Podcast: Download (Duration: 5:47 — 4.2MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Mulat sa ating misyon na magin propeta ng mahabaging pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Ama na gawin tayong tapat at matapang sa pagsasagawa ng ating mga tungkulin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Makapangyarihang Ama, palakasin mo kami
sa kapangyarihan ng iyong pangalan.
Ang Simbahan sa pamamagitan ng kanyang mga pinuno nawa’y maging tapat sa kanyang pagiging propeta na ituro sa mga tao sa ating panahon ang mga tamang bagay na pinahalagahan ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naghahangad at nagpapagal para sa isang magandang bukas nawa’y hindi panghinaan ng loob o maghinanakit dahil sa mga pagtuligsa at paglaban sa kanila, bagkus, palakasin sila ng pag-ibig para patuloy na sumulong, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang tanggapin nang bukas sa loob ang Salita ng Diyos gaano man ito kahirap o magbibigay lamang ng agam-agam para sa atin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nag-aalaga ng mga maysakit nawa’y hindi mapagod sa kanilang pagbibigay kalinga na mayroong personal na atensyon at paggalang, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga yumao nawa’y gawing malinis ng mapagpagaling na biyaya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, nabuhay si Jesus tulad ng kanyang ipinangaral. Ibigay mo sa amin ang Banal na Espiritu upang makasunod kami sa kanya nang walang pag-aatubili patungo sa kanyang Kaharian kung saan siya ay Panginoon magpakailanman. Amen.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Oktubre 29, 2025
Biyernes, Oktubre 31, 2025 »




{ 7 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay isang magandang paalala ni San Pablo tungkol sa ating katatagan sa Panginoon. Sinasabi ng Apostol na walang kahit sinumang tao o anumang bagay ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Panginoong Diyos. At ang Diyos ay puno ng pagmamahal sa daigdig, kaya’t ibinigay niya ang kanyang Anak na si Hesukristo. Kung si Isaac ay kanyang iniligtas sa pagsubok kay Abraham, si Hesus naman ay kanyang niloob na ialay ang buhay sa Krus upang magkaroon ng kaganapan ng pamumuhay ayon sa kanyang dakilang kalooban. Kaya nga wala talagang maghihiwalay sa atin sa patuloy nating pagmamahal sa Panginoon. At napakaganda ang awit na nilikha ni Sr. Ma. Anunciata Sta. Ana, SPC na pamilyar sa mga Misa natin, ang SINONG MAKAPAGHIHIWALAY. Ito’y hango sa ating Pagbasa ngayon na wala ngang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos Ama at ng Diyos Anak.
Ang Ebanghelyo ay isang pananakit ni Hesus sa mga taong hindi tumatanggap sa kanya. May mga Pariseong lumapit sa kanya na nagsasabing ipapatay siya ni Haring Herodes Antipas. Matatandaan sa kamay ng haring pinugutan ng ulo ang pinsan ng Panginoon na si San Juan Bautista. Subalit hindi natatakot si Hesus kay Herodes, kaya ipinasabi niya sa kanila na sabihin sa hari na patuloy na nangyayari ang mabuting gawain niya hanggang sa matupad ang plano ng Diyos sa katuparan. At si Hesus ay naglabas ng sama ng loob sa banal na lungsod sa pagpapatay ng mga tao sa mga propeta ng Diyos. Makikita natin na hindi tinanggap ng mga tao ang kanilang mga mensahe, kaya ito rin ang dinadanas ni Hesus lalung-lalo na sa mga pinuno ng bayan. Alam ni Hesus ang kanyang sasapitin sa Jerusalem nang siya’y hahagupitin, ipapako sa Krus hanggang sa kanyang huling hininga. Kaya ang Misteryong Paskwal ay magsisilbing tanda upang mas makilala ng mga tao ang Diyos Ama.
Ang 2 pagbasa ay nag-iiwan ng isang hamon sa atin na palalimin pa ang ating relasyon sa Diyos na pag-ibig. Kahit tayo ay nagsusuway at tumatanggi sa kanyang mga utos, patuloy niya tayong inaakay patungo sa kanyang pagmamahal. Nawa’y kilalanin natin siya sa kabila ng ating mga pagdududa at pagkakasala nang sa gayon, tayo rin ay magiging mga mabuting saksi ng magandang balitang ito.
Papuri at Pasasalamat Saiyo Panginoon
Ang bayang pinili mo, O Ama, ayaw magpasakop sa iyo. Ngunit sadyang dakila ang pag-ibig mo, pagkat di ka tumitigil sa pagtawag sa kanila. Salamat O Diyos na makapangyarihan, na ang dakilang mong pag-ibig ay ibinihagi mo rin sa amin. Maraming salamat, Panginoon, Maraming salamat.
PAGNINILAY:
Lucas 13, 31-35
“Kupkupin”
Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapakita ng matinding pagmamahal ni Hesus sa Jerusalem — sa kabila ng paulit-ulit nitong pagtanggi at pagkasuwail. Ang mga Pariseo ay nagbabala kay Hesus na gusto siyang ipapatay ni Herodes, subalit hindi Siya natakot. Alam Niya ang Kanyang misyon at malinaw ang Kanyang layunin: tapusin ang Kanyang gawain ng kaligtasan kahit ito’y magdulot ng kamatayan.Dito ipinapakita ni Hesus ang tapang ng isang propeta at ang malambing na puso ng Diyos na kahit ilang ulit tayong tumalikod, ay patuloy na nagnanais na kupkupin tayo, gaya ng inahing nagpoprotekta sa mga sisiw.
Ang tagpong ito ay nagpapakita ng dalawang aspeto ng Divine Economy of Salvation:
Una, Ang matatag na kalooban ng Diyos – Hindi kailanman mapipigilan ang plano ng kaligtasan. Kahit may bantang kamatayan, si Kristo ay nagpapatuloy sapagkat ang Kanyang misyon ay banal at tiyak. “Hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta.”Dito, tinutukoy ni Hesus na ang kasaysayan ng kaligtasan ay madalas nagaganap sa gitna ng pagtanggi ng tao. Ngunit ang Diyos ay laging nananatiling tapat sa Kanyang plano.
Ikalawa, Ang malambing na awa ng Diyos – Sa kabila ng kasalanan ng bayan, ipinahayag ni Hesus ang Kanyang masidhing pagnanais na kupkupin sila. Ang imahe ng inahing manok na nagkukupkop ng mga sisiw ay isang theological image of divine compassion — ipinapakita na ang puso ng Diyos ay hindi galit kundi awa at pag-ibig.
Ito ang holy irony ng Ebanghelyo: habang pinapatay ng tao ang mga sinugo ng Diyos, ang Diyos naman ay patuloy na nagmamahal at nagtuturo ng daan ng buhay. Ang kabanalan ay hindi kawalan ng panganib, kundi katapatan sa kalooban ng Diyos kahit sa gitna ng panganib.
Pagsasabuhay
Tulad ni Hesus, tayo rin ay tinatawag na magpatuloy sa ating misyon ng kabutihan, kahit minsan ay may mga “Herodes” sa ating paligid — mga taong sumusubok pumigil o manira sa ating layunin. Kapag tayo’y napagod o nasaktan sa paglilingkod, alalahanin nating ang tunay na tagumpay ay nasa katapatan, hindi sa kasikatan.
Sa ating mga pamilya o komunidad, huwag tayong mawalan ng malasakit sa mga “Jerusalem” ng ating buhay — yaong mga taong tila sarado ang puso. Patuloy tayong manalangin para sa kanila, gaya ng patuloy na pagmamahal ni Kristo sa bayan Niya.
Word of the Day: Kupkupin
Mula sa salitang “kupkop,” ibig sabihin ay yakapin, protektahan, alagaan. Ang Diyos ay Diyos na mapagkupkop — hindi Niya tayo binabayaan kahit tayo’y lumayo. Sa bawat pagkakamali, naroon Siya upang mag-alok muli ng pag-ibig at pag-asa.
Panalangin
Panginoong Hesus,salamat sa Iyong di-natitinag na pag-ibig. Sa kabila ng aming mga pagtanggi at kasalanan, patuloy Mong hinahangad na kami’y yakapin at kupkupin.Turuan Mo kaming maging tapat sa aming misyon, maging matatag sa gitna ng mga pagsubok, at maging mapagpatawad tulad Mo. Nawa’y kami rin ay maging kasangkapan ng Iyong awa at liwanag sa aming mga kapwa. Panginoong Hesus kami’y nananalig sa Iyo. Amen.
patuloy po akong nagpapasalamat panginoon sa araw araw na biyayang ipinagkakaloob mo sa amin lalo na po ang buhay na patuloy mong ibinibigay sa amin,at maraming salamat po sa mga salita mo na patuloy naming nababasa nawa ay patuloy naming maunawaan ang mga salita mo at maisabuhay namin at nawa ay maibahagi namin ito sa aming kapwa,salamat po panginoon sa patuloy na pag gabay sa amin lalong lalo na po sa mga anak ko at sa buong pamilya ko,salamat po sa patuloy na pag gabay sa kanila sa araw araw nilang pagpasok at paglabas ng trabaho,maraming,maraming salamat po panginoon, Amen
MAGNILAY: Ang mga nananakot sa mga taong gumagawa ng matuwid ang tunay na takot. Ang mga taong nasa katwiran walang kinakatakutan kahit pagbantaan ang kanilang buhay.
Tinatakot ng mga Pariseo si Hesus. Pinagbabantaan siya ni Herodes. Pero hindi siya natakot. Wala siyang dapat katakutan. Alam niyang ginagawa niya ang kalooban ng Ama. Kakampi niya ang Diyos. Si Herodes sampu ng mga Pariseong inggit sa kanya ang tunay na takot. Hindi nila makayanan ang karunungan at katapatan ni Hesus. Takot sila na isang araw wala nang maniwala sa kanila. Ang manakot ang depensa nila para gumaan ang takot nila pero hindi nila matatakot ang isang tunay na matuwid at banal.
Hindi rin tayo ligtas sa mga nananakot at nagbabanta dahil nasa katwiran tayo. Tulad ni Hesus huwag tayong matakot. Kung nasa panig tayo ng Diyos at ng katwiran wala tayong dapat katakutan.
MANALANGIN: Panginoon, huwag nawa kaming mapigilan ng mga taong walang ginawa kundi ang manakot.
GAWIN: Labanan ang takot sa pamamagitan ng pananampalataya at katwiran
PAGNINILAY:
Ang Ebanghelyong ito ay nagpapahayag ng nais ni Jesus na IBIGAY ang Kanyang buhay para sa atin, at ni ang mga demonyo, ni ang sakit, ni si Herodes ang alamid ay hindi makakapigil sa Kanya. Sa pamamagitan ng Pasyon, Kamatayan, at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo, ipinakita ng Diyos ang Kanyang PAG-IBIG sa atin – dahil walang makakapaghiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos. Ito ang nagbibigay sa atin ng lakas upang labanan ang Ang masasama sa pamamagitan ng PANANAMPALATAYA hanggang sa wakas.
Ang karanasan sa pag-ibig ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na ipakita ang maalalahaning pag-ibig ng Diyos sa ating ugnayan sa iba. Kaya, ang ating Pananampalataya sa Kanya ay nagtatanggol sa atin laban sa anumang puwersa ng tao at mga pamunuan at kapangyarihan ng kadiliman. Kailangan nating maging mapagbantay at kumapit sa kung ano ang TOTOO, dahil ang ating kaaway ay isang malaking mandaraya.
Kapag tayo ay nakikipaglaban sa kadiliman ng kasamaan, kailangan natin si MARYA upang tulungan tayo na hindi tayo mawala ang ating pokus dahil si Maria ay makakapagbigay sa atin ng tamang balanse. Siya ay matatag at mapagmalasakit sa mga anak Ng DIYOS.
GAWAIN: Tayo ay magpakupkup Kay Jesus, sapagkat Walang makapaghihiwalay sa atin. Kahit ang kapangyarihan Ng kadiliman, sa kalaliman, gutom, sakit, at kawalan sa Buhay na ito, Walang makapaghihiwalay sa atin sa Pag-ibig Ng DIYOS.
PANALANGIN: (Sabihin ang natatanging kahilingan)
Panginoong Hesus, tulungan mo akong ipahayag ang aking pananampalataya nang may determinasyon. Alisin mo ang anumang humahadlang sa akin sa pag-ibig at paglilingkod sa Iyo. Gawin mo ang aking pananampalataya sa Iyo na aking liwanag at gabay. Amen.