Linggo, Abril 20, 2025

April 20, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Pinupuspos tayo ng galak at pag-asa ng mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay. Nadarama natin ang tapat na hangaring magpanibagong buhay na may katapatan, kalinisan, pagtatalaga at pag-ibig. Hingin natin sa Panginoon na ang lahat ng ito’y magkaroon ng katuparan habang idinadalangin natin:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Upang ang sambayanan ng mga mananampalataya ay magbigay saksi sa muling pagkabuhay ni Kristo sa pamamagitan ng kanilang patuloy na pagbabagong-loob, manalangin tayo!

Upang ang Santo Papa, ating Obispo, at lahat ng ating mga pinunong espirituwal ay magtamo ng kasiyahan at kapayapaang buhat sa muling pagkabuhay ni Kristo, manalangin tayo!

Upang ang mga nasa madilim na libingan ng kasalanan ay makatagpo sa Muling Pagkabuhay ng lakas upang mamuhay nang tapat sa Ebanghelyo, manalangin tayo!

Upang ang mga nasisiraan ng loob sa di-masupil na karahasan, paniniil at paghihirap ay makatagpo sa Muling Pagkabuhay ng kinakailangang lakas ng loob upang magpatuloy sa pagtatatag ng isang matinong lipunan, manalangin tayo!

Upang tayong lahat ay makatanggap ng pagpapala ng Muling Pagkabuhay – isang malalim na pagpapanibago sa ating pagpapahalagang moral, panlipunan, pangkabuhayan at pulitikal na mga institusyon, manalangin tayo!

Ipanalangin natin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumahimik sandali.)
Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, ang kaningningan nawa ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ang tumanglaw lagi sa aming mga buhay. At ang aming mga kaisipan, salita at gawain nawa ang magpatotoo sa bagong buhay na ipinagkaloob Mo sa amin. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Hesukristong aming Panginoon.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez April 8, 2022 at 2:51 pm

PAGNINILAY: Sa pelikulang nangangalang “The Croods,” makikita natin ang isang pamilya ng mga nakatira sa kuweba. Humahanap sila ng mga pagkain at inuman para makapagligtas. Habang lumilipas ang panahon, unti-unting nagkakaroon ng mga pagbabago sa mundo dahil sa mga iba’t ibang klima at panahon. Kapag ganito ang mga pangyayari, tumatago ang pamilya sa kanilang kuweba. Ang padre de pamilya na nangangalang Grug ay laging strikto sa pangangalaga sa kanila. Subalit ang kanyang anak na babae na ngangalang Eep ay biglang sumunod sa liwanag, kung saan nakasalubong ito sa isang lalaking nangangalang Guy. Sumusunod si Eep sa lalaki, kasama ang kanyang pamilya para makahanap ang lugar ng paraiso. Naiingit si Grug kay Guy, kaya tinatago niya ang kanyang pamilya sa isang kuweba tuwing may paparating na panganib. Ngunit sa bandang huli, naunawaan ng ama na dapat sundan ang liwanag at huwag tumago sa kadiliman. Natapos ang pelikulang ito nang makarating sila sa isla ng paraiso.

Mga kapatid, katulad ba tayo ni Grug na laging tumatago sa kadiliman para makapagligtas, hanggang maunawaan natin ang pagsusunod sa kaliwanagan? Katulad ba tayo ni Eep na sundan ang liwanag para makamtan ang magagandang kinabukasan? Katulad ba tayo ni Guy na gumgabay ang ating mga kapwa patungo sa isang masaganang lupain? Ngayong pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon, makikita natin kung paanong muling nabuhay ang ating Panginoong Hesus mula sa kamatayan. Ang kanyang Misteryong Paskwal ay parang pagtatalo ayon sa kanyang mga kaaway, ngunit ito ay isang tagumpay. Namatay si Hesus sa krus para iligtas tayo sa kasalanan, at nabuhay siya na mag-uli at tinalo ang kasalanan at kamatayan. Dahil siya’y muling nabuhay, binigyan niya tayo ng bagong buhay, bagong kapanganakan, at bagong pag-asa. Totoong naparito siya para sa lahat, ngunit yung mga naniwala at sumunod sa kanya, katulad ng kanyang mga Apostol, ay nailigtas niya at nakikibahagi sa dakilang pag-ibig ng Ama.

Mahigit na 500 tao ang nakakita sa kanya na muling nabuhay. Pagkatapos ng Pagbaba ng Espiritu Santo, biglang ipinahayag ni San Pedro at ng mga Apostol na hindi patay si Kristo, ngunit buhay. Ang Kristong nabuhay ang siyang nagpakumberto kay San Pablo mula sa manguusig ng Simbahan hanggang sa pagiging Apostol ng mga Hentil. Lahat ng mga taong nagtanggap at naniwala kay Hesus bilang Anak ng Diyos ay nagsama-sama sa isang malaking grupong ngayong tinatawag na mga Kristiyano. Sa kanyang Misteryong Paskwal, si Hesus ay nagdaan mula sa Kamatayan hanggang sa kanyang Muling Pagkabuhay. Kaya tayo rin ay tinaguriang “Easter people,” na dumadaan mula sa kasalanan hanggang sa pagpapala ng Diyos.

Sa ating paglakbay sa daan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ipahayag natin ang Mabuting Balita ng nabuhay na Panginoon, at isabuhay ito araw-araw sa paninirahan natin sa kanyang kaliwanagan.

MALIGAYANG PASKO NG PAGKABUHAY PO SA INYONG LAHAT!

Reply

Fra_Alvin April 18, 2025 at 10:38 am

Ngayong unang linggo ng muling pagkabuhay ay isang dakilang regalo para sa ating lahat na umaasa ng pagliligtas ng Diyos. Dahil ngayong araw na ito, naganap na ang paglupig ng kadiliman nang kasalanan at kasamaan at tumatanglaw sa buong mundo ang tunay na liwanag na siyang patunay na tayong lahat ay kanyang mga mahal.

Sa pamamagitan ni Kristo, sa kanyang paghihirap, pagkamatay at ngayong siya’y muling mabubuhay, isinakatuparan niya para sa atin ang dakilang pagliligtas ng sangkatauhan upang tuluyan tayong mamuhay na naaayon sa pag-big ng Diyos.

Kaya marapat lamang na tayong lahat ay dapat magpasalamat sa Diyos dahil tayo ay nailigtas na mula sa pagkakasala at pagkalipin ng kasalanan at kadiliman ng buhay.

Hindi po madali ang ginawa ni Hesus, nagpakahirap siya, tiniis ang lahat ng sakit na dinanas mula sa mga taong mapanghusga, ngunit patuloy parin niyang ipinapamalas ang katotohanan na siya namang hindi lubos nauunawan ng mga taong kulang sa pananampalataya.

Dahil tayo ay natubos na, sa anong paraan tayo magpasalat kay Hesus na siyang nag alay ng buhay para sa atin? Kaya patuloy tayong gagawa ng mga kabutihan para ipakita din kay Hesus ang ating pagmamahal para kanya sa pamamagitan ng mga mabubuting pakikitungo at paggawa ng mga mabubuting ugnayan sa kapwa.

Reply

MEL Mendoza April 20, 2025 at 3:02 am

Araw ng Pasko ng Pagkabuhay

PAGNINILAY:
“He Lives ”

Ang Pasko ng Pagkabuhay ay ang pinakamataas at pinakadakilang kapistahan ng ating pananampalatayang Kristiyano. Ito ang tagumpay ni Kristo laban sa kasalanan at kamatayan. Sa Ebanghelyong ito ni San Juan, ang pananampalataya ay unti-unting umusbong mula sa karanasan ng isang “walang laman” na libingan.

Ang walang laman na libingan, ay panimulang senyales ng pananampalataya. Hindi agad naunawaan nina Maria Magdalena, Pedro, at ang alagad na mahal ni Hesus ang kahulugan ng bakanteng libingan. Ngunit para sa “alagad na mahal ni Hesus,” sapat ang kanyang nakita upang maniwala. Ang kanyang pananampalataya ay hindi nakabatay sa pagpapakita ng muling nabuhay na Hesus, kundi sa mga palatandaan: ang inalis na bato, ang kayong lino, ang nakatiklop na panyo—mga simpleng tanda na may malalim na kahulugan.

Ayon kay St. Thomas Aquinas, ang muling pagkabuhay ni Kristo ay “causa exemplaris” ng ating pag-asa. Sa teolohiya, ang pagkabuhay na mag-uli ay hindi lamang isang “himala,” kundi ang pagsisimula ng isang bagong paglikha. Itinataas tayo ng Panginoon mula sa pagkakasala patungo sa buhay na walang hanggan. Ito ang katuparan ng plano ng kaligtasan ng Diyos (salvation history), isang pagsagot sa ating “existential longing for eternal life.”

Ang isang punto ng Ebanghelyo ay ang pananampalataya sa kabila ng hindi pagkakaintindi. Mapapansin sa huling bahagi ng Ebanghelyo: “Hindi pa nila nauunawaan ang sinasabi sa Kasulatan…” Bagama’t hindi pa lubos na nauunawaan ang buong plano ng Diyos, ang alagad ay nanampalataya na.

Ito’y paanyaya sa atin sa tinatawag na “faith seeking understanding” (fides quaerens intellectum), isang pilosopikal-teolohikal na prinsipyo mula kay San Anselmo. Hindi natin kailangang maintindihan muna ang lahat upang maniwala—ang pananampalataya ay unang hakbang ng ating pakikibahagi sa misteryo ng Diyos.

Ang Pasko ng Pagkabuhay ay hindi lamang pagbabalik sa dating buhay kundi pagpasok sa isang bagong anyo ng buhay—isang buhay na hindi na sakop ng kamatayan. Si Hesus ang “first fruits” ng mga muling mabubuhay (1 Cor. 15:20).

Binhi ng Hamon sa Bawat Isa:
1. Tulad ng alagad na mahal ni Hesus, tayo rin ay tinatawag na maniwala kahit sa gitna ng kadiliman.

2. Ang Pasko ng Pagkabuhay ay paanyaya sa bagong pag-asa, bagong buhay, at bagong pananaw sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

3. Sa bawat misa, ipinagdiriwang natin ang misteryo ng Pasko ng Pagkabuhay. Muling nabubuhay si Kristo sa ating puso, sa ating komunidad, at sa ating sakripisyo ng pag-ibig.

Panalangin: Panginoong Hesus, salamat sa tagumpay Mo laban sa kasalanan at kamatayan. Gisingin Mo ang aming pananampalataya, upang sa kabila ng dilim at kawalang-katiyakan, ay masumpungan ka namin sa mga palatandaan ng pag-ibig at katotohanan. Maging saksi kami ng Iyong Muling Pagkabuhay sa aming buhay araw-araw. Amen.

Happy Easter Sunday everyone!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: