Podcast: Download (Duration: 5:33 — 4.0MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Biyernes
Habang inaasam natin at hinihintay ang kaligayahan ng Langit, manalangin tayo na ipagkaloob sa atin ang lakas upang maisabuhay nang lubos ang ating pananampalataya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Puspusin Mo kami ng iyong kagalakan, O Panginoon.
Bilang Bayan ng Diyos, tayo nawa’y umako sa krus ni Kristo at maging buhay na mensahe ng pag-asa sa mga taong ipinagkatiwala sa pangangalaga natin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nawawalan ng pag-asa nawa’y pasiglahing muli sa kagalakang nagmumula sa makapangyarihang Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa nawa’y palakasin at mapagtiisan ang sakit na kanilang nadarama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng lakas at ginhawa ng kalooban sa pamamagitan ng ating pag-aalaga at malasakit sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y magpahingalay sa kapayapaan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, palakasin mo kami sa pagharap sa mga pagsubok tulad nang ginawa ng iyong Anak. Tulungan mo kami, sa pamamagitan ng biyaya ng iyong Espiritu, na mapagtiisan ang mga paghihirap sa buhay na ito nang may kagalakan dahil sa pagkabatid na may kaligayahang naghihintay sa Langit para sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Huwebes, Mayo 14, 2026
Sabado, Mayo 16, 2026 »




{ 8 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang dala ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ay kagalakan. Ito yung galak na narasana ni Sta. Maria Magdalena nang nakita niya ang Panginoon sa labas ng libingan nito. Ito ring yung galak na naranasan ng 2 alagad sa Emaus nang makilala nila si Hesus sa pamamagitan ng paghahati ng tinapay, at ito rin ang kagalakang naranasan ng mga Apostol nang nagpakita ang Panginoon sa kanila at binati sila ng kapayapaan. At bagamat palapit na tayo sa Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon, patuloy pa rin ang biyaya ng kagalakan sapagkat kapiling natin palagi ang Panginoon.
At ito ang nais niyang ipadama sa atin sa Ebanghelyo na sa kabila ng kalungkutan at kapighatian ng buhay, mayroon pa ring espasyo upang magkaroon ng galak sa ating mga puso. Sa totoong buhay, ang daming maimpluwensiyang paraang ibinibigay ng mundo. Ito yung mga hakbang daw upang mas maging maginhawa ang buhay, kahit ito ay mali ayon sa pamantayan ng ating Panginoon. Kaya sinasabi ni Hesus na magagalak ang mundo dahil itong mga ‘di-kanis-nais na makamundong bagay ay nangyayari at inaapekto ang ating pananampalataya. Ngunit sa kabila nito, mararanasan natin ang tunay na kagalakan dahil kay Kristo. Inihambing ni Hesus itong kagalakang ito katulad ng pagsisilang ng isang ina sa kanyang magiging anak. Bagamat mararamdaman ng bawat babaeng buntis ang hapis ng panganganak, sa huli ay iniluwal niya ang bata. At ito ay nagdadala ng kagalakan hindi lang para sa pamilya at mga kamag-anak nito, kundi pati na rin sa buhay na idinagdag ng Diyos para sa mundong ito. Ganun rin ang nais ipahiwatig ni Hesus sa kanyang paglilisan sa mundong ito patungo sa Ama, na balang araw ay babalik siya upang tayo naman ay makaranas ng ganap na kagalakan sa pagkamit natin ng kaligayahan ng buhay na walang hanggan. Ito’y tanda ng ating kaligtasan nang dahil sa kamatayan ni Kristo sa Krus at ang kanyang Muling Pagkabuhay mula sa libingan, minahal tayo ng Diyos Ama at minarapat niyang tayo’y maging mga anak niya.
Kaya hanggang sa huli ay magiging tapat siya sa kanyang mga pangako sa atin, kahit hindi pa natin nakikita itong natutupad. Kaya sa bawat oras ng lumbay at paghihirap, nawa’y patuloy tayong magalak sapagkat ang Diyos ay kapiling natin. At nawa’y idala rin natin ang kanyang kagalakan sa ibang tao, lalung-lalo na sa mga nalulungkot at dumadaan sa maraming pagsubok sa buhay.
Tinururuan tayo ng Mabuting Balita ngayon na magtiis ng hirap, qt hindi magtatagal ay makararanas tayo na wagas na kagalakan. Iyon ay kung aalis tayo sa kadiliman, iyon ay mgaganap kung tayo ay susunod sa kalooban mg Diyos, mangyayari ito kung tayo ay magsisi sa mga gawang sala, hihingi ng kapatawaran at magsusumikap na matalikuran na ang kasalanan.
Si Hesus ay mahabagin, at kinalulugdan nya ang taong sumasapampalataya pa din sa kanya sa kabila ng mga nararanasang paghuhirap at pagsubok sa buhay. Huwag tayong bibitiw, huwag tayong tatabangan sa Pananalig sa Diyos kung may mabigat na problemang dumarating. Mas dapat na tuminay pa amg relasyon natin sa Diyos sa mga panahong ito sapagkat si Hesus lamang ang ating pag-asa.
PAGNINILAY
Sinasabi sa atin ni Hesus na ang buhay ay pinaghalong kalungkutan at saya, pag-iyak at kagalakan, dalamhati at lubos na kaligayahan. Ngunit ang gayong mga sandali ng kalungkutan, luha at dalamhati ay hindi nagtatagal. Tulad sa dulo ng lagusan, magkakaroon ng matingkad na liwanag. Ang mga puno ay naglalagas ng mga lumang dahon upang makagawa ng bago at sariwa. Namamatay ang butil ng trigo upang makabuo ng bagong halaman at mas maraming butil. Ang sakit at paghihirap ng panganganak ay magiging isang kalugud-lugod na karanasan sa pagmasid ng bagong panganak. Ang kalungkutan at luha natin sa mundong ito ay mauuwi sa kagalakan ng makalangit na kaligayahan.
Panginoong Muling Nabuhay, tulungan Mo kaming tumuon sa langit kahit sa gitna ng mga pasakit at dalamhati sa mundong ito. Amen.
***
ANG MABUTING BALITA NG PANGINOON
ayon kay San Juan 16, 20-23a
PAGNINILAY / ARAL ng Ebanghelyo
Sobrang matalinghaga kung mangusap ang Panginoon,
malalim, minsan mahirap arukin si Lord…
Ngunit kung ating paka-iisipin
simple lang aral na Kanyang gustong iparating sa atin.
“….nalulumbay kayo ngayon,
ngunit muli akong makikipagkita sa inyo
at mag-uumapaw sa puso ninyo
ang kagalakang hindi maaagaw ninuman”.
Sa bawat paghihirap, lungkot at pagtitiis
na ating nararanasan sa ating buhay,
may katumbas na saya at kaligayahang
naghihintay sa atin sa dako pa ruon.
Naghihintay at may gantimpala si Jesus
sa sinumang magiging matapat sa Kanyang Salita!
Salamat sa Diyos!
Ang ebanghelyo sa araw na ito ay nagbibigay sa atin ng napakalaking pag-asa sa gitna ng paghihirap at lungkot. For sure, marami sa atin ang makaka-relate sa sinasabi ng ating Panginoong Hesus. Sa panahon ngayon, ang buong mundo, lalo na ang ating bansa ay dumadaang muli sa pagsubok. Malaki ang epekto ng giyera sa Gitnang Silangan sa ating ekonomiya at sa ating pang araw araw na buhay.
Hindi na maabot ng kinikita ng ordinaryong manggagawa at ng mga drivers ng PUV ang kailangan ng pamilya sa maghapon. Kung kulang na sa pagkain, paano pa kaya kung kailangan ng gamot sa araw-araw, kung may magkasakit, at napakarami pang pangangailangan. Kaya nga sa kalagayan natin ngayon, dinadalaw tayo ng lungkot, pangamba, hirap ng loob. Buti na lamang po at ipinagdiriwang natin ang muling pagkabuhay ni Hesus.
Ito ang nagbibigay sa atin ng pag-asa na ang Diyos ay buhay. Ang ating Panginoong Hesus ang nagsabi na ang ating pagtangis at kalungkutan ay mapapalitan ng kagalakan. Siya ay nagdanas ng matinding paghihirap at pagkamatay sa krus, ngunit siya ay muling nabuhay na nagbigay ng galak sa mga nananalig sa kanya. Ngayong siya ay buhay na nasa gitna natin, ang Espiritu niya ay nasa atin. Kasama natin siya. Sa paghihirap natin ngayon, binibigyan niya tayo ng pag-asa na ang lahat ay matatapos din. Na kung kasama natin siya, makakaya natin ang mga pagsubok na ito. Na hindi sa material na bagay naka sentro ang ating buhay kundi sa presensya ng Diyos sa gitna natin, sa ating puso at isip. Siya ang nagbibigay ng biyaya, lakas at pag-asa.
O Panginoong Hesus na nabuhay na mag-uli, dumudulog po kami sa inyo, sa gitna ng aming paghihirap, pagtitiis, at dalamhati. Sa aming panghihina at lumalabong pag-asa, bigyan ninyo kami ng lakas at liwanag. Bigyan n’yo po kami ng lakas ng loob at biyayang magtiwala sa inyo sa kabila ng dilim na aming hinaharap. Nananalig po kami na sa panahong ito ng pagsubok, ay sisilang ang mas malalim na pananampalataya, matatag na puso at magandang kinabukasan. Katulad po ni San Isidro, lumalim po sana ang aming relasyon sa inyo. Amen.
PAGNINILAY:
San Juan 16, 20-23a
Biyernes, sa Ika-anim na Linggo sa Pasko ng Pagkabuhay o Paggunita kay San Isidro Labrador. Sa Ebanghelyo ngayon, inihahanda ni Hesus ang puso ng Kanyang mga alagad sa darating na pagdurusa. Alam Niyang masasaktan sila sa Kanyang pagpapakasakit at kamatayan. Ngunit hindi doon nagtatapos ang kuwento. Ang kanilang pagluha ay magiging daan tungo sa kagalakang hindi maaagaw ninuman.
Ginamit ni Hesus ang larawan ng isang inang nanganganak. Sa gitna ng matinding sakit ay may bagong buhay na isisilang. Ganito rin ang hiwaga ng buhay Kristiyano: ang tunay na kagalakan ay hindi kawalan ng paghihirap, kundi bunga ng pagtitiis na may pananampalataya.
Napakalalim ng mensaheng ito lalo na sa panahon ngayon kung saan maraming tao ang pagod, sugatan, at pinanghihinaan ng loob. Madalas iniisip natin na kapag may paghihirap, tila wala ang Diyos. Ngunit ipinapakita ni Hesus na minsan, ang pagdurusa ay maihahambing sa sinapupunan kung saan isinisilang ang mas malalim na pananampalataya, pag-asa, at bagong buhay.
Dito rin natin makikita ang buhay ni San Isidro Labrador. Siya ay isang simpleng magsasaka na namuhay sa kahirapan at pagod sa bukid, ngunit hindi niya hinayaang mawala ang kanyang pagtitiwala sa Diyos. Habang siya’y nagtatrabaho sa lupa, ang puso niya ay nakatanim sa langit. Ang kanyang buhay ay patunay na ang kabanalan ay hindi lamang para sa mga pari o relihiyoso, kundi para rin sa ordinaryong taong marunong magmahal, magsikap, at manalig sa Diyos sa gitna ng araw-araw na hirap.
Ang kalungkutan ng mga alagad ay larawan ng “Paschal Mystery” — ang misteryo ng paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Kristo. Sa teolohiyang Kristiyano, walang “Resurrection” na hindi dumaraan sa “Cross.”
Ipinapakita rin dito ni Hesus ang isang mahalagang katotohanan: ang Kristiyanong kagalakan ay hindi nakabatay sa sitwasyon kundi sa presensya ng muling nabuhay na Kristo. Kaya kahit maraming luha ang buhay, may kapayapaan pa ring nananatili sa pusong nakaugat kay Kristo.
Ang kagalakang mula sa Diyos ay hindi pansamantala. Ito ay biyayang espiritwal na hindi kayang agawin ng mundo- problema, pagkabigo, o kamatayan man.
Pagsasabuhay:
Kapag may pagsubok, huwag agad mawalan ng pag-asa sapagkat maaaring may bagong biyayang inihahanda ang Diyos.
Matutong ialay sa Panginoon ang pagod at paghihirap tulad ni San Isidro Labrador.
Sa gitna ng kalungkutan, manatiling nananalangin at nagtitiwala na may muling pagkikita at bagong kagalakan kay Kristo.
Mula kay San Agustin ng Hippo sinabi niya:
““O Diyos, nilikha Mo kami para sa Iyo, at ang aming puso ay hindi mapapanatag hangga’t hindi ito nagpapahinga sa Iyo.”
(“You have made us for Yourself, O Lord, and our hearts are restless until they rest in You.” — Confessions, Book I)
Word of the Day:
“Kagalakang Hindi Maaagaw”
Ito ang kagalakang nagmumula sa muling pagkabuhay ni Kristo — isang kagalakang hindi nakadepende sa pera, tagumpay, o ginhawa, kundi sa katiyakang kasama natin ang Diyos sa bawat yugto ng buhay.
Panalangin:
Panginoong Hesus,
kapag kami’y nalulumbay at nasasaktan, tulungan Mo kaming magtiwala na ang aming mga luha ay hindi nasasayang kundi dumidilig upang yumabong pa ang aming pananampalataya sa Iyo. Tulad ni San Isidro Labrador, turuan Mo kaming maging tapat sa aming gawain at manatiling nakatuon sa Iyo. Punuin Mo ang aming puso ng kagalakang hindi maaagaw ninuman.
Amen.
To God be the highest glory now and forever. Amen!
Sa unang pagbasa, ipinahayag ni Pablo ang naranasan niyang pag-uusig tulad ng
pagkasakdal sa hukuman dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo subalit may pangako ang Dios sa kanya na proteksiyon. Ito rin ang “pattern” na dadanasing kahirapan at pangakong proteksiyon ng Dios sa lahat ng nangangaral tungkol sa kaligtasang nakay Cristo Jesus.
“Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng isang pangitain, “Huwag kang matakot! Ipagpatuloy mo ang iyong pangangaral! Anuman ang mangyari’y huwag kang titigil, sapagkat ako’y sumasaiyo. Hindi ka maaano, sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” Tumigil siya roon sa loob ng isang taon at anim na buwan at nagturo ng salita ng Diyos.Nang si Galion ang maging gobernador ng Acaya, nagkaisa ang mga Judio na dakpin si Pablo at dalhin sa hukuman. “Hinihikayat nito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa isang paraang labag sa batas!” wika nila. Magsasalita na sana si Pablo nang sabihin ni Galion, “Kung ang usaping ito’y tungkol sa isang mabigat na pagkakasala o paglabag sa batas, makatwirang pakinggan ko kayo. Subalit ang sakdal ninyo’y tungkol lamang sa mga salita at mga pangalan at sa kautusan ninyong mga Judio, kaya hindi ko kayo hahatulan sa bagay na iyan. Bahala na kayo! At sila’y pinalabas niya sa hukuman. Sinunggaban nila si Sostenes, ang taga-pamahala ng sinagoga, at binugbog sa labas ng hukuman. Ngunit hindi ito pinansin ni Galion. Pagkatapos nito, ilang araw pang nanatili si Pablo sa Corinto, saka nagpaalam sa mga kapatid. Pagdating sa Cencrea, nagpaputol siya ng buhok sapagkat natupad na ang isang panatang ginawa niya. At naglayag siya patungong Siria, kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila.”
Sa gospel reading, nangako si Jesus sa mga alagad niya na nagpapalaganap ng ebanghelyo na bagamat dadanasin nila ang mga kahirapan tulad ng isang manganganak ay kanyang babalikan at luluwalhatiin sila.
“Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: tatangis kayo at magdadalamhati, ngunit magagalak ang sanlibutan. Matitigib kayo ng kalungkutan, subalit ito’y magiging kagalakan. Kapag nagdaramdam na ang isang babaing manganganak, siya’y nahahapis, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak, hindi na niya naaalaala ang hirap; siya’y nagagalak dahil sa ipinangangak na sa sanlibutan ang isang sanggol. Gayun din naman kayo: nalulumbay kayo ngayon, ngunit muli akong makikipagkita sa inyo at mag-uumapaw sa puso ninyo ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. Hindi na kayo kailangang magtanong sa akin sa araw na iyon.”
Kumusta naman tayo. Nagpapatuloy ba tayo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo kahit nakakaranas tayo ng kahirapan sa buhay at pag-uusig? O huminto na ba tayo at bumalik sa dating trabaho tulad ng mga apostol na bumalik sa pangingisda matapos mamatay si Jesus? Nanalig ba tayo kay Jesus na hindi tayo pababayaan hanggang sa katapusan ng panahon (Mateo 28:19-20) at kanya tayong babalikan (1 Tesalonica 4:16-17)?