Lunes, Abril 20, 2026

April 20, 2026

PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Lunes

Ang Diyos Ama lamang ang makatutugon sa pagkagutom ng puso at ng espiritu, kaya’t ilapit natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panatilihin Mo ang aming espiritu, O Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y pukawin sa mga kasapi nito ang pagkagutom at pagkauhaw sa Tinapay ng Buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang maunawaan na ang mga kinasasabikan ng ating puso ay hindi matutugunan sa pamamagitan ng paghahanap ng makamundong tagumpay o kaginhawahang dulot ng mga materyal na bagay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagsasayang ng kanilang panahon sa paghahanap ng kaligayahan sa maling paraan nawa’y matagpuan ang tamang daan ng buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makatanggap ng ginhawa at paglingap mula sa mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y makaisa ni Kristo sa bagong buhay na hatid ng Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming makapangyarihan, ipinagkaloob mo sa amin ang tinapay mula sa Langit bilang pagkain para sa aming paglalakbay. Patnubayan mo ang aming mga hakbang patungo sa daan ng katarungan at kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 1, 2022 at 4:25 pm

PAGNINILAY: Ngayong Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, matutunghayan natin ang isang telenovela tungkol sa Juan 6, o mas kilala bilang “Diskurso ukol sa Tinapay ng Buhay”. Ang “Tinapay ng Buhay” ay isa sa mga 7 “Ako ang” pahayag ni Hesus na isinalaysay ni San Juan. Noong nakaraang Biyernes, narinig natin kung paanong pinarami ni Hesus ang tinapay at isda upang maipakain ang napakaraming tao. Subalit nais ng mga tao na pilitin siyang maging hari, kaya si Hesus ay pinauna ang kanyang mga alagad na maglakbay sa ibayo ng dagat, habang siya’y mananalangin sa taas ng bundok.

At sinabi nga sa simula ng ating Ebanghelyo ngayon ay nakita siya ng kanyang mga Apostol na lumalakad sa ibabaw ng katubigan kahit may malalakas na bagyo’t hanging humahampas sa kanilang bangka. Ngayon ay ang mga taong naiwan sa bundok ay nagpasyang lumayag sa Capernaum upang hanapin si Hesus o kahit ang kanyang mga Apostol. At nang natagpuan nila ang grupo ng Panginoon kasama si Hesus, tinanong nila siya kung kailan siya’y dumating sa Capernaum. At ang naging analisis ng Panginoon na ang paghahanap ng tao ay dahil sa tinapay na kanilang kinain at sila’y nabusog. Kaya binigyan niya sila ng isang hamon, ang pagsisikap sa pagkaing nagbibigay-buhay, hindi yung pagkaing nakakamatay. At nang tanungin siya’y kung ano ang dapat nilang gawin, ang simpleng sagot ni Hesus ay ang sumampalataya sila sa isinugo ng Diyos Ama, na tumutukoy sa kanya mismo. Kaya itong unang bahagi ng ating “Tinapay ng Buhay teleserye” ay isang pagbabalik-tanaw at mahalang aral tungkol sa kababalaghang ating narinig noong nakaraang Biyernes. Sa ating buhay-Kristiyano, pinapaalala sa atin na ang ating buhay ay dapat nakasentro sa Diyos. Subalit sa kabila ng mga umuunlad na bagay katulad ng teknolohiya, kadamitan, siyensiya, at ilang mga mamahaling bagay na mataas ang pagkakailangan, hindi dapat mawala sa atin ang ating pananampalataya sa Panginoon.

At ito yung nais ipahiwatig ni San Esteban sa Unang Pagbasa na huwag nating hayaang ang ating mga ambisyon tungo sa kabantugan at mga makamundong bagay ay maging hadlang upang mas kilalanin pa natin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Kristo. Subalit hindi ito pinaniwala ng Sanhedrin dahil sarado ang kanilang mga puso’t isipan. Kaya makikita natin na si San Esteban ay magiging isang saksi para kay Kristo, kahit ito’y umabot sa pagdanak ng kanyang dugo, na mamayang makikilala natin bilang kauna-unahang Kristiyanong martir. Subalit sa kabila ng kanyang paghihirap, siya’y pinagpala ng Diyos dahil sa kanyang katapatan sa dakilang kalooban.

At ito rin ang nais ni Hesus na sa ating pagsasampalataya sa kanya, nawa’y isaalaala natin ang pagiging masunurin sa plano ng Diyos para sa bawat isa. At ito’y ating magagampanan kung tayo’y nakapokus sa mga mahahalagang bagay, at hindi lang mga makamundong bagay.

Reply

Malou Castaneda April 14, 2024 at 9:32 pm

PAGNINILAY
Bakit natin hinahanap si Hesus? Ang mga tao ay nagpunta sa paghahanap kay Hesus hindi dahil sa pananampalataya kundi dahil sa paggamit at materyal na mga motibo. Marami ang mga naghahanap kay Hesus upang magkaroon lamang ng mga temporal na pabor mula sa Kanya! Maiintindihan ito lalo
na sa isang bansa kung saan ang mga tao ay nabubuhay sa kahirapan at pagkain ang pangunahing pangangailangan. Bihira tayong makatagpo ng taong naghahanap kay Hesus para kay Hesus. Hahanapin pa ba natin si Hesus kung wala Siyang ibinigay sa atin? Si Hesus ay hindi humihingi sa atin ng isang hanay ng mga aktibidad kundi pananampalataya lamang sa Kanya. Ang pananampalataya ay hindi iisang gawa; ito ay isang buhay na dapat isabuhay sa iba’t ibang karanasan ng pang-araw-araw na buhay. Sa panukat na talikuran natin ang ating temporal at makasariling motibo sa paghahanap kay Hesus, tinutupad natin ang gawain ng Diyos, hindi ang ating sarili. Nawa’y tunguhin natin ang pagkaing walang pagkasira na binanggit ni Hesus at maniwala sa Isa na isinugo ng Diyos.

Panginoong Muling Nabuhay, Ikaw ang nagbibigay-buhay na pagkain na aming ninanais. Amen.
***

Reply

[email protected] April 20, 2026 at 9:32 am

Ama Naming Dios Akoy Nananalig At Isinusuko Ko Ang Lahat Sa Akin…AMEN!

Reply

Rex Barbosa April 15, 2024 at 3:32 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 6, 22-29

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

Huwag nating hanapin si Hesus dahil sa ating “pangangailangan’ (needs) kundi hanapin natin Siya dahil kailangan natin ang Diyos
para sa ating kaligtasan “ang pagkaing hindi nasisira na nagbibigay ng
Buhay na Walang Hanggan”.

Reply

Mel Mendoza April 20, 2026 at 12:56 am

PAGNINILAY
Juan 6, 22–29

Sa Ikatlong Linggo ng Muling Pagkabuhay, patuloy nating pinagninilayan ang Mabuting Balita ayon kay San Juan tungkol sa “Tinapay na Nagbibigay-Buhay.”

Sa Ebanghelyo, nakita natin ang mga taong masigasig na naghahanap kay Hesus. Ngunit itinuwid Niya ang kanilang intensyon:
“Hinahanap ninyo ako… dahil kayo’y nabusog.”

Isang matalim ngunit mapagpalayang katotohanan ang ipinahayag ng Panginoon:
Maaaring hinahanap natin si Hesus, ngunit mali ang ating dahilan.
Hindi masama ang lumapit sa Kanya dahil sa pangangailangan—sapagkat Siya ang ating takbuhan. Ngunit hindi dapat dito nagtatapos ang ating pananampalataya. Sapagkat kung hinahanap lamang natin si Hesus kapag may kakulangan, nagiging instrumento na lamang Siya at hindi kinikilalang Siya mismo ang nagbibigay-buhay.

Kaya’t inaanyayahan tayo ni Hesus sa mas malalim na antas ng pananampalataya:
“Magpagal kayo… para sa pagkaing hindi nasisira.”
Ito ang pagtawid mula sa pansamantalang kagutuman tungo sa walang hanggang kabusugan ng kaluluwa.
Mula sa tanong na “Ano ang makukuha ko?” tungo sa mas mahalagang tanong:
“Sino si Hesus sa buhay ko?”
Sa diskursong ito, ipinapahayag ni Hesus ang isang mahalagang katotohanan:
Ang “gawa ng Diyos” ay hindi muna aksyon ang nauuna, kundi ang relasyon sa Diyos.

“Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos: manalig kayo sa sinugo niya.”
Sa pananaw na teolohikal, malinaw na ang kaligtasan ay hindi bunga lamang ng gawa (works), kundi ng pananampalataya kay Kristo—Siya na siyang tunay na Tinapay ng Buhay.
Ang pahayag na ito ni Hesus ay hindi lamang aral—ito ay paghahanda sa dakilang misteryo ng Eukaristiya, kung saan Siya mismo ang pagkaing nagbibigay-buhay.
Hindi lamang Siya nagbibigay ng tinapay—Siya mismo ang Tinapay.

PAGSASABUHAY:
Sa ating paglilingkod at pang-araw-araw na buhay, magandang itanong sa ating sarili:
•Lumalapit ba ako sa Diyos dahil sa biyaya… o dahil sa Diyos mismo?
•Ang paglilingkod ko ba ay para sa gantimpala… o dahil sa pagmamahal?
•Maglaan ng oras sa panalangin kahit walang hinihingi;
•Dumalo sa Misa hindi lang bilang tungkulin kundi pakikipagtagpo kay Kristo;
•Tanggapin ang Eukaristiya bilang buhay, hindi rutina.

Ang tunay na pananampalataya ay hindi lamang naghahanap ng himala—
ito ay naghahanap kay Hesus mismo.

WORD OF THE DAY: “MANALIG”
Manalig – hindi lamang paniniwala sa isip, kundi buong pagtitiwala at pagsuko ng sarili kay Kristo.
Ang pananampalataya ay hindi “alam ko Siya,” kundi “Sumusunod ako sa Kanya.”

PANALANGIN:
Panginoon,
Salamat sa Iyong Salitang nagbibigay-buhay
na parang handang sagana para sa lahat.
Gawin Mo kaming mga lingkod ng Iyong hapag,
na hindi lamang tumatanggap,
kundi nagbabahagi rin ng Iyong biyaya.
Nawa’y ang bawat pusong aming maabot
ay mabusog sa Iyong pag-ibig
at mag-uwi ng Iyong kapayapaan.
Amen.

Reply

BdKz April 20, 2026 at 3:02 pm

Tunay na nagmamahal ay ginagawa ang mabuti at iniiwasan ang masama.
Ang pag-ibig na tunay ay hindi naghihintay ng kapalit.
Ang tunay na pananampalataya ay nakabase sa pag-ibig.
Relasyon na may pagmamahal.
Isipin kung paano makakapagbigay nang walang kondisyon.
We may grow and mature in our faith so that we may seek God in His love alone. not in any reward because His love is good and everlasting.
Amen
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good
Blessed2026
Thank you, Lord, for a new day. Praying for a healing heart, peace, and strength. #BlessedEaster #PeaceInMiddleEast#GvMonday

Reply

Jovy Uy April 21, 2026 at 7:02 am

PAGNINILAY

Sa unang pagbasa, ipinapahayag dito ang matinding gawain ng Espiritu Santo gamit si Esteban. Bagamat naisulat ito sa aklat ng mga gawa ng mga Apostol, ang tunay na may gawa ng himala at maraming kababalaghan at karunungang makipagtalo ay gawa ng Espiritu Santo.

“Noong mga araw na iyon, pinagpala ng Diyos si Esteban at pinuspos ng kapangyarihan, anupat gumawa siya ng maraming himala at kababalaghan sa harapan ng madla. Nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya, na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, taga-Alejandria, taga-Cilicia, at taga-Asia. Ngunit wala silang magawa sa karunungan ni Esteban na kaloob ng Espiritu.”

Sa Salmo, ipinapahayag na tanging ang kautusan ng Dios sa biblia na siyang salita ng Dios ang makapagbigay aliw sa tao .

“Kahit ako ay usigi’t labanan ng pamunuan,
itong iyong abang lingkod sa utos mo’y mag-aaral.
Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw,
siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin.”

Sa gospel reading, hinanap si Jesus ng mga taong pinakain niya sapagkat gusto nilang gawing hari ng tiyan nila si Jesus upang hindi na sila mawawalan pa ng pagkukunan ng pagkain subalit ipinakita ni Jesus sa kanila ang dapat nilang pakanaisihin na gawin o pakainin at busugin, ito ang kanilang espiritu, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng paniniwala kay Jesus sa pakikinig ng salita ng Dios (ang pagkaing hindi nasisira).

“Nakita nila si Hesus sa ibayo ng lawa, at kanilang tinanong, “Rabi, kailan pa kayo rito?” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ibibigay ito sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng kapangyarihan ng Diyos Ama.” Kaya’t siya’y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming maganap ang kalooban ng Diyos?” “Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos: manalig kayo sa sinugo niya,” tugon ni Hesus.”

Kumusta naman tayo. Natanggap na ba natin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pakikinig ng salita ng Dios kaya nabatid natin ang pagibig ng Dios sa paskal ni Jesus? Gumagawa na ba sa atin ang Espiritu Santo kung kaya’t may interes at tapang na tayong ibahagi sa iba ang salita ng Dios, ang pagkaing hindi napapanis ?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: