Podcast: Download (Duration: 7:08 — 5.1MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Huwebes
Nanalangin si Jesus sa Ama para sa pagkakaisa. Sa paghihintay sa Pentekostes, lumapit tayo sa Ama at idalangin ang tunay na pagkakaisa ng lahat ng kanyang mga anak.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng lahat, pag-isahin Mo kami.
Ang lahat ng kasapi ng Simbahan nawa’y magkaisa sa puso at isip kasama ng ating Santo Papa at ng ating mga obispo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mundo nawa’y sumampalataya kay Kristo bunga ng nagkakaisang halimbawa ng mga Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng bininyagan kay Kristo nawa’y magkatipon sa iisang Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang bawat mag-anak nawa’y mabuklod sa iisang pananampalataya at pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y tawagin sa ganap na pakikipagkaisa sa Diyos magpakailanman, manalangin tayo sa Panginoon.
Banal na Ama, sa pamamagitan ng mga panalanging ito, maakay nawa ang lahat ng tao sa pagkakaisang ibinabahagi mo sa Nag-iisang minahal mo bago pa man itinatag ang sansinukob. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Mayo 20, 2026
Biyernes, Mayo 22, 2026 »




{ 6 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Kung ating babalikan ang Ebanghelyo ngayon, ang pinakamagandang pahayag dito ni Hesus ay “Maging ISA nawa silang lahat” (Juan 17:21). Itong pahayag ang naging inspirasyon sa pagsulat ni Papa San Juan Pablo II sa kanyang ensiklikal na pinamagatang “Ut Unum Sint,” na ang layunin ay magkaisa ang lahat ng mga Kristiyano. Kaya pala ang taong 2020 ay itinalaga ng ating lokal na Simbahan bilang “Taon ng Ekumenismo, Diyalogo sa iba’t ibang Relihiyon, at Katutubong Mamamayan”. Tuwing ika-18 hanggang ika-25 ng Enero, itinalaga ng buong Simbahang Katolika bilang Linggo ng Panalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano. At sa buong Simbahan din, patuloy ang mga gawain upang isulong ang kapayapaan at pagkakaisa sa pagitan ng lahat ng mga Kristiyano at iba pang kasapi ng ibang relihiyon. Ngunit kailangan nating iklaro ang ang layunin ito ay hindi upang mawalay sa katotohanang ang ating Simbahan ay ang tunay na itinatag si Hesukristo. Kundi ang nais nating gawin ay makipag-usap at makipag-ugnayan sa mga kapatid nating humiwalay sa Deposito ng Pananampalataya. Kahit mahirap ipanumbalik sila pauwiin sa pagiging Katoliko, ang dapat nating bigyang pansin ngayon ay ang pagkakaroon ng maayos ng relasyon sa kanila.
Sa kabila ng pagkakaiba ng mga paniniwala at tradisyon ng bawat denominasyon, mahalaga na ipakita natin bilang mga tunay na Katoliko sa ating mga kapatid ang pagkakilanlan ng Kristiyanismo: ang pag-ibig. At kung babalikan natin ang Ebanghelyo, ito yung panalangin ni Hesus sa Ama nating Diyos na tayo’y magkaisa upang tayo’y kanyang ingatan hanggang makamit natin ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan. Bukod pa rito, ang paanalangin din ni Hesus ay ang pagkakilala ng buong sanlibutan sa Ama nating Diyos, katulad ng pagkilala niya sa Ama. Kaya ito ay hamon sa atin bilang mga Kristiyanong Katoliko, na sa ating pakikipag-isa sa ating kapwang Kristiyano, pa’no pa kaya ang ating pakikipagtungo sa ibang tao na may ibang paniniwala at relihiyon?
PAGNINILAY:
Juan 17, 20-26
Sa Ebanghelyo ngayon, nasisilayan natin ang isa sa pinakamalalim at pinakabanal na panalangin ni Hesus—
“Maging isa nawa silang lahat.”
Ang Kanyang panalangin hindi lamang para sa mga apostol, kundi para rin sa ating lahat na nanalig sa Kanya regardless ng kung anupamang Christian denominations sa paglipas ng panahon. Ito ang tinatawag na “Priestly Prayer” ni Hesus bago Siya pumasok sa Kanyang pagpapakasakit.
Hindi kapangyarihan, kayamanan, o tagumpay sa mundo ang ipinanalangin ni Hesus para sa atin. Ang Kanyang panalangin ay pagkakaisa—“Maging isa nawa silang lahat”(Juan 17:21).
Sa pananaw ng Simbahan, isa po talaga itong malakas na pundasyon ng ekumenismo—ang paghahangad ng pagkakaisa ng lahat ng naniniwala kay Kristo kahit may iba’t ibang Christian denominations.
Ang puso ng panalangin ni Hesus ay hindi ang pagkakapare-pareho sa lahat ng bagay, kundi pagkakaisa sa pag-ibig, pananampalataya kay Kristo, at iisang misyon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita.
Ang ekumenismo ay hindi ibig sabihin na buburahin ang identidad o tradisyon ng bawat denominasyon. Sa halip, ito ay paanyaya na:
-hanapin ang mga bagay na nag-uugnay kaysa naghihiwalay;
-kilalanin si Kristo bilang sentro;
at matutong makinig, magmahal; at -maglakbay nang magkakasama patungo sa Kaharian ng Diyos.
Ito mismo ang diwa ng Synodality na madalas bigyang-diin ng the late Pope +Francis:
“Journeying Together.”
Ang “synod” ay mula sa salitang Griyego na syn-hodos na ang ibig sabihin ay “walking together” o “sabay na paglalakbay.”
Bilang Katoliko, nananatili pa rin ang katotohanan ng mga aral at doktrina ng Simbahan. Ngunit itinuturo rin ng Simbahan, lalo na mula sa dokumentong Unitatis Redintegratio ng Second Vatican Council, na dapat magkaroon ng:
-dayalogo,
-paggalang,
-pakikipagtulungan,
-at sama-samang pananalangin kung naaangkop, upang higit pang mapalapit ang lahat kay Kristo.
Hindi pagkakawatak-watak kundi banal na komunyon ang hangarin ni Hesus.
Word of the Day:“Pagkakaisa”
Ang tunay na pagkakaisa ay hindi nangangahulugang pare-pareho tayo, kundi iisa tayo kay Kristo kahit magkakaiba ang ating pinanggagalingan, katayuan, at personalidad.
Pagsasabuhay:
Napakagandang tanungin ang sarili:
“Ako ba ay nagiging instrumento ng pagkakaisa o dagdag sa pagkakahati?”
Minsan hindi denominasyon ang pinakamalaking hadlang sa pagkakaisa—kundi pride, galit, at kawalan ng pagpapakumbaba kahit sa loob mismo ng Simbahan.
Kapag natutunan nating makinig, umunawa, at magmahal habang matatag sa katotohanan, doon nagsisimulang mabuhay ang panalangin ni Kristo:
“Maging isa nawa silang lahat.”
Panginoong Hesus,
turuan Mo akong maging daan ng pagkakaisa at pag-ibig.
Alisin Mo ang pagmamataas, galit, at paghuhusga sa aking puso.
Nawa’y makita Ka ng sanlibutan sa paraan ng aking pagmamahal at pakikitungo sa kapwa. Amen.
Ang patuloy natin pinag ninilayan Ang ebaghelio ni San Juan 17:20-26.
Panalangin ni Hesus para sa kanyang mga alagad n maging isa nana sila tulad Nila . Ang Ama at Ang Anak ay nagakakaisa. Ang panalangin ni Hesus ay nagawa niya dahil nais din niya Ang mga alagad at mga nanalig sa kanya ay mag kaisa sila. Pagakaisa sa isang hanga rin na mapabuti silang lahat.
Ipinagdadasal tayo ni Jesus. Katakataka! Hindi ba si Jesus ay Diyos? At sa kanya tayo humihingi ng grasya? Pakinggan ninyo ito: sa Huling Hapunan, sinabi ni Jesus kay Pedro: “Simon, Simon, tingnan mo, masugid kang pinaghahanap ni Satanas upang salain ka tulad ng trigo, ngunit idinalangin kita na huwag magkulang ang iyong pananampalataya…”
Ipinagdasal ni Jesus si Pedro! Si Jesus ang tanging daan sa Ama – ang tanging Tagapamagitan. Mababasa natin na sa huling hapunan nag-alay si Jesus ng masidhing panalangin sa Ama para sa mga mananampalataya, noon, ngayon, at bukas – sa mga maniniwala sa pananalita ng kanyang mga sugo. Mahal na mahal tayo ni Jesus. Sa kanyang paglisan sa mundo, nagsumamo siya sa Ama na tayo’y ingatan at ilayo sa masama upang sa wakas ay maisama niya sa kanyang kaluwalhatian. Nais niya tayong magkaisa. Magkaisa sa pagsamba, sa paninindigan, sa pag-alaga sa kapwa.
Kapanalig, meron ka bang issue ngayon na gusto mong malutasan? Tukso na napakahirap labanan? Kabutihan na parang imposibleng maisulong? Alam yan ng Ama. Hinihintay Niyang tumawag ka – in Jesus’ name. Paano yong hindi nagdarasal o hindi naniniwala sa kanya? Kailangan ni Jesus ang ating tulong na magpahayag ng Mabuting Balita na ating natanggap. At magdasal para sa ating mga kapatid na malayo sa bahay ng Ama.
Panginoong Jesus, maraming salamat sa iyong walang kupas na pagmamahal. Palakasin mo ang aming pananalig sa iiyo. Amen.
Mahal na mahal tayo ni Jesus. Sa Kanyang paglisan sa mundo nagsumamo siya sa Ama na tayo’y ingatan at ilayo sa masama upang sa wakas ay maisama niya sa Kanyang kaluwalhatian.
Sa unang pagbasa, ipinahayag dito ang karanasan ni apostol Pablo bilang saksi ni Jesus sa mga Hudyo sa Jerusalem at mga gentil sa Roma sa pag-asang pagkabuhay muli upang pagkaisahin sila bilang isang bagong nilalang (o Iglesia).
“Noong mga araw na iyon, ibig matiyak ng pinuno kung ano nga ang sakdal ng mga Judio laban kay Pablo, kaya’t pinagpulong niya kinabukasan ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin, saka kinalagan si Pablo, ipinanaog at iniharap sa kanila.Alam ni Pablo na doo’y may mga Saduseo at Pariseo, kaya’t sinabi niya nang malakas, “Mga kapatid, ako’y Pariseo, anak ng mga Pariseo. Dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay ako’y nililitis ngayon.” Matapos itong sabihin ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. Sapagkat ang sabi ng mga Saduseo, hindi muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu, subalit ang mga Pariseo nama’y naniniwala sa lahat ng ito. At lumakas ang kanilang sigawan. Tumindig ang ilan sa mga eskribang kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol. “Wala kaming makitang pagkakasala ng taong ito. Ano kung may isang espiritu o isang anghel na nagsalita sa kanya?”At nang maging mainitan na ang kanilang pagtatalo, natakot ang pinuno na baka lurayin nila si Pablo, kaya’t pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok sa kuta.
Kinagabihan, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem; ganyan din ang gawin mo sa Roma.”
Sa gospel reading, maliban sa kahilingan ni Jesus sa Ama na pabor para sa kanyang mga alagad na hudyo (“last will and testament”) ay isinama rin niya ang mga gentil na maniniwala sa kanya na maging kaisa rin sa Iglesia at sa pag-iibigan ng isat-isa upang maging magandang patotoo (o saksi) sila sa iba bilang mga alagad niya nang makapaniwala rin ang iba kay Jesus at maligtas din.
Natupad ang panalangin ni Jesus na pagiging isa ng mga gentil sa Iglesia sa pagkakaugpong nila sa kanyang sakripisyong dugo (o buhay) at sa pag-iibigan ng mga ligtas na Hudyo at Gentil (Efeso 2:12-22, Juan 13:34-35).
“Noong panahong iyon, tumingala si Hesus at nanalangin, “Amang banal, hindi lamang ang aking mga alagad ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. Maging isa nawa silang lahat, Ama. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako’y nasa iyo, gayun din naman, maging isa sila sa atin upang maniwala ang sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin. Ang karangalang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila’y ganap na maging isa, gaya nating iisa: ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. At sa gayun, makikilala ng sanlibutan na sinugo mo ako, at sila’y iniibig mo katulad ng pag-ibig mo sa akin.”
“Ama, nais kong makasama sa aking kinaroroonan ang mga ibinigay mo sa akin, upang mamasdan nila ang karangalang bigay mo sa akin, sapagkat inibig mo na ako bago pa nilikha ang sanlibutan. Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at nalalaman ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala kita sa kanila, at ipakikilala pa, upang ang pag-ibig mo sa akin ay sumapuso nila at ako nama’y sumakanila.”
Kumusta naman tayo. Naging kabahagi na ba tayo sa bagong nilalang (Iglesia) ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang mahalagang dugo ? Naging mabuti ba tayong saksi ni Jesus sa pamamagitan ng pakikiisa natin sa pag-ibig ?
Efeso 2:12-23
“Sa panahong iyon, kayo ay hiwalay kay Cristo, mga ihiniwalay sa pagkamamamayan ng Israel at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako. Wala kayong pag-asa at wala kayong Diyos sa sanlibutan. Sa ngayon, kay Cristo Jesus, kayo na dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Ito ay sapagkat siya ang ating kapayapaan. Pinag-isa niya ang dalawa. Kaniyang giniba ang gitnang dinding na humahati. Sa pamamagitan ng kaniyang katawan, pinawalang-bisa niya ang pag-aalitan, ang batas ng kautusan na nasa mga utos. Ginawa niya ito upang magawa niya sa kaniyang sarili na ang dalawa ay maging isang bagong tao, sa gayon siya ay gumawa ng kapayapaan. At upang kaniyang pagkasunduin ang dalawa sa iisang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na dito ang pag-aalitan ay pinatay niya. Sa kaniyang pagdating, inihayag niya ang ebanghelyo ng kapayapaan sa inyo na malayo at sa kanila na malapit. Sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay kapwa may daan patungo sa Ama sa pamamagitan ng isang Espiritu.Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga, subalit mga mamamayang kasama ng mga banal at ng sambahayan ng Diyos. Kayo ay naitayo sa saligan ng mga apostol at mga propeta. Si Jesucristo ang siya mismong batong-panulok. Sa kaniya ang lahat ng bahagi ng gusali na sama-samang pinaghugpong ay lumalago sa isang banal na dako sa Panginoon. Sa kaniya rin kayo ay sama-samang itinayo upang maging tirahan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.”
Juan 13:34-35
“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo. Kung kayo’y may pagmamahal sa isa’t isa, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko.”