Podcast: Download (Duration: 7:20 — 5.3MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
May pagninilay sa hamon ng Panginoon sa Ebanghelyo tungkol sa tungkuling mamunga, ilagay natin sa harap ng Diyos Ama ang ating mga kahilingan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin mo kaming kalugud-lugod sa iyo.
Ang mga namumuno ng Simbahan nawa’y makatanggap ng liwanag, kalakasan, at pag-alalay sa tungkuling paggabay sa mga sumasampalataya sa panahon ng kagipitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga pamilya nawa’y bigyang-pansin ang diwa ng panalangin upang mapuno ang ating mga isip ng kapayapaan at kasiyahan na nagmumula sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y mamunga ng pag-ibig, pagpapatawad, katarungan, at kapayapaan sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit nawa’y huwag mawalan ng pag-asa sa gitna ng kanilang dinaranas na pagsubok at kahirapan, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namatay nawa’y makatagpo ng lugar sa walang hanggang Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, ang iyong Anak ay ang “Batong tinanggihan.” Tinatanggap namin siya nang buong puso at may pananalig naming itinataas sa iyo ang aming mga kahilingan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Linggo, Mayo 31, 2026
Martes, Hunyo 2, 2026 »




{ 8 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ngayon ay sinisimulan natin ang Karaniwang Panahon, matapos ang pagdiriwang ng Kuwaresma at Pasko ng Pagkabuhay. Kaya ang ating pinagninilayan ay ang Pampubilkong Ministeryo ng ating Panginoong Hesukristo. Ang ating Ebanghelyo ay isa sa mga talingahaga ni Hesus: ang Ubasan at sa mga Kasama. Sa kasaysayan ng Kasulatan, ang ubasan ay sumasagisag sa bayang Israel. Sa ika-5 kabanta ng aklat ni Propeta Isaias, isinasaad dito ang ubasang ibinigay ng Diyos sa kanyang bayang Israel. Kaya siya ang may-ari sa talinhaga, at ang Israel ay ang mga kasama (tenants). Ang mga lingkod ng may-ari sa kwento ay ang mga propetang isinugo ng Diyos. At narinig natin sa buong salaysay ng parabula na isinugo ng may-ari ang mga lingkod upang makakuha ng ani mula sa ubasan. Subalit ang mga lingkod na ito ay pinahahamak, pinagtatabuyan, at pinapatay ng mga kasama dahil sa pansariling interes ng mga nagbabantay. Kaya ito yung nangyari sa bayang Israel nang naging makasarili ang tao at sinuway ang Diyos, at pinag-uusig at pinagpapatay ang mga propeta ng Panginoon. At babalik sa talinghaga, isinugo ng may-ari ang kanyang anak na sana ito ay respetuhin ng mga nang-uupahan sa ubasan. Ito yung pagsusugo ng ating Diyos Ama sa kanyang Anak, ang Panginoong Hesukristo. At katulad ng sa parabula, si Hesus ay pinagpapatay ng mga pinuno ng mga Hudyo nang manaig ang kanilang hiling kay Pilato na ipako siya sa krus. Ngunit nagtatapos ang talinghaga nang paalisin ng may-ari ang mga kasama, at ipinamana ang ubasan sa mga bagong mang-uupa at mangangalaga nito. At binanggit din sa Ebanghelyo ang pahayag ng Salmo na ang itinakwil ng bato ay naging saligan. Ito ay tumutukoy sa Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo, na siyang naging saligan ng Simbahan, kung saan tayo ay napapabilang nito. Kaya bilang mga mananampalataya, tayo ay may tungkuling tuparin ang ating misyon dito sa daigdig. Tayo ay ipinagkakatiwalaan ng Panginoon na gawing makabuluhan ang ating pamumuhay. Kaya ang may-ari ng ating buhay ay ang Diyos, at hinihiram lang natin ang ating sarili dahil ang ating pagtutunguhan ay ang kaligayan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan. Sa gitna ng pagkakasala, paglalapastangan, at pagsusuway ng daigdig sa dakilang kalooban ng ating Ama, nawa tayo ay maging tapat sa kanya at tuparin ang kanyang mga utos bilang ating misyon dito sa daigdig, nang sa gayon ay mamunga ang ating mabubuting gawain at sundan ng iba ang ating halimbawa.
Salamat Sa Dios…Amen!
PAGNINILAY
Isinalaysay ni Hesus ang isang talinghaga tungkol sa isang may-ari ng lupa na nagtanim ng ubasan, ipinapaupa ito sa mga nangungupahan, at pagkatapos ay nagpadala ng mga alipin upang mangolekta ng bunga. Gayunpaman, minaltrato at pinapatay ng mga nangungupahan ang mga alipin, maging ang anak ng may-ari ng lupa.
Ito ay isang paalala ng kahalagahan ng pagkilala at paggalang sa awtoridad ng Diyos sa ating buhay. Maaaring naranasan na natin ang mga kahihinatnan ng hindi paggalang sa awtoridad ng Diyos. Nang sinubukan nating kontrolin at gawin ang mga bagay sa sarili nating paraan, naharap tayo sa mga hamon at pakikibaka na maiiwasan sana kung nagtiwala tayo sa plano ng Diyos para sa atin. Tayo ay mga katiwala lamang ng mga kaloob at pagpapala na ibinigay sa atin ng Diyos at dapat nating kilalanin na ang lahat ng mayroon tayo ay pag-aari ng Diyos. Tayo ay tinawag na maging tapat at masunurin sa paggamit ng mga kaloob na ito para sa Kanyang kaluwalhatian. Ito rin ay babala laban sa pagmamataas, kasakiman, at pagsuway. Tayo ay mananagot sa kung paano tayo tumugon sa tawag ng Diyos. Suriin natin ang ating sariling puso. Iginagalang ba natin ang Diyos sa ating buhay, o tinatanggihan ba natin ang Kanyang awtoridad?
Panginoong Hesus, magsikap nawa kaming maging tapat na mga lingkod, na nagbubunga para sa kaharian ng Diyos, at laging alalahanin ang Iyong dakilang sakripisyo para sa amin. Amen.
***
Pagninilay:
Mapagpalang Paggunita kay San Justino, martir! Sa ating Ebanghelyo, makikita natin ang mahalagang parabula na binanggit ng ating Panginoong Hesus para sa mga punong saserdote at eskriba. Sa parabula, ang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid ay nagrerepresenta sa Diyos Ama habang ang ubasan sa bukid ay nagrerepresenta sa Israel. Ang mga tauhan sa ubasan ay ang mga Israelita habang, noong binanggit sa kuwento ni Hesus na umalis ang lalaki sa ibang lupain, ito ay nagrerepresenta sa kalayaan na ibinigay ng Diyos sa Kanyang bayan tulad ng kung paanong ang may-ari ng ubasan ay nagbibigay ng responsibilidad sa kanyang mga tauhan. Ngunit, ang kalayaan na ito ay maaaring gamitin para sa tama base sa kung ano ang kagustuhan ng may-ari ng ubasan, o maaaring gamitin ito sa mali base sa kanilang pansariling interes. Gayundin, lahat tayo ay may kalayaan na sundin ang kalooban ng Diyos o kaya ay piliin ang kasalanan at ilagay sa peligro ang ating kaligtasan. Ipinadala ng Diyos ang Kanyang mga propeta, na sinisimbolo ng mga utusan ng may-ari, ngunit sila ay pinatay ng ilan sa mga Israelita sa bayan ng Diyos. Sa kasamaang palad, tulad ng pinagninilayan natin sa kamatayan ng ating Panginoong Hesus sa krus, hindi rin nakilala ng mga tao ang Panginoon na nag-alay ng buhay para sa kanila at nagmahal sa kanila.
Ang ating kalayaan ay maaaring magamit natin sa ating kapahamakan kung pipiliin natin ang magkasala, lalo na ang mortal na kasalanan, o maaaring magamit natin ito para sa kaluwalhatian ng Diyos kung saan magkakaroon tayo ng pag-asa na makapiling Siya sa Kanyang Kaharian sa langit. Makikita natin ang kahalagahan ng kalayaan na nakasentro kay Kristo sa buhay ni San Justino. Noong umpisa ay isa siyang “philosopher” ngunit, sa kabila ng kanyang malalim na kaalaman sa iba’t ibang bagay, nararamdaman niya na may kulang pa sa kanya. Nagbago ito noong nakilala niya ang isang lalaking matanda na nagturo sa kanya na, sa kabila ng taas ng kanyang kaalaman sa mundo, hindi pa rin niya natatanggap ang tunay na karunungan na magaganap lamang kung tatanggapin niya ang rebelasyon ng Diyos at maniniwala sa ating Panginoong Hesukristo. Ipinagtanggol niya ang kanyang pananampalataya sa mga Judio, emperador, at iba pang mga kritiko. Kahit pinugutan siya ng ulo bilang parusa sa hindi pagsunod sa diyos-diyosan na inuutos sa kanya ng emperador, nanatili siyang payapa dahil may pag-asa siya sa buhay na walang hanggan.
Ang dahilan ng pagtitiwala ni San Justino kahit na siya ay paparusahan at papatayin ay ang ating Panginoong Hesukristo. Tulad ng mababasa sa Ebanghelyo, “Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong panulukan.” Si Hesus ang Bato na naging Pundasyon ng ating buhay dahil sa Kanyang walang hanggang pag-ibig na ibinahagi sa atin sa Krus. Bukod pa rito, sa kabila ng ating mga kasalanan, ibinigay Niya ang Kanyang Katawan at Dugo, ang Kanyang Buong Sarili, sa Banal na Eukaristiya. Kung nais nating lumago sa kabanalan, mahalaga para sa atin na mapalalim ang ating kaalaman sa katotohanan na ang Banal na Eukaristiya ay walang iba kundi ang ating Panginoong Hesus. Tulad ng katotohanang ipinagtanggol ni San Justino, ang Eukaristiya ay hindi ordinaryong tinapay o inumin kundi matapos ang dasal at ang pagbanggit ng mga Salita ni Hesus sa Misa, ito’y nagiging Kanyang Katawan at Dugo. Sana ay magamit natin ang ating kalayaan upang pumunta sa Simbahan at tanggapin ang medisina ng ating kaluluwa, ang Tinapay ng Buhay, ang ating Panginoong Hesus. At, kung may pagkakataon na nagamit natin ang ating kalayaan sa hindi pagsimba sa Linggo o sa iba pang Banal na Araw, tayo ay iniimbitahan Niya sa sakramento ng kumpisal upang matanggap ang Kanyang Banal na Awa.
Sa pamamagitan nito, tayo ay nagiging kabahagi sa kalikasan ng Diyos. Sana ay maging sentro ang Banal na Eukaristiya ng ating buhay bilang mga Katoliko at kung may pagkakataon, kahit sa normal na araw ay piliin nating makapiling si Hesus sa Misa. Tayo ay pinapaalalahanan ni San Pedro sa unang pagbasa na sikapin na idagdag sa ating pananampalataya ang mabuting asal, kaalaman, katatagan, pagmamalasakit, at pag-ibig, at lahat ng ito ay matatanggap natin bilang biyaya mula sa Banal na Eukaristiya. Pagnilayan din natin kung anong uri ng buhay ang inihanda ng Diyos sa atin kung saan higit tayong makakaiwas sa korapsyon ng mundo upang makibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. Nawa’y ibigay natin ang buong pagtitiwala sa ating Panginoong Hesukristo dahil tayo ay Kanyang minahal at pinalaya sa kasalanan bunga ng Kanyang sakripisyo sa Krus at pag-aalay ng Katawan at Dugo para sa ating lahat. Amen. +
PAGNINILAY:
Marcos 12:1-12
Ang talinghaga ng mga masasamang manggagawa sa ubasan ay hindi lamang kuwento tungkol sa isang ubasan. Ito ay larawan ng buong kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos sa Kanyang bayan.
Ang may-ari ng ubasan ay ang Diyos Ama. Ang ubasan ay ang Israel, at sa mas malawak na kahulugan ay ang buong sambayanan ng Diyos. Ang mga utusan ay ang mga propetang paulit-ulit na isinugo upang paalalahanan ang bayan na bumalik sa katapatan. Ngunit marami sa kanila ang tinanggihan, inusig, at pinatay.
Sa sukdulang pagpapakita ng Kanyang pag-ibig, isinugo ng Ama ang Kanyang minamahal na Anak, si Hesus. Subalit tulad ng mga propeta, Siya rin ay tinanggihan at pinatay ng mga pinunong dapat sana’y nangangalaga sa bayan ng Diyos.
Ngunit dito makikita ang dakilang hiwaga ng plano ng Diyos: ang Anak na itinakwil ay naging daan ng kaligtasan. Ang kamatayan ni Kristo ay hindi naging katapusan kundi simula ng bagong buhay para sa lahat ng nananalig sa Kanya.
Maraming pagkakataon sa ating buhay na tinatanggihan natin ang Diyos hindi sa salita kundi sa gawa. Kapag inuuna natin ang sariling kagustuhan kaysa Kanyang kalooban, para tayong mga katiwalang gustong ariin ang ubasan na hindi naman atin.
Ang paanyaya ng Ebanghelyo ay malinaw: kilalanin nating tayo ay katiwala lamang ng mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos at hindi tunay na may-ari nito.
Ang talinghagang ito ay nagpapakita ng tatlong mahalagang katotohanan:
1. Ang Diyos ay walang sawang mahabagin.
Paulit-ulit Siyang nagsugo ng mga lingkod kahit paulit-ulit ding tinanggihan. Ipinakikita nito ang walang hanggang pagtitiis at awa ng Diyos sa makasalanang tao.
2. Si Hesus ang Minamahal na Anak.
Ang “anak” sa talinghaga ay malinaw na tumutukoy kay Kristo. Siya ang ganap na kapahayagan ng Ama. Sa Kanya, wala nang mas mataas na mensaheng ipapadala ang Diyos sa sangkatauhan.
3. Ang Batong Itinakwil ay Naging Batong Panulukan.
Ang krus na tila tanda ng pagkatalo ay naging tanda ng tagumpay. Ang itinakwil ng mundo ay siyang ginawang pundasyon ng Diyos para sa kaligtasan ng lahat.
Ito ang paradox ng pananampalataya: ang tinanggihan ng tao ay siyang pinili ng Diyos.
Pagsasabuhay:
-Kilalanin araw-araw na ang buhay, pamilya, ministeryo, talento, at panahon ay ipinagkatiwala lamang ng Diyos.
-Pakinggan ang tinig ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita at huwag maging manhid sa Kanyang paanyaya.
-Tanggapin si Hesus bilang tunay na sentro at “batong panulukan” ng ating buhay, pamilya, at paglilingkod.
-Maging mabuting katiwala ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin.
Word of the Day: KATIWALA
Hindi tayo may-ari ng buhay; tayo ay mga katiwala lamang ng mga biyayang ipinagkatiwala ng Diyos. Ang tunay na kabanalan ay makikita sa tapat na pangangasiwa ng mga kaloob ng Panginoon.
“Ang lahat ay mula sa Diyos, para sa Diyos, at dapat gamitin para sa kaluwalhatian ng Diyos.”
Panalangin:
Ama naming mapagmahal, maraming salamat sa Iyong walang hanggang pagtitiis at awa. Patawarin Mo kami sa mga pagkakataong hindi namin pinakinggan ang Iyong tinig at inangkin namin ang mga biyayang hindi naman amin. Tulungan Mo kaming tanggapin si Hesus bilang batong panulukan ng aming buhay at maging mabubuting katiwala ng Iyong mga kaloob. Nawa’y ang aming isip, puso, at gawa ay laging magbigay-luwalhati sa Iyo.
Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!
Sa unang pagbasa, ipinapahayag ni Pedro sa mga nakakilala o nakapanalig kay Jesus na ngayon at ligtas na sila ay lakipan ang kanilang pananampalataya ng kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; sa kaalaman, ang pagsupil sa sarili; sa pag-supil sa sarili, ang katatagan; sa katatagan, ang kabanalan; sa kabanalan, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa pagmamalasakit, ang pag-ibig, upang makapamuhay ng tapat sa Dios.
“Mga pinakamamahal, mapuspos nawa kayo ng pagpapala at kapayapaan ng Diyos, dahil sa inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.Tinanggap natin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang mamuhay nang tapat sa Diyos. Ito’y dahil sa ating pagkakilala kay Hesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan ng kanyang karangalan at kapangyarihan. Sa pamamagitan nito, nangako siya ng mga bagay na mahalaga upang makaiwas kayo sa mapanirang simbuyo ng kahalayang umiiral sa mundong ito, at makahati sa kanyang kalikasan bilang Diyos. Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; sa kaalaman, ang pagsupil sa sarili; sa pag-supil sa sarili, ang katatagan; sa katatagan, ang kabanalan; sa kabanalan, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa pagmamalasakit, ang pag-ibig.”
Sa gospel reading, ipinapahiwatig ni Jesus sa isang talinhaga na sa sinumang tumulad sa mga pinuno ng relihiyong Judaismo na di nanalig kundi ipinapatay ang mga propetang humula at nagbigay babala sa pagdating ng Anak ng Dios upang iligtas (pitasin) ang kanyang bayan sa kanilang kasalanan subalit pinatay din
nang dumating siya ng mga pinuno ay tiyak na
mapaparusahan sila ng walang hanggang kamatayan sa impierno.
“Noong panahong iyon, nagsimulang magsalita si Jesus sa mga punong saserdote, mga eskriba, at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid, at binakuran niya ito. Humukay siya ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, iniwan niya ang ubasan sa mga kasama, at siya’y nagtungo sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan, pinapunta niya ang isa niyang utusan upang kunin sa mga kasama ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga kasama ang utusan, binugbog, at pinauwing walang dala. Ang may-ari’y nagpapunta uli ng ibang utusan, ngunit kanilang pinukpok ito sa ulo, at dinusta. Nag-utos na naman siya sa isa pa, ngunit pinatay nila ang utusang iyon. Gayun din ang ginawa nila sa marami pang iba: may binugbog at may pinatay. Iisa na lang ang natitira maaaring papuntahin sa kanila – ang kanyang minamahal na anak. Ito ang kahuli-hulihang pinapunta niya. ‘Igagalang nila ang aking anak,’ wika niya sa sarili. Ngunit ang mga kasama’y nag-usap-usap, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’’ Kanilang sinunggaban siya, pinatay at itinapon sa labas ng ubasan.
“Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Paroroon siya at papatayin ang mga kasamang iyon, at ang ubasa’y ibibigay sa iba. Hindi pa ba ninyo nababasa ang nasasaad sa Kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
Ang siyang naging batong panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
At ito’y kahanga-hanga!’”Tinangka ng mga pinuno ng mga Judio na dakpin si Hesus, sapagkat nahalata nilang sila ang pinatatamaan sa talinghagang iyon. Ngunit takot naman sila sa mga tao; kaya’t hindi nila siya inano at sila’y umalis.”
Kumusta naman tayo. Nilakipan o dinagdagan ba natin ang ating pananampalataya ng kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; sa kaalaman, ang pagsupil sa sarili; sa pag-supil sa sarili, ang katatagan; sa katatagan, ang kabanalan; sa kabanalan, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa pagmamalasakit, ang pag-ibig, matapos nating makakilala sa Panginoong Jesus at maligtas sa kasalanan at walang hanggang kamatayan?
Ilang beses na ninyong binigo ang isang taong mahal ninyo, pero patuloy pa rin siyang naniwala sa inyo? Hindi mahirap unawain ang talinghaga sa Mabuting Balita ngayon. Ang ubasan ang mundo. Ang may-ari ang Diyos Ama. Tayo ang mga magsasaka.
At ang Minamahal na Anak na hinuli at pinatay si Jesucristo. Malalim at personal ang tanong ni Jesus: “Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan?” Tinatanong niya tayo kung ano ang pagtingin natin sa Diyos. Galit ba siya? Parurusahan ba niya tayo? Pero ano ang ginawa ng may-ari sa talinhaga? Sa kabila ng paulit-ulit na pagtanggi ng mga magsasaka, paulit-ulit siyang nagpadala ng mga katulong. At pagkatapos, ipinadala niya ang kanyang anak. Napaka-pasensyoso niya. Napaka mapagmahal.
Tinutulungan tayo ni San Justino, isang martir, na ipinagdiriwang natin ngayon na mas maunawaan ito. Isa siyang pilosopo noong ikalawang siglo, matalino, at naghahanap ng katotohanan. Pinag-aralan niya ang iba’t ibang bukal ng karunungan, hanggang sa makilala niya ang isang matandang lalaki sa dalampasigan na nagturo sa kanya tungkol kay Kristo. Sabi ni San Justino: “ang katotohanang hinahanap ng bawat tao ay si Jesus.” Hindi niya itinago ang kanyang pananampalataya kahit na alam niyang mapanganib ito. Pinatay siya dahil dito. Tulad ng may-ari ng ubasan, hindi sumuko ang Diyos kay Justino. Patuloy siyang nagpadala ng mga senyales, mga guro, at mga kaibigan, hanggang sa buksan ni Justino ang kanyang puso.
Sa ating buhay, hindi tumitigil ang Diyos sa pagpapadala ng mga biyaya upang mapalapit tayo sa kanya: sa isang kaibigan karamay nating humarap sa mabigat na pagsubok, sa isang salitang nakakaantig sa ating puso, sa isang himig na nagpapaalala sa atin na hindi tayo nag-iisa. Iyon ang masuyong tawag ng Ama. Iniimbitahan niya tayo nang hindi sapilitan, hindi nananakot, kundi mapagmahal.
Kaya naman, bago ka matulog mamayang gabi, tanungin mo ang iyong sarili: “Sino o anong bagay ang ipinadala ng Diyos sa akin ngayon upang makilala ko siya nang lubusan?” Imulat natin ang ating mga mata, isipan, at puso at sabihin: “Narito ako, Panginoon. Handa na akong makinig.” Amen.