Biyernes, Abril 24, 2026

April 24, 2026

Biyernes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

o kaya Paggunita kay San Fidel ng Sigmaringen, pari at martir

Mga Gawa 9, 1-20
Salmo 116, 1. 2

Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.

Juan 6, 52-59


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Friday of the Third Week of Easter (White)

or Optional Memorial of St. Fidelis of Sigmaringen, Priest and Martyr (Red)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 9, 1-20

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, masidhi ang pagnanais ni Saulo na usigin at patayin ang mga alagad ng Panginoon. Kaya’t lumapit siya sa pinakapunong saserdote, at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya ang sinumang matagpuan niya roong kaanib sa bagong pananampalataya – maging lalaki, maging babae – at madala sa Jerusalem.

Naglakbay si Saulo patungong Damasco. Nang siya’y malapit na sa lungsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakasisilaw na liwanag mula sa langit, anupat nasubasob siya. At narinig niya ang isang tinig na nagsalita sa kanya, “Saulo! Saulo! Bakit mo ako inuusig?” “Sino po kayo, Panginoon?” tanong niya. “Ako’y si Hesus, ang inyong inuusig,” tugon sa kanya. “Tumindig ka’t pumasok sa lungsod. Sasabihin sa iyo roon kung ano ang dapat mong gawin.” Natilihan ang mga kasama ni Saulo; narinig nila ang tinig ngunit wala silang makitang sinuman. Tumindig si Saulo at idinilat ang kanyang mata ngunit hindi siya makakita, kaya’t siya’y inakay nila hanggang sa Damasco. Tatlong araw na hindi siya nakakita, at hindi kumain ni uminom.

Sa Damasco naman ay may isang alagad na ang pangala’y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias!” “Ano po iyon, Panginoon?” tugon niya. “Pumunta ka sa kalye Matuwid, sa bahay ni Judas at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala’y Saulo,” sabi ng Panginoon. “Siya’y nananalangin ngayon. Sa isang pangitain, nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang makakita.” Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa taong ito, tungkol sa mga kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem. At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong saserdote, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.” Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumaroon ka! Sapagkat hinirang ko siya upang ipakilala ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel. At ipaaalam ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”

Pumunta nga si Ananias. Pumasok siya sa bahay at ipinatong ang kanyang kamay kay Saulo. “Kapatid na Saulo,” wika niya, “pinapunta ako rito ng Panginoong Hesus na napakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Sinugo niya ako upang muli kang makakita, at mapuspos ng Espiritu Santo.” Pagdaka’y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo, at nakakita na siya. Tumindig siya agad at nagpabinyag. Kumain siya at nanauli ang kanyang lakas.

Si Saulo’y ilang araw na kasama-sama ng mga alagad sa Damasco. Pumasok siya sa mga sinagoga at nangaral tungkol kay Hesus. “Siya ang Anak ng Diyos,” wika niya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 116, 1. 2

Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.

o kaya: Aleluya!

Purihin ang Poon!
Dapat na purihin ang lahat ng bansa,
siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa.

Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.

Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati’y dakila at wagas,
at ang katapatan niya’y walang wakas.

Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.

ALELUYA
Juan 6, 56

Aleluya! Aleluya!
Ang sinumang kumakain
sa katawang aking hain
ay nananahan sa akin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 6, 52-59

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, nagtalu-talo ang mga Judio. “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayun din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon.” Sinabi ito ni Hesus nang siya’y nagtuturo sa sinagoga sa Capernaum.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 9 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 5, 2022 at 9:09 pm

PAGNINILAY: Kung tayo’y nakasubaybay sa ating teleserye tungkol sa Tinapay ng Buhay, makikita natin sa simula ay humanga ang mga tao kay Hesus dahil sa pagpaparami ng isda at tinapay na nagpabusog sa kanilang pagkagutom. Nang mahanap nila siya sa Capernaum, sinabi sa kanila ni Hesus na dapat sila’y sumikap sa pagkaing nagbibigay-buhay sa pamamagitan ng pananamapalataya sa kanya. At nang tanungin sila kung anong tanda ang ipapakita niya sa kanila, sinabi ni Hesus na magbibigay siya ng tinapay. At nang hilingin nila na bigyan sila palagi ng pisikal na tinapay upang hindi na sila kailangang magsumikap, idineklara ni Hesus ang kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay.

Sa kabila ng kanilang pagkahanga sa kanila ay nagkaroon sila ng pagduda tungkol sa mga pahayag nito ni Kristo. Kaya pinalawak pa ni Kristo ang kanyang diskurso tungkol sa kanyang sarili bilang Tinapay, at kung sino mang kumakain nitong tinapay na kanyang laman ay ang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Kaya ngayon, biglang umungol ang mga tao at nagtatalu-talo sa kanilang sarili kung paano kaya maibibigay ni Hesus ang kanyang laman para kainin nila. Akala nila na dapat nilang kainin ang kanyang pisikal na katawan, na kung baga parang ang tingin nila na dapat sila’y maging mga kanibal. Ngunit hindi nila labis na naunawaan ang pahayag ng Panginoon. Ang nais lamang sabihin ng Panginoon ay ang pakikibahagi sa kanyang Laman at Dugo. Tunay nga ang kanyang Laman ay tunay na pagkain, at ang kanyang Dugo ay tunay na inumin.

Sa madaling salita, ang nais ni Hesus ay tayo ay makisalo sa kanyang buhay sa pamamagitan ng ating pananampalataya. At itong Ebanghelyong ito ay binibigyang-bisa ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, nakikibahagi tayo sa buhay na ibinigay sa atin ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Ang pagkatatag sa Eukaristiya noong gabi ng Huling Hapunan ay isang paggunita natin sa halimbawa at gawain ng ating Panginoon. Kaya nga ang tinapay at alak ay nagiging kanyang totoong Katawan at Dugo. Hindi lang ito mga simbolismo na itinuturo ng ilang ating mga humiwalay na kapatid sa pananampalataya.

Tayong mga Katoliko ay sumasampalataya na si Hesus ay kapiling natin, lalung-lalo na sa Sakramento ng Eukaristiya. At nais niyang palusugin tayo sa pamamagitan ng kanyang Salita at Katawan upang maging makabuluhan ang ating buhay-espirituwal. At ang hamon ng bawat Misa ay ang pagkahayo sa ating mga personal na buhay upang ipadama sa iba ang presensiya ng Diyos sa pamamagitan ng mga mabubuting salita at gawain. At nakita natin sa katauhan ni San Pablo sa Unang Pagbasa mula sa isang tapag-usig ay naging isang malakas na saksi ni Kristo upang ipahayag at bigyan-saksi ang Mabuting Balita. At ito yung naririnig natin sa mga sulat ng Apostol na nawa’y magkaroon tayo ng mabuting relasyon sa ating sarili, sa ating kapwa, at higit sa lahat sa ating Panginoong Diyos. Ito’y mga paraan upang maging “Eucharistic” ang ating buhay: a life blessed, broken, and shared.

Reply

[email protected] April 24, 2026 at 8:43 am

AMEN…

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 6, 2022 at 9:00 am

Ang ebanghelyo ngayon ay paanyaya na lagi nating sasariwain ang tinapay at alak na ibinhagi ni Hesus sa Huling Hapunan. Ito ay sumisimbolo sa kanyang sariling katawan at dugo. Sinasariwa natin ito tuwing tayo ay dadalo sa banal na pagdiriwang ng misa. Ang hostia ay hindi pampaswerte, kapt tinanggap natin ito ay naniniwala tayo na iyon ay katawan ni Hesus. At kapag tumanggap tayo nito ay pinapatuloy natin si Hesus sa ating puso. Kaya nga binabanggit sa misa ang mga katagang ito bago natin tanggapin ang banal na komunyon “ Panginoon hindi ako karapat dapat na magpa-tuloy sa iyo ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako”.

Paanyaya ito na maglaan tayo ng oras para sa Diyos, para magsimba, magpaslamat, magsisi at humingi mg kapatawaran at humiling ng nais. At isapuso ang pagtanggap ng banal na komunyon na pinapapasok natin si Hesus sa atin upang maghari sa ating mga puso’t damdamin.

Sa Unang Pagbasa naman ay tularan nating ang pagbabagong buhay ni Saulo. Talikuran na natin ang kasamaan at magpatotoo tayo kay Kristo.

Reply

[email protected] April 24, 2026 at 8:42 am

Pinupuri Ka Namin Panginoong Hesukristo…AMEN!

Reply

Malou Castaneda April 18, 2024 at 11:17 am

PAGNINILAY
Madalas nating marinig ang mga nagmamahalan na nagsasabing ‘Mahal na mahal kita kaya kitang kainin’ o ‘ang presensya mo ay pagkain at inumin para sa akin’. Si Hesus ay hindi nagtataguyod ng kanibalismo ng higit pa sa mga magkasintahan. Sa Ebanghelyo ngayon ay totoong nasasabi na ‘Ang pag-ibig ko sa iyo ay tunay at hindi lamang salita’. Talagang maaari nating dalhin ang pag-ibig na ito sa ating mga puso at mapangalagaan Niya. Siya talaga ang pagkain para sa ating pagkatao. Nagiging bahagi tayo ni Hesus kapag kinakain natin ang Kanyang katawan at inumin ang Kanyang dugo – isang malinaw na paraan ng pagbibigay sa atin ng Kanyang sarili. Kapag tinanggap natin Siya sa ganitong paraan tayo ay dinadala sa isang malalim na pagkakaisa sa Kanya, upang tayo ay magkabahagi sa buhay ni Hesus at sa buhay ng Diyos. Nawa’y magkaroon tayo ng mas matibay na pananampalataya upang maniwala sa hindi natin maintindihan, tulad ng isang bata na nagtitiwala sa isang magulang, ng hindi kailangang malaman kung bakit.

Panginoong muling nabuhay, pakainin Mo kami sa Iyong hapag ng buhay na walang hanggan. Amen.
***

Reply

Mel Mendoza April 24, 2026 at 1:11 am

PAGNINILAY:
Juan 6, 52–59

Natunghayan natin sa Mabuting Balita ang napakabigat at napakalalim na bahagi at pinakapuso ng diskurso ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay.
Hindi na talinghaga ang wika ni Hesus—ito ay tahasang katotohanan. Kaya naguluhan at nagtalu-talo ang mga nakikinig: “Paano namin kakainin ang kanyang laman?”
Ngunit sa halip na linawin sa paraang simboliko, lalo pang pinatindi ni Hesus ang kanyang pahayag:
“Ang aking laman ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin.”
Ito ay isang radikal na pahayag—isang paanyaya hindi lang sa paniniwala, kundi sa pakikibahagi sa mismong buhay ng Diyos.

Ang talatang ito ang pundasyon ng doktrina ng Real Presence in the Eucharist. Hindi simbolo ang tinatanggap natin kundi ang tunay na Katawan at Dugo ni Kristo. Ito ang hiwaga ng Transubstantiation — ang tinapay at alak ay nagiging ganap na Katawan at Dugo ni Kristo, kahit nananatili ang anyo nito.
Kaya ang Komunyon ay hindi simpleng ritwal.
Ito ay:
•Pakikipag-isa kay Kristo;
•Pakikibahagi sa Kanyang buhay;
•At pagtanggap ng buhay na walang hanggan.
“Ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.”
Ito ang divine exchange: ang ating kahinaan kapalit ng Kanyang buhay.

Sa mas malalim na katotohanan, ang salitang “kumain” dito ay hindi lang pisikal—ito ay:
Pagpapasok kay Kristo sa ating buong pagkatao;
Pagpayag na Siya ang maghari sa ating isip, puso, at gawa.
Ang resulta nito ay umuuwi sa sinabi ni Hesus ang:
“Nananahan sa akin, at ako sa kanya.”
Ito ang tinatawag na mutual indwelling—isang misteryo ng pakikipag-isa kung saan:
Hindi lang tayo lumalapit sa Diyos
Ang Diyos mismo ang nananahan sa atin.

Pagsasabuhay:
Pahalagahan ang Banal na Komunyon.
Tumanggap hindi dahil nakasanayan, kundi may buong pananampalataya at paghahanda.
Maging buhay na tabernakulo.
Kung tinanggap mo si Kristo, dalhin mo Siya sa iba sa pamamagitan ng:
-kabutihan
-pagpapatawad
-pag-ibig
Suriin ang sarili bago tumanggap.
Lumapit na may malinis na puso—handa, mapagpakumbaba, at uhaw sa Diyos.

Word of the Day: “Panahanan”
“Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya.”
Panahanan – Hindi lang bisita ang Diyos sa atin. Siya ay nananahan, namumuhay, at kumikilos sa loob natin.

Panalangin:
Panginoong Hesus,
Ikaw ang Tinapay ng Buhay na bumaba mula sa langit. Tulungan Mo akong tanggapin Ka nang may buhay na pananampalataya, at hayaang Ikaw ay manahan sa aking puso. Gawin Mo akong sisidlan ng Iyong pag-ibig para maibahagi ko ito sa iba. Amen.

Reply

HAREN BRONIA VALENCIA April 24, 2026 at 6:46 am

114/365 ???

***

PAGNINILAY ?

Sa Unang Pagbasa, nakita natin ang pagbabagong-anyo ni Saulo, mula sa pagiging isang mang-uusig sa mga Kristiyano hanggang sa pagiging isang alagad ni Hesus. Ito’y paalala na ang Diyos ay may kapangyarihan na baguhin ang ating mga puso at gawin tayong mga bagong nilalang.

Sa Salmo, ipinagdiriwang natin ang pag-ibig at katapatan ng Diyos. Ang mga sumasampalataya sa kanya ay kinakalinga at tinuturuan ng kanyang mga utos. Ito’y paalala na ang Diyos ay laging nasa tabi natin at handang tumulong sa atin.

Sa Mabuting Balita, nakita natin si Hesus na sinasabi na siya ang pagkaing nagbibigay-buhay. Ang mga taong kumakain ng kanyang laman at umiinom ng kanyang dugo ay may buhay na walang hanggan. Ito’y paalala na ang tunay na buhay ay hindi lamang tungkol sa mga pangangailangan ng katawan, kundi tungkol sa pagkakaroon ng relasyon sa Diyos.

Sa pagtapos, nakita natin na ang Diyos ay nagbibigay ng mga pagkakataon sa atin upang manalig sa kanya at sundin ang kanyang kalooban. Ang tanong ay kung tayo ay handa na tumugon sa kanyang tawag at hanapin ang tunay na buhay.

Reply

Celine loveko April 24, 2026 at 7:49 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

Jovy Uy April 25, 2026 at 8:13 am

Sa unang pagbasa, ipinahayag dito kung paano na-convert si Saulo (Pablo) upang gamitin ni Jesus bilang apostol sa mga gentil. Sapagkat magiging apostol siya ng mga gentil, ang pagkaligtas ni Saulo ay tulad ng proseso na pinagdaanan ni Cornelius sa Gawa 10:36-48 na ipinakilala ni apostol Pedro si Jesus at nang makapaniwala kay Jesus kasama ng pamilya ay binabaan sila ng Espiritu Santo kasama at saka palang sila nagbautismo matapos mabuhay ng walang hanggan ang kanilang espiritu.

“Naglakbay si Saulo patungong Damasco. Nang siya’y malapit na sa lungsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakasisilaw na liwanag mula sa langit, anupat nasubasob siya. At narinig niya ang isang tinig na nagsalita sa kanya, “Saulo! Saulo! Bakit mo ako inuusig?” “Sino po kayo, Panginoon?” tanong niya. “Ako’y si Hesus, ang inyong inuusig,” tugon sa kanya. “Tumindig ka’t pumasok sa lungsod. Sasabihin sa iyo roon kung ano ang dapat mong gawin.” Natilihan ang mga kasama ni Saulo; narinig nila ang tinig ngunit wala silang makitang sinuman. Tumindig si Saulo at idinilat ang kanyang mata ngunit hindi siya makakita, kaya’t siya’y inakay nila hanggang sa Damasco. Tatlong araw na hindi siya nakakita, at hindi kumain ni uminom.”..“Pumaroon ka! Sapagkat hinirang ko siya upang ipakilala ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel. At ipaaalam ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”Pumunta nga si Ananias. Pumasok siya sa bahay at ipinatong ang kanyang kamay kay Saulo. “Kapatid na Saulo,” wika niya, “pinapunta ako rito ng Panginoong Hesus na napakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Sinugo niya ako upang muli kang makakita, at mapuspos ng Espiritu Santo.” Pagdaka’y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo, at nakakita na siya. Tumindig siya agad at nagpabinyag. Kumain siya at nanauli ang kanyang lakas.Si Saulo’y ilang araw na kasama-sama ng mga alagad sa Damasco. Pumasok siya sa mga sinagoga at nangaral tungkol kay Hesus. “Siya ang Anak ng Diyos,” wika niya.”

Sa Salmo, ipinahayag dito ang gawain ng isang naligtas tulad ni apostol Pablo na nangaral sa mga gentil (mga bansang hindi kabilang sa Israel) upang papurihan ng lahat ng bansa ang Dios sapagka’t ang 12 na apostol ni Jesus ay nakalaang mangaral lamang sa mga Israelita .

“Purihin ang Poon!
Dapat na purihin ang lahat ng bansa,
siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa.
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati’y dakila at wagas,
at ang katapatan niya’y walang wakas.
Humayo’t dalhin sa tanan
Mabuting Balitang aral.”

Sa gospel reading, ginamit ni Jesus ang ginawang himala na pagpapakain ng 4k at 5k katao na nabusog at may lumabis pang 12 at 7 bakol upang ipakilala kung ano ang layunin ng una niyang pagdating at ito ay pakainin at busugin ang mga patay na “espiritu” ng mga tao dahil sa kasalanan kung kaya’t iniwan ni Jesus ang Espiritu Santo upang buhayin ang ating mga espiritu sa pamamagitan ng pakikinig (pagkain) ng salita ng Dios na siyang “binhi” na nagbibigay buhay (Juan 3:6, Lucas 8:11). Sina Pablo at Cornelius ay nababaan ng Espiritu Santo matapos nilang makilala at mapaniwalaan ang pasko ni Jesus na siyang nagpatawad sa kasalanan nila kung kaya’t nagkaroon ng buhay na walang hanggan ang patay nilang espiritu . Tunay nga na ang salita ng Dios ang pagkain ng ating mga espiritu upang nabusog at magkaroon ng walang hanggang buhay.

“Noong panahong iyon, nagtalu-talo ang mga Judio. “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayun din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon.” Sinabi ito ni Hesus nang siya’y nagtuturo sa sinagoga sa Capernaum.”

Kumusta naman tayo. Naligtas at nagkaroon ba tayo ng buhay na walang hanggan tulad ng prosesong pinagdaanan nina Pablo ay Cornelius na matapos silang makapakinig ng tungkol kay Jesus at nakapaniwala ay binabaan sila ng Espiritu ng Dios na bumuhay sa patay nilang espiritu?

“..ang mga salitang sinasalita ko sa inyo ay pawang Espiritu ng Dios na a nagbibigay ng buhay na walang hanggan (Juan 6:63).

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: