Huwebes, Mayo 7, 2026

May 7, 2026

Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 15, 7-21
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 10

Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.

Juan 15, 9-11


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of Fifth Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 15, 7-21

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumindig si Pedro at sinabi sa mga apostol at sa matatanda: Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong nakaraang mga araw, hinirang ako ng Diyos upang iparangal sa mga Hentil ang Mabuting Balita, at sila nama’y sumampalataya. At ang Diyos na nakasasaliksik ng puso ang nagpatotoo na, tulad natin, sila’y tinatanggap niya nang pagkalooban sila ng Espiritu Santo. Iisa ang tingin ng Diyos sa kanila’t sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sapagkat nanalig sila kay Hesukristo. Bakit ba marunong pa kayo sa Diyos? Ba’t ninyo ipinapapasan sa mga alagad ang isang dalahing mabigat na hindi natin napasan, ni ng ating mga magulang? Sumampalataya tayo at naligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Hesus, gayun din naman sila.”

Tumahimik ang buong kapulungan. Nakinig sila kina Bernabe at Pablo habang isinasalaysay nila ang kababalaghang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon ang unang pagkatawag ng Diyos sa mga Hentil upang sila rin ay maging bayan niya, ayon sa hula ng mga propeta:

‘Pagkatapos nito ay babalik ako,
at muli kong itatayo ang bumagsak na tahanan ni David.
Muli kong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho,
upang ang Panginoo’y hanapin ang ibang tao,
ng lahat ng bansang tinawag ko upang maging akin.
Gayun ang sabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’

“Kaya’t ang pasiya ko’y huwag nating ligaligin ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. Sa halip, sulatan natin sila na huwag kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyusan; huwag makikiapid; huwag kakain ng hayop na binigti, at ng dugo. Sapagkat mula pa nang unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga, at ipinangangaral ang kanyang salita sa bawat bayan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 10

Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.

o kaya: Aleluya!

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!

Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.

Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipapahayag ang dakila niyang gawa.

Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.

“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”

Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 15, 9-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayun din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.

“Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 18, 2022 at 7:46 pm

PAGNINILAY: Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay nagdulot sa atin ng katuparan ng pag-ibig ng Diyos para sa sanlibutan. Makikita natin sa Ebanghelyo ang habilin ni Hesus na magmahalan katulad ng pagmamahal ng Diyos Ama sa kanya at katulad ng pagmamahal niya sa mga alagad. Sinasabi natin na ang pinakamahalagang kabutihan ay ang pag-ibig, at dapat nating unawaan na ito ang ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano. Ang pag-ibig ng Diyos ay dakila at walang katapusan kahit sa kabila ng ating mga pagkakasala at pagkukulang sa buhay. Kaya ibinigay sa atin si Hesus upang tayo’y iligtas mula sa kasalanan at gawin pang mas matapat na anak ng Kataas-taasang Diyos.

Makikita natin sa Unang Pagbasa ang pagbubukas ng mga grasya ng Panginoon para sa lahat ng tao. Noon ay umiiral ang isang kontrobersiyal na debate sa pagitan ng mga mananampalataya kung ang mga Hentil ba ay kinakailangang magpatuli bago maging Kristiyano. Itong rito ay pinipilit ng mga Hudyo lalung-lalo ng mga pinuno ng Judaismo dahil sa pananaw na ang kanilang mga kaugalian lamang ang makakapagligtas ng tao. Subalit tumindig sina San Pedro at Santiago at ipinahayag na ang Diyos ay bukas ang loob na tanggapin ang sinumang tao, kahit sila’y Hudyo o Hentil. Ang mga Hudyo ay pinanatili ang rituwal na pagtutuli, subalit ang mga Hentil ay hindi na kinailangang dumaan sa prosesong iyan. Ang naging aral ng Unang Konseho ng Jerusalem ay ang pagpapadama ng pag-ibig ng Panginoon sa lahat ng tao na ipamalas ang pagmamahal na iyan na higit pa sa mga mahigpit na kaugalian.

Kung mahal natin ang Diyos Ama pati si Hesukristo, nawa’y ipakita natin ang pagmamahalan sa isa’t isa. Ang pag-ibig ay ang buod ng mga aral ni Kristo at pati na rin ang buong Bibliya.

Reply

Malou Castaneda May 2, 2024 at 6:41 am

PAGNINILAY
Ang utos na ibinigay sa atin ni Hesus: “magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo.” Mahal tayo ni Hesus ng walang kondisyon; ngunit ang desisyon na tanggapin o tanggihan ang Kanyang pag-ibig ay ganap na ating desisyon. Maaari nating piliin na huwag manatili sa Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng ating pagtanggi na mahalin ang iba. Mahirap matutong mahalin ang isang tao ng walang hinihintay na kapalit. Sa parehong paraan, para sa isang komunidad na maging isang mapagmahal na komunidad ay mas mahirap. Ang mga kapangyarihan ng kasalanan, na nakapaloob sa mga komunidad ng tao – sa pamamagitan ng kanilang personal na kawalan ng kapanatagan, inggit, hindi malusog na mga kumpetisyon at poot ay maaaring magtago, nakatago ngunit makapangyarihan. Ang gawain ay nangangailangan ng katapatan at katapangan. Sa pamamagitan lamang ng pananatili sa pag-ibig ni Hesus, sa pamamagitan ng pagtitiwala at pagsuko sa Kanyang pag-ibig, maaari tayong umasa na magmahal ng walang kundisyon. Ang ating pananatili kay Hesus ay palaging isang gawaing isinasagawa. Manatili nawa tayo sa pag-ibig ng Diyos at sundin ang Kanyang mga utos. Nawa’y magkaroon tayo ng lakas na sundin ang Kanyang utos ng pag-ibig ng walang anumang diskriminasyon. At kung mayroon tayong maging paborito, hayaan itong ang mahihirap at maliliit na
mga tao, mga walang karapatan o pangalan, na mabigyan natin sila ng daan sa katarungan at kagalakan.

Panginoong nabuhay na mag-uli, turuan Mo kaming masayang sumunod sa Iyong mga utos. Amen.
***

Reply

Ruel May 7, 2026 at 7:52 am

Ang pag-ibig ng Hesus ay Hindi sakim, ni maka sarili dahil ibinabahagi niya sa atin Ang paraan kung Paano Ang pag-ibig na umiiral sa kanya bilang Diyos at bilang Tao. Ang pag-ibig na ibinabahagi niya umiiral sa kanya. Dahil makakabuti Ito paraan sa umiibig sa kanya. Dahil hindi lng. Iniibig niya si Hesus pati Ang Ama iniibig niya . At Ang tunay na pag ibig ay pagsunod sa kalooban ng Ama na makakabuti para sa umiibig . Dahil bukal ng kabutihan Ang umibig sa Ama. Ay sumusunod sa kalooban ng Ama. Ito maka Diyos na pag ibig hindi tulad ng pag ibig ng Tao makasarili at walang bunga na pagiging malaya.

Reply

Mel Mendoza May 7, 2026 at 9:46 am

PAGNINILAY:
San Juan 15, 9-11.
“Manatili kayo sa aking pag-ibig.” (Juan 15:9)

Sa Mabuting Balita ngayon, hindi lamang “pagmamahal” ang ipinapahayag ni Hesus kundi ang mismong banal na pag-ibig ng Diyos na nagmumula sa Ama. Ang pag-ibig na ito ay hindi pansamantala, hindi pabago-bago, at hindi nakabase sa damdamin lamang. Ito ay pag-ibig na banal, tapat, at mapagligtas.

Sinabi ni Hesus:
“Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayun din naman, iniibig ko kayo.”
Napakalalim ng pahayag na ito. Ang parehong pag-ibig ng Ama sa Anak ay siya ring pag-ibig na ibinubuhos ni Kristo sa atin. Ibig sabihin, hindi tayo minamahal ng Diyos bilang mga “dayuhan” kundi bilang mga anak na nais Niyang mapalapit sa Kanya.

Ngunit may mahalagang paalala si Hesus:
“Manatili kayo sa aking pag-ibig.”
Ang salitang “manatili” ay nangangahulugang:
-mamuhay sa Kanya,
-mag-ugat sa Kanya; at
-huwag lumayo sa Kanyang kalooban.

Sa theology ng Ebanghelyo ni San Juan, ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang emosyon kundi pakikiisa sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod. Kaya sinabi ni Hesus:
“Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig.”

Hindi hiwalay ang pag-ibig at pagsunod.
Ang pagsunod sa Diyos ay bunga ng tunay na pagmamahal. Ang taong umiibig sa Diyos ay handang magpatawad, magsakripisyo, maglingkod, at magpakumbaba.
Maraming tao ang naghahanap ng kagalakan sa materyal na bagay, kasikatan, o pansamantalang aliw. Ngunit ayon kay Hesus, ang tunay at ganap na kagalakan ay matatagpuan lamang sa pananatili sa Kanyang pag-ibig.
-Ang pusong malapit sa Diyos ay pusong payapa.
-Ang pusong marunong magmahal ay pusong tunay na masaya.

Ang pag-ibig na binabanggit ni Hesus dito ay tinatawag sa theology na Divine Communion of Love — ang walang hanggang pag-iibigan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo kung saan inaanyayahan ding makibahagi ang tao.
Sa pamamagitan ni Kristo, tayo ay hindi lamang tagasunod kundi:
-kabahagi ng buhay ng Diyos,
-kabahagi ng Kanyang pag-ibig,
-at kabahagi ng Kanyang kagalakan.
Kaya ang Kristiyanismo ay hindi lamang “religion of rules,” kundi isang ugnayan ng pag-ibig sa Diyos na buhay.

Pagsasabuhay:
-Manatili sa pag-ibig ni Kristo sa pamamagitan ng panalangin araw-araw;
-Ipakita ang pag-ibig sa simpleng kabutihan, pagpapatawad, at paglilingkod;
Sundin ang Diyos hindi dahil sa takot kundi dahil sa pagmamahal;
Piliing magmahal kahit mahirap at walang kapalit.

Word of the Day: “Manatili”
Ang tunay na alagad ay hindi lamang lumalapit kay Kristo kapag may problema; siya ay nananatili sa Kanyang pag-ibig sa lahat ng panahon.

Panalangin:
Panginoong Hesus,
maraming salamat sa Iyong walang hanggang pag-ibig. Turuan Mo akong manatili sa Iyo sa gitna ng tukso, pagsubok, at kahinaan. Nawa’y ang aking buhay ay maging patunay ng pag-ibig na Iyong itinuro—mapagpakumbaba, mapagpatawad, at handang maglingkod. Punuin Mo ang aking puso ng Iyong kagalakan na hindi kayang nakawin ng mundo. Amen.

To God be the highest glory now and forever!

Reply

BdKz May 7, 2026 at 2:55 pm

Whatever remains becomes toxic.
Maglabas para gumaan ang katawan.
Ilabas ang bigat ng puso sa pananalangin sa Diyos.
What you didn’t release will destroy our peace.
Remain in God’s love.
Love of God is a blessing and grace.
Huwag manatili sa sugat at galit ng kahapon at sa kasalanan. Manatili sa pag-ibig ni Kristo palagi. Makikita unti-unti na gagaan ang buhay, gagaling, magbabago nang mas mabuti at banal.
Kinakapitan ang magiging kalagayan natin.
Kay Kristo, pag tayo ay kumapit at nanatili, magkakaroon tayo ng payapang puso at buong buhay.
Pananatili sa Panginoon, tayo ay magbabago, bubuti at magiging kawangis ni Kristo.
Huwag lang makinig; manatili tayo.
Ialay ang buhay sa Diyos sa bawat panalangin. Tanggapin ang presensya ng Diyos at hayaan tayong hubugin sa kabanalan.
Ang taong nanatili sa Diyos ay gagawing himala at milagro ng Diyos.
Amen
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good
#GvThursday
Blessed2026
Thank you, Lord, for a new day. Praying for a healing heart, peace, and strength. #BlessedEaster #PeaceInMiddleEast

Reply

Jovy Uy May 9, 2026 at 12:10 am

Sa unang pagbasa, kinatigan ng pangunahing apostol na si Santiago ang desisyon ni apostol Pablo na sa “biyaya” ng Dios sa pamamagitan ang “pananampalataya” ay maliligtas ang mga gentil.

Iisa ang tingin ng Diyos sa kanila’t sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sapagkat nanalig sila kay Hesukristo. Bakit ba marunong pa kayo sa Diyos? Ba’t ninyo ipinapapasan sa mga alagad ang isang dalahing mabigat na hindi natin napasan, ni ng ating mga magulang? Sumampalataya tayo at naligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Hesus, gayun din naman sila.”

“Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon ang unang pagkatawag ng Diyos sa mga Hentil upang sila rin ay maging bayan niya, ayon sa hula ng mga propeta:
‘Pagkatapos nito ay babalik ako,
at muli kong itatayo ang bumagsak na tahanan ni David.
Muli kong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho,
upang ang Panginoo’y hanapin ang ibang tao,
ng lahat ng bansang tinawag ko upang maging akin.
Gayun ang sabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’
“Kaya’t ang pasiya ko’y huwag nating ligaligin ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. Sa halip, sulatan natin sila na huwag kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyusan; huwag makikiapid; huwag kakain ng hayop na binigti, at ng dugo.”

Sa gospel reading ipinapahayag ni Jesus ang gantimpala ng pananatili sa kanya o sa katawan niya, ang Iglesia o fellowship ng mga ligtas. Ang gantimpala o rewards ay lubos na kagalakan (crown of Joy) na matatamo sa Judgment Seat of Christ. Ang hindi manatili ay masusunog o mawawalan ng gantimpala pero ligtas at makakapasok parin sa kaharian ng Dios (2 Corinto 5:10, 1 Corinto 3:11-15).

“Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayun din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.“Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan.”

Kumusta naman tayo. Paano ba tayong mga gentil na naliligtas? May kalakip na gawa na ito o purong “biyaya” lamang sa pamamagitan ng pananalig kay Jesus?

Reply

Dlanor321 May 14, 2026 at 2:51 pm

God is the source of all love. We learn to love others in imitation of Hesus. Ipinakita sa atin ni Hesus ang tunay na pag-ibig, kung paano mahalin ang kapwa, kahit na ang taong nakasakit sa iyo, at kahit mga taong mahirap mahalin. Ani Hesus sa Mabuting Balita sa araw na ito, “manatili sa aking pag-ibig katulad ng aking pananatili sa pag-ibig ng Ama.”
Ang Diyos ang pinagmumulan ng tunay na pag-ibig. Natututo tayong magmahal sa iba bilang pagtulad kay Hesus. Ang pag-ibig ng Diyos para sa atin ay higit pa sa isang emosyon o mapagmahal na pagmamalasakit. Ang Kanyang pag-ibig ay isang kaloob ng Kanyang Sarili, na naglalapit sa atin sa pakikiisa sa Kanya. Ang “manatili” sa pag-ibig ni Hesus ay nangangahulugang mabuhay, kumilos, at umiral sa Kanyang presensya. Kung sumusunod tayo sa mga kautusan ng Diyos, ito ay hindi mahirap isabuhay. Dahil ang utos ng pag-ibig ay nabubuo lamang sa dalawang mahahalagang punto: pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Hindi natin maaangkin na mahal natin ang Diyos kung wala tayong malasakit at pagmamahal sa kapwa.
May kasabihan na “love makes the world go round.” Ang pag-ibig ang nagpapaikot sa mundo. Kadalasan nga sinasabi natin ito nang pabiro. Pero kung pagninilayan natin ng malalim ang meaning, matatanto natin ang katotohanan ng kasabihang ito. ‘Di ba ang pag-ibig ang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang mundo, ang tao? Ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa tao ang tanging dahilan kung bakit inialay niya ang sarili sa krus at kamatayan.
Kapanalig, sikapin nating ipakita sa bawat aspeto ng buhay ang pag-ibig ng Diyos: sa mga simpleng bagay, katulad ng pagtulong sa nangangailangan, magbigay ng panahon sa kapwa, magpatawad sa nakasakit sa atin, and by walking the extra mile for others. Ang ganitong uri ng pag-ibig ang isinabuhay ni Santa Rosa Venerini, na ipinagdiriwang natin ngayon. Ginamit niya ang kanyang talino, yaman, lakas at panahon para bigyan ng religious instruction ang mga kabataan at mailapit sila sa Panginoon. Isang konkretong paraan ito ng pagpapakita at pagsi-share ng pag-ibig ng Diyos sa kapwa. Kapanalig, ang tunay na pag-ibig ay banal. Hindi ito nagmumula sa atin kundi dumadaloy mula sa Diyos patungo sa atin at sa pamamagitan natin. Ang pag-ibig na ibinabahagi natin sa kapwa ay pag-ibig na itinanim ni Kristo sa ating puso.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: