Biyernes, Hulyo 31, 2026

July 31, 2026

Paggunita kay San Ignacio ng Loyola, pari

Jeremias 26, 1-9
Salmo 69, 5. 8-10. 14

Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.

Mateo 13, 54-58


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Ignatius of Loyola, Priest (White)

Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-17 sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
Jeremias 26, 1-9

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Nang pasimula ng paghahari sa Juda ni Joaquim na anak ni Josias, tumanggap si Jeremias ng pahayag mula sa Panginoon: “Tumayo ka sa bulwagan ng templo at magsalita ka sa mga naninirahan sa lahat ng lungsod sa Juda na naparoon upang sumamba. Huwag kang maglilihim ng anuman. Baka sakaling sila’y makinig at tumalikod sa kanilang masamang pamumuhay. Kung magkagayon, pahihinuhod ako at hindi ko na itutuloy ang parusang inihahanda ko sa kanila dahil sa masasamang ginagawa nila.”

“Sasabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ng Panginoon: Kung hindi kayo makikinig sa akin, at kung hindi ninyo susundin ang mga utos ko sa inyo, at di ninyo pakikinggan ang sinasabi ng propetang sinugo ko sa inyo, ang templong ito’y itutulad ko sa Silo, at gagamitin ng mga bansa ang pangalan ng lungsod na ito sa panunungayaw.’”

Ang pahayag na ito ni Jeremias ay napakinggan ng mga saserdote, ng mga propeta, at ng lahat ng taong nasa Templo ng Panginoon. Pagkatapos niyang magsalita, si Jeremias ay dinakip nila. “Dapat kang mamatay! Bakit nagpahayag ka sa pangalan ng Panginoon na matutulad sa Silo ang Templong ito, mawawasak ang lungsod, at walang matitirang sinuman?” At siya’y pinaligiran ng mga tao.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 69, 5. 8-10. 14

Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.

Ang nangamumuhi nang walang dahilan,
higit na marami sa buhok kong taglay;
daming sinungaling na nagpaparatang,
ang hangad sa akin ako ay mapatay;
ang pag-aari kong di naman ninakaw,
nais nilang kuni’t dapat daw ibigay.

Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.

Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi,
napahiyang lubos sa pagkaunsiyami.
Sa mga kapatid parang ako’y iba,
kasambahay ko na’y di ako kilala.
Ang pagmamahal ko sa banal mong templo,
matinding-matindi sa kalooban ko;
sa akin bumagsak, paghamak sa iyo.

Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.

At sa ganang akin, ako’y dadalangin
sa iyo, O Poon, sana’y iyong dinggin
sa mga panahon na iyong ibigin;
dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay sundin.

Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.

ALELUYA
1 Pedro 1, 25

Aleluya! Aleluya!
Balita sa inyo ngayo’y
salita ng Panginoong
iiral habang panahon.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 13, 54-58

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, umuwi si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya. Sabi nila, “Saan kumuha ng karunungan ang taong ito? Paano siya nakagagawa ng kababalaghan? Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina, at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid na lalaki? At dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba? Saan niya natutunan ang lahat ng ito?” At ayaw nilang kilanlin siya. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sa kanyang sariling sambahayan.” At dahil sa di nila pagsampalataya hindi siya gumawa roon ng maraming kababalaghan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 24, 2020 at 8:29 pm

Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa pagpropesiya ni Jeremias laban sa Juda na pinagmumunuan ni Joaquim dahil sa mga makasalanang gawain ng mga tao laban sa Panginoon. Sinabi niya na hahantong ang mga ito sa pagkaranas ng pag-iisahan sila ng kanilang mga kaaway. Ngunit hindi ito’y pinaniwalaan ng mga saserdote, propeta, at tao na tilang inaakala nilang baliw si Jeremias. Kaya’t hinatol nila na siya’y patayin o kaya ikulong nalang siya. Hindi tinanggap ng Juda ang mensahe ng Jeremias na mula pa sa Panginoon.

Ang Ebanghelyo ay tungkol sa malungkot ng pangyayari nang di matanggap ng mga taga-Nazaret ang kanilang kababayan na si Hesus. Siya’y nagturo sa kanilang sinagoga, ngunit nagduda sila sa kanya dahil tingin nila siya’y anak lamang ng karpintero na si Jose. Hindi nila pinaniwalaan siya bilang propeta at higit pa bilang Anak ng Diyos. Kaya’t sinabi ni Hesus na walang propetang tinatanggap sa kanyang sariling bayan at pamayanan. At sabi nga sa huli ay hindi siya nakapaggawa ng anumang kababalaghan diyan dahil sa pagkukulang ng kanilang pananampalataya.

Ang hinding pagtanggap kina Jeremias at Kristo ay nagpapahiwatig kung gaanong di naunawaan ang mensahe ng Diyos dahil maliit lang ang kanilang pananampalataya. Ngunit makikita natin dito yung katatagan ng pananampalataya nina Jeremias at Hesus dahil ang itinuro nila ang kahalagahan ng pagsunod sa kalooban ng Ama. Yung nga ilang, inuna muna ng kanilang audensiya ang pagkiling sa kanilang katauhan.

Sa ating buhay, nawa’y makinig tayo sa mga taong nagpapahayag tungkol sa mga mensahe ng Panginoon, yung mga tinuguran na “mga propeta ng kontemporaryong panahon” na wala tayong kinikilingan at pinoprotektahan na masamang gawain. Nawa’y tanggapin natin ang Panginoon sa ating buhay at maging kanyang mga saksi upang ipagpahayag ang Mabuting Balita ng Paghahari ng Diyos sa mga taong hindi pa kilala siya at mahina ang pananampalataya sa kanya.

Reply

Reynald David Perez July 27, 2022 at 5:50 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang ng buong Simbahan ngayon ang Paggunita kay Santa Marta. Isa si Santa Marta sa mga kababaihang tagasunod ni Hesus at mga malalapit niyang kaibigan. Siya ang kapatid nina San Lazaro at Santa Maria ng Betania. Kilala siya sa paglilingkod sa mga pisikal na pangangailangan ng mga panauhin sa kanilang sambahayan. Minsan nga siya’y nagreklamo sa Panginoong bisita sa kanilang bahay na pagsabihan ang kanyang kapatid na si Maria na tulungan siya. Ngunit ipinaalala ni Hesus sa kanya na hindi dapat siya maging abala sa maraming bigay, kundi gawin ang nararapat na makinig sa Panginoon, katulad na ginagawa ni Maria.

Nang nabalitaan ni Hesus na may sakit ang kanyang kaibigang si Lazaro, alam ni Hesus na mamatay si Lazaro hindi dahil nais niya ito, kundi upang iphayag sa magkapatid, mga bisita nina Marta at Maria, at pati na rin sa mga Apostol ang tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos. Kaya nang makita ni Marta si Hesus, parang nanumbat siya sa Panginoon na dapat dumating rito noong buhay pa ang kanyang kapatid na si Lazaro. Ngunit idineklara ni Kristo kay Marta bilang Muling Pagkabuhay at ang Buhay, na sinumang sumasampalataya sa kanya ay mabubuhay kailanman at hindi na mamamatay. Kaya sumampalataya si Marta sa paniniwalang si Kristo ay ang Anak ng Diyos. Bagamat naging abala rin si Marta nang ipinauurong ni Hesus ang bato mula sa libingan dahil sa naagnas na katawan ni Lazaro, ipinaalala rin ng Panginoon sa kanya na makikita niya ang kaluwalhatian ng Diyos kung siya’y sasampalataya. Kaya binuhay muli ni Hesus ang kanyang kaibigan mula sa kamatayan. Pagkatapos nito ay nagkaroon ng isang piging sa Betania, na kung saan si Marta ay naghanda, samantala si Maria ay nagbuhos ng langis sa paa ni Hesus. Ito ang kanilang pasasalamat sa Panginoon sa pagbubuhay ng kanilang minamahal na kapatid na si Lazaro.

Makikita natin sa buhay ni Santa Marta ang kahalagahan ng pagsisikap at paglilingkod para sa Panginoon. Kasama nina Santa Maria at San Lazaro, siya’y nagbigay ng aliw sa ating Panginoong Hesukristo sa nalalapit na Pagpapasakit at Pagkamatay sa Krus nito sa Jerusalem. At ipinaalala rin sa atin sa kwento ng magkakapatid na taga-Betania ang pananamapalataya na hindi lahat ay natatapos sa kamatayan, subalit mayroon pang darating na kaligayahan sa buhay na walang hanggan kung tayo ay patuloy na mananalig kay Kristo.

Reply

Malou Castaneda August 1, 2024 at 9:01 pm

PAGNINILAYi
Isa sa mga paraan kung saan nagdurusa ang mga tao sa ating lipunan ay ang kahihiyan at diskriminasyon batay sa pinagmulan ng magulang. Ito ay dinaranas ng mga taong kabilang sa mababang pangkat at mga gumagawa ng hamak na trabaho. Sa Ebanghelyo ngayon, makikita natin na bagama’t nagsalita si Hesus ng walang kapantay na karunungan, hinatulan Siya batay sa pinagmulan ng magulang at katayuan sa lipunan ng Kanyang pamilya. Ang mga tao ay hindi naniwala sa Kanya at dahil dito hindi Siya gumawa ng maraming himala para sa kanila. Ang ating lipunan ay hindi mabuti sa mga taong mababa ang katayuan sa lipunan. Marami rin sa atin ang malupit sa mga may kapansanan na pisikal, mental o sikolohikal. .

Iniiwasan ba natin o hinuhusgahan ang mga taong tila higit pa sa inaakala nating nararapat? Minsan, hinuhusgahan na natin ang iba bago natin namamalayan na huhusgahan sila. Matuto tayong maging bukas sa pagkilala at pagtanggap ng kabutihan at katotohanan kahit saan. Nawa’y matauhan tayo at sadyang “ilagay natin ang isip at puso ni Hesus.”

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming makita ang Diyos na gumagawa sa amin, sa aming mga kaibigan at kapitbahay. Amen.
***

Reply

Group of Believer Poblite August 2, 2024 at 6:53 am

MAGNILAY: Bihirang-bihira sa isang pari ang italagang maging kura paroko sa kanyang pinanggalingang parokya. Ang maaaring dahilan: “Ang isang propeta’y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” Tulad ni Hesus mahirap paniwalaan ang isang pamilyar ka sa kanyang pinanggalingan. Mahirap tanggapin na ang kamag-anak o kapitbahay mo na minsan ang pakiramdam mo may mas karapatan ka kaysa kanya ay ngayon nangangaral na sa iyo. Mahirap igalang ang isang taong kilala mo lalo na kung may maitim siyang nakaraan. Gayunpaman, hindi imposible ang mangaral sa sarili mong pamilya, kamag-anak o kababayan tulad ng ginawa ni Hesus. Kung tutuusin ang pamilya mo ang una mo dapat ilapit sa Panginoon. Sila ang una mong dapat pagsilbihan bilang lingkod ng Panginoon. Kahit ang mangaral sa kanila ang pinakamalaking hamon ng iyong paglilingkod hindi mo dapat iwasan o talikuran ang hamon na ito. Sa kanila mo lalong nagagampanan ang iyong tungkulin nang walang pagkukunwari. Kilala ka nila kahit ang mga hindi naging maganda sa buhay mo pero nariyan ka bilang patotoo na binago ka, minahal ka at tinawag ka ng Panginoon!

MANALANGIN: Panginoon, maging propeta at sugo mo nawa ako una sa sarili kong pamilya, kamag-anak at kababayan.

GAWIN: Mangaral ka hindi lang sa mga taong madali kang pakinggan at tanggapin kundi rin naman sa mga taong pinakamahirap kang pakinggan at paniwalaan.

Reply

Mel Mendoza July 31, 2026 at 1:19 am

PAGNINILAY:
Mateo 13:54–58

Sa natunghayan natin sa Ebanghelyo ang mga taong pinakamalapit kay Hesus ang siya ring unang tumanggi sa Kanya. Dahil kilala nila ang Kanyang pamilya at simpleng pinagmulan, hindi nila nakita ang Kanyang tunay na pagiging Mesiyas kundi ang Kanyang pagkatao bilang anak ng karpentiro. Ang kanilang pagiging familiar kay Hesus ay naging hadlang upang makilala ang Diyos na kumikilos sa kanilang harapan.

Ganito rin ang panganib sa ating buhay. Kapag nasanay tayo sa Misa, sa Salita ng Diyos, sa mga Sakramento, o maging sa mga taong ginagamit ng Diyos, maaari mawala ang paghanga at pagtitiwala. Ang pagiging pamilyar ay maaaring humantong sa pagmamaliit, paghuhusga, at maging sa inggit o insecurities. Kapag ang puso ay sarado dahil sa pagmamataas, hindi nito nakikita ang biyaya ng Diyos sa kapwa.

Hindi nabawasan ang kapangyarihan ni Kristo; ang hadlang ay ang kawalan ng pananampalataya. Hanggang ngayon, ang Diyos ay patuloy na kumikilos sa mga karaniwang tao o sa ating kapwa lingkod Simbahan at sa mga simpleng pangyayari. Ang tanong ay: May kababaang-loob ba tayong kilalanin Siya? sa mga ordinaryong mga taong ginagamit Niya o sa ating araw araw na payak na mga karanasan?

Ang mga himala ni Kristo ay mga tanda ng pagdating ng Kaharian ng Diyos, ngunit ang mga ito ay nagbubunga lamang sa pusong bukas sa pananampalataya. Ang biyaya ng Diyos ay hindi ipinagkakait; ang pusong sarado lamang ang hindi ito natatanggap.

Puso ng Ebanghelyo:
“Kapag ang pagiging pamilyar ay nauwi sa pagmamaliit, nawawala ang kakayahang makilala ang Diyos na kumikilos sa ating harapan.”

Itinuturo ng CCC 142–143 at 548 na ang pananampalataya ay tugon sa Diyos na naghahayag ng Kanyang sarili. Ang pusong mapagpakumbaba ang tunay na nakakakita sa Kanyang pagkilos.

Pagsasabuhay:
Magalak sa biyayang ipinagkakaloob ng Diyos sa iba. Huwag hayaang ang paghahambing, inggit, o pagiging pamilyar ang magsara ng puso sa Kanyang biyaya.

Hamon ng Ebanghelyo:
Kilalanin si Kristo hindi lamang sa mga pambihirang himala kundi sa mga ordinaryong tao at pangyayari na Kanyang ginagamit araw-araw.

Word of the Day: FAMILIARITY
Ang pagiging pamilyar ay biyaya kung ito’y humahantong sa mas malalim na pagkilala kay Kristo, ngunit nagiging hadlang kapag nauuwi sa pagmamaliit at kawalan ng pananampalataya.

Panalangin:
Panginoong Hesus, ilayo Mo ako sa pagmamataas, paghuhusga, at pagiging manhid sa Iyong presensya. Bigyan Mo ako ng mapagpakumbabang puso upang makilala Kita sa bawat tao at pangyayari, at manatiling bukas sa Iyong biyaya. Amen.

To God be the highest glory, now and forever. Amen.

Reply

Anton Muya July 31, 2026 at 4:06 am

Pakikinig

Sa ating Salmo, tayo ay nagsusumamo sa Diyos na tayo ay mapakinggan niya: “Panginoon, iyong dinggin akong iyong ginigiliw.” Samantala sa ating dalawang pagbasa ngayong araw, ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan nina Jeremias at ng Panginoong Hesus. Tunay na sa isang pakikipagrelasyon, tayo ay nagmamahal gamit ang komunikasyon. Nais nating mapakinggan, at isang hamon ang pakikinig.

Ngayon ay kapistahan ng isang tanyag na guro ng Simbahan na si San Ignacio ng Loyola. Kilala sa kanyang Spiritual Exercises na nagsasagawa ng patuloy na pakikinig sa Espiritu ng Diyos. Kilala ang kanyang mga pamamaraan bilang mga tools (katulad ng Spiritual Conversation) sa pagkilatis ng mga espirituwal na bagay, sa pagtukoy kung ano ang mabuti at masama, at ang pinagkaiba ng mabuti at mas mabuti, na may paglalayon na makamit ang mas higit na papuri at kaluwalhatian para sa Diyos: Ad Majorem Dei Gloriam.

Katulad ni San Ignacio ng Loyola, ang pakikinig sa Salita ng Diyos ay ang pinaka-importanteng bagay sa buhay na siyang dapat na hindi mawala sa buhay ng tao. Sa pagkilatis ng mga bagay-bagay, hindi magandang matulad sa mga kritiko nina Jeremias at ng Panginoong Hesus na awtomatikong may paunang-paghuhusga (pre-judgment o bias) kaagad at bumabase lamang sa kanilang pagkakilala sa pisikal na katauhan. Ang mas mainam: pakinggan ang mensahe at alamin kung nangungusap ba ang Panginoon sa mensaheng narinig. At sa pakikinig, timbangin kung ito ba ay makakatulong upang mapalapit tayo sa Diyos at masusunod ang kanyang mga utos.

Madalas sa ating mga tao, iniisip kaagad natin: Ano ba ang kanyang mga credentials? Saan ba siya nag-aral at ano ang kanyang natapos? Kilala ba ang kanyang pamilya? Sikat ba siya? Ano bang mga awards nila? Mayaman ba siya? Ang makamundong batayan bago mapakinggan: mayaman, sikat, impluwensya at makapangyarihan. Ang mga bagay na ito ay hindi masama lalo na kung ito ay ginagamit natin para sa ikabubuti ng marami, at marahil sila ay biniyayaan ng mga ito upang makapaglingkod sa mga tao. Ang problema, madalas na pinipili ng Diyos ang mga payak, mababa ang loob, makatotohanan at tapat sa pagsunod sa kanya. Hindi bumabase ang Diyos sa makamundong batayan. Kaya posibleng nagsasalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga aba at maling-mali na huhusgahan kaagad natin sila base sa kanilang pisikal na pagkatao.

Ang hamon sa atin: araw-araw pakinggan ang Salita ng Diyos (sa mga pahayag ng Bibliya at mga turo ng Simbahan sapagkat ang makakabuti lamang sa atin ang mga hangad nito) at maglaan ng oras ng pakikinig sa kanyang personal na mensahe para sa iyo. Pakinggan rin ang Diyos sa sinasabi ng kasalukuyang panahon mula sa mga simpleng tao tulad ng kapatid, kaibigan, kapitbahay, mga inaapi at nasa laylayan ng lipunan, o sino mang mga ipinadala ng Diyos sa ating buhay na nangungusap sa atin. Pakinggan rin natin ang kapatid nating sangnilikha: ang kapaligiran at kalikasan na patuloy na nagbibigay-buhay para sa atin, kung kumusta na sila at kung kailangan ba nila ng ating tulong upang sila ay lalong lumago. Ano ang mensahe ng Diyos sa mga ito na nangungusap sa atin?

San Ignacio ng Loyola, turuan mo kaming kumilatis ng espiritu upang matunghayan namin ang Salita mula sa Diyos at kumilos ng naaayon sa kanyang kalooban.
San Ignacio ng Loyola, ipanalangin mo kami. Come Holy Spirit.

Reply

Chris Alphonsus John Terence of the Holy Eucharist July 31, 2026 at 7:14 pm

Pagninilay:

Mapagpalang Paggunita kay San Ignacio ng Loyola, pari! Nang bumalik ang ating Panginoong Hesus sa Kanyang bayan sa Nazaret at nagturo, hindi naniwala sa Kanya ang mga tao roon. Kilala ang Nazaret bilang lugar na walang banal na nagmumula roon. Hindi sila makapaniwala na sa simpleng pamumuhay ni Hesus bilang anak ni Maria at sa pagkakaroon ng kapamilya (ngunit hindi bayolohikal na kapatid tulad ng naipaliwanag sa artikulo sa sanggunian [1]) ay makakaimpluwensya si Kristo sa maraming tao para mapalapit sila sa Diyos. Sa katotohanan, nakaranas din sila ng inggit dahil sa ating Panginoon napupunta ang atensyon at ginagamit lamang nila ang ibang impormasyon sa Kanyang buhay upang ibaba Siya. Dahil sa hindi sila nanalig kay Hesus, “hindi Siya gumawa roon ng maraming kababalaghan.” Ang pananampalataya ay mahalaga upang magkaroon ng mga himala na naganap sa mga taong nanalig kay Kristo, ngunit hindi ito naganap sa Kanyang sariling bayan. Bukod pa rito, ang himala na mababasa natin sa Mabuting Balita ay nagtuturo sa mas malaki at dakilang himala: ang kaligtasan ng ating kaluluwa.

Ayon sa Katekismo ng Simbahang Katolika, “Believing in Jesus Christ and in the One who sent him for our salvation is necessary for obtaining that salvation” (CCC 161). Para sa atin na nakakagamit na ng rason at mayroong kalayaan, mahalaga na tayo ay maniwala kay Hesus at sa Kanyang mga turo upang makamit natin ang kaligtasan at magkaroon ng pagbabago sa ating kaluluwa. Ang ganitong uri ng himala, na tinatawag ding “moral miracle,” ay higit na dakila kaysa sa mga pisikal na himala sapagkat ito ang higit na ninanais ng Diyos para sa atin at ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga pisikal na himala sa simula pa lamang. Para sa hindi maniniwala kay Hesus at gagawa ng mortal na kasalanan dahil sa pagtalikod sa Diyos, ang pahayag ng Diyos sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Jeremias ay may aplikasyon din nang sabihin ng Diyos: “Kung hindi kayo makikinig sa Akin, at kung hindi ninyo susundin ang mga utos Ko sa inyo, at di ninyo pakikinggan ang sinasabi ng propetang sinugo Ko sa inyo, ang templong ito’y itutulad ko sa Silo, at gagamitin ng mga bansa ang pangalan ng lungsod na ito sa panunungayaw.”

Dating sagrado ang Silo at kabisera ng Israel, ngunit dahil sa sunod-sunod na mabibigat na kasalanang ginawa ng mga Israelita ay natanggap nila ang parusa at nasira ang bayang ito. Sa Bagong Tipan, ipinaalala sa atin ni Hesus na ang mas mabigat na parusa ay ang pagkahiwalay sa Diyos, lalo na kapag namatay ang isang tao sa estado ng mortal na kasalanan. Sinabi ni Hesus na ang isang propeta ay hindi natatanggap sa Kanyang sariling bayan at tahanan, ngunit ang mga katagang ito ay mayroon ding simbolismo na sa mga tumatalikod sa Diyos, nagreresulta ang kanilang mga gawa sa pagpapaalis sa presensya ng Diyos sa kanilang mga puso. Ang Ebanghelyo na ating binasa ngayon ay nagpapakita ng ating layunin na magbigay-puri sa Diyos at maligtas ang ating kaluluwa, na siyang itinuro ng santo na ating ginugunita ngayon, si San Ignacio de Loyola. Siya ang nagtatag ng orden na “Society of Jesus” na kilala rin bilang Jesuits o Heswita. Si San Ignacio de Loyola ay gumawa rin ng mga pagninilay na ginagamit sa Ignatian 30-day retreat na tinatawag na “Spiritual Exercises” at kadalasan ay ginagawa ng mga taong nais magnilay ng kalooban ng Diyos tulad ng sa bokasyon at iba pang mahalagang desisyon sa buhay.

Sa Spiritual Exercises, natutuklasan ng mga tao ang bigat ng kasalanan, ang kahalagahan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos, at ang pagpupursige rito sa kabila ng pagdurusa batay sa pagninilay sa sakripisyo ni Kristo at sa kaluwalhatian ng Diyos at Kanyang pag-ibig. Ang pinakabuod nito, na siyang espirituwalidad ni San Ignacio de Loyola, ay matatagpuan sa kanilang “Principle and Foundation” at ilan sa mga katagang ito ay, “Man is created to praise, reverence, and serve God our Lord, and by this means to save his soul.” Sa halip na paalisin ang presensya ng Diyos sa ating buhay, sikapin nating mapalapit ang ating sarili sa Kanya para magbigay-puri sa Kanya at maligtas ang ating kaluluwa. Sa halip na tumalikod kay Hesus, tayo ay lumapit sa Kanya sa Sakramento ng Eukaristiya sa loob ng Adoration Chapel. Tulad ng ginawa ni San Ignacio de Loyola, magnilay din tayo kung ano ang mangyayari sa atin kapag gagayahin natin ang mga santo, dahil ang ganitong repleksyon ang naging simula ng pagbabago ni San Ignacio. Nawa’y pakinggan natin ang tinig ng Diyos sa ating mga puso habang Siya’y nagsasalita sa atin mula sa Kanyang dakilang pag-ibig na magdudulot sa atin ng kapayapaan at kagalakan habang Siya’y ating niluluwalhati. Amen. +

Pagninilay ni: CJTH

Pagbasa: Awit at Papuri Communications

Sanggunian:
[1]Did Jesus Have Brothers? | Catholic Answers Guide to the Holy Family:
https://www.catholic.com/tract/brethren-of-the-lord

Saint Ignatius of Loyola, Priest—Memorial:
https://mycatholic.life/saints/saints-of-the-liturgical-year/july-31-saint-ignatius-loyola-priest/?_gl=1*1mu4cs7*_ga*MTE0NDI0NTc5Ni4xNzU0ODEwMjA1*_ga_3M3Z1T3KZ8*czE3ODU0OTU3ODMkbzQwMSRnMSR0MTc4NTQ5NTc5NSRqNDgkbDAkaDA.

Summary and Defense of Catholic Teachings:
https://www.catholic.com/tract/pillar-of-fire-pillar-of-truth

Ultimate Catholic Parents Guide:
https://youtube.com/watch?v=Ls6IcexZAls

Examination of Conscience and Guide to Sacrament of Confession:
https://mycatholic.life/catholic-prayers/examination-of-conscience/

Website on how to raise and guard children in their Catholic faith:
https://howtokeepyourkidscatholic.com/

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: