Lunes, Hunyo 15, 2026

June 15, 2026

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Napakabuti sa atin ng ating mapagmahal na Ama. Manalangin tayo sa kanyang mahabaging pag-ibig na nagbunsod ng ating mabuting pakikitungo sa ating kapwa.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin Mo kaming ganap sa iyong pag-ibig.

Bilang Bayan ng Diyos, nawa’y maisabuhay natin ang batas ng pag-ibig ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga kaaway maging yaong mga nakasakit at nakagawa sa atin ng masama sa anumang paraan nawa’y mapatawad natin, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang maiwasan ang pagkakahiwa-hiwalay at pagka-makasarili para maiwaksi ang kasamaan sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinaging-manhid na ng pagkakasala nawa’y hipuin ng Espiritu ng Panginoon upang magbalik-loob sila at magbagumbuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga mahal na yumao nawa’y ligtas na maakay pauwi sa piling ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoon ng sambayanan, habang aming itinataas ang mga panalanging ito, tulungan mo kaming magkakasamang lumago at mapaglabanan ang pagkakaaway-away at hindi pagkakasundo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

ruel arcega June 12, 2022 at 7:06 am

“Mata sa Mata at ngipin sa ngipin” Isang batas ng mga romano, dahil ginawa ito upang pantayan ang ginawa sa iyo ng masama.. Ngunit itong kaisipan ito ay gawa ng karanasan ng mga tao nakikita sa hayop. Umiiral sa kanila ang taong nabuhay na hindi kumukilos ang puso. Ngunit si Hesus bilang tunay na tao at Diyos, kanyang ipinahayag ang isang pagkilos ng ng tao meron puso, hindi masama ang dapat ibalik sa gumawa sa iyo ng masama , sa halip ang kabutihan ang umiral sa taong may puso. Dahil sa puso ng tao ay nanahan ang Diyos. Nais ni Hesus na ipakita natin sa mundo ang mukha ng Diyos sa paggawa ng kabuthin. Huwag ang kamunduhan, Si san Antonio de Padua , nagpakita sa kanyan si Nino Hesus ay ito’y kanyang kinalong. Dahil sa puso ng santong ito ay puno ng pagmamahal ng Diyos kaya’t ipinakikita niya sa ating si Hesus.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño June 13, 2022 at 9:38 am

Ano ang aral at hamon sa atin ng ebanghelyo ngayon?

Ang kadalasang reaksyon ng tao sa kapawa nya na nakasakit sa kanya o nakagawa ng kasalanan sa kanya ay magalit at maghiganti. Ngipin sa ngipin at mata sa mata, may nalalaman pa ang tao na kapaga buhay ang inutang ay buhay din ang kabayaran. Subalit hindi ito ang nais ni Hesus na gawin natin sa mga taong nagkasala sa atin.

Kapag may sumampal sa iyong kanang pisngi ay ibigay mo pa ang kabila. Amg ibig sabihin ng talinghagang ito ay magpatawad tayo, patawarin natin ang kapatid, kaaway o kapwa natin. Sinabi pa ni Hesus na ipanalangin natin ang ating kaaway, pero hindi ipanalangin na maphamak. Sinabi din ni Hesus na mahalin natin ang ating kaaway. Kung pakikinggan ay lubhang napakahirap gawin. Pero kayanitong gawin kung uumpisahang magpatawad ng lubos, tayong mga tao ay nakakagawa din ng kasalanan sa Diyos at hinihiling natin ang kapatawaran mula sa Diyos. Kaya’t kung nais mong patawarin ka ni Hesus ay tanggalin mo ang poot sa iyong dibdib. At makakadama ka ng kapayapaan, peace of mind at wagas na kaligayahan sa piling ng Panginoon.

Reply

dlanor321 June 14, 2026 at 6:22 pm

Magandang aral at hamon : > Madaling mahalin ang mga taong mabuti sa atin, ngunit ang tunay na tatak ng isang Kristiyano ay ang kakayahang magpakita ng kabutihan at pagpapakumbaba, maging sa mga taong mahirap pakisamahan o nakagawa sa atin ng mali.
Panalangin:
Panalangin ng Pagpapakumbaba at Radikal na Pag-ibig
Lumalapit po kami sa Iyo ngayon na may mapagpakumbabang puso, nagpapasalamat sa Iyong Salita na patuloy na nagtutuwid at nagpapabago sa aming buhay.
Panginoon, batid Mo kung gaano kahirap para sa aming kalikasan bilang tao ang huwag gumanti kapag kami ay nasasaktan, inaapi, o ginagawan ng masama. Sa mga sandaling kami ay sinusubok, ipagkaloob Mo po sa amin ang Iyong Banal na Espiritu upang mapuno kami ng Iyong kapayapaan at lakas.
Bigyan Mo kami ng pusong handang magpatawad, pusong kayang lumakad ng ekstrang kilometro para sa kapayapaan, at kamay na laging bukas-palad sa mga nangangailangan nang walang hinihintay na kapalit. Tulungan Mo kaming maputol ang ikot ng galit at pagkakabahagi sa mundong ito sa pamamagitan ng pagtugon ng kabutihan sa kasamaan.
Hayaang ang aming buhay ay maging malinaw na patotoo ng Iyong radikal at walang-hanggang pagmamahal.
Sa pangalan ni Hesus na aming Panginoon at Tagapagligtas,
Amen.

Reply

dlanor321 June 14, 2026 at 6:28 pm

Para sa ilan sa atin, natural na gumanti. Kapag nasaktan tayo, parang may boses sa loob natin na nagsasabing, “Bumawi ka. Huwag mong palampasin ang ginawa sa iyo.” Kaya madaling maintindihan ang lumang katuruan: “mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Ngunit sinira ito ni Jesus. Hindi dahil mahina ang hindi gumaganti, kundi dahil may mas malalim o higit na lakas sa mga marunong magkontrol at magmahal.
Sa totoo lang, hindi madali ang sinasabi Niya. Hindi pagpapa-api ang pagharap ng kabilang pisngi. Pagpili ito na huwag hayaang kontrolin ng galit ang puso. Pagtanggi ito na maging katulad tayo ng nanakit sa atin. Kapag gumanti tayo, nadadagdagan lang ang sakit. Parang apoy na pinapakain ng isa pang apoy.
Sa ating pang araw-araw na pamumuhay hindi natin maiwasang tayo’y masaktan. At kapag may nakasakit sa atin, maaaring miyembro ng ating pamilya, kasama sa komunidad, o yung online bashers, mayroon tayong dalawang pagpipilian: gumanti o magpatawad. Ang una’y nagbibigay ng pansamantalang kaluwagan; ang ikalawa, ng pangmatagalang kapayapaan. Hindi sinasabi ng pagpapatawad na “okay lang ang ginawa mo” kundi, “Hindi ko hahayaang masira nito ang puso ko.”
Ang pagbibigay, ang hindi pagtanggi, ang paglalakad ng extra mile ay mga simpleng hakbang ng pag-ibig na higit pa sa hinihingi. Hindi ito kahinaan kundi kalayaan. Kalayaang tumanggi na matali ng sama ng loob.
Kapanalig, siguro may naisip kang tao o mga tao na nakasakit sa iyo. Hindi mo kailangang ayusin agad-agad ang lahat. Pero pwede kang magsimula sa malilit na hakbang: piliing huwag gumanti sa salita, piliing manahimik kaysa manakit, piliing ipagdasal kaysa manghusga. Sa ganitong paraan, unti-unting nagbabago ang mundo—hindi sa pamamagitan ng mapanirang paghihiganti, kundi sa pamamagitan ng tahimik ngunit makapangyarihang puwersa ng kahinahunan – mga hakbang na tunay na nagpapalaya. – Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul

Reply

Mel Mendoza June 15, 2026 at 9:46 am

PAGNINILAY:
Mateo 5, 38-42

Sa Ebanghelyong ito, itinuturo ni Hesus ang isa sa pinakamahirap ngunit pinakamakapangyarihang aral ng Kristiyanismo: ang pag-ibig na lumalampas sa paghihiganti. Ang lumang batas na “mata sa mata at ngipin sa ngipin” ay naglalayong limitahan ang paghihiganti upang hindi lumala ang karahasan. Ngunit si Hesus ay hindi lamang nagtuturo ng katarungan; itinataguyod Niya ang mas mataas na landas ng habag, pagpapatawad, at mapagpalayang pag-ibig.

Ang mga salitang “mata sa mata at ngipin sa ngipin” ay mula sa sinaunang batas na tinatawag na Lex Talionis o Batas ng Katumbasang Parusa. Ito ay bahagi ng Batas ni Moises na ibinigay ng Diyos sa Israel. Ang layunin nito ay hindi upang hikayatin ang paghihiganti kundi upang limitahan ito. Sa panahong laganap ang labis na pagganti, itinuro ng batas na ang parusa ay dapat naaayon lamang sa nagawang pinsala.

Ang Lex Talionis (Law of Retaliation o Batas ng Katumbasang Parusa).
Ang batas na ito ay makikita sa Lumang Tipan:
Exodo 21:24
Levitico 24:20
Deuteronomio 19:21

Ngunit pagdating ni Hesus, dinala Niya ang tao sa mas mataas na antas ng kabanalan. Hindi Niya inalis ang katarungan kundi ginawang ganap ito sa pamamagitan ng pag-ibig at habag.
Ang mundo ay nagtuturo: “Gantihan mo ang nanakit sa iyo.”
Ngunit si Hesus ay nagtuturo: “Pagtagumpayan mo ang kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan.”

Hindi ibig sabihin ng “iharap ang kabilang pisngi” na tanggapin na lamang ang pang-aabuso o kawalan ng katarungan. Sa halip, ito ay paanyaya na huwag hayaang ang kasamaan ng iba ang magdikta ng ating tugon. Ang Kristiyano ay hindi alipin ng galit, sama ng loob, o paghihiganti. Ang tunay na lakas ay hindi nakikita sa pagganti kundi sa kakayahang magmahal kahit nasasaktan.

Sa pananaw ng Bibliya, ito ay bahagi ng Batas ni Moises na ibinigay ng Diyos sa Israel sa pamamagitan ni Moises.
Mahalagang maunawaan na noong sinaunang panahon, ang layunin nito ay hindi upang hikayatin ang paghihiganti kundi upang limitahan ito. Halimbawa, kung may nakabasag ng isang ngipin, hindi maaaring patayin bilang ganti. Ang parusa ay dapat na naaayon lamang sa pinsalang nagawa.

Sa madaling salita, para sa panahong iyon, ito ay isang hakbang tungo sa mas makatarungang lipunan dahil pinipigilan nito ang labis na paghihiganti.

Ang mundo ay nagsasabing, “Gantihan mo.” Ngunit ang Diyos ay nagsasabing, “Pagtagumpayan mo ang kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan.” Sa ganitong paraan, nagiging larawan tayo ni Kristo na, kahit ipinako sa krus, ay nanalangin pa rin para sa Kanyang mga umuusig.

Ang puso ng aral na ito ay nakaugat sa mismong kalikasan ng Diyos. Ang Diyos ay may kapangyarihang magparusa, ngunit mas pinili Niyang magligtas. Sa Krus, hindi gumanti si Hesus; inialay Niya ang Kanyang sarili para sa kaligtasan ng mga makasalanan.

Ang “non-retaliation” ni Hesus ay hindi kahinaan kundi banal na kapangyarihan. Ito ang pag-ibig na nagwawagi laban sa kasalanan at kasamaan. Kapag tayo ay nagpapatawad at gumagawa ng mabuti sa halip na gumanti, nakikibahagi tayo sa mismong buhay at pag-ibig ng Diyos.

Ang Puso ng Ebanghelyo ay nagpapaalala sa atin na ang tunay na tagasunod ni Kristo ay hindi naghahanap ng paghihiganti kundi nagiging daluyan ng habag, kabutihan, at pag-ibig kahit sa gitna ng pagdurusa.

Word of the Day:
“Pagpapatawad”
Ang pagpapatawad ay hindi paglimot sa sugat kundi pagpapalaya sa puso mula sa kapangyarihan ng galit at paghihiganti.

Pagsasabuhay:
-Ipagdasal ang taong nakasakit o nakapagbigay ng sama ng loob sa iyo.
-Sa halip na gumanti sa masasakit na salita, tumugon nang may kahinahunan at pag-ibig.
-Magbahagi ng tulong o kabutihan kahit walang inaasahang kapalit.
-Hayaang si Kristo ang maging huwaran sa bawat pakikitungo sa kapwa.

Panalangin:
Panginoong Hesus, turuan Mo akong magmahal tulad ng Iyong pagmamahal. Bigyan Mo ako ng pusong marunong magpatawad, magtiis, at gumawa ng mabuti kahit sa gitna ng pagsubok. Nawa’y maging daan ako ng Iyong kapayapaan at habag sa mundo. Amen.

To God be the highest glory now and forever. Amen.

Reply

Chris Alphonsus John Terence of the Holy Eucharist June 15, 2026 at 2:00 pm

Pagninilay:

Mapagpalang Lunes sa ating lahat! Sa Sermon ng ating Panginoong Hesus sa Bundok, mababasa natin sa Ebanghelyo ang Kanyang mga salita na nagsasabing, “Kung ipagsakdal ka ninuman upang makuha ang iyong baro, ibigay mo sa kanya pati ang iyong balabal.” Marahil hindi natin gaanong nauunawaan ang mga katagang ito sapagkat hindi naman ganito ang konsepto natin ng hustisya at pagpaparusa sa modernong panahon kahit na ginagawa ito sa panahon ni Hesus. Sa kabila nito, mayroon itong mas malalim na pagpapakahulugan sapagkat ang Sermon ng ating Panginoon ay naglalayong tulungan tayong lumago sa kabanalan lalo na sa pagtingin natin kay Kristo bilang ating modelo. At ano nga ba ang ginawa ni Hesus noong Siya ay nagdusa papunta sa Krus? Kinuha ang Kanyang damit at pinaghati-hati ito. Ang damit ay sumisimbolo sa ating dignidad at sa ating buhay; maaari tayong magdusa hindi lamang sa pisikal na pamamaraan, kundi sa emosyonal din kung pakiramdam natin ay inaalis sa atin ng ibang tao ang ating dignidad at respeto para sa ating sarili.

Para tayong mga lingkod na kahit ang sariling damit ay hindi pag-aari, ngunit ang ating Panginoong Hesus ang modelo na nagpapakita kung ano ba talaga ang kahulugan ng pagiging lingkod kung saan pinili Niyang magmahal at gawin ang kalooban ng Kanyang Ama kahit ang kapalit nito ay pagdurusa sa Krus. Walang masama sa pagnanais na tayo ay respetuhin at hindi saktan ng ibang tao, sa kanilang gawa o salita man. Ngunit nagkakaroon ng problema kung hindi natin napagninilayan kung ano nga ba ang kalooban ng Diyos sa partikular na sitwasyon na mayroon tayo. Ito ang nagiging dahilan kung bakit ang mabuting intensyon ng isang tao ay nagiging dahilan pa para tayo ay matukso sa kasalanan bilang solusyon sa problemang ating nararanasan o kaya bilang paraan na makamit ang mabuting intensyon na nasa isip, kahit na taliwas na ito sa kagustuhan ng Diyos. Halimbawa, kung may mga taong nakasakit sa ating damdamin dahil sa kanilang mga salita, walang masamang naisin na hindi na nila ito dapat ulitin, at kung ang ating puso ay nagnanais na magmahal, papatawarin natin sila at ipagdarasal din. Ngunit kung wala ang pundasyong ito, tayo ay matutukso na manakit din ng iba nang katulad o higit pa sa pamamagitan din ng ating salita para puersahin ang ibang tao sa paggawa ng mabuti.

Ganito rin ang makikita natin sa unang pagbasa. Nagustuhan ng haring si Acab ang ubasan ni Nabot dahil malapit ito sa palasyo. Marahil may mabuting intensyon kung bakit nais itong bilhin ni Acab at handa naman siyang bayaran si Nabot. Ngunit noong hindi pumayag si Nabot dahil ito ay pamana sa kanya, naging malungkot ang hari at sumama ang kanyang loob. At dahil hinayaan niya ang kanyang sarili na hindi maging payapa ang puso at hindi niya pinagnilayan ang kalooban ng Diyos, naging dahilan ito upang magpadala siya sa tukso na ipapatay si Nabot para lamang makuha ang kanyang ubasan. Ang mabuting intensyon ay naging temptasyon para sa maliit na kasalanan na inggit, ngunit ito ay naging malaking kasalanan sa pagpatay sa inosenteng tao. Dahil dito, tayo ay pinapaalalahanan ng ating Panginoon na pumunta sa panalangin upang hindi tayo magpadala sa emosyon na magtutulak sa atin sa kasalanan kung tayo ay magdurusa. Isa pang aplikasyon din ng aral ni Hesus ay para sa mga nag-aaral at nagtatrabaho.

Sa mga panahon na nagkakamali ang isa, tila ba ay pakiramdam nila na inaalis sa kanila ang kanilang dignidad bilang mga estudyante o empleyado at, paunti-unti, nagiging dahilan ito upang hindi na sila maging masipag sa pag-aaral at pagtatrabaho. Ngunit ang tunay na magbibigay ng kasiyahan sa atin ay hindi ang mga bagay na likha lamang ng Diyos o ang ating estado. Sa halip, ang magbibigay ng tunay na kasiyahan ay ang pagsunod sa kalooban ng Diyos at pagiging “attached” sa Diyos lamang at hindi sa iba. Sana ay madiskubre natin kung ano ang pinakamahalaga sa buhay na hindi mawawala sa atin, at ito ay ang Diyos. Sa mga panahon na tayo ay nagdurusa, lumapit lamang tayo sa Diyos sa ating panalangin. Banggitin natin sa Kanya kung ano ang nagdudulot ng sakit sa ating puso at kung ano ang mga gusto nating hindi natutupad. At makinig tayo nang may bukas na puso kung ano ang kalooban ng Diyos sa sitwasyon na ating hinaharap. Nawa’y duminig tayo sa Diyos na ating lakas, sapagkat kung wala Siya, wala tayong magagawa dahil sa ating kahinaan. Humiling tayo sa Panginoon na maipagkaloob sa atin ang Kanyang tulong upang tayo ay maging determinado sa pagsunod sa Kanyang utos bilang Kanyang lingkod, sapagkat ito ang kalugod-lugod sa Diyos. Amen. +

Reply

Jovy Uy June 16, 2026 at 7:33 am

Sa unang pagbasa, ipinahayag dito si Reyna Jezebel na dinala ang Israel sa pagsamba ng huwad na diyos na si Baal. Siya ang sagisag ng kapangyarihang ginagamit sa kasamaan. Kinakatawan niya ang panlilinlang, ang paggamit ng awtoridad sa paraang immoral, at ang pagmamanipula sa mga taong nasa paligid niya upang makuha ang sariling kagustuhan. Dahil sa kanyang matinding kasamaan, ang kanyang pangalan ay naging kasingkahulugan ng isang mapanlinlang, malupit, at imoral na tao. Ito rin ang dahilan kung bakit ginamit ang pangalang “Jezebel” sa Bagong Tipan (Pahayag 2:20) upang tukuyin ang isang huwad na propetesa sa iglesya ng Thyatira na nagtuturo at nagliligaw sa mga lingkod ng Diyos.

“Noong panahong iyon, si Nabat ay may ubasan na nasa tabi ng palasyo ni Acab, hari ng Samaria. Nagustuhan ni Acab ang ubasan, kaya’t sinabi niya kay Nabat: “Ibigay mo na sa akin ang iyong ubasan at gagawin kong taniman ng gulay pagkat malapit sa aking palasyo. Papalitan ko ng mas mainam na ubasan, o babayaran sa iyo.”Ngunit ganito ang naging sagot ni Nabat: “Patawarin ako ng Panginoon, ngunit hindi ko po maibibigay sa inyo ang pamana sa akin ng aking mga ninuno.”Umuwi si Acab na malungkot at masama ang loob dahil sa sagot ni Nabat. Nagkulong siya sa kanyang silid, hindi makausap at ayaw kumain. Nilapitan siya ni Reyna Jezebel at tinanong: “Ano ba ang isinasama ng loob mo at di ka makakain?”Sumagot ang hari: “Kinausap ko si Nabat na taga-Jezreel, at inalok ko siyang papalitan o babayaran ang kanyang ubasan. Ngunit tinanggihan ako, at ang sabi’y hindi raw niya maaaring ibigay sa akin ang kanyang ubasan.”Wika sa kanya ni Jezebel: “Halika na! Kumain ka at huwag ka nang malungkot! Ireregalo ko sa iyo ang ubasan ni Nabat.”Gumawa ang reyna ng ilang sulat sa ngalan ng hari, tinatakan ng pantatak ng hari, at ipinadala sa mga matatanda at namumuno sa lungsod na tinitirahan ni Nabat. Ganito ang sabi niya sa sulat: “Ipag-utos ninyo ang isang pangkalahatang pag-aayuno. Patayuin ninyo si Nabat sa harapan ng karamihan. Kumuha kayo ng dalawang upahang saksi na maghaharap ng ganitong sumbong laban sa kanya: ‘Tinungayaw niya ang Diyos at ang hari.’ Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at batuhin hanggang mamatay.””Tinupad ng matatanda at ng mga pinuno ng lungsod ang utos ni Jezebel. Ipinag-utos nila ang isang pangkalahatang pag-aayuno at iniharap sa madla si Nabat. Lumabas ang dalawang saksi na inupahan at siya’y pinaratangan ng ganito: “Tinungayaw ni Nabat ang Diyos at ang hari.” Kaya’t si Nabat ay inilabas ng lungsod at binato hanggang mamatay. Nagpasabi agad sila kay Jezebel: “Patay na po si Nabat na taga-Jezreel.”Pagkatanggap ng gayong balita, nagpunta si Jezebel kay Acab at sinabi rito: “Hayan! Kunin mo na ang ubasang hindi mo mabili kay Nabat. Hindi na siya makatututol. Patay na siya.” Nang malaman ni Acab na patay na si Nabat, pumunta siya sa ubasan upang angkinin iyon.”

Sa gospel reading, ipinapahayag dito na si Jesus ang tumupad na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan niya (mata sa mata..). Siya rin ang tumupad nang magpasampal siya bago siya ipako sa krus . Siya rin ang nagbigay ng kanyang baro (panlabas na kagalingan ng sakit) at pati balabal
(panloob na kaligtasan ng espiritu). Siya rin ang nagpasan hindi lamang 1 metrong kasalanan ng iilang tao kundi lahat ng kasalanan ng tao. Ipinahiram o ibinigay ni Jesus ang buong buhay niya sa lahat ng tao para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan (2 metro). Kapag nabatid o natanggap natin ang pagibig ng Dios sa pamamagitan ng paskal ni Jesus, kusang nagagawa din natin na ialay din ang buhay para sa iba .

“Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig ninyo na sinabi: ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong labanan ang masamang tao. Kung may sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo pa sa kanya ang kabila. Kung ipagsakdal ka ninuman upang makuha ang iyong baro, ibigay mo sa kanya pati ang iyong balabal. Kung sapilitang ipapasan sa iyo ng manlulupig ang kanyang dala nang isang kilometro, pasanin mo ito nang dalawang kilometro. Magbigay ka sa nanghihingi sa iyo, at huwag mong pahindian ang nanghihiram sa iyo.”

Kumusta naman tayo. Katulad ba tayo ni Jesebel na ginagamit ang kapangyarihan para mang-api at manira o katulad ni Jesus na ialay ang buhay para sa kaligtasan ng iba?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: