Miyerkules, Agosto 7, 2024

August 7, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Binuwag ni Jesu-Kristo ang pader na naghihiwalay sa mga Judio at mga Hentil. Bilang isang bayan ng bago at walang hanggang Tipan, manalangin tayo sa Diyos na nagbubuklod sa atin.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Makapangyarihang Diyos, maawa ka sa amin.

Ang Simbahan sa lahat ng dako nawa’y maging daan ng habag, kapayapaan, at pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Bilang isang komunidad ng mga sumasampalataya nawa’y huwag tayong paghiwa-hiwalayin ng mga walang halagang hadlang na galit at alitan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga ina na naliligalig at lubos na nag-aalala para sa kalusugan ng kanilang mga anak nawa’y huwag sumuko sa pagtawag ay Jesus para sa kalinga at pag-alalay, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga taong nagdurusa nawa’y lagi nating maipadama ang kalinga anuman ang kanilang katayuan sa buhay, lahi o relihiyon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa na sa buhay na ito nawa’y magbunyi magpakailanman sa makalangit na tahanan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, aming tanggulan at lakas, ninanais mong mabuo kaming lahat bilang iyong bayan. Maging bukas nawa lagi ang aming kalooban sa pangangailangan ng aming kapwa at huwag nawa naming ihiwalay ang sinuman sa aming pagsasamahan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 4, 2020 at 12:50 am

PAGNINILAY: Ang tunay na pananampalataya at pananalig sa Diyos ay nababatay sa kalakihan ng puso ng isang tao kahit anong lahing pinagmulan siya. Ito ang nagpapatunay na kumakatok siya sa ating mga puso para buksan natin ang mga ito, at maniwala sa kanyang malasakit na gawain.

Sa ating Unang Pagbasa (Jeremias 31:1-7), ipinangako ng Panginoong Diyos ang pagpapanumbalik sa Israel. Sa kabila ng pagkakasala at pagmamatigas ng mga tao, matagal nang minahal niya pa rin sila at nais sila’y mapanibago ng puso. Ang pagpapanumbalik sa Israel at Juda ay sumasagisag sa planong pangkaligtasan ng Diyos na bukas sa lahat ng mga tumatanggap nito sa kanilang buhay.

Sa ating Ebanghelyo (Mateo 15:21-28), narinig natin ang isang kwento ng pananampalataya. Noong mga lumang panahon, naniniwala ang mga Hudyo na sila lang at ang bayang Israel ay maliligtas niya dahil sila’y pinagpala at hinirang. Ngunit, narinig natin kung paanong tinulong ni Hesus ang isang Hentil na babaeng taga-Cananea, na ayon sa kanila, ay isang lapastangan sa batas ng Panginoong Diyos. Pero sa kabila ng mga ito, nakita pa rin natin ang isang kwento ng awa at habag.

Nais kong bigyang pansin ang tatlong magkasalungat ngunit makabuluhang mensahe. Una, lumapit ang babae kay Hesus. Humingi siya ng tulong sa kanya para sa kanyang anak na babaeng sinasapian ng isang masamang espiritu, kahit kinasasangkutan siya sa isyu ng kanyang lahi, ngunit pinapapigil ng mga Apostol dahil alam nila na nandito si Hesus para sa mga nawawalang tupa ng Israel, gaya ng kanyang sinabi sa babae. Pero patuloy pa rin ang kanyang pagmamakaawa ni Hesus.

Ikalawa, ang pagsubok ni Hesus. Sinabi niya na naparito siya para sa mga nawawalang tupa ng Israel, ngunit alam niya na ito ay isang pagsasanay lamang. Sinubukan niya ang pananampalataya ng babae sa pagsasabi ng hindi nararapat na itapon ang mga magagandang pagkain ng mga bata sa mga aso.

Ikatlo at huli, ang pananampalataya ng babaeng taga-Cananea. Sumagot ang babae na ang mga aso lamang ang nagpupulot sa mga tirang humuhulog sa ilalalim ng mesa. Kaya namangha si Hesus sa dakilang pananampalataya ng babae, at sinabihan ang katuparan ng kababaglaghang malaya ang anak na babae. At ganun din ay binaklas niya ang mga hadlang sa pagitan ng mga Hudyo at mga Hentil. Sa ating buhay, dumadaranas tayo ng mga pagsubok at paghihirap. Parang ramdam natin na sumuko na tayo. Subalit, nakita naman natin sa Ebanghelyo kung paano hinarap ng babaeng taga-Cananea ang kanyang pagsubok ng pananampalataya kay Kristo. Ganito rin ang binibigay ng Diyos sa atin dahil ikinalulugod natin siya bilang ating Panginoon at Hari, at sa kabilang banda, siya ay maawaain at mahabagin.

Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y magkaroon tayo ng pananalig sa Diyos sa gitna ng mga kapighatian sa ating buhay, at patuloy na maging mapagmalasakit sa ating mga kapwa.

Reply

DANILO DAYAO, O.P. August 5, 2024 at 7:54 pm

?Miyerkules ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)?

PAGNINILAY

Sa pagbasa, salmong tugunan, at ebanghelyo para sa Miyerkules ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon, makikita natin ang malalim na tema ng pag-ibig, awa, at pananampalataya. Ang mga pagbasa ay naglalaman ng mga sumusunod na aral ayon sa pananaw ng Simbahang Katoliko:

?Jeremias 31:1-7
**Pag-asa at Panunumbalik:**
– Ang Diyos ay muling nangako na Siya ang magiging Diyos ng Israel at ang Israel ay magiging Kanyang bayan. Ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang walang hanggang pag-ibig at malasakit sa Israel, na ipinakita sa Kanyang pangakong muling itatayo ang bayan mula sa kanilang paghihirap. Ito ay isang paalala na kahit sa gitna ng pagsubok, ang Diyos ay hindi nakakalimot at patuloy na nagbibigay ng pag-asa at kaginhawahan.

?Jeremias 31:10, 11-12ab, 13
**Diyos na Pastol:**
– Ang salmong tugunan ay nagpapahayag ng imahe ng Diyos bilang Pastol na nag-aalaga sa Kanyang kawan. Ang pagtitipon ng mga nagkalat na tupa ay sumisimbolo sa habag at pag-ibig ng Diyos sa Kanyang bayan. Ang kanilang kalungkutan ay papalitan ng kagalakan, at ang kanilang kalungkutan ay magiging tuwa. Ang Diyos ay gumagabay at kumakalinga sa lahat ng nangangailangan.

? Mateo 15:21-28
**Pananampalataya ng Cananeang Babae:**
– Ang ebanghelyo ay nagpapakita ng malalim na pananampalataya ng Cananeang babae. Kahit na una siyang tinanggihan, hindi siya nawalan ng pag-asa at patuloy na lumapit kay Jesus. Ang kanyang tugon na kahit ang mga tuta ay kumakain ng mga mumo mula sa hapag ay nagpapakita ng kanyang pagpapakumbaba at pananampalataya. Dahil dito, pinuri ni Jesus ang kanyang pananampalataya at pinagaling ang kanyang anak.
– Ang kwento ay nagpapakita na ang awa at biyaya ng Diyos ay hindi limitado sa iisang grupo lamang kundi bukas para sa lahat ng may pananampalataya. Ang Diyos ay tumutugon sa mga nagmamalasakit at nananampalataya sa Kanya, anuman ang kanilang pinagmulan.

?Paggunita kay Papa San Sixto II at mga Kasama, mga Martir
– Ang paggunita kay Papa San Sixto II at kanyang mga kasamang martir ay isang paalala ng katatagan ng pananampalataya kahit sa harap ng pag-uusig. Sila ay nag-alay ng kanilang buhay para sa kanilang pananampalataya, na nagiging inspirasyon para sa mga Kristiyano na maging matatag at matapang sa kanilang pagsunod kay Kristo.

?Paggunita kay San Cayetano, Pari
– Si San Cayetano ay kilala sa kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa mga mahihirap at sa kanyang malalim na pananampalataya. Ang kanyang buhay ay isang halimbawa ng pagsunod sa kalooban ng Diyos at pagmamahal sa kapwa, na nagbibigay inspirasyon sa mga Kristiyano na mamuhay nang may kababaang-loob at pagmamalasakit.

Bilang panghuli, ang mga pagbasa at paggunita para sa araw na ito ay nagtuturo ng malalim na pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at kapwa. Ang Diyos ay isang mapagmahal na Pastol na laging handang kumupkop sa Kanyang bayan, nagbibigay ng pag-asa at kagalingan sa mga tapat na nananalig sa Kanya. Ang buhay ng mga santo at martir ay nagsisilbing gabay at inspirasyon sa ating pananampalataya at paglilingkod. Amen.

Reply

Group of Believer Poblite August 7, 2024 at 6:40 am

MAGNILAY: Marami sa atin kapag hindi napagbigyan sa hinihingi nagagalit at nanunumbat na para bang obligado ang hinihingan natin na bigyan tayo. Hindi na tayo nakikiusap kung gayon. Naniningil na tayo. Kapag ganun mas lalong nawawalan ng gana ang iba na tayo ay tulungan.

Walang karapat-dapat sa biyaya ng Diyos. Wala tayong karapatang manumbat sa kanya sakaling hindi niya pansinin ang daing natin. Puwede lang tayong makiusap na tapunan tayo kahit konting pagtingin. Gayunpaman, hindi niya pinagkakait ang buo niyang pagtingin sa mga nananalig sa kanya. Malambot ang puso niya sa mga mapagkumbaba.

MANALANGIN: Panginoon, ibigay mo man o hindi ang aking hiling, purihin ang ngalan mo!

GAWIN: Huwag mapagod makiusap sa Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: