Martes, Oktubre 28, 2025

October 28, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Oktubre 28
San Simon at San Judas Tadeo

Bilang mga bahagi ng isang gusali na ang pundasyon ay ang mga Apostol at mga propeta, ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Ama ng habag.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pagpalain mo kami na hinubog mo sa pananampalataya ng mga apostol.

Ang Simbahang Katoliko nawa’y magpatuloy sa paglago sa pamamagitan ng pangangaral at mga halimbawa ng aming mga pinuno sa pananampalataya at mga misyonero, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y magkaroon ng sigla at sigasig ni San Simon, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang tularan ang pagmamalasakit at kababang-loob ni San Judas Tadeo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y pagkalooban ng Panginoon ng kagalingan at bigyang lakas ang mga nawawalan ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y walang hanggang magtamasa ng kaganapan ng mapagligtas na kapangyarihan ng Diyos na matagal nilang pinanabikan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming maawain, sa aming pananalangin para sa iba, nawa ay makabahagi kami sa apostolikong paglilingkod ng mga tinawag at pinili. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez October 19, 2021 at 9:27 am

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng mga Apostol na sina San Simon at San Judas Tadeo. Si San Simon ay isang masigasig na rebolusyonaryo, na ang layunin ng kanyang grupo ay maghimagsik laban sa imperyo ng Roma, na sumasakop sa Jerusalem. Kaya makikita natin dito ang grupong ito ay may layuning palayain ang bayang Israel mula sa pananakop. Si San Hudas Tadeo naman ay nanggaling sa Galilea. Bagamat walang masyadong nabanggit ang mga Ebanghelyo tungkol sa kanila, sila pa rin ay tinawag ng Panginoon na maging bahagi ng 12 Apostol.

Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ang pagtawag ni Hesus sa kanyang 12 Apostol. Sila ang mga 12 Tribo ng bagong Israel, ang Simbahan, dahil sa kanilang pangangaral nagsisilbing pundasyon ng Simbahan. Ang kanilang pagiging saksi ni Kristo ang nagpapatibay sa ating pananampalataya at misyon sa pagpapatuloy ng pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Ayon sa tradisyon, magkasama sina San Simon at San Hudas Tadeo nang ipangaral nila ang Mabuting Balita hanggang Persya, at diyan sila naranas ng pagkamartir. Kaya itong araw na ito ay iisang kapistahan para sa dalawang Apostol na ito.

Ang hamon sa atin sa buhay nina San Simon at San Hudas Tadeo ay ang pakikibahagi sa misyon ng Panginoon bilang magkaibigan o magkasama. May mga pagkakataong kinakailangan natin ang tulong ng isa’t isa para ipatupad ang dakilang kalooban ng Diyos Ama. Nang tinanong ni Hudas Tadeo si Hesus sa Huling Hapunan kung paano malalaman ng mga alagad kung ano ang kalooban ng Ama, tugon ni Kristo ay ang taong nagmamahal sa kanya ay tutupad sa kanyang mga utos, at mananahan ang Ama at si Kristo sa atin. Nawa’y tayong lahat ay magmahal sa Diyos at sa kapwa sa ating pagmimisyon para sa patuloy na paglaganap ng Kaharian ng Diyos.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño October 28, 2021 at 9:34 am

Bukod sa pagbabalik loob sa Panginoon ay may isa pa tayong tungkulin, yan ay ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Tayong lahat ay mga pari, tulungan natin si Hesus at ang mga apostol sa pagkalat ng Salita ng Diyos. Paano?
Ngayon nasa panahon tayo ng makabagong teknolohiya, malaking bagay at impluwemsya ang internet, maaari mo itong magamit upang marami ang makabatid ng Mabuting Balita. Kung kaya mong magpost ng mga kalokohan, kabastusan, pagpost ng mga parinig sa kaaway mo o mga jokes at memes, mas dapat na wag kang mahiyang ang Salita ng Diyos ng ipost mo kasabay ng pagawa ng mabuti upang hindi tayo masabihang mapag imbabaw. Kung may pagkakataon ka naman ay mag patotoo ka sa magandang nangyari sayo simula ng ikaw ay magsisi , humingi ng kapatawaran at nagbago. Maari mo din simulan ito sa pagpapadala ng ebanghelyo sa mga GC ng iyong pamilya at malalapit na kaibigan. Halos araw araw din ay may online mass, tagalog at ingles, maaari mo itong ishare sa iyong newsfeed. Sa isandaang makakita ay manuod o magbasa ang sampu ay maigi na rin, atleast ay mayroon kang napasahan ng makabuluhang babasahin o panuorin. Matami ang paraan kapatid, wag kang mahihiya na patungkol sa Diyos ang maishare mo.

Reply

Joshua S. Valdoz October 27, 2025 at 8:47 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin bukas ang Kapistahan ng mga Apostol na sina San Simon at San Judas Tadeo. Si San Simon ay isang masigasig na rebolusyonaryo, na ang layunin ng kanyang grupo ay maghimagsik laban sa imperyo ng Roma, na sumasakop sa Jerusalem. Kaya makikita natin dito ang grupong ito ay may layuning palayain ang bayang Israel mula sa pananakop. Si San Hudas Tadeo naman ay nanggaling sa Galilea. Bagamat walang masyadong nabanggit ang mga Ebanghelyo tungkol sa kanila, sila pa rin ay tinawag ng Panginoon na maging bahagi ng 12 Apostol.

Narinig natin sa Ebanghelyo bukas ang pagtawag ni Hesus sa kanyang 12 Apostol. Sila ang mga 12 Tribo ng bagong Israel, ang Simbahan, dahil sa kanilang pangangaral nagsisilbing pundasyon ng Simbahan. Ang kanilang pagiging saksi ni Kristo ang nagpapatibay sa ating pananampalataya at misyon sa pagpapatuloy ng pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Ayon sa tradisyon, magkasama sina San Simon at San Hudas Tadeo nang ipangaral nila ang Mabuting Balita hanggang Persya, at diyan sila naranas ng pagkamartir. Kaya itong araw na ito ay iisang kapistahan para sa dalawang Apostol na ito.

Ang hamon sa atin sa buhay nina San Simon at San Hudas Tadeo ay ang pakikibahagi sa misyon ng Panginoon bilang magkaibigan o magkasama. May mga pagkakataong kinakailangan natin ang tulong ng isa’t isa para ipatupad ang dakilang kalooban ng Diyos Ama. Nang tinanong ni Hudas Tadeo si Hesus sa Huling Hapunan kung paano malalaman ng mga alagad kung ano ang kalooban ng Ama, tugon ni Kristo ay ang taong nagmamahal sa kanya ay tutupad sa kanyang mga utos, at mananahan ang Ama at si Kristo sa atin. Nawa’y tayong lahat ay magmahal sa Diyos at sa kapwa sa ating pagmimisyon para sa patuloy na paglaganap ng Kaharian ng Diyos.

Reply

Guilbert Poblite October 28, 2025 at 5:05 am

MAGNILAY: Ang isang magaling na lider marunong magpasa ng tungkulin sa iba. Hindi niya ginagawa lahat dahil hindi naman niya talaga kaya. Alam din niya na mas maraming gumagawa mas malawak ang maaabot. Mas maraming ulo ang nag-iisip mas magaling. Ang isang magaling na lider lumilikha ng mga bagong lider.

Ganito si Hesus sa pagpili niya ng mga apostol na isinusugo upang gawin ang kanyang misyon. Umabot sa maraming lugar at mas higit na tao ang naabot ng pananampalataya dahil sa mga apostol. Kung ano lawak ng naabot ng Simbahan ngayon ay dahil sa sinimulan ng mga apostol.

Tayo na ang mga makabagong apostol. Kaya nga huwag tayong uupo-upo lang na walang ginagawa para ipalaganap ang Mabuting Balita ng pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Makiisa tayo. Makilahok tayo. Sumama tayo! Nakasalalay sa mga kamay natin ang paglaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon sa ating panahon.

MANALANGIN: Panginoon, salamat at binigyan mo kami ng karangalan na ipasa sa amin at ituloy ang iyong misyon sa aming panahon.

GAWIN: Huwag mong hayaan ang sarili mong wala ginagawa para sa misyon ng Panginoon.

Reply

bro. guibz October 28, 2025 at 9:21 am

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng mga Apostol na sina San Simon at San Judas Tadeo. Si San Simon ay isang masigasig na rebolusyonaryo, na ang layunin ng kanyang grupo ay maghimagsik laban sa imperyo ng Roma, na sumasakop sa Jerusalem. Kaya makikita natin dito ang grupong ito ay may layuning palayain ang bayang Israel mula sa pananakop. Si San Hudas Tadeo naman ay nanggaling sa Galilea. Bagamat walang masyadong nabanggit ang mga Ebanghelyo tungkol sa kanila, sila pa rin ay tinawag ng Panginoon na maging bahagi ng 12 Apostol.

Sa Ebanghelyong ito Inaalala din nating lahat na tayo ay TINAWAG upang SUMUNOD sa mga yapak ni Hesus at tularan ang Kanyang paraan. Si Hesus ang ating modelo sa PAGTITIWALA sa Diyos. Kaya naman, kailangan nating magkaroon ng malalim na relasyon sa Kanya sa pamamagitan ng PANANALANGIN. Kung si Hesus na Anak ng Diyos ay nananalangin, sino ba tayo para hindi magdasal! Maglaan tayo ng oras para sa panalangin upang gabayan tayo ng Espiritu Santo sa bawat desisyon natin. Para mapanatili natin ang mga BIYAYA na ibinigay sa atin ng Diyos, binibigyang-diin ng Ebanghelyo na dapat tayong lagi nang manalangin. Kung walang panalangin, mawawala ang ating koneksyon at landas sa Panginoon. Kaya naman, mahalaga sa atin na magkaroon ng REGULAR NA ORAS at lugar kung saan makakapag-usap tayo sa Diyos at makikinig sa Kanyang tinig. Huwag nating hayaang lumipas ang araw na hindi NATIN NAGAGAWANG MAKIPAGTAGPO sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin. Lagi itong DESISYON na manalangin. Ilapag ang mga gadget pansamantala at manalangin, huminto sandali, at damhin ang presensya ng Diyos.

GAWAIN: Huwag mong hayaan sa bawat Araw na Wala Kang nagagawa sa pag-tupad Ng mission ni Jesus.

PANALANGIN: (Sabihin ang natatanging kahilingan)

Panginoong Hesus, nananalangin ako sa Inyo nang may pakumbabang puso. Hinihiling ko sa Inyo nang may kababaan, aking Diyos, tawagin Mo ako, piliin Mo ako, at panatilihin Mo akong malapit sa Inyo sapagkat nais kong gawin ang Iyong kalooban. Isugo Mo ako upang ipalaganap ang Mabuting Balita upang lahat ay makakilala at magmahal sa Inyo.
Amen”

Reply

MEL MENDOZA October 28, 2025 at 10:17 am

PAGNINILAY:
Lucas 6, 12-19
“Pinili”

Sa araw na ito ipinagdiriwang natin ang Kapistahan nina San Simon ang Masigasig (Zealot) at San Judas Tadeo, ang patron ng mga imposibleng kaso, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo kung paano sinimulan ni Hesus ang Kanyang misyon sa pamamagitan ng panalangin at pagtatalaga ng mga taong magpapatuloy ng Kanyang gawain.Bago pumili, magdamag Siyang nanalangin—isang tanda ng Kanyang ganap na pakikiisa sa Ama. Hindi basta-basta pumili si Hesus ng mga matatalino o makapangyarihan; bagkus, pinili Niya ang mga ordinaryong tao, bawat isa may kanya-kanyang kahinaan at kakayahan, upang maging haligi ng Simbahan.

Sa kanilang dalawa, si San Simon ay tinawag na Zealot—isang taong masigasig sa pananampalataya, handang ipaglaban ang katarungan at kabanalan ng Diyos. Si San Judas Tadeo naman, kilala sa kanyang katapatan at matatag na pag-asa sa gitna ng mga imposibleng sitwasyon. Sa kanya natagpuan ng marami ang pag-asa sa mga panahong tila walang pag-asa.

Ang tagpong ito sa Ebanghelyo ay nagpapakita ng teolohikal na ugnayan ng panalangin, bokasyon, at misyon.Hindi nagsimula ang misyon ng mga apostol sa kanilang sariling lakas, kundi sa panalangin ni Hesus—isang banal na komunikasyon sa Ama.Ang magdamag na panalangin ni Hesus ay hindi lamang paghahanda sa pagpili kundi pagbibigay ng halimbawa sa atin na anumang desisyon para sa misyon o paglilingkod ay dapat na bunga ng pakikinig sa Diyos.

Si Hesus ay modelo ng discernment: bago Niya isugo, Siya muna’y nagdasal. Sa teolohiya, ito’y nagpapahiwatig na ang bukal ng tunay na paglilingkod ay ang malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos Ama. At tulad ng mga apostol, ang ating tagumpay sa misyon ay hindi sa ating galing kundi sa grasya ng panalangin.

Hamon at Pagsasabuhay
Ang hamon sa atin ngayon ay maging masigasig tulad ni San Simon at mapagtiwala tulad ni San Judas Tadeo.Huwag tayong mawalan ng pag-asa kahit tila imposibleng ayusin ang ating mga problema, ministeryo, o relasyon. Sa halip, dalhin natin ito sa panalangin gaya ni Hesus—maghintay, makinig, at magtiwala.

Kung tayo man ay pinili ng Diyos sa isang uri ng paglilingkod—bilang apostol, ministro, o tagapagdala ng Kanyang Salita—nawa’y gawin natin ito hindi sa ating lakas kundi sa pananalangin at pakikinig sa Kanya. Ang tunay na tagasunod ni Kristo ay hindi basta masigasig sa gawa, kundi masigasig sa panalangin.

Word of the Day: Panalangin na may Pagtitiwala
Ang tagumpay ng misyon ay nagsisimula sa panalangin. Ang isang pusong nakikinig at nagtitiwala ay ang unang hakbang tungo sa tunay na kabanalan.

“Bago natin piliin ang ating landas, manalangin muna.
Sapagkat sa panalangin, naririnig natin ang tinig ng Diyos na pumipili rin sa atin.”

Panalangin:
Panginoong Hesus, Ikaw na nagmagdamag sa panalangin bago mo pinili ang Iyong mga apostol, turuan mo kaming magtiwala sa kapangyarihan ng panalangin. Tulungan mo kaming maging masigasig tulad ni San Simon, at matatag sa pag-asa tulad ni San Judas Tadeo, lalo na sa mga panahong tila imposibleng makakita ng liwanag. Gawin mo kaming tapat na alagad sa gitna ng aming mga misyon, na laging humuhugot ng lakas mula sa Iyo, ang Bukal ng lahat ng biyaya at pag-asa.Panginoong Hesus kami’y nanalig sa Iyo. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: