Podcast: Download (Duration: 6:19 — 4.5MB)
Martes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
o kaya Paggunita kay San Anselmo, obispo at pantas ng Simbahan
Mga Gawa 7, 51 – 8, 1a
Salmo 30, 3kd-4. 6ab at 7b at 8a. 17 at 21ab
Poon, sa mga kamay mo
habilin ko ang buhay ko.
Juan 6, 30-35
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Tuesday of the Third Week of Easter (White)
or Optional Memorial of St. Anselm, Bishop and Doctor of the Church (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 7, 51 – 8, 1a
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Esteban sa mga tao, sa matatanda at sa mga eskriba:
“Napakatigas ng ulo ninyo! Di pa nagbabago ang inyong kalooban! Ayaw ninyong dinggin ang katotohanan! Kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, iyon din ang ginawa ninyo: lumalaban kayong lagi sa Espiritu Santo. Sinong propeta ang hindi pinag-usig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga humula sa pagparito ng Matuwid na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. Tumanggap kayo ng kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi ninyo tinatalima iyon!”
Nang marinig ito ng mga bumubuo ng Sanedrin, sila’y nagngalit dahil sa matinding galit kay Esteban. Ngunit si Esteban na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingin sa langit at nakita ang maningning na liwanag sa paligid ng Diyos, at si Hesus na nasa kanyang kanan. “Bukas ang kalangitan,” sabi niya, “at nakikita ko ang Anak ng Tao na nasa kanan ng Diyos.” Tinakpan nila ang kanilang tainga at nagsigawan; pagkatapos, sabay-sabay silang dumaluhong sa kanya. Kinaladkad nila si Esteban hanggang sa labas ng lungsod upang batuhin. Hinubad ng mga saksi ang kanilang mga kasuutan at iniwan sa isang binatang nagngangalang Saulo. At pinagbabato nila si Esteban, na nananalangin naman ng ganito: “Panginoong Hesus, tanggapin mo ang aking espiritu.” Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo na po silang panagutin sa kasalanang ito!”
At pagkasabi nito, siya’y namatay. Kasang-ayon si Saulo sa pagkapatay kay Esteban.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 3kd-4. 6ab at 7b at 8a. 17 at 21ab
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
o kaya: Aleluya!
Tanging kublihan ko, ako ay ingatan;
Tagapagtanggol ko’t aking kaligtasan.
Tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
ayon sa sabi mo, ako’y patnubayan.
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
Sa mga kamay mo habilin ko’y buhay ko,
Tagapagligtas kong tapat at totoo.
Ikaw, Poon, aking pinananaligan.
magbubunyi ako, magsasayang tunay,
sa ‘yong pag-ibig na walang katapusan.
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
ingatan mo ako’t iyong pagpalain;
iligtas mo ako at iyong sagipin,
tanda ng pag-ibig na di nagmamaliw!
Iyong kinalinga at iningatan mo
laban sa adhika ng masamang tao.
Poon, sa mga kamay mo,
habilin ko ang buhay ko.
ALELUYA
Juan 6, 35ab
Aleluya! Aleluya!
Nagbibigay kasiyahang
pagkaing dulot ay buhay
si Hesus na Poong mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 30-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ng mga tao kay Hesus:
“Ano pong kababalaghan ang maipapakita ninyo upang manalig kami sa inyo? Ano po ang gagawin ninyo?” tanong nila. “Ang aming mga magulang ay kumain ng manna sa ilang, ayon sa nasusulat, ‘Sila’y binigyan niya ng pagkaing mula sa langit,’” dugtong pa nila. Sumagot si Hesus, “Dapat ninyong malamang hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng pagkaing mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na pagkaing mula sa langit. Sapagkat ang pagkaing bigay ng Diyos ay yaong bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sanlibutan.” “Ginoo,” wika nila, “bigyan po ninyo kaming lagi ng pagkaing iyon.” “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay,” sabi ni Hesus. “Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Abril 20, 2026
Miyerkules, Abril 22, 2026 »




{ 9 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Ikatlong Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay nakatuon sa ika-6 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan na kung saan ito’y patungkol sa Diskurso ni Hesus tungkol sa kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay. Kahapon narinig natin kung paanong hinanap at sinundan ng mga tao si Hesus sa Capernaum. Sila’y naghahanap sa kanya dahil sa 5 tinapay at 2 isda na ipinarami noong sila’y pinakainin. At sinabi rin ni Hesus na sikapin nila ang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ngayon ay nagtanong ang mga tao kung anong tanda ang ibibigay niya. At dito’y isinalaysay niya ang kwento kung saan pinaulan ng Diyos ang manna sa disyerto upang pakainin ang kanilang mga ninuno at hindi magutom. At ipinaliwanag ng Panginoon na ang Diyos Ama ang nagbigay ng mannang iyon, at higit pa riyan ang tinapay na bibigay sa kanila upang ang sinumang kumain ito ay hindi mamatay, kundi mabubuhay na walang hanggan. Nang hiniling nila kay Hesus ang tinapay na iyon, matuwid na idineklara niya ang kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay, na sinumang lumalapit ay hindi magugutom at naniniwala ay hindi mauuhaw.
Makikita rito ang pahayag ng Panginoon ng malaking pananalig sa kanya at sa Mabuting Balitang ipinangaral niya. Ganyan ang ipinamalas ni San Esteban sa Unang Pagbasa nang siya’y tumayo ng buong pananalig kay Hesus hanggang ialay niya ang kanyang buhay. Ang Unang Kristiyanong martir ay kilala sa pagtatagubilin ng kanyang buhay sa Diyos habang ipinagdasal ang kapatawaran ng kanyang mga kaaway. Ganito ang hamon sa atin ng bawat pagtitipon sa piging ng Salita at altar ng Katawan na tayo rin ay maging “Eucharistic” sa ibang tao katulad ni Hesus noong inalay niya ang kanyang buhay sa Krus at muling nabuhay upang tayo’y mailigtas at mas maging tapat sa kalooban ng Ama.
Nawa tayo rin ay maging pinagpala, pinaghatian, at pinagbahagian sa ibang tao, lalung-lalo sa mga nangangailangan ng pisikal, emosyonal, at espirituwal na gabay.
Maraming salamat po sa napakagandang pagninilay na ibinahagi ninyo. Naway lagi kayong pagpapalain ng Poong Maykapal.
Si Hesus ang pagkaing nagbibigay buhay. Ang materyal na pagkain ay panandalian lamang ang epekto nito sa ating katawan. Kayat kadalasan ay 3 beses na kumakain sa maghapon. Sa ibang may kaya kahit mga 5 0 6 dahil sila ay may kakayahang magmerienda. Ngunit si Hesus, Siya na mismo ang buhay. Kaya nga mapalad ang mga tao na nakikinabang sa Kanyang piging. Ito ay ang banal na Misa, na kung saan ang tinatanggap natin ay ang Kanyang salita at katawan. Ito ang nagsisilbing pagkain ng ating kaluluwa. Ang kayamanang hindi nananakaw at ang pagkaing nagbibigay buhay.
Gaano ka katagal na nag fafacebook? Ilang oras ka nagyoyoutube? Alam mo bang it will just take 2 to 3 minutes of your time reading the daily gospel. Tuwing umaga uagaliin mong almusalin ang Tinapay na galing sa Diyos. Pagkaing hindi ka magugutom at mauuhaw. Gawin mong inspirasyon ang mga pagbasa at ebanghelyo sa pang araw araw na iisipin, gagawin at sasalitain and you’ll never go wrong. Maaalis ang iyong pangamba sapagkat alam mong lagi mong kasama si Hesus. Ang mga ebanghelyo ay galing mismo sa bibig ni Hesus, medyo malalim ang mga ibig sabihin, kaya kung may oras ka sa pnunuod ng netflix mgakaroon ka din ng oras na manuod ng mga online mass dahil dito ipapaliwanag ng ating mga kaparian ang sinsaad mg ebanghelyo na gagamitin natin sa pang araw araw na hamon ng buhay. Masarap makinig ng misa mga kapatid.
PAGNINILAY
Anong uri ng tinapay si Hesus para sa atin? Pinagtitibay ni Hesus na Siya ang tinapay ng buhay na buo at permanenteng nagbibigay kasiyahan sa mga lumalapit sa Kanya at naniniwala sa Kanya. Siya ang buhay na walang hanggan na ipinangako sa sangkatauhan at ngayon ay iniaalay dito. Sa Kanya binibigyan tayo ng buhay ng Ama. Ang buhay ng Diyos, na ibinigay sa atin kay Kristo, ay nahayag sa pamamagitan ng pananampalataya. At ang pananampalataya ay pagbabalik-loob at pakikipag-isa. Ang pagbabalik-loob ay pagtalikod sa pagmamataas ng isang tao, sa pagnanais na mangibabaw, sa seguridad ng isang tao, at pagpapanibago ng isip at puso.
Nagpapasalamat tayo sa Diyos para sa pang-araw-araw na tinapay na tinatanggap natin. Idinadalangin natin na hindi tayo mag-alala tungkol sa hinaharap at subukang kilalanin kung paano tayo pinapakain ng Diyos. Nawa’y tulungan tayo ng Panginoon kapag tayo ay nalilimitahan ng ating nakaraan. Kapag alam natin kung paano tayo pinagpala, nawa’y manatili tayo sa harapan ng Panginoon ng may pagtitiwala, batid kung gaano kaliit ang nararapat sa atin ngunit handang tumanggap ng Kanyang biyaya sa mga bagong paraan.
Panginoong muling nabuhay, Ikaw ang tinapay na nagpapakain sa aming kaluluwa para sa buhay na walang hanggan. Amen.
***
PAGNINILAY:
Juan 6, 30-35
Sa Ikatlong Linggo sa Pasko ng Pagkabuhay natunghayan natin ang sunod sunod na mala tele-serye na kwento tungkol sa Tinapay ng Buhay sa Mabuting Balita ng may-akdang si San Juan. Sa araw na ito ang tagpo, ang mga tao ay naghahanap ng patunay kay Hesus “Ano pong kababalaghan ang maipapakita ninyo upang manalig kami sa inyo?
Para bang sinasabi nila patunayan mo muna, saka kami maniniwala.
Ngunit si Hesus ay hindi pumapasok sa ganitong lohika. Hindi Siya entertainer ng himala—Siya ang mismong kaloob ng Ama. Ang inaasahan ng tao manna na pansamantala. Sila ay nakatingin sa nakaraan (Moises at manna). Subalit ang tinutukoy ni Hesus sa kanila sa kasalukuyan ay ang tinapay na kabubusugan nila na walang hanggan (Sarili Niya).
Si Hesus bilang “Tinapay ng Buhay”.
Ang pahayag ni Hesus—“Ako ang Tinapay ng Buhay”—ay isa sa mga I AM statements na may malalim na kahulugan:
1. Christological Revelation
Ipinapakita ni Hesus na Siya ay hindi lamang tagapagdala ng biyaya—Siya mismo ang biyaya.
Hindi lang Siya nagbibigay ng buhay—
Siya ang Buhay.
2. Eucharistic Dimension
Ang diskursong ito ay malinaw na tumuturo sa Eukaristiya:
Ang Tinapay na bumaba mula sa langit ay hindi simbolo lamang—
Ito ay real presence ni Kristo na nagbibigay-buhay sa kaluluwa.
3. Grace over Works
Hindi si Moises ang nagbigay—kundi ang Ama.
Ibig sabihin, ang kaligtasan ay kaloob, hindi gantimpala.
Hindi ito bunga ng gawa ng tao kundi biyaya ng Diyos.
Pagsasabuhay:
Tatlong Paanyaya ng Mabuting Balita.
1. Lumapit kay Hesus
“Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom.”
Hindi sapat ang “alam” si Hesus—kailangan lumapit sa Kanya.
2. Manalig kay Hesus
“Ang nananalig sa akin ay hindi na magugutom.”
Ang pananampalataya ay hindi lang paniniwala—ito ay pagtitiwala at pagsuko.
3. Mamuhay mula sa Eukaristiya
Kung si Hesus ang Tinapay ng Buhay:
Ang buhay Kristiyano ay dapat nakasentro sa Misa at Komunyon.
Tanungin natin ang ating mga sarili:
Hinahanap ko ba si Hesus, o ang mga biyayang ibinibigay Niya lamang?
Word of the Day: “KABUSUGAN”
Hindi ito kabusugan ng tiyan—
kundi kabusugan ng kaluluwa.
Sa mundong puno ng kakulangan, pagod, at uhaw—
si Kristo lamang ang nagbibigay ng ganap na kasapatan.
Panalangin:
Panginoong Hesukristo,
Ikaw ang Tinapay ng Buhay na bumaba mula sa langit.
Sa aming paghahanap ng kahulugan, minsan kami’y naghahanap ng tanda,
ngunit Ikaw na pala ang pinakadakilang tanda ng pag-ibig ng Ama.
Turuan Mo kaming lumapit sa Iyo nang may buong pagtitiwala.
Busugin Mo ang aming kaluluwa sa Iyong presensya,
lalo na sa Banal na Eukaristiya.
Alisin Mo ang aming maling paghahangad sa mga bagay na panandalian, at ituon Mo ang aming puso sa Iyo na walang hanggan.
Ikaw ang aming Tinapay,
Ikaw ang aming Buhay,
Ikaw ang aming Lahat.
Amen.
Daily Bible Readings
21 April 2026
Mga Gawa 7:51 – 8: 1
Salmo 30:3-4, 6-8, 17 at 21
Juan 6:30-35
PAGNINILAY
Sa unang pagbasa, si Esteban ay ipinapatay ng mga pinuno ng establisadong relihiyon ng Judaismo sapagkat ipinamukha niya sa kanila na itinakwil at pinatay nila ang kanilang Tagapagligtas at Hari bagamat si Jesus ang tinutukoy ng mga sinulat ng mga propeta na namatay upang matubos ang mga kasalanan ng sangkatauhan.
“Noong mga araw na iyon, sinabi ni Esteban sa mga tao, sa matatanda at sa mga eskriba:“Napakatigas ng ulo ninyo! Di pa nagbabago ang inyong kalooban! Ayaw ninyong dinggin ang katotohanan! Kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, iyon din ang ginawa ninyo: lumalaban kayong lagi sa Espiritu Santo. Sinong propeta ang hindi pinag-usig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga humula sa pagparito ng Matuwid na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. Tumanggap kayo ng kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi ninyo tinatalima iyon!”Nang marinig ito ng mga bumubuo ng Sanedrin, sila’y nagngalit dahil sa matinding galit kay Esteban. Ngunit si Esteban na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingin sa langit at nakita ang maningning na liwanag sa paligid ng Diyos, at si Hesus na nasa kanyang kanan. “Bukas ang kalangitan,” sabi niya, “at nakikita ko ang Anak ng Tao na nasa kanan ng Diyos.” Tinakpan nila ang kanilang tainga at nagsigawan; pagkatapos, sabay-sabay silang dumaluhong sa kanya. Kinaladkad nila si Esteban hanggang sa labas ng lungsod upang batuhin. Hinubad ng mga saksi ang kanilang mga kasuutan at iniwan sa isang binatang nagngangalang Saulo. At pinagbabato nila si Esteban, na nananalangin naman ng ganito: “Panginoong Hesus, tanggapin mo ang aking espiritu.” Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo na po silang panagutin sa kasalanang ito!”At pagkasabi nito, siya’y namatay. Kasang-ayon si Saulo sa pagkapatay kay Esteban.”
Sa gospel reading, binigyan ng kaibahan ng pagkain na tinapay (mana) na kinain ng mga Israelita sa ilang kasama si Moses at sa pagkain na ibibigay ni Jesus. Ang kaibahan ng pagkain na ibibigay sa panahon ni Moses ay para sa temporaryong ikabubuhay nila habang naglalakbay sila hanggang Canaan habang ang pagkain ibibigay ng Dios sa panahon ni Jesus ay pangwalang hanggan na matatamo ito kung lumapit at sumampalataya tayo kay Jesus.
“Noong panahong iyon, sinabi ng mga tao kay Hesus:“Ano pong kababalaghan ang maipapakita ninyo upang manalig kami sa inyo? Ano po ang gagawin ninyo?” tanong nila. “Ang aming mga magulang ay kumain ng manna sa ilang, ayon sa nasusulat, ‘Sila’y binigyan niya ng pagkaing mula sa langit,’” dugtong pa nila. Sumagot si Hesus, “Dapat ninyong malamang hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng pagkaing mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na pagkaing mula sa langit. Sapagkat ang pagkaing bigay ng Diyos ay yaong bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sanlibutan.” “Ginoo,” wika nila, “bigyan po ninyo kaming lagi ng pagkaing iyon.” “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay,” sabi ni Hesus. “Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.”
karugtong…
Kumusta naman tayo. Malinaw na ba sa atin kung ano ang pagkain na nagbibigay sa atin ng buhay na walang hanggan ? Hindi ba ang pagkain ng ating espiritu upang mabuhay at lumago ay ang mga salita ng Dios sa biblia ?
“Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo (Juan 15:3).
“Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at ito ang nagbibigay-buhay (Juan 6:63).
Sa 1 Corinto 11:23-34, ang apostol ng mga gentil na si Pablo ay may paliwanag hinggil sa kahalagahan ng komunyon bilang “pagpapahayag ng kamatayan ni Jesus” na ating isasagawa hanggang sa muling pagbabalik niya. Ito ay pagpapahayag na sa kamatayan ni Jesus ay nasira ang kanyang katawan tulad ng pinisang ubas upang ang lumabas ang kanyang dugo na pambayad o pantubos sa ating kasalanan at sa pananampalataya sa katotohanang ito ay maliligtas tayo at magkaroon ng buhay na walang hanggan. Ito ang dahilan kung bakit banal ang komunyon na dapat maidaos ng may kaayusan dahil malaki ang nagawa itong kamatayan ni Jesus sa ating kaligtasan .
“Ito ay sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang siya ko namang ibinibigay sa inyo. Ang Panginoong Jesus, nang gabing siya ay ipinagkanulo, ay kumuha ng tinapay. Pagkatapos niyang magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi: Kunin ninyo, kainin ninyo, ito ang aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. Sa gayunding paraan kinuha niya ang saro pagkatapos maghapunan. Sinabi niya: Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa aking dugo. Sa tuwing kayo ay iinom nito, gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. Ito ay sapagkat sa tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito, inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa siya ay dumating.
Ang sinumang kumain ng tinapay at uminom sa saro ng hindi nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Ngunit suriin muna ng tao ang kaniyang sarili. Pagkatapos hayaan siyang kumain ng tinapay at uminom sa saro.
Ito ay sapagkat siya na kumakain at umiinom nang hindi karapat-dapat ay kumakain at umiinom ng kahatulan sa kaniyang sarili. Hindi niya kinikilala nang tama ang katawan ng Panginoon. Dahil dito marami sa inyo ang mahihina at may karamdaman at marami ang natulog na. Ito ay sapagkat hindi tayo hahatulan kung hahatulan natin ang ating mga sarili. Kung tayo ay hinahatulan, tayo ay tinuturuan upang hindi tayo mahatulang kasama ng sanlibutan.Kaya nga, mga kapatid, sa inyong pagtitipon upang kumain, maghintayan kayo sa isa’t isa. Kapag ang sinuman ay nagugutom, hayaan siyang kumain muna sa bahay. Ito ay upang hindi kayo magtipun-tipon sa kahatulan.”
How not to be unaffected by what’s happening around us.
We need to be F.A.S.T –
*Fix your eyes on God, not on problems
*Anchored on the Holy Spirit.
Have the *Spirit of Forgiveness.
*Total surrender to God.
Where your attention goes, your energy goes.
Gagabayan tayo ng Diyos at pupunuin ng lakas at biyaya.
Manatiling malakas na magwagi sa buhay.
Masasaktan tayo ng iba pero indi nito kayang nakawin ang ating kapayapaan. Sa Diyos tayo kumapit,hindi tayo hahayaan na mabigo.
Ang pagtugon ng ating isip at puso ay hawak natin; hindi tayo matitinag.
Isuko lahat sa Diyos. Dito tayo magwawagi at mananatiling malakas at darating ang araw ay makakapasok sa kaharian ng Diyos gaya ni Esteban mararanasan ang walang hanggang tuwa ang buhay na magpasawalang hanggan.
Amen.
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good
Blessed2026
Thank you, Lord, for a new day. Praying for a healing heart, peace, and strength.
Blessed Happy Easter #PeaceInMiddleEast #GvTuesday