Biyernes, Mayo 22, 2026

May 22, 2026

PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Biyernes

Bunga ng pagkaunawang isinugo tayo sa misyong katulad ng kay San Pedro, hilingin natin sa Diyos Ama na palakasin ang ating pananampalataya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pagpalain Mo ang iyong kawan.

Ang Santo Papa at lahat ng may katungkulan sa Simbahan nawa’y gabayan ng Banal na Espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mag-asawa nawa’y magkaroon ng matalas na pakiramdam sa pangangailangan ng bawat isa at maging maligaya sa kanilang pagsasama, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga makasalanan nawa’y makatagpo ng pag-asa at lakas ng loob sa pagpapatawad ng Panginoon kay San Pedro, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at nababagabag nawa’y makaranas ng presensya ng Panginoon sa gitna ng kanilang mga pagdurusa at paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumaong mahal natin sa buhay nawa’y makatanggap ng liwanag, kaligayahan, at kapanatagan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, isinugo mo ang iyong Anak upang iligtas ang mundo sa pamamagitan ng gawain ng iyong Simbahan. Palakasin nawa ang aming loob ng halimbawa ni San Pedro upang magsikap kami para sa paglaganap ng iyong Kaharian sa lupa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 10 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez May 30, 2022 at 1:27 am

PAGNINILAY: Malapit na tayong matapos sa ating pagninilay sa Muling Pagkabuhay ni Hesukristo. Noong nakaraang Linggo, ipinagdiriwang natin ang kanyang Pag-akyat sa Langit. At ngayong darating na Linggo, ipagdiriwang natin ang Pentekostes, ang araw na bumaba ang Espiritu Santo sa mga Apostol.

Kaya maririnig natin sa Ebanghelyo kung paanong ipinaghahanda ni Hesus ang kanyang mga alagad para sa magiging misyon ng Simbahan. Ang tagpuan ay sa dalampasigan ng Lawa ng Tiberias matapos siyang magpakita sa kanila habang sila’y nangingisda sa Lawa. Nagkaroon ng malaking huli ng isda ang 7 alagad na nasa bangka, nakilala nila ang Panginoon, at sila’y nag-almusal. Matapos nito, tinanong ni Hesus si Simon Pedro nang 3 beses kung mahal siya nito. Kaya 3 beses sinabi ni San Pedro na lubos niyang minamahal ang Panginoon. Ito yung kabayaran at pangbawi ng Apostol noong 3 beses niyang ipinagkaila si Hesus nang ito’y idadala kay Poncio Pilato upang hatulan ng kamatayan. Bagamat naiyak si Pedro dahil naalala niya ang kanyang ginawang pagtatatwa sa kanyang Panginoon, nabatid niya na alam nito ang lahat tungkol sa kanya at sa katotohanang mahal niya ito. At pinatibay ni Hesus ang tungkulin ni San Pedro na alagaan ang mga tupa. Ito yung magiging misyon ni San Pedro bilang kauna-unahang Santo Papa ng ating mahal na Simbahang Katolika. At hinula rin ni Kristo na sa huli ng pamumuno ng Apostol sa Simbahan, siya’y ipagpapatay sa isang lugar na sinabi ng Panginoon na “hindi niya magugustuhan”.

Kaya nga n’ung una, nang si Pedro ay hatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagpapako sa krus, nagtago sa labas. Biglang nagpakita ang Panginoong Hesus sa kanya, at tinanong niya nito, “Quo vadis, Domine?” “Saan kayo pupunta, Panginoon?” Sagot ni Hesus, “Ako’y papunta sa Roma upang sa pangalawang pagkakataon, ako’y ipapako sa krus.” Kaya bumalik si Pedro at hiniling na siya’y ipako sa krus ng patiwarik dahil sa kababang-loob ng kanyang kahinaan, ngunit pinalakas ng Panginoong Hesus na natupad na niya ang kanyang misyon. Makikita natin ang lubos na pagkikilala ni San Pedro kay Hesus. Marami nang beses ipinatotoo ni Pedro na si Hesus ay ang Kristo at Salitang nagbibigay-buhay. At nakita natin na kahit nagkasala siya, pinatawad pa rin siya ng Panginoon dahil may malaking misyong siyang ginampanan para sa pag-uunlad ng Simbahan.

Sa totoo, ganyan ang naging buhay ng mga Apostol, na kahit pinabayaan nila ang kanilang Panginoon nang ginapit nito ang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus, nagpakita si Hesus sa kanilang nang maraming beses, at ang mensahe ng kanyang Muling Pagkabuhay ay bagong pag-asa at bagong buhay. Kaya ang Muling Pagkabuhay ay nagsilbing ugat ng pagpaparangal ng mga Apostol, at ito rin ang pinakaugat ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyanong Katoliko. Sa kabila ng ating mga kahinaan sa buhay, nawa’y palagi nating alalahanin na mahal tayo ng Diyos, at patuloy tayo sa pagtutupad ng ating misyon dito sa lupa upang mas makilala ang Paghahari ng Diyos sa bawat isa.

Reply

Malou Castaneda May 16, 2024 at 9:14 pm

PAGBINILAY
“Mahal mo ba ako?” Ito ay isang tanong na talagang dumidiretso sa puso at mahalaga sa ating pakikipag ugnayan kay Hesus. Ito ay isang tanong sa kasalukuyan; hindi sa nakaraan; hindi kahit sa hinaharap. Ang kasalukuyan ay mahalaga, “Mahal mo ba ako?” Ito ang tanging tanong na itinatanong ni Hesus sa bawat isa sa atin na talagang mahalaga; ang tugon na humahantong sa pagpapalalim ng ating pakikipag ugnayan sa Kanya.

Mahal tayo ni Hesus at kasama natin Siya bawat segundo ng araw. Handa ba tayong isuko ang ating ilusyon sa pagkontrol sa ating buhay at ilagay ang ating kamay sa kamay ni Hesus? Mahal tayo ni Hesus at lalakad na kasama natin sa bawat hakbang ng daan. Gagabayan at palalakasin tayo ni Hesus kapag kailangan natin ng tulong sa pagharap sa buhay. Mahal mo ba ako?” Ang tanong ay naitanong na. Hinihintay ni Hesus ang ating sagot.

Panginoon muling nabuhay, nawa’y Ikaw ang iuna namin, palaging una sa lahat. Amen.
***

Reply

Rex Barbosa May 17, 2024 at 6:18 pm

ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 21, 15-19

PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo

Muli napaka-talinghga ng Panginoon..

Sinabi niya kay Simon Pedro
“Pakanin mo ang aking mga batang tupa.”
“Pangalagaan mo ang aking mga tupa.”
“Pakanin mo ang aking mga tupa.”

Ito’y bilin ni Hesus na maging MATIBAY NA BATO
AT ALAGAAN ANG KANYANG SIMBAHANG ITATAG.

“Ngunit pagtanda mo, IUUNAT MO ANG IYONG MGA KAMAY
at IBA ANG MAGBIBIHIS SA IYO
at DADALHIN KA KUNG SAAN HINDI MO IBIG.
sinabi niya ito UPANG IPAKILALA KUNG PAANO MAMAMATAY SI PEDRO AT SA GAYO’Y MAPARARANGALAN NIYA ANG DIYOS.”

Maaalala sa kasaysayan na si Pedro ay namatay ng pabaliktad sa Krus dahil sinabi niyang hindi siya karapatdapat na ipako sa Krus
katulad ng pagkamatay ni Hesus..
Hindi niya ibig na ipako sa Krus ng kapareho ni Hesus.
NGUNIT IBIG NIYANG IHANDOG ANG KANYANG BUHAY SA DIYOS BILANG PAGPAPARANGAL SA DIYOS,

Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, “SUMUNOD KA SA AKIN!”

TUNAY NGANG ALAGAD NI HESUS SI SIMON PEDRO
DAHIL TUMUGON SIYA SA PAANYAYA NI HESUS
NA “SUMUNOD KA SA AKIN” HANGGANG KAMATAYAN.

KAYA BA NATING GAWIN ANG HALIMBAWA NI SIMON PEDRO
BILANG MANANAMPALATAYA?

Reply

Mel Mendoza May 22, 2026 at 12:59 am

PAGNINILAY:
Juan 21, 15-19

Sa Ebanghelyo ating nasilayan ay tagpong matapos ang muling pagkabuhay ng Panginoon habang nagaalmusal sa dalampasigan sa lawa ng Tiberias kasama ng mga ilang alagad. Hindi agad tinanong ni Hesus si Pedro tungkol sa kanyang kakayahan, tapang, o pagiging lider. Ang pinakaunang tanong ni Hesus ay:
“Iniibig mo ba ako?”

Tatlong beses itong tinanong ng Panginoon kay Pedro—isang paalala rin sa tatlong beses na pagkakaila ni Pedro noong panahon ng pagpapakasakit ni Hesus. Ngunit kapansin-pansin: hindi ibinalik ni Hesus ang kasalanan ni Pedro upang siya’y hiyain, kundi upang siya’y pagalingin at muling itayo sa kanyang pagkakadapa.

Ang pagmamahal ni Hesus ay hindi nanunumbat; ito’y nagpapanumbalik.
Sa bawat tanong may natatanging tagubilin si Hesus kay Pedro:
Ang una, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.”
Ito ay paanyaya sa pag-aaruga sa mga mahihina sa pananampalataya—mga sugatan, naliligaw, baguhan, at nangangailangan ng pagkalinga. Ang tunay na nagmamahal kay Kristo ay hindi lamang nananatili sa panalangin kundi lumalabas upang maglingkod.

Ang Ikalawang tagubilin, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa.”
Hindi sapat ang magpakain lamang; kailangan ding magbantay/ingatan at mangalaga. Ang pastol ay handang magsakripisyo para sa kanyang kawan. Ito ang larawan ng Simbahan: isang komunidad ng pagmamahal, paggabay, at pagtitiyaga.

Ang panghuli, “Pakanin mo ang aking mga tupa.”
Sa ikatlong pagkakataon, tila mas malalim na ang paanyaya ni Hesus. Ang pagmamahal kay Kristo ay hindi isang emosyon lamang. Ito ay may misyon. Ang pag-ibig kay Hesus ay dapat makita sa paglilingkod sa kapwa.

Sa wikang Griyego, ginamit ni Hesus ang salitang agape—”sacrificial love” isang ganap at banal na pag-ibig. Ngunit si Pedro ay sumasagot gamit ang philia—pagmamahal bilang kaibigan. Para bang ipinapakita rito na alam ni Pedro ang kanyang kahinaan matapos niyang itatwa si Hesus.
Ngunit hindi siya itinaboy ng Panginoon.
Sa halip, tinanggap ni Hesus ang limitadong pag-ibig ni Pedro at unti-unti siyang hinubog tungo sa mas dakilang pag-ibig. Dito makikita na ang tawag ng Diyos ay hindi para lamang sa perpekto, kundi para sa mga handang magmahal at magtiwala muli.

Ang tatlong habilin ni Hesus kay Pedro ay naging pundasyon din ng pastoral mission ng Simbahan. Kaya si Pedro ay ang unang Santo Papa-naging larawan ng pagiging pastol ng buong kawan ni Kristo—isang misyong ipinagpapatuloy ng Simbahan hanggang ngayon.

Pagsasabuhay:
Madalas ay gusto nating maglingkod sa Diyos ngunit may takot dahil sa ating nakaraan, pagkukulang, o kahinaan. Ngunit ipinapakita ng Mabuting Balita na ang Diyos ay hindi tumatawag ng perpekto—tinatawag Niya ang pusong marunong magmahal at magbalik-loob.

Suriin natin ang ating mga sarili ngayon:
-Iniibig ko ba talaga si Hesus higit sa aking sarili?
-Nakikita ba ang pagmamahal ko kay Kristo sa paraan ng aking paglilingkod sa kapwa?
-May mga “tupa” bang ipinagkatiwala sa akin—pamilya, ministry, komunidad—na kailangan kong arugain?
Bilang mga lingkod ng Simbahan, ang tunay na sukatan ng pagmamahal kay Kristo ay hindi dami ng salita kundi lalim ng paglilingkod.

Word of the Day
“Sumunod ka sa akin.”
Sa bandang dulo ng Ebanghelyo ito ang huling paanyaya ni Hesus kay Pedro ang “Sumunod ka sa akin”. Hindi lamang ito utos kundi paalala na ang pagiging alagad ay araw-araw na pagsunod—kahit may hirap, sakripisyo, at krus.

Panalangin:
Panginoong Hesus,
turuan Mo akong magmahal nang tapat at totoo. Pagalingin Mo ang aking mga kahinaan at gawin Mo akong mabuting pastol sa mga taong ipinagkatiwala Mo sa akin. Nawa’y maipakita ko ang aking pag-ibig sa Iyo sa pamamagitan ng paglilingkod, pagmamalasakit, at katapatan. Bigyan Mo ako ng lakas upang araw-araw ay sumunod sa Iyo.
Amen.

Reply

Ruel May 22, 2026 at 6:21 am

Ikaw mamahalin mumps ba mga taong nagkaksil sa iyo , Hindi ka pinagtanggol o pinagkanulo ka? Kaya Hesus nan doon parin Ang pagmamahal ngunit Ang tanong ni Hesus ay mahal mo ba ako uli? Nais ni Hesus na Oo nagkasala pero kaya mo ba magbago para mahailin muli ako kaya mo ba uli na tanggagapin si Hesus kaya mo magbago . Ito yung tanong ni Hesus Kay Pedro na tatlong beses na tinanong kung mahal niya si Hesus at muling sumagot si Pedro nang Oo iniibig niya si Hesus Ito yung tinatawag na pagbabalik-loob na handing tanggangapin magkakamali at mahalin si Hesus muli at tanggapin mga inaatang na gagawin . Ikaw pagnagkamali ka kaya mo bang tanggapin Ang pagkakamali mo tulad ni Pedro.?

Reply

dlanor321 May 22, 2026 at 6:24 am

Kapanalig, naranasan mo na bang makagawa ng kasalanan sa isang tao at kailangan mong bumawi upang mawala ang galit sa iyo? Sa ating Mabuting Balita ngayon, baliktad ang nangyari. Si Pedro ang nagtatwa kay Jesus, subalit si Jesus ang gumawa ng paraan upang makabawi sa Kanya si Pedro. Kung mapapansin ninyo, tatlong ulit tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal ba siya nito. Sa bawat sagot ni Pedro ay may kaakibat na misyon na ibinibigay sa kanya si Jesus. Sabi ng ilang Bible scholar, ang unang tugon kasi ni Pedro ay mababaw ang pakahulugan nito. Hindi pantay ang pakahulugan nila sa salitang pagmamahal, kaya kailangang ipaunawa kay Pedro ang mas malalim na pakahulugan nito. Kapanalig, ganito tayo kamahal ng Diyos. Tuwing magkakasala tayo sa Kanya, hindi mabilang na pagkakataon ang ibinibigay niya sa atin para makabawi sa Kanya. Ginagamit ba natin nang maayos ang bawat pagkakataong ito upang itama ang ating pagkakamali at manumbalik sa piling ng ating butihing Diyos?
Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang kapistahan ni Santa Rita. Isa siya sa mga santang hindi nabulok ang katawan at tinatawagan ang kanyang intersasyon sa mga imposibleng kahilingan. Hingin natin ang panalangin ni Santa Rita na tulungan tayong maging tapat kay Jesus at sa ating pananampalataya. Huwag sana nating sayangin ang mga pagkakataong ibinibigay sa atin upang makabawi sa Diyos.

Reply

[email protected] May 22, 2026 at 8:36 am

Ama Naming Dios Akoy Nananalig At Isinusuko Ko Ang Lahat Sa Akin Sa Ngalan Ni Hesukristo…Amen!

Reply

Jovy Uy May 22, 2026 at 12:52 pm

Sa unang pagbasa, dahil alam ni Pablo na hindi patas ang magiging paglilitis sa kanya sa Judea at nanganganib ang kanyang buhay, sinabi niya kay Gobernador Festo na siya ay umaapela kay Cesar. Bago siya ipinadala sa Roma, dinala muna siya ni Festo kay Haring Agripa II at sa kapatid nitong si Berenice para pakinggan ang kanyang kaso. Ginawa ito ni Festo upang magkaroon siya ng malinaw na dokumento o sakdal na ipapadala sa Emperador. Ito rin ay katuparan ng propesiya na si Pablo ay mangangaral sa harap ng mga hari at mga pinuno. Dahil siya ay isang Roman citizen (mamamayang Romano), ipinagkaloob sa kaniya ang isang mas “marangal” na paraan ng pagbitay imbes na ipako sa krus. Siya ay pinugutan ng ulo sa labas ng Roma sa kahabaan ng daan patungong Ostia ayon sa tradisyon ng sinaunang Iglesia.

“Noong mga araw na iyon, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at si Berenice upang bumati kay Festo. Nang matagal-tagal na sila roon, inilahad ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo,” wika niya. “Nang ako’y nasa Jerusalem, isinakdal siya sa akin ng mga punong saserdote at ng matatanda ng mga Judio at hininging parusahan siya. Sinagot ko sila na hindi ugali ng mga Romano ang magparusa sa sinumang nasasakdal nang hindi muna nagkakaharap ang magkabilang panig, at nagkakaroon ng pagkakataong makapagtanggol sa sarili ang nasasakdal. Kaya’t nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko sa hukuman ang taong iyon. Nang magkaharap-harap sila, siya nama’y hindi nila ipinagsakdal sa anumang mabigat na pagkakasala na inaakala kong ipararatang nila. Ang pinagtatalunan lang nila ay tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang taong ang pangala’y Hesus. Patay na ang taong ito, ngunit ipinipilit naman ni Pablo na siya’y buhay. Hindi ko malaman kung ano ang gagawin sa bagay na ito kaya’t tinanong ko siya kung ibig niyang sa Jerusalem siya litisin. Ngunit tumutol si Pablo at hiniling na ipaubaya sa Emperador ang pagpapasiya sa kanyang usapin. Kaya’t pinabantayan ko siya upang ipadala sa Emperador.”

Sa gospel reading, nang mabuhay muli si Jesus ay tatlong beses na tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal niya siya sapagkat tatlong beses niyang itinakwil si Jesus nang hulihin siya upang ipako. Hindi siya katulad ni Judas na nagpakamatay kaya nabigyan siya ng pagkakataong manumbalik kay Jesus kung kaya’t nang makabalik siya sa kanyang mga kasamahan ay binigyan siya ng atas ni Jesus na palakasin ang kalooban nila na ipagpatuloy ang gawain nilang pagliligtas bilang pagpapakain at pag-aalaga sa kanila (Lucas 22:32).

Hinulaan din ni Jesus ang kamatayan ni Pedro. Siya ay nagpapako ng patiwarik dahil nakaramdam niya ng matinding kababaang-loob at hindi niya itinuring ang kanyang sarili na karapat-dapat na mamatay sa eksaktong paraan na naranasan ng kanyang Panginoong Jesukristo.

“Nang muling napakita si Jesus sa mga alagad niya at nang makakain sila, tinanong ni Hesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman niyong iniibig ko kayo.” Ani Hesus, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro, sapagkat makaitlo siya tinanong: “Iniibig mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo’y mapararangalan niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin!”

Kumusta naman tayo. Gaano tayo kasigasig sa pagbabahagi ng kaligtasan na nakay Cristo una sa kapamilya at sa ibang tao tulad nina Pablo at Pedro na humantong sa matinding pag-uusig, pagkakulong at masaklap na kamatayan?

Reply

Celine loveko May 22, 2026 at 3:39 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA ALLELUIA ALLELUIA!

Reply

Guendolyn Chiong May 22, 2026 at 10:32 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: