Podcast: Download (Duration: 10:09 — 11.7MB)
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A)
1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a.
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Efeso 5, 8-14
Juan 9, 1-41
o kaya Juan 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Fourth Sunday of Lent (Rose or Violet)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a.
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Betlehem sapagkat pinili ko nang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.”
Nang magkaharap-harap na sila, nakita ni Samuel si Eliab, pinagmasdan niya itong mabuti at sinabi sa sarili, “Ito siguro ang hinirang ng Panginoon para maging hari.”
Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Hindi siya ang hinirang ko. Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko.”
Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit walang pinili sa kanila ang Panginoon. Kaya’t tinanong ni Samuel si Jesse, “Wala ka na bang anak kundi iyan?”
“Mayroon pang isa; ‘yong pinakabata, at pastol ng aking mga tupa,” sagot ni Jesse.
Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga’t hindi siya dumarating.” At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya’y makisig na binatilyo, malusog at nangungusap ang mga mata.
At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Siya ang hinirang ko; pahiran mo siya ng langis.” Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at pinahiran si David sa harapan ng kanyang mga kapatid. At mula noon, sumakanya ang Espiritu ng Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 5, 8-14
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid:
Dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon. Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga taong naliwanagan sapagkat ang ibinubunga ng pamumuhay sa liwanag ay pawang mabuti, matuwid at totoo. Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibinubungang kabutihan – mga bagay na dulot ng kadiliman. Sa halip ay ilantad ninyo sila at ang kanilang mga gawa. Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim. Ang lahat ng nalalantad ay naliliwanagan, at ang naliwanagan ay nagiging liwanag. Kaya’t sinasabi,
“Gumising ka, ikaw na natutulog,
magbangon ka mula sa mga patay,
at liliwanagan ka ni Kristo.”
Ang Salita ng Diyos
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 8, 12
Ang sabi ng Poong mahal,
“Sa daigdig ako’y ilaw.
Kapag ako ay sinundan,
ang dilim ay mapaparam
at sa aki’y mabubuhay.”
MABUTING BALITA
Juan 9, 1-41
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sa paglalakad ni Hesus ay may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya o ang kanyang mga magulang?” Sumagot si Hesus, “Ipinanganak na bulag ang lalaking ito, hindi dahil sa nagkasala siya o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos. Dapat nating gawin ang mga ipinagagawa ng nagsugo sa akin samantalang araw pa; dumarating ang gabi at wala nang makagagawa. Habang ako’y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” Pagkasabi nito, si Hesus ay lumura sa lupa at gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe.” (Ang kahulugan nito’y Sinugo.) “Maghilamos ka roon.” Gayon nga ang ginawa ng bulag at nang magbalik ay nakakita na.
Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya’y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang lalaking dating nagpapalimos?” Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” “Hindi! Kamukha lang,” wika naman ng iba. At sumagot ang lalaki, “Ako nga po iyon.” “Paano kang nakakita?” tanong nila. Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Hesus ay gumawa ng putik at ipinahid sa aking mga mata. Pagkatapos, sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.’ Kaya’t pumaroon ako at naghilamos, at nakakita na ako.” “Nasaan siya?” tanong nila sa kanya. “Ewan ko po,” sagot niya.
Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at padilatin ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, naghilamos ako pagkatapos, at ngayo’y nakakikita na ako.” Ang sabi ng ilan sa mga Pariseo, “Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makagagawa ng ganitong kababalaghan ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa ng palagay.
Kaya’t tinanong nila uli ang dating bulag, “Ikaw naman, yamang pinadilat ni Hesus ang iyong mga mata, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya?” “Siya’y isang propeta!” sagot niya. Ayaw maniwala ang mga Judio na siya’y dating bulag, kaya’t ipinatawag nila ang mga magulang ng taong iyon. At tinanong sila, “Anak ba ninyo ito? Talaga bang siya’y ipinanganak na bulag? Bakit nakakikita na siya ngayon?” Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam po naming siya ang aming anak, at siya’y ipinanganak na bulag. Ngunit hindi namin alam kung bakit nakakikita na siya ngayon, o kung sino ang nagpadilat sa kanya. Siya na po ang tanungin ninyo. Siya’y may sapat na gulang na at makapagsasabi ng tungkol sa kanyang sarili!” Ganito ang sabi ng kanyang mga magulang dahil sa takot sa mga Judio, sapagkat pinagkaisahan ng mga Judio na itiwalag sa sinagoga ang sinumang magpahayag na si Hesus ang Mesiyas. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya’y may sapat na gulang na; siya po ang tanungin ninyo.”
Kaya’t muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sabihin mo ang totoo! Alam naming makasalanan ang taong iyon.” Hindi ko po alam kung siya’y makasalanan o hindi,” tugon niya. “Isang bagay ang alam ko: dati akong bulag ngunit ngayo’y nakakikita na.” “Ano ang ginawa niya sa iyo?” tanong nila. “Paano niya pinadilat ang iyong mga mata?” Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, at ayaw ninyong pakinggan. Ano’t ibig ninyong marinig uli? Ibig din ba ninyong maging alagad niya?” At siya’y inalipusta nila. “Ikaw ang alagad niya,” sabi nila. “Ngunit kami’y mga alagad ni Moises. Nalalaman naming nagpakita ang Diyos kay Moises; ngunit ang taong iyon – ni hindi namin alam kung saan nanggaling!” Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang kataka-taka! Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling, gayung pinadilat niya ang mga mata ko. Alam nating hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit pinakikinggan niya ang mga tunay na sumasamba sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban. Buhat sa pasimula ng sanlibutan ay wala pang nakapagpapadilat ng mata ng taong ipinanganak na bulag. Wala pong magagawa ang taong iyon kung siya’y hindi mula sa Diyos!” Sumagot sila, “Ipinanganak kang makasalanan at ikaw pa ang magtuturo sa amin?” At siya’y itiniwalag nila.
Nabalitaan ni Hesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya’t tinanong niya ang lalaki nang matagpuan niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin, upang ako’y manampalataya sa kanya.” “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo,” ani Hesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Hesus.
Sinabi pa ni Hesus, “Isang kahatulan sa sanlibutan ang pagparito ko, upang makakita ang mga bulag at mabulag ang mga nakakikita.” Narinig ito ng ilang Pariseong malapit sa kanya at siya’y tinanong, “Ibig mo bang sabihi’y bulag din kami?” Sumagot si Hesus, “Kung kayo’y bulag, wala sana kayong kasalanan. Ngunit sinasabi ninyong nakakikita kayo, kaya’t nananatili ang inyong mga kasalanan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Juan 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sa paglalakad ni Hesus ay may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag. At si Hesus ay lumura sa lupa at gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe.” (Ang kahulugan nito’y Sinugo.) “Maghilamos ka roon.” Gayon nga ang ginawa ng bulag at nang magbalik ay nakakita na.
Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya’y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang lalaking dating nagpapalimos?” Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” “Hindi! Kamukha lang,” wika naman ng iba. At sumagot ang lalaki, “Ako nga po iyon.”
Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at padilatin ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, naghilamos ako pagkatapos, at ngayo’y nakakikita na ako.” Ang sabi ng ilan sa mga Pariseo, “Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makagagawa ng ganitong kababalaghan ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa ng palagay.
Kaya’t tinanong nila uli ang dating bulag, “Ikaw naman, yamang pinadilat ni Hesus ang iyong mga mata, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya?” “Siya’y isang propeta!” sagot niya. Sumagot sila, “Ipinanganak kang makasalanan at ikaw pa ang magtuturo sa amin?” At siya’y itiniwalag nila.
Nabalitaan ni Hesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya’t tinanong niya ang lalaki nang matagpuan niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin, upang ako’y manampalataya sa kanya.” “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo,” ani Hesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Sabado, Marso 18, 2023
Lunes, Marso 20, 2023 »
{ 7 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din bilang “Linggo ng Laetare”. Ang “Laetare” ay isang salitang Latin na isinalin sa wikang Ingles bilang “rejoicing”. Ito ang panahon kung saan sa pagtapat natin sa kalagitnaan ng Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Simbahan na magalak. Ang Pari ay maaring sumuot ng Rosas na kasulya, at ang altar ay maaring gayakin ng mga bulaklak. Sa paggamit ng mga instrumento para sa mga himig, maaring tumugtuog din ng “Instrumental”. Kung mapapansin natin ang Pambungad na Pagpasok sa Misa para sa araw na ito, inaanyayahan ni Propetang Isaias na magalak ang bayan ng Jerusalem dahil sa dumating na kaligtasan nito. Kaya sa gitna ng ating pagsisisi at pagsasakripisyo ngayong Kuwaresma, kailangan nating magalak sapagkat darating na ang pagdiriwang ng ating kaligtasan sa Semana Santa, at ito’y hahantong sa Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.
salamat po
Pagninilay: Ang Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din bilang “Linggo ng Laetare”. Ang “Laetare” ay isang salitang Latin na isinalin sa wikang Ingles bilang “rejoicing”. Ito ang panahon kung saan sa pagtapat natin sa kalagitnaan ng Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Simbahan na magalak. Ang Pari ay maaring sumuot ng Rosas na kasulya, at ang altar ay maaring gayakin ng mga bulaklak. Sa paggamit ng mga instrumento para sa mga himig, maaring tumugtuog din ng “Instrumental”. Kung mapapansin natin ang Pambungad na Pagpasok sa Misa para sa araw na ito, inaanyayahan ni Propetang Isaias na magalak ang bayan ng Jerusalem dahil sa dumating na kaligtasan nito. Kaya sa gitna ng ating pagsisisi at pagsasakripisyo ngayong Kuwaresma, kailangan nating magalak sapagkat darating na ang pagdiriwang ng ating kaligtasan sa Semana Santa, at ito’y hahantong sa Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.
Itinuturo sa atin ng mga Pagbasa ang pagpapakita ng Diyos ng kanyang kagandahang-loob sa mga taong mapagkumbaba, lalo na sa mga dumadanas ng mga pagsubok. Ang Unang Pagbasa ay ang pagkahirang ni Samuel, ang huling hukom ng Israel, sa bagong hari ng Israel. Nangyari ito sapagkat hindi naging kalugud-lugod ang pag-uugali ni Haring Saul dahil sa pagsusuway nito sa Diyos na maghandog ng alay ng mga Filisteo kaysa sa lusubin sila sa labanan, kaya’t pinahayag na ng Diyos na bilang na ang mga araw ng paghahari nito. Natunghayan natin na pumunta si Samuel sa bayan ng Bethlehem sa bahay ni Jesse. At dito’y pinakilala ni Jesse ang kanyang pitong anak na lalaki, na parehas ang pamantayan ng Panginoon, na hindi sa mga ito’y pinipili niya bilang hari. At makikita rin natin kung paanong lumapit lang si David, ang pastol at pinakabunso sa 8 magkakapatid, sa pagkakataong huli na siyang tinawag na pumunta kay Samuel. At nakita nga natin kung paanong inutos ng Diyos si Samuel na pahiran ng langis si David sa harap ng kanyang mga kapatid, at napuspos siya ng Espiritu Santo. Nakita natin kung paanong si David ay nakipagdigmaan laban sa mga Filisteo sa pagpasalang sa pinakabangis na sundalong si Goliat, at ang pakikipagkaibigan kay Jonathan (anak ni Saul), at ang pakikipagkasundo sa tinanggal na haring Saul sa kabila ng pagka-inggit nito at tangkang pagpatay sa kanya. At matapos ang masalumuot na pagpanaw ni Saul, naging hari ng Juda si David, at pagkaraan din ng ilang taon ay naging hari ng Israel.
Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagtatagpo ni Hesus at ang kanyang mga alagad sa isang lalaking pinanganak na bulag. At ayon sa lumang paniniwala ng mga Hudyo, ang mga taong pinanganak na bulag ay nangyari dahil sa kanyang pagkakasala o kaya namana dahil sa kasalanan ng kanyang mga magulang. Kaya’t dito makikita natin na kahit matapos siyang pagalingin ng Panginoon ay nagbubulag-bulagan ang mga Pariseo na siya’y pinagaling ni Hesus, at nais kunin ng pagkakataong pagbintangin si Hesus ng paglabag sa batas ng Araw ng Pamamahinga (dahil sa paggaling na itinuturing nila na pinagbabawal na trabaho sa banal na araw). Kahit mga magulang ng anak ay pilit na pinapaamin kung paano napagaling ang kanilang anak, na siya lamang ang nakakasaksi sa nangyari sa kanya. At dito binalik tayo sa puntong ayaw nila tanggapin ang mabuting gawain ni Hesus sa isang bulag (lalo na sa isang taong ipinanganak na bulag), kaya’t pinipilit nila ang lalaking huwag iugnay ang kanyang paggaling sa itinuturing nila na kaaway ng Kautusan ni Moises. Ngunit nakita natin kung paanong tumindig ang lalaki sa pagpapahayag ng katotohanang si Hesus nga ang nagpagaling sa kanya, at ito’y sapat na biyaya na para sa kanya na dating bulag sapagkat nakita niya sa ginawa ni Hesus sa kanya ang mabuting kalooban ng Diyos. Subalit nakita rin natin kung paanong itanggi ng mga Pariseo ang kanyang pahayag dahil sa paniniwalang siya ay nabuhay sa kasalanan, kaya’t nabulag, at pinatiwalag pa. Subalit sa kabila nito ay nasumpung niya pa rin si Hesus at nagpasalamat, at nagpahayag nang may pananampalataya na ang nagpagaling sa kanya at nag-utos na maghilamos sa tubig ng Siloe ay ang Mesiyas. At ang pangyayaring ito’y nagpapatunay sa mga sinabi ni Hesus, na ang lalaking ipinanganak na bulag ay kailanma’y hindi galing sa kasalanan ni namana sa kasalanan ng mga magulang, kundi ito’y isang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos Ama upang ang liwanag ay magningning sa mga bulag na sila’y makakita. Subalit alam ni Hesus na kahit ang mga nakakakita ay patuloy na nagbubulag-bulagan sa tunay na kagandahang-loob ng Ama. At nakita natin dito sa pag-uugali ng mga Pariseo at mga pinuno ng Judaismo na patuloy na nagbubulag-bulagan sa mga mabuting kababalaghan ni Hesus, na pilit nilang hinahanapan ng butas para lang masabi na kabalastugan lamang at nagmula raw sa Diyablo ang kanyang ministeryo. Sa kabila nito ay patuloy ang misyon ni Kristo na pagpaparangal at pagpapagaling upang maihayag niya ang kaluwalhatian ng Diyos Ama at maging masunurin sa kanyang dakilang kalooban.
Mga kapatid, itinuturo sa atin ng mga Pagbasa ngayon ang pagkilala sa kabutihang-loob ng Diyos. Ipinakita niya na wala siyang pinipiling napakatanging tao ni nagpapakita ng paborito, kundi pantay-pantay ang kanyang pagtrato sa lahat. At ang paanyaya ng biyayang ito ay ang pagtugon sa kanyang panawagang mamuhay sa liwanag. Kaya ito ang paalala ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayo noong napapaligiran noon ng dilim ay nabubuhay ngayon sa liwanag, kaya’t inaanyayahan tayo na pag-aralan kung ano ang kalugud-lugod na disposyon sa mata ng Panginoon. Samakatuwid, binabalaan tayo laban sa mga makamundong bagay na magbubunga lamang sa pagkakasala, sapagkat ang lahat ng mga nililihim na kasamaan ay mabubunyag sa liwanag. Kaya nga itong Panahon ng Kuwaresma ay ang ating espirituwal na paghahanda para sa muling pagsasariwa ng mga Pangako sa Binyag sa darating na Bihilya at Araw ng Muling Pagkabuhay (Easter). Kaya’t tumugon tayo na patuloy na mamuhay sa kagandahang-loob na Diyos na huwag magpili ng mga paborito at huwag magbulag-bulagan sa kanyang kabutihang ginawa sa ibang tao. Patuloy tayong lumakad sa kanyang liwanag.
Tunay na liwanag sa aming buhay ang mabasa ang mga ibinibigay na pagninilay. More power po to enlighten us many as you can and we’re hoping po na mas maraming masugid na sumunaybay sa inyong website. In your inspiring words, we are so much grateful. God bless po!
Papuri at pasasalamat sa Diyos!
Ako ay sobrang nagpapasalamat at nagagalak na nagkaroon ng website na Awit at Papuri.com.
Nakalagay ito sa home page ng aking mobile. Napakahalaga nito at itinuturing ko siyang yaman at aking ninanamnam ang mga pagbasa at panalangin dito.. Nadadagdagan sa ang aking kaalaman, karunungan at kalakasan sa tuwing binabasa at pinapakinggan ko ang mensahe ng Panginoong Diyos sa pamamagitan nito.
Ito ang siya kong ginagamit sa aking Morning Prayer.
Nahasa ang aking pagsasalita at pagpapahayag ng salita ng Diyos sa Tagalog at natuto ako at naging
mapagkumbaba at matatag lalo sa pagbibigay ng panayam sa aking mga pamayanan.
Tunay na nangungusap at nagpapahayag ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Salita!
God bless you!
Tanggapin si Kristo bilang liwanag.
Isapuso ang liwanag ng Panginoon at maging liwanag tayo sa ating kapwa.
Amen.