Miyerkules, Pebrero 18, 2026

February 18, 2026

Miyerkules ng Abo

Joel 2, 12-18
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

2 Corinto 5, 20 – 6, 2
Mateo 6, 1-6. 16-18


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Ash Wednesday (Violet)

UNANG PAGBASA
Joel 2, 12-18

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel

Sinasabi ngayon ng Panginoon:
“Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin,
kayo’y mag-ayuno, manangis at magdalamhati.
Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang-tao lamang.”
Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos.
Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa,
mapagpahinuhod at tapat sa kanyang pangako;
laging handang magpatawad at hindi magpaparusa.
Maaaring lingapin kayo ng Panginoon at bigyan ng masaganang ani.
Kung magkagayon, mahahandugan natin siya ng haing butil at alak.
Ang trumpeta ay hipan ninyo, sa ibabaw ng Bundok ng Sion;
iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat,
tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang lahat, matatanda’t bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
Mga saserdote, kayo’y tumayo sa pagitan ng pasukan at ng dambana,
manangis kayo’t manalangin nang ganito:
“Mahabag ka sa iyong bayan, O Panginoon.
Huwag mong tulutang kami’y hamaki’t pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin,
‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Pagkaraan, ipinamalas ng Panginoon na siya’y nagmamalasakit sa kanyang bayan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 5, 20 – 6, 2

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.

Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya:

“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”

Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!

Ang Salita ng Diyos.

AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 94, 8ab

Kapag ngayo’y napakinggan
ang tinig ng Poong mahal,
huwag na ninyong hadlangan
ang pagsasakatuparan
ng mithi n’ya’t kalooban.

MABUTING BALITA
Mateo 6, 1-6. 16-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.

“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim, ang gaganti sa iyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 13 comments… read them below or add one }

Ferdy Baetiong Pariño March 2, 2022 at 9:14 am

Unang araw ng panahon ng Kwaresma, ang banal na pagdiriwang na nanawagan sa atin ng pagsisi ng kasalanan at pagbabalik loob sa Panginoon.

At itinuro ni Hesus ang tatlong paraan ng pagpapakabanal na may kalakip na gantimpala:

Manalangin ng taimtim ng madalas na hindi pakitang tao lamang
Mag ayuno o magsakripisyo na hindi pinagsisigawan o pinahahalata sa mga tao.
Maglimos ng walang sinasabihan maging ang matalik na kaibigan

At ang Diyos sa langit ang magbibigay sayo ng gantimpala. Sapagkat kinalulugdan ni Hesus ang makasalanang nagsisisi, huminhingi ng kaptawaran at nagbabago.

Samantalahin natin ang banal na panahong ito, kailan mo pa ba balak magbago? Kung nalalaman mo lamang ang sarap ng pakiramdam ng gumagawa ng kabutihan. Magkakaroon ka ng kapayapaan ng isip at tunay na kaligayahan na hindi kayang bilin ng salapi kahit gano ka pa kayaman. Ang mga nalalabi nating oras sa mundong ito ay ialay na natin sa Panginoon. Magpasalamat tayo araw araw at magpuri sa Diyos at tayo ay buhay pa may kinakain kasama ng ating mga mahal sa buhay.

40 days ito ng pagpapakabanal at ito ay magiging daan ng tuloy tuloy nating pagbabago.

Reply

Reynald David Perez February 10, 2024 at 8:20 pm

PAGNINILAY: Ngayon ay sinisimulan natin ang 40-araw ng paghahanda para sa paggunita ng Misteryong Paskwal ng ating Panginoong Hesukristo, at ito’y tinatawag na Kuwaresma. At ang Panahon ng Kuwaresma ay palaging nagsisimula sa Miyerkules ng Abo. Ngayong araw na ito, tila nga ba’y ito ang pinakamaraming taong nagsisimba sa kani-kanilang parokya’t kapilya. Ang mga abo’y ipinapahid sa ating mga noo ay nagmula sa mga sinunog na palaspas at binasbasan ng banal na tubig. Sinisimbolo ng mga abong ito ang ating pagiging tao na may hangganan ang ating buhay sa mundong ito.

Kaya sinasabi sa Genesis 3:19 ay tayo ay nagmula sa alikabok at diyan din tayong babalik. Parang sa unang tingin ay nakakatakot ito, ngunit ang mangyayari sa atin matapos ang ating kamatayan ay bagong buhay sa kaluwalhatian kasama ang ating Paninoon. Kaya kapag tayo’y papahiran ng abo sa ating mga noo ngayon, alalahanin natin ang paanyaya ni Hesus sa Marcos 1:15 na tayo’y magsisi at magbalik-loob sa Diyos, at sumampalataya sa Mabuting Balita.

At ngayong Panahon ng Kuwaresma, 3 gawain ang ipinapaalala sa atin: (1) Ang Pag-aayuno (kasama ang Pangingilin), (2) Ang Panalangin, at (3) Ang Paglilimos. At si Hesus ay nagbigay ng isang matuwid na paalala na gawin natin ang mga ito hindi upang magyabang na tingin natin sa ibang tao na mas matuwid pa tayo, kundi kusang loob nang may kababaan ng kalooban na tayo’y nag-aayuno/nangingilan, nananalangin, at naglilimos upang mas maging matatag ang ating relasyon sa Diyos at kapwa tao.

Kaya nawa sa pagsisimula ng Panahon ng Kuwaresma, gawin nating makabuluhan ang 40 araw na ito sa tunay na pagsisisi, pagbabalik-loob, pagsasakripisyo, at paggawa ng kabutihan.

Reply

Malou Castaneda February 13, 2024 at 10:54 pm

PAGNINILAY
Sinusuri ba natin ang ating mga motibasyon? Madaling gumalaw sa buong araw at simpleng gawin ang ating mga gawain. Nag-aalala ba tayo sa iba o masyado tayong abala para mapansin ang mga tao sa paligid natin? Karamihan sa mga tao ay gustong maging mabuti. Karamihan ay nagmamalasakit sa iba at nagnanais na tulungan sila.
Ang ating mga motibasyon, gayunpaman, ay hindi palaging malinis at dalisay. Minsan, pinipili nating gawin ang isang bagay para pag-isipan tayo ng mabuti ng iba. Nagsisimba lang tayo dahil dapat lang daw nandoon tayo . Kapag tayo ay pagod, hindi natin pinapansin ang mga nangangailangan ng tulong. Kung masama ang loob natin, inilalabas natin ito sa ibang tao. Minsan lahat tayo ay nakagagawa ng ilan sa mga nasabi sa itaas. Kung ang karamihan sa ating oras at atensyon ay pangunahing nakatuon sa ating sarili at sa ating sariling mga pangangailangan, nawa’y pag-isipan natin ang ating mga kagustuhan. Kadalasan ang pinagmumulan ng ating kaligayahan ay ang mga tao sa ating buhay. Nagbibigay sila sa atin ng saya at pagmamahal. Oo, magkakaroon ng mahihirap na panahon. Gayunpaman kung ang pag-ibig ay naroroon, ang ating mga paghihirap ay malulutas. Ang kanilang presensya, pagmamahal at pangangalaga ang pinakadakilang kaloob na matatanggap natin. Nawa’y maging maingat tayo sa ating mga pagpili at desisyon.

Ngayon, Miyerkules ng Abo, simula ng Panahon ng Kuwaresma, nawa’y pagnilayan natin ang ating sariling buhay at talikuran ang mga kasalanan. Nawa’y italaga natin ang ating sarili sa Panginoon, upang tayo ay linisin Niya at maging karapat-dapat sa Kanyang mahabaging pag-ibig.

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming gawin ang lahat para sa pag-ibig ng Diyos at kapwa. Amen.
***

Reply

Mel Mendoza February 14, 2024 at 1:10 am

Miyerkules ng Abo ang hudyat na sinisimulan na nating mga pananampalatayang Katoliko ang panahon ng Kuwaresma bilang paghahanda sa Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesus sa pamamagitan ng tinatawag na Misteryo ng Paskuwa na kung saan ang ating Panginoon Hesukristo ay nagpasan, nagpakasakit at namatay sa Krus. Ang sabi ng ibang denominasyon bakit naglalagay ng dumi sa noo na dapat nga sinisimulan natin ihanda at linisin ang ating mga sarili habang pinaghandaan ng apatnapung na araw ang muling pagkabuhay ni Hesus.
Sa pagguguhit ng hugis na krus sa ating mga noo ito ay pagaalala ng ating kaabahan sa mata ng Diyos dulot ng mga kasalanan na ating nagawa sa pamamagitan ng binasbasan na mga tuyong dahon na ginawang abo kaya nga habang nilalagyan tayo ng abo sa ating mga noo sinasambit ng mga pari ang “Magbagong buhay ka at sumampalataya sa Mabuting Balita” o ” Sa Alikabok ka nanggaling sa alikabok ka magbabalik”. Ang pagsunog ng mga tuyo’t patay na mga dahon ng palaspas noong nakaraang taon ay isang simbolismo na tayo ay namatay na kasama ng kasalanan at tayong lahat ay binibigyan ng bagong pag-asa upang mabuhay na muli sa piling ni Kristo Hesus sa pamamagitan ng buong kababaang loob ng paghingi ng kapatawaran at pakikipagsundo sa kanya. Katulad ng paglalang sa ating mga tao sa aklat ng Genesis na tayo ay nanggaling sa alikabok, tayo ay babalik sa pagiging alikabok ngunit sa pagkakatawang tao ng bugtong na anak ng Diyos ay sinagip Niya tayo sa kamatayan dulot ng kasalanan upang makasama Niya tayo sa buhay na walang hanggan. Kaya kinakailangan na magbalik loob at makipagsundo sa Diyos upang manahin ang buhay na ipinangako Niya sa ating lahat. Kung tayo ay mga alikabok lamang walang dahilan para magmatigas tayo sa Diyos. Ang Kuwaresma ay ang natatanging mga araw ng pagbabanal natin sa ating mga sarili sa pamamagitan ng pagdarasal, pagaayuno, at paglilimos.

Ang tatlong mga gawaing banal na ito sa loob ng apatnapung araw ay matutulungan tayo mapaghandaan ang muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo upang maging karapat-dapat tayo sa Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Una, ang pagdarasal ito ay isa sa mga banal na gawain na dapat isagawa ng buong puso at hindi pakitang tao lamang at hindi paimbabaw lamang tulad ng paghingi ng tawad sa mga kamaliang nagawa dala ng ating mga kahinaan. Ang panalangin ay pagbubukas ito ng linya ng komunikasyon magmula sa ating puso patungo sa Diyos na naguugnay ng isang magandang relasyon sa Diyos at sa kapwa tao at ginagawa ito ng tahimik at taimtim na pakikipagusap sa ating Amang nasa langit. Pangalawa, ang pagaayuno. Ang pagaayuno ay hindi ito pagliban lang basta sa kasalanan kundi ang pagtalikod katulad ng pagka-humaling sa mga makamundong gawain hindi lang sa salita at gawa at mga paglabag sa Kautusan ng Diyos. Kasama na dito ang pagtalikod sa mga bisyo katulad ng droga, sugal, alcoholism, mga kahalayan, ang pagliban sa paboritong mga pagkain, mga gadget, mga palabas na kinaaliwan ng ating mga mata at lahat ng bagay na naglalayo sa atin sa Diyos. Pangatlo, ang paglilimos. Ito ay banal na gawain na hindi lang pinatutungkulan ang pera at mga materyal na mga bagay na pwede natin ibahagi sa ating kapwa. Kasama na dito ang 7 corporal acts of mercy. Katulad ng paglalaan ng oras sa pagdalaw sa mga may sakit, mga pagdadamit ng mga walang saplot, mga pagpapakain sa mga nagugutom, sa pagpapainum ng mga nauuhaw, sa pagpapatuloy ng mga walang tirahan, mga pagdalaw sa mga kapatid nating mga bilanggo at pagpapalibing sa mga patay. Hindi lang nasusukat ang paglilimos sa pera kundi lalo higit sa pagpapakita ng malasakit, awa at habag. Kung gaano ka generous sa atin ang Diyos dapat maging bukas palad din tayo sa mga charitable works. Higit sa lahat ito ay ang pagpapakita ng tunay na pag-ibig na kapara ng kay Kristo Hesus ang dahilan ng Kanyang pagaalay ng buhay sa krus.

Reply

Jess C. Gregorio February 14, 2024 at 6:11 am

Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:

Isa lang ang maaaring balikan ng pakinabang sa lahat ng nagawa nating mabuti sa buhay. Ito ay sa ating katawang tao o sa ating kaluluwa. Ang karaniwang pakitang-tao, obvious kung ano ang pakay, ay magdudulot ng kakaibang kasiyahan, mag papalaki ng ating ulo at malamang sigaan ang kayabangan. Mga ehemplo ay makikita sa pagnenegosyo at sa ating pagtratrabaho. Karera at ambisyon. Mga kawang-gawa o kulto na sa likod ay perang umaatikabo. Mabango at malinis na serbisyo sa mata ng tao na humahakot ng boto pero sa likod ay malakihang pang-gogoyo. Ang mga pakitang tao ay kasiya-siya mabuti man o masama. Isa pa nga rito ay tsismis at fake news blogging na kung saan masarap maging marites at troll, sumisikat pero sumisira ng karamihan. Malimit ang mga gumagawa ng kasinungalingan ay nagtatago sa depensang, “Eh ano naman kung pag uusapan, totoo naman!” Gusto lang nilang maglibang, sumikat, o kumita kaya naninira. Mga pakitang tao na ang makikinabang ay tao rin lang naman. Isa lang ang pakinabang. Ang lahat matatapos, mabubulok at mawawala sa ating kamatayan. Kasama na duon kaluluwang nanghina at di pinakain. Ang binusog lang ay ang katawang tao, nakalimutan na may isa pa siyang katangian. Pagsasayang ng buhay na naibigay. Gumawa ng mabuti at dahil pakitang tao lang ay naging walang silbi. Lason sa lahat ng nagawaran. Libadura ng mga Pariseo na ang pinalaki tila mabuti pero pawang mga kasamaan. Nag ningas sa papuri ng sangkatauhan.

Ang pag gawa ng mabuti na hindi pakitang tao ay karaniwang sinasabing gawa at grasyang ibinigay ng Diyos na kung saan ang papuri ng mga tao ay umaakyat sa langit. Ito ang mga gawa ng mga taong mapagkumbaba, hindi nakikita o naririnig, at lihim na gumagalaw sa paligid. Ang pakinabang nila ay galing sa langit at ang mabibiyayaan ay ang kaluluwang hindi rin nakikita o naririnig, lihim na nakadikit. Sa kamatayan ng katawang tao, mawala man ito, kaluluwa ay babalik sa Diyos sa napagtagumpayang pagsubok sa pagiging tao. Dala ang lahat ng saya ng mga pakitang tao na naghihinagpis sa impiyerno.

Sa pag uumpisa ng kuwaresma, panibagong pag asa ang dala para magsisi at magbalik loob. Pag pinahid ang uling sa inyong noo, pag isipang mabuti at pagmunian mga katagang, “Repent, and believe in the Gospel.”

Uling, iyan lang ang magiging tayo kung ang naging buhay natin ay pakitang-tao.

Reply

Rex Barbosa February 14, 2024 at 11:30 am

PAGNINILAY

Ang mga katagang mula kay Hesus…
“PAG-INGATAN NINYO NA HUWAG MAGING PAKITANG-TAO LAMANG ANG PAGGAWA NINYO NG MABUTI”
“SIYA, NA NAKAKIKITA NG KABUTIHANG GINAGAWA MO NG LIHIM,
ANG GAGANTI SA IYO.”

Ang “tamang” paggawa ng kabutihan ay ipinapaalala
NGAYONG UNANG ARAW NG KUWARESMA at SA LAHAT NG ARAW
• PAGLILIMOS (alms giving / KAPWA)
• PANANALANGIN (prayers / DIYOS)
• PAG-AAYUNO (fasting / SARILI)
Sa unang araw ng kuwaresma at araw ng mga puso….ipinaalala sa atin ang pagmamahal sa Diyos, kapwa at sarili.

Binigyang diin din ni Pope Francis ang tatlong tungko na napapanahon:
• Pag-aayuno: pagtalikod sa tukso na nakasisiya sa ating katawan at kaluluwa;
• Pananalangin: pagtalikod sa pagsamba sa mga diyus-diyosan at isiping makakayanan nating ang lahat kung kasama si Hesus… at
• Paglilimos: pagtalikod sa kabaliwang pag-iimpok para sa ating sarili dahil hindi natin tiyak kung magigising pa tayo kinabukasan.

Sa pagsisimula ng Kuwaresma at araw ng mga puso, nawa’y maging tapat tayo sa Kanyang panawagan. Nais ni Hesus na ang ating puso ay handa sa Kanyang pagdating.

NAWA’Y ANG ATING PAGSASAGAWA NG PAG-AAYUNO, PANANALANGIN, AT PAGLILIMOS AY DALHIN TAYO SA BUHAY NA WALANG HANGGAN.

Tandaan lagi na LAHAT NG PANAHON ay PANAHON NG PAGHAHANDA.

Reply

RFL February 14, 2024 at 9:32 pm

Ash Wednesday + Valentines Day

Joel 2, 12-18
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17
2 Corinto 5, 20 – 6, 2
Mateo 6, 1-6. 16-18

Ngayon ko lang naranasan na matapat ang Ash Wednesday sa Valentines Day. Ano ba ang pipiliin na icelebrate? Yung nakakakilig na Valentines o yung seemingly malungkot ngunit makahulugang Ash Wednesday? Sa tingin ko’y pwede nating icelebrate both sapagkat ang Diyos ang pinakafaithful na mangingibig natin. Sapagkat ang Diyos na sa ati’y umiibig mula noong una hanggang wakas ay dapat nating iprioritize at bigyang oras at pagpapahalaga. Inibig tayo ng Diyos kahit na tayo’y may malaking pagkakasala sa Kanya at sa ating kapwa. Mula noon hanggang sa wakas ng panahon ay iniinvite tayo ng Panginoon na magbalik-loob sa Kanya. Iniinvite tayo ni Kristo na iwaksi ang ating kasalanan at mamuhay ayon sa pamumuhay at mga turo na ipinakita Niya noong Siya’y namalagi sa mundo at magpahanggang ngayon ay itunuturo sa pamamagitan ng Simbahan.

Paano ba tayo makakapagbalik-loob? Bakit ba kailangang magbalik-loob sa Panginoon? E paano kung ayaw magbalik-loob sa Panginoon?

Bakit kailangang magbalik-loob sa Diyos? Sapagkat tayo’y nagkasala. Malaki ang ating utang sa Diyos at hindi natin ito mababayaran. Inibig Niya tayo ng buo, ibinigay ang bugtong na Anak, ngunit ano ang isinukli natin? Karahasan, pagbibisyo, walang unforgiveness, selfishness, idolatry at marami pang iba. In our lifetime and the next, hindi natin kailanman mababayaran ang utang natin na mga kasalanan sa Diyos. Kaya nga kinailangang bumaba ni Hesus dito sa atin upang tayo’y iligtas at bayaran ang ating pagkakautang nang buong buo.

Paano tayo makakabalik-loob sa Diyos? REPENT. Mula pa nuong unang nagpreach si Hesus ay inaanyahan na tayong magrepent. Turn away from sin and head towards God. Turn to Jesus, our Savior. Siya ang ating Shepherd patungo sa Ama, patungo sa buhay na walang hanggan na may kapayapaan at kaligayahan. Eliminate our sins and keep one’s life from sinning. Mahirap ito… ngunit ang requirement ng Diyos ay magrepent… ang pakikipaglaban sa kasalanan ay napagtagumpayan na ni Hesus at tayo’y biniyayaan ng Espiritu Santo to keep oneself pure.

E paano naman kung ayaw magrepent, patuloy pa rin sa pagkakasala, at binalewala ang paanyaya ng Panginoon? Let God be the judge.

Ngayong Ash Wednesday, nagsimula na naman ang panahon ng Kuwaresma. Pinaaalalahanan tayong sa abo tayo nagmula. At pagkaraan ng buhay natin sa mundo, ay ating matatamasa ang buhay na walang hanggan. Ang tanong lang ay saan ba natin iispend ang eternity? Sa ibinigay ba na eternity ni Kristo? O sa walang hanggang apoy? Ating pagnilayan at buong pagpapakumbabang magbalik-loob sa Panginoon, na umiibig sa atin nang buong buo at wagas. Hindi pa huli ang lahat. Amen.

Reply

Charles Paul Xavier Sopena February 8, 2026 at 11:48 am

Mga kapatid, inaanyayahan tayo palagi ng Diyos na magiging mababa tayo. “Panunumbalik” – salitang may kaakibat na pagsuko, paggaling at pag-asa, mga elemento na kinakailangan natin sa araw-araw nating buhay, ang Diyos ang siyang ating kalakasan pinagmumulan ng kasaganaan at pagyakap sa katotohanang tayo ay mga anak ng Diyos. Sa Pagpasok ulit natin sa panahon ng kuwaresma ay inaanyayahan tayo palagi ng Diyos na kahit yung mga pumapasok sa “Religious Life” ay mga pagkakataong ang pakiramdam ay ang lapit natin sa Kanya, pero malayo ang puso at isip natin sa kung ano ang ibig Niya sa atin. Ito ang panahon na panibaguhin ang sarili, sa literal na aspeto mga hindi kaaya-ayang pag-uugali, masama ang pakikitungo, mataas ang tingin sa sarili, mapanghusga at pagkanya-kanya – ni isa sa mga ito ay hindi pumapasok ang Espiritu ng Diyos dahil walang puwang sa puso ng Diyos ang mga hindi kanais-nais na gawain ng isang tao. Himay-himayin natin mga kapatid:

1. Pagsuko – Ang Diyos ay patuloy na yumayakap sa mga taong kumikilala sa Kanya, sumasamba sa Kanya, Nagpapasalamat sa Kanya na kahit sa pinakamaliit na bagay ay pawang niyayakap ng Diyos ang pagtanggap sa isang tao na siya ay walang maipagmamalaki – “KENOSIS” self emptying, paghubad sa sarili na siya ay walang-wala – sa yaman, sa material o kahit sa mundong namamantala. Isinusuko niya sa Diyos ang lahat ng mga kahinaan, pagkakamali, failures dahil alam niya sa sarili niya na iyon ang katotohanan sa kanyang buhay o sa buhay ng isang tao. Para nang sa gayon, makita ng Diyos ang kalinisan, ang dalisay na pagtanggap sapagkat siya ay nagsisisi at nanumbalik sa Diyos na parang isang alibughang anak.

2. Paggaling – Sa pagsuko sa Diyos ay may paggaling, tayo ay gumagaling sa pisikal at mental maging sa ating espiritual life na kung saan hinihilom ng Diyos ang kanyang anak. Madalang sa atin ang pangungumpisal sa Pari, dahil tayo ay may mga kanya-kanyang sakit. Ikinukumpisal natin sa Pari ang ating pagkakamali mga pagkakasala upang sa pamamagitan nila tayo ay mapatawad ng Diyos. Patuloy tayong pinapagaling ng Diyos sa ating mga kasalanan. Hindi lang pangungumpisal sa Pari, kundi sa personal na relasyon natin sa Diyos at sa ating kapwa – ang pag-ibig na walang gawa ay patay na pag-ibig o sa bunganga lamang hindi sa gawa. Patuloy tayong humiling ng kagalingan sa Diyos sa kabila ng mga nararanasan natin.

3. Pag-asa – Ito ang tunay pag-alab ng damdamin, dapat nating isapuso at itanim sa isip natin na ang Diyos ang pag-asa – ito ay parang kandila natin, hangga’t lumiliyab hangga’t umiilaw at ito ay ating tinitingnan, si Hesus ang tinitingnan natin – Siya ang patuloy na mag-iilaw sa atin, si Hesus ang ating kaligtasan at nawa ang pag-asang ito ay maibigay, maipadama natin sa ating kapwa. Huwag tayong maging sanhi ng ikakapamahak nila, bigyan natin sila ng rason na habang may buhay ay pag-alabin palagi ang pag-asa at sa pag-asang ibinibigay sa atin ay may pananampalataya na ating pinanghahawakan mula sa Diyos.

Kaya mga kapatid, huwag tayong panghinaan ng loob sa panahon ng kuwaresma. Ito ay ang patuloy na paanyaya sa atin ni Hesus na maniwala at manumbalik sa Kanyang kapangyarihan. Siya ang ating buhay at kalakasan. Amen.

Reply

Joshua S. Valdoz February 17, 2026 at 8:39 pm

PAGNINILAY: Bukas ay Unang araw ng panahon ng Kwaresma, ang banal na pagdiriwang na nanawagan sa atin ng pagsisi ng kasalanan at pagbabalik loob sa Panginoon.

At itinuro ni Hesus ang tatlong paraan ng pagpapakabanal na may kalakip na gantimpala:

Manalangin ng taimtim ng madalas na hindi pakitang tao lamang
Mag ayuno o magsakripisyo na hindi pinagsisigawan o pinahahalata sa mga tao.
Maglimos ng walang sinasabihan maging ang matalik na kaibigan

At ang Diyos sa langit ang magbibigay sayo ng gantimpala. Sapagkat kinalulugdan ni Hesus ang makasalanang nagsisisi, huminhingi ng kaptawaran at nagbabago.

Samantalahin natin ang banal na panahong ito, kailan mo pa ba balak magbago? Kung nalalaman mo lamang ang sarap ng pakiramdam ng gumagawa ng kabutihan. Magkakaroon ka ng kapayapaan ng isip at tunay na kaligayahan na hindi kayang bilin ng salapi kahit gano ka pa kayaman. Ang mga nalalabi nating oras sa mundong ito ay ialay na natin sa Panginoon. Magpasalamat tayo araw araw at magpuri sa Diyos at tayo ay buhay pa may kinakain kasama ng ating mga mahal sa buhay.

40 days ito ng pagpapakabanal at ito ay magiging daan ng tuloy tuloy nating pagbabago.

Reply

Mel Mendoza February 18, 2026 at 5:41 am

PAGNINILAY:
Mateo 6, 1–6. 16–18

Ngayon araw ay Miyerkules ng Abo ang simula ng Kwaresma, inaanyayahan tayo ng Panginoon na pumasok hindi lamang sa apatnapung araw ng ritwal, kundi sa apatnapung araw ng pagbabalik-loob. Sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo (Mateo 6, 1–6.16–18), itinuturo ni Hesus na ang tunay na kabanalan ay hindi palabas kundi panloob.

Sa Mabuting Balita tatlong haligi ng Kwaresma ang binigyang-diin: pagdarasal, pagaayuno, at pagkakawanggawa. Ngunit hindi ang dami o ang pagpapakita ang mahalaga, kundi ang paghahanda ng puso.
Ang pagdarasal ay hindi pagtatanghal, kundi pakikipag-ugnayan sa Amang nakakikita sa lihim.
Ang pagaayuno ay hindi pagpapahirap sa sarili upang mapansin, kundi pagdidisiplina upang luminis ang kalooban.
Ang pagkakawanggawa ay hindi paghahanap ng papuri, kundi tahimik na pakikiisa sa awa ng Diyos.

Sa simula ng Kwaresma, tinatawag tayong magsara ng “pinto” — pinto ng kayabangan, ng pagpapakitang-tao, ng paghangad ng papuri — at buksan ang silid ng ating puso. Sapagkat doon tayo tunay na nakikita ng Ama.
Ang gantimpala ng Diyos ay hindi palakpakan ng mundo, kundi pagbabagong-buhay.

Ngayong Kwaresma, ang tanong ay hindi: Ano ang ipapakita ko?
Kundi: Ano ang isusuko ko upang mas lumapit sa Diyos?

Sa bawat panalangin, pagaayuno, at pagkakawanggawa ngayong Kwaresma, nawa’y lalo tayong ilapit ng Panginoon sa Kanyang Banal na Puso.

? Panalangin:
Ama naming nasa langit, turuan Mo kaming manalangin, mag-ayuno, at magkawang-gawa nang may malinis at mapagpakumbabang puso. Linisin Mo ang aming hangarin at ibalik Mo kami sa Iyo. Amen

Reply

Prince De Leon February 18, 2026 at 7:16 am

Sa pagsisimula natin ng mga araw ng kwaresma, Itinuturo sa atin ng Mabuting Balita na ang tunay na kabanalan ay hindi para ipakita kundi para ialay sa Diyos. Binanggit ni Hesus ang tatlong gawaing panrelihiyon: paglilimos, pananalangin, at pag-aayuno. Ang babala Niya: huwag itong gawin upang hangaan ng tao, kundi gawin nang lihim bilang tapat na pag-ibig sa Ama.

Sa ating panahon, madaling mahulog sa “pakitang-tao” — paggawa ng mabuti ngunit may kasamang paghahangad ng papuri, pagkilala, o pagtingin ng iba. Maging sa simpleng pagtulong, maaari nating hanapin ang “like,” papuri, o pagkilala. Ngunit malinaw ang paalala: kung papuri ng tao ang hanap, iyon na ang gantimpala. Panandalian at mababaw.

Ang Diyos na “nakakikita sa lihim” ang tunay na dapat nating kalugdan. Ang gantimpalang mula sa Kanya ay hindi palaging materyal; madalas ito’y kapayapaan ng puso, lalim ng pananampalataya, at tahimik na kagalakan na alam mong ang iyong ginawa ay para sa Kanya.

Hamon sa ating mga sarili
1. Bakit ko ginagawa ang mabuti — para ba sa Diyos o para sa pagkilala ng iba?
2. Kaya ko bang gumawa ng kabutihan kahit walang makapansin?
3. Ang aking panalangin ba ay pakikipag-ugnayan sa Ama o pagganap lamang sa nakasanayan?

Patuloy tayong manalangin at pagnilayan ang mga salita ng Dyos higit ngayong season ng kwaresma. Amen.

Reply

Jovy Uy February 18, 2026 at 2:57 pm

PAGNINILAY

Sa unang pagbasa, bilang gawain ng isang propeta na magbigay babala hinggil sa ginagawang kasalanan ng tao, ipinaliwanag ni Joel na ang tunay na kahulugan ng pagsisi ay isang seryosong pagbabalik loob sa Dios at ang pagpapakita ng “pagnanais” na makabalik o makasundo ang Dios ay sa pamamagitan ng paghingi ng tawad (pagsisisi), pag-aayuno, pananangis o pagdadalamhati. Subalit hindi ibig sabihin na kapag nagawa mo na itong mga ekspresyon pagnanais na bumalik sa Dios ay nakapanumbalik ka na. Mga panimulang proseso pa lamang ito ng pagbabalik loob. Sapagkat ang Dios ay “hustisya” o “kayarungan ay kailangan “mapagbayaran” muna ang nagawang kasalanan upang tuwirang makumpleto ang pagbabalik loob sa Dios (Mateo 5:26).

“Sinasabi ngayon ng Panginoon:
“Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin,
kayo’y mag-ayuno, manangis at magdalamhati.
Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang-tao lamang.”
Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos.
Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa,
mapagpahinuhod at tapat sa kanyang pangako;
laging handang magpatawad at hindi magpaparusa.”

Sa Salmo, ipinakita ni David kung paano siya nagsisi sa Dios ng taimtim, taos puso at di pakitang tao lamang na dapat nating pamarisan:

“Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!

Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.”

Sa ikalawang pagbasa, ipinapaalam ni Pablo ang kumpletong paraan upang makapanumbalik tayo sa Dios ng minsan magpakailanman.

“Mga kapatid, ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.

Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya:

“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”

Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!”

Sa pamamagitan ng pakikinig ng salita ng Dios sa Biblia kung paano tayo minahal ng Dios sa pamamagitan ng paskal ni Jesus, darating sa atin ang tunay na pananampalataya na magliligtas sa atin magpakailanman nang hindi na paulit-ulit pa na humihingi ng tawad sapagkat paano kung hindi tayo nakahingi ng tawad bago pumanaw , delikado di ba? Pero kung memorial lamang ang ginagawang mga ritwal at hindi para matamo ang kaligtasan ay maganda itong ekpresyon ng paniniwala kay sa paglikha at paskal ni Jesus (Hebreo 9:12, Isaias 46:4, Juan 10:28).

Sa gospel reading, kinumpirma ni Jesus kung paano makapanumbalik ang isang tao sa Dios tulad ng sinabi ni propeta Joel at haring David na paraan upang makita ng Dios ang taos pusong pagnanais na makapanumbalik nang sa ganoon ay ipapahayag sa atin ng Dios sa pamamagitan ng salita Niya sa biblia ang paraan ng lubusang paraan ng panunumbalik ng minsanan at walang hanggan na tinukoy ni apostol Pablo sa ikalawang pagbasa.

“Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit…”

Kumusta naman tayo. Nabatid na ba natin ang minsan at magpakailanman na panunumbalik sa Dios o nasa proseso parin tayo ng paulit ulit na paghingi ng tawad, pag-aayuno, pagtangis o pagdadalamhati na di alintana ang biglang pagpanaw na di parin nalulutas ang isyu ng kasalanan o di pa nabatid ang “ultimate one time big time solution” ng kasalanan upang siguradong palangit na?

Reply

BdKz February 18, 2026 at 5:18 pm

*The ashes are a public confession to turn away from sin and promise to pray for my brother and sister.
Amen
God is good sobra sobra
Sobra sobra God is good
Thank You, Lord
#GvWednesday
Blessed2026

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: