Martes, Mayo 19, 2026

May 19, 2026

Martes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 20, 17-27
Salmo 67, 10-11. 20-21

Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.

Juan 17, 1-11a


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Seventh Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 20, 17-27

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, mula sa Mileto, si Pablo’y nagpasugo sa Efeso at ipinatawag ang matatanda sa simbahan roon. Pagdating nila ay kanyang sinabi:

“Nalalaman ninyo kung paano ko ginugol ang buong panahong ipinamalagi ko sa inyo, mula nang unang araw na ako’y tumuntong sa Asia. Buong pagpapakumbaba akong naglingkod sa Panginoon at lumuluhang nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. Hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anumang ikabubuti ninyo sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa hayagan at sa bahay-bahay. Ipinangaral ko maging sa mga Judio at sa mga Griego na dapat nilang talikdan ang kanilang kasalanan at manumbalik sa Diyos, at manalig sa ating Panginoong Hesukristo. Ngayon sa utos ng Espiritu, ako’y pupunta sa Jerusalem, at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. Ito lamang ang aking alam: sa bawat bayang dinalaw ko, ipinahayag sa akin ng Espiritu Santo na ang naghihintay sa akin doo’y pagkabilanggo at kapighatian. Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Hesus — ang pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos.”

“Nakisalamuha ako sa inyo samantalang nangangaral ako tungkol sa paghahari ng Diyos. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. Kaya’t sa araw na ito’y sinasabi ko: hindi ako ang mananagot kung mapahamak ang sinuman sa inyo. Sapagkat ipinahayag ko ang lahat ng nilalayon ng Diyos para sa inyo; wala akong inilingid na anuman.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 67, 10-11. 20-21

Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.

o kaya: Aleluya.

Dahil sa ’yo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na’y nanariwa at umunlad.
At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa biyaya ay pinuspos.

Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.

Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas
at may dala araw-araw, ng pasanin nating hawak.
Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
ang Diyos ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
Sa bingit ng kamataya’y hinahango tayo agad.

Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.

ALELUYA
Juan 14, 16

Aleluya! Aleluya!
Hihilingin ko sa Ama
Espiritu’y isugo n’ya
upang sumainyo t’wina.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 17, 1-11a

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, tumingala si Hesus sa langit at ang wika, “Ama, dumating na ang oras: parangalan mo ang iyong Anak upang maparangalan ka naman niya. Sapagkat pinagkalooban mo siya ng kapangyarihan sa sangkatauhan, upang magbigay ng buhay na walang hanggang sa lahat ng ibinigay mo sa kanya. Ito ang buhay na walang hanggan: ang kilalanin ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at si Hesukristo na iyong sinugo. Inihayag ko rito sa lupa ang iyong karangalan; natapos ko na ang ipinagagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan.”

“Ipinakilala kita sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila’y iyo; ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayo’y alam na nilang mula sa iyo ang lahat ng ibinigay mo sa akin; sapagkat itinuro ko sa kanila ang lahat ng aking nabatid sa iyo at tinanggap naman nila. Natitiyak nilang ako’y galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin.”

“Idinadalangin ko sila, hindi ang sanlibutan kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila’y iyo. Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang lahat ng iyo ay akin; at pararangalan ako sa pamamagitan nila. At ngayon, ako’y pupunta na sa iyo; aalis na ako sa sanlibutan, ngunit nasa sanlibutan pa sila.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 11 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 15, 2021 at 2:21 pm

PAGNINILAY: Malapit na tayo sa wakas ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Matapos ang Dakilang Kapistahan ng kanyang Pag-akyat, ipagdiwang naman natin nitong darating na Linggo ang Dakilang Kapistahan ng Linggo ng Pentekostes.

Makikita natin sa Ebanghelyo ang wakas ng mga diskurso ni Hesus sa Huling Hapunan nang ipanalangin niya ang kanyang mga alagad. Alam ni Hesus ang mangyayari sa kanya bago pa man siya’y bumalik patungo sa Ama. Kaya ang panalangin niya ay ingatan nawa ng Diyos ang kanyang mga hinirang na hindi sila’y maligaw sa ibang landas. Hindi ipinalangin ni Hesus ang “mundo” na ang kahulugan nito ay ang mga makamundong bagay na nakakaabala sa ating pagtuon sa mga bagay na makalangit. Kaya sa pagsapit ng kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus, nais na mapangaralan ang kanyang Pangalan sa hantungan ng kanyang Muling Pagkabuhay.

Kaya makikita natin sa panalangin ni Kristo ang katatagan ng mga alagad na ituloy ang misyon na sinimulan niya kahit siya’y nasa langit niya. Ito ang ipinakita ni San Pablo sa Unang Pagbasa nang sabihin niya sa mga taga-Efeso na pumuspos sa kanila ang Espiritu Santo. Handa na si San Pablo na harapin ang kanyang mga kaaway sa Jerusalem na may maitim na balak laban sa kanya, sapagkat siya’y patuloy na tatayo bilang isang mabuting saksi para kay Kristo. Nawa tayo rin ay maging mga mabuting saksi ng Panginoon sa oras ng kagipitan at pagsubok sa buhay.

Reply

Raffy Patrocinio May 17, 2021 at 10:18 pm

Sino dito sa atin ang nagwiwish? Yung humihiling sa mga bagay-bagay? Alam ko marami na sa atin ang nakapag wish na. Naalala ko yung isa kong kaibigan na kapag nakakakita ng balon ay kumukuha ito ng barya at pagkatapos ay ihuhulog ito kasabay ng kanyang mga wish. At pamilyar din kayo sa shooting stars, ang sabi ng ilan ay kapag nakakita o di kaya naman ay nasaksihan mo ito ay magwish ka lang at matutupad ito.
Well, marami sa atin ay may kanya-kanyang paraan kung paano nagwiwish.
Naisip ko ito, because on Gospel today, Jesus is wishing to our Father. Humihiling ang ating Panginoon sa Ama. He wished for His beloved here on Earth. Kung titignan nating mabuti, halos parehas ang scenario na ito noon sa halamanan ng Getsemani. At the time before He was betrayed by Judas Iscareot, nanalangin muna ang Panginoon. He already wish. At ngayon, John was telling how Jesus gave farewell before he ascend onto heaven. Bago sya iakyat at maluklok sa kanan ng Ama, bago nya marating ang ganap na kaluwalhatian, he prayed. Nagdasal ang Panginoon. Humiling ang ating Mesiyas.
So, these two situations shown us that praying is the best suit in order to have a successful journey. Ang panalangin ang pinakamakabuluhang baon natin patungong tagumpay.
Sa hirap at ginhawa, sa dusa at saya, ang tanging ginawa ng ating Panginoon ay ang pananalangin. Bago sya ipagkanulo, hanggang sa krus, panalangin ang baon ni Hesus. At hanggang dito sa pag-akyat, panalangin pa rin ang dala nya.
Magandang pagnilayan, hanggang saan tayo handang manalangin? Are we still praying even in joyful moments of our life? Hence, are we still praying when hard times come? You know my dear friends, prayer is the most powerful weapon in any battle.

Kung mayroon kang bigat sa iyong puso, pray. Kung nababagabag ka, pray. If worst things come, just pray. Pray without ceasing. Wish without doubting. Ang sabi nga sa isang kanta, “Kung ikaw ay masaya pumalakpak.”

Ganto rin ang iniiwan sa atin ng Ebanghelyo.

-Kung ikaw ay masaya, magdasal ka.
-Kung ikaw ay malungkot, magdasal ka.
At siguradong buhay mo ay sisigla.

Reply

Sherwin D. Yanoria May 18, 2021 at 7:07 am

Ano ba ang gusto mong gantimpala matapos ang isang matagumpay na gawain? Ang lahat ng paghihirap ay mayroong hangganan. Ang ating Panginoong Hesus ay naghirap ng lubos at ngayo’y tatanggap na ng kaluwalhatian mula sa Ama. Ang ating Diyos ay hindi bulag, pipi o bingi. Alam niya ang ating paghihirap. Gagantimpalaan niya ang bawat isa sa kanyang kabutihang ginawa. Kaya nga tayo ay magsumikap sumunod sa kalooban ng Diyos. Hindi masusukat ang biyayang ipagkakaloob niya sa atin. Kaya nga ano pa ang inaantay, magbalik loob na.

Reply

[email protected] May 19, 2026 at 8:43 am

To God Be All The Glory In Jesus Name…Amen!

Reply

Ferdy Baetiong Parino May 18, 2021 at 9:22 am

Nuonh umpisa pa lamang ay alam na ni Hesus ang mangyayari sa Kanya. Malugod nya itong tinupad at tinanggap dahil ito ang kagustuhan ng Ama. Ang lahat ng mangyayari ay alam ng Diyos, maging ang pandemyang ito. Hindi nakakatuwa ang nangyari sa mundo ngayon.. Pero marami ang nagising. Nagkapantay pantay ang mahirap at mayaman. Parehas oarehas ng dalangin na sana’y wag dapuan ng sakit na nakamamatay na ito.. Lahat ay hindi nakakaalis maging ang mga mayayaman hindi magamit ang mamahaling sasakyan, bags, sapatos, nawalan ng halaga ang pera at iba pang makamundong bagay. Mga negosyanteng namamayagpag ay bumagsak ang negosyo at marami pang iba. Kapatid, pagnilayan natin ito, marahil tinatapik tayo ng Diyos, na para bang sinasabing…. Wag mong pagtuunan ang sanlibutan o makamundong materyal, yan lahat ay panandalian lamang, ang pagyamanin mo ay ang iyong kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos.. Paano? Ihingi mo ng kapatawaran lahat ng iyong mga sala, sikaping hindi na muli makagawa ng masama.. ipamahagi ang iyong biyaya sa nangangailangan, at magkaroon ng mainit na relasyon kay Hesus.. Duto mo madarama ang tunay na kaligayahan at peace if mind na hindi mabibili ng pera mo.

Reply

Mel Mendoza May 19, 2026 at 2:30 am

PAGNINILAY:
Juan 17, 1-11a

Ang Ebanghelyo ngayon ay tinatawag na “Priestly Prayer” o “Panalangin ng Dakilang Pari”. Sapagkat tulad ng isang pari, si Hesus ay namamagitan at nananalangin para sa Kanyang bayan bago ialay ang Kanyang sarili sa Krus.
Bago Siya magpakasakit, hindi sarili Niya ang iniisip kundi ang kaligtasan at katatagan ng Kanyang mga alagad. Ito ay panalangin ng Anak na ganap na kaisa ng Ama.

Sa panalanging ito ni Hesus, makikita natin ang pinakamalalim na kahulugan ng buhay na walang hanggan. Kadalasan iniisip ng tao na ang “eternal life” ay isang gantimpalang matatanggap lamang pagkatapos ng kamatayan. Ngunit malinaw ang sinabi ni Hesus:
“Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at si Hesukristo na iyong sinugo.”
Samakatwid ang buhay na walang hanggan ay pakikipag-ugnayan sa Diyos. Kapag ang tao ay tunay na nakakilala sa Diyos, nagsisimula na siyang mamuhay sa liwanag ng langit kahit nasa lupa pa lamang.

Napakalalim din ng sinabi ni Hesus:
“Natapos ko na ang ipinagagawa mo sa akin.”
Ito ang larawan ng ganap na pagsunod. Hindi hinanap ni Hesus ang sariling kalooban kundi ang kalooban ng Ama. Sa mundo ngayon na maraming tao ang naghahanap ng sariling karangalan, ipinapakita ni Kristo na ang tunay na kaluwalhatian ay matatagpuan sa mapagkumbabang pagtupad sa misyong ibinigay ng Diyos.

Ang Juan 17 ay tinatawag ng maraming biblical scholars bilang “High Priestly Prayer” ni Kristo. Sa Lumang Tipan, ang punong pari ay namamagitan sa Diyos at sa bayan. Ngunit dito, si Hesus mismo ang naging ganap na Tagapamagitan.

Makikita rito ang ilang mahahalagang katotohanan:
Una. Ang pagka-Diyos ni Kristo.
Nang sabihin ni Hesus:
“ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan,”
ipinapakita nitong si Kristo ay umiiral na bago pa ang paglikha. Siya ay hindi lamang tao kundi ang Walang hanggang Anak ng Diyos. Ito ay patunay ng Kanyang divine pre-existence.

Pangalawa. Ang buhay na walang hanggan ay relasyon, hindi lamang gantimpala.
Sa pananaw ng teolohiya, ang kaligtasan ay communion with God — pakikiisa sa buhay ng Diyos. Kaya ang pananampalataya ay hindi lamang pagsunod sa utos kundi pakikipagkaibigan kay Kristo.

Sa panghuli, tayo bilang Simbahan ay kaloob ng Ama kay Kristo.
Paulit-ulit na sinabi ni Hesus:
“ang mga ibinigay mo sa akin.”
Ipinapakita nito na ang mga mananampalataya ay hindi aksidente lamang sa plano ng Diyos. Tayo ay tinawag, inibig, at ipinagkatiwala kay Kristo.

Pagsasabuhay:
Kilalanin si Hesus hindi lamang sa isip kundi sa puso at pamumuhay.
Sikaping tapusin nang may katapatan ang misyong ipinagkaloob ng Diyos sa atin — bilang magulang, lingkod ng Simbahan, o simpleng Kristiyano.
Magdasal para sa iba tulad ng ginawa ni Hesus. Ang tunay na nagmamahal ay marunong mamagitan sa panalangin.

Word of the Day:
“Buhay na Walang Hanggan”
Hindi ito simpleng “walang katapusang buhay,” kundi buhay na nakakaisa ang Diyos. Ang taong tunay na nakakilala, nagmamahal, at sumusunod kay Kristo ay nagsisimula nang maranasan ang buhay na walang hanggan kahit nasa lupa pa lamang.

Panalangin:
Panginoong Hesus,
salamat sapagkat hindi Mo kami kinalilimutan at patuloy Mo kaming ipinapanalangin sa Ama. Turuan Mo kaming makilala Ka nang mas malalim upang maranasan namin ang tunay na buhay na walang hanggan. Bigyan Mo kami ng lakas upang matupad namin ang misyong ipinagkaloob Mo sa amin nang may katapatan at pag-ibig.
Amen.

To God be the highest glory now and forever. Amen!

Reply

Jovy Uy May 19, 2026 at 9:02 am

Sa unang pagbasa, ipinahayag ni apostol Pablo kung paano niya isinagawa ang kanyang tungkulin na ibinigay ni Jesus at ito ang pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos, kaharian ng Dios, at buong plano at layunin ng Dios na di inalintana ang buhay. Ipinangaral niya na dapat nilang talikdan ang kanilang kasalanan at manumbalik sa Diyos, at manalig sa Panginoong Jesukristo. Tinapos niya ang kanyang takbuhin na magligtas ng mga gentil kaya naging karapat-dapat siyang gantimpalaan at luwalhatiin kasama ni Cristo.

“Nalalaman ninyo kung paano ko ginugol ang buong panahong ipinamalagi ko sa inyo, mula nang unang araw na ako’y tumuntong sa Asia. Buong pagpapakumbaba akong naglingkod sa Panginoon at lumuluhang nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. Hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anumang ikabubuti ninyo sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa hayagan at sa bahay-bahay. Ipinangaral ko maging sa mga Judio at sa mga Griego na dapat nilang talikdan ang kanilang kasalanan at manumbalik sa Diyos, at manalig sa ating Panginoong Hesukristo. Ngayon sa utos ng Espiritu, ako’y pupunta sa Jerusalem, at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. Ito lamang ang aking alam: sa bawat bayang dinalaw ko, ipinahayag sa akin ng Espiritu Santo na ang naghihintay sa akin doo’y pagkabilanggo at kapighatian. Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Hesus — ang pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos.”
“Nakisalamuha ako sa inyo samantalang nangangaral ako tungkol sa paghahari ng Diyos. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. Kaya’t sa araw na ito’y sinasabi ko: hindi ako ang mananagot kung mapahamak ang sinuman sa inyo. Sapagkat ipinahayag ko ang lahat ng nilalayon ng Diyos para sa inyo; wala akong inilingid na anuman.”

Sa Salmo, iprinopropesiya ni haring David ang biyaya ng Dios (tulad ng libreng ulan) na kaligtasan ng tao kay Cristo Jesus mula sa kasalanan na magdadala sa kanya sa bingit ng kamatayan sa impierno . Pinatotohanan niya na ang Dios ang may gawa ng pagliligtas at hindi ang tao.

“Dahil sa ’yo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na’y nanariwa at umunlad.
At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa biyaya ay pinuspos.Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas
at may dala araw-araw, ng pasanin nating hawak.
Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
ang Diyos ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
Sa bingit ng kamataya’y hinahango tayo agad.”

Sa gospel reading, ipinapahayag ni Jesus ang kanyang huling kahilingan sa kanyang Ama na ang mga alagad niya ay magaya nila ang ginawa niyang pagsunod sa utos ng Ama na ialay ang buhay niya para sa kaligtasan ng sangkatauhan at maluwalhati din sila.

“Noong panahong iyon, tumingala si Jesus sa langit at ang wika, “Ama, dumating na ang oras: parangalan mo ang iyong Anak upang maparangalan ka naman niya. Sapagkat pinagkalooban mo siya ng kapangyarihan sa sangkatauhan, upang magbigay ng buhay na walang hanggang sa lahat ng ibinigay mo sa kanya. Ito ang buhay na walang hanggan: ang kilalanin ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at si Jesukristo na iyong sinugo. Inihayag ko rito sa lupa ang iyong karangalan; natapos ko na ang ipinagagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan.”“Ipinakilala kita sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila’y iyo; ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayo’y alam na nilang mula sa iyo ang lahat ng ibinigay mo sa akin; sapagkat itinuro ko sa kanila ang lahat ng aking nabatid sa iyo at tinanggap naman nila. Natitiyak nilang ako’y galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin.”“Idinadalangin ko sila, hindi ang sanlibutan kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila’y iyo. Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang lahat ng iyo ay akin; at pararangalan ako sa pamamagitan nila. At ngayon, ako’y pupunta na sa iyo; aalis na ako sa sanlibutan, ngunit nasa sanlibutan pa sila.”

Kumusta naman tayo. Nagampanan na ba natin ang atas na ipalaganap ang biyaya ng Dios na kaligtasan kay Cristo Jesus gaya ng ginawa ni apostol Pablo upang maluwalhati din tayo gaya ni Jesus ?

 Ang 7 Kaluwalhatian ni Jesus :

1. Nakatagong Kaluwalhatian (Mapagpakumbabang Pagsilang):

 Ang banal na Salita na nagkatawang-tao, ipinanganak sa isang sabsaban [Juan 1:14, Lucas 2:14]. Ito ang “pagpapakumbaba ni Cristo,” kung saan ang Diyos sa Kanyang kamahalan ay bumaba upang makiisa sa sangkatauhan.

2. Pinatunayang Kaluwalhatian (Binyag): 

Ipinahayag ng Ama si Hesus bilang Kanyang minamahal na Anak sa Ilog Jordan, na nagpapakita sa Trinidad [Ma

Reply

Jovy Uy May 19, 2026 at 9:12 am

continuation…

Ang 7 Kaluwalhatian ni Jesus :

1. Nakatagong Kaluwalhatian (Mapagpakumbabang Pagsilang):

 Ang banal na Salita na nagkatawang-tao, ipinanganak sa isang sabsaban [Juan 1:14, Lucas 2:14]. Ito ang “pagpapakumbaba ni Cristo,” kung saan ang Diyos sa Kanyang kamahalan ay bumaba upang makiisa sa sangkatauhan.

2. Pinatunayang Kaluwalhatian (Binyag): 

Ipinahayag ng Ama si Hesus bilang Kanyang minamahal na Anak sa Ilog Jordan, na nagpapakita sa Trinidad [Mat. 3:17], na agad na nagpasimula ng Kanyang pagsubok.

3. Ipinahayag na Kaluwalhatian (Publikong Ministeryo): 

Sa loob ng tatlong taon, kabilang ang dalawang pagdiriwang ng Paskuwa at ang Kanyang huli, ipinahayag ni Hesus ang Kanyang awtoridad at pagka-Diyos, na lubos na ipinakita noong Transpigurasyon [Mateo 17].

4. Kaluwalhatian sa Pagkapako (Kalbaryo): 

Ang pinakamataas na kabalintunaan kung saan ang kahihiyan ni Cristo sa krus ay kasabay na Kanyang pinakamataas na pagluwalhati at ang pagtatapos ng pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan [Juan 12:23].

5. Kaluwalhatiang Nagbibigay-Buhay (Pagkabuhay na Mag-uli): Ang tagumpay ni Hesus laban sa kamatayan, na nagpasimula ng bagong buhay para sa sangkatauhan.

6. Kaluwalhatian sa Trono (Pag-akyat sa Langit/Pagtaas): Si Hesus ay nakaupo sa kanan ng Diyos, iniluklok bilang Hari.

7. Lubos na Ipinahayag na Kaluwalhatian (Ikalawang Pagparito): Ang sukdulan at hinaharap na paghahayag kay Hesus bilang Hari ng mga Hari, kung kailan ang Kanyang kaluwalhatian ay makikita ng lahat.

Kilala ba natin na si Jesus ang buhay na walang hanggan at tunay na Dios ?

1 Juan 5:20-21

” At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo’y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.”

Juan 17:3

“Ito ang buhay na walang hanggan: Ang makilala ka nila, ang tanging Diyos na totoo at si Jesucristo na iyong sinugo.”

Reply

Jovy Uy May 19, 2026 at 9:36 am

Juan 1:1, 14

“Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.”

Juan 1:14

“Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.”

Lucas 8:11-12

“Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos.  Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas.”

1 Pedro 1:23

“Sapagkat muli kayong isinilang (born again), hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira, kundi sa pamamagitan ng buháy at walang kamatayang salita ng Diyos.”

Reply

dlanor321 May 19, 2026 at 10:01 am

Today, Jesus allowed us to see what is in His heart and in His prayer. In his prayer, it is not about Him. Sa kanyang panalangin, makikita natin ang ating mga sarili. He prays for us. He prays for His disciples. And there is something deeply moving here. Because Jesus knows who they are. He knows their weaknesses, their doubts, their coming failures. He knows that one day he will be betrayed, another will deny Him, and the rest will be abandoned and run away from him. And yet… He prays for them. Alam ng Diyos na hindi sila perpekto ang kanyang tagasunod. Pero sila ang pinili Niya Jesus did not choose the worthy. He did not choose the flawless. He chose sinners because God does not call the qualified. He qualifies those He calls. Sometimes we hesitate to come close to God, to Jesus, pakiramdam natin, hindi tayo karapat-dapat. That we are not holy, that we are not good enough. That we are not enough. Not worthy enough for the Lord. But listen to the heart of Jesus. He does not expect perfection from us because He came not for those who are already perfect, He came for the sinners. Hindi para sa magagaling na, kundi para sa nangangailangan. Hindi para sa banal na banal, kundi para sa sugatan, sa pagod, sa naghahanap. He came for us, for you. For me. All He asks is this: “Come near. Remain in Me. Stay with me…” Manatili ka lang sa Kanya. Because our perfection… is not something we achieve. It is someone we receive. And that Someone is God Himself. So today, do not be afraid of your weakness. Do not hide your brokenness. Instead, bring it to Him and offer it to him. Because the same Jesus who prayed for His disciples… is the same Jesus who now gently prays for you.

Reply

Celine loveko May 19, 2026 at 3:18 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA ALLELUIA ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: