya na ang panalangin ay hindi pagtakas sa paghihirap kundi paghahanda upang tanggapin at lampasan ito ayon sa kalooban ng Diyos.
Ang Getsemani rin ay kabaligtaran ng Hardin ng Eden. Sa Eden, ang paglabag ni Adan sa Diyos ay pumasok ang kasalanan. Sa Getsemani, sinabi ni Hesus ang ganap na “Oo” sa Ama at nagsimula ang pagtubos ng sangkatauhan.
Pagsasabuhay:
Kapag may mga “Getsemani moments” tayo — problema sa pamilya, karamdaman, kabiguan, pagtataksil, o matinding pagsubok — huwag tayong tumakas agad sa Diyos. Sa halip, lumapit tayo sa panalangin. Hindi kasalanan ang matakot o manghina; ang mahalaga ay matutunan nating ipagkatiwala sa Diyos ang lahat.
Minsan hindi inaalis ng Diyos ang “kalis” ng paghihirap, ngunit nagbibigay Siya ng lakas upang ito’y ating mapagtagumpayan.
Word of the Day: “Kalooban”
Ang tunay na pananampalataya ay natututong magsuko ng sariling kalooban upang ang kalooban ng Diyos ang manaig. Doon matatagpuan ang tunay na kapayapaan at tagumpay.
Panalangin:
Panginoong Hesus, Dakila at Walang Hanggang Pari, turuan Mo akong manalangin sa gitna ng aking mga Getsemani. Kapag ako’y natatakot, nanghihina, o nasasaktan, tulungan Mo akong magsabi: “Mangyari ang Iyong kalooban.” Patatagin Mo ang aking pananampalataya at gawin Mo akong tapat hanggang wakas. Amen.
Sa unang pagbasa, ipinakilala dito na ang Dios ay Jehovah Jireh (Provider). Ang pag-alay ni Abraham sa kanyang anak na si Isaac na pinalitan ng Dios ng isang tupang lalaki ay anino ni Jesus bilang Cordero ng Dios na nag-alis ng kasalanan ng sanlibutan. Si Abraham ay anino ng Dios Ama na nag-alay ng kanyang bugtong na anak. Ipinapahayag na Dios ang nagdesisyon na magbigay at gumawa ng paraan na alay (Johovah Jireh) para hahali at iligtas ang tao tulad ni Isaac. Dito, ipinapakita na hindi ang tao ang gagawa paraan gaya ng personal na desisyon upang maligtas at maging anak ng Dios kundi ang Dios mismo (Juan 1:12-13, Roma 10:17).
Nabatid, naipahayag, natanggap o nanalig lamang ang tao sa pamamagitan ng pakikinig ng Mabuting Balita kaya nakapanalig sa alay na Cordero ng Dios na si Jesus bilang nag-alis ng kasalanan ng sanlibutan dalawang libong taon nang nakakaraan.
Sapagkat itinakwil ng lahi ni Abraham (Israel) si Jesus kaya pinagpala ng kaligtasan ang mga bansa (Gentil) ayon sa propesiya kay Abraham.
“Noong mga araw na iyon: Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac, matapos gapusin. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: “Abraham! Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.”Paglingon niya’y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog kapalit ng kanyang anak. Ang lugar na iyo’y tinawag ni Abraham na, “Ang Panginoon ang Nagkaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao: “Sa bundok ng Panginoon ay may nakalaan.”Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon. Wika nito, “Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo’y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Lulupigin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat ikaw ay tumalima sa akin.”
Sa gospel reading, ipinapahayag ni Jesus na hindi niya kalooban na ang kalis o saro ng kahirapan at kamatayan ay mapasakanya kundi kalooban ng Ama para sa kaligtasan ng sanlibutan.
Tinupad niya ang desisyon ng Ama kaya nabiyayaan lahat ng mga bansa (Gentil) ng pagpapalang kaligtasan.
“Ama ko, kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis ng paghihirap na ito. Gayunman, huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang mangyari.”Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda ngunit mahina ang laman.”Muli siyang lumayo at nanalangin: “Ama ko, kung hindi maiaalis ang kalis na ito nang hindi ko iinumin, mangyari ang iyong kalooban.”
Kumusta naman tayo. Naligtas ba tayo ayon sa personal na desisyon natin na tanggapin si Jesus bilang personal na tagapagligtas sa pamamagitan ng isang panalangin ng pagsisi at pagtanggap kay Jesus? Kalooban ba natin na ialay si Jesus bilang Cordero ng Dios sa pag-alis ng kasalanan ng sanlibutan para sa kaligtasan ng sanlibutan?
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!
When we love we do not judge.
There is no place in love for judgement.
Kung wala ang pari walang gagabay at maglalapit sa atin sa kay Kristo at sa Diyos.
Amen
-Father Jowel Gatus
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good.
Blessed2026
Thank You, Lord for a new day. Praying for a healing heart, peace, and strength. Amen #PeaceInMiddleEast #GvThrursday