Podcast: Download (Duration: 5:07 — 7.1MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati
Kasama ni Maria na nakababatid kung ano ang kahulugan ng pagdurusa, manalangin tayo sa Diyos para sa mga taong may mabibigat na pinapasan habang sinasabi natin:
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panatilihin Mo kaming tapat na tulad ni Maria, O Panginoon.
Ang mga nabibigatan dahil sa dalamhati at mga pagsubok nawa’y makatagpo ng kapayapaan at ginhawa ng loob habang pinagninilayan ang mga pighati ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang tanggapin ang mga pighati at pagdurusa sa buhay at makita ang presensya ng Diyos sa mga iyon, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ng halimbawa ni Maria, tayo nawa’y maging matiisin sa pagdurusa at masigasig sa pagtupad ng mabubuting gawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa gitna ng mga kahirapan at pagsubok sa ating pang-araw-araw na buhay, matuklasan nawa natin ang tunay na kahulugan ng buhay-Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa dahil sa karamdaman nawa’y makatagpo kay Maria ng tunay na kanlungan at aliw, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos ng lahat ng biyaya, higit pa sa lahat ng aming inaasam ang iyong balak para sa mundo. Panatilihin mo kaming nagtitiwala sa kapangyarihan ng iyong mapanligtas na pag-ibig. Hinihiling namin ito sa pamamgagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Linggo, Setyembre 14, 2025
Martes, Setyembre 16, 2025 »




{ 3 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Matapos ang Kapistahan ng Pagtatampok sa Banal na Krus (Setyembre 14), ipinagdiriwang natin ngayon ang Paggunita sa Mahal na Birhen na Nagdadalamhati. Ang Kapistahan ay unang itinatag ng Orden ng Servants of Mary noong taong 1238 at pinalaganap sa buong Simbahan ni Papa Pio VIII noong taong 1814. Ang debosyon sa Mahal na Birhen ng mga Hapis ay isang imahen ng Mahal na Ina na nagdadalamhati. Makikita natin na may pitong hapis na ating inaalala sa debosyong ito. Kaya siya’y “pito” sapagkat ang bilang na ito ay sumisimbolo sa pagkaperpekto. Bagamat nagdurusa si Maria sa mga pangyayayring hindi kanais-nais sa kanyang buhay, nakita niya ang ganap na katuparan ng plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Kaya nga habang siya’y nakatayo sa paanan ng Krus kasama si San Juan Apostol, ipinagbilin ni Hesus na ituring niya si Juan ang kanyang anak, at ang anak ay ituring niya si Maria bilang kanyang ina. Subalit higit pa sa mga taong malapit sa Panginoon ay ang pagbigay niya sa Mahal na Birhen bilang ating Ina. Si Maria bagamat nagdurusa ay naging matapat sa plano ng Panginoong Diyos nang may pananampalataya, kababang-loob, at pagtalima.
Unang nagpropesiya si Simeon na ang kanyang puso ay tatagusan ng patalim upang ang kaisipan ng maraming tao ay mabunyag. Dito’y makikita ang pagtanggap ng Mahal na Ina sa plano ng Panginoon sa kanyang puso bagamat may mga pagkakataong hindi niya naunawaan ang ilang pangyayari. Nang matagpuan nina Maria at Jose si Hesus sa Templo, hindi nila maunawaan na sinabi niyang kinakailangan niyang manahan sa bahay ng kanyang Ama. Ngunit pinahalagahan ni Maria ang bagay na iyon at pinagnilayan sa kanyang puso. At mismong sa Pasyon nang makita niyang binubuhat ng kanyang Anak ang mabigat na Krus, siya’y lumapit at minasdan siya nang may pagdadalamhati. Sa paanan mismo ng Krus ay diyan inihabilin siya sa atin bilang ating Ina, at tayo’y mga anak niya.
Kaya nga ang paalala sa atin na sa kabila ng mga paghihirap at pagdurusa natin, patuloy na gumagabay sa atin ang Panginoon hindi dahil makakatakas tayo sa mga ganitong problema, kundi upang patatagin pa ang ating pananampalataya sa kanya. At katulad ng ating Mahal na Inang si Maria, nawa’y buksan natin ang ating mga puso sa kalooban ng Diyos Ama at tumalima rito.
PAGNINILAY:
Juan 19, 25-27
“Sa pagdadalamhati ni Maria, natuklasan natin ang biyaya ng pananampalataya na kayang humarap sa krus at magbunga ng pag-asa.”
Sa ating Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati, muli nating pinagninilayan ang matinding kirot na dinanas ng Ina ng Diyos habang nakikiisa Siya sa paghihirap at kamatayan ng kanyang Anak sa krus. Ang pagdaramdam ni Maria ay hindi bunga ng kawalan ng pananampalataya kundi ng kanyang matapat na pakikiisa sa plano ng Diyos. Ang kanyang “Fiat” sa Anunsyasyon ay nagkaroon ng pinakamalalim na katuparan sa paanan ng krus, kung saan siya’y naging huwaran ng pananampalataya at katatagan sa gitna ng pagdurusa.
Karaniwang binabasa sa paggunita na ito ang Ebanghelyo ni San Juan 19:25-27 — kung saan nakatayo si Maria sa paanan ng krus kasama ang minamahal na alagad. Sa tagpong ito, inihabilin ni Hesus si Maria bilang Ina ng lahat ng mananampalataya: “Babae, narito ang iyong anak… Narito ang iyong ina.” Dito makikita na ang pagdadalamhati ni Maria ay hindi natapos sa kirot kundi nagbunga ng bagong misyon—ang pagiging Ina ng Simbahan.
Ang pagdadalamhati ni Maria ay nagiging teolohiya ng pakikibahagi sa krus ni Kristo. Siya ay hindi lamang saksi kundi aktibong kabahagi sa Misteryo ng Kaligtasan. Sa kanyang katahimikan at pagtanggap, makikita natin ang tunay na esensya ng co-redemptrix: hindi siya nagligtas, ngunit nakibahagi siya nang lubos sa plano ng Diyos. Ang kanyang “sakit” ay naging daan upang ang Simbahan ay magkaroon ng Ina na laging nakikiramay, nakikiisa, at nagdudulot ng pag-asa.
Tulad ni Maria, tayo rin ay dumaraan sa iba’t ibang anyo ng pagdadalamhati—pagkawala ng mahal sa buhay, kabiguan, o malalim na sugat sa puso. Ang paalala sa atin: hindi natatapos sa sakit ang lahat. Ang bawat pagdurusa na ating tinatanggap at iniaalay kay Kristo ay nagiging bukal ng biyaya para sa iba. Sa pamamagitan ng pananampalataya, katulad ng Birheng Maria ang ating mga luha ay nagiging binhi ng pag-asa at pag-ibig.
Panalangin:Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati, Ina naming laging kasama sa aming mga luha at pagsubok, turuan mo kaming tumayo nang matatag sa paanan ng krus ng aming buhay. Huwag mong hayaan na ang aming pagdurusa ay maging hadlang sa pananampalataya, kundi maging tulay upang kami’y maging mas malapit sa Anak mong si Hesus. Nawa’y matutunan naming magsabi ng “oo” sa plano ng Diyos, kahit sa gitna ng kirot, at maging saksi ng pag-ibig at pag-asa para sa iba. Amen.
Sorrow is proof of living and a sign of deep love.
Iakyat sa Disyos ang ating dalamhati at problema.
Ang Krus ay daan sa muling pag kabuhay.
Pain is never permanent.
Manatili kay Kristo, mahalin ang iyong krus at mag pagabay kay Maria.
Use our sorrow to motivate us to become more holy.
Transform our sorrow into something good by offering it to God, and allow it to transform; he will return it to you as strength and inspiration.
Hindi tayo pababayaan ng may kapal.
Amen.
God is good Sobra sobra
Sobra sobra God is good.
#GvMonday
https://www.youtube.com/watch?v=68l-2MxVZo8