Lunes, Mayo 18, 2026

May 18, 2026

Lunes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

o kaya Paggunita kay San Juan I, papa at martir

Mga Gawa 19, 1-8
Salmo 67, 2-3. 4-5ak. 6-7ab

Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.

Juan 16, 29-33


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Seventh Week of Easter (White)

or Optional Memorial of St. John I, Pope and Martyr (Red)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 19, 1-8

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Samantalang nasa Corinto si Apolos, si Pablo nama’y naglagos sa mga dakong bulubundukin ng lalawigan hanggang dumating sa Efeso. May natagpuan siya roon ilang alagad, at tinanong niya, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang sumampalataya kayo?” “Hindi po,” tugon nila. “Ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo.” “Kung gayun, sa ano kayo nabinyagan?” tanong niya. “Sa binyag ni Juan,” anila. Sinabi ni Pablo, “Ang binyag ni Juan ay tanda ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga Israelita na dapat silang sumampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid baga’y kay Hesus.” Nang marinig nila ito, sila’y nagpabinyag sa pangalan ng Panginoong Hesus. Ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila. Bumaba sa kanila ang Espiritu Santo at sila’y nagsalita ng iba’t ibang wika at nagpahayag ng salita ng Diyos. Sila’y humigit-kumulang sa labindalawang lalaki.

Sa loob ng tatlong buwan, si Pablo’y pumapasok sa sinagoga at nakikipagtalo sa mga naroon at buong tapang na ipinaliliwanag sa kanila kung ano ang paghahari ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 67, 2-3. 4-5ak. 6-7ab

Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.

o kaya: Aleluya!

O mag-alsa sana ang Diyos, ang kaaway pakalatin,
at ang mga namumuhi’y tumakas sa kanyang piling!
Kung paanong yaong ulap tinatangay noong hangin,
gayun sila itataboy, gayun sila papalisin;
at kung pa’nong yaong pagkit sa apoy ay natutunaw,
sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.

Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.

Ang lahat ay nagagalak, natutuwa ang matuwid;
sa harapan nitong Diyos, galak nila’y di malirip.
Awitan ang Panginoon, purihin ang kanyang ngalan,
ang pangalan niyang banal, magalak na papurihan.

Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.

Ang Diyos na naroon sa tahanan niyang templo,
tumitingin sa ulila’t sanggalang ng mga balo.
May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
ang bilanggo’y hinahango upang sila ay malugod.

Tanang mga kaharian,
ang Poong D’yos ay awitan.

ALELUYA
Colosas 3, 1

Aleluya! Aleluya!
Kayong kay Kristo nabuhay
ay sa langit nakalaan
upang kay Kristo pumisan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 16, 29-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ng mga alagad kay Hesus, “Ngayon po’y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinghaga! Alam na naming batid ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin ninuman. Dahil dito, naniniwala kaming kayo’y mula sa Diyos.” Sumagot si Hesus, “Naniniwala na ba kayo ngayon?” Darating ang oras – at ngayon na nga – na magkakawatak-watak kayo, magkakanya-kanyang lakad kayo, at iiwan ninyo ako. Gayunma’y hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. Sinabi ko ito sa inyo upang kayo’y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Mayroon kayong kapighatian dito sa sanlibutan; ngunit laksan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez May 30, 2022 at 12:54 am

PAGNINILAY: Ngayong natapos na natin kahapon ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit, tayo naman ay naghahanda para sa katapusan ng Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay sa darating ng Linggo: ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes. Katulad ng mga Apostol at ni Birheng Maria dumalangin habang hinihintay ang pagdating ng Espiritu Santo, ang Simbahan din ay nananalangin din para sa kapistahan bilang pagpaparangal ng Espiritu Santo.

Ang ating Ebanghelyo ngayon ay ang patotoo ng mga Apostol na naunaawaan na nila ang mga pahayag ni Hesus tungkol sa kanyang pagkakakinlanlan at ang relasyon niya sa Diyos Ama. At sinasabi rin nila na tuwiran na ang pahayag ng Panginoon, at hindi na patalinghaga. Ngunit sinabi sa kanila ni Hesus na magkakawatak-watak sila at magkakanya-kanya, at magkakaroon ng matinding kalungkutan at kapighatian. Kung baga parang may orakulo si Kristo tungkol sa mga masasamang pangyayari na magaganap sa Simbahan. At sa kasaysayan, may mga magaganda at masasamang pangyayari na gumanap sa pagitan ng mga kaparian at laiko. At nagkaroon nga ng pagkawatak-watak dahil sa ‘di pagkaunawaan ng mga tao. Ngunit sa kabila ng mga iyan, patuloy na nagiging malakas ang ating Simbahan sa pagharap ng mga pagsubok. Natutupad palagi ang pangako ni Hesus na hindi kailanman mananaig ng anumang kapangyarihan ng kadiliman laban sa Simbahang kanyang iniingatan at inaalagaan. At ang kanyang misyon ay ipinapatuloy ng mga Apostol nang buong lakas at katapatan.

Narinig natin si San Pablo sa Unang Pagbasa kung paano niyang ipinangaral ang Mabuting Balita sa mga taga-Corintong nakatira sa bulubundukin. Dahil sa mga pahayag ng Apostol tungkol sa binyag ng Espiritu Santo, sila’y sumampalataya sa Panginoon at natanggap ang biyaya ng Espiritu Santo. Ito’y patunay na tagumpay pa rin ang Diyos ng pag-ibig dahil patuloy na umiiral ang pag-ibig sa bawat taong tumatanggap nito. Sabi nga ni Hesus sa kahuli-hulian ng Ebanghelyo: “Mayroon kayong kapighatian dito sa sanlibutan; ngunit laksan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan” (ber. 33). Kaya ang Muling Pagkabuhay ay tanda ng tagumpay dahil nanaig ang buhay laban sa kamatayan at kasalanan. Mayroon tayong pag-asa at panigurado na mamuhay nang matapat upang maging mga mapagmahal na saksi ng Panginoon.

Sa isang mundong nalulong sa pagkawatak-watak, pagkasira, at nawalan ng pagsasaayos, tayo ngayon ay magdala ng paghilom at lakas upang palaging magtagumpay ang Diyos sa kanyang mga magagandang plano para sa lahat.

Reply

[email protected] May 18, 2026 at 8:24 am

Holy Spirit Please Come Holy Spirit Please Come, With Your Power And Strenght I Know I Will Be Healed…Amen!

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 30, 2022 at 9:29 am

Ano ang hamon at aral sa atin ng pagbasa ngayon?

Sa Unang Pagbasa ay paanyaya sa atin dumalangin tayo na lukuban tayo ng Espiritu Santo. Ito ang gagabay sa atin para sa pagnanais na makasunod sa kalooban ng Diyos. Paalaalhanan tayo ng espiritu sa lahat ng ating iisipin, sa lahat ng ating gagawin at sa lahat ng ating sasabihin. Kaya’t sa ating panalangin at mga kahilingan sa buhay ay nararapat na hilingin din natin ang tulong ng Espiritu Santo at hindi puro materyal at pansariling pangangailangan lamang.

Ang ebanghelyo ngayon ay paalala sa atin na ang mga nararanasan nating kapighatian ay mapagtatagumpayan natin sa tulong ni Hesus. Basta’t huwag lamang tayong bibitiw sa kanya anumang pagsubok ang dumating. Manatili tato sa kanya anumang dagok sa buhay ang danasin. Sinabi ni Hesus sa nakaraang Mabuting Balita na humingi kayo sa Ama sa pangalan ko at ibibigay nya.

Reply

Malou Castaneda May 13, 2024 at 6:38 am

PAGNINILAY:
Hindi madaling maging tapat na tagasunod ng Panginoong Hesus. Hinihila tayo sa pagitan ng mga puwersa ng ‘mundo’ na ito at ng mga puwersa ng Diyos. Sinasabi sa atin ng mundo na kumita ng pera, kumain, uminom at magsaya. Buhay ay maikli; kaya subukan upang makakuha ng pinakahigit sa mundo. Ang ating buhay ay nasusukat sa kapangyarihan na ating hawak, yaman na ating naipon, kasikatan na ating ipinagyayabang, at mga posisyong ating hawak. Ang pagiging maka-Diyos tulad ni Hesus ay nangangahulugan ng: pasanin ang ating krus araw-araw, maglingkod sa kapwa, maging isang Mabuting Samaritano, maging huli upang maging una, maging tulad ng isang maliit na bata, pumasok sa makipot na pinto… mga tanda ng pagtagumpayan ang mundo. . “Lakasan mo ang loob mo: Nasakop ko na ang mundo.” Kailangan nating makinig ng madalas dito sa nakakaginhawang mga salita ni Hesus. Kailangan nating manalangin para sa patuloy na pagbuhos ng Banal na Espiritu sa buong buhay natin.

Panginoong Muling Nabuhay, tulungan Mo kaming magkaroon ng pananampalataya sa mga oras ng kahirapan. Amen.
***

Reply

Mel Mendoza May 18, 2026 at 1:28 am

PAGNINILAY:
Juan 16, 29-33

Sa Ebanghelyo, tila handa na ang mga alagad at buo na ang kanilang loob at sa tuno ng kanilang pahayag matatag na ang kanilang pananampalataya kay Hesus. Ngunit nababasa ni Hesus ang kahinaan ng puso ng tao. Alam Niyang darating ang oras ng pagsubok kung saan ang kanilang tapang ay matitinag, ang kanilang pananalig ay manghihina, at ang kanilang pagkakaisa ay mababasag.

Ito ang masakit na katotohanan ng pagiging alagad:
madaling maniwala kapag payapa ang lahat, ngunit mahirap manatiling tapat kapag may takot, pagdurusa, at panganib.

Ang “magkakawatak-watak kayo” ay hindi lamang pisikal na paglayo ng mga alagad. Ito rin ay larawan ng pagkawasak ng kanilang loob at pag-asa. Sa harap ng Krus, ang kanilang dating tapang ay napalitan ng pangamba. Ngunit napakaganda ng ipinapakita ni Hesus, kahit alam Niyang iiwan Siya ng Kanyang mga alagad, hindi Niya sila isinumpa o itinakwil. Patuloy pa rin Siyang nagmahal.
Ito ang lalim ng awa ng Diyos.

Minsan tayo rin ay tulad ng mga alagad:
-nananalangin ngunit madaling panghinaan;
-nagsisimba ngunit madaling matinag ng problema;
-nangangakong magiging tapat ngunit nadadala ng takot, kasalanan, o makamundong alalahanin.
Subalit hindi nawawala ang pag-ibig ni Kristo. Ang katapatan ng Diyos ay hindi nakadepende sa tibay ng tao kundi sa walang hanggang awa ng Kanyang puso.

Sa pananaw teolohikal, ipinakikita rito ang katotohanan tungkol sa kahinaan ng kalikasan ng tao bunga ng kasalanan. Kahit ang mga pinakamalapit kay Kristo ay nakaranas ng pagbagsak. Ngunit dito rin nahahayag ang biyaya ng Diyos.
Ang pagkawatak-watak ng mga alagad ay pansamantala lamang dahil pagkatapos ng muling pagkabuhay at pagbaba ng Espiritu Santo, sila ay muling binuo bilang iisang Simbahan.
Ipinapakita nito na: ang tunay na pagkakaisa ay hindi nagmumula sa lakas ng tao kundi sa presensya ng Espiritu Santo.

Kapag wala ang Diyos, madaling magkawatak-watak ang tao. Ngunit kapag si Kristo ang sentro, kahit sugatan ang puso, muling nabubuo ang komunidad at pananampalataya.
Kaya mahalaga ang paalala ni Hesus sa hulihan ng Ebanghelyo:
“Magpakatatag kayo! Dinaig ko na ang sanlibutan.”
Ang tagumpay ni Kristo ay hindi kawalan ng paghihirap kundi pagtatagumpay sa gitna ng paghihirap.

Pagsasabuhay:
Manatiling tapat kay Kristo kahit dumaraan sa pagsubok.
Huwag mawalan ng pag-asa kapag nanghina ang pananampalataya; bumalik agad sa Panginoon.
Ipanalangin ang pagkakaisa ng pamilya, ministry, at Simbahan.
Huwag iwan si Kristo sa oras ng Krus—sapagkat doon higit na kailangan ang ating pananampalataya.

Word of the Day: “KATAPATAN”
Ang tunay na katapatan ay nasusubok hindi sa panahon ng kaginhawahan kundi sa gitna ng takot, pagdurusa, at pag-iisa.

Panalangin:
Panginoong Hesus,
sa mga sandaling ako ay nanghihina at natatakot, huwag Mo akong hayaang lumayo sa Iyo. Turuan Mo akong manatiling tapat kahit mahirap ang daan. Punuin Mo ako ng Espiritu Santo upang manatiling matatag ang aking pananampalataya at maging instrumento ng pagkakaisa at pag-ibig.
Amen.

To God be the highest glory now and forever. Alleluia!

Reply

Jovy Uy May 18, 2026 at 9:42 am

Pagninilay

Sa unang pagbasa, ipinapahayag dito na ng mga disipulo (o mga mananampalataya) na natagpuan ni Apostol Pablo sa Efeso ay mga Hudyo.
Sila ay mga disipulo o alagad na nagmula sa mga turo ni Juan Bautista. Nabautismuhan sila sa bautismo ni Juan na para sa pagsisisi, ngunit hindi pa nila alam na dumating na ang Mesiyas at wala silang kaalaman tungkol sa Espiritu Santo.Matapos silang turuan ni Pablo, sila ay nagpabautismo sa pangalan ng Panginoong Hesus at tinanggap ang Espiritu Santo.
Ito ay bahagi ng ministeryo ni Pablo kung saan ipinangaral niya ang kaharian ng Dios, ang kaligtasan nila kay Jesus na magbibigay ng walang hanggang kapayapaan at kaligayahan sa kanilang puso (Roma 14:17).

Sa gospel reading, ipinapahayag ni Jesus ang kapayapaan sa pakikipagkaisa o pananalig sa kanya at bagamat makakaranas ng maraming kahirapan ang mga naligtas sa kanya ay sinisiguro niya ang proteksiyon.

“Noong panahong iyon, sinabi ng mga alagad kay Hesus, “Ngayon po’y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinghaga! Alam na naming batid ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin ninuman. Dahil dito, naniniwala kaming kayo’y mula sa Diyos.” Sumagot si Jesus, “Naniniwala na ba kayo ngayon?” Darating ang oras – at ngayon na nga – na magkakawatak-watak kayo, magkakanya-kanyang lakad kayo, at iiwan ninyo ako. Gayunma’y hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. Sinabi ko ito sa inyo upang kayo’y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Mayroon kayong kapighatian dito sa sanlibutan; ngunit laksan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”

Kumusta naman tayo. Naranasan na ba natin ang kaharian ng Dios o mapagharian ang ating mga puso ng katwiran kapayapaan at kaligayahan ? Umaasa ba tayo sa pangako ni Jesus na proteksiyon?

Reply

dlanor321 May 18, 2026 at 5:06 pm

Lakasan ninyo ang inyong loob, mapayapang araw ng lunes ka panalig. Kapistahan ngayon ni San Juan Uno, Papa at Martir.
Tayo ng magnilay sa ibanghelyo ayon kay San Juan. Sinabi ng mga alagad kay Jesus, Talaga, tahas ang kanang nagungusap ngayon, at hindi na sa paghambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo.

Dahil dito kaya kami naniniwala na sa Diyos ka galing. Sumagot sa kanila si Jesus. Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t parating ang oras at sumapit na upang mangalat kayo ang bawat isa sa kanya-kanyang sarili, at ako naman ay iiwan yung nag-iisa.

Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. Sinabi ko sa inyo ang mga bagay nito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Nagdadalamhati kayo sa mundo, Subalit lakasan niyo ang loob.

Nagtagumpay ako sa mundo. Patuloy po ang ating paglalakbay ngayong karaniwang panahon o ordinary time. Minsan, tulad ng mga alagad, pakiramdam natin ay malinaw na ang lahat.

Naniniwala kami Panginoon. Pero alam ni Jesus ang mas malalim na katotohanan. Madaling magpahayag ng pananampalataya kapag maayos ang lahat.

Pero nasusubok ito kapag dumating ang mga pagsubok sa buhay. Diretsa ang sinabi na Jesus, magkakawatakwatak kayo. Iiwan niyo ako.

Masakit ito pero totoo. Nang hina, natakot at tumakbo kahit ang mga pinakamalalapit sa kanya. Ganyan din tayo kapag dumating ang mga suliranin.

Sakit, kabiguan, takot. Minsan, parang napapalatyo tayo sa Panginoon. Hindi dahil ayaw natin kundi dahil hindi natin kayang magtiwala.

Sa gitna nito, may napakalalim na pag-asa. Hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. At dahil kay Jesus, hindi rin tayo kailanman nag-iisa.

Hindi niya ipinangakong magiging madali ang buhay. Sa halip, sinabi niya, magdaranas kayo ng kapighatian. Ito ang realidad.

May sakit, may luha, may pagsubok. Pero hindi dito natatapos ang kwento. Lakas natin ang mga salita na Jesus.

Tibayan niyo ang inyong loob. Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan. Kapanalig, ang laban na kinakatakutan mo, ipinanalo na yan Jesu Kristo/

Hindi mas malakas sa kanyang kapangyarihan ang problema mo. Hindi kayang talunin ang kanyang liwanag ng kadilimang nararanasan mo. Hindi galing sa kawala ng problema ang tunay na kapayapaan, kundi sa pakikipag-isa kay Kristo sa gitna ng mga pagsubok.

Kapag dumarating ang unos, saan tayo kumakapit? Sa sarili nating lakas o sa Panginoong nagtagumpay na? Manatili, hindi nating kailangang maging perpekto sa pananampalataya. Kasama natin si Jesus, hindi tayo kailanman mag-iisa.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: