Linggo, Marso 15, 2026

March 15, 2026

Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A)

1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a.
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Efeso 5, 8-14
Juan 9, 1-41
o kaya Juan 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Fourth Sunday of Lent (Rose or Violet)

UNANG PAGBASA
1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a.

Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Betlehem sapagkat pinili ko nang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.”

Nang magkaharap-harap na sila, nakita ni Samuel si Eliab, pinagmasdan niya itong mabuti at sinabi sa sarili, “Ito siguro ang hinirang ng Panginoon para maging hari.”

Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Hindi siya ang hinirang ko. Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko.”

Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit walang pinili sa kanila ang Panginoon. Kaya’t tinanong ni Samuel si Jesse, “Wala ka na bang anak kundi iyan?”

“Mayroon pang isa; ‘yong pinakabata, at pastol ng aking mga tupa,” sagot ni Jesse.

Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga’t hindi siya dumarating.” At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya’y makisig na binatilyo, malusog at nangungusap ang mga mata.

At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Siya ang hinirang ko; pahiran mo siya ng langis.” Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at pinahiran si David sa harapan ng kanyang mga kapatid. At mula noon, sumakanya ang Espiritu ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

IKALAWANG PAGBASA
Efeso 5, 8-14

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso

Mga kapatid:

Dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon. Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga taong naliwanagan sapagkat ang ibinubunga ng pamumuhay sa liwanag ay pawang mabuti, matuwid at totoo. Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibinubungang kabutihan – mga bagay na dulot ng kadiliman. Sa halip ay ilantad ninyo sila at ang kanilang mga gawa. Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim. Ang lahat ng nalalantad ay naliliwanagan, at ang naliwanagan ay nagiging liwanag. Kaya’t sinasabi,

“Gumising ka, ikaw na natutulog,
magbangon ka mula sa mga patay,
at liliwanagan ka ni Kristo.”

Ang Salita ng Diyos

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 8, 12

Ang sabi ng Poong mahal,
“Sa daigdig ako’y ilaw.
Kapag ako ay sinundan,
ang dilim ay mapaparam
at sa aki’y mabubuhay.”

MABUTING BALITA
Juan 9, 1-41

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon: Sa paglalakad ni Hesus ay may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya o ang kanyang mga magulang?” Sumagot si Hesus, “Ipinanganak na bulag ang lalaking ito, hindi dahil sa nagkasala siya o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos. Dapat nating gawin ang mga ipinagagawa ng nagsugo sa akin samantalang araw pa; dumarating ang gabi at wala nang makagagawa. Habang ako’y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” Pagkasabi nito, si Hesus ay lumura sa lupa at gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe.” (Ang kahulugan nito’y Sinugo.) “Maghilamos ka roon.” Gayon nga ang ginawa ng bulag at nang magbalik ay nakakita na.

Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya’y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang lalaking dating nagpapalimos?” Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” “Hindi! Kamukha lang,” wika naman ng iba. At sumagot ang lalaki, “Ako nga po iyon.” “Paano kang nakakita?” tanong nila. Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Hesus ay gumawa ng putik at ipinahid sa aking mga mata. Pagkatapos, sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.’ Kaya’t pumaroon ako at naghilamos, at nakakita na ako.” “Nasaan siya?” tanong nila sa kanya. “Ewan ko po,” sagot niya.

Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at padilatin ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, naghilamos ako pagkatapos, at ngayo’y nakakikita na ako.” Ang sabi ng ilan sa mga Pariseo, “Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makagagawa ng ganitong kababalaghan ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa ng palagay.

Kaya’t tinanong nila uli ang dating bulag, “Ikaw naman, yamang pinadilat ni Hesus ang iyong mga mata, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya?” “Siya’y isang propeta!” sagot niya. Ayaw maniwala ang mga Judio na siya’y dating bulag, kaya’t ipinatawag nila ang mga magulang ng taong iyon. At tinanong sila, “Anak ba ninyo ito? Talaga bang siya’y ipinanganak na bulag? Bakit nakakikita na siya ngayon?” Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam po naming siya ang aming anak, at siya’y ipinanganak na bulag. Ngunit hindi namin alam kung bakit nakakikita na siya ngayon, o kung sino ang nagpadilat sa kanya. Siya na po ang tanungin ninyo. Siya’y may sapat na gulang na at makapagsasabi ng tungkol sa kanyang sarili!” Ganito ang sabi ng kanyang mga magulang dahil sa takot sa mga Judio, sapagkat pinagkaisahan ng mga Judio na itiwalag sa sinagoga ang sinumang magpahayag na si Hesus ang Mesiyas. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya’y may sapat na gulang na; siya po ang tanungin ninyo.”

Kaya’t muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sabihin mo ang totoo! Alam naming makasalanan ang taong iyon.” Hindi ko po alam kung siya’y makasalanan o hindi,” tugon niya. “Isang bagay ang alam ko: dati akong bulag ngunit ngayo’y nakakikita na.” “Ano ang ginawa niya sa iyo?” tanong nila. “Paano niya pinadilat ang iyong mga mata?” Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, at ayaw ninyong pakinggan. Ano’t ibig ninyong marinig uli? Ibig din ba ninyong maging alagad niya?” At siya’y inalipusta nila. “Ikaw ang alagad niya,” sabi nila. “Ngunit kami’y mga alagad ni Moises. Nalalaman naming nagpakita ang Diyos kay Moises; ngunit ang taong iyon – ni hindi namin alam kung saan nanggaling!” Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang kataka-taka! Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling, gayung pinadilat niya ang mga mata ko. Alam nating hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit pinakikinggan niya ang mga tunay na sumasamba sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban. Buhat sa pasimula ng sanlibutan ay wala pang nakapagpapadilat ng mata ng taong ipinanganak na bulag. Wala pong magagawa ang taong iyon kung siya’y hindi mula sa Diyos!” Sumagot sila, “Ipinanganak kang makasalanan at ikaw pa ang magtuturo sa amin?” At siya’y itiniwalag nila.

Nabalitaan ni Hesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya’t tinanong niya ang lalaki nang matagpuan niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin, upang ako’y manampalataya sa kanya.” “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo,” ani Hesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Hesus.

Sinabi pa ni Hesus, “Isang kahatulan sa sanlibutan ang pagparito ko, upang makakita ang mga bulag at mabulag ang mga nakakikita.” Narinig ito ng ilang Pariseong malapit sa kanya at siya’y tinanong, “Ibig mo bang sabihi’y bulag din kami?” Sumagot si Hesus, “Kung kayo’y bulag, wala sana kayong kasalanan. Ngunit sinasabi ninyong nakakikita kayo, kaya’t nananatili ang inyong mga kasalanan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya: Maikling Pagbasa
Juan 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon: Sa paglalakad ni Hesus ay may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag. At si Hesus ay lumura sa lupa at gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe.” (Ang kahulugan nito’y Sinugo.) “Maghilamos ka roon.” Gayon nga ang ginawa ng bulag at nang magbalik ay nakakita na.

Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya’y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang lalaking dating nagpapalimos?” Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” “Hindi! Kamukha lang,” wika naman ng iba. At sumagot ang lalaki, “Ako nga po iyon.”

Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at padilatin ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, naghilamos ako pagkatapos, at ngayo’y nakakikita na ako.” Ang sabi ng ilan sa mga Pariseo, “Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makagagawa ng ganitong kababalaghan ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa ng palagay.

Kaya’t tinanong nila uli ang dating bulag, “Ikaw naman, yamang pinadilat ni Hesus ang iyong mga mata, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya?” “Siya’y isang propeta!” sagot niya. Sumagot sila, “Ipinanganak kang makasalanan at ikaw pa ang magtuturo sa amin?” At siya’y itiniwalag nila.

Nabalitaan ni Hesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya’t tinanong niya ang lalaki nang matagpuan niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin, upang ako’y manampalataya sa kanya.” “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo,” ani Hesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 13 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 22, 2020 at 12:13 am

Pagninilay: Ang Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din bilang “Linggo ng Laetare”. Ang “Laetare” ay isang salitang Latin na isinalin sa wikang Ingles bilang “rejoicing”. Ito ang panahon kung saan sa pagtapat natin sa kalagitnaan ng Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Simbahan na magalak. Ang Pari ay maaring sumuot ng Rosas na kasulya, at ang altar ay maaring gayakin ng mga bulaklak. Sa paggamit ng mga instrumento para sa mga himig, maaring tumugtuog din ng “Instrumental”. Kung mapapansin natin ang Pambungad na Pagpasok sa Misa para sa araw na ito, inaanyayahan ni Propetang Isaias na magalak ang bayan ng Jerusalem dahil sa dumating na kaligtasan nito. Kaya sa gitna ng ating pagsisisi at pagsasakripisyo ngayong Kuwaresma, kailangan nating magalak sapagkat darating na ang pagdiriwang ng ating kaligtasan sa Semana Santa, at ito’y hahantong sa Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Reply

Reynald David Perez March 15, 2023 at 9:18 am

Pagninilay: Ang Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din bilang “Linggo ng Laetare”. Ang “Laetare” ay isang salitang Latin na isinalin sa wikang Ingles bilang “rejoicing”. Ito ang panahon kung saan sa pagtapat natin sa kalagitnaan ng Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Simbahan na magalak. Ang Pari ay maaring sumuot ng Rosas na kasulya, at ang altar ay maaring gayakin ng mga bulaklak. Sa paggamit ng mga instrumento para sa mga himig, maaring tumugtuog din ng “Instrumental”. Kung mapapansin natin ang Pambungad na Pagpasok sa Misa para sa araw na ito, inaanyayahan ni Propetang Isaias na magalak ang bayan ng Jerusalem dahil sa dumating na kaligtasan nito. Kaya sa gitna ng ating pagsisisi at pagsasakripisyo ngayong Kuwaresma, kailangan nating magalak sapagkat darating na ang pagdiriwang ng ating kaligtasan sa Semana Santa, at ito’y hahantong sa Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Itinuturo sa atin ng mga Pagbasa ang pagpapakita ng Diyos ng kanyang kagandahang-loob sa mga taong mapagkumbaba, lalo na sa mga dumadanas ng mga pagsubok. Ang Unang Pagbasa ay ang pagkahirang ni Samuel, ang huling hukom ng Israel, sa bagong hari ng Israel. Nangyari ito sapagkat hindi naging kalugud-lugod ang pag-uugali ni Haring Saul dahil sa pagsusuway nito sa Diyos na maghandog ng alay ng mga Filisteo kaysa sa lusubin sila sa labanan, kaya’t pinahayag na ng Diyos na bilang na ang mga araw ng paghahari nito. Natunghayan natin na pumunta si Samuel sa bayan ng Bethlehem sa bahay ni Jesse. At dito’y pinakilala ni Jesse ang kanyang pitong anak na lalaki, na parehas ang pamantayan ng Panginoon, na hindi sa mga ito’y pinipili niya bilang hari. At makikita rin natin kung paanong lumapit lang si David, ang pastol at pinakabunso sa 8 magkakapatid, sa pagkakataong huli na siyang tinawag na pumunta kay Samuel. At nakita nga natin kung paanong inutos ng Diyos si Samuel na pahiran ng langis si David sa harap ng kanyang mga kapatid, at napuspos siya ng Espiritu Santo. Nakita natin kung paanong si David ay nakipagdigmaan laban sa mga Filisteo sa pagpasalang sa pinakabangis na sundalong si Goliat, at ang pakikipagkaibigan kay Jonathan (anak ni Saul), at ang pakikipagkasundo sa tinanggal na haring Saul sa kabila ng pagka-inggit nito at tangkang pagpatay sa kanya. At matapos ang masalumuot na pagpanaw ni Saul, naging hari ng Juda si David, at pagkaraan din ng ilang taon ay naging hari ng Israel.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagtatagpo ni Hesus at ang kanyang mga alagad sa isang lalaking pinanganak na bulag. At ayon sa lumang paniniwala ng mga Hudyo, ang mga taong pinanganak na bulag ay nangyari dahil sa kanyang pagkakasala o kaya namana dahil sa kasalanan ng kanyang mga magulang. Kaya’t dito makikita natin na kahit matapos siyang pagalingin ng Panginoon ay nagbubulag-bulagan ang mga Pariseo na siya’y pinagaling ni Hesus, at nais kunin ng pagkakataong pagbintangin si Hesus ng paglabag sa batas ng Araw ng Pamamahinga (dahil sa paggaling na itinuturing nila na pinagbabawal na trabaho sa banal na araw). Kahit mga magulang ng anak ay pilit na pinapaamin kung paano napagaling ang kanilang anak, na siya lamang ang nakakasaksi sa nangyari sa kanya. At dito binalik tayo sa puntong ayaw nila tanggapin ang mabuting gawain ni Hesus sa isang bulag (lalo na sa isang taong ipinanganak na bulag), kaya’t pinipilit nila ang lalaking huwag iugnay ang kanyang paggaling sa itinuturing nila na kaaway ng Kautusan ni Moises. Ngunit nakita natin kung paanong tumindig ang lalaki sa pagpapahayag ng katotohanang si Hesus nga ang nagpagaling sa kanya, at ito’y sapat na biyaya na para sa kanya na dating bulag sapagkat nakita niya sa ginawa ni Hesus sa kanya ang mabuting kalooban ng Diyos. Subalit nakita rin natin kung paanong itanggi ng mga Pariseo ang kanyang pahayag dahil sa paniniwalang siya ay nabuhay sa kasalanan, kaya’t nabulag, at pinatiwalag pa. Subalit sa kabila nito ay nasumpung niya pa rin si Hesus at nagpasalamat, at nagpahayag nang may pananampalataya na ang nagpagaling sa kanya at nag-utos na maghilamos sa tubig ng Siloe ay ang Mesiyas. At ang pangyayaring ito’y nagpapatunay sa mga sinabi ni Hesus, na ang lalaking ipinanganak na bulag ay kailanma’y hindi galing sa kasalanan ni namana sa kasalanan ng mga magulang, kundi ito’y isang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos Ama upang ang liwanag ay magningning sa mga bulag na sila’y makakita. Subalit alam ni Hesus na kahit ang mga nakakakita ay patuloy na nagbubulag-bulagan sa tunay na kagandahang-loob ng Ama. At nakita natin dito sa pag-uugali ng mga Pariseo at mga pinuno ng Judaismo na patuloy na nagbubulag-bulagan sa mga mabuting kababalaghan ni Hesus, na pilit nilang hinahanapan ng butas para lang masabi na kabalastugan lamang at nagmula raw sa Diyablo ang kanyang ministeryo. Sa kabila nito ay patuloy ang misyon ni Kristo na pagpaparangal at pagpapagaling upang maihayag niya ang kaluwalhatian ng Diyos Ama at maging masunurin sa kanyang dakilang kalooban.

Mga kapatid, itinuturo sa atin ng mga Pagbasa ngayon ang pagkilala sa kabutihang-loob ng Diyos. Ipinakita niya na wala siyang pinipiling napakatanging tao ni nagpapakita ng paborito, kundi pantay-pantay ang kanyang pagtrato sa lahat. At ang paanyaya ng biyayang ito ay ang pagtugon sa kanyang panawagang mamuhay sa liwanag. Kaya ito ang paalala ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayo noong napapaligiran noon ng dilim ay nabubuhay ngayon sa liwanag, kaya’t inaanyayahan tayo na pag-aralan kung ano ang kalugud-lugod na disposyon sa mata ng Panginoon. Samakatuwid, binabalaan tayo laban sa mga makamundong bagay na magbubunga lamang sa pagkakasala, sapagkat ang lahat ng mga nililihim na kasamaan ay mabubunyag sa liwanag. Kaya nga itong Panahon ng Kuwaresma ay ang ating espirituwal na paghahanda para sa muling pagsasariwa ng mga Pangako sa Binyag sa darating na Bihilya at Araw ng Muling Pagkabuhay (Easter). Kaya’t tumugon tayo na patuloy na mamuhay sa kagandahang-loob na Diyos na huwag magpili ng mga paborito at huwag magbulag-bulagan sa kanyang kabutihang ginawa sa ibang tao. Patuloy tayong lumakad sa kanyang liwanag.

Reply

[email protected] March 15, 2026 at 8:45 am

To God Be All The Glory In Jesus Name…Amen!

Reply

Rodel M. Enciso March 16, 2023 at 6:46 am

Tunay na liwanag sa aming buhay ang mabasa ang mga ibinibigay na pagninilay. More power po to enlighten us many as you can and we’re hoping po na mas maraming masugid na sumunaybay sa inyong website. In your inspiring words, we are so much grateful. God bless po!

Reply

Maribel B. Bustamante March 19, 2023 at 6:37 am

Papuri at pasasalamat sa Diyos!
Ako ay sobrang nagpapasalamat at nagagalak na nagkaroon ng website na Awit at Papuri.com.

Nakalagay ito sa home page ng aking mobile. Napakahalaga nito at itinuturing ko siyang yaman at aking ninanamnam ang mga pagbasa at panalangin dito.. Nadadagdagan sa ang aking kaalaman, karunungan at kalakasan sa tuwing binabasa at pinapakinggan ko ang mensahe ng Panginoong Diyos sa pamamagitan nito.

Ito ang siya kong ginagamit sa aking Morning Prayer.

Nahasa ang aking pagsasalita at pagpapahayag ng salita ng Diyos sa Tagalog at natuto ako at naging
mapagkumbaba at matatag lalo sa pagbibigay ng panayam sa aking mga pamayanan.

Tunay na nangungusap at nagpapahayag ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Salita!

Reply

Mlhon March 19, 2023 at 2:41 pm

Tanggapin si Kristo bilang liwanag.
Isapuso ang liwanag ng Panginoon at maging liwanag tayo sa ating kapwa.
Amen.

Reply

Maribel R. Manalang March 12, 2026 at 1:54 pm

Tanggapin natin ang liwanag ng Diyos,ang kanyang Salita na siyang maging gabay sa ating araw-araw na pamumuhay.Lumakad tayo sa liwanag at patuloy na maging ilaw sa ating pamilya at sa ating kapwa.
Purihin ang Diyos magpakailan man!

Reply

Joshua S. Valdoz March 14, 2026 at 4:38 pm

Pagninilay: Ang Ika-4 na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din bilang “Linggo ng Laetare”. Ang “Laetare” ay isang salitang Latin na isinalin sa wikang Ingles bilang “rejoicing”. Ito ang panahon kung saan sa pagtapat natin sa kalagitnaan ng Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Simbahan na magalak. Ang Pari ay maaring sumuot ng Rosas na kasulya, at ang altar ay maaring gayakin ng mga bulaklak. Sa paggamit ng mga instrumento para sa mga himig, maaring tumugtuog din ng “Instrumental”. Kung mapapansin natin ang Pambungad na Pagpasok sa Misa para sa araw na ito, inaanyayahan ni Propetang Isaias na magalak ang bayan ng Jerusalem dahil sa dumating na kaligtasan nito. Kaya sa gitna ng ating pagsisisi at pagsasakripisyo ngayong Kuwaresma, kailangan nating magalak sapagkat darating na ang pagdiriwang ng ating kaligtasan sa Semana Santa, at ito’y hahantong sa Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Itinuturo sa atin ng mga Pagbasa para biukas ang pagpapakita ng Diyos ng kanyang kagandahang-loob sa mga taong mapagkumbaba, lalo na sa mga dumadanas ng mga pagsubok. Ang Unang Pagbasa ay ang pagkahirang ni Samuel, ang huling hukom ng Israel, sa bagong hari ng Israel. Nangyari ito sapagkat hindi naging kalugud-lugod ang pag-uugali ni Haring Saul dahil sa pagsusuway nito sa Diyos na maghandog ng alay ng mga Filisteo kaysa sa lusubin sila sa labanan, kaya’t pinahayag na ng Diyos na bilang na ang mga araw ng paghahari nito. Natunghayan natin na pumunta si Samuel sa bayan ng Bethlehem sa bahay ni Jesse. At dito’y pinakilala ni Jesse ang kanyang pitong anak na lalaki, na parehas ang pamantayan ng Panginoon, na hindi sa mga ito’y pinipili niya bilang hari. At makikita rin natin kung paanong lumapit lang si David, ang pastol at pinakabunso sa 8 magkakapatid, sa pagkakataong huli na siyang tinawag na pumunta kay Samuel. At nakita nga natin kung paanong inutos ng Diyos si Samuel na pahiran ng langis si David sa harap ng kanyang mga kapatid, at napuspos siya ng Espiritu Santo. Nakita natin kung paanong si David ay nakipagdigmaan laban sa mga Filisteo sa pagpasalang sa pinakabangis na sundalong si Goliat, at ang pakikipagkaibigan kay Jonathan (anak ni Saul), at ang pakikipagkasundo sa tinanggal na haring Saul sa kabila ng pagka-inggit nito at tangkang pagpatay sa kanya. At matapos ang masalumuot na pagpanaw ni Saul, naging hari ng Juda si David, at pagkaraan din ng ilang taon ay naging hari ng Israel.

Ang Ebanghelyo natin bukas ay ang pagtatagpo ni Hesus at ang kanyang mga alagad sa isang lalaking pinanganak na bulag. At ayon sa lumang paniniwala ng mga Hudyo, ang mga taong pinanganak na bulag ay nangyari dahil sa kanyang pagkakasala o kaya namana dahil sa kasalanan ng kanyang mga magulang. Kaya’t dito makikita natin na kahit matapos siyang pagalingin ng Panginoon ay nagbubulag-bulagan ang mga Pariseo na siya’y pinagaling ni Hesus, at nais kunin ng pagkakataong pagbintangin si Hesus ng paglabag sa batas ng Araw ng Pamamahinga (dahil sa paggaling na itinuturing nila na pinagbabawal na trabaho sa banal na araw). Kahit mga magulang ng anak ay pilit na pinapaamin kung paano napagaling ang kanilang anak, na siya lamang ang nakakasaksi sa nangyari sa kanya. At dito binalik tayo sa puntong ayaw nila tanggapin ang mabuting gawain ni Hesus sa isang bulag (lalo na sa isang taong ipinanganak na bulag), kaya’t pinipilit nila ang lalaking huwag iugnay ang kanyang paggaling sa itinuturing nila na kaaway ng Kautusan ni Moises. Ngunit nakita natin kung paanong tumindig ang lalaki sa pagpapahayag ng katotohanang si Hesus nga ang nagpagaling sa kanya, at ito’y sapat na biyaya na para sa kanya na dating bulag sapagkat nakita niya sa ginawa ni Hesus sa kanya ang mabuting kalooban ng Diyos. Subalit nakita rin natin kung paanong itanggi ng mga Pariseo ang kanyang pahayag dahil sa paniniwalang siya ay nabuhay sa kasalanan, kaya’t nabulag, at pinatiwalag pa. Subalit sa kabila nito ay nasumpung niya pa rin si Hesus at nagpasalamat, at nagpahayag nang may pananampalataya na ang nagpagaling sa kanya at nag-utos na maghilamos sa tubig ng Siloe ay ang Mesiyas. At ang pangyayaring ito’y nagpapatunay sa mga sinabi ni Hesus, na ang lalaking ipinanganak na bulag ay kailanma’y hindi galing sa kasalanan ni namana sa kasalanan ng mga magulang, kundi ito’y isang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos Ama upang ang liwanag ay magningning sa mga bulag na sila’y makakita. Subalit alam ni Hesus na kahit ang mga nakakakita ay patuloy na nagbubulag-bulagan sa tunay na kagandahang-loob ng Ama. At nakita natin dito sa pag-uugali ng mga Pariseo at mga pinuno ng Judaismo na patuloy na nagbubulag-bulagan sa mga mabuting kababalaghan ni Hesus, na pilit nilang hinahanapan ng butas para lang masabi na kabalastugan lamang at nagmula raw sa Diyablo ang kanyang ministeryo. Sa kabila nito ay patuloy ang misyon ni Kristo na pagpaparangal at pagpapagaling upang maihayag niya ang kaluwalhatian ng Diyos Ama at maging masunurin sa kanyang dakilang kalooban.

Mga kapatid, itinuturo sa atin ng mga Pagbasa ngayon ang pagkilala sa kabutihang-loob ng Diyos. Ipinakita niya na wala siyang pinipiling napakatanging tao ni nagpapakita ng paborito, kundi pantay-pantay ang kanyang pagtrato sa lahat. At ang paanyaya ng biyayang ito ay ang pagtugon sa kanyang panawagang mamuhay sa liwanag. Kaya ito ang paalala ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayo noong napapaligiran noon ng dilim ay nabubuhay ngayon sa liwanag, kaya’t inaanyayahan tayo na pag-aralan kung ano ang kalugud-lugod na disposyon sa mata ng Panginoon. Samakatuwid, binabalaan tayo laban sa mga makamundong bagay na magbubunga lamang sa pagkakasala, sapagkat ang lahat ng mga nililihim na kasamaan ay mabubunyag sa liwanag. Kaya nga itong Panahon ng Kuwaresma ay ang ating espirituwal na paghahanda para sa muling pagsasariwa ng mga Pangako sa Binyag sa darating na Bihilya at Araw ng Muling Pagkabuhay (Easter). Kaya’t tumugon tayo na patuloy na mamuhay sa kagandahang-loob na Diyos na huwag magpili ng mga paborito at huwag magbulag-bulagan sa kanyang kabutihang ginawa sa ibang tao. Patuloy tayong lumakad sa kanyang liwanag. Amen!

Reply

Guilbert Poblite March 14, 2026 at 9:01 pm

PAGNINILAY:
Ang ganda ng Ebanghelyong ito!
Ang Pagbubukas ng Mata – Hindi Lang Literal: binuksan ni Hesus ang mata ng bulag, hindi lang sa pisikal kundi pati na rin sa pang-unawa at pananampalataya. Madalas, tayo rin ay ‘bulag’ sa katotohanan o sa presensya ng Diyos.

Ang Kakayahan ni Hesus na Gumawa ng Kababalaghan sa Paraang Di-Inaasahan, Ang paggamit niya ng putik at laway ay medyo kakaiba. Ibig sabihin, hindi limitado ang Diyos sa kung paano siya kumikilos. Minsan, ang solusyon o himala ay dumarating sa paraang ‘di natin akalain.

Ang Pagtatanong at Pagdududa ng mga Tao, Pansinin kung paano nagtanong ang mga kapitbahay at ang mga Pariseo. Ang pagdududa, pag-aalinlangan, at kahit ang pagtanggi sa katotohanan dahil hindi ito tugma sa kanilang mga paniniwala o sa batas ay isang malaking kakulangan. Pwede itong iugnay sa kung paano tayo minsan nahihirapang tanggapin ang bago o ang hindi natin nauunawaan.

Paninindigan sa Pananampalataya sa Harap ng Panghuhusga, Ang lalaking dating bulag ay buong tapang na nanindigan sa kung ano ang nangyari sa kanya, kahit na itinawalag siya. Pwedeng pagtuunan ito ng pansin, ang kahalagahan ng pagiging matatag sa ating pananampalataya, lalo na kapag hinuhusgahan tayo o kine-kwestyon ng iba.

Ang Personal na Paghaharap kay Hesus: Sa huli, si Hesus mismo ang nagpakilala sa lalaki. Ito ang pinaka-sentro: ang personal na karanasan kay Hesus na nagbubukas ng pananampalataya at pagsamba. Pwedeng gawing tanong, “Sino si Hesus para sa’yo?” •

Ang mga “Araw ng Pamamahinga” Natin: Dahil ginawa ni Hesus ang pagpapagaling sa Araw ng Pamamahinga, na nagdulot ng gulo sa mga Pariseo. Pwede nating tanungin kung ano ang mga “batas” o “tradisyon” na minsan ay nagiging hadlang sa paggawa ng kabutihan o sa pagtanggap ng gawa ng Diyos.

GAWAIN:
1. Pagsusuri ng “Spiritual Blindness”:
Maglaan ng tahimik na oras para pagnilayan: Sa anong mga aspeto ng buhay ko ako “bulag”? Bulag ba ako sa pangangailangan ng kapwa? Sa mga biyayang natatanggap ko? Sa mga aral na gustong ituro sa akin ng Diyos? Sa aking sariling pagkakamali o pagmamataas?

2. Pagyakap sa “banal na di inaasahan”:
Isipin ang isang problema o sitwasyon sa buhay mo na sa tingin mo ay mahirap solusyunan. Pagnilayan kung paano mo ito gustong ayusin, at pagkatapos, isuko ito sa Diyos.

3. Pagninilay sa “Aking mga Pagdududa at Paghuhusga”:
Balikan ang mga pagkakataong nagduda ka sa isang tao, sa isang sitwasyon, o sa gawa ng Diyos, dahil lang hindi ito tugma sa iyong paniniwala o inaasahan (tulad ng mga Pariseo at kapitbahay).

4. Pagpapalakas ng “Paninindigan sa Katotohanan”: Isipin ang isang pagkakataon na kailangan mong manindigan sa iyong paniniwala o pananampalataya, kahit na ito ay salungat sa opinyon ng nakararami o nagdulot sa iyo ng pagsubok.

5. Pagsusuri ng “Mga Batas at Tradisyon vs. Pagmamahal: Pagnilayan ang mga “patakaran” o “tradisyon” sa iyong buhay (sa pamilya, trabaho, o pananampalataya) na minsan ay nagiging hadlang sa paggawa ng kabutihan, sa pakikipagkapwa-tao, o sa pagpapakita ng pagmamahal.

PANALANGIN: Mahalaga si Hesus sa ating buhay at tinatawag Niya tayong maging “mga anak ng liwanag.” Hingin natin sa Kanya ang biyaya ng Diyos para sa atin at sa ating mga mahal.

(Sabibin ang natatanging kahilingan)

Panginoong Hesus, Ikaw ang tanglaw ng sanlibutan at ng aming buhay. Liwanagin ang aming isipan upang makita ang Iyong katotohanan. Linisin Mo ang aming puso upang kami ay matutong magmahal. At palakasin Mo ang aming kalooban upang aming pananampalataya ay maisabuhay. Ikaw na nabubuhay at nagniningning magpakailanman. Amen.

Reply

Mel Mendoza March 14, 2026 at 11:54 pm

PAGNINILAY:
Laetare Sunday
John 9:1–41
“Dati akong bulag ngunit ngayo’y nakakakita na.”

Mga kapatid, ang ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag na Laetare Sunday, na nangangahulugang “Magalak.”
Sa gitna ng panahon ng pagsisisi at paghahanda, pinapaalala sa atin ng Simbahan na ang paglalakbay ng Kuwaresma ay patungo sa liwanag ng muling pagkabuhay.

Sa Mabuting Balita ngayon, ipinakita ni Hesus ang isang napakalalim na tanda: ang pagpapagaling sa isang lalaking ipinanganak na bulag.
Ngunit ang himalang ito ay hindi lamang tungkol sa pagkakita ng mga mata.
Ito ay tungkol sa pagkakita ng puso at pananampalataya.

Noong panahon ni Hesus, may paniniwala ang maraming Hudyo na ang kapansanan ay bunga ng kasalanan. Kaya tinanong ng mga alagad:
“Rabi, sino ang nagkasala—ang lalaking ito o ang kanyang mga magulang?”
Ngunit itinuwid ni Hesus ang maling pag-iisip na ito. Sinabi Niya:
“Hindi dahil sa kasalanan niya o ng kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos.”
Ipinapakita nito na ang paghihirap ay hindi laging parusa; minsan ito ay pagkakataon upang mahayag ang gawa ng Diyos.

Ang pagpapagaling ay naganap pa sa Araw ng Pamamahinga, kaya nagkaroon ng pagtatalo sa mga Pariseo. Para sa kanila, paglabag ito sa batas. Ngunit ipinapakita ni Hesus na ang awa at kaligtasan ng tao ay higit sa legalismo.

Simbolismo ng Putik at ng Bagong Paglikha.
Napakaespesyal ng paraan ng pagpapagaling ni Hesus. Siya ay lumura sa lupa at gumawa ng putik at ipinahid ito sa mata ng bulag.
Ang tagpong ito ay nagpapaalala sa paglikha ng tao sa
Book of Genesis 2:7,
kung saan nilalang ng Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa.
Sa paggawa ng putik, ipinapakita ni Hesus na Siya ang Maylikha na nagbibigay ng bagong paglikha. Parang muli Niyang nililikha ang paningin ng bulag.
Ang putik ay may dalawang simbolo:
• lupa – simbolo ng ating pagiging tao
• laway ni Hesus – tanda ng kapangyarihan ng Diyos
Pinagsasama nito ang misteryo ng
Incarnation—
ang Diyos na naging tao upang pagalingin ang sangkatauhan.

Ang Tubig ng Siloe at ang Sakramental na Kahulugan.
Pagkatapos pahiran ng putik ang mata ng bulag, sinabi ni Hesus:
“Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.”
Ang pangalang Siloe ay nangangahulugang “Sinugo.”
Ito ay mahalaga dahil si Hesus mismo ang isinugo ng Ama.
Ang paghuhugas sa tubig ay nagiging tanda ng paglilinis at bagong buhay.
Kaya ang tagpong ito ay madalas iugnay ng mga teologo sa
Sacrament of Baptism.
Sa bautismo rin:
may tubig
may paglilinis
may pagpasok sa liwanag ng pananampalataya
Ang dating bulag ay parang larawan ng isang taong nabinyagan—
mula sa kadiliman patungo sa liwanag.

Dalawang Uri ng Pagkabulag
Sa kuwento, may dalawang uri ng bulag:
1. Pisikal na bulag
– ang lalaking ipinanganak na bulag
– ngunit unti-unting nagkaroon ng pananampalataya.
2. Espiritwal na bulag
– ang mga Pariseo
– nakakakita ngunit ayaw tanggapin ang katotohanan.
Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Hesus:
“Upang makakita ang mga bulag at mabulag ang mga nakakakita.”
Ang mapagpakumbaba ay nagkakaroon ng liwanag;
ang mapagmataas ay nananatili sa kadiliman.

Ang Paglalakbay ng Pananampalataya
Napakaganda ng pag-unlad ng pananampalataya ng dating bulag.
Una sinabi niya:
“Ang taong tinatawag na Hesus.”
Pagkatapos:
“Siya ay isang propeta.”
Pagkatapos ay ipinagtanggol niya si Hesus bilang mula sa Diyos.
Sa huli, nang matagpuan siya ni Hesus, sinabi niya:
“Sumasampalataya ako, Panginoon.”
At sinamba niya si Hesus.
Ito ay nagpapakita na ang pananampalataya ay isang paglalakbay mula sa kaalaman patungo sa pagsamba.

Isang Napakahalagang Detalye.
Kung mapapansin natin, hindi humingi ng tulong ang bulag.
Hindi siya sumigaw tulad ni Bartimeo sa
Gospel of Mark 10:46–52.
Sa halip, si Hesus ang lumapit sa kanya.
Ipinapakita nito ang isang napakagandang katotohanan:
Minsan ang biyaya ng Diyos ay dumarating kahit hindi pa tayo humihingi.
Ang Diyos ang unang kumikilos upang iligtas tayo.

Ang Dating Pulubing Bulag ang Naging Tagapangaral
Sinabi niya:
“Isang bagay ang alam ko: dati akong bulag ngunit ngayo’y nakakakita na.”
Ito ang pinakasimpleng ngunit pinakamakapangyarihang patotoo.
Ang tunay na ebanghelisador ay hindi lamang ang maraming alam,
kundi ang taong nakaranas ng pagbabago dahil kay Kristo.

Word of the Day: “LIWANAG”
Si Hesus ang liwanag ng sanlibutan.
Kapag Siya ang liwanag ng ating buhay, nagiging malinaw ang ating landas at nagkakaroon ng pag-asa ang ating puso.

Pagsasabuhay:
Tatlong paanyaya ng Ebanghelyo:
•Kilalanin ang ating espiritwal na pagkabulag.
•Magtiwala sa salita ni Kristo kahit hindi natin lubos na nauunawaan.
•Maging saksi ng liwanag ng Diyos sa ating buhay.

Mga kapatid,
marahil hindi tayo ipinanganak na bulag, ngunit minsan tayo ay bulag sa presensya ng Diyos sa ating buhay.
Ngunit ngayong Laetare Sunday, sinasabi sa atin ni Hesus:
“Ako ang ilaw ng sanlibutan.”
Kapag hinayaan nating hawakan Niya ang ating buhay—kahit parang putik ang ating kahinaan—kaya Niya itong gawing himala ng liwanag.
Tulad ng dating bulag, nawa’y masabi rin natin:
“Panginoon, sumasampalataya ako.”

Panalangin:
Panginoong Hesus,
Ikaw ang liwanag ng sanlibutan.
Buksan Mo ang aming mga mata upang makita namin ang Iyong presensya sa aming buhay. Pagalingin Mo ang aming espiritwal na pagkabulag at palalimin ang aming pananampalataya.
Gawin Mo kaming mga saksi ng Iyong liwanag sa mundo.
Amen.

“Ang pinakamalaking himala ay hindi lamang ang makakita gamit ang ating mga mata, kundi ang makakita gamit ang ating pananampalataya—na si Hesus ang tunay na Liwanag ng mundo.”

Reply

Ruel Arcega March 15, 2026 at 5:58 am

Binigyan ng liwanag para maka kita at Anu nakita ng dating bulag si Jesus na anak ng Diyos . Isang taga pagligtas. Ito maging bunga na siya’y makakita Samaritanang yung mga nakakakita hindi nakita si Hesus. Bakit dahil sila’y rin bulag dahil hindi nila kita ang tunay na liwanag . At sila’y patuloy nabubuhay sa dilim. Ang paanyaya sa ating ng laetate ay mahal Al Tayo dahil ang puso natin ay nakikita ang Kristo na siya bukal ng liwanag kaya’t nakikita natin ang kabutihan ang pagmamahal nang Diyos sa ating at ng kapwa natin.

Reply

BdKz March 15, 2026 at 5:39 pm

What we are perceiving, we are receiving.
Look at different possibilities and solutions.
Palaging tingnan ang Diyos. Makakatanggap ng biyaya galing sa kanya. Magbubukas ang ating mga mata at magbibigay ng liwanag.
Huwag mag-alala, hindi man nakikita ang mga ginagawa ng Diyos.
Hindi naman lahat ay kailangang nating makita.
Mahalagang magtiwala sa Kanya.
Spend more time looking at God.
Lord, I trust in your vision. I trust in your plan.
Maaaring tayo ay nasasaktan,nahihirapan, at nabibigatan; maaaring ito ay kailangan para dalhin tayo sa mas magandang kalagayan.
Amen
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good.
Blessed2026
#GvSunday
Praying for a healing heart, peace, and strength.
Peace in Middle East

Reply

Jovy Uy March 16, 2026 at 9:44 am

Sa unang pagbasa, ipinakilala ng Dios na ang batayan niya ng pagpili ng hari ng Israel ay hindi ang panlabas na anyo kundi ang panloob nitong kaamuan at kababaang-loob na makikita kay David sa kanyang gawain bilang pastol ng mga tupa .

“Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Hindi siya ang hinirang ko. Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko.”….“Mayroon pang isa; ‘yong pinakabata, at pastol ng aking mga tupa,” sagot ni Jesse… Siya’y makisig na binatilyo, malusog at nangungusap ang mga mata. At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Siya ang hinirang ko; pahiran mo siya ng langis.” Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at pinahiran si David sa harapan ng kanyang mga kapatid. At mula noon, sumakanya ang Espiritu ng Panginoon.”

Sa Salmo, ipinahayag dito na si haring David ay anino ni Jesus na kinalugdan ng Ama .

“…
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.”

Sa ikalawang pagbasa, ipinakilala ni apostol Pablo si Jesus bilang Manlilikha ng liwanag sa unang araw ng paglikha nang sabihin niya na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman na bumabalot sa lupa. Ang kadiliman ay mga kasalanan na bumabalot sa puso ng tao na niliwanagan o nilinis ni Jesus sa kanyang paskal.

“Ang lahat ng nalalantad ay naliliwanagan, at ang naliwanagan ay nagiging liwanag. Kaya’t sinasabi,
“Gumising ka, ikaw na natutulog,
magbangon ka mula sa mga patay,
at liliwanagan ka ni Kristo.”

Sa gospel reading, ipinahayag dito kung sino si Jesus bilang Tagapaglikha sa pagpahid niya ng “putik” sa bulag upang makakita tulad ng ginawa niya nang pasimula nang likhain ang unang tao mula sa lupa (Genesis 2:7).

Subalit hindi siya nakilala ng mga hudyo bilang Manlilikha mula pa ng pasimula na pumarito sa lupa at nagkatawang tao upang likhain sa atin ang pusong dalisay sa pagbuhay muli ng ating espiritu sa pamamagitan ng kanyang dakilang paskal (Juan 1:1-3, 14) .

Tulad sa unang pagbasa, hinatulan ng mga Pariseo si Jesus ayon sa panlabas niyang anyo imbes na tignan ang kanyang panloob na habag na pagalingin ang bulag gamit ng putik na siya ring ginamit nang likhain niya si Adan .

“Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at padilatin ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, naghilamos ako pagkatapos, at ngayo’y nakakikita na ako.” Ang sabi ng ilan sa mga Pariseo, “Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makagagawa ng ganitong kababalaghan ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa ng palagay.Kaya’t tinanong nila uli ang dating bulag, “Ikaw naman, yamang pinadilat ni Hesus ang iyong mga mata, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya?” “Siya’y isang propeta!” sagot niya. Ayaw maniwala ang mga Judio na siya’y dating bulag, kaya’t ipinatawag nila ang mga magulang ng taong iyon. At tinanong sila, “Anak ba ninyo ito? Talaga bang siya’y ipinanganak na bulag? Bakit nakakikita na siya ngayon?” Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam po naming siya ang aming anak, at siya’y ipinanganak na bulag. Ngunit hindi namin alam kung bakit nakakikita na siya ngayon, o kung sino ang nagpadilat sa kanya. Siya na po ang tanungin ninyo. Siya’y may sapat na gulang na at makapagsasabi ng tungkol sa kanyang sarili!” Ganito ang sabi ng kanyang mga magulang dahil sa takot sa mga Judio, sapagkat pinagkaisahan ng mga Judio na itiwalag sa sinagoga ang sinumang magpahayag na si Hesus ang Mesiyas. ”

Kumusta naman tayo. Kilala ba natin ang ating Manlilikha at Mesias (pinahirang Propeta, Tagapagligtas, Mataas na Pari at Hari ).

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: