Sabado, Nobyembre 22, 2025

November 22, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Napakamaluwalhati ng kapayapaan at pag-asa sa Muling Pagkabuhay! Manalangin tayo nang may pusong malaya mula sa hangal na pag-aalinlangan at pagdududa sapagkat nananalig tayo sa pangako ni Jesus na Muling Nabuhay para sa atin.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng buhay, dinggin Mo ang aming panalangin.

Ang Simbahan sa buong daigdig nawa’y magpatuloy na magpahayag ng Mabuting Balita ng Muling Pagkabuhay at ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa ating pang-araw-araw na buhay, nawa’y maihatid natin ang liwanag ng bagong pag-asa sa mga nabubuhay sa kadiliman at kawalang pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga dukha, mga walang tahanan, at mga nangangailangan nawa’y madama ang Panginoon ng Buhay sa pamamagitan ng pag-ibig at kagandahang-loob ng mga mabubuti sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit, at yaong mga nagdurusa nawa’y matagpuan ang mapagpagaling na presensya ni Kristo sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kaligayahan sa tiyak na pag-asa ng Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos ng mga buhay, bigyan nawa kami ng Eukaristiyang ito ng paghangad sa walang hanggang Hapag, na iyong inihanda sa aming kung saan malulugod kami sa kaligayahan ng iyong presensya magpakailanman. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 16, 2021 at 10:40 am

PAGNINILAY: Ang buong buwan ng Nobyembre ay inaalay para sa mga Yumaong Kristiyano, kasama na dito ang lahat ng ating mga mahal sa buhay na pumanaw na. Noong una at ika-2 ng buwang ito, inalala natin sila sa ating mga panalangin, ipinagmisa, at binista ang kanilang mga puntod dala ang mga kandila at bulaklak. Patuloy nating sila ginugunita sa buong Nobyembre dahil sa Panginoon na buhay. Ibig sabihin na may pag-asa pang naghihintay para sa atin matapos tayong papanaw sa mundong ito.

At ito’y pinatototoo ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo bilang pahayag na mayroon ngang “muling pagkabuhay,” na ito naman ay hindi pinaniniwalaan ng mga Saduceo. Kaya nagbanggit sila ng isang sitwasyon kung saan 7 magkapatid na lalaki ay nagpakasal sa iisang babae matapos mamatay ang isa, ngunit hindi nagkaanak. Kaya pagdatng ng “pagkabuhay na mag-uli”, kanino raw sa 7 magkapatid ang kikilaning asawa. Tugon ni Hesus na hindi kailanma’y sila’y kasal habambuhay kapag nasa kabilang buhay na. Kaya ang pagsasama ng babae at lalaki bilang mag-asawa ay hanggang sa mundo nito lamang. Subalit sa kabilang buhay, lahat ng tao ay magiging pantay na tatawaging anak ng Kataas-taasang Diyos. Ito’y patunay na mayroon talagang pag-asang naghihintay sa pamamagitan ng biyaya ng buhay na walang hanggan. At ito’y patotoo na ang Panginoon ay Diyos ng buhay, hindi ng patay, sapagkat ang lahat sa kanya ay tunay na buhay.

Kaya nga n’ung si Hesus ay namatay sa Krus at inilibing, siya’y nabuhay na mag-uli upang ipamalas sa atin na wala nang kamandag ang kamatayan na manatiling tapos ang ating buhay. Kaya huwag po tayong matakot sa kamatayan sapagkat lahat tayo ay papanaw sa daigdig na ito. Subalit lahat tayo ay muling mabubuhay at kakamtan ang kaligayan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Kaya nawa maging makabuluhan ang ating buhay dito sa lupa upang patuloy natin ang pagpapalaganap ng Paghahari ng Panginoon na nasa Langit.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 20, 2021 at 12:19 pm

May mga taong makasalanan dahil ang katwiran nila ay mamamatay din naman tayong lahat at matatapos kung anuman ang meron tayo ngayon. Oo tama mamamatay tayong lahat pero meron pang kabilang buhay na dadalawa lamang ang hantungan. Ang isa’y impyerno na walang katapusang pighati at gutom, uhaw at paghihirap ang daranasin mo. Ang isa nama’y paraiso, magiging isa ka sa mga anghel na kapiling ang mahal na inang birhen at si Hesus, puro kasiyahan, pagmamahalan at tunay na kaligayahan ang mararamdaman. Ang dalawang hantungan na ito ay nakabatay sa naging pamumuhay sa lupa nung ikaw ay nabubuhay pa. Kung sinunod mo ang mga kautusan o walng takot sa Diyos mong sinuway ang mga ito.
Kapatid, suriin mo ang iyong sarili ngayon, ikaw ba ay nararapat sa paraiso sa sususnod mong buhay o magtitiis kanng habang panahon sa napakainit at puro paghihirap ang daranasin. Kung ikaw nman sa palagay mo ay makasalanan ka hanggang ngayon ay hindi pa huli ang lahat. Umpisahan mo ngayon, magsisi ka na… humingi ng kapatawaran sa Ama… at sikapin ng matalikuran ang kasamaan. Manalig ka sapagkat kunalulugdan ng Diyos ang nagbabalik loob sa kanya. Matatandaang iniwan ng mabuting pastol ang siyamnaput syam na tupa upang hanapin ang isang naliligaw ng landas. At ng matagpuan nya ito ay sya ay nagdiwang.

Reply

Jess C. Gregorio November 22, 2023 at 11:46 am

Pagninilay sa Mabuting Balita:

Ano ang kahulugan ng buhay? Para sa mga walang pananampalataya kay Hesukristo, ito ay ang kakayahang makita, maramdaman, at may magawa tayong maaaring maging batayan na tayo ay buhay. Kung wala na lahat ito, tayo ay masasabing yumao na o namatay. At para sa ibang naniniwala na si Hesus ang Buhay, Daan, at nagsasabing ito ay totoo dahil siya mismo ang Katotohanan, at naniniwala na tayo ay na kay Kristo, at sa kadahilanang si Kristo ay hindi nagbago nuon, ngayon, at bukas, ito ay nangangahulugan ng walang katapusan. Sa ganang ito paano tayo mamatay kung ang mismong Buhay ay nasa atin? Mahirap intindihin ang mga bagay na ito kung wala sa atin ang Banal na Espiritu, siya lamang ang magbubukas ng ating puso at kaisipan, ng karunungan tungkol sa buhay. Pero mauuna muna ang ating pananalig o pananampalataya kay Hesus dahil siya ang taga sugo ng Espiritu. Ang nabubuhay sa Buhay kailanman ay hindi mamamatay. Ang buhay na walang Buhay bagama’t naniniwala na siya ay buhay ay matagal nang patay.

Reply

Malou Castaneda November 25, 2023 at 10:53 pm

PAGNINILAY
Malinaw na ipinahayag ni Hesus na mayroon langit at ang mga karapat-dapat na namuhay sa lupa ay pupunta doon. At pinatunayan Niya ito sa pamamagitan ng pagbangon mula sa mga patay at pag-akyat sa langit. Ano pa ang magagawa ng Diyos para kumbinsihin tayo? Ang langit ay kasing totoo ng sahig na ating kinatatayuan. Ngunit ang buhay pagkatapos ng kamatayan ay isang ganap na naiibang kaharian. Malayo pa ito sa atin. Tiyak na hindi ito magiging katulad ng mundong ito. Gayunpaman, kung namumuhay tayo sa isang mapagmahal at buong pusong paraan, kung palagi tayong nagsusumikap na mahalin at tanggapin ang isa’t isa, hindi tayo dapat mag-alala tungkol sa kung ano ang naghihintay sa atin sa “kabilang panig”. Nawa’y itigil na natin ang pagiging malungkot, natatakot na mga Kristiyano at hayaan ang ating buhay na maging isang masaya, mapagmahal, walang takot na patotoo – sa sakit o sa kalusugan, para sa mas mayaman o mahirap, sa trabaho at sa paglalaro – na ang langit ay umiiral at ang Diyos ay mabuti, ngayon at magpakailanman .

Panginoong Hesus, dalangin namin na balang araw kami at ang aming mga mahal sa buhay ay makasama Mo sa buhay na walang hanggan. Amen.
***

Reply

Joshua S. Valdoz November 21, 2025 at 8:49 pm

PAGNINILAY: Ang buong buwan ng Nobyembre ay inaalay para sa mga Yumaong Kristiyano, kasama na dito ang lahat ng ating mga mahal sa buhay na pumanaw na. Noong una at ika-2 ng buwang ito, inalala natin sila sa ating mga panalangin, ipinagmisa, at binista ang kanilang mga puntod dala ang mga kandila at bulaklak. Patuloy nating sila ginugunita sa buong Nobyembre dahil sa Panginoon na buhay. Ibig sabihin na may pag-asa pang naghihintay para sa atin matapos tayong papanaw sa mundong ito.

At ito’y pinatototoo ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo para bukas bilang pahayag na mayroon ngang “muling pagkabuhay,” na ito naman ay hindi pinaniniwalaan ng mga Saduceo. Kaya nagbanggit sila ng isang sitwasyon kung saan 7 magkapatid na lalaki ay nagpakasal sa iisang babae matapos mamatay ang isa, ngunit hindi nagkaanak. Kaya pagdatng ng “pagkabuhay na mag-uli”, kanino raw sa 7 magkapatid ang kikilaning asawa. Tugon ni Hesus na hindi kailanma’y sila’y kasal habambuhay kapag nasa kabilang buhay na. Kaya ang pagsasama ng babae at lalaki bilang mag-asawa ay hanggang sa mundo nito lamang. Subalit sa kabilang buhay, lahat ng tao ay magiging pantay na tatawaging anak ng Kataas-taasang Diyos. Ito’y patunay na mayroon talagang pag-asang naghihintay sa pamamagitan ng biyaya ng buhay na walang hanggan. At ito’y patotoo na ang Panginoon ay Diyos ng buhay, hindi ng patay, sapagkat ang lahat sa kanya ay tunay na buhay.

Kaya nga n’ung si Hesus ay namatay sa Krus at inilibing, siya’y nabuhay na mag-uli upang ipamalas sa atin na wala nang kamandag ang kamatayan na manatiling tapos ang ating buhay. Kaya huwag po tayong matakot sa kamatayan sapagkat lahat tayo ay papanaw sa daigdig na ito. Subalit lahat tayo ay muling mabubuhay at kakamtan ang kaligayan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Kaya nawa maging makabuluhan ang ating buhay dito sa lupa upang patuloy natin ang pagpapalaganap ng Paghahari ng Panginoon na nasa Langit.

Reply

MEL MENDOZA November 21, 2025 at 10:44 pm

PAGNINILAY
Lucas 20:27–40
“Buhay”

Sa paglapit ng mga Saduseo kay Hesus, hindi nila intensiyong matuto, kundi silawin, lituhin, at subukin ang Panginoon. Ginamit nila ang batas ni Moises bilang bitag upang hamunin ang turo tungkol sa muling pagkabuhay. Ngunit sa halip na mahulog sa patibong, ibinukas ni Hesus ang isang napakalalim na katotohanan: Ang Diyos na ating sinasamba ay Diyos ng Buhay — at ang sinumang nasa Kanya ay hindi nagwawakas sa kamatayan.
Ang tagpong ito ay hindi lamang debate. Ito ay paghahayag:
May mas malawak, mas malalim, at mas gloriosong realidad ang buhay kaysa sa nakikita ng tao.

Upang mas maintindihan ang tensyon sa Ebanghelyo, mahalagang malaman kung sino ang mga Saduseo: Isa sila sa pangunahing sekta ng mga Hudyo noong panahon ni Hesus. Binubuo ng mayayaman, may impluwensya, at naglilingkod sa Templo—madalas ay mga pari at aristokrata. Naniniwala lamang sila sa Pentateuch (unang limang aklat ni Moises). Dahil dito, hindi sila naniniwala sa: muling pagkabuhay ng mga patay, anghel, espiritu,at buhay na walang hanggan. Sa madaling sabi, ang pananampalataya nila ay hanggang dito lamang sa lupa.Ito ang dahilan kung bakit lumapit sila kay Hesus na may kwentong gawa-gawa upang pagtawanan ang ideya ng resurrection.

THEOLOGICAL INSIGHT
1. Diyos ng mga Buhay.Nang tawagin ni Moises ang Diyos bilang “Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob,” ipinakita ni Hesus na ang Diyos ay Diyos ng mga umiiral. Ang Kanyang pag-ibig ay hindi natitinag ng kamatayan.

2. Ibang realidad ang buhay na walang hanggan.Sa kabilang buhay, hindi na kailangan ang mga institusyong panlupa tulad ng pag-aasawa; tayo’y magiging ganap sa presensya ng Diyos, tulad ng mga anghel.

3. Resurrection begins now.Ang muling pagkabuhay ay hindi lamang hinaharap — ito’y nagsisimula sa buhay na binabago ng biyaya araw-araw.

4. Ang totoong pananampalataya ay naghahanap ng liwanag.Habang ang Saduseo ay nagtatanong upang manalo sa argumento, ang alagad ni Kristo ay nagtatanong upang lumago sa katotohanan.

PAGSASABUHAY:
-Mamuhay bilang anak ng muling pagkabuhay. Iwaksi ang galit, inggit, at kayabangan, mga bagay na walang lugar sa langit.
-Maglingkod na may pananaw ng walang hanggan. Ang sakripisyo ay nagiging handog kapag ito’y para sa Diyos.
-Iwasan ang buhay na nakatali sa panlupa. Huwag maging katulad ng mga Saduseo na limitado ang pananaw.
-Magbigay pag-asa sa mga nagdadalamhati. Ang kamatayan ay hindi katapusan, kundi pintuan patungo sa Diyos na Buhay.

WORD OF THE DAY: “BUHAY”
Isang paalala na ang Diyos ay patuloy na nagpapabuhay — hindi lamang sa katawan, kundi pati sa puso, pag-asa, misyon, at relasyon. Walang “patay” na hindi kayang buhayin muli ng Panginoon.

PANALANGIN:
Amang Diyos na Buhay,buksan Mo ang aming isip at puso upang makita ang katotohanan ng muling pagkabuhay. Palalimin Mo ang aming pananampalataya, at buhayin Mo ang mga bahagi ng aming buhay na tila nauupos. Gawin Mo kaming saksi ng pag-asa at liwanag, upang makilala Ka namin bilang Diyos ng mga Buhay. Sa ngalan ni Hesus na Muling Nabuhay. Amen.

Reply

Guilbert Poblite November 22, 2025 at 1:25 pm

PAGNINILAY:
Ang muling pagkabuhay ay lohikal na bunga ng pag-ibig ng Diyos. Ano ang saysay ng lahat nating pagmamahal at pagsisilbi sa Diyos at sa kapwa kung sa huli’y mamatay lang tayo at maglalaho? Ang Diyos ay pag-ibig at ang pag-ibig ay nananatili. Buhay at buhay na di magwawakas ang tanging kaloob na nararapat sa pag-ibig. Nagmamahal tayo para mabuhay. Ang pag-ibig ang patunay na mayroong Diyos at mayroong buhay na walang hanggan.

Ang mga Saduseyong hindi naniniwala sa pagkabuhay ng mga patay dahil sinasabi nilang walang sinulat si Moses tungkol dito. Kung ipagtatanggol ni Jesus ang konsepto ng pagkabuhay, ang mga Saduseo ay magagalit; kung hindi ito gagawin ni Jesus, ang mga Pariseo ay magagalit. Kaya, tinanong nila si Jesus kung sino, sa Langit, ang magiging asawa ng babaing sunud-sunod na napangasawa ng pitong magkakapatid at namatay na walang anak. Ipinalaliwanag ni Jesus na ang kabilang buhay ay hindi pag-uulit ng buhay na ito. Mag-iiba ang mga bagay pagkatapos ng kamatayan (cf. Kadavil). TAYO ay mga tao ng PASKO NG MULING PAGKABUHAY! Kaya, inaanyayahan tayo na MAMUHAY ng masaya at mapayapang buhay. Nawa’y ito ay maging PATUNAY ng ating karanasan sa TUNAY na presensiya ng MULING NABUHAY NA PANGINOON, isang katiyakan na ang ating katawan ay muling bubuhayin. Nawa ang bawat kilos natin ay sumasalamin sa ating paniniwala sa BUHAY NG DIYOS.

GAWAIN: JESUS I TRUST IN YOU.

PANALANGIN:
Panginoong Jesus, Namatay Ka para sa atin upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Itinuturo Mo sa akin na huwag aking ikabit ang aking puso sa mga bagay sa lupa, kundi itakda ang aking puso sa walang hanggan kung saan ako, isang araw ay makikita Ka nang harapan. Tulungan Mo akong pagnasaan Ka lamang upang maipokus ko ang aking lakas sa pag-ibig at paglilingkod sa Iyo.
Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: