Podcast: Download (Duration: 9:29 — 11.1MB)
Sabado ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Cirilo ng Alejandria, obispo at pantas ng Simbahan
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Mga Panaghoy 2, 2. 10-14. 18-19
Salmo 73, 1 – 2. 3-5a. 5b-7. 20-21
Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.
Mateo 8, 5-17
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Cyril of Alexandria, Bishop and Doctor of the Church (White)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Mga Panaghoy 2, 2. 10-14. 18-19
Pagbasa mula sa aklat ng mga Panaghoy
Walang awang winasak ng Panginoon ang lahat ng nayon ni Jacob;
sinira niya ang matitibay na kuta ng lupain;
ang kaharian at mga pinuno nito’y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan.
Tahimik na nakalupasay sa lupa ang matatanda sa Jerusalem;
naglagay sila ng abo sa ulo at nagdamit ng sako.
Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod na ang mukha’y halos sayad sa lupa.
Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak.
Bagbag na bagbag ang aking kalooban,
Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapamahakang sinapit ng aking bayan,
nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol.
Nag-iiyakan silat at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin.
Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan.
Unti-unting nangangapos ang kanilang hininga sa kandungan ng kanilang mga ina.
Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem,
Jerusalem, lungsod na pinakamamahal ko?
Saan kita maitutulad upang ika’y aking maaliw?
Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan;
sino ang maaaring magpanauli sa iyo?
Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.
Dumaing ka nang malakas sa Panginoon, Jerusalem.
Araw-gabi, bayaan mong umagos ang iyong luha, gaya ng ilog,
huwag kang titigil nang kaiiyak.
Bumangon ka’t humiyaw nang ulit-ulit sa magdamag,
sa bawat pagsisimula ng oras ng pagbabantay.
Kung baga sa tubig, ibuhos mo
sa harapan ng Panginoon ang laman ng iyong puso!
Itaas mo sa kanya ang iyong mga kamay alang-alang sa iyong mga anak,
nanlulupaypay sila sa gutom, nakahandusay sa mga lansangan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 73, 1 – 2. 3-5a. 5b-7. 20-21
Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.
Bakit kami, Panginoo’y itinakwil habang buhay,
mainit ang hininga mo sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no’ng una,
yaong lahing tinubos mo’t itinakda na magmana;
bundok ng Siong tinir’han mo’y gunitain mo na sana.
Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.
Lapitan mo yaong labi na winasak ng kaaway,
ang labi ng santwaryo mong sinira ang bawat bagay.
Ang loob ng iyong templo’y hindi nila iginalang,
sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyusan.
Ang lahat na nasa loob na sangkap na mga kahoy,
magmula sa pintuan mo’y sinibak at pinalakol.
Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
dinurog at pinalakol niyong mga malulupit.
Yaong banal na santwaryo ay kanilang sinigaan,
nilapastangan nila’t winasak ang templong banal.
Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.
Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
ang masama’y naglipana sa pook na madidilim,
laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
Huwag mo sanang itutulot na ang api’y mapahiya,
bayaan mong ang ngalan mo’y purihin ng dukha’t aba.
Iyong laging gunitain
mga lingkod mong butihin.
ALELUYA
Mateo 8, 17
Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 8, 5-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, pagpasok ni Hesus sa Capernaum, lumapit ang isang kapitang Romano at nakiusap sa kanya: “Ginoo, ang alipin ko po’y naparalisis. Siya’y nararatay sa amin at lubhang nahihirapan.” “Paroroon ako at pagagalingin siya,” sabi ni Hesus. Ngunit sumagot sa kanya ang kapitan, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako’y nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at ako man ay may nasasakupang mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika!’ siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig ito, at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit marami sa lipi ng Israel ang itatapon sa kadiliman sa labas; doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.” At sinabi ni Hesus sa kapitan, “Umuwi na kayo; mangyayari ang hinihiling ninyo ayon sa inyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang alipin ng kapitan.
Pumunta si Hesus sa bahay ni Pedro at doo’y nakita niya ang biyenan nito, nakahiga at inaapoy ng lagnat. Hinawakan ni Hesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Pagkatapos, bumangon ito at naglingkod sa kanya.
Nang gabing iyon, dinala kay Hesus ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu, at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Kinuha niya ang ating mga kahinaan at binata ang ating mga karamdaman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Hunyo 26, 2026
Linggo, Hunyo 28, 2026 »




{ 7 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay mula sa Aklat ng mga Panaghoy. Pinaniniwalaang si Propeta Jeremias ang nagsulat ng aklat na ito. Isa siya sa mga propetang tumuligsa sa pagkakasala ng mga prinsipe, hari, at iba pang makasalanan ng Juda. Dahil dito, bumagsak ang buong kaharian, at ang mga tao ng Jerusalem ay naging bihag ng mga taga-Babilonia. Kaya narinig natin sa pagbasa ang mga panaghoy ng manunulat ukol sa masamang nangyari sa Juda/Jerusalem at sa sambayanan ng Diyos. Subalit kinikilala rin niya ang Panginoon bilang nakikiisa sa pagdurusa ng bayan. Ang Panginoon ay ang Diyos na nagdadalamhati sa pagbagsak ng kanyang banal na lungsod at sa pang-aapi sa kanyang bayan. Subalit ang malungkot na pangyayaring iyon ay magiging tagumpay nang ililigtas niya ang kanyang sambayanang tinipanan mula sa pagkaalipin sa Babilonia.
Ang Ebanghelyo ngayon ay kasunod ng Ebanghelyo kahapon. Matapos niyang pinalinis ang isang ketong, may isang kapitan ng mga kawal na lumapit kay Hesus upang ihiling na pagalingin ang kanyang lingkod. Nang maitanggap ni Hesus ang kanyang hiling, pinigilan niya ito sapagkat ipinahayag niyang hindi siya karapat-dapat na ipagpatuloy ang Panginoon sa kanyang tahanan, ngunit sa isang salita mula nito ay gagaling ang kanyang alipin. Ang kanyang pagpapakumbaba rin ang nagpapatunay na isa siyang taong nasa ilalim ng mas nakakataas kaysa sa kanya. Sapagkat ang isang kapitan ng mga sundalong Romano ay tagatupad lamang ng inuutos ng gobernador, na nagmumula naman sa Emperador. Subalit nakita ni Hesus sa kanya ang isang matinding pananalig, kahit sa buong Israel. Bagamat siya ay isang Hentil, parang nakilala ng kapitan ang Diyos Ama sa pamamagitan ng Diyos Anak na si Hesukristo. Pagkatapos nito ay pinagaling naman ng Panginoon ang biyenan nina San Pedro at San Andres sa kanilang bahay, at nawala ang lagnat mula sa babae kaya siya’y bumangon at naglinkod kay Hesus. At marami pang ginawang kababalaghan si Hesus ukol sa pagpapagaling. Sa gawaing ito, isinasalaysay ni San Mateo ang pagtupad ng isang propesiya ni Isaias ukol sa Mesiyas: na si Kristo ang nag-alis ng mga kasalanan at binata ang mga karamdaman. At alam natin sa hantungan ng kanyang buhay sa Krus, inako niya ang ating kahinaan at mga pagkakasala upang ang maipagkaloob niya sa atin ay kaligtasan. Kaya ang tugon natin ay lubos na pananampalataya sa kanya na may kasamang pagsisikap at paggawa ng katuwiran at kabutihan. Sa ating pagtanggap sa Panginoon ng ating buhay, nawa ang dasal ng Romanong kapitan ay maging dasal rin natin, lalung-lalo tuwing maitatanggap natin si Kristo sa Banal na Pakikinabang: “Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo, ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.”
PAGNINILAY:
Mateo 8:5–17
Ang sentro ng Ebanghelyo ngayon ay ang mga salitang paulit-ulit nating binibigkas bago tumanggap ng Banal na Komunyon:
“Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo, ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.”
Ang mga salitang ito ay nagmula sa mapagpakumbabang kapitang Romano. Bagama’t siya ay may kapangyarihan, kinilala niyang walang kapangyarihang hihigit sa salita ni Kristo. Hindi niya hiniling na personal na pumunta si Hesus sa kanyang bahay; sapat na sa kanya ang isang salita ng Panginoon. Ito ang pananampalatayang namangha maging si Hesus sapagkat ang opisyal na ito ay isang Hentil.
Ipinakikita ng Ebanghelyo na ang biyaya ng Diyos ay hindi nakabatay sa ating pagiging karapat-dapat, kundi sa Kanyang habag at sa ating pananampalataya. Ang pagpapagaling ng alipin, ng biyenan ni Pedro, at ng marami pang maysakit ay tanda na si Hesus ang ipinangakong Mesiyas na “nagdala ng ating mga kahinaan.” Siya ang Dakilang Manggagamot ng katawan, isip, at kaluluwa.
Tuwing sinasabi natin sa Misa ang panalanging ito bago ang Komunyon, hindi lamang ito ritwal. Isa itong taos-pusong pag-amin na hindi natin kayang iligtas ang ating sarili. Tanging ang Salita ni Kristo ang may kapangyarihang magpagaling, magpatawad, at magbigay ng bagong buhay.
Pagsasabuhay:
Sa halip na umasa lamang sa sariling kakayahan, matuto tayong magtiwala sa salita ng Diyos. Kapag may karamdaman, suliranin, kasalanan, o pinagdaraanan, lumapit tayo kay Hesus nang may kababaang-loob at buong pananalig. Ang Kanyang isang salita ay sapat upang baguhin ang ating buhay.
Word of the Day:
“Pananalig”
Ang tunay na pananalig ay ang buong pagtitiwala sa kapangyarihan ng salita ni Kristo, kahit hindi pa natin nakikita ang Kanyang pagkilos.
Purihin ang Panginoon! Ang bawat Komunyon na ating tinatanggap ay paalala na ang parehong Hesus na nagpahayag ng isang salita upang magpagaling noon ay Siya ring dumarating ngayon upang pagalingin ang ating kaluluwa.
Panalangin:
Panginoong Hesus, hindi ako karapat-dapat sa Iyong presensya, ngunit nananalig akong sapat ang Iyong salita upang pagalingin ang aking puso, palakasin ang aking pananampalataya, at baguhin ang aking buhay. Turuan Mo akong magtiwala sa Iyo sa lahat ng pagkakataon. Amen.
To God be the highest glory, now and forever. Amen.
Sa unang pagbasa, ipinapahayag na nakaligtaan ng mga propeta na turuan magsisi ang mga Israelita kaya dumanas sila ng maraming parusa at paghihirap. Ang salitang Hebreo para sa pagsisisi na madalas matatagpuan sa Lumang Tipan ay Teshuvah . Ang ugat nito ay ang salitang shuv , na literal na nangangahulugang “bumalik” o “lumingon pabalik.” Ang tunay na kahulugan nito ay lumalampas sa simpleng pagsasabi ng “sorry” o paghingi ng tawad sa mga nagawang kasalanan.Ito ay “pagbabalik” sa orihinal at dalisay na anyo ng kaluluwa sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ng espiritu ng tao sa pananalig niya sa paskal ni Jesus upang dumating sa kanya ang Espiritu Santo at kasunod nito ay ang pagkabuhay muli ng laman/katawan sa pagbabalik ni Jesus.Ang paraan ng pagsisisi ng Israel ay ang taon taon nilang pag-aalay ng malinis na dugo ng baka, tupa at kambing. Subalit sa unang pagdating ni Jesus ay minsan magpakailanman inalay ang dugo para pambayad ng kasalanan ng sangkatauhan at ang sinumang manalig dito ay nakabalik o nakapagsisi na sa Dios (Isaiah 44:22).
“Walang awang winasak ng Panginoon ang lahat ng nayon ni Jacob;
sinira niya ang matitibay na kuta ng lupain;
ang kaharian at mga pinuno nito’y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan. Tahimik na nakalupasay sa lupa ang matatanda sa Jerusalem;
naglagay sila ng abo sa ulo at nagdamit ng sako.
Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod na ang mukha’y halos sayad sa lupa.Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak.
Bagbag na bagbag ang aking kalooban,
Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapamahakang sinapit ng aking bayan, nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol.Nag-iiyakan silat at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin.
Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan.
Unti-unting nangangapos ang kanilang hininga sa kandungan ng kanilang mga ina.Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem,
Jerusalem, lungsod na pinakamamahal ko?
Saan kita maitutulad upang ika’y aking maaliw?
Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan;
sino ang maaaring magpanauli sa iyo? Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.Dumaing ka nang malakas sa Panginoon, Jerusalem.
Araw-gabi, bayaan mong umagos ang iyong luha, gaya ng ilog,
huwag kang titigil nang kaiiyak.Bumangon ka’t humiyaw nang ulit-ulit sa magdamag, sa bawat pagsisimula ng oras ng pagbabantay.
Kung baga sa tubig, ibuhos mo sa harapan ng Panginoon ang laman ng iyong puso! Itaas mo sa kanya ang iyong mga kamay alang-alang sa iyong mga anak, nanlulupaypay sila sa gutom, nakahandusay sa mga lansangan.
Ang gospel reading ay nagpapakita ng radikal na paglilipat ng biyaya ng Diyos: ang kaligtasan ay bukas na sa mga Gentil dahil sa kanilang pananampalataya, habang ang mga Judio (Israel) ay nanganganib na maiwan dahil sa kanilang kawalan nito. Ang kapitan ay isang Romano (Gentil), ngunit kinilala niya ang kapangyarihan ni Jesus nang higit pa sa nakita ni Jesus sa Israel. Ang pahayag na marami ang “darating buhat sa silangan at kanluran” ay nagpapatunay na ang kaharian ng langit ay hindi na eksklusibo sa lahi ni Abraham kundi bukas sa buong sangkatauhan. Ang babala na “marami sa lipi ng Israel ang itatapon sa kadiliman” ay sumisimbolo sa mga tumanggi na kilalanin si Jesus bilang Mesias. Ipinapakita nito na ang pagiging kabilang sa “piling bayan” (lahi ng Israel) ay hindi awtomatikong magliligtas sa isang tao kung wala silang pananalig kay Jesus. Ang biyenan ni Pedro (na isang Judio) ay naglingkod kay Jesus matapos gumaling ay pagpapakita na iilan lamang sa mga Judio ang nanalig kay Jesus at naligtas.Ito ay sumisimbolo sa tamang tugon ng sinumang tatanggap ng kaligtasan—ang pagkilala kay Jesus at paglilingkod sa Kanya.
“Noong panahong iyon, pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit ang isang kapitang Romano at nakiusap sa kanya: “Ginoo, ang alipin ko po’y naparalisis. Siya’y nararatay sa amin at lubhang nahihirapan.” “Paroroon ako at pagagalingin siya,” sabi ni Jesus. Ngunit sumagot sa kanya ang kapitan, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako’y nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at ako man ay may nasasakupang mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika!’ siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at ginagawa niya.” Namangha si Jesus nang marinig ito, at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit marami sa lipi ng Israel ang itatapon sa kadiliman sa labas; doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.” At sinabi ni Jesus sa kapitan, “Umuwi na kayo; mangyayari ang hinihiling ninyo ayon sa inyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang alipin ng kapitan.
Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at doo’y nakita niya ang biyenan nito, nakahiga at inaapoy ng lagnat. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Pagkatapos, bumangon ito at naglingkod sa kanya.
Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu, at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Kinuha niya ang ating mga kahinaan at binata ang ating mga karamdaman.
Kumusta naman tayo? Nakapagsisi o nakabalik na ba tayo sa Dios sa pamamagitan ng pananalig sa paskal ni Jesus? O patuloy parin tayong humihingi ng tawad bilang patunay na hindi pa tayo lubos na nakabalik sa Dios at gaya lamang tayo ng sinaunang Israel na nag-aalay taon taon ng dugo ng hayop bilang paghingi ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan? Naturuan na ba tayo ng tamang pagsisisi ng minsan lamang at ito ay magaganap sa oras na makapanalig tayo sa paskal ni Jesus?
Ang Salmo ay isang panalangin ng pagdadalamhati dahil sa pagkasira ng Templo sa Jerusalem at ng bayan ng Israel. Ito ay nagpapakita ng kanilang paghahanap sa presensya ng Diyos sa gitna ng matinding pagsubok, na nagkaroon ng malalim na espirituwal na katuparan sa kasaysayan ng Israel at sa buhay ni Jesus.
Katuparan sa Kasaysayan ng Israel. Ang panawagan sa Diyos na gunitain ang winasak na santuaryo ay literal na natupad noong 587 B.C. nang wasakin ng mga taga-Babilonia ang Templo ni Solomon, at kalaunan noong 70 A.D. nang gibain ng mga Romano ang ikalawang Templo. Ang “karahasan sa lupain” at “diyus-diyusan” ay tumutukoy sa mga paglapastangan ng mga mananakop sa banal na lugar. Ang hinaing ng Israel na sila ay parang itinakwil ng Diyos at hinahamak ng mga kaaway ay repleksyon ng kanilang pagkabihag at pagdurusa sa kamay ng mga dayuhan.
Ayon sa Bagong Tipan, ang pisikal na Templo na gawa sa kahoy at bato ay anino lamang. Sa Juan 2:19-21, sinabi ni Hesus na “gibain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko ito.” Si Jesus ang mismong katuparan ng Templo kung saan naninirahan ang Diyos. Ang pagwasak sa Templo sa Awit ay sumisimbolo sa pagpatay at pagpapahirap kay Hesus sa krus. Ang pakiramdam na “itinakwil” ni Jesus sa krus (nang isigaw niya ang, “Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”) ay ang pinakasukdulang katuparan ng talatang ito. Ngunit tulad ng panalangin sa huling bahagi ng Awit na huwag hayaang mapahiya ang api, ang kamatayan ni Jesus ay sinundan ng kanyang maluwalhating muling pagkabuhay na nagbigay ng kaligtasan sa mga dukha at aba.
“Bakit kami, Panginoo’y itinakwil habang buhay,
mainit ang hininga mo sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no’ng una,
yaong lahing tinubos mo’t itinakda na magmana;
bundok ng Siong tinir’han mo’y gunitain mo na sana.
Lapitan mo yaong labi na winasak ng kaaway,
ang labi ng santwaryo mong sinira ang bawat bagay.
Ang loob ng iyong templo’y hindi nila iginalang,
sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyusan.
Ang lahat na nasa loob na sangkap na mga kahoy,
magmula sa pintuan mo’y sinibak at pinalakol.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
dinurog at pinalakol niyong mga malulupit.
Yaong banal na santwaryo ay kanilang sinigaan,
nilapastangan nila’t winasak ang templong banal.
Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
ang masama’y naglipana sa pook na madidilim,
laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
Huwag mo sanang itutulot na ang api’y mapahiya,
bayaan mong ang ngalan mo’y purihin ng dukha’t aba.”
Ang gospel reading ngayo ay nagpapakita ng radikal na paglilipat ng biyaya ng Diyos: ang kaligtasan ay bukas na sa mga Gentil dahil sa kanilang pananampalataya, habang ang mga Judio (Israel) ay nanganganib na maiwan dahil sa kanilang kawalan nito. Ang kapitan ay isang Romano (Gentil), ngunit kinilala niya ang kapangyarihan ni Jesus nang higit pa sa nakita ni Jesus sa Israel. Ang pahayag na marami ang “darating buhat sa silangan at kanluran” ay nagpapatunay na ang kaharian ng langit ay hindi na eksklusibo sa lahi ni Abraham kundi bukas sa buong sangkatauhan. Ang babala na “marami sa lipi ng Israel ang itatapon sa kadiliman” ay sumisimbolo sa mga tumanggi na kilalanin si Jesus bilang Mesias. Ipinapakita nito na ang pagiging kabilang sa “piling bayan” (lahi ng Israel) ay hindi awtomatikong magliligtas sa isang tao kung wala silang pananalig kay Jesus. Ang biyenan ni Pedro (na isang Judio) ay naglingkod kay Jesus matapos gumaling ay pagpapakita na iilan lamang sa mga Judio ang nanalig kay Jesus at naligtas.
Ito ay sumisimbolo sa tamang tugon ng sinumang tatanggap ng kaligtasan—ang pagkilala kay Jesus at paglilingkod sa Kanya.
“Noong panahong iyon, pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit ang isang kapitang Romano at nakiusap sa kanya: “Ginoo, ang alipin ko po’y naparalisis. Siya’y nararatay sa amin at lubhang nahihirapan.” “Paroroon ako at pagagalingin siya,” sabi ni Jesus. Ngunit sumagot sa kanya ang kapitan, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako’y nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at ako man ay may nasasakupang mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika!’ siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at ginagawa niya.” Namangha si Jesus nang marinig ito, at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit marami sa lipi ng Israel ang itatapon sa kadiliman sa labas; doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.” At sinabi ni Jesus sa kapitan, “Umuwi na kayo; mangyayari ang hinihiling ninyo ayon sa inyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang alipin ng kapitan.Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at doo’y nakita niya ang biyenan nito, nakahiga at inaapoy ng lagnat. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Pagkatapos, bumangon ito at naglingkod sa kanya.
Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu, at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Kinuha niya ang ating mga kahinaan at binata ang ating mga karamdaman.
Kumusta naman tayo? Nakapagsisi o nakabalik na ba tayo sa Dios sa pamamagitan ng pananalig sa paskal ni Jesus? O patuloy parin tayong humihingi ng tawad bilang patunay na hindi pa tayo lubos na nakabalik sa Dios at gaya lamang tayo ng sinaunang Israel na nag-aalay taon taon ng dugo ng hayop bilang paghingi ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan? Naturuan na ba tayo ng tamang pagsisisi ng minsan lamang at ito ay magaganap sa oras na nakapanalig tayo sa paskal ni Jesus?
Naranasan mo na bang magkasakit? O mag-alaga ng maysakit? Mahirap ‘di po ba? Pero ano naman kaya ang nadarama ng maysakit? Nasisiguro kong nais nilang gumaling.
Sa ebanghelyo ngayon may dalawang pagpapagaling na ginawa si Hesus. Pinagaling Niya ang katulong ng senturyon, isang opisyal na may kapangyarihan. At pinagaling din Niya ang biyenang babae ni Pedro na nilalagnat. Ipinakita ni Hesus na wala Siyang itinatangi at nais Niyang gumaling kahit simunan sa atin. Nguni’t mahalaga sa pagpapagaling ang pananampalataya. Ipinahayag ng Senturyon ang kanyang pakay kay Hesus at tinanggap agad ni Hesus ang kanyang kahilingan. Papunta na si Hesus upang pagalingin ang utusan, nguni’t pinigilan Siya ng Senturyon at sinabi: “Hindi ako karapat-dapat na ikaw ay pumasok sa aking tahanan nguni’t magsalita ka lamang at gagaling na ang aking katulong.” Isang pahayag ng kababaang-loob at malalim na pananampalataya ang mga katagang ito. Namangha si Hesus at sinabi Niya sa Senturyon: “Humayo ka at mangyayari ang iyong hinihiling sapagkat ikaw ay sumamplataya.” Sa ating pananalangin, kailangan ang matatag na pananampalataya upang makamtan natin ang ating kahilingan gaano man kabigat o ka-imposible ito.
“Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa Iyo, nguni’t sa isang Salita Mo lamang ay gagaling na ako.” Dinarasal natin ito bago tanggapin si Kristo sa Banal na Komunyon. Taimtim ba nating sinasabi ito? Sa pagtanggap natin sa Kanya, tiyak ang ating kagalingan sa mapaghilom na presensya ni Hesus.
Sr. Divinia de Claro, fsp | Daughters of St. Paul