Miyerkules, Marso 25, 2026

March 25, 2026

Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag
ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon

Isaias 7, 10-14; 8, 10
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 11

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Hebreo 10, 4-10
Lucas 1, 26-38


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Solemnity of the Annunciation of the Lord (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 7, 10-14; 8, 10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng Sheol o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”

Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
Kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
Na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot?
Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
At manganganak ng lalaki
At ito’y tatawaging Emmanuel.
Sapagkat ang Diyos ay sumasaatin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 11

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang mga panghandog, pati mga hain,
at ang mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang pagliligtas mo’y ipinagsasabi,
di ko inilihim sa aking sarili;
pati pagtulong mo’t pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo’y isinisiwalat.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 10, 4-10

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi makapapawi ng mga kasalanan.

Dahil diyan, nang si Kristo’y manaog sa sanlibutan, sinabi niya sa Diyos,
“Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, kaya’t inihanda mo ang aking katawan upang maging hain.

Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan.

Kaya’t aking sinabi, ‘Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban’ —
Ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.”

Sinabi muna niya, “Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin at mga handog dahil sa kasalanan” – bagamat ito’y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya sinabi, “Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang handog na pinalitan ng handog ni Kristo. At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Hesukristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili at iyo’y sapat na.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 1, 14ab

Purihin ang Poong Hesus,
salita ng Amang Diyos,
mula sa langit nanaog.
Naging tao sa pagsakop
sa sala ng sansinukob.

MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”

Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 24, 2021 at 3:13 pm

PAGNINILAY: Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag tungkol sa Magandang Balita ng Panginoon, o mas kilala sa Ingles bilang “Solemnity of the Annunciation”. Ito’y nagaganap siyam na buwan bago ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni Hesus sa Kapaskuhan (Disyembre 25). Ang “Annunciation” rin ay ang unang misteryo ng tuwa sa Banal na Rosaryo. At ang kaganapang ito ay nagsilbing inspirasyon tuwing kalagitnaan ng oras sa pagdadasal ng Orasyon.

Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang pagbabalita ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Birheng Maria ang Misteryo ng Pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesukristo. Ibinalita ng anghel kay Maria ang pagsisilang nito sa Tagapagligtas sa loob ng sinapupunan nito. Noong una, nabagabag si Maria sa sinabi nito ng anghel dahil sa kanyang pagiging dalaga, ganun din ang pagbati ni San Gabriel sa kanya bilang “Ginoong napupuno ng grasya”. Kaya ipinaliwanag sa kanya ng anghel na ang pagsilang ni Hesus ay mangyayari sa kapangyarihan ng Espiritu Santo dahil ang anak ni iluluwal ng Mahal na Birhen ay tatawaging Anak ng Diyos. Kaya ang kaganapan ito ay nangyari sa ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Sta. Isabel, pinsan ni Maria, kay San Juan Bautista, at sinabi pa ng anghel na walang bagay ang imposible para sa Diyos. Kaya sa huli, ipinahayag ni Maria ang kanyang fiat, na bilang isang mababang lingkod ng Diyos, hinahayaan niya ang anumang plano ng Diyos na mangyari sa kanya.

Ang Annunciation ay isang pangyayari ukol sa Pagkakatawang-tao ng ating Panginoon, na bagamat may likas ng Diyos naging katulad natin at namuhay sa ating pagkatao maliban sa pagkakasala. Ito’y isang pangyayari na naglalarawan sa buhay ng Mahal na Birheng Maria. Buong kababaang-loob siyang nagpasya na sundin ang kalooban ng Diyos Ama. Kahit may mga pagkakataong siya’y nagdurusa, lalung-lalo na sa huling sandali nang makita niya ang kanyang Anak na nakapako sa Krus at nagbuntong-hininga, alam ni Maria na ito’y nangyayari alinsunod sa kalooban ng Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Sa ating buhay, may mga pangyayaring nagaganap na hindi natin nagugustuhan dahil ‘di kanais-nais ang epekto nito sa ating pamumuhay. Marami na tayong pinagdaanang pagsubok at paghihirap, at parang araw-araw tayo’y nagsisikap na guminhawa ang ating buhay. Subalit hindi tayo kailanma’y pinababayaan ng Panginoon. Alam natin na may dahilan kung bakit nangyayari ang mga masasamang pangyayari. Ngunit kung tayo ay kakapit sa ating Panginoon kahit sa mga oras na tayo’y nawawalan ng pag-asa, malalampasan natin ang bawat pagsubok nang may pananampalataya. Tularan din natin ang Mahal na Ina sa kanyang kababaang-loob at pagtitiwala na gawin ang kalooban ng Diyos hindi lang para sa ating sarili, kundi para na rin sa mabuting kapakanan ng ating kapwa.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 25, 2021 at 6:48 am

May kahulugan ang ating salita, ngunit hindi makapangyarihan. Ito ang ginagamit natin sa pakikipagtalastasan. Kadalasan ang mga salita ay matatamis, ngunit walang katuturan, hindi naisasabuhay. Ngunit iba ang Salita ng Diyos, makapangyarihan at makabuluhan. Sinasabi nga: “at ang Salita ay nagkatawang tao.” Siya ang Emmanuel, ang Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ang kordero na tanging kinalulugdan ng Diyos Ama. Ang daming nag-aalay, subalit sanay suriin muna ang sarili, magbalik loob at magsisi sa nagawang kasalanan upang kalugdan ang handog nila sa Diyos.

Reply

Joshua S. Valdoz March 24, 2026 at 7:06 pm

PAGNINILAY: Bukas ay ipagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag tungkol sa Magandang Balita ng Panginoon, o mas kilala sa Ingles bilang “Solemnity of the Annunciation”. Ito’y nagaganap siyam na buwan bago ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni Hesus sa Kapaskuhan (Disyembre 25). Ang “Annunciation” rin ay ang unang misteryo ng tuwa sa Banal na Rosaryo. At ang kaganapang ito ay nagsilbing inspirasyon tuwing kalagitnaan ng oras sa pagdadasal ng Orasyon.

Sa araw na yun, ipagdiriwang din natin ang pagbabalita ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Birheng Maria ang Misteryo ng Pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesukristo. Ibinalita ng anghel kay Maria ang pagsisilang nito sa Tagapagligtas sa loob ng sinapupunan nito. Noong una, nabagabag si Maria sa sinabi nito ng anghel dahil sa kanyang pagiging dalaga, ganun din ang pagbati ni San Gabriel sa kanya bilang “Ginoong napupuno ng grasya”. Kaya ipinaliwanag sa kanya ng anghel na ang pagsilang ni Hesus ay mangyayari sa kapangyarihan ng Espiritu Santo dahil ang anak ni iluluwal ng Mahal na Birhen ay tatawaging Anak ng Diyos. Kaya ang kaganapan ito ay nangyari sa ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Sta. Isabel, pinsan ni Maria, kay San Juan Bautista, at sinabi pa ng anghel na walang bagay ang imposible para sa Diyos. Kaya sa huli, ipinahayag ni Maria ang kanyang fiat, na bilang isang mababang lingkod ng Diyos, hinahayaan niya ang anumang plano ng Diyos na mangyari sa kanya.

Ang Annunciation ay isang pangyayari ukol sa Pagkakatawang-tao ng ating Panginoon, na bagamat may likas ng Diyos naging katulad natin at namuhay sa ating pagkatao maliban sa pagkakasala. Ito’y isang pangyayari na naglalarawan sa buhay ng Mahal na Birheng Maria. Buong kababaang-loob siyang nagpasya na sundin ang kalooban ng Diyos Ama. Kahit may mga pagkakataong siya’y nagdurusa, lalung-lalo na sa huling sandali nang makita niya ang kanyang Anak na nakapako sa Krus at nagbuntong-hininga, alam ni Maria na ito’y nangyayari alinsunod sa kalooban ng Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Sa ating buhay, may mga pangyayaring nagaganap na hindi natin nagugustuhan dahil ‘di kanais-nais ang epekto nito sa ating pamumuhay. Marami na tayong pinagdaanang pagsubok at paghihirap, at parang araw-araw tayo’y nagsisikap na guminhawa ang ating buhay. Subalit hindi tayo kailanma’y pinababayaan ng Panginoon. Alam natin na may dahilan kung bakit nangyayari ang mga masasamang pangyayari. Ngunit kung tayo ay kakapit sa ating Panginoon kahit sa mga oras na tayo’y nawawalan ng pag-asa, malalampasan natin ang bawat pagsubok nang may pananampalataya. Tularan din natin ang Mahal na Ina sa kanyang kababaang-loob at pagtitiwala na gawin ang kalooban ng Diyos hindi lang para sa ating sarili, kundi para na rin sa mabuting kapakanan ng ating kapwa.

Reply

Mel Mendoza March 25, 2026 at 9:30 am

PAGNINILAY:
Lucas 1:26–38
“Fiat”

Sa araw na ito ating ipinagdiriwang
ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon
(Annunciation of the Lord). Ang pagpapahayag ng Anghel Gabriel kay Maria ay hindi lamang isang mensahe—ito ay simula ng katuparan ng plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sanlibutan. Sa isang tahimik at mapagpakumbabang dalaga, nagsimula ang dakilang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos.

Ang sentro ng kapistahang ito ay ang fiat ng Mahal na Birhen Maria—ang kanyang ganap na “oo” sa kalooban ng Diyos:
“Narito ang alipin ng Panginoon; mangyari nawa sa akin ayon sa iyong salita.”
Sa teolohikal na pananaw, ang sandaling ito ang tinatawag na Incarnation—ang Salita ng Diyos ay naging tao. Ngunit mahalagang maunawaan: hindi ito nangyari nang walang pakikipagtulungan ng tao.
•Ang “oo” ni Maria ay isang malayang pakikiisa sa grasya ng Diyos;
•Ito ay larawan ng ugnayan ng grasya at kalayaan (grace and free will).

Si Maria ang bagong Eva—kung saan ang unang Eva ay nagsabi ng “hindi,” si Maria ay nagsabi ng “oo.”
Dito natin makikita:
Ang plano ng Diyos ay makapangyarihan, ngunit hindi Niya ipinipilit—hinihintay Niya ang ating tugon.

Pagsasabuhay:
Ang Ebanghelyo ngayon ay paanyaya sa bawat isa sa atin:
Sa mga pagkakataong hindi natin nauunawaan ang plano ng Diyos…
Sa mga panahong tila mahirap sumunod…
Sa mga tawag na nangangailangan ng sakripisyo…

Kaya ba nating magsabi ng “oo” tulad ni Maria? Hindi kailangang perpekto ang ating sitwasyon. Tulad ni Maria, sapat na ang pananampalataya, kababaang-loob, at pagtitiwala.
Ang bawat “oo” natin sa Diyos ay nagiging daan upang si Kristo ay muling isilang sa mundo—sa pamamagitan ng ating buhay.

Ang tunay na pananampalataya ay nagsisimula sa isang buong pusong ‘oo’ sa kalooban ng Diyos.

Word of the Day: “FIAT”
(Latin: “Mangyari nawa”)
Isang salita ng ganap na pagsuko at pagtitiwala sa Diyos.
Hindi lamang ito salita—ito ay isang buhay na paninindigan.

Panalangin:
Ama naming mapagmahal,
turuan Mo kaming tumugon sa Iyong tawag na may pusong mapagkumbaba at handang sumunod. Katulad ng Mahal na Birhen Maria, nawa’y magkaroon kami ng lakas ng loob na magsabi ng “oo” sa Iyong kalooban, kahit hindi namin lubos na nauunawaan ang lahat.
Isilang Mo si Kristo sa aming puso at buhay, upang kami’y maging daluyan ng Iyong biyaya sa mundo.
Amen.

Reply

[email protected] March 25, 2026 at 11:41 am

Ama Naming Dios Ako’y Nananalig At Isinusuko Ko Ang Lahat Sa Akin Sa Ngalan Ni Hesukristo…AMEN !

Reply

BdKz March 25, 2026 at 1:02 pm

Pag-OO o pagsunod sa tawag ng Diyos.
Darating ang biyaya,himala at simula ng pagbabago ng mundo o ng buhay.
Salvation starts with a simple yes.
Pumili sa tama kesa sa mali.
Piliin ang totoo kaysa sa kasunangalingan.
Piliin magtiwala Diyos.
Lord Opo, susunod ako sa iyo.
Amen
God is good sobra sobra,
Sobra sobra God is good.
#GvWednesday
Blessed2026
Thank you, Lord, for a new day. Praying for a healing heart, peace, and strength.

Reply

Jovy Uy March 25, 2026 at 7:35 pm

Sa unang pagbasa, si
Haring Ahaz na hari ng Juda (timog) ay natakot sa alyansa ng Israel at Syria laban sa nasasakupan niya. Sa halip na sumunod sa babala ni Isaias na magtiwala sa Diyos, nakipag-alyansa siya sa hari ng Asiria imbes na makinig siya sa Dios na humingi ng tanda ng pagliligtas sa kanyang bayan.

Nangako ang Dios na ipapanumbalik ang Juda sa pamamagitan ng isang tanda o propesiya na natupad sa kapanganakan ni Jesus.”

“Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga
At manganganak ng lalaki
At ito’y tatawaging Emmanuel.
Sapagkat ang Diyos ay sumasaatin.”

Sa ikalawang pagbasa, ang tanda ng pagliligtas ng Dios sa espiritu ng tao ay natupad sa unang pagdating ni Jesus . Sapagkat ang alay na dugo ng hayop ay hindi nakakatubos ng mga kasalanan kaya gumawa ng Dios ng katawan ni Jesus na pareho sa tao maliban sa walang kasalanan itong katawan.

Sa Salmo, ang kailangan ng Dios ay ang paniniwala na dumarating sa pakikinig ng salita Niya.

“Ang mga panghandog, pati mga hain,
at ang mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.”
Ang mga panghandog, pati mga hain,
at ang mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.”

Sa gospel reading, natupad ang tanda sa dalagang si Maria na sa kanya ipanganak si Jesus. Kung kailan nabuntis si Maria ay sa oras na naniwala at pumayag sa pahayag ng anghel tungkol sa mangyayari sa kanya. Kaya hindi siya nabuntis ni Jose bilang katuparan ang propesiya na magbubuntis ang isang birhen.

“Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

Kumusta naman tayo. Nakikinig ba tayo sa mga tanda at propesiya sa biblia upang magkaroon ng paniniwala kay Jesus bilang pinatutungkulan ng mga kasulatan at maligtas sa kanyang paskal (Roma 10:17, Efraim 1:13, Santiago 1:18, 1 Pedro 1:23).

Reply

Jovy Uy March 25, 2026 at 8:37 pm

Isaias 7:10-14, 8:10

Salmo 39 7-11

Hebreo 10:4-10

Lucas 1:26-38

PAGNINILAY

Sa unang pagbasa, si
Haring Ahaz na hari ng Juda (timog) ay natakot sa alyansa ng Israel at Syria laban sa nasasakupan niya. Sa halip na sumunod sa babala ni Isaias na magtiwala sa Diyos, nakipag-alyansa siya sa hari ng Asiria imbes na makinig siya sa Dios na humingi ng tanda ng pagliligtas sa kanyang bayan.

Nangako ang Dios na ipapanumbalik ang Juda sa pamamagitan ng isang tanda o propesiya na natupad sa kapanganakan ni Jesus.”

“Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga
At manganganak ng lalaki
At ito’y tatawaging Emmanuel.
Sapagkat ang Diyos ay sumasaatin.”

Sa ikalawang pagbasa, ang tanda ng pagliligtas ng Dios sa espiritu ng tao ay natupad sa unang pagdating ni Jesus . Sapagkat ang alay na dugo ng hayop ay hindi nakakatubos ng mga kasalanan kaya gumawa ng Dios ng katawan ni Jesus na pareho sa tao maliban sa walang kasalanan itong katawan. Ang alay na dugo sa katawan ni Jesus ay sapat na para tayo ay maligtas.

“Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, kaya’t inihanda mo ang aking katawan upang maging hain.

“Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan.Kaya’t aking sinabi, ‘Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban’ Ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.”Sinabi muna niya, “Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin at mga handog dahil sa kasalanan” – bagamat ito’y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya sinabi, “Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang handog na pinalitan ng handog ni Kristo. At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Hesukristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili at iyo’y sapat na.”

Sa Salmo, ang kailangan ng Dios ay ang paniniwala na dumarating sa pakikinig ng salita Niya.

“Ang mga panghandog, pati mga hain,
at ang mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.”

Sa gospel reading, natupad ang tanda sa dalagang si Maria na sa kanya ipanganak si Jesus. Kung kailan nabuntis si Maria ay sa oras na naniwala at pumayag sa pahayag ng anghel tungkol sa mangyayari sa kanya. Kaya hindi siya nabuntis ni Jose bilang katuparan ang propesiya na magbubuntis ang isang birhen.

“Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”

Kumusta naman tayo. Nakikinig ba tayo sa mga tanda at propesiya sa biblia upang magkaroon ng paniniwala kay Jesus bilang pinatutungkulan ng mga kasulatan at maligtas sa kanyang paskal (Roma 10:17, Efraim 1:13, Santiago 1:18, 1 Pedro 1:23) ?Sapat na ba ang alay ni Jesus na katawan niya upang maligtas tayo?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: