Biyernes, Oktubre 3, 2025

October 3, 2025

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Ipanalangin natin ang lahat ng lalaki at babae upang pakinggan nila si Kristo at tumugon sila sa tawag ng pagbabalik-loob at pagbabago.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, buksan mo ang aming mga puso.

Ang Simbahan nawa’y maging instrumento ng pagpapanumbalik ng mga tao sa kawan at maging instrumento ng paghahanda sa kanilang pagpasok sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng mga bansa nawa’y magkapit-kamay sa pagdadala ng kalayaan at dangal sa lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y mapanibago araw-araw sa pamamagitan ng pananalig sa Salita ng Diyos na tumatawag sa atin sa higit na mabuting pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinahina ng pagkakasakit nawa’y mabigyang lakas sa pag-ibig at suporta ng kanilang mga kapamilya at mga mahal sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y makamtan ang walang hanggang kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Walang hanggang Ama, hilumin mo ang aming pagmakasarili at buksan ang aming puso na tanggapin ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez September 30, 2021 at 10:32 pm

PAGNINILAY: Sa kasaysayan ng Bibliya, ipinapakita ng Diyos ang kanyang sarili sa bayan kanyang tinawag at kinilala bilang kanyang bayan sa pamamagitan ng tipan. Ngunit sa kabila ng kanyang pagmamalas ng kadakilaaan at kagandahang-loob, pinili pa rin ng tao na magkasala at sumuway sa Diyos. Mas malupit ang pagkakasala ng mga pari, prinsipe, at hari ng Juda, at isang hari ay nakipagkasunduan pa sa Hari ng Babilonia. Dahil dito, sinalakay ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem, at pinatay ang mga pinuno at kawal, ngunit ang mga natira sa mga ordinaryong mamamayan ay dinala sa Babilonia.

Kaya ito ang hinaing ng mga taong tinapon sa Panginoong Diyos, na narinig natin sa Unang Pagbasa, na mapagkumbaba nilang nakilala ang kanilang mga kasalanan. Kaya parang makatarungan ang Diyos na sila ay itinapon sa lungsod ng mabagsik na bansa. Alam nilang nagpakita ang Diyos ng mga kababalaghan, lalung-lalo na nang sila ay inilikas mula sa pagkaalipin sa Egipto. Bagamat alam nila na nararapat lang ang kanilang paghihirap dahil sa kanilang matinding kasamaan, umaasa pa rin sila na diringgin sila ng Diyos at sila ay ililikas mula sa pagtatapon sa Babilonia. Sa pag-uukit muli ng Diyos ng kanyang tipan, isinugo niya si Hesus upang tuparin ang plano ng kaligtasan bilang Mesiyas.

Sa simula ng kanyang pangnagaral, pinahayag ni Hesus na naghahari na ang Diyos, kaya’t sila ay dapat nang magsisi at sumampalataya sa Mabuting Balita. Bagamat marami ang nakikilala kay Hesus at ang kanyang mga pangangaral at kababalaghan, tila hindi lahat ay tumatanggap sa kanya at ang mensahe tungkol sa Diyos Ama. Ang Ebanghelyo ngayon ay ang hinanakit ni Hesus sa mga bayan at lungsod na hindi kumikibo nang marinig nila ang pangangaral ni Kristo at masaksihan ang mga kababalaghan niya. Una ay ang Corazin at Betsaida. Ang Betsaida ay kilalang pinagmulang bayan nina San Pedro, San Andres, at San Felipe, ngunit ito rin pala ang bayang ayaw kumilos agad na magbagong-buhay. Parang wala silang natuto sa pagkakataong tinawag ni Hesus ang 3 nilang kababayan upang maging alagad niya. Naglabas din ng hinanakit si Hesus sa bayan ng Capernaum, ang kanyang ikalawang tahanan nang magsimula na ang kanyang Pampublikong Ministeryo. Sa Capernaum madalas gumawa si Kristo ng mga kababalaghan, subalit parang hindi talaga natuto ang mga tao sa dami nang mga tanda na ipinakita ng Panginoon sa bayan nila. Kaya sinabi ng Panginoon na matinding parusa ang nakahintay para sa kanila.

Ang mga Pagbasa natin ngayon ay nagpapakita na matuwid at makatarungan ang Diyos sa kanyang paghuhukom. Kahit alam natin na siya ay mabuti, maawaain, mahabagin, mapagtiis, at banayad pa nga kung magalit, hindi niya papalampasin ang laganap na malalang kasamaan ng isang indibidwal o grupo. Kaya sinasabi ng ating bersikulo sa Aleluya: “Dinggin ninyong lahat ngayon ang tinig ng Panginoon sa loob na mahinahon” (Salmo 94:8ab). Huwag na tayong magtakpan pa ng mga tainga at magpahiga pa ng mga paa, kundi kumilos na po tayo at isabuhay ang mga gawain at pahayag ng ating Panginoon. Ang kanyang pagiging Diyos ay paalala nawa na ang nais niya sa ating lahat ay mabuting kapakanan, kahit tayo pa man ay dumadanas ng matinding kahirapan. Kung tayo’y magiging mapagkumbaba sa pakikinig sa kanya at pagkikilala sa pamamagitan ng pananampalataya, nawa’y maging makabuluhan ang ating mga gawaing ito sa pagiging mga kasangkapan niya ng kagandahang-loob.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño October 1, 2021 at 9:43 am

Ano pa at hindi pa din natatakot tayong mga tao. Ano pa ba ang gustong ipadala ng Diyos sa lupa upang tayo matakot sa Diyos at magsisi na, ang pandemyang ito na magdadalawang taon na ay hindi pa ba sapat upang tayo ay mayakot na sa Diyos at magsimula ng magbago? Amg pandemyang ito tila hindi pa matatapos hanggang sa tatlo o lima pang taon. Mga kapatid, tayo ay dasal ng dasala kay Hesus na sana’y matapos na ang pandemya subalit hindi nman tinatapos ang ating kasamaan. Natatakot tayo na mahawahan ng Covid 19 pero wala tyong takot sumuway sa sampung utos ng Diyos! Natatakot tayong mawalan ng pera pero wala tayong takot manlamang ng ating kapwa. Natatakot tayong mamatay pero habang nabubuhay ka ay hindi ka natakot kay Hesus na mangalunya, mang api, manira mg ibang tao, maki apid, mandaya, magmura, at hindi nagpapatawad ng kapatid. Suriin natin ang ating mga sarili, tayo ba ay nakikinig sa Salita ng Diyos? Tayo ba ay nakikinig sa kanyang mga kautusan, tayo ba nakikinig sa hinaing ng ating kapwa o ang gusto natin ay ang kahilingan lang natin ang dinggin ng Ama?

Reply

MEL MENDOZA October 3, 2025 at 10:52 am

PAGNINILAY:
Lucas 10, 13-16
“Awa”

Ang Ebanghelyo ngayon ay isang masidhing paalala ni Hesus sa mga bayan ng Corazin, Betsaida, at Capernaum na sa kabila ng mga himalang ginawa sa kanilang piling, nanatili silang sarado ang puso. Ipinakita Niya na kung sa mga banyagang bayan gaya ng Tiro at Sidon ginawa ang mga tanda, sila ay matagal nang nagsisi.

Subalit sa likod ng mabigat na babalang ito, lumilitaw din ang kalikasan ng Diyos bilang puspos ng awa at habag. Bakit ba paulit-ulit na nagbabala si Hesus? Hindi upang itakwil, kundi upang gisingin ang mga puso at akayin silang bumalik. Ang galit ng Diyos ay hindi tulad ng galit ng tao na nagtataboy, kundi isang makapangyarihang panawagan sa pagbabalik-loob.

Sa panahon ng Lumang Tipan, ang sackcloth at abo ay malinaw na tanda ng panloob na pagsisisi at pagpapakumbaba sa Diyos. Isinusuot at ginagawa ito upang ipahayag ang panaghoy at pagbabalik-loob. Ngunit si Hesus ay naghahangad hindi lamang ng panlabas na ritwal, kundi ng pusong handang magbalik sa Kanya.

Mas Malaki ang Pananagutan sa Mas Malaking Biyaya.
Ang mga bayan na nakakita ng himala ni Hesus ay may mas malaking pananagutan. Ganito rin tayo bilang mga Kristiyano—nakakatanggap ng Eukaristiya, ng Salita ng Diyos, at ng grasya araw-araw.

Ang Diyos ay Puspos ng Awa at Habag. Ang babala ni Hesus ay hindi hatol na nagtataboy kundi paanyaya sa pagbabalik-loob. Ang Diyos ay Ama na mapagmahal, handang magpatawad sa sinumang lumapit nang may pusong nagsisisi.

Ang Pagtanggap sa Salita ay Pagtanggap sa Diyos. Sinumang nakikinig at tumatanggap sa mga sugo ng Diyos ay tumatanggap kay Kristo mismo. At sinumang tumatanggap kay Kristo ay tumatanggap sa Ama.

Ngayon ay Unang Biyernes ng Oktubre—isang araw na iniaalay sa Banal na Puso ni Hesus, na sagisag ng Kanyang walang hanggang pag-ibig at awa. Sa buwan ding ito, ipinagdiriwang natin ang Holy Rosary Month, paanyaya ng ating Mahal na Ina na manatiling malapit sa puso ng kanyang Anak.

Ang Sagrado Corazon ni Hesus ay nag-aanyaya sa atin na tumugon sa pag-ibig at habag ng Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi at pagbabago ng puso.

Ang Rosaryo ay paalala ng awa ng Diyos na ipinadama kay Maria, at ngayo’y ipinaparanas sa atin sa bawat misteryo. Sa gitna ng babala ni Hesus sa Ebanghelyo, naroon ang paalala: ang awa ng Diyos ay laging handa, ngunit inaanyayahan Niya tayong tugunan ito nang may bukas na puso.

Ang Ebanghelyo ay isang paanyaya na maglaan ng oras ngayon upang magrosaryo at magnilay sa Misteryo ng Pag-ibig at Habag ng Diyos.
Tuwing Unang Biyernes, ialay ang sarili sa Sagrado Corazon ni Hesus bilang sagot sa Kanyang walang hanggang pag-ibig. Huwag palampasin ang mga pagkakataon ng biyaya—ang bawat Misa, ang bawat panalangin, at ang bawat himala ng pang-araw-araw na buhay ay paanyaya ng Diyos sa pagbabalik-loob.

Word of the Day: “Awa”
Ang awa ng Diyos ay hindi lamang pagkalinga sa mahina kundi kapangyarihan na nagliligtas. Sa bawat babala, may nakaugpong na imbitasyon sa kaligtasan at pagbabalik-loob.

Panalangin: Panginoong Hesus, Sagrado Mong Puso ang bukal ng awa at habag. Tulad ng mga bayan na Iyong pinaalalahanan, kami rin ay madalas nakakakita ng Iyong mga tanda ngunit nanlalamig ang puso. Huwag Mo kaming hayaang maligaw, kundi akayin Mo kami palapit sa Iyo. Sa pamamagitan ng panalangin ng Santo Rosaryo at gabay ng aming Mahal na Ina, nawa’y laging manatili ang aming puso sa Iyong mapagmahal na Puso. Amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: