Podcast: Download (Duration: 7:38 — 6.1MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Manalangin tayo sa Diyos Ama na tinawag tayong maging kanyang malalayang mga anak sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesu-Kristo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng Araw ng Pangilin, basbasan Mo kami.
Ang lahat ng mga Kristiyano nawa’y ituring ang mga utos ng Diyos bilang pinto sa kalayaan mula sa pagkakasala at bilang paraan ng paglilingkod sa Diyos at sa kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng mga mambabatas nawa’y gumawa ng mga makataong batas na maglilingkod para sa ikabubuti ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang batas nawa’y huwag nating ilagay nang higit pa sa ating pagkatao bagkus unahin ang pagpapatupad ng dakilang utos na magmahalan tayo, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga nababahala sa kanilang karamdaman nawa’y makatagpo sila ng kaginhawahan at lakas sa mga taong nagmamahal at kumakalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumao nawa’y tanggapin ang walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, nawa’y maging paanyaya sa amin ang bawat batas mo upang mahalin at paglingkuran ang aming kapwa at upang sila ay unawain, igalang, gabayan at maging amin ring gabay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Lunes, Enero 19, 2026
Miyerkules, Enero 21, 2026 »




{ 10 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig. Siya’y nahahabag sa pinagdadaanan ng tao sa buhay. Kaya tayong mga Kristiyano ay tinatawag na mahalin ang kapwa-tao sa pagpapamalas ng kabutihan.
Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paghaharap ni Hesus sa mga eskriba at Pariseo sapagkat napansin nila ang mga Apostol ay nangingitil ng uhay sa Araw ng Pamamahinga. At ayon sa Kautusan ni Moises, labag sa utos tungkol sa sabat ang pagtratrabaho. Ngunit ang tugon ni Hesus ay ang kwento ni Haring David at ang kanyang mga kasamahan nang sila’y mamamatay na sa taggutom, at kinain nila ang tinapay mula sa altar na dapat ang mga pari katulad ni Ahimelech lang ang maaring hawakan ito. Kaya ito’y naging espesyal na pagkakataon sapagkat ginawa iyon ni David upang mapalusog sila. Ang naging aral ng salaysay ay nang sabihin ni Hesus na ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa ng Diyos para sa tao, at hindi ang tao ang gumawa ng okasyong iyon. Bilang Anak ng Tao, si Kristo ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.
Ang ikatlong utos ay nagsasaad sa paggalang at pagsamba sa Diyos na lumikha ng sandaigdigan sa loob ng 6 na araw at isinaalang-alang ang ika-7 bilang pamamahinga. Kaya sa ating mga Kristiyano, ang ating “sabbath” ay tumapat tuwing araw ng Linggo sapagkat inaaalala natin ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon. Ang Pagkabuhay ng Panginoon ay itinuturing na “ikawalong araw” sapagkat ito’y tanda ng pagbubukang-liwaway ng bagong nilikha. Tayo ay minarapat na biyayaan ng karapatang maging mga anak ng Ama. Tinitignan niya ang puso ng bawat taong mapagkumbaba sa kabila ng mga abilidad at kakayahan. At ito’y pinatunayan ni Haring David sa Unang Pagbasa nang siya’y pinili ni Propeta Samuel na maging susunod na Hari ng Israel pagkatapos ni Saul. Si David ay ang pinakabunsong anak ni Jesse, at siya ang pinili ng Diyos na pahiran ni Samuel ng langis. Makikita dito na hindi tinitignan ng Panginoon ang pisikal na kaanyuhan ng tao, kundi ang mabuting kalooban nito. Kaya nga nagmula sa angkan ni David ang ating Panginoong Hesukristo, at narinig nga natin sa Ebanghelyo ang kanilang ginawa.
Ito’y nagpapaalala sa atin na mahalaga ang batas para sa ating kaayusan at disiplina. Subalit ang diwa ng batas ay kailangan nating ipairal na dapat manaig sa ating mga puso ang paggawa ng mabuti sa kabila ng mga paghihigpit sa ating mga paligid. Kaya ang mahalaga dito na sa bawat araw, lalung-lalo na sa Linggo, maghari nawa ang ating pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao sa kabila ng mga striktong pagsunod sa kautusan. Kung tayo ay itinuturo na gumawa ng tama at talikdan ang masama, gawin natin itong pagkakataon na gumawa ng mabuti, at kasama na diyan ay ang pagpapamalas ng ating awa at malasakit sa ibang tao.
Amen ?
Amen
Ang Mabuting Balita para sa Enero 16, 2024:
…Nang siya at kanyang mga kasama’y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog NG Diyos.
Dapat po:
…Nang siya at kanyang mga kasama’y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog SA Diyos.
Salamat po!
Panginoon, pagliwanagin Nyo po ang katotohanan sa aming buhay!
Marahil ay may mga pangyayari na sa ating buhay kung kailan nalalabuan tayo sa mga inuutos ng Panginoon sa atin. Mahalin ang kaaway. Kapag inutusan ka ay gawin mo ito nang higit pa sa inuutos. Putulin mo ang kamay mo kung ito’y nagdudulot sa iyo ng kasalanan. Bagamat ang huling sinabi ay huwag naman sanang iinterpret ng literal at nawa’y matagpuan natin yung totoong meaning nito sa ating buhay, hindi nagkakamali si Kristo sa Kanyang mga turo. Noong panahong Siya ay nasa lupa, siguro’y mas malabo pa sa putik ang katuruan ni Hesus sa mga mata ng mga Pariseo. Bakit nga naman hindi? Ang nakagisnan nilang batas (at ang mga dinagdag nilang batas over time) ay umiiral sa buong Judea. Naging parang robot ang mga ito at nakalimutan na ang pinagmulan ng batas ay ang Diyos na puno ng pag-ibig.
Ngunit salamat sa Panginoon sa pagsugo Niya kay Hesu-Kristo para sa atin, na Siyang nagreveal sa atin ng katotohanan sa likod ng mga batas at ito ang pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ni Kristo ay naguumapaw sa ating puso. Kaya naman, kapag tayo’y kailangan magdesisyon o may kailangang gawin, o kahit sa ating pagninilay-nilay, isa sa mga dapat nating isipin siguro ay ito: Itong gagawin ko, loving ba ito? Hindi ba ito selfish? Ayon ba itong gagawin ko sa pag-ibig ng Diyos? Ayon ba ito sa example ni Kristo? Ayon ba ito sa sinabi ni Hesus na: Love your neighbor as yourself?
Nawa’y ang pag-ibig ni Kristo ay magsilbing Liwanag sa ating mga gagawin dito sa mundo. Amen.
MAGANDANG BALITA NGAYON – MARTES NG IKALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON/ Paggunita kay San Antonio, abad
MARCOS 2:23-28 Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Hesus at ang kanyang mga alagad sa tabi ng triguhan. Habang daa’y nangingitil ng uhay ang mga alagad, kaya’t sinabi ng mga Pariseo kay Hesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyan kung Araw ng Pamamahinga!” Sinagot sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong si Abiatar ang pinakapunong saserdote? Nang siya at kanyang mga kasama’y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos. Ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon, ngunit kinain iyon ni David, at binigyan pa ang kanyang mga kasama.” Sinabi pa ni Hesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa kabutihan ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Kayat maging ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”
MAGNILAY: Ikaw ba ay taong hindi na nawalan ng napupuna sa iba kaya kahit maliliit na bagay pinalalaki? Ganito naging ang mga Pariseo. Puno sila ng hinala sa kapwa at hindi nauubusan ng ipaparatang sa iba. Laging may mali ang iba. Ang masaklap ay ginagawa nila ito sa ngalan ng pagtupad ng mga batas ng Diyos at pinalalabas na ganito rin ang pananaw ng Diyos. Ang pagpitas ng butil ng mga trigo ng mga alagad dahil nagutom sila ay pinalalabas agad nilang labag sa batas ng Sabat dahil katumbas ito ng pag-aani. Agad silang pinasinungalingan ni Hesus. Ang nangyari ay katulad noong panahon ni David na pinayagan silang kainin ang tinapay sa templo na saserdote o pari lang ang dapat kumain alang-alang sa malasakit sa mga nagugutom. Ganun din sa mga alagad. Gutom sila marahil dahil na rin sa misyon na ginagawa nila. Kasalanan bang pumitas ng ilang butil para maibsan ang kanilang gutom? Napakalayo naman nito sa pag-ani na pinagbabawal muna kapag Sabat para makapagpahinga naman at puro ang kumita ang iniisip. Mag-ingat tayo na mahulog sa pagiging mapamuna na wala na sa lugar. Laging tandaan na ang espiritu ng batas ay pag-ibig. Ginawa ang batas para sa kapakanan at ikabubuti ng tao.
MANALANGIN: Panginoon, mamayani nawa ang pag-ibig at malasakit sa pagtupad namin ng iyong mga batas.
GAWIN: Maalarma kung laging mali na lang ang nakikita mo sa iyong kapwa.
Pagninilay sa Mabuting Balita ni Jess C. Gregorio:
May plano ang Panginoon. Ang lahat ng maiisip ng tao at gawing pamantayan o batas na dapat sundin ay nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan. Sa panahong ito, ang nagdidikta sa puso ng tao kung ano ang tama at matuwid ay ang Banal na Espiritu. At minsan, kahit na ang mga tinitingala at ginagalang natin ay nagmimistulang mga pariseo na maraming sinasabing bawal o di kaya ay maraming pinagagawa na bagay na nagpapalabo ng simpleng pananampalaya na ang buong tanging pakay ay pag-ibig o pagmamahal. Nasisilaw tayo sa katauhan, titulo, kakisigan, kayamanan, at kapangyarihan na hindi na natin nakikita ang mga maliliit na David na minsan ay hinihirang ng Diyos para sa kanyang bayan. Ang sabi ng Ama sa Langit, ““Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Hindi siya ang hinirang ko. Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko.” At dagdag pa ng Anak na si Hesukristo sa pansin na hindi Siya sumusunod sa Kautusan ng Templo tungkol sa Sabbath, “Kaya’t maging ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.” At ngayon, malimit tayong kinakausap ng Banal na Espiritu sa ating puso na ginawa niyang templo. Malimit rin na hindi natin siya pinapansin. Higit pa nating pinaniniwalaan ang sinasabi ng tao at katakutan ang mga galaw ng Diyos sa ating katauhan.
Sa unang pagbasa , ipinakita ng Dios ang anino ng pinili niyang maging Hari ng mga hari sa hinaharap. Dahil walang kakayanang sumunod si haring Saul na pinili ng mga taong Israelita kung kaya’t and Dios na ang pumili at nagtalaga ng magiging hari nila.
“At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Siya ang hinirang ko; pahiran mo siya ng langis.” Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at pinahiran si David sa harapan ng kanyang mga kapatid. At mula noon, sumakanya ang Espiritu ng Panginoon. Pagkatapos, si Samuel ay umuwi sa Rama.”
Sa Salmo ni David ay ipinakilala niya na ang tunay na hari ay ganitong mga kalidad:
“Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
Tagapagsanggalang niya’t Manunubos.
Gagawin ko siyang anak na panganay,
mataas na hari nitong daigdigan!”
Si David na aking lingkod
ang hirang kong ibinukod.
Sa gospel reading at ipinahiwatig at pinatunayan ni Jesus na si David ay anino niya na darating na Hari ng mga hari sa pamamagitan ng pagkukumpara niya sa ginawa ni David sa araw ng Sabbath.
Sinagot sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong si Abiatar ang pinakapunong saserdote? Nang siya at kanyang mga kasama’y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog ng Diyos. Ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon, ngunit kinain iyon ni David, at binigyan pa ang kanyang mga kasama.” Sinabi pa ni Hesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa kabutihan ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t maging ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”
PAGNINILAY:
Marcos 2, 23-28
“Pag-ibig”
Sa Mabuting Balita ngayon, hinaharap ni Hesus ang isang usaping ubod ng lalim: ang tunay na diwa ng ikatlong utos ng Panginoon—“Ipangilin mo ang Araw ng Pamamahinga.” Hindi ito basta panuntunan ng pahinga o listahan ng legalidad ng mga bawal at maaari. Sa gitna ng pangungutya ng mga Pariseo, inihahayag ni Hesus na ang Araw ng Pamamahinga ay kaloob ng Diyos na nagmumula sa Kanyang pag-ibig at malasakit sa tao, hindi isang pasaning nagpapabigat sa konsensya. Ang pamamahinga ay hindi laban sa buhay; ito ay para sa buhay.
Ang Ikaatlong Utos at ang Pag-ibig ng Diyos ay paanyaya sa tao na makibahagi sa pahinga ng Diyos, isang pahingang puno ng ugnayan, pagkalinga, at kagalakan. Sa halip na maging instrumento ng paghuhusga, ang Araw ng Pamamahinga ay nilayon upang pagalingin ang sugatang puso, pasiglahin ang pag-asa, at ibalik ang dignidad ng tao.
Sa ginawa ng mga alagad ang pag-ngitil ng uhay dahil sa gutom nakikita ni Hesus ang isang mas mataas na prinsipyo: ang pag-ibig ay higit sa anumang batas, at ang awa ay hindi kailanman paglabag sa kalooban ng Diyos.
Sa pahayag ni Hesus na “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa kabutihan ng tao,” ipinakikita Niya ang hermeneutics of mercy—ang wastong pagbasa sa Kautusan ayon sa puso ng Diyos.
Ang Araw ng Pamamahinga ay tipan, hindi tanikala; sakramento ng panahon kung saan ang Diyos mismo ang nagpapahinga kasama ng Kanyang bayan. At nang sabihin ni Hesus na “ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga,” Kanyang inihahayag ang Kanyang banal na awtoridad: Siya ang ganap na katuparan ng Kautusan at ang mukha ng Diyos na mapagmahal at mahabagin.
Sa Mabuting Balita, malinaw na ipinapakita ni Hesus na ang pag-ibig ang pamantayan ng Diyos, hindi ang mapang-siil na legalismo ng batas katulad ng panuntunan ng mga Pariseo. Ang Araw ng Pamamahinga ay nagiging banal hindi dahil sa dami ng ipinagbabawal, kundi dahil ito’y araw ng pag-ibig, awa, at pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa kapwa.
Pagsasabuhay:
•Iginagalang ba natin ang Araw ng Panginoon bilang araw ng ugnayan sa Diyos at kapwa, o bilang araw lamang ng obligasyon?
•Nagiging Pariseo ba tayo sa paghusga sa iba sa halip na maging daluyan ng awa?
•Pinapayagan ba nating ang pag-ibig ng Diyos ang magpahinga at magpagaling sa ating mga pagod na puso?
Ang tunay na pagsunod ay hindi mekanikal na pagtupad ng utos kundi malayang pagtugon sa pag-ibig ng Diyos.
Word of the Day
“Pag-ibig” – ang pusong pinanggagalingan ng Kautusan, ang diwa ng Araw ng Pamamahinga, at ang mukha ng Diyos na ipinahayag ni Hesus. Ang tunay na pagsunod ay bunga ng pag-ibig, at ang pag-ibig ang nagbibigay-buhay sa bawat utos ng Diyos.
Panalangin:
Panginoong Hesus, yuruan Mo po kaming maunawaan ang lalim ng Iyong mga utos na ang mga ito’y daluyan ng buhay at hindi pasanin. Linisin Mo ang aming puso sa espiritu ng paghuhusga
at punuin Mo kami ng Iyong awa at pag-ibig. Nawa’y ang bawat Araw ng Pamamahinga ay maging araw ng tunay na pakikipagtagpo sa Iyo at sa aming kapwa. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.
Hindi lahat ng Tama ay mabuti
Ngunit lahat ng mabuti ay siguradong Tama!
isa sa napakagandang halimbawa na dapat pagnilayan tungkol sa ating pagbasa ngayon ay ang kwento ng mabuting samaritano
Sa kwento ng mabuting Samaritano isang lalaki ang nilooban, sinaktan at iniwang halos patay na sa isang Daan. Naraanan siya ng isang Saserdote at agad siya NITONg nilihisan. Dumaan din ang isang levitico at ng makita ang sugatang lalaki agad din itong lumihis ng daan.
Isang Samaritano ang dumaan at walang pag aalinlangan Niya itong tinulungan.
Sa ating kwento maaring lumihis ang Saserdote at ang levitico dahil marahil sila ay patungong simbahan. At bilang lingkod ng simbahan, moong panahong iyon, Hindi maaring marumihan ( mabahiran o malagyan ng dugo ang kanilang kasuotan dahil Hindi sila papayagang makakapasok sa bahay dalanginan. Dadaan muna sila sa cleansing process ng maraming araw bago sila pahintulutang makapasok. Ito marahil ang pinagbatayan nila kung kayat nag aalinlangan Silang tulungan ang biktima. Sa kanilang paniniwala at relihiyon Tama Ang ginawa nila ngunit kung sa tawag ng pagmamalasakit at paglilingkod, at pakikipag kapwa Tao Hindi naman Ito mabuti.
Sa panig ng Samaritano, may dahilan Sana siya para Hindi tumulong, dahil nung panahong iyon ay Hindi maganda ang relasyon sa pagitan ng mga hudyo at Samaritano ngunit dahil sa tawag ng awa at habag, kinalimutan ng Samaritano ang kanilang paniniwala at pinanaig ang kabutihan. isang gawaing mabuti at sa mata ng Diyos Ito ay Tama.
May isang pari ang nakagayak na at handa Nang magmisa sa unang araw ng Nobena para sa kapistahan ng patron ng kanilang parokya. Ilang minuto na lang at magsisimula na ang misa ngunit may biglang tumawag sa pari. Isang parukyano na humihiling ng sick call para sa kanilang naghihingalong ina.
Hindi nagdalawang isip ang pari. Agad niyang pinuntahan ang naghihingalong nanay. Pagkatapos mapuntahan ng pari ang nanay, mapahiran ng langis at madasalan, namatay Ito.
Malungkot na bumalik ang pari sa parokya upang magmisa. Naantala ang misa ng isang oras.
Ngunit naituloy din naman dahil matiyagang naghintay ang mga parishioner ng malaman nila ang dahilan kung bakit na delay ang misa.
Sa buhay natin, madalas may mga prinsipyo at paniniwala tayong kailangang baguhin at baliin, sa ngalan ng pakikipag kapwa Tao. Sana sa mga pagkakataong dumarating tayo sa Punto ng pag aalinlangan kung ano ba ang dapat nating gawin, simplehan na lang natin. Tanungin natin ang ating sarili.
Kung si Jesus kaya ang nasa kalagayan ko ngayon, ano kaya ang gawin Niya?
HINDI LAHAT NG TAMA AY MABUTI
PERO LAHAT NG MABUTI SIGURADONG TAMA!