Podcast: Download (Duration: 5:14 — 3.8MB)
Sabado sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 16, 1-10
Salmo 99, 2. 3. 5
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
Juan 15, 18-21
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Fifth Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 16, 1-10
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nagpunta si Pablo sa Derbe at Listra. At may isang alagad doon na ang pangala’y Timoteo, anak ng isang mananampalatayang Judia, at ng isang Griego. Pinatunayan ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio na mabuting tao si Timoteo. Ibig isama ni Pablo si Timoteo, kaya’t tinuli niya ito sapagkat alam ng lahat ng Judio sa lungsod na iyon na Griego ang kanyang ama. Sa bawat lungsod na kanilang dinalaw ay ipinaalam nila sa mga kapatid ang pasiya ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. Kaya’t tumibay sa pananampalataya ang mga kaanib ng bawat simbahan at dumarami ang bilang ng mga alagad araw-araw.
Naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia, sapagkat sinansala sila ng Espiritu Santo na mangaral sa Asia. Pagdating sa hangganan ng Misia, ibig sana nilang pumasok sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Hesus. Kaya’t bumagtas sila ng Misia at nagtungo sa Troas. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain: may isang lalaking taga-Macedonia, nakatayo at namamanhik sa kanya, “Tumawid po kayo rito sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak kami agad sapagkat natanto naming kami’y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Mabuting Balita.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 5
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
o kaya: Aleluya!
Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Panginoo’y papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
Ang Panginoo’y ating Diyos! Ito’y dapat malaman,
tayo’y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo’y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya’y walang hanggan,
Siya’y Diyos na mabuti’t laging tapat kailanman.
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
ALELUYA
Colosas 3, 1
Aleluya! Aleluya!
Kayong kay Kristo nabuhay
ay sa langit nakalaan
upang kay Kristo pumisan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 18-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, dapat ninyong malamang napoot na ito sa akin bago sa inyo. Kung kayo nga’y sa sanlibutan, iibigin kayo nito bilang kanya. Ngunit yamang hindi kayo sa sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, ito’y napopoot sa inyo. Alalahanin ninyo ang sinabi ko sa inyo: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako’y inusig nila, uusigin din nila kayo; kung tinupad nila ang aking salita, tutuparin din nila ang salita ninyo. Ngunit ang lahat ng ito’y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Mayo 8, 2026
Linggo, Mayo 10, 2026 »




{ 9 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang ating katapatan kay Kristo ay parang may kapalit na pag-uusig mula sa taong kumakalaban sa kanya. Si Hesus sa Ebanghelyo ay una nang ipinaalala sa bantang ito. Kung tayo nga’y napopootan ng iilang tao, siya na nga ang unang napootan ng kanyang mga kaaway. Kaya pala maraming beses nang binanta ang buhay ng ating Panginoon, lalung-lalo na ng mga Pariseo, eskriba, at iba pang pinuno ng Judaismo. At sa huling pagkakataon ay nais nilang pigilin ang Panginoon, kaya malakas ang paggamit nila sa isang Apostol na tumalikod at nagpakanulo kay Hesus upang mangyari ang kanilang balak na ipagpatay siya. Ngunit ang pangako ni Kristo sa atin ay hindi niya tayo pababayaan.
Anupamang pang-uusig, pangungutya, pag-iinsulto, at paglalaspatangan sa Banal na Maykapal na ating marinig o matanggap, dapat alam natin na palaging kasama natin si Kristo. At kasama niya tayo sa mga oras na paghihirap na iyon upang mas maging matatag ang ating pananampalataya sa kanya. Ganito ang nangyari sa mga Santo, lalung-lalo na sa Martir ng ating Simbahan, nang ialay nila ang kanilang buhay para sa mga patuloy na paglago ng pananampalataya at pagpapahayag ng Mabuting Balita. At ito ay kanilang ginawa alang-alang sa ating Panginoon na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo’y iligtas, at muling nabuhay upang tayo ay magkaroon ng bagong pagkakataon na maging mga saksi niya.
Nawa’y tayo ay patuloy na maging matatag sa ating pananampalataya sa Panginoon at pagsunod sa kanyang mga utos.
PAGNINILAY:
Napakadaling pumunta sa daan ng mundo. Patuloy tayong binobomba ng mga mensahe ng mundo: “Bilhin mo ito, magiging masaya ka”, “Magmumukhang mas bata, mas payat, mas malusog …” Tayo ay sumusuko sa mundo. At mahal tayo ng mundo dahil sa ating pagiging makamundo. Itinuturing tayong mga panatiko kung namumuhay tayo ayon sa Salita ng Diyos, mga pagpapahalaga tulad ng katapatan, pagkabukas-palad, kabaitan, o pagiging mapaglingkod. Ang pagiging katulad ng ating Panginoon ay hahantong sa pakikitungo sa Kanya – kinukutya, pag-uusig, at posibleng pagpatay. Ang mga tagasunod ng Panginoon ay sumusunod sa pamumuno ng Espiritu. Magagawa lamang nating sundin ang patnubay ng Espiritu kapag tayo ay patuloy na pumupunta ng paulit-ulit at maupo sa paanan ng Panginoon, makinig sa Kanyang Salita, at isabuhay ito. Nangangailangan ito ng panalangin, pangako. Hindi ito madali. At matutukso tayong gawin ang madaling paraan. Pero, unti-unti na tayong makakagawa ng pagbabago.
Panginoong Muling Nabuhay, tulungan Mo kaming tanggapin ang aming mga paghihirap bilang tanda ng katapatan sa Iyo. Amen.
***
Magandang gabi po mga kapatid, ako po ay natakatalaga sa Juan 15:18-21, dito po ibinibigay ni Jesus ang isang seryosong babala sa kanyang mga alagad – “ang mundo ay mapopoot sa kanila dahil ito ay napoot muna sa kanya.”
Sa akin pong Pagninilay ukol dito ay tungkol sa pagkakakilanlan o identity. Madalas po nating gustong maging “kaibigan ng mundo” o tanggap ng lahat, ngunit ipinapaalala po ni Jesus na ang pagiging tapat sa kanya ay natural na lilikha po ng hidwaan sa mga prinsipyo ng mundo. Kung tayo po ay inuusig o hindi tayo maintindihan dahil sa ating pananampalataya, hindi po ito tanda ng pagkatalo bagkus ito po ay tanda na tayo ay kabilang kay Kristo. Ang anuman pong pagkapoot ng mundo ay patunay na hindi na tayo bahagi ng kadiliman kundi ng kanyang liwanag.
Madaming aral po ang aking natutunan dito UNA, Hindi Higit ang Alipin sa Kanyang Panginoon, Kung si Jesus po na walang kasalanan ay dumanas din ng matinding hirap at pag-uusig, kaya huwag tayong magtaka kung makaranas din tayo ng pagsubok sa ating pananampalataya. IKALAWA, Pinili mula sa Mundo, tunay po na ang ating pagiging Kristiyano ay nangangahulugan na tayo po ay “hinugot” mula sa makamundong pamantayan. Dapat po nating mabatid na ang ating “citizenship” ay nasa langit, kaya expect na po natin ang “culture shock” mula sa mundong ito. IKATLO, ang Pag-uusig bilang Patotoo, Ang atin pong paghihirap dahil sa pangalan ni Jesus ay isa pong karangalan. Ipinapakita po nito na buhay si Kristo sa loob natin kaya po tayo napapansin ng mundong ayaw sa kanya. IKA-APAT po ay Kakulangan sa Pagkilala sa Ama, Ang ugat po ng galit ng mundo ay ang hindi po nila pagkilala sa Diyos na nagsugo kay Jesus. Kaya naman po ang ating misyon ay manatiling tapat sa kabila ng kawalang-alam ng iba. PANG-HULI, Ang Paninindigan sa Katotohanan, dito po Itinuturo ng tekstong ito na ang katotohanan ay hindi laging sikat o “trending.” Ang pagsunod po kay Jesus ay nangangailangan ng matinding tapang na paninindigan kahit po tayo ay nag-iisa. Amen.
End of Sharing.
Bro. Harrel M. Paycana
SLS Shepherding Tribe – Santa Rosa
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 16, 1-10
Magandang gabi po mga kapatid, ako po ay natakatalaga sa Mga Gawa 16:1-10, ito po ay nagpapakita ng mahalagang yugto sa paglalakbay ni Pablo kung saan ipinakilala si Timoteo at ang malinaw na paggabay ng Espiritu Santo.
Sa pagninilay po sa bahaging ito ng Kasulatan, makikita po natin na hindi lahat ng “mabuting plano” ay “plano ng Diyos” sa oras na iyon. Sinubukan ni Pablo na pumasok sa Asia at Bitinia, ngunit hinadlangan siya ng Espiritu. Itinuturo po nito na ang pagsunod ay hindi lamang sa paggawa ng mabuti, kundi sa paggawa ng tama sa takdang oras ng Panginoon. Ang pangitain po ni Pablo tungkol sa tao mula sa Macedonia ay nagpapaalala sa atin na ang Diyos ang tunay na Strategist ng misyon; Siya ang nagbubukas at nagsasara ng mga pinto para sa ating ikabubuti at sa ikalalaganap ng Kanyang Salita.
Ang Mga Aral nanatutunan ko po dito, UNA, Pumili ng tapat na kasama: Ipinapakita po ng pagpili kay Timoteo ang halaga ng pagkakaroon ng mabuting reputasyon at ang kahalagahan ng paghubog sa susunod na henerasyon ng mga pinuno. IKALAWA, Maging sensitibo sa Espiritu Santo, Hindi po sapat ang sipag; kailangan din po ang pakikinig. Ang pagpigil ng Espiritu kay Pablo ay hindi pagtanggi, kundi ito po ay pagtutuwid ng landas. IKATLO, Ang pagsunod ay nangangailangan ng sakripisyo, Ang pagpapatuli kay Timoteo ay nagpapakita po ng pagpapakumbaba upang hindi maging hadlang ang tradisyon sa pagtanggap ng Ebanghelyo. IKA-APAT, Agarang pagtugon, Nang matanggap po ni Pablo ang tawag mula sa Macedonia, hindi po siya nag-atubili. Ang mabilis pong pagsunod ay tanda ng ganap na pagtitiwala sa plano ng Diyos. PANG-HULI, Pagkakaisa sa Misyon, Mapapansin po dito ang paggamit ng salitang “namin” sa talata 10, na nagpapahiwatig po ito na ang buong grupo ay nagkaisa sa desisyong sumunod sa tawag ng Panginoon. Amen.
End of Sharing.
Bro. Harrel M. Paycana
SLS Shepherding Tribe – Santa Rosa
SALMONG TUGUNAN
Salmo 99, 2. 3. 5
Purihin ng lahat ang D’yos,
parangalan s’yang malugod.
Magandang gabi po mga kapatid, ako po ay natakatalaga sa Salmo 99 , ito po ay isang makapangyarihang awit ng pagsamba na nagtatampok sa kabanalan at paghahari ng Diyos sa buong mundo.
Sa akin pong Pagninilay ukol dito ang panawagang “Purihin ang Diyos” ay hindi lamang po isang mungkahi, kundi isa pong natural na tugon ng tao kapag nakikilala niya ang kadakilaan ng Panginoon. Ipinapaalala po ng salmong ito na ang Diyos ay hindi lamang malayo at makapangyarihan, kundi Siya po ay hari na naghahanap ng katarungan at katapatan. Sa pagpapakumbaba po natin sa Kanyang “tuntungan” (footstool), kinikilala po natin na siya ang sentro ng ating buhay at ang tanging karapat-dapat sa ating pinakamataas na paggalang.
Tungkol naman po sa mga aral na aking natutunan dito UNA, Pagkilala sa Kapangyarihan ng Diyos, Tunay po na ang pagpuri nang malugod ay nagmumula sa pag-unawa na ang Diyos ang hari ng lahat ng bansa, hindi lamang ng isang grupo ng tao. IKALAWA, Kabanalan bilang Katangian, dito po paulit-ulit na binabanggit sa salmong ito na “Siya ay Banal.” Ang atin pong pagsamba ay dapat may kalakip na paggalang at pagpipitagan o reverence. IKATLO, Kagalakan sa Pagsamba, ang salita pong “malugod” ay nagtuturo na ang paglilingkod at pagpupuri sa Diyos ay hindi dapat pabigat o obligasyon, Kundi ito po ay isang masayang pagdiriwang ng Kanyang kabutihan. IKA-APAT, Pagpapakumbaba, Ang pagpupuri po ay isang gawa ng pagpapakumbaba. Kinikilala po natin na tayo ay nilalang lamang at Siya ang Dakilang Lumikha. PANG-HULI, Pansansinukob na Tawag, Ang “lahat” po ay tinatawag na magpuri—wala pong pinipili ang Diyos; ang Kanya pong paanyaya sa kaligtasan at pagkilala ay para po sa bawat tao sa mundo. Amen.
End of Sharing.
Bro. Harrel M. Paycana
SLS Shepherding Tribe – Santa Rosa
PAGNINILAY:
Juan 15:18-21
Sa Mabuting Balitang ito ay may napakabigat ngunit napakalalim na paalala si Hesus sa Kanyang mga alagad.
“Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, dapat ninyong malamang napoot na ito sa akin bago sa inyo.”
Hindi Niya ipinangako ang maginhawang buhay sa pagsunod sa Kanya. Sa halip, inihanda Niya sila sa katotohanang ang pagiging tunay na alagad ay may kaakibat na pagtutol, pag-uusig, at minsan ay pagkapoot ng sanlibutan.
Ang “sanlibutan” na tinutukoy ni Hesus ay hindi lamang mga tao o ang materyalismo na mundo, kundi isang pamumuhay na hiwalay sa Diyos—isang sistemang nakasentro sa kasalanan, kapalaluan, kasinungalingan, at pansariling interes. Kaya kapag ang isang tao ay tunay na namumuhay ayon sa liwanag ng Ebanghelyo, nagiging “kontra-agos” siya sa takbo ng mundo. At dahil dito, hindi maiiwasan ang hindi pagkaunawa, pagtanggi, o paghamak.
Ngunit napakagandang pagnilayan ang sinabi ni Hesus:
“Napoot na ito sa akin bago sa inyo.”
Ibig sabihin, hindi tayo nag-iisa sa ating mga sugat at pakikibaka. Nauna nang dinaanan ni Kristo ang lahat ng sakit, pag-uusig, at pagtanggi. Ang bawat pagdurusang tinatanggap natin alang-alang sa pananampalataya ay pakikibahagi sa Kanyang krus.
Ito ang naging buhay ng mga martir ng Simbahan. Ang diwa ng Ebanghelyong ito ay makikita sa mga banal na nagbuwis ng buhay upang maipagpatuloy ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Hindi nila itinuring na kabiguan ang paghihirap para kay Kristo, kundi isang dakilang karangalan ng pakikiisa sa Kanya.
Tulad nina Saint Stephen, Saint Peter, at Saint Paul, pinili nilang maging tapat hanggang wakas. Ang kanilang dugo ay naging binhi ng pananampalataya, sapagkat habang inuusig ang Simbahan, lalo namang lumalaganap ang Ebanghelyo.
Tunay ngang makapangyarihan ang pananampalatayang handang magsakripisyo alang-alang kay Kristo. Ang isang taong handang mawalan ng lahat para sa Diyos ay nagpapatunay na natagpuan niya ang kayamanang hindi kayang nakawin ng sanlibutan.
Ngunit hindi lamang ang mga martir noon na ginugunita nating tuwing “Red Wednesday” ang tinatawag sa ganitong katapatan. Sa ating panahon, marami ring tinatawag na “white martyrdom” — ang araw-araw na pagtitiis, pagpapatawad, pagsasakripisyo, paninindigan sa katotohanan, at pananatiling maka-Diyos kahit hindi nauunawaan ng iba.
May mga pagkakataon na kapag pinili nating maging tapat, mapagkumbaba, makatarungan, at maka-Diyos, tila tayo pa ang nagiging mali sa paningin ng mundo. Ngunit ipinapaalala ni Hesus na hindi sukatan ng kabanalan ang palakpakan ng tao. Minsan, ang tunay na tanda ng pagiging kay Kristo ay ang kakayahang manatiling tapat kahit inuusig, kahit hindi tanggap, kahit nag-iisa.
Sa pananaw teolohikal, ipinapakita ng Ebanghelyong ito ang malalim na pakikiisa ng alagad kay Kristo. Ang discipleship ay hindi lamang pagtanggap ng biyaya kundi pakikibahagi rin sa misyon, krus, at paghihirap ni Hesus.
Ang pag-uusig ay hindi tanda ng pagkawala ng Diyos kundi minsan ay patunay ng katapatan sa Kanya. Ito ang diwa ng Paschal Mystery: walang muling pagkabuhay kung walang krus; walang kaluwalhatian kung walang pagtitiis.
Ang mga martir ay naging buhay na larawan ng katotohanang ito. Sila ay hindi lamang namatay para kay Kristo — namuhay muna sila para kay Kristo.
Pagsasabuhay:
-Manatiling tapat kay Kristo kahit may pagsubok o pagtutol;
-Pairalin ang charity at pagpapatawad kahit nasasaktan;
-Huwag ikahiya ang pananampalataya kahit taliwas sa uso ng mundo;
Gawing pagkakataon ang paghihirap upang lalong mapalapit sa Diyos.
Maging tahimik ngunit matatag na saksi ng Mabuting Balita sa araw-araw na buhay.
Panalangin:
Panginoong Hesus,
palakasin Mo po ang aking pananampalataya upang manatili akong tapat sa Iyo sa gitna ng pagsubok at pag-uusig. Turuan Mo akong magmahal, magpatawad, at magtiwala kahit mahirap ang landas. Nawa’y maging buhay kong patotoo ang Iyong Mabuting Balita araw-araw. Amen.
Sa Ebanghelyo ngayon, ipinapaalaala ni Hesus na ang pagsunod sa kanya ay hindi madali. Kung Siya ay kinamuhian ng mundo, gayundin ang Kanyang tagasunod.
May sariling pamantayan ang mundo at madalas ito’y salungat sa katotohanan ng Diyos. Kapag pinili nating mamuhay ayon kay Kristo, tayo’y nagiging kakaiba sa paningin ng marami. Ngunit ang pagiging “iba“na ito ay tanda ng ating pagiging sa Diyos. Hindi tayo dapat magtaka kung may pagtanggi o pagsubok. Tiyak marami, bunga na rin ng panalangin at pagninilay, naniniwala tayo na mas malaki at mas malawak ang grasya ng Diyos kaisa sa kahinaan.
Madalas ang pag- ibig ay pagtayo para sa Kanya sa gitna ng pagsubok at pangungutya. Subalit sa pamamagitan nito, inaanyayahan tayong manatiling matatag. Ang ating pagkakalinlanlan ay hindi nakasalalay sa opinyon ng mundo. Nakaugat ito sa pag-ibig ng Diyos na tumawag sa atin. Pinili tayo mula sa mundo upang maging Kanya. Ito ay biyaya at misyon. Biyaya, dahil tayo’y minahal at tinawag. Misyon, dahil inaasahan tayong magpatotoo sa gitna ng mundo. Sa bawat pagtanggi, nawa’y maalaala natin ang Kanyang pagdurusa. Hindi Siya umatras sa kanilang pagpapakasakit at pangungutya. Sa halip, ipinakita Niya ang tunay na pag-ibig hanggang wakas.
Tayo ay tinatawag na magmahal, kahit mahirap. Ang pagsunod kay Hesus ay landas ng katapatan, hindi ng kaginhawahan. Ngunit sa landas na ito, naroon ang tunay na buhay at kagalakan.
Ito ay isang paala sa ting na meron mapopoot sa ating ginagawang paglilingkod dahil sumusunod tayo Kay Kristo at bahagi nang pasunod natin Kay Kristo ay nakikibahagi rin Tayo sa kayang dinaraanan . Kaya’t Ang mga Tao napoot sa ting ay dahil Hindi sila sa mundo ni Hesus dahil kung sila nasa mundo ni Hesus ay hindi sila mapopoot sa ginagawa natin . Kaya’t dalawang bagay bakit ka na popoot sa tao iyong dahil ba siya kinaiingitan mo pero kung ikaw ay nasa panig ng kabutihan mauunawaan mo siya.
Sa unang pagbasa, ipinahayag ang paggabay ng Espiritu kina Pablo sa gawaing pagliligtas ng mga gentil. Kaya ang aklat ng Mga Gawa ng Apostol ay Mga Gawa ng Espiritu Santo.
“Sa bawat lungsod na kanilang dinalaw ay ipinaalam nila sa mga kapatid ang pasiya ng mga apostol at matatanda sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. Kaya’t tumibay sa pananampalataya ang mga kaanib ng bawat simbahan at dumarami ang bilang ng mga alagad araw-araw.
Naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia, sapagkat sinansala sila ng Espiritu Santo na mangaral sa Asia. Pagdating sa hangganan ng Misia, ibig sana nilang pumasok sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Hesus. Kaya’t bumagtas sila ng Misia at nagtungo sa Troas. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain: may isang lalaking taga-Macedonia, nakatayo at namamanhik sa kanya, “Tumawid po kayo rito sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak kami agad sapagkat natanto naming kami’y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Mabuting Balita.”
Sa gospel reading, ipinahayag ni Jesus ang “pattern” na pagdadaanan ng kanyang alagad sa gawain nilang pagliligtas sapagkat pag-uusigin at napopootan din sila ng sanlibutan. Itong karanasan ang magpapatunay na nakay Cristo Jesus hindi sa kaalwanan ng buhay.
“Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, dapat ninyong malamang napoot na ito sa akin bago sa inyo. Kung kayo nga’y sa sanlibutan, iibigin kayo nito bilang kanya. Ngunit yamang hindi kayo sa sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, ito’y napopoot sa inyo. Alalahanin ninyo ang sinabi ko sa inyo: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako’y inusig nila, uusigin din nila kayo; kung tinupad nila ang aking salita, tutuparin din nila ang salita ninyo. Ngunit ang lahat ng ito’y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin.”
Kumusta naman tayo. Tayo ba ay nagpapagabay sa Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagkonsulta sa salita ng Dios sa biblia? Dumaraan ba tayo ng mga pag-uusig at pagkamuhi sa gawaing pagliligtas bilang patunay na nakay CristoJesus tayo?