Podcast: Download (Duration: 6:04 — 4.4MB)
Paggunita kay San Felipe Neri, pari
1 Pedro 1, 10-16
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
Marcos 10, 28-31
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of St. Philip Neri, Priest (White)
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
1 Pedro 1, 10-16
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro
Mga pinakamamahal, tungkol sa kaligtasang ito, masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang humula sa kaloob na itong nakalaan sa inyo. Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Kristo na sumasakanila nang paunang ipahayag sa kanila ang hirap na titiisin ni Kristo at ang parangal na tatamuhin niya. Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila’y sa kapakinabangan ninyo – at hindi sa kanila. Ang mga katotohanang ito’y narinig ninyo ngayon sa mga tagapangaral ng Mabuting Balita ng Diyos. Nagsalita sila sa inyo sa kapangyarihan ng Espiritu Santong sinugo sa kanila buhat sa langit. Ang mga katotohanang ito’y pinanabikang maunawaan ng mga anghel sa langit.
Kaya nga ihanda ninyo ang inyong mga isipan. Magpakatatag kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Hesukristo. Bilang mga anak, sundin ninyo ang Diyos at huwag ang masasamang hilig tulad ng ginagawa ninyo noong kayo’y wala pang tunay na pagkaunawa. Yamang ang Diyos na humirang sa inyo ay banal, dapat kayong magpakabanal anuman ang inyong ginagawa, ayon sa nasusulat: “Magpakabanal kayo, sapagkat ako’y banal.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
Ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Ang D’yos na rin ang naghayag
ng handog n’yang pagliligtas.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 10, 28-31
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nagsalita si Pedro kay Hesus, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.” Sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang sinumang mag-iwan ng bahay, o mga kapatid, ina, ama, mga anak, mga lupa, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap ng makasandaang ibayo sa buhay na ito – mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupa – ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa kabilang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahuhuli na magiging una.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Mayo 25, 2026
Miyerkules, Mayo 27, 2026 »




{ 7 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Tayo ngayon ay papasok na bukas sa Panahon ng Kuwaresma, na kung saan alalahanin natin ang mga pinagdaanan ni Hesukristo para sa ating kaligtasan. Kaya ito ang panahong tumatawag sa atin na magbago, magsisi, magtiis, magsakripisyo, magpakumbaba, at maging malapit sa Diyos.
Ang Unang Pagbasa ay ang pahayag ni San Pedro ukol sa pagkakamit ng kaligtasan para sa ating mga kaluluwa. Ang kaligtasang ito ay hinahanap ng mga propeta, at napuno sila ng Espiritu upang maging saksi sa mga mensahe ng Diyos. At sa pamamagitan ng pagtawag sa ministeryo ng Panginoon, hindi sila naglilingkod para sa kanilang mga sarili, kundi para sa bayan ng Diyos, na tayo rin ay kabilang sa isang Sambayanan. Kaya ang kanilang buhay na pagpapahayag ng mensahe ay maging halimbawa rin sa atin na mamuhay tayo nang nararapat sa Panginoon at maging banal tulad ng kabalanan ng kanyang mga hinirang. Ang kabanalan ay nakikita sa ating mabuting pagsasaksi sa kanya sa ating araw-araw na pamumuhay.
Ang ating Ebanghelyo ngayon ay pagpapatuloy sa ating narinig na pagpapahayag ni Hesus tungkol sa pagiging mayaman na nakita natin sa anyo ng mayamang binata (Ebanghelyo kahapon). Nakita natin kahapon kung paanong nilapitan si Hesus ng binatang ito at tinanong kung ano ang dapat gagawin upang makamit ang buhay na walang hanggan. Tugon sa kanya ni Hesus na kung tinupad ng lalaki ang mga Sampung Utos, ipamigay niya ang kanyang mga ari-arian at sumunod sa Panginoon, kaya’t malungkot na umalis siya. At dahil dito, nagsalita si Hesus na mahirap pumasok ang isang mayayamang tao sa Kaharian ng Langit, ngunit mas madali pang pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom. Hindi po literal na makakapasok ang isang malalaking kamelyo sa maliit na butas ng karayom. Ito po ay tungkol sa paghahangad ng tao sa tunay na kaligayahan at kayamanang nakasalalay sa Kaharian ng Langit. Kaya’t ito’y panawagan sa pagsunod sa yapak ng Panginoon tungo sa buhay na walang hanggan. Ngunit ang magiging sakripisyo nito ay ang pagdaraan sa mga pagsubok ng buhay. At patuloy na nagsasalita si Hesus na kung sino man ang nag-iwan sa lupain, tahanan, at pati na mga kapamilya ay magkakamit ng kaligayahan sa kalangitan. Iyon nga ba ang gusto nating gantimpalaan kahit isasakrispiyo natin ang mga mahal natin sa buhay?
Makikita natin dito na mahirap sundin ang panawagan ni Hesus, subalit ang nais niyang ipahayag ay ang katatagan ng ating pananampalataya sa kanya at sa Diyos Ama. Hindi naman minasama ni Hesus ang ating mga pamilya at tahanan, subalit ang nais niya ay siya’y unang prioridad sa tawag ng pagsunod sa kanya. Hindi naman kinakailangang ibenta natin ang lahat ng mayroon tayo dahil alam ng Diyos na pinaghirapan natin ang mga ito sa edukasyon at trabaho, subalit dapat manatili tayong simple at mababa ang loob sa kabila ng mga kayamanan natin sa buhay. At matuto din tayong magbahagi ng iilang-ilang ari-arian at pagpapala sa ibang tao, lalung-lalo na ang ating mga buhay sa espirituwal na pangangailangan nila.
Holy God Holy Mighty One Holy Immortal One Have Mercy On Us And The Whole World…Jesus I Trust In You…Amen!
Sinabi sa ebanghelyo na iwan natin lahat, ama, ina, kapatid, anak at ari ari-arian na kumakatawan sa ating mga pinanghahawakan at nagpapasaya sa atin. Ang mga bagay na hilig natin, kinahuhumalingan, mga bagay o posesyon na nagpapahiwalay sa atin sa Diyos, mga bagay na sa sobrang sarap ay nakakalimutan natin ang Diyos. Bukas ay ang umpisa ng kwaresma. Panawagan na pasanin natin ang krus karulad ni Kristo, magsakrispisyo bilang pakikidalamahati sa kanya. Mag-ayuno tayo at mangilin. Buong taon naman tayong nagpasasa sa kamunduhan at nagpaksaya. Ang kwaresma ay kwarenta diaz ng pagtitiis at pagkakabanal, na syang magiging umpisa ng tuloy tuloy nating pagababago at pgbabalik loob sa Panginoon.
Samanatalahin natin ang banal na panahon na ito mga kapatid, magsisis tayo sa mga gawang sala. Mangumpisal tayo, aminin ang mga kasalanan at ihingi ng kapatawaran. At magsikap na matalikuran na ang kasamaan.
Bukas ay sama sama tayong maglimos, manalangin ng mas madalas at magsakripisyo ng walang pinagsasabihang tao maging ang iyong matalik na kaibigan. Gantimpala ang naghihintay sa hulihan.
Sa sinabi ng Panginoong Hesus, tinitiyak niya sa atin na ang mga sakripisyo na ating ginagawa, ang ating pagiging bukas-loob, ang ating buhay-paglilingkod, ang paghahandog ng ating sarili para sa paghahari ng Diyos ay nakikita niyang lahat. Kung minsan, kapag may taong nangangailangan ng tulong, may mga kapatid tayo na kahit sapat lang sa kanyang pamilya kung ano ang mayroon siya, magbabahagi pa rin siya sa taong nangangailangan. Kung mayroon namang gawain sa parokya o sa ating lugar, kahit marami siyang tatapusin sa bahay ay iiwanan niya upang makatulong sa pamayanang gawain. O kahit na maglingkod sa maysakit nating magulang, o kapitbahay, iniiwan ng iba ang kanilang pamilya upang tulungan ang nangangailangan.
Walang gawain o saloobin natin na di alam ng Diyos. Kung di man mapansin ng iba ang ating mabuting ginagawa, kung walang pumupuri o nagpapasalamat sa atin, huwag pong sasama ang loob natin. Dahil ang Panginoon ang nakakaalam ng lahat. Sa totoo lang, hindi natin kailangan ang papuri ng ating kapwa. Sa iba’t ibang paraan tayo ay magkakaroon ng gantimpala. Maaaring hindi material na bagay kundi kapayapaan at galak ng puso, magandang relasyon sa kapwa at pamilya, at syempre pa, buhay na walang hanggan. Si San Felipe Neri po ay naglingkod nang may galak sa puso, at siya ay laging nagbibigay galak sa mga taong nakakaharap niya.
Ang mga pari, brothers at madre na iniwan ang pamilya para maglingkod ng lubos sa Diyos, dumarami ang aming ina, ama, mga kapatid na sumusuporta sa misyon ng Panginoon. Gayon din po kayong lahat na naglilingkod sa Diyos at sa kapwa, lahat po ng inyong gawain ay nakikita ng Panginoon at kayo ay gagantimpalaan niya.
PAGNINILAY:
Marcos 10, 28-31
Sa Ebanghelyo ngayon, naririnig natin si Pedro na tila naghahanap ng katiyakan mula kay Hesus: “Iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.”
Hindi ito simpleng pagyayabang ni Pedro. Ito ay tinig ng isang disipulong nag-alay ng buong buhay ngunit naghahanap ng kasiguruhan: “Panginoon, may kabuluhan ba ang aming pagsunod?”
At dito napakaganda ng tugon ni Hesus. Hindi Niya sinabi na magiging madali ang buhay ng sumusunod sa Kanya. Hindi Niya ipinangakong walang hirap, walang luha, o walang pag-uusig. Sa halip, malinaw Niyang sinabi: May gantimpala, ngunit may krus. May pagpapala, ngunit may pagsubok. May buhay na walang hanggan, ngunit may pagtitiis muna.
Ang tunay na pagsunod kay Kristo ay hindi transaksyon kundi transformasyon.
Hindi tayo sumusunod dahil lamang sa gantimpala kundi dahil si Kristo mismo ang ating kayamanan. Kapag iniwan natin ang mga bagay na humahadlang sa Diyos — kasakiman, kapalaluan, sobrang pagkakapit sa makamundong seguridad — saka natin mararanasan ang mas malalim na biyaya ng Diyos.
Ang “makasandaang ibayo” ay hindi lamang materyal na pagpapala. Ito ay:
mas malawak na pamilyang espiritwal,
kapayapaang hindi kayang ibigay ng mundo, kagalakang bunga ng paglilingkod, at pag-asang walang hanggan. Ngunit mahalaga rin ang babala ni Hesus:
“Maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahuhuli na magiging una.”
Ipinapahiwatig nito na sa kaharian ng Diyos, hindi katanyagan, kayamanan, o posisyon ang sukatan ng kadakilaan kundi kababaang-loob at katapatan.
Minsan ang mga tila “huli” sa paningin ng mundo — tahimik na naglilingkod, nagsasakripisyo, umiiyak ngunit nananatiling tapat — sila pala ang tunay na dakila sa mata ng Diyos.
Sa araw na ito ginugunita Saint Philip Neri, siya ay kilala bilang “Apostol ng Roma” dahil sa kanyang masayahin ngunit banal na pamamaraan ng pangangaral at pag-akay ng mga kaluluwa palapit sa Diyos. Isa siyang paring puno ng kababaang-loob, kagalakan, at malasakit sa mahihirap at kabataan. Itinatag niya ang Congregation of the Oratory, isang samahan ng mga pari na nakatuon sa panalangin, pangangaral, at paghubog ng pananampalataya.
Ang isa sa pinakamagandang ambag ni San Felipe Neri sa Simbahan ay ang pagpapaalala na: “Ang kabanalan ay hindi kailangang malungkot; ang tunay na banal ay may pusong puno ng kagalakan.”
Sa kanyang buhay, ipinakita niya na ang pagmamahal kay Kristo ay hindi lamang nasusukat sa sakripisyo kundi pagsunod, pati sa masayang paglilingkod, kabutihan, at pagiging malapit sa kapwa.
Word of the Day: “Pagsunod”
Ang tunay na pagsunod kay Kristo ay may kasamang pagtitiwala kahit hindi malinaw ang daraanan. Ang pagsunod ay hindi lamang paglakad palapit sa biyaya kundi pagyakap maging sa krus na kaakibat nito.
Pagsasabuhay:
Ano ang mga bagay na hirap akong iwan upang lubos na makasunod kay Kristo?
Naglilingkod ba ako sa Diyos dahil sa gantimpala lamang o dahil mahal ko Siya?
Paano ko maipapakita ang masayang paglilingkod tulad ni San Felipe Neri?
Ngayong araw, subukan nating magsakripisyo nang may kagalakan at maglingkod nang hindi naghahanap ng kapalit.
Panalangin:
Panginoong Hesus, turuan Mo akong sumunod sa Iyo nang buong puso.
Bigyan Mo ako ng lakas upang maiwan ang anumang humahadlang sa aking pananampalataya.
Gaya ni San Felipe Neri, nawa’y makapaglingkod akong may kababaang-loob, pagmamahal, at kagalakan.
Ikaw nawa ang maging tunay kong kayamanan ngayon at magpakailanman. Amen.
To God be the glory!
Sa unang pagbasa, ipinapahayag kung gaano kahalaga ang kaligtasang na nakay Jesus sapagkat sinuri mabuti at binigyan ng panahon ito. Kahit ang mga anghel ay pinanabikan itong malaman sapagkat may kaakibat itong matinding pagpapala kaya kinakailangan dito ang katatagan at kabanalan.
“Mga pinakamamahal, tungkol sa kaligtasang ito, masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang humula sa kaloob na itong nakalaan sa inyo. Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Kristo na sumasakanila nang paunang ipahayag sa kanila ang hirap na titiisin ni Kristo at ang parangal na tatamuhin niya. Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila’y sa kapakinabangan ninyo – at hindi sa kanila. Ang mga katotohanang ito’y narinig ninyo ngayon sa mga tagapangaral ng Mabuting Balita ng Diyos. Nagsalita sila sa inyo sa kapangyarihan ng Espiritu Santong sinugo sa kanila buhat sa langit. Ang mga katotohanang ito’y pinanabikang maunawaan ng mga anghel sa langit.Kaya nga ihanda ninyo ang inyong mga isipan. Magpakatatag kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesukristo. Bilang mga anak, sundin ninyo ang Diyos at huwag ang masasamang hilig tulad ng ginagawa ninyo noong kayo’y wala pang tunay na pagkaunawa. Yamang ang Diyos na humirang sa inyo ay banal, dapat kayong magpakabanal anuman ang inyong ginagawa, ayon sa nasusulat: “Magpakabanal kayo, sapagkat ako’y banal.”
Sa gospel reading, ipinapahayag dito na katulad ng mga apostol na nakatuklas ng kaligtasang ito ay iniwan nila lahat ang mga bagay ng lupa at sinundan si Jesus sapagkat bagamat dadanasin nila ang maraming pag-uusig at kahirapan ay may ipinangako si Jesus na walang hanggang gantimpala. Ang pribilehiyong ito ay unang ipinaalam sa mga Hudyo subalit tinanggihan nila kung kaya’t naibigay sa mga gentil gaya natin na bagamat sa kanila huling ipinaalam ay sila hanggang ngayon ang nagpapatuloy sa gawaing pagliligtas.
Nauna ang Israel pero ang nahuling gentil ang naunang bubuin ang bilang na ililigtas pero sa huli ay babalikan ang Israel ni Jesus upang iligtas din (Roma 11:25-26).
“Noong panahong iyon, nagsalita si Pedro kay Hesus, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.” Sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang sinumang mag-iwan ng bahay, o mga kapatid, ina, ama, mga anak, mga lupa, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap ng makasandaang ibayo sa buhay na ito – mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupa – ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa kabilang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahuhuli na magiging una.”
Kumusta naman tayo. Pinahalagahan ba natin ang pagliligtas ni Jesus sa pamamagitan ng pag-iwan ng lahat para lamang maipagpatuloy itong gawaing pagliligtas hanggang sa mabuo ang bilang ng gentil na maligtas upang dumating na si Jesus?
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA ALLELUIA ALLELUIA!