Lunes, Mayo 11, 2026

May 11, 2026

Lunes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 16, 11-15
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5-6a at 9b

Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.

Juan 15, 26 – 16, 4a


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Sixth Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 16, 11-15

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Mula sa Troas, tuluy-tuloy kaming naglayag patungong Samotracia, at kinabukasa’y sa Neapolis. Mula roo’y nagtungo kami sa Filipos, isang kolonyang Romano at pangunahing lungsod sa dakong iyon ng Macedonia. Nanatili kami roon ng ilang araw. At nang Araw na Pamamahinga, lumabas kami ng lungsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa isang pook na inakala naming dakong panalanginan ng mga Judio. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon. Kabilang dito ang isang nagngangalang Lydia, taga-Tiatira at mangangalakal ng mga telang purpura. Siya’y may takot sa Diyos. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip at siya’y naniwala sa ipinangangaral ni Pablo. Nagpabinyag siya, at ang mga kasambahay niya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung itinuturing po ninyo akong tapat na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa amin.” Mahigpit ang kanyang anyaya kaya’t hindi namin napahindian.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 149, 1-2. 3-4. 5-6a at 9b

Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.

o kaya: Aleluya!

Ang Panginoo’y purihin, awitan ng bagong awit,
purihin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
dahilan sa iyong hari, ikaw Sion ay matuwa.

Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.

Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
alpa’t tambol ay tugtugin at siya ay papurihan.
Panginoo’y nagagalak sa kanyang mga hirang.
Sa nangagpapakumbaba’y tagumpay ang ibibigay.

Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.

Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang.
Sa kanilang pagpipista ay magsaya’t mag-awitan.
Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan.
Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang kanyang mga hirang.

Panginoo’y nagagalak
sa hirang n’yang mga anak.

ALELUYA
Juan 15, 26b. 27a

Aleluya! Aleluya!
Kayo at ang Espiritu
ang s’yang magpapatotoo
tungkol sa aral ni Kristo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 15, 26 – 16, 4a

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu ng Katotohanan, ang paparito mula sa Ama. Susuguin ko siya sa inyo buhat sa Ama, at siya ang magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat sa pasimula pa’y kasama ko na kayo.

“Sinasabi ko ito sa inyo upang huwag kayong mawalan ng pananalig sa akin. Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako nakikilala ni ang Ama. Ito’y sinasabi ko sa inyo upang, pagdating ng oras na gawin nila, maalaala ninyong ipinagpauna ko na ito sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Edgar D. Emaden May 27, 2019 at 2:01 pm

Aleluya, aleluya. Malapit ng makasama ng Ama ang Panginoong Hesus. ngunit ang Patnubay, ang Espiritu ng Katotohanan, ay makakasama ng mga apostol kayat walang dapat ikabahala ang mga sugong ito. Ang Espiritu Santo ay ang “siyang tinatawagan upang tumulong” kailanman kinakailangan. Ang Patnubay rin ang siyang magpapaalaala, magtuturo, at magbibigay-liwanag sa mga alagad ng lahat ng mga sinabi, tinuro, at ginawa ng Panginoong Hesus. Ang Espiritu ng Katotohanan din ang tinanggap natin bilang biyaya ni Kristo nang tayo’y binyagan at kumpilan. Binibigyang lakas tayo ng Espiritu na ipahayag ang Mabuting Balita tulad ng ginawa ng mga unang alagad. Ating tandaan, nanaog ang Espiritu Santo sa mga alagad hindi tulad ng isang mahinang ambon kundi tulad ng isang malakas na bagyo!! At hindi kailanman lilisanin ng Espiritu Santo ang Santa Iglesya at ang kanyang mga pinuno!! Aleluya! Amen, Amen.

Reply

Reynald Perez May 20, 2022 at 8:44 pm

PAGNINILAY: Malapit na tayo sa katapusan ng Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Itong darating na Linggo ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon. At sa Linggong pagkatapos nito ay ipinagdiriwang natin ang katapusan ng panahong ito sa ating liturhiya sa Dakilang Kapistahan ng Pentekostes.

Kaya ang tagpuan ng ating Ebanghelyo ay sa Huling Hapunan, nang ibigay ni Hesus sa kanyang mga alagad ang kanyang mga huling diskurso. Alam na niya’y pabalik na siya sa Ama upang maluwalhati ang dakilang plano para sa ating kaligtasan. At sa kanyang hudyat ng pamamaalam, nagpahayag siya ng mga magagandang bilin upang patuloy natin alalahanin siya.sa ating mga buhay. At narinig natin ngayon ang kanyang pangako ng pagsusugo sa Espiritu Santo upang magsilbing Patnubay natin.

Ang Espiritu ang ating gabay upang mas kilalanin natin ang Panginoon at ang kanyang mga salita, na nawa’y mag-alab sa atin ang apoy ng pag-ibig. At ang pag-ibig na ito ay ang ipinamalas sa atin ng Diyos sa kanyang pagsusugo kay Hesus. Dahil si Hesus ay lumisan mula sa mundong ito, ninanais niya na tayo ay maging matatag sa ating pananampalataya dahil tayo ay tunay na minamahal ng Ama, katulad ng pagmamahal ni Kristo sa atin. Kaya ang Espiritu Santo ang magsisilbing tanda na dapat nating pasiglahin ang ating matinding pananalig sa Maykapal. Ayon sa isang turo ng Dogma ng Banal na Santatlo, ang Diyos Espiritu Santo ay bunga ng pagmamahal ng Diyos Ama at Diyos Anak sa isa’t isa.

Kaya ang mga kaloob at prutas ng Espiritu ay dapat magsilbing hamon sa atin upang kilalanin natin ang Panginoon sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. At kapag nakikilanlan natin ang kanyang presensiya, nawa’y ipadama natin ang Panginoon sa ating kapwa sa pamamagitan ng mga mabubuting salita at gawain.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 23, 2022 at 9:27 am

Ano ang aral at hamon sa atin ng ebanghelyo ngayon?

Ang aral na gagamitin natin sa pang araw araw na buhay ay manalangin kay Hesus nanipagkaloob sa atin na lukuban tayo Espiritu Santo. Ito ang magbubukas ng ating mga kaisipan tungkol sa mga aral ni Hesus. Hilingin natin tulungan tayo ng Espiritu Santo sa lahat ng ating mga desisyon sa buhay, sa lahat ng ating iisipin, sa lahat ng ating sasabihin at sa lahat ng ating gagawin. NNg sa gayon ay hindi tayo maligaw ng landas at mapahamak.

Ang hamon sa atin ng ebnanghelyo ay manampalataya at magpatotoo tungkol kay Hesus. Magpatotoo tayo sa pamamagitan ng pagbabahagi sa ating mga mahal sa buhay, kamag anak at kaibigan o maging sa estranghero ang mga magandang nangyari sa buhay natin buhat ng tayo’y magkaroon ng relasyon kay Hesus. Ibahagi natin ang nga biyaya at lubos na kagalakan na ating nadama magmula ng tayo ay makining ng Salita ng Diyos at isakatuparan ito. Ibahagi natin ang kapayapaang natamo natin simula ng pairalin natin ang Pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.

Reply

Malou Castaneda May 6, 2024 at 6:31 am

PAGNINILAY
Sumasaksi tayo sa ating mga salita at gawa. Ang Banal na Espiritu ay sumasaksi sa atin sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga puso ng mga nakikinig o nakakakilala sa atin. Maaari tayong sumaksi sa pamamagitan ng ating masayang buhay upang maakit ang iba sa ating Panginoon. Maaari tayong magpatotoo sa pamamagitan ng pag-abot at pagtulong sa iba na harapin ang epekto ng krisis ng buhay, pag-text o message sa iba ng isang talata ng banal na kasulatan, pagsasabi sa iba na ipinagdarasal natin sila, pagbibigay ng tulong, pag-aliw sa isang taong may sakit, pagbisita sa isang taong nalulungkot at ating malugod imbes na masasakit na salita sa ating pamilya, kaibigan at ‘frenemies’. Nawa’y maging saksi tayo.

Panginoong muling nabuhay, bigyan Mo kami ng lakas ng loob na maging tapat sa Iyong mga salita sa kabila ng mga hadlang at pagdurusa.? Amen.
***

Reply

Dlanor321 May 11, 2026 at 7:05 am

Dumating na ang panahon na kailangan na ni Hesus na bumalik sa kanyang Ama. Dumating na ang panahon na kailangan n’yang tuluyang iwanan ang kanyang mga kaibigan. And, He knows His disciples will feel lost, confused, even afraid. And so He gives them a promise: “I will send you an Advocate.” An Advocate. Noong unang panahon, ang advocate o advocatus sa salitang Latin was someone you called to your side in court: someone who would speak for you, defend you, stand beside you when you could not stand on your own. And Jesus, in saying this, meant something personal for him:
When Jesus say: “I will send Someone you can call… and when you call, He will come and stand beside you.” Pangako nya: Hindi ka mag-iisa. Not in your struggles. Not even in your sinfulness. Because the Advocate, the Holy Spirit, is not just a title. It is a relationship. Of promise presences. And this is the beauty of Easter. Sa Pasko ng Muling Pagkabuhay, Jesus does not just rise from the dead. He fulfills His promise. He sends His Spirit. He lives up to His name: Emmanuel—God with us. Hindi lang ito pangako ni Hesus noon, sa kanyang mga alagad at tagasunod. Hindi lang sa mga apostol. Kundi pati na rin sa atin, ngayon. Nasa atin ang Diyos. He does not disappoint. He does not abandon. He remains faithful. Kaya kapag pakiramdam mo mag-isa ka… tumawag ka lang sa kanya, kapatid…. Hindi tayo pababayaan ng Diyos.

Reply

Mel Mendoza May 11, 2026 at 8:05 am

PAGNINILAY:
Juan 15, 26 – 16, 4a

Ang Mabuting Balita ngayon ay bahagi ng mga huling habilin ni Hesus sa Kanyang mga alagad bago Niya harapin ang Kanyang pagpapakasakit, kamatayan, muling pagkabuhay, at sa darating na “Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa langit. Tinatawag itong Farewell Discourse — mga salita ng pag-ibig, paghahanda, at pangako. Sa gitna ng takot at pangamba ng mga alagad, ipinangako ni Hesus ang pagdating ng Espiritu ng Katotohanan na magiging kanilang gabay at lakas upang magpatotoo sa mundo.

Sa Ebanghelyo, ipinakilala ni Hesus ang “Espiritu ng Katotohanan” — ang Espiritu Santo na magmumula sa Ama at magpapatotoo tungkol sa Kanya. Ngunit hindi lamang ito tungkol sa gawain ng Espiritu Santo. May mahalagang paanyaya rin si Hesus:
“At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin.”
Dito natin makikita ang dalawang dakilang katotohanan:
Una:
Ang Espiritu Santo ang unang nagpapatotoo kay Hesus sa ating puso.
Bago tayo makapagsalita tungkol kay Kristo, kailangan muna nating maranasan Siya sa ating kalooban. Ang Espiritu Santo ang bumubuhay sa ating pananampalataya. Siya ang nagbubukas ng isip upang maunawaan ang Salita ng Diyos at nagpapainit ng puso upang mahalin si Hesus.
Hindi lamang kaalaman ang pananampalataya. Ito ay personal na karanasan ng buhay na Diyos.
Kapag ang Espiritu Santo ang kumilos sa puso, unti-unti nating nakikilala si Hesus hindi bilang malayong Diyos kundi bilang Panginoon, Kaibigan, Tagapagligtas, at Kasama sa buhay.

Ikalawa:
Tayo ay isinugo upang magpatotoo sa mundo.
Hindi nais ni Hesus na manatili lamang sa loob ng simbahan ang ating pananampalataya. Ang tunay na alagad ay nagiging saksi. Ngunit malinaw ang babala ni Hesus: hindi magiging madali ang pagpapatotoo.
May mga taong hindi tatanggap. May mga uusig. May mga hahamak. Ngunit sinabi ito ni Hesus hindi upang tayo’y matakot kundi upang tayo’y tumatag.

Napakaganda ng theological insight dito:
Ang Simbahan ay hindi lamang “institution” kundi isang community of witnesses — sambayanan ng mga nagpapatotoo kay Kristo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Sa teolohiya ni San Juan, ang “Spirit of Truth” ay hindi lamang tagapagturo ng katotohanan kundi Siya ring nagpapatuloy ng presensya ni Kristo sa Kanyang Simbahan. Kaya kapag tayo ay nagsasalita ng may pag-ibig, nagpapatawad, naglilingkod, at naninindigan sa katotohanan, si Kristo mismo ang nasasaksihan ng mundo sa pamamagitan natin.

Hindi lahat ay tinatawag mangaral sa entablado, ngunit lahat ay tinatawag magpatotoo:
sa tahimik na kabutihan,
sa tapat na paglilingkod,
sa pagpapatawad,
sa pagiging maka-Diyos sa gitna ng mundong makasarili.

Ang pinakamakapangyarihang patotoo ay hindi laging salita kundi buhay na binago ng Espiritu Santo.

Pagsasabuhay:
Tanungin natin ang ating sarili:
-Nakikita ba ng mga tao si Hesus sa aking pananalita, asal, at paglilingkod?;
-Sa pamilya, ministry, komunidad, o parokya — tayo ay tinatawag maging buhay na saksi ni Kristo. Hindi perpekto, ngunit totoo. Hindi palaging malakas, ngunit pinapalakas ng Espiritu Santo.
Kapag tayo ay napapagod o nasusubok sa paglilingkod, alalahanin natin:
Hindi tayo nag-iisa. Ang Espiritu ng Katotohanan ang ating Patnubay at Lakas.

Word of the Day: “Patotoo”
Ang Kristiyanong buhay ay hindi lamang paniniwala kay Hesus kundi pagpapatotoo tungkol kay Hesus sa pamamagitan ng ating buhay.

Panalangin:
Panginoong Hesus, salamat sa kaloob ng Espiritu Santo, ang Espiritu ng Katotohanan. Buksan Mo ang aming puso upang lalo Ka naming makilala at mahalin. Bigyan Mo kami ng tapang upang maging tapat na saksi Mo sa aming salita, gawa, at pamumuhay. Sa gitna ng pagsubok at pag-uusig, manatili nawa kaming matatag sa pananampalataya. Amen.

To God be the highest glory now and forever. Amen!

Reply

BdKz May 11, 2026 at 2:55 pm

Even our sickness can also be our blessings.
Take hold of me, Lord, take hold of my mind.
Take captive every thought and make it obedient to God.
Posible ang bagay dahil sa pag-ibig at awa ng Diyos.
Expectation is the mother of all disappointments.
Expect the worst, hope for the best.
John 16:33 – I have told you these negative things so that we will not fall away.
Sa kabila ng mga pagsubok at problema, kasama natin ang Banal na Espiritu.
The only true problem is the problem with no solution, and no answer.
Give it to the Lord, the impossible. The impossible is the realm of God.
Kasama natin ang Diyos na palaging may sagot, daan at grasya.
Nakakaisip ng masama, pero samahan ito ng malalim at matibay na pananampalataya. Mararanasan ang lungkot na magiging tuwa at ang pag-alala ay magiging kapayapaan. Magkakaroon ng bagong lakas at buhay na magpasawalang-hangan.
Amen
-Father Jowel Gatus
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good.
Blessed2026
Thank You, Lord, for a new day. Praying for a healing heart, peace, and strength. Amen #PeaceInMiddleEast #GvMonday

Reply

Jovy Uy May 12, 2026 at 1:42 pm

Sa unang pagbasa, ipinahayag ni Pablo ang pangangaral niya sa mga gentil kung saan nagtanim lamang siya ng salita ng Dios na nagbukas sa isip ni Lydia at kapamilya kaya naniwala (dahil natanggap nila ang Espiritu Santo at naligtas) at kasunod nito ay bautismo sa tubig (binyag).

“Mula sa Troas, tuluy-tuloy kaming naglayag patungong Samotracia, at kinabukasa’y sa Neapolis. Mula roo’y nagtungo kami sa Filipos, isang kolonyang Romano at pangunahing lungsod sa dakong iyon ng Macedonia. Nanatili kami roon ng ilang araw. At nang Araw na Pamamahinga, lumabas kami ng lungsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa isang pook na inakala naming dakong panalanginan ng mga Judio. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon. Kabilang dito ang isang nagngangalang Lydia, taga-Tiatira at mangangalakal ng mga telang purpura. Siya’y may takot sa Diyos. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip at siya’y naniwala sa ipinangangaral ni Pablo. Nagpabinyag siya, at ang mga kasambahay niya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung itinuturing po ninyo akong tapat na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa amin.” Mahigpit ang kanyang anyaya kaya’t hindi namin napahindian.

Sa gospel reading, ipinapahayag ni Jesus na ang patnubay na Espiritu Santo ay galing sa Ama na siyang magpapatotoo kay Jesus upang mapanaligan at maligtas . Sa salita ng Ama sa lumang tipan makikila ng tao kung sino ang Ama na siya namang maglalapit sa tao kay Jesus upang maligtas.

“Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu ng Katotohanan, ang paparito mula sa Ama. Susuguin ko siya sa inyo buhat sa Ama, at siya ang magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat sa pasimula pa’y kasama ko na kayo.“Sinasabi ko ito sa inyo upang huwag kayong mawalan ng pananalig sa akin. Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako nakikilala ni ang Ama. Ito’y sinasabi ko sa inyo upang, pagdating ng oras na gawin nila, maalaala ninyong ipinagpauna ko na ito sa inyo.”

Kumusta naman tayo. Nakapakinig ba tayo ng mga salita ng Ama sa lumang tipan na magpapakilala o magpapalapit sa atin kay Jesus at paniwalaan ang pantubos na dugo niya sa ating mga kasalanan?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: