Podcast: Download (Duration: 7:01 — 5.0MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules
Hindi tayo iniwang ulila ng ating Amang nasa Langit, bagkus ipinadala niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu. Sambitin natin ang ating sama-samang panalangin sa kapanyarihan ng Espiritu ng Katotohanan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Akayin nawa kami ng Iyong Espiritu ng Katotohanan, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y maging masigasig sa paghahatid ng mensahe ni Jesus sa lahat ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namamahala at maykapangyarihan nawa’y maghatid ng kapayapaan at katarungan sa mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga hinahamak, mga itinatakwil o mga walang nagmamahal sa ating lipunan nawa’y makaranas sa kanilang buhay ng pangangalaga ng Diyos sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at nagdurusa nawa’y makakita at makadama ng mapagmahal na presensya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y muling buhayin alang-alang sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, loobin mong lalo pang ihayag sa amin ng Banal na Espiritu ang mga katotohanang inihayag ni Jesus na nabubuhay na kasama mo ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Mayo 13, 2026
Huwebes, Mayo 14, 2026 »




{ 8 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Tayo ay papalapit na sa Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng ating Panginoon sa Langit. At matapos ito, ang Linggong pagkatapos nitong pagdiriwang, ay ang Dakilang Kapistahan ng Linggo ng Pentekostes. Kaya pinaghahandaan tayo ng ating liturhiya para sa nalalapit na pagtatapos ng Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.
Si Hesus na namatay sa Krus, ngunit muling nabuhay, ay nakatakdang tapusin ang kanyang misyon sa lupa. At alam niya ay babalik na siya sa Amang nagsugo sa kanya. Kaya makikita natin sa mga Ebanghelyo ang kanyang mga huling habilin bago siya lumisan sa mundong ito pauwi sa kalangitang kanyang tahanan. At ito’y nararapat upang tayo rin ay makasigurado na kapiling niya tayo, at mayroon siyang nakahandang isang magandang paninirahan upang makamtan natin ang buhay na walang hanggan.
Kaya patuloy ang paalala ni Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa biyaya ng Espiritu Santo. Ang lahat ng kanyang sinasabi ay hindi niya maipahayag, kaya ipinangako niya sa kanyang mga alagad na ipapadala niya ang Espiritu Santong magsisilbing Patnubay upang mas maunawaan ang kanyang mga salita. At ang Espiritu rin sa ating buhay-pananampalataya ay may pitong kaloob upang tayo ay mabigyan ng kakahayang tahakin ang landas ng buhay ng may pananampalataya at katapatan sa Diyos.
Kaya si San Pablo sa Unang Pagbasa ay masasabi natin isang matapang na saksi na puno ng Espiritu Santo upang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo sa mga Hudyo at Hentil. At narinig natin ang kanyang pangangaral sa bayan ng Atenas, kung saan itinuwid niya ang pamumuhay ng mga Kristiyanong komunidad roon na sumasamba sa “diyos na hindi nakikilala” patungo sa tunay na Diyos nating Ama. Ito ang papel ng Espiritu Santo sa ating buhay bilang Patnubay, upang mas kilalanin pa natin ang Diyos. At siya’y nagpapatotoo sa ating tungkol sa katotohanang mahal tayo ng Panginoon.
Kaya ang hamon sa atin ay mamuhay sa katotohanan at kabutihan, na alam natin ang Espiritu ang patuloy na gagabay sa atin upang maramdaman natin palagi ang presensiya ng Panginoon.
Sa ebanghelo ay sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad na sa kanyang pagbalik ay meron siyang ipapadala na tutulong sa atin upang samahan , gabayan at pabanalin tayo ang banal na Espiritu , dahil siya ang maghahayag na buong katotohana. Kapag ating itong tatanggapin, dahil hindi natin ganap namauunawaan ang lahat. Ang banal na Espiritu ang tutulong upang harapin ang katotohanan.
Madalas tayong nahiling sa Diyos mg ating mga panganga-ilangan, maging materyal, kalusugan, kapayapaan ng isip at pagresolba ng ating mga suliranin. Lingid sa kaalaman ng marami na dapat din natin hilingin sa Diyos na lukuban tayo ng Espiritu Santo. Ang banal na espiritu ay ang magbibigay gabay sa atin sa ating pang araw araw na gawain. Ang Espiritu ang magbubukas ngbating mga kaisipan tungkol sa Salita ng Diyos upang maisakatuparan natin ito ng tama. Ang Espiritu ay ang syang tutulong sa ating desisyon kung ano amg tamang iisipin, kung ano ang tamang sasabihin at kung ano ang tamang gagawin.
Ano ang halaga ng iyong pagdarasal ng madalas kung ang sarili mo namang ugali ay hindi mo binabago. Kung tayo ay humihiling ay humihiling di si Hesus na sundi mo ang mga kautusan. Manalangin ka at ibigay ang buong tiwala sa Diyos na diringgin ang iyong dalangin, sabayan mo nman ito ng pgsisiskap na matalikuran ang kasamaan. At unti unting mararamdaman mo ang tunay na kaligayahan at kapayapaan ng isip. Huwag mabalisa, sapagkat kapag ikaw ay may pangamba pa pagkatapos manalangin ay hindi monlubos na ibinibigay kay Hesus ang tiwala.
PAGNINILAY
Walang sinuman na nananahan sa labas ng katotohanan ang maaaring magsabi na tagasunod ni Hesus. Kung wala ang Banal na Espiritu ay hindi natin maaaring harapin si Satanas sa mundong ito. Ang Banal na Espiritu lamang ang tumutulong sa atin sa bawat sandali ng ating buhay. Kung wala ang Banal na Espiritu ay hindi natin magagawa ang pagsulong sa ating pang-araw-araw at espirituwal na buhay. Kung wala ang Banal na Espiritu ay limitado tayo sa ating buhay sa mundo, tinatanggap natin ang bagong buhay pagkatapos na isilang na muli sa Banal na Espiritu. Tinutulungan tayo ng bagong buhay na manatiling nagkakaisa kay Hesus at maunawaan ang mga misteryo na may kaugnayan kay Hesus. Nawa’y isilang tayong muli sa Banal na Espiritu at magsimula ng isang bagong buhay.
Panginoon muling nabuhay, pinupuri Ka namin at pinasasalamat sa pagnanais na pumasok kami sa Iyong presensya at “makilala” Ka. Amen.
***
Naway pagkalooban din ako ng Diyos ng wisdom,knowledge and encouragement sa mga tao sa pamamagitan ng word of GOD.
PAGNINILAY:
Juan 16, 12-15
Sa Ebanghelyo ngayon, ipinapakita ni Hesus na ang pananampalataya ay isang paglalakbay ng unti-unting pagbubukas ng isip at puso sa katotohanan ng Diyos. Hindi agad ibinibigay ng Panginoon ang lahat, sapagkat alam Niya ang kakayahan at kahandaan ng tao. Ang Diyos ay hindi nagmamadali; Siya ay mapagpasensya at marunong maghintay sa tamang panahon ng ating pag-unawa.
Kaya sinabi ni Hesus:
“Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan.”
Ang Espiritu Santo ang nagpapatuloy ng gawain ni Kristo sa ating buhay. Siya ang gumigising sa ating konsensya, nagbibigay-linaw sa Salita ng Diyos, at umaakay sa atin upang mamuhay sa katotohanan. Hindi lamang kaalaman ang ibinibigay ng Espiritu Santo kundi pagbabago ng puso.
Maraming tao ang gustong makarinig ng katotohanan, ngunit hindi lahat ay handang tanggapin ito. Ang katotohanan ng Diyos ay kadalasang humahamon sa ating pagmamataas, kasalanan, at sariling kagustuhan. Ngunit kapag hinayaan nating kumilos ang Espiritu Santo, dahan-dahan Niyang hinuhubog ang ating pagkatao upang maging katulad ni Kristo.
Makikita rito ang malalim na hiwaga ng Holy Trinity — ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay may iisang kalooban at iisang katotohanan.
Sinabi ni Hesus:
“Ang lahat ng sa Ama ay akin.”
Ipinapakita nito ang ganap na pagkakaisa ng Ama at ng Anak. At ang Espiritu Santo naman ay hindi hiwalay na mensahe ang dala kundi ang mismong katotohanan ni Kristo. Kaya ang Espiritu Santo ay hindi kailanman taliwas kay Hesus; sa halip, Siya ang nagbibigay-liwanag upang higit nating makilala si Kristo.
Sa teolohiya ng Simbahan, ang Espiritu Santo ang “living memory” ng Simbahan — Siya ang gumagabay sa Simbahan sa lahat ng panahon upang manatiling tapat sa katotohanang ipinahayag ni Kristo.
Pagsasabuhay:
Maglaan ng oras araw-araw sa tahimik na panalangin upang makinig sa tinig ng Espiritu Santo.
Huwag matakot sa katotohanang nagtutuwid at nagpapabago sa buhay.
Bago gumawa ng desisyon, ugaliing manalangin:
“Espiritu Santo, gabayan Mo po ako sa katotohanan.”
Maging mapagkumbaba sa pagtanggap na marami pa tayong kailangang matutuhan sa pananampalataya.
Word of the Day: “Katotohanan”
Ang tunay na katotohanan ay hindi lamang impormasyon kundi isang Persona — si Kristo mismo. At ang Espiritu Santo ang umaakay sa atin upang mamuhay sa katotohanang ito araw-araw.
“Ang Espiritu Santo ang ilaw na umaakay sa atin mula sa kalituhan tungo sa buong katotohanan ni Kristo.”
Panalangin:
Espiritu Santo,
Ikaw ang Espiritu ng Katotohanan.
Liwanagan Mo ang aking isip at puso upang maunawaan ko ang kalooban ng Diyos. Sa gitna ng ingay, kalituhan, at tukso ng mundong ito, akayin Mo ako patungo kay Kristo na siyang daan, katotohanan, at buhay. Turuan Mo akong maging mapagpakumbaba, masunurin, at bukas sa Iyong banal na paggabay. Nawa’y sa bawat salita at gawa ko ay maparangalan si Hesus. Amen.
To God be the highest glory now and forever. Alleluia.
Sa unang pagbasa, sa masigasig at patuloy na pangangaral ni apostol Pablo ay ipinahayag niya sa mga gentil sa Atenas ang Dios na hindi nila kilala bilang ang nabuhay muli na si Jesus. Siya ang Manlilikhang Diyos na gumawa ng mga langit at lupa, kaya’t hindi siya tumatahan sa mga templong ginawa ng tao at hindi nangangailangan ng anuman kaya siya pinaglilingkuran ng tao sapagkat siya ang nagbibigay ng buhay, hininga, at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan at mula sa iisang dugo ni Adan niya nilikha ang lahat ng lahi sa balat ng lupa at tinakda niya ang kanya-kanyang panahon at hangganan.
“Ginawa niya ito upang hanapin nila ang Diyos, baka sakaling sa kanilang pag-aapuhap ay matagpuan siya. Ang totoo, hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin; sapagkat ‘Hawak niya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao.’
Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,
‘Tayo nga’y mga anak niya.’Yamang tayo’y mga anak ng Diyos, huwag nating akalain na siya ay tulad ng larawang ginto, pilak, o bato na pawang likha ng isip at kamay ng tao.”
Sa gospel reading, ipinapahayag ni Jesus ang kahalagahan ng Espiritu Santo na ipapadala ng Ama sa araw ng Pentecostes (o 50 araw matapos ang 40 araw na pagpapakita ni Jesus nang mabuhay muli at 10 araw matapos na umakyat siya sa langit).
At kung ano ang ipinapangaral ni Jesus ay siya rin ang ipapaliwanag ng buo ng Espiritu Santo. Pareho at iisa lamang ang sinasalita ng Ama, Anak at Espiritu Santo. Kung ano ang sinalita ng Ama ay yaon din ang sinalita ni Jesus kaya mahalaga na aralin ang sinalita ng Ama sa lumang tipan upang maiugnay kung iisa o pareho sa sinalita ni Jesus sa bagong tipan at sa sinalita ng Espiritu Santo sa Iglesia sa panahon ng mga apostol at sa panahon natin.
“Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan. Sapagkat magsasalita siya hindi sa ganang kanyang sarili; sasabihin niya sa inyo ang kanyang narinig, at ipapahayag ang mga bagay na darating. Pararangalan niya ako, sapagkat sa aking magmumula ang ipapahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay akin; kaya ko sinabing sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo.”
Kumusta naman tayo. Kilala na ba natin ang tunay na Dios na Manlilikha ng lahat ng bagay, naging tao, namatay at muling nabuhay na hindi tumatahan sa mg templo/gusali, na naglilingkod sa atin (tayo nga ba ang naglilingkod sa Dios of siya parin), na nagtaning ng ating buhay, na kumukontrol sa ating kilos at pagkatao, na hindi puwedeng ilarawan sa kinorteng ginto, pilak at bato? Napag-aralan na ba natin ang salita ng Ama sa lumang tipan at salita ni Jesus sa bagong tipan upang mapag-ugnay ang kanilang salita sa sinasalita ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng Iglesiya lalo na sa panahon natin? Iisa lang ba ang sinasabi ng Ama, Anak at Espiritu Santo sa Iglesia?
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Marami pa sana akong sasabihin sa inyo subalit hindi ninyo mauunawaan ngayon. Darating naman siya, ang Espiritu ng katotohanan, at maghahatid sa inyo ng buong katotohanan.
Wala na siyang sasabihin mula sa ganang sarili kundi ang lahat niyang maririnig ang kanyang bibigkasin at mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo. Ibabalita niya sa inyo ang tatangapin niya Mula sa akin, at sa gayon niya ako luluwalhatiin. Ang tanang sa Ama ay akin. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’
Pagninilay:
Takot ka ba sa katotohanan? May mga katotohanang masakit marinig. May mga katotohanang ayaw nating harapin. Kaya minsan, mas pinipili nating umiwas. Sa Ebanghelyo ngayon, sinabi ni Jesus: “Marami pa Akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kaya ngayon.” Ipinapakita nito na marunong maghintay ang Diyos. Hindi ipinipilit ang katotohanan, kundi inihahayag sa tamang panahon.
Ang Espiritu Santo ang gagabay sa atin sa buong katotohanan. Hindi upang hatulan tayo, kundi upang iligtas. Hindi upang saktan, kundi upang pagalingin ang sugatang puso. Dahan-dahan tayong inaakay ng Diyos pabalik sa Kanya. At dito natin nakikita ang puso ng isang Ina. Sa Fatima, ang Mahal na Birhen ay hindi dumating upang manakot, kundi upang magpaalala, umakay, at maglapit sa atin sa Diyos. Tulad ng isang ina, tinatawag niya tayong magbalik-loob at manalangin. Inaanyayahan niya tayong harapin ang katotohanan hindi mag-isa, kundi kasama siya, patungo kay Jesus. At magtiwala sa awa ng Diyos na laging handang
tumanggap.
Panginoon, alisin Mo ang aming takot sa katotohanan. Sa piling ng Mahal na Birhen, turuan Mo kaming magtiwala at magbalik-loob. At sa gabay ng Espiritu Santo, akayin Mo kami sa Iyong liwanag. Amen.