Sabado, Nobyembre 8, 2025

November 8, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Pinagkakatiwalaan tayo ng Diyos ng mga biyayang magagamit para sa kanyang kaluwalhatian at kabutihan ng kapwa. Idalangin natin na maging responsable nawa tayo sa lahat ng ito at maging karapat-dapat sa kanyang pagtitiwala.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, bigyang-lakas Mo kami sa Iyong pamamaraan.

Bilang Simbahan, tayo nawa’y maging mapagkakatiwalaan sa ating paglilingkod sa mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y maging responsable at tapat sa paggamit ng mga ari-arian ng gobyerno, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang mapaglabanan ang pagkagahaman sa pamamagitan ng pagiging mapagbigay araw-araw, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga dukha at maysakit nawa’y tumanggap ng suporta mula sa mga mapagmalasakit at mabuting-loob na mamamayan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y tumanggap ng walang hanggang yaman ng kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.

Makalangit na Ama, tulungan mo kaming huwag na matangay ng tukso ng salapi bagkus hanapin ang tunay na kayamanan ng iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 2, 2021 at 10:04 pm

PAGNINILAY: Ang Ebanghelyo ngayon ay kadugtong ng Ebanghelyo kahapon, na kung saan ikinuwento ni Hesus ang Talinghaga tungkol sa Tusong Katiwala. Ngayon naman ay binibigay ni Kristo ang aral ng parabula tungkol sa pag-uugali ng tao kapag ang usapan ay tungkol sa pera o yaman. Alam natin na ang tao ngayon ay kinakailangan ng pera at iba pang ari-arian para mabuhay sa panahong ito, lalung-lalo na ang mga taong may pamilyang inaalagaan at inaahon mula sa kahirapan. Kaya alam ni Hesus na hindi masama na maging mayamaan o humangad sa pera kung ito ay gagamitin sa makabuluhang paraan. Pero ang babala ng Panginoon sa atin ay huwag natin hayaan na mabulag o maging masyadong atat tayo sa mga bagay na ito na lilipas din. Ito ay nagbibigay pagkakataon upang makilala natin ang Diyos at ang kanyang mga pagpapala sa atin araw-araw. Sinasabi ni Kristo na walang tao ang makakapaglingkod sa dalawang panginoon; bagkus, kamumuhian niya ang isa, at tatanggapin naman ang tunay. Kaya ang ating buhay ay hindi dapat palaging umiikot sa makamundong bagay, kundi sa mga makalangit na pagpapalang kaloob sa atin ng Panginoon.

Mga kapatid, ito ay isang magandang mensahe ni Hesus para sa atin ukol sa ating tunay na hantungan sa buhay: ang kalangitan. Hindi niya minamasama kung tayo ay may hangarin na yumaman pa para iahon natin ang ating sarili at ang ating mga pamilya mula sa kasalukuyang kalagayang ating nararanasan. Kundi ang nais lamang ni Kristo ay huwag nating kaligtaan ang mga tunay na biyaya na mula sa Panginoong Diyos. At ang pinakamagandang kaloob niya sa atin ay ang buhay natin, at ang kaganapan nito ay ipinangako niyang makakamit natin sa buhay na walang hanggan kapag tayo ay naging tapat sa kanya at isabuhay ang kanyang mga utos na may pagmamahal sa kanya at sa kapwa.

Reply

ANDRI MAGDALENO LAZO November 6, 2021 at 5:26 am

Ang kayamanan at materyales sa mundo ay hindi nadadala sa kalangitan kung tayo ay papanaw na kaya atin itong ibahagi, May sinabi din si Hesus ang nagmamakataas ay ibinababa at ang nagpapakumbaba ay itinataas.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 6, 2021 at 6:26 am

Maraming pera, magandang bahay, magagarang sasakyan, may asawa’t mga anak, may posisyon, sikat, masasarap na pagkain pero nakalimutan ang Diyos! Ano ang silbi mo?
Hindi masama ang magsumikap sa buhay, sapagkat hindi nman tama ang maging tamad subalit wag nating pakiutin ang ating buhay sa pera, pera, pera. Ang pag aralan natin ay ang makuntento, marami ang mga taong walang kasiyahan, mga naging ganid, mga sakim at gagawa ng kasalanan para sa pera. Aanhin mo yan??? Hindi mo yan maipagmamalaki sa kabilang buhay pagpanaw mo. Lahat nman siguro ng tao ay gustong umunlad ang pamumuhay sa mundong ibabaw, ang pinupunto lamang ni Hesus sa ebanghelyo ay wag mong gawing Diyos ang pera. Kung ikaw mayroon, yan ay kaloob ng Diyos, lahat ng nakikita mo at nararamdaman ay kaloob ng Diyos. Wala kang dapat ipagmalaki, sapagkat anumang oras ay kayang bawiin yan ng Panginoon sa isang iglap kung nanaisin nya, kaya’t ano ang nararapat gawin? Magpasalamat kay Hesus sa lahat ng biyayang natamo mo, suklian ng kabutihang asal ang mga kaloob na ito, tumulong sa mga nangangailangan lalong lalo na ang walang wala na halos walang makain. Sambahib ang Diyos at wag ang kayamanan at ari arian. Magsisi sa mga nagawang kasalanan at humingi ng kapatawaran.

Reply

Cora Galang Orense November 6, 2021 at 7:51 am

MGA kapatid, napakabuti po Ng Diyos na nagkaloob sa atin Ng ating buhay, at Ng lahat Ng bagay na kailangan natin para mabuhay sa araw araw.kayat dapat na tayo’y laging magpasalamat sa kanya sapagkat ang ating buhay at lahat Ng nakikita at Di natin nakikitang biyaya ay nagmula lahat sa kanya. Kaya Naman, sa ating binasang Ebangelio ngayon ay ipinahihiwatig sa atin Ng ating Panginoon na matuto tayong mangalaga at magpahalaga sa lahat Ng biyayang Ito, subalit itinuro nya Rin na huwag tayong maging Sakim sa pag_ankin nito kundi bagkos ay matuto tayong magbahagi Ng Kung ano ang maroon tayong sya Rin ang nagbigay.Ang pagmamahal sa kapwa at ang pagtulong sa MGA nangangailangan ay pagpapakita Ng katotohanang nasa atin ang presensya Ng Diyos ,sapagkat ang Diyos ay pag_ibig,at Kung lagi nating iisipin Di lamang ang ating sarili kundi pati na Rin ang ating kapwa ,ang lahat Ng ating pangangailangan ay ipagkakaloob Nya.Sapagkat sinabi nyang unahin natin sya at hanapin natin ang Kanyang kaluwalhatian at ang lahat Ng bagay na ating kailanga ay kanyang ibibigay.Maghari po nawa sa atin ang kanyang kalooban.

Reply

Jess C. Gregorio November 11, 2023 at 3:45 am

Pagninilay ni Jess C. Gregorio

Sa Buhay Kristiyano hindi puwede ang dalawa. May pinaka matimbang. Dito mapupunta ang buo nating isipan, puso, lakas, at kaluluwa. Katulad ng kailangang pagmamahal sa Panginoon, dapat wagas at buo. Kung hindi malamang ito ay hindi totoo.

Reply

Guilbert Poblite November 8, 2025 at 7:26 am

PAGNINILAY: Ang pera ay parehong kaibigan at kaaway, biyaya at sumpa, mabuti at masama, kakampi at kalaban. Kung hindi ka alipin ng pera magagamit mo ito upang makagawa ng maraming mabuting bagay. Liligaya ka at makokontento sa buhay. Pero kung alipin ka ng pera sisirain nito ang buhay mo. Maninira ka rin ng buhay ng may buhay. Hindi ka makokontento kailanman. Mauubusan ka ng kaibigan. Makagagawa ka ng kasamaang kailanman di mo naisip na magagawa mo. Mamamatay ka sa kasakiman.

Sa Ebanghelyo
Pinapayuhan ni Jesucristo ang Kanyang mga tagapakinig na makipagkaibigan sa mga mahihirap sa pamamagitan ng pagbibigay ng limos at maging TOTOO at tapat sa mga maliliit na bagay na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Idinagdag pa ni Jesus na dapat ipakita ng kanyang mga alagad ang kanilang kabutihan at awa sa pamamagitan ng PAGBIGAY NG LIMOS. Kung kinakailangan, “ibenta ninyo ang inyong ari-arian at magbigay ng limos” o kawangawa (Lk 12:33). Inaasahan ng Diyos na maging MABUTING KATIWALA Tayo ng Kanyang masaganang biyaya. Ang pagiging mapagbigay ay sumusupil sa ating likas na kasakiman, kaya ang pagbibigay ng limos ay isang gawa ng pasasalamat sa Diyos para sa Kanyang PAG-IBIG at kabutihan. Sapagkat ang ating ginagawa ngayon ay magiging repleksyon ng ating buhay sa hinaharap sa Langit. Kung tayo ay mapagbigay, dito lalo na sa mga nahuhuli, nawawalan at nangangailangan ng Diyos, at tiyak din na ang Diyos ay magiging mapagbigay sa atin Ng Langit. Ang kawangawa ay ating hagdanan patungo sa Langit. Dahil ang lahat ng ating BIYAYA ay mga HIRAM lang natin sa Diyos, at kailangan nating maging PANTAY na mapagbigay sa iba. Ang Diyos ay ating PANGINOON. Tayo ay Kanyang mga lingkod. Ibigay ang nararapat sa Kanya.

GAWAIN: Paglingkuran mo ang Diyos lamang.

PANALANGIN:
Panginoong Jesus, Ibinigay Mo sa amin ang lahat ng higit pa sa aming kailangan. Nawa’y maging mapagpasalamat ako sa pagiging mapagbigay sa pagbabahagi ng mga biyayang tinanggap ko at sa mga mahihirap at sa mga nangangailangan. Nawa’y ibigay ko ang aking oras, yaman, at talento upang ikaw ay aking mapapurihan.
Amen

Reply

MEL MENDOZA November 8, 2025 at 11:22 am

PAGNINILAY:
Lucas 16, 9-15
“Trustworthiness”

Ang Ebanghelyong ito ay hamon ni Hesus sa ating trustworthiness—ang kakayahan nating maging tapat at mapagkakatiwalaan sa mga bagay na ipinagkatiwala ng Diyos. Subalit higit pa rito, ito ay paanyaya ring suriin kung sino talaga ang ating pinaglilingkuran.

Sa mundo ngayon, madaling masilaw sa kaginhawahan at sa tinig ng kayamanan. Ngunit sinabi ni Hesus, “Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon…” Ang pagiging mapagkakatiwalaan ay hindi lang tungkol sa katapatan sa maliit na bagay, kundi sa katapatan sa ating piniling Panginoon.Sino ang nasusunod sa ating mga desisyon—ang Diyos ba, o ang tukso ng materyal na kapakinabangan? Ang tunay na katiwala ay hindi hati ang puso; tapat siya sa Diyos, hindi sa mundo.

Sa teolohikal na pagninilay, ipinakikita rito ni Hesus ang prinsipyo ng divided loyalty. Ang puso ng tao ay nilikha upang magmahal at maglingkod, ngunit hindi ito puwedeng sabay na maglingkod sa dalawang magkaibang pinuno. Ang kayamanan ay maaaring maging kasangkapan ng kabutihan kung ito ay ginamit sa diwa ng pagiging tapat na katiwala. Ngunit kapag ito na ang naging sentro ng buhay, nagiging diyus-diyosan ito na pumapalit sa tunay na Diyos.
Kaya’t ang pagiging trustworthy ay hindi lang tungkol sa kung gaano tayo kasipag o kabait, kundi kung saan nakaugat ang ating katapatan. Ito ang sukatan ng tunay na kabanalan—ang pagkakaroon ng pusong buo para sa Diyos, hindi hati, hindi nadadala ng tukso, kundi nananatiling tapat sa Kanya.

Pagsasabuhay (Pastoral Reflection)
Sa ating ministeryo at araw-araw na pamumuhay, madalas tayong sinusubok sa pagpili: Diyos o ginhawa? Tungkulin o kaginhawaan? Katapatan o kompromiso? Kapag tayo’y naglilingkod sa Simbahan o sa kapwa, tinatawag tayong mamuhay nang may integridad—na kahit walang nakakakita, pipiliin pa rin natin ang tama. Ang tunay na lingkod ay hindi nabibili ng pansamantalang gantimpala, sapagkat ang gantimpala niya ay ang kaluguran ng Diyos.
Ang pagiging mapagkakatiwalaan ay isang tanda ng pusong buong-buo para sa Diyos—isang pusong marunong gumamit ng yaman bilang kasangkapan ng kabutihan, at hindi bilang panginoon ng kanyang buhay. Kaya’t araw-araw, itanong natin: Sino ba talaga ang aking pinaglilingkuran?

Word of the Day: “Katapatan” (Trustworthiness)
Ang katapatan ay bunga ng pusong nakasentro sa Diyos. Kapag Siya ang una sa ating buhay, ang lahat ng ating ginagawa ay magiging tapat, malinis, at may saysay. Ang taong mapagkakatiwalaan ay yaong marunong pumili ng tama kahit mahirap, sapagkat alam niyang higit ang gantimpalang mula sa Diyos kaysa anumang kayamanang panlupa.

Ang pusong mapagkakatiwalaan ay pusong buo para sa Diyos — hindi hati, hindi sakim, kundi handang maglingkod nang tapat sa iisang Panginoon.

Panalangin:
Panginoong Hesus,Ikaw lamang ang nais kong paglingkuran.Linisin Mo ang aking puso sa lahat ng tukso ng kayamanan at kapalaluan.Turuan Mo akong maging tapat at mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay,upang ang bawat desisyon ko ay magbigay karangalan sa Iyo.Kung ako man ay madapa, ituwid Mo ako muli upang manatiling tapat sa Iyo. Ikaw lamang, Panginoon, ang aking Panginoon at Kayamanan magpakailanman. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: